Hemira 13 - Silid
~Yohan~
Nakahiga lang ako sa kama ko at nakatingin sa kisame.
"S-sino ka ba? Bakit kilala mo ako? At ano ang iyong mga pinagsasasabi?"
Napakagat ako ng labi ko nang magsimula nang mamasa ang mga mata ko. Naramdaman ko ang pag-agos ng mga luha ko sa gilid ng mukha ko.
Kumikirot na naman ang puso ko.
Tama ako. Buhay talaga siya.
Siya talaga 'yung nakita ko sa Adon no'n. Hindi niya talaga kami iniwan. Pero akala ko dati, kapag nagkita kami, magiging masaya na ulit ako—kami.
Akala ko, puwede na naming ituloy 'yung pagiging kami at magiging masaya sa isa't isa pero mali lahat ng inakala ko.
"S-sino ka ba? Bakit kilala mo ako? At ano ang iyong mga pinagsasasabi?"
Biglang sumagi sa isipan ko kung paano niya ako tiningnan kanina.
Parang nakatingin lang siya sa isang taong hindi niya kilala na bigla na lang kumausap sa kanya.
Ang sakit sakit kapag paulit-ulit kong naririnig sa isipan ko 'yung mga tanong niya na 'yon kanina.
Para niyang pinapatay ng paulit-ulit 'yung puso kong durog na durog na.
"Bakit hindi mo na kami naalala, Hemira?... Bakit hinayaan mo na mawala 'yung mga alaala namin sa 'yo?... Akala ko ba mahalaga kami sa 'yo?... Pero bakit—" Isang hikbi ang napakawalan ko kaya napatigil ako. Lalong dumami 'yung mga nangingilid kong luha. "Bakit mo kami kinalimutan?... Bakit mo 'ko kinalimutan?... Sabi mo dati, lahat ng alaala namin sa 'yo ang pinakatreasure mo... kaya bakit hinayaan mo na mawala sa 'yo 'yon?..."
Ipinatong ko 'yung braso ko sa noo ko at hindi maubos-ubos 'yung mga luha sa mga mata ko gaya ng 'di pagkaubos ng kalungkutan sa puso ko na lalo pang nadadagdagan.
"Miss na miss na kita... Hemira. Sobra-sobrang miss na kita..."
Hikbi lang ako ng hikbi at ang labo-labo na ng mga mata ko sa mga luhang humaharang do'n.
"Kung alam ko sana na nasa kamay ka nila... pinuntahan sana kita at iniligtas agad-agad. Hindi ko sana nahayaan na mahawakan nila kahit isang hibla ng buhok mo pero wala akong nagawa... Wala akong ginawa..."
"...Lagpas kalahating taon! Lagpas kalahating taon na paniguradong pinahihirapan ka nila pero ano bang mga pinaggagagawa ko no'ng mga araw na 'yon?... Maghintay lang sa 'yo na parang isa kang bayabas at ako naman si Juan Tamad. Na kusa ka na lang babagsak sa 'kin kahit wala akong ginawa. Napakawalang kwenta ko talaga!"
Gusto kong sapakin 'yung sarili ko.
Gusto kong bubugin 'yung katawan ko para parusahan ko 'yung sarili ko pero 'yung sakit na nararamdaman ko pa lang ngayon sa puso ko, sobra-sobrang parusa na agad.
Sobra-sobra na parang napakaraming mga matutulis na bagay ang sabay-sabay na inihinihiwa ro'n.
Gusto kong pumalahaw ng iyak.
Magwala o ano para mawala 'tong lahat pero dapat lang sa 'kin 'to.
Kase wala akong kwenta.
"Kung alam ko lang na kaya kita laging napapanaginipan na kinakain ng dilim kase 'yun talaga 'yung nangyayari sa 'yo. Sorry Hemira... Sorry talaga na hindi kita nagawang mailigtas sa kamay nila. Sorry..."
Itinakip ko sa mga mata ko 'yung braso ko na nasa noo ko kanina.
Iyak lang ako ng iyak ng tahimik.
May magagawa ba ang pag-iyak mo? Bakit hindi ka gumawa ng paraan para mailigtas na siya? Tanong ng isang boses sa isip ko kaya napaupo ako.
Basang-basa pa 'yung pilikmata ko at mukha ko sa kakaiyak.
Ramdam ko rin ang pagbigat ng mga talukap ko sa pagkamugto n'on pero pinunasan ko na 'yung mukha ko.
Tumingin ako sa may veranda ng kuwarto kong 'to at nakabukas 'yung kurtina n'on kaya kitang-kita ko 'yung madilim ba labas. "Ipinapangako ko sa 'yo, Hemira. Ililigtas kita. Gagawin ko ang lahat para mahanap ka kahit sa'n ka pa nila itinatago. Hindi na ko magpapakawalang kwenta at gagawin ko rin ang lahat para maalala mo na ulit kami. I'll use all means to do that." determinadong-determinado kong sabi.
Tok! Tok! Tok
Napatingin ako sa may pinto dahil sa pagkatok na 'yon.
"Prinsipe, ako ito. Si Piero," sabi ni David sa labas.
Pinangpunas ko sa mukha ko 'yung kumot ko at pumunta na ko sa pinto para buksan 'yon.
Inawang ko 'yon ng kaunti pero hindi ako sumilip kase makikita niya 'yung pagkamugto ng mga mata ko.
"Bakit David?" tanong ko.
Narinig ko 'yung paghinga niya ng malalim. "Prinsipe naman... Hindi na ako si David. Piero nga ang tunay kong pangalan." Para siyang batang nagrereklamo.
Hindi ako umimik.
"Nandito ako prinsipe dahil nais kong malaman mo na dumaan ako sa silid ni prinsesa Ceres kanina. Kahit na mapadaan lamang sa labas niyon ay maririnig ang kaniyang mga impit na hikbi. Hindi mo man lamang ba siya dadalawin upang aluin? Hindi natuloy ang kasal n'yo kaya naman paniguradong masakit iyon para sa kanya." nag-aalala niyang sabi.
Napahinga ako ng malalim. "Ayokong pakitaan siya ng mga gestures na lalong magpapaasa sa kanya. Ayokong saktan lang siya lalo." Seryosong-seryoso 'yung boses ko pero may pagkaawa 'yon.
Alam ko naman talagang nasaktan ko si Ceres. Ng sobra-sobra at hindi ko alam kung paano ko na siya haharapin sa ginawa ko na 'yun.
"Babae pa rin siya, prinsipe. May fragile na puso na nangangailangan ng malasakit. Hindi naman siguro pagpapaasa 'yung pagmamalasakitan mo lang siya ngayong kailangan ka niya. 'Yung malasakit bilang kaibigan. Bilang tao. Ako na 'yung nakikiusap sa 'yo, prinsipe. Please... Wipe her tears." paki-usap niya sa 'kin at nagiging modern na 'yung tono niya.
Binuksan ko na 'yung pinto at halatang nagulat pa siya sa ginawa ko.
Napatitig siya sa mukha ko. Alam ko naman kung bakit kase mugto 'yung mata ko saka ang pula ng ilong ko.
Lumabas na ako at hinawakan niya 'yung braso ko kaya napatingin ako sa kanya.
"Saan ka pupunta, prinsipe?" tanong niya sa 'kin.
Tinaasan ko siya ng kilay. "'Kala ko ba, kailangan ni prinsesa Ceres 'yung malasakit ko?"
Unti-unti naman siyang napangiti ng malawak.
Bumitaw na siya sa 'kin at naglakad na 'ko paalis.
Pagkarating ko sa silid ni Ceres, may mga servants na nasa labas ng pinto at mga naiyak.
Napatingin sila lahat sa 'kin at sabay-sabay na napayuko.
Lumapit ako sa pinto at rinig ko nga 'yung mga hikbi niya.
"Prinsesa... Narito ang prin—"
"Shhhh..." kalmadong pagpapatahimik ko ro'n sa isang servant na magsasabi dapat kay Ceres na nandito ako.
Napayuko siya.
Kumatok ako ng tatlong beses.
"Sino iyan?" tanong ni Ceres mula sa loob.
"Buksan mo 'tong pinto mo," plain na sabi ko sa kanya.
Biglang natahimik 'yung loob tapos narinig ko na parang may nagmamadaling mga yabag sa loob.
Naghintay ako ng mga ilang minuto bago niya binuksan 'yung pintuan.
Sumilip siya pero hindi siya tumitingin sa 'kin.
Sa ibang direksyon siya nakatingin.
Mugto rin 'yung mata niya kaya mapula-pula rin 'yung ilong niya. "Bakit ka pumunta rito sa—"
Hindi ko na siya pinatapos at itinulak ko ng mahina 'yung pinto kaya napaurong siya at pumasok na ako.
"Prinsipe!" pigil sa 'kin ng mga servants pero isinara ko agad 'yon.
Gulat na gulat siyang tumingin sa 'kin. "Anong iyong ginagawa? Bakit pumasok ka rito sa aking silid?"
Niyakap ko siya ng mahigpit at ramdam ko ang pagpiksi niya sa pagkabigla.
Natuod siya sa pagkakayakap ko.
"Sorry Ceres... Patawad sa ginawa ko kanina sa 'yo. Patawad kung puro sarili ko lang 'yung iniisip ko. Patawad kung kahit kailan, hindi ko inisip kung masasaktan ka ba sa mga gagawin ko. Sobrang patawad talaga..."
Walang kapaguran talaga ang mata ko sa pag-iyak kase ngayon, may mga luha na namang kumawala mula ro'n.
Naging komportable na siya sa yakap ko at yumakap siya pabalik sa 'kin.
"Hindi kita hinalikan kanina sa kasal natin kase... kase si Hemira pa rin talaga 'yung mahal ko. Hindi ko talaga siyang kayang palitan. Ayoko na sana sa 'yong sabihin pa 'to kase alam kong masasaktan kita pero sana maintindihan mo na 'yon."
Nagsimula siyang humikbi. "A-alam ko naman iyon, Argyris. B-batid ko na hindi ako lilingunin ng iyong p-puso dahil si Hemira lamang ang tanging n-nakikita niyon ngunit pasaway ang aking puso. P-patuloy ka pa rin minamahal kahit alam ko na n-namang mali na. K-kapag pinagmamasdan kita, miski na ang m-marinig lamang ang iyong tinig ay mas lalong l-lumalalim ang nararamdaman ko para sa iyo..."
"...Kanina, nang marinig ko ang inyong usapan tungkol kay Hemira ay nasaktan ako ng lubos. Imbis na maging masaya ako dahil sa buhay ang naging matalik kong kaibigan at nagligtas sa akin ay tila hindi iyon ang aking naramdaman. Batid kong hinding-hindi ka na talaga lilingon sa akin dahil sa kaniyang pagbabalik." Ibinaon niya 'yung mukha niya sa dibdib ko at doon umiyak ng umiyak.
"Hindi ba't napakasama ko para maging prinsesa ng kahariang ito? Dahil sa aking pagiging sakim sa pag-ibig ay hindi ko magawang maging masaya sa pagbabalik ng buhay ng taong nagligtas sa akin. Nararapat talaga na hindi mo mahalin ang isang tulad ko. Isang ganid at... at mahina."
Tinapik-tapik ko ang likod niya para icomfort siya. "Makakahanap ka rin ng lalaking para sa 'yo, Ceres. Imposibleng walang magkagusto sa 'yong iba. Hindi kita worth. Mayroon pang mas nararapat sa 'yo kaysa sa 'kin."
Lalo siyang napahagulgol.
Humigpit ang yakap niya sa 'kin.
Parehas kaming nasasaktan sa kanya-kanya naming mga dahilan at ngayon, dinadamayan namin ang isa't isa.
Masakit 'yung mga nararamdaman namin pero alam kong magiging ayos din ang lahat.
Everything will be fine.
~Hemira~
Lumilipad ako ngayon at malapit na ako sa palasyo ng Gemuria.
Nais kong malaman kung sino ba talaga ang lalaking iyon na nakakilala sa akin.
"Huwag na huwag kang magtitiwala sa mga tagaGemuria. Kahit sino pa roon lalo na ang kanilang prinsesa. Sila ang umatake sa atin noon kahit na nananahimik lamang tayo sa ating kaharian at pinatay nila ang isa sa ating kasamahan. Pinatay nila ang pinakamalapit sa iyong kaibigan na si Abellona." naalala kong sabi sa akin ni ama noon.
Alam kong hindi tama ang gagawin ko ngayon na pagpunta sa palasyo ng Gemuria ngunit hindi talaga ako matahimik sa tagpo namin ng lalaki kanina kaya naman tumakas muli ako mula sa aming palasyo at nais kong makita ang lalaking iyon.
Nais kong malaman ang mga kasagutan sa aking isip mula sa kanya.
Nang makarating ako ay malapit lamang ako.
Wala pa silang nagagawang bagong harang para sa mga mostro.
Binasag ko iyon kanina at paniguradong matatagalan bago sila makagawa muli ng panibago.
Maingat akong pumasok sa kanilang teritoryo at maraming mga mandirigma ang nagbabantay sa paligid.
Madilim ang paligid at ang aking kasuotan ay itim kaya naman paniguradong hindi nila ako mapapasin.
Tiningnan ko ang paligid at hindi ako makahanap ng lugar na maaari kong gamitin upang makapasok ako sa loob.
Napansin kong mayroong mga mandirigmang may hawak ng gasera at nag-iikot upang magbantay sa paligid.
Lumipad ako sa isang madilim na lugar.
Sumipol ako ng mahina at naghintay ng ilang saglit.
Mayamaya ay isang di gaanong malaking Banik ang palipad na patungo sa akin.
Ang Banik ay malalaking mga paniki at nabubuhay sila sa pagsipsip ng dugo ng ibang mga nabubuhay.
Tumigil iyon sa aking harapan at sinakyan ko iyon.
Lumipad na kami ng mataas upang walang makapansin sa amin at pumasok sa pinakangloob na teritoryo ng palasyo ng Gemuria.
Hindi ko maaaring gamitin ang aking mahika malapit sa palasyo dahil paniguradong mararamdaman iyon ng mga malalakad na maheya roon.
Nang naroroon na kami ay lumipad kami pababa patungo sa isang liblib na lugar at doon ako ibinaba ng Banik.
Umalis na iyon.
Hinwakan ko ang aking mahabang kasuotan dahil sagabal iyon sa aking paglalakad.
Tiningnan ko ang paligid.
Mayroong sumasaging mga larawan ng lugar na ito sa aking isipan.
Tila ba nakapunta na ako rito noon.
Ipinilig ko ang aking ulo at mariin na ipinikit ang aking mga mata.
Nagmulat na ako at naglakad upang hanapin ang silid dito ng lalaking aking nakausap ngunit napatigil ako ng aking maisip ang isang bagay. Saan ko siya hahanapin sa lugar na ito ng kalaban namin gayung napakalaki nito at paniguradong napakaraming mga silid?
Nalito na ako sa kung ano ang aking gagawin.
Biglang mayroong suminag na liwanag sa akin na tila galing sa gasera kaya tinakpan ko ang aking mukha ng aking braso sa pagkasilaw roon.
"Sino ka? Bakit naririto ka sa kalaliman ng gabi?" tanong sa akin ng isang lalaking tinig.
Nanlaki ang aking mga mata at lubos akong kinabahan.
Lagot ako! Nakita ako ng isang tagaGemuria!
"Fugio!" bigkas ko ng aking mahika at lumipad ako upang takasan ang isang iyon.
"Kalaban! Mayroong kalaban sa loob ng palasyo!" sigaw niyon at nagtawag ng kaniyang mga kasamahang mga mandirigma.
Mukhang hindi nasunod ang plano kong tahimik na makausap ang lalaking kumausap sa akin kanina.
Nakagawa ako ng kaguluhan dito ngayon at mayroong mga maheya ang lumipad upang ako'y sundan.
Pumasok ako sa isang bukas na bulkanahe at nakapasok na ako ng pasilyo ng palasyo.
Lumapag na ang aking mga paa at tumakbo na lamang ako upang hindi nila ako masundan dahil sa aking ginagamit na mahika.
Tahimik ang pasilyong ito at hindi ko malaman kung saan ako liliko o magpupunta.
Mayroon nang mga nakasunod sa akin.
Napatigil din ako sa pagtakbo dahil mayroon na ring pasalubong sa akin.
Mayroon akong nakitang isang bukas na malaking bintana kaya lumipad ako palabas doon upang matakasan ang mga mandirigma at mga maheya na iyon.
Lumipad ako at nakasunod na sila sa akin.
Niligaw ko sila ng niligaw sa aking paglipad kung saan-saan.
"Efinggo!" paggawa ko ng isang mahika kung saan lumabas ang kamukha ko at lumipad iyon sa ibang diresyon at ako naman ay pumasok sa isang nakabukas na malaking bintana ng isang silid. Sinara ko agad iyon.
Ang mahikang iyon na aking ginawa ay saglit lamang ang itatagal kaya kailangan kong mahanap agad ang lalaking aking nais makausap. Kung hindi ay—
"Sino ang nariyan?" tanong ng isang babaeng tinig kaya naman nanigas ako sa aking kinatatayuan.
Hindi ko batid na mayroong tao pala ang silid na ito na aking napasukan dahil sa aking pagmamadali.
Biglang bumukas ang ilaw kasabay ng kaniyang pagpitik ng daliri kaya naman nasinag ako roon.
Hindi ko maimulat nang maayos ang aking mga mata dahil nanggaling ako sa mga madidilim na lugar.
"Hemira?" hindi makapaniwalang tawag sa akin ng babaeng iyon at nang maimulat ko na ang aking mga mata ay siya'y aking tiningnan.
Isa siyang napakagandang binibini at puno ng pagkabigla ang kaniyang mukha.
"Kilala mo rin ako?" puno ng pagkalito kong tanong sa kanya.
Tiningnan ko itong kaniyang silid at tila prinsesa ang nagmamay-ari nito sa kagaraan.
Natigilan ako sa aking naisip.
Prinsesa?
Hindi kaya...
"Ikaw ba ang prinsesa ng kahariang ito?" tanong ko sa kaniya na mayroong kunot sa aking noo.
Naghahanda na rin ako para sa pag-atake sa kaniya kung kaniyang sasabihin na siya nga.
"Oo, at ikaw ang heneral ng—"
Biglang bumukas ang pinto at mayroong mga maheyang humahangos ang agad na pumasok doon.
"Prinsesa!" tawag nila sa kaniya na puno ng pagkatakot para sa kanya.
Gimbal na gimbal sila nang makitang narito ako.
"Trabem!" paggamit ng mahika ng isa sa kanila at binato ako ng puting mahika na agad kong naiwasan at lumabas muli ako ng bintana.
Tumalon ako mula roon.
"Fugio!" Lumipad akong muli at tatakas na sana palabas ng palasyong ito ngunit marami na ang nag-aabang sa akin na mga maheya.
Napatigil ako sa paglipad.
Hindi ko hahayaan na mahuli nila ako.
Pagkatapos nilang gawan ng masama ang aming kaharian, patayin ang matalik kong kaibigan na sabi ni ama at nakawin ng prinsesang iyon ang aking alaala... Hindi ko hahayaan na mapaslang nila ako.
Lumipad ako sa paligid ng palasyo at naghanap muli ng mapagtataguan.
Lahat ng mga bintana ay mga nakasara at wala na akong malulusutan.
Mayroong isang maheya ang nagbato sa akin ng kaniyang mahika at agad ko iyong iniwasan.
Sa aking pag-iwas ay mayroong nahagip ang aking mga mata na isang lugar na maaari kong pasukan.
Isa iyong balkunahe na bukas na bukas ang kurtina.
"Multi Efinggo!" gamit ko ng mahika at dumami ako. Nagpalit-palit kami ng aming mga pwesto at nagliparan sa kung saan-saan ang aking mga mahikang kagaya kaya nalito na ang mga maheya.
Mabilis akong lumipad sa may bulkanahe na iyon na walang nakapansin dahil sa pagsunod nila sa mga mahikang kagaya ko.
Nakapasok na ako at agad kong isinara ang kurtina.
Dumilim ang paligid dito sa loob.
Habol na habol ko ang aking hininga dahil sa kaba at takot na naramdaman ko kanina sa paghabol sa akin ng mga kalaban.
Huminga ako ng malalim.
Sana naman ay walang tao na nariri—
Napatigil ako nang masanay na ang aking mga mata sa dilim at mayroon akong nakitang nakahiga sa isang malaking higaan.
Isang lalaki iyon dahil sa ikli ng kaniyang buhok.
Hindi siya gumagalaw at mahimbing ang kaniyang pagtulog.
Aalis na sana ako bago ko pa magising ang taong iyon at baka maging sanhi pa ng aking pagkahuli ngunit napatigil ako.
Tila siya ang lalaking aking hinahanap sa palasyong ito.
Tiningnan ko siyang muli at mahimbing na mahimbing ang kaniyang pagtulog.
Kusang naglakad ang aking mga paa palapit sa kaniya sa pinakamarahan kong yabag.
Nang makalapit ako sa kaniya ay hindi ko masyadong maaninag ang kaniyang mukha dahil sa dilim ng silid na ito.
Biglang nagkaroon ng sinag na nanggagaling sa buwan sa amin kaya napatingin ako sa kurtina na gulat na gulat.
Hinawi iyon ng hangin kaya naman nabuksan iyon ng kaunti.
Wala naman akong naramdaman na kalaban na papalapit kaya tiningnan kong muli ang lalaking ito.
Sumakto ang liwanag sa kaniyang mukha kaya ngayon ay kitang-kita ko na kung gaano siya kakisig.
"Hemira..."
Natigilan ako nang banggitin niya ang aking pangalan.
Tila siya'y nananaginip ng masama at kunot na kunot ang kaniyang noo at tagaktak din ang pawis doon.
"Hemira, mahal kita."
Napahawak ako sa aking ulo dahil sa pagsakit na naman niyon.
Ano iyon?
Ano ang narinig ko na iyon sa aking isipan?
Napatingin akong muli sa lalaking ito na nananaginip pa rin ng masama.
Bakit ko narinig ang kaniyang tinig sa aking isipan?
Sino ba talaga siya?
Ano ang koneksyon niya sa akin?
Inangat ko ang aking kamay upang hawakan ang kaniyang pisngi.
Marahan ang paglapit ko sa kaniya ng aking kamay.
Dumampi ang aking balat sa kaniyang pisngi ngunit laking gulat ko nang bigla siyang magmulat ng mga mata at tumingin sa akin.
Hindi agad ako nakakilos sa sobrang gulat.
Bigla niya akong hawakan sa aking braso saka ako hinila pahiga sa kaniyang higaan at doon ay pinaibabawan niya ako habang idiniin ang aking magkabila braso na kaniyang hawak sa higaan.
Pinilit kong kumawala sa kaniyang pagkakahawak at pagkakadagan sa akin ngunit malakas siya.
Tiningnan ko siya habang mayroong mga hibla ng aking buhok na nakatabing sa aking mukha.
Matalim ang tingin niya sa akin.
"Sino ka? Bakit nandito ka sa kuwarto ko?"