Hemira 14 - Hihintayin kita
~Yohan~
"Sino ka? Bakit nandito ka sa kuwarto ko?" seryosong-seryosong tanong ko sa taong 'to na pumasok sa kuwarto ko nang hindi ko alam.
Babae siya at nakatabing 'yung buhok niya sa mukha niya kaya hindi ko siya makilala pero nang maramdaman ko 'yung prinsensya niya, natigilan ako at lumuwag ang pagkakahawak ko sa kaniya sa pagkabiglang naramdaman ko.
Ginamit niya 'yung tsansa para makatakas siya sa 'kin. Itinulak niya ako ng malakas paalis sa ibabaw niya at bumaba kaagad ng kama.
Nalaglag pa ako sa sahig sa ginawa niya.
Agad naman akong bumangon at hinanap kaagad siya. Laking pasasalamat ko nang hindi pa siya nakakaalis.
Nakaposisyon siya na parang aatakihin ako kahit anong oras. Ang talim din ng tingin niya sa 'kin na parang isa akong kalaban.
"Hemira—"
"Sino ka ba talaga? Bakit tila kilala mo ako? Nagkita na ba tayo noon?!" tanong niya sa 'kin na puno ng authority.
May lumabas pa na itim na mahika sa paligid niya.
Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Hindi siya marunong gumamit ng mahika at tyempuhan pa nga lang 'yon dati pero ngayon, itim na mahika ang ginagamit niya?
"Hemira... Ano bang ginawa nila sa 'yo?... Bakit ka nagkaganyan?..."
"Ako ang unang nagtanong! Sagutin mo iyon at sabihin mo ang lahat ng iyong nalalaman!" sigaw niya pero hindi gano'n kalakas.
Mukhang gustong-gusto niyang malaman ang totoo niyang pagkatao.
Napahinga ako ng malalim.
Lumapit ako sa kaniya pero lalong lumakas 'yung itim na mahika sa paligid niya kaya hindi ko na itinuloy.
"Hindi mo na ba talaga ako natatandaan?... Kahit kaunti, hindi mo na talaga ako naaalala?... Nagka-amnesia ka na ba talaga?..." nasasaktan na tanong ko sa kanya.
Namamasa-masa na naman ang mga mata ko.
Nangunot 'yung noo niya. "Amnesia? Ano iyon?"
Nakahanda pa rin siya ng pag-atake sa 'kin kapag may maling ginawa ako sa kanya.
"Nakalimutan mo na ba talaga kami? Si Ariadne, si Kirion, si Eugene, si Serafina at si Euvan. Kaming lahat na mga-"
"Euvan? Paano mo rin nakilala si Euvan?" nanlalaki ang mga matang tanong niya sa 'kin.
Umayos na rin siya ng pagkakatayo.
Nangunot 'yung noo ko. "Natatandaan mo si Euvan?" hindi ko makapaniwalang tanong.
Bakit si Euvan, kilala niya pero kami, hindi?
"Siya ay aking kasam-"
Bigla kaming nagulat pareho nang may kumatok ng malalakas sa pinto.
"Prinsipe! Prinsipe Argryis!" sigaw nila Seth sa labas.
Napatingin ako kay Hemira nang binuksan niya 'yung kurtina at akmang aalis na.
Nanlaki ang mga mata ko. "Sandali lang, Hemira!" sigaw ko sa kaniya kaya napatigil siya sa paglabas sa veranda ko.
Napalingon siya sa 'kin.
Gusto ko siyang lapitan pero sigurado akong lalo lang siyang aalis kapag ginawa ko 'yon.
"Kung gusto mo talagang malaman kung bakit kita kilala at si Euvan, magkita tayo ng gabi sa may kagubatan sa tapat mismo ng arko ng pamilihan ng Adon. Sasabihin ko ang lahat ng alam ko tungkol sa 'yo. Lahat-lahat." seryoso kong sabi sa kanya.
Nakatingin lang siya sa 'kin ng walang emosyon pero nag-iwas na rin kaagad ng tingin.
Sumipol ng malakas at parang may hinihintay siya na dumating.
Gustong-gusto ko siyang yakapin pero baka masira ko lang ang tsansang mapaalala ko sa kaniya ang lahat.
Gusto niyang malaman kung sino talaga siya. Ibig sabihin, iba ang mga sinasabi sa kaniyang pagkatao ng mga kasamahan niyang mostro.
Napakuyom ako ng kamao ko.
Biglang may pumagaspas sa labas at nang tingnan ko kung ano 'yon, isang malaking paniki 'yon at doon na siya sumakay.
Lumipad na sila paalis.
Tumakbo ako palabas ng veranda. "Hemira!" tawag ko sa kanya.
Napalingon siya sa 'kin.
"Hihintayin kita!" sigaw ko.
May mga sumunod na mga puting maheya sa kaniya para atakihin siya pero gumawa agad siya ng maliit na portal at doon sila pumasok.
Doon nawala na siya sa paningin ko.
Hindi nagtangkang pumasok 'yung mga puting maheya sa portal at nagsara na rin kaagad 'yon.
Narinig ko ang malakas na pagbukas na pinto ng kuwarto ko
"Prinsipe!"
Humahangos na lumapit sa 'kin sila Seth pero nakatingin pa rin ako sa kung saan nawala si Hemira.
Napatingin din sila sa tinitingnan ko.
"Si Hemira ba talaga iyon, prinsipe?" tanong sa 'kin ni Seth.
Tumango lang ako.
"May ginawa ba siyang masama sa iyo-"
Masamang tiningnan ko si David sa tanong niya. "Ano sa tingin mong masamang gagawin niya sa 'kin? Sasaktan niya 'ko? Papatayin? David, alam mong hindi kayang gawin 'yon ni Hemira!"
"Ngunit sinabi ni ginoong Remus, muntik niya nang saktan si prinsesa Ceres," sabi niya.
Napatahimik ako.
Hinawakan siya ni Zetes sa braso niya para patigilin na.
Nainis ako sa kanila. "Bahala kayo kung anong gusto n'yong paniwalaan! Lumabas na kayo! Gusto ko nang magpahinga."
Naglakad na 'ko papunta sa kama ko pero napatingin kami sa pintuan nang pumasok doon sila Eugene at Serafina na hangos na hangos din.
Nanlalaki ang mga matang lumapit si Eugene sa 'kin. "T-totoo ba, Yohan?... N-nandito si Hemira kanina?"
"Eugene! Hindi na Yohan ang kaniyang pangalan! Siya na ang-"
Bigla niya akong kinuwelyuhan kaya napatigil si David sa sasabihin niya.
Napatingin ako ng deretso sa kanya.
"Eugene!" saway sa kaniya ni Seth pero itinaas ko 'yung kamay ko para patigilin sila sa pangingialam sa 'min.
Nanlalaki pa rin ang mga mata niya at may mga tumulo na ro'ng mga luha.
Seryoso lang akong nakatingin sa kanya. "Oo, pumunta siya rito. Naka-usap ko siya at gusto niyang malaman ang tunay na pagkatao niya."
Doon, lumuwag 'yung pagkakahawak niya sa kwelyo ko.
Si Serafina, napatakip ng bibig niya sa pag-iyak.
"Mukhang hindi siya bihag ng mga mostro kundi ginawa siyang kakampi ng mga 'yon. Dahil wala siyang naaalala, kung ano-anong mga kasinungalingan ang sinabi sa kaniya kaya siguro hindi niya tayo binabalikan. Dahil ang turing niya sa 'tin, mga kalaban."
Napabitaw na siya ng tuluyan sa kwelyo ko at natulala.
Umaalog na ang balikat ni Serafina sa paghagulgol.
"Lumabas na kayo, gusto ko nang magpahinga." walang emosyong sabi ko pero hinawakan ulit ni Eugene 'yung kwelyo ko kaya napatingin ako sa kanya.
Bakas ang galit sa mga mata niya. "Wala man lamang ba tayong gagawin upang siya'y iligtas sa mga mostro na iyon?! Hindi man lamang ba natin sasabihin sa mga mahaharlika rito ang tungkol sa bagay na iyon upang mapabilis ang pagliligtas natin sa kanya?!"
"Walang tutulong sa inyo kung iyan ang inyong nais."
Napatingin kami kay Ginoong Remus na pumasok din dito sa loob.
Ngunot ang noong napatingin ako sa kanya.
Bumitaw na rin si Eugene sa 'kin at tumingin sa kanya.
Huminga siya ng malalim. "Prinsipe, Eugene, Serafina at kayong tatlong mandirigma. Nais kong malaman ninyo na si Hemira ay hindi na itinuturing na kakampi ng kaharian. Isa na siyang kalaban at ang matindi roon ay siya ang bagong pinuno ng ating mga kalaban kaya naman kapag sinubukan niya muling pumasok sa palasyong ito, hulihin niyo kaagad siya at paslang-"
Agad akong lumapit sa kaniya at kinuwelyuhan ko siya.
Tiningnan ko siya ng matalim at natatakot na tumingin naman siya sa 'kin. "Anong sabi mo? Papatayin si Hemira? Ha?!" galit na galit na tanong ko sa kanya.
Lumapit sa 'min sila Seth para ilayo ako sa kaniya pero hindi ako bumitaw sa kanya.
Gustong-gusto ko nang pilasin 'yung kwelyo niya pati bibig niya sa sinabi niya.
"Prinsipe, si Hemira ay may dugong mostro noon pa man. Hindi pa namin maaaring sabihin ang ibang detalye tungkol sa kaniya ngunit ang pinakamabuti para sa lahat ay mailayo sa kaniya dahil paniguradong sasaktan niya-"
"TUMAHIMIK KA!" sigaw ko na puno ng galit.
Dumagundong pa 'yon sa buong silid.
"Tama na 'yung pagyurak niyo sa pagkatao niya! Tama na!" Pumatak ang mga luha ko sa sahig.
Marahas na binitawan ko 'yung kwelyo niya at lumapit sa kaniya ng harap-harapan.
"Dati, ang pinamumukha n'yo sa 'kin, patay na siya tapos ngayon, ano? Masama siyang tao?! Isang kalaban na dapat patayin?! Wala kayong utang na loob sa kanya! Pagkatapos niyang gawin ang lahat para iligtas si Ceres! Para iligtas ang kahariang 'to! Handa niyang ibuwis 'yung buhay niya at ang lahat ng mayroon siya para sa inyong lahat."
"Ngunit si prinsesa Ceres ang aking pinagsisilbihan! Masisisi mo ba ako kung hindi ko nanaisin na sila'y traydrurin?"
"Ikaw ang prinsipe ng Emeas na nakatakda para kay prinsesa Ceres at ako lamang ay isang mandirigma."
"Handa niyang ibigay kahit na napakahalaga sa kanya!"
"Yohan... Iligtas mo si prinsesa Ceres kahit anong mangyari. Iligtas mo siya... Pakiusap."
"Mas inuna niya kayo kaysa sarili niyang kapakanan pero anong ginagawa n'yo sa kanya?! Basta-basta n'yo na lang siyang gagawing wanted at kriminal sa buong kaharian na 'to pagkatapos ng lahat ng 'yon?! Napakasasama n'yo! Mas masama pa kayo kay Abellona!" sigaw ko na puno ng luha ang mga mata ko.
Hinawakan ako ni Serafina sa braso ko para kalmahin.
"Hindi pagiging masama ang pag-iingat namin sa seguridad ng buong palasyo, prinsipe. Kahit na ano pa ang iyong hinaing, hindi mo na mababago ang tunay na pagkatao ni Hemira. Isa na siyang mostro at paniguradong hanggang doon na lamang siya." mayabang na sabi ng Remus na 'to.
Lalo akong nanggitil sa kaniya at gustong-gusto ko na siyang ihawin sa paghiram ko ng elemento kay Blas.
"Malapit nang ipag-utos sa buong kaharian na ang kung sinong makipaglapit o mahuling kakampi o kumampi sa babaeng iyon at sa iba pa niyang kasamahan ay papatawan ng parusang kamatayan... at hindi ka naiiba roon, prinsipe." nakangising sabi niya.
Aambahan ko sana siya pero nagmamadali na siyang lumabas ng kwarto kong 'to.
Napatingin ako kay Eugene.
Kuyom na kuyom niya ang kamao niya at patuloy ang pag-iyak ni Serafina.
Hindi ko pa nasasabi kay Kirion ang tungkol sa katotohanan na buhay talaga si Hemira.
"Malapit nang ipag-utos sa buong kaharian na ang kung sinong makipaglapit o mahuling kakampi o kumampi sa babaeng iyon at sa iba pa niyang kasamahan ay papatawan ng parusang kamatayan."
Hindi ko sila puwedeng idamay.
Ako na lang ang gagawa ng paraan mag-isa.
Ipapaalala ko lahat kay Hemira ang mga pinagdaanan namin nang sa gano'n, hindi na siya ituring na kalaban ng kahariang 'to.