Hemira II 15

2509 Words
Hemira 15 - Pagkikita Kinabukasan ng hapon... ~Yohan~ Pumuslit na ako ng labas sa palasyo ng Gemuria at wala na namang nakapansin sa 'kin. Natakasan ko na naman sila Seth kase sa veranda ko ako dumadaan palagi. Ngayon, para hindi nila mahalata na wala ako sa kwarto ko at tumakas ay naglalagay ako ng unan sa ilalim ng kumot ko sa higaan para kunyari, ako 'yun. Nakaarmor ulit ako ng pangGemuria at nalipad papunta sa pagkikitaan namin ni Hemira. Gabi 'yung usapan namin pero hindi na 'ko makapaghintay kaya hapon pa lang pupunta na ako ro'n. Oo nga pala, 'yung tungkol sa kasal namin ni prinsesa Ceres... Iniurong nila 'yon ng dalawang buwan para makabawi ang kaharian sa nangyaring pang-aatake. Kung puwede ko nga lang talagang sabihin na 'wag na nilang ituloy pero saka ko na 'yon poproblemahin. Si Hemira muna ang iisipin ko ngayon. Napatingin ako sa kasama ko ng si Aella ngayon. Tinawag ko siya kase hindi ko talaga mamaster master agad-agad 'yung mahika niya. Tahimik lang siya. Naalala ko, sinigawan ko siya no'n no'ng una ko ulit makita si Hemira sa araw ng kasal namin ni Ceres. Sigurado akong nagulat siya sa ginawa ko sa kaniya na 'yon kase hindi ko naman siya kahit kailan nasigawan noon. Nahihiya tuloy ako sa kanya. "A-ah... Ano... Aella... Sorry nga pala do'n sa pagsigaw ko sa 'yo no'ng isang araw. Patawad kung nagano'n kita. Sobra kasi akong nataranta no'n no'ng makita kong papaalis si Hemira at mawawala na naman siya sa 'kin." nahihiya kong sabi sa kanya. Tumingin na siya sa 'kin at nang ngumiti siya. "Naiintindihan ko naman iyon, prinsipe. Hindi naman ako galit sa iyo. Tahimik lamang ako sapagkat mukhang may malalim kang iniisip kanina pa at ayokong guluhin ka." "Talaga?" Nakangiti naman siyang tumango. Doon, gumaan na 'yung loob ko kase hindi pala siya galit sa 'kin. Pero hindi siya nagtatanong tungkol kay Hemira. Alam niya sigurong ayoko munang pag-usapan 'yung tungkol do'n. Malayo pa naman kami sa pupuntahan namin, itatanong ko na lang muna sa kaniya kung ano ba ang sikreto para mamaster ko ang paggamit ng mga mahika nilang mga elemento saka sa iba pa. "Aella, bakit hindi ko makontrol 'yung hangin kapag kailangang-kailangan ko 'yon? Gano'n din ba kahirap kontrolin 'yung kina Blas?" Umiling siya. "Hindi naman iyon sa iyong pagkontrol kaya hindi sumusunod ang mahikang hangin sa iyo. Iyon ay dahil hindi naman ikaw ang nagmamay-ari niyon kaya mahirap iyong pasunurin." Nangunot 'yung noo ko sa pagtataka. "Anong ibig mong sabihin? Hindi ko gets." Napangiti siya. "Ang mahika ay tila anak ng isang maheya. Ang tanging nagmamay-ari lamang sa kanila ang kanilang tinatanaw na kanilang mga magulang ngunit para sila'y iyo ring magamit ay dapat kopyahin mo kung paano ba umakto ang magulang nila. At ang pinakamahalaga sa lahat ay ang emosyon." "Emosyon?" Tumango siya. "Hindi sa lakas nadadaan ang mga mahikang hiram. Iyon ay sa emosyon. Halimbawa, ako'y isang kalmado lamang na diwata. Sa aking pagiging kalmado ay napapalabas ko ang hangin at nakokontrol ko iyon nang maayos ngunit kapag ako'y nagalit na hindi naman kilalang emosyon sa akin ng aking mahika ay magwawala iyon sa aking kontrol kahit na ako ang tunay na nagmamay-ari. Ganoon iyon. Isa pa'y kailangan mong hasain ang iyong sarili sa pagkontrol sa iyong emosyon at isipan. Ang lahat ng maheya ay roon nagkakaproblema kaya marami ang nakakagamit sa kanilang mahika sa maling paraan at nagiging masama." "Ahhh... Gano'n pala 'yon. Emosyon pala talaga. Kaya pala iba-iba kayo ng personality nila Nerina. 'Yun pala 'yung pagkakakilanlan ng mga mahika n'yo sa inyo." namamanghang sabi ko. Ngumiti siya. "Kaya hindi mo dapat hiramin sa akin ang hangin kapag hindi ka kalmado dahil ikaw lamang mismo ang maapektuhan ng masama sa paggamit niyon. Kung galit ka ay apoy ni Blas ang iyong hiramin ngunit sa tingin ko ay mahihirapan ka ng lubos sa paggamit niyon dahil pasaway ang mahika ni Blas katulad ng may-ari." Natawa naman ako. Pero nang maalala ko si Blas... "Nakausap n'yo na ba siya? Kamusta siya? Nakita ko siya no'ng naglalaban sa Gemuria pero tulala siya no'n saka naiyak." Napayuko siya at parang nalungkot. "Hindi pa rin siya nakikinig sa aming mga sinasabi. Si Nerina ang lubos na nangungumbinsi sa kaniya at minsan pa ay nag-aaway sila sa katigasan ng ulo niya. Kailangan pa ng panahon ni Blas. Nahihirapan pa rin siya hanggang ngayon sa pagkawala ni Fae." Nalungkot din ako sa nalaman ko. Siguradong sinisisi ni Blas 'yung sarili niya sa nangyari sa Abellon kaya di siya makamove-on. Kung pwede ko lang siyang bisitahin... Pero ano bang magagawa ko? Baka tustahin lang ako n'on. Napatingin ako sa paligid at nandito na pala kami sa pagkikitaan namin ni Hemira. "Aella, dito mo na ako ibaba," sabi ko sa kaniya at doon, bumaba na nga kami. Lumapag kami sa lupa. Hinarap ko siya at ngumiti sa kanya. "Salamat Aella, ha. Patawad kung lagi kitang tinatawag para ilipad ako kung saan-saan. Pagnamaster ko 'yung mahika mo, di na kita aabalahin." Napangiti naman siya. "Walang anuman iyon, prinsipe. Hindi mo na kailangang pasalamatan kami parati. Kami'y kabilang sa iyong mga tinatawag kaya nararapat lamang na amin kang tulungan." Tumango ako habang nakangiti at nahigop ko na siya. Tumingin ako sa paligid. Pababa na 'yung sikat ng araw. Mayamaya lang, magkikita na ulit kami ni Hemira. Hindi na ako makapaghintay na makita siya ulit. Kahit anong sabihin nila sa kanya. Hindi ko siya isusuko. Kahit na maging wanted pa 'ko sa kaharian ng Gemuria, wag lang pati nanay ko... ayos lang basta kasama ko si Hemira. Kasi gano'n ko siya kamahal. Lumipas ang maraming oras at hating gabi na... Bakit kaya ang tagal ni Hemira? Hatinggabi na ah. Naintindihan niya ba 'yung sinabi ko na dito kami magkikita? Sigurado naman akong narinig niya 'yon. Lumipas ang maraming pa muling mga oras at magbubukang liwayway na... Napatingin ako sa unti-unting lumiliwanag na kalangitan. Malapit nang mag-umaga pero walang Hemira na dumating. Hindi siya sumipot sa usapan namin. Pinaghintay niya lang ako sa wala. *—* * *—* Lumipas ang lagpas isang linggo na nagpapabalik-balik ako sa may kagubatan na pagkikitaan naming dalawa pero ni anino niya, hindi nagpapakita sa 'kin. Lagi rin akong puyat at sa umaga na 'ko tulog tapos sa gabi naman gising. Para na 'kong kuwago. Lagi kong nilalock 'yung kuwarto ko. Kunwari nagmumukmok lang ako ro'n para walang makaalam sa pagpuslit ko. Pumupunta rin tuwing umaga sa kuwarto ko 'yung nanay kong prinsesa para kamustahin ako. Hindi ko naman pinapakita na malungkot ako o ano. Sabi ko lang sa kanya, mas gusto ko sa kuwarto ko kaysa lumabas at makisalamuha sa mga tao sa palasyo. Si Ceres din, nabisita sa 'kin... bilang kaibigan. Alam niya na 'yung limitations niya sa 'ming dalawa at masaya ako para ro'n. 'Yung si Ginoong Remus naman, nagkatotoo 'yung sinabi niya. 'Yung may ipapatupad na batas na walang dapat lumapit sa mga mostro o kumampi pero hindi naman sinabi mismo ng hari na 'wag lalapit kay Hemira. Si Kirion, hindi pa rin namin binabalitaan. Aayusin ko muna ang lahat kay Hemira bago namin sabihin sa kaniya dahil siguradong magwawala siya kapag nalaman niya ang lahat ng nangyayari sa ngayon. Si Serafina, bumalik ng Nyelsa kung saan talaga siya nakatira. Sigurado raw kasing hinihintay na siya ng mga nag-alaga sa kaniya dati ro'n na mga manggagamot. Hindi naman siya nakapagpaalam dati sa kanila na mawawala siya ng sobrang tagal no'ng isinama namin siya sa paglalakbay at si Eugene... Siya ang nagbago. Hindi na siya masyadong nangbababae. Mali. Hindi na siya nangbababae. Hindi na siya tumatambay servants' quarter at hindi ko na siya nakikitang nakikipaglandian sa mga babae sa palasyo. Hindi ko alam kung saan siya nagpupupunta pero masyado ng marami ang iniisip ko para problemahin ko pa siya. Nandito ulit ako sa kagubatan na paghihintayan ko kay Hemira. Ilang oras na 'kong nandito pero wala pa rin siya. Pumitas ako ng malaking dahon sa isang halaman malapit sa 'kin tapos ibinilog ko 'yon saka ko ginamit na pangsipol. Sa paghihintay ko sa kaniya parati, ito ang ginagawa ko para hindi ako mabore at hindi ako malungkot. Malungkot na music 'yung nasisipol ko na nagrereflect sa nararamdaman ko ngayon. Lumipas ang maraming oras, narakaramdam ako ng antok. Ang bigat-bigat na ng mga mata ko at gustong-gusto ko nang matulog. Nakakainip maghintay kase hindi ko alam kung darating pa ba siya pero ayokong sumuko. Sigurado akong darating din siya kapag naghintay ako. Hindi na 'ko maiinip tulad ng dati sa paghihintay sa kanya. Ayokong saktan siya kapag bumalik na ang mga alaala niya at kailangan kong sabihin sa kaniya na muntik na akong magpakasal kay Ceres dahil sinukuan ko na siya. Itinigil ko na ang pagsipol ko sa dahon. "Hemira... Puntahan mo na naman ako oh... Sige na... Gabi-gabi akong naghihintay pero hindi ka naman pumupunta. Gusto mo ba talaga kaming maalala o hindi?... Gusto mo ba talaga akong pahirapan ng pahirapan?... Ito ba talaga 'yung gusto mong mangyari?" Napahawak ako sa noo ko at napayuko na lang. Napapikit ako ng mariin at saka nagsimula na akong mapaiyak. Simula nang dumating ako sa mundong 'to, naging iyakin na ako. Para akong batang pinaampon na araw-araw naghihintay sa pagdating ng nanay ko para kunin na ako. Gano'n 'yung pakiramdam ko ngayon. Hikbi lang ako ng hikbi nang bigla akong may narinig na mga yabag ng naglalakad papunta sa 'kin. Napamulat agad ako at napatayo. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong si Hemira 'yon. Nakaitim na cloak na naman siya at seryosong nakatingin sa 'kin. Napabuka ako ng bibig ko sa 'di pagkapaniwala na sa wakas, dumating na rin siya. Na sa tagal kong naghintay, sa wakas nandito na siya. Lalo na akong napaiyak. "Hemira!" Agad ko siyang nilapitan at niyakap pero itinulak niya agad ako palayo. Natigagal ako sa ginawa niya. Seryoso lang siyang nakatingin sa 'kin pero may itim na mahika na naman na lumalabas sa katawan niya. "Sabihin mo na sa akin ang aking mga dapat malaman. Siguraduhin mong totoo ang lahat ng iyong sasabihin dahil kung hindi, walang dala-dalawang isip kitang papaslangin dito. Wala akong tiwala sa mga tagaGemuriang katulad mo lalo na at nalaman kong ikaw ang tunay na prinsipe ng Emeas ngunit ang nais kong malaman mula sa iyo ay bakit kilala mo kami ni Euvan." Gusto kong magsalita pero hindi ko alam kung saan sisimulan ang mga sasabihin ko. "Huwag mong sayangin ang aking oras at magsalita ka na!" sigaw niya sa 'kin. Lalong lumalakas 'yung prinsensya niyang mostro. Kung hindi ko lang talaga siya nakasama noon, paniguradong matatakot ako sa kaniya dahil sa itim na mahika niyang nakakapangilabot ng sobra. "Hemira, ikaw ang dating heneral ng Gemuria. Ang sabi mo sa akin noon ay natalo mo ang naunang heneral sa iyo kaya ikaw na ang ipinalit." Nangunot 'yung noo niya. "A-anong sabi mo?... Ako ang dating heneral ng Gemuria?! Nahahangal ka na ba?! Ako ang prinsesa ng mga mostro kaya paanong magiging heneral ako ng kahariang iyon! Sinasabi ko na nga ba't lilinlangin mo lamang ako. Dapat ay hindi na lamang talaga ako nagpunta pa rito!" galit na galit na sigaw niya. Papaalis na sana siya pero hinawakan ko 'yung braso niya kaya matalim na tiningnan niya ako sa ginawa ko. Tiningnan ko siya ng may pakikiusap. "Hemira, please... Pakiusap... Pakinggan mo muna ang mga sasabihin ko bago mo sabihing niloloko lang kita. Hindi ko pa nasasabi sa 'yo kung sino ako sa buhay mo at bakit kilala ko si Euvan kaya please... Makinig ka muna." Matalim pa rin siyang nakatingin sa 'kin pero unti-unti nang naging kalmado ang mukha niya. Humarap siya nang maayos sa 'kin at tinabig ang kamay ko para mapabitaw sa braso niya. Napahinga ako ng malalim. "Uunahin ko muna 'yung mga tungkol sa kasamahan natin." Nangunot na naman 'yung noo niya pero hindi siya umimik. Hinayaan niya na ako na magsalita. "Nagkaroon ka ng misyon kaya ka naglakbay. Kinuha mo si Ariadne sa Syierian. Isa siyang librong nakakapagsalita at Fae ng Erresia. Si Kirion na isang Liomean, nakuha mo siya sa Faro. Si Eugene naman na isang Arthan, sa Nemos. Si Euvan, Arthan din. 'Di ba, nakuha natin siya sa Meropia. Kasama mo kami noon. Ako. Kasama mo ako no'n." Nagkaroon ng pagkabigla 'yung mata niya no'ng mabanggit ko na si Euvan at mga information tungkol dito. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit si Euvan lang ang naalala niya at hindi kami. "Si Serafina, dapat sa Nyelsa natin siya pupuntahan pero may hinahabol siya na sakit na Pestillentia ang tawag kaya sa isang bayan natin siya nakilala at naisama. Ako naman. Ako si Yohan." Bigla siyang napatulala sa 'kin. "Y-yohan?..." Parang nawala siya sa sarili niya. "Ako ang lalaking mahal mo dati at ikaw naman ang babaeng mahal na mahal ko pa rin hanggang ngayon pero akala namin, patay ka na sa nangyaring pakikipaglaban natin sa Abellon—" "Sinungaling!" bigla niyang sigaw kaya napatigil ako. Puno ng galit 'yung tingin niya sa 'kin. "Akala mo ba'y hindi ko alam ang tunay mong pangalan! Ikaw si Argyris na prinsipe ng Emeas kaya huwag kang mag-imbento! Lalaking aking minamahal? Isang kahangalan! Bakit ako magmamahal ng isang tagaGemuria?! Hindi na dapat pa ako makinig sa iyong mga sasabihing kasinungalingan. Maling-mali na sinubukan kong magtiwala sa isang tagaGemuriang katulad mo!" "Pero—" "Sombrio Trabes!" Biglang may malakas na itim na mahika mula sa paligid niya ang malakas na humampas sa 'kin kaya tumalsik ako palayo at tumama ang katawan ko ng malakas sa isang puno. "AUUGGHHH!" Napahiga na lang ako sa lupa at sobrang sakit ng katawan ko. Narinig ko ang yabag niya na papalakad na palayo kaya tiningnan ko siya. Papaalis na siya kaya nanlaki ang mga mata ko. "Hemira! Saglit lang!" Tumayo kaagad ako at hinabol siya. Natalapid pa ako ng isang ugat kaya napadapa ako at nakapitan ko 'yung paa niya. Hindi ako bumitaw sa pagkakahawak ko 'ron. "Saglit lang, Hemira... Please... Pakinggan mo muna ako." "Bumitaw ka na! Hindi ko hahayaan na malinlang ako ng isang tagaGemuriang katulad mo! Kayo ang may kasalanan sa amin! Kayo ang dahilan kung bakit wala akong maalala! Ang prinsesa ninyo ang may kasalanan niyon at ngayon ay gusto mo akong paniwalain sa iyong mga kasinungalingan!" Pilit niya akong sinisipa pero hindi ako bumibitaw. Naramdaman kong umiinit 'yung mga kamay kong nakahawak sa paa niya na parang nasusunog 'yon. "GAAAAAAAAHHHH!" Pero hindi pa rin ako bumibitaw. Kahit na tustahin niya 'yung kamay ko, wala akong pakialam. "A-ano bang p-pinagsasabi nila sa 'yo, H-hemira?!... Sila ang mga sinungaling at hindi kam—" Bigla niya akong sinipa sa mukha ko kaya ro'n, napabitaw na ako sa kanya. Ramdam ko ang pagdugo ng ilong ko. Narinig ko na naman ang mga yabag niya paalis. Gusto kong tumayo pero nahihilo na ako ng sobra at nawawalan ng lakas ang katawan ko. Tiningnan ko ang papaalis na siya at may tumakas na mga luha mula sa mga mata ko. "H-hemira... Ako to... Si Yohan... P-please... 'W-wag mo akong iwan u-ulit..." Doon, naging madilim na sa 'kin ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD