Hemira 5 - Hemira!
Maraming buwan ang makalipas...
~Yohan~
Tanghaling tapat at naisipan kong lumabas ng palasyo mag-isa. Nakasuot ako ng armor ng isang warrior at mayroon din ng sa ulo kaya mata ko lang 'yung nakikita.
Ang totoo n'yan, tumakas lang ako kaya nakaganito ako.
Gusto ko munang lumabas kasi gusto kong magpahangin at maging peaceful 'yung isip ko.
Nakalabas na 'ko nang tuluyan na walang nakakilala sa 'kin.
Nagawa ko ring takasan sila Seth kasi pinagbabantay ko sila sa kwarto ng nanay kong prinsesa.
Araw-araw akong bumibisita ro'n para tulungan na makarecover 'yung katawan niya.
Malakas na siya kasi anim na buwan na ang pagpapagaling niya pero kahit gano'n, mayroon siyang trauma.
Trauma sa dilim kaya ayaw niyang madilim ang kwarto niya kahit gabi.
Halos labing walong taon ba naman siyang ikinulong sa isang madilim na lugar, sinong hindi matotrauma sa gano'n kaya kapag sinubukan ni Mades na atakihin ako, igaganti ko ang lahat ng ginawa niya sa nanay ko.
Kung nandito lang sana si Serafina, magagamot niya siguro 'yung trauma niya, o hindi kasi psychological issue na 'yon.
Pero hindi pa rin bumabalik si Serafina sa palasyo.
Nababalitaan ko na marami siyang pinagagaling sa buong kaharian.
Siguradong 'yun 'yung way niya para alisin 'yung lungkot na nararamdaman niya sa pagkawala nila Hemira.
Si Eugene, noong huling mga kita ko sa kaniya, nangbababae sa mga tagapagsilbi.
Ramdam ko na malungkot pa rin siya pero sinusubukan niya rin na maging masaya ulit at si Kirion... Nagmumukmok pa rin naman siya pero kumakain na.
Ayaw niya pa ring ipagamot 'yung mga mata niya kasi ang sabi niya sa 'kin, kapag bumalik na si Hemira, saka na lang siya magpapagamot ng mga mata niya.
Ayaw niyang makita ang paligid na wala si Hemira kaya hahayaan niya muna na gano'n siya 'tsaka 'yung pagiging nemean niya. Ayaw niya munang ipabago 'yung mga 'yon hangga't hindi bumabalik si Hemira.
Kaya naiisip ko minsan... Tama ba na pinaaasa ko siya ng gano'n sa isang bagay na alam naming walang kasiguraduhan?
Parehas naming hindi nakita 'yung sinasabi nila Eugene kaya malakas ang loob namin na umasa na buhay pa talaga si Hemira pero paano kung... paano kung wala na talaga sya?...
Habang buhay na bang aasa si Kirion sa pagbabalik niya?
Habang buhay rin ba akong aasa na magkikita ulit kami?
Ayaw kong maging negative pero habang lumilipas ang mga araw, napakaraming mga buwan... narerealize ko na 'yung mga gano'ng tanong.
Ang hirap-hirap na kasi nadamay ko pa si Kirion doon pero kasi... Bakit ang lakas ng pakiramdam ko na babalikan kami ni Hemira?
Mayroon ba kong pinanghuhugutan o talagang masyado na 'kong nalublob sa fantasy world na 'to na pati gano'ng bagay, iniisip ko na posibleng mangyari.
Kaya naisipan ko na ring lumabas ng palasyo, dahil sa mga gantong isipin.
Sobra na 'kong naiistress.
Napahinga ako ng malalim. Kailangan ko ng kausap.
"Air Maiden of the Four Elements! I humbly summon thee! Aela release!" tawag ko kay Aella.
Lumakas ang hangin at sumulpot siya sa harapan ko.
"Ano ang maipaglilingkod ko, prinsipe Argyris?" magalang na tanong niya sa 'kin.
"Aella, pwede mo ba 'kong ilipad? Gusto ko munang makalayo sa lugar na 'to kahit saglit lang," sabi ko sa kaniya.
Tumango naman siya at inangat niya ang kamay niya para do'n ako humawak.
Humawak ako sa kaniya at doon ay lumutang na 'yung katawan namin sa hangin.
Tumaas kami hanggang ere hanggang sa lumipad na kaming dalawa habang nakatayo lang sa hangin.
Ang tahimik naming dalawa.
Ngayon ko na lang ulit siya natawag simula nang nangyari sa Abellon.
"Kamusta na kayo nila Blas? Malungkot pa rin ba kayo sa nangyari kay Ariadne?" tanong ko sa kaniya.
Alam kong ang tanga ng tanong ko pero gusto ko lang basagin 'yung katahimikan sa amin.
Pagkatapos kasi nung nangyari sa Abellon, ni hindi ko man lang sila tinawag at binalitaan sa nangyari kay Ariadne sa lahat ng mga buwan na lumipas pero alam kong naramdaman nila 'yung pagkamatay niya kasi Fae nila 'yon.
Lumungkot 'yung mukha niya. "Napakasakit pa rin sa amin ng nangyari kay Fae. Hindi namin matanggap na tuluyan na talaga siyang nawala sa amin ngunit hindi ko hinayaang malugmok ako sa kalungkutan pati na rin sila Gaia at Nerina dahil batid namin na hindi iyon ang nais sa amin ni Fae ngunit si Blas ay iba... Sinisisi niya ang kaniyang sarili at nagmumukmok sa loob ng kaniyang silid sa loob ng kaniyang palasyo. Hindi niya kami hinahayaang makalapit sa kaniya."
Dahil doon, may naalala ako.
'Yun 'yung nangyari kay Blas sa Abellon pero...
"Ano ba ang nangyayari sa mundo? Bakit hindi na magawang makaluto ng apoy sa sigang ito gayong kanina pa ako nagluluto?!" reklamo ng isang boses ng lalaki sa baba namin kaya napatingin kami roon.
Isang lalaking nag-iihaw ng baboy ramo sa siga 'yon.
Halatang naiinis siya sa niluluto niya.
Napansin kong kaunti lang 'yung inilalabas na usok ng apoy niya sa siga kahit na maraming kahoy na 'yung nakalagay roon.
Nakadaan na kami ng paglipad sa kaniya.
Napatingin ako kay Aella. "Dahil ba 'yan sa pagmumukmok ni Blas?" tanong ko sa kaniya.
Tumango siya. "Kami ang naghahawak ng elemento at kung mayroong mangyayari sa aming hindi maganda ay maaapektuhan ang mga elementong aming hawak."
"Paano kung tawagin ko siya ngayon at kausapin? May gusto rin akong itanong sa kaniya tungkol sa nangyari sa kaniya sa Abellon," sabi ko pero mas lalo lang siyang nalungkot.
"Kahit na iyo syang tawagin ay hindi siya magpupunta. Maikli ang kaniyang pasensya at madaling siyang magalit ngunit siya rin ang mayroong pinakamalambot na emosyon sa amin lalong-lalo na pagdating kay Fae. Si Fae ang lahat sa kaniya katulad namin ngunit iba kami sa kaniya nila Gaia dahil alam namin ang aming mga responsibilidad sa aming mga elemento. Siya ay hindi pa rin nawawala ang kaniyang pagkaisip bata at lubos na paghanga kay Fae."
Napatango-tango ako. "Katulad ko lang din siya. Masyado kaming nasaktan sa pagkawala ng mga minamahal namin at hindi kami makabangon sa pangyayaring 'yon pero tinulungan ako ni prinsesa Ceres na bumangon. Kailangan din ni Blas ng katulad ni prinsesa Ceres at kayo 'yon Aella. 'Wag kayong tumigil sa pangungumbinsi sa kaniya kahit gustong-gusto n'yo na siyang batukan sa tigas ng ulo niya kasi kayo 'yung pinakakailangan niya ngayon."
Napangiti naman siya. "Tama ka prinsipe. Gagawin namin ang lahat upang matulungan siyang makabangon sapagkat kami'y kaniyang mga kaibigan at kasamahan."
"Tama!" sabi ko.
Napatawa naman siya ng mahina sa pagkakasabi ko no'n.
"Ngunit aking matanong lamang. Kamusta para sa iyo si prinsesa Ceres? Marami na ang mga buwan na kayo'y magkasama. Saka sa ikalawang araw na ang inyong pag-iisang dibdib, hindi ba?" tanong niya.
Doon, nawala 'yung ngiti ko na agad niyang napansin.
"Paumanhin prinsipe ngunit wala akong masamang intensyon sa pagtatanong niyon."
Umiling-iling ako. "Hindi... Ayos lang. Iniisip ko nga rin 'yang bagay na 'yan pero kapag iniisip ko na, sumasakit lang 'yung ulo ko."
Nangunot 'yung noo niya. "Anong iyong ibig sabihin?"
"'Di ba, Aella... Alam mo naman na si Hemira 'yung mahal ko pero sinasabi nilang wala na siya. Hindi ko 'yon matanggap kahit lagpas kalahating taon na ang dumaan kasi nararamdaman ko na hindi totoo 'yon... Na baka isang araw, magkasalubong na lang kami nang hindi ko inaasahan pero si prinsesa Ceres... Ang sabi niya, gusto niya raw ako. Nitong mga huling buwan, sinusubukan niyang makipagclose sa 'kin pero dinadahan-dahan niya kasi nahihiya rin siya sa 'kin. Lagi siyang nakatambay sa veranda sa palasyo kung saan ko hilig tumambay. Nagkakausap kami minsan pero sinabi ko na sa kaniya na wala talaga siyang mapapala sa 'kin kasi hindi na magbabago 'yung nararamdaman ko pero hindi naman ako makakaangal sa kasal na 'yon..."
"Ayaw ko siyang ipahiya sa mga tao sa gagawin kong pag-ayaw sa kasal namin. Kahit nga na gawin ko 'yon, imposible kaya ngayon, gulong-gulo na talaga ako. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko." Nagulo ko 'yung buhok ko ng wala sa oras.
"Mukhang mahirap ngang tunay iyan, prinsipe." pagsang-ayon niya.
Napabuntong-hininga ako.
"Hindi ko na talaga alam!" napafrustrate na sigaw ko.
Tinapik-tapik niya 'yung likod ko para pakalmahin ako. "Ayos lamang iyan, prinsipe. Ang mga bagay ay nakatadhana at ikaw ang pumipili sa mga iyon. Kung ano talaga ang nais ng iyong puso, siguradong dadalhin ka niyon sa tamang tadhanang nakalaan para sa iyo. Ang tangi mo lamang gawin ay makinig ka riyan sa iyong puso at isaisip kung alin ang tama sa mali na dapat na iyong gawin."
Napatingin ako sa kaniya. "Ang lalim naman eh. Ang hirap intindihin pero salamat na rin, Aella. Sorry rin kung pati problema ko, pinapakargo ko pa sa 'yo eh may problema pa nga kayo kay Blas. Sige. Ibaba mo na ko. Ako na lang 'yung maglilipad sa sarili ko tapos sabihin mo na kina Nerina 'yung sinabi ko na gagawin kay Blas."
Ngumiti siya. " Sige, prinsipe."
Ibinaba niya na ko sa isang ordinaryong gubat.
"Ibabalita ko na lamang sa iyo kung nakumbinsi na namin si Blas na ibalik ang kaniyang sarili sa dati," sabi niya kaya tumango ako habang nakangiti.
"Salamat ulit," sabi ko at nahigop ko na siya.
Ako na lang mag-isa rito.
"Air Maiden! Let me borrow thy power! Air Magic release!"
Doon ay humangin ng malakas sa paligid ko.
Ang hirap kontrolin ng hangin pero ginawa ko ang lahat para macontrol 'yon.
Nilakasan ko 'yung mahika ko sa pagkontrol n'on at dahil doon, lalong lumalakas 'yung hangin sa paligid na nagliliparan na 'yung mga dahon na naalis sa mga sanga.
Pati ako, nadadala na rin.
"Ang hangin ay hindi nadadaan sa pagpilit, prinsipe. Utusan mo ito ng malumanay at ito'y susunod sa iyong nais." narinig kong sabi ni Aella sa isip ko.
Doon, sinunod ko 'yung sinabi niya.
Pinikit ko ang mga mata ko at inrelax ko ang sarili ko.
Naramdaman ko na naging banayad na rin 'yung hangin at doon, unti-unti nang lumutang ang mga paa ko.
Iminulat ko na 'yung mga mata ko at namangha ako kasi nagagawa ko nang makalipad mag-isa.
"Pagiging malumanay pala ang makakakontrol sa hangin. Kaya pala ang hinhin-hinhin ni Aella," sabi ko sa sarili ko at inilipad ko na 'yung sarili ko sa direksyon na gusto kong puntahan.
Kahit saan ko lang gustong pumunta, doon ako lumipad.
Ipinikit ko 'yung mga mata ko at dinama ko ang hampas ng hangin sa 'kin.
Lagpas anim na buwan na ang nakalipas pero wala pa ring Hemira na bumabalik sa palasyo.
Lumipad ako ng napakataas at nararamdaman ko 'yung friction ko sa hangin.
Wala pa rin akong Hemira na nasasalubong sa hallway ng palasyo.
Tumigil ako sa paglipad at hinayaan ko lang ang sarili ko na nakalutang kung saan ako tumigil sa paglipad.
Anim na buwan na pero wala ni isang balita akong narinig tungkol sa kaniya.
Babalikan niya pa ba talaga kami?
Doon ay hinayaan ko na mahulog ako pababa.
Nakapikit pa rin ang mga mata ko at ang sakit sa tiyan ng pakiramdam na pahulog na ako ngayon mula sa napakataas na ereng pinanggalingan ko.
Worth it ba talaga 'tong paghihintay na ginagawa ko?
May mapapala ba ako rito?
Alam kong malapit na akong bumagsak sa lupa pero patuloy pa rin ako sa pagbagsak na ako mismo ang gumagawa.
"Babalikan mo ako Hemira, 'di ba? Babalikan mo kami..."
"Yohan..."
Doon, napamulat na ako ng mga mata ko at itinigil ko ang pagbagsak ko sa pagkontrol sa hangin.
Nakita ko ang mga puno sa paligid at kaunti na lang pala, pabagsak na ako sa lupa.
Halos isang ruler na lang ang layo ko ro'n.
Hindi ako pwedeng mawala.
Hindi ko pwedeng gawin 'to sa sarili ko.
Nangako akong maghihintay ako kasama si Kirion.
Pati ang nanay kong prinsesa... Ayaw ko siyang paiyakin dahil sa gagawin kong 'to.
Tinampal ko 'yung pisngi ko para magising ako sa kabaliwang sinubukan kong gawin.
Tumayo ako sa hangin at lumipad na lang ako ulit.
Nabasa na naman 'yung pisngi ko ng mga luha kaya agad kong pinunasan 'yon.
Ang hirap na... Sobrang hirap na maghintay.
Araw-araw akong nangangarap na mayroon pa ring Hemira na babalik pero hanggang ngayon, ni anino niya, hindi ko nakikita.
Tumigil ako sa paglipad at tiningnan ko 'yung paligid ko.
Kagubatan pa rin 'yon at walang mga tao.
"HEMIRA! TAMA BA NA PAASAHIN KO 'yung SARILI KO SA PAGBABALIK MO?!" sigaw ko.
Nag-unahan na naman ang mga luha ko sa pagtulo n'on mula sa mga mata ko.
"SI KIRION! AYAW NYANG MAGPAGAMOT NG MGA MATA NIYA AT AYAW NIYANG MAGING LIOSALFAR HANGGA'T HINDI KA PA RAW DUMARATING! HABANG BUHAY NA BA SIYANG MAGIGING GANO'N?!"
Napakuyom na 'ko ng mga kamao ko habang patuloy na nangingilid 'yung mga luha ko.
"Please... H-hemira... B-bumalik ka please... K-kase hindi ko alam ang g-gagawin ko kapag hindi ka na talaga b-babalik... K-kaya please... 'W-wag mo 'kong iwan dito m-mag-isa..."
~Hemira~
Ako'y naglalakad ngayon mag-isa rito sa isang kagubatan at ako'y nakasuot ng aking robang itim na mayroong talukbong sa aking ulo.
Tiningnan ko ang aking likuran kung mayroong nakasunod sa akin at sa kabutihang palad ay wala.
Tumakas ako sa aming palasyo sapagkat naiinip ako roon.
Tila hindi sanay ang aking katawan na sa iisang lugar lamang ako matitigil.
Matagal nang nangangati ang aking mga paa na magpunta sa maraming lugar.
Nais ko ring makita ang labas kung ano ba ang itsura niyon.
Ano nga ba ang itsura ng mga bulaklak na makukulay na minsan ay nabanggit sa akin ni Melba.
Ang sabi niya sa akin ay hindi niya rin gaanong alam ang labas na mundo dahil sa isa siyang mostro at marami ang takot sa kaniya.
Ang mga katulad daw naming mga mostro ay kinatatakutan ng marami kaya hindi kami maaaring magpunta sa mga lugar ng mga mabubuting mga nabubuhay ngunit nais kong makita iyon.
Hindi ko isinama si Euvan sapagkat halata sa kaniya ang kaniyang pagiging mostro sa pagiging itim na itim ng kaniyang mga mata at ako'y sigurado rin na hindi niya ako papayagang lumabas gaya ng aking ginagawa ngayon.
Ang sabi pa sa akin ni Melba, mayroong mga magaganda at nakaiinteresadong lugar malapit sa aming palasyo.
Ako'y lubos na nasasabik na makapunta kahit isa sa mga iyon upang makita kung totoo ang kaniyang winika.
Sana nga lamang talaga ay hindi malaman nila Mades, Melba, at Euvan ang aking pagtakas na ito lalo na ni ama.
Ang akala nila'y natutulog lamang ako sa aking silid kaya sana'y walang sumubok na pumasok doon upang ako'y tingnan.
Bibilisan ko na lamang ang pagpunta sa lugar na aking mapupuntahan at kapag nasilip ko na iyon ay babalik na kaagad ako sa aming palasyo.
"HEMIRA! TAMA BA NA PAASAHIN KO 'yung SARILI KO SA PAGBABALIK MO?!" sigaw ng isang boses ng lalaki kaya napatingala ako roon dahil nakalutang siya sa ere.
Nanlaki ang aking mga mata sa pagkamangha.
Noong isang araw lamang ako tinuruan ni Mades ng paglipad at nagawa ko agad iyon ngunit hindi ko lamang sinusubukang gamitin ang aking mahika dahil baka maramdaman iyon ng aking ama.
Ngunit nang maisip ko ang sinabi ng lalaking iyon... Hemira?... Aking pangalan iyon.
Tiningnan ko siyang mabuti at nakasuot siya ng baluti ng isang mandirigma.
Kung ganoon ay isa siyang mandirigmang maheya?
"SI KIRION! AYAW NYANG MAGPAGAMOT NG MGA MATA NIYA AT AYAW NIYANG MAGING LIOSALFAR HANGGA'T HINDI KA PA RAW DUMARATING! HABANG BUHAY NA BA SIYANG MAGIGING GANO'N?!" sigaw niya pang muli at tila lubos-lubos ang kaniyang nadaramang sakit na bakas na bakas sa kaniyang tinig.
Halata rin ang kaniyang pag-iyak.
Napahawak ako sa aking dibdib dahil mayroong tila sumakit doon.
Tila naninikip iyon.
Ano ang nagsasanhi nito?
Patuloy ang pagtangis ng lalaking iyon ngunit lumipad na rin siya paalis ilang sandali ang maglaon.
Bakit niya binanggit ang aking pangalan?
Baka mayroon lamang siyang iniibig na nang-iwan sa kaniya at nagkataon lamang na magkapangalan kami niyon.
Aking napansin na nawala na ang pagsikip ng aking dibdib sa pag-alis ng lalaking iyon.
Inalis ko na lamang iyon sa aking isipan at naglakad na kung saan ako dadalhin ng aking mga paa.