Hemira II 6 - Euphemia
~Yohan~
May nakita akong isang parang maliit na pamilihan at maraming tao 'yung mga nando'n kaya naisipan ko nang bumaba.
Lumapag na 'yung mga paa ko sa lupa at napatingin sa 'kin ang marami na nandito pero pinagpatuloy na rin nila 'yung mga ginagawa nila.
Nabasa ko 'yung isang malaking nakasulat na 'Pamilihan ng Adon'
'Yun pala 'yung pangalan ng lugar na to.
Maluwag naman 'to kahit maraming tao 'tsaka ang sasaya nila.
Ngiting-ngiti 'yung mga nagtitinda sa mga bumibili sa kanila. May mga nagtitinda ng mga prutas 'tsaka marami pang bagay na parang sa modern world lang din pero ang pinagkaiba, may mga nagtitinda rito ng mga bagay na hindi makikita roon katulad ng mga armors, mga espada tsaka iba't-ibang weapons.
'Tsaka imbis na mga baboy, manok 'tsaka isda 'yung mga tinda nila, mga baboy ramo, usa 'tsaka halamang ngayon ko lang mga nakita 'yung mga tinitinda nila.
Inalis ko na 'yung bakal na nasa ulo ko para makapagtingin-tingin ako nang maayos.
♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭ ♮ ♯ ♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭ ♮ ♯
Napatingin ako roon sa isang lalaking nagtutugtog ng lira.
Sobrang ganda ng sounds na naitutugtog niya kaya maraming tao ang mga nakapalibot sa kaniya at nagbabato sila ng mga pera o salapi doon sa sumbrerong nakapatong sa sahig sa harap niya.
Gusto ko rin sanang makitingin kaso naunahan na 'ko ng marami kaya umalis na lang ako ro'n.
May nadaanan naman ako na babaeng nagsasayaw nang mahinhin tapos 'yung suot niya, matingkad na pula na nakakaakit sa paningin.
Marami rin ang nanonood sa kaniya at puro mga lalaki 'yon.
Tss. Maganda kasi.
Napansin ko na lahat ng dumadaan, napapatingin at napapatigil sa panonood sa kanya.
Mapalalaki o babae man, pinapanood siya kaya nagiging kumpulan na 'yung mga tao rito.
"Napakaganda niyang binibini. Tila hinuli niya ang aking puso."
"Oo nga. Ang kaniyang kagandahan ay naiiba sa lahat," sabi ng mga nanonood sa kanya.
Ako, maglalakad na sana ako paalis...
"Binibini, maaari mo ba kaming samahan at bigyan kami ng aliw? Huwag kang mag-alala sapagkat malaking salapi ang ibibigay namin sa iyo," sabi ng isang boses ng lalaki kaya napatingin ulit ako roon sa babaeng nagsasayaw. Doon kasi galing 'yung boses na 'yon.
Nangunot 'yung noo ko nang makita kong dalawang lalaki 'yung nanghaharass sa babae na 'yon.
Isang mataba at isang mapayat 'yung mga 'yon.
Nakatingin lang sa kanila 'yung babae kaya mukhang napikon sila.
"Halika na sabi! Tataasan na lamang namin ang salaping ibibigay namin sa iyo!" sigaw ng mataba sa kaniya at hinawakan 'yung braso niya para hilahin na siya paalis.
Ngiting-ngiti naman 'yung mapayat na halatang mga manyak.
Napatingin ako sa mga tao rito kase mga takot silang makialam.
"Bakit ayaw mong sumama sa amin?! Minamaliit mo ba kami?! Nais mo ba munang masaktan bago ka sumama?!" sigaw na naman ng matabang lalaki at akmang sasampalin na 'yung babaeng 'yon kaya hindi na 'ko nakatiis.
Lumipad ako kasi nasakin pa rin naman 'yung mahikang hangin at lumapag ako sa harapan ng lalaking 'yon at mabilis kong hinawakan 'yung kamay niya para pigilan siya.
Napatingin sila sa 'kin.
"Hindi ka dapat nananakit ng babae dahil lang sa manyak ka," seryosong sabi ko sa kanya.
Nanggalaiti naman siya. "Huwag kang mangialam dito!" sigaw niya at susuntukin na sana ako pero hinipan ko siya at nanlaki 'yung mga mata ko nang napakalakas ng hangin 'yung napakawalan ko kaya tumalsik siya at naisama pa 'yung manyak niyang kasama.
Agad na umiwas 'yung mga taong madadaanan nila at tumalsik sila sa isang pader.
Nagkaroon ng mga bitak 'yon.
"Oops. Sorry." nasabi ko na lang.
Napasobra ata 'yung pagkalumanay ko na hindi ko na naman nagawang kontrolin nang maayos 'yung hangin.
Tsk. Kailangan talaga ng matinding practice para mahiyang ako rito.
Nagpalakpakan naman 'yung mga tao sa hero act ko.
"Hindi ba't sa mandirigma ng Gemuria ang baluting suot ng mandirigmang iyon?"
"Oo nga! Ang dragon na nakamarka sa kaniyang baluti ang patunay niyon!" sabi ng mga tao kaya napatingin ako sa armor ko.
Nakita ko sa bakal na sleeves n'on na may nakaukit na dragon.
So ito ang symbol ng pagiging warrior ng Gemuria.
Yumuko sa akin 'yung mga tao biglang pagbibigay galang nila at nahiya naman ako.
Kinuha na ng mga dumating na mga kawal 'yung dalawang manyak at nagpasalamat sa 'kin sa paghuli ko sa mga 'yon.
Mukhang most wanted pa ata nila 'yung dalawang 'yon dito sa lugar.
Aalis na sana ako kasi baka dumugin ako ng mga tao sa kagwapuhan ko- este sa pagiging warrior ko ng Gemuria pero napalingon ako nang mayroong humawak sa braso ko.
Nangunot ang noo ko nang makita kong 'yun 'yung babaeng nagsasayaw na tinulungan ko.
Nakatingin lang siya sa 'kin at napansin kong marami pa rin ang nakatingin sa 'kin.
Tiningnan ko ulit 'tong babaeng 'to. "'Wag ka nang magpasalamat. Okay na 'yon," sabi ko na lang kasi ayoko ng dramahang pasalamatan.
Nakatingin lang siya ng deretso sa 'kin. "Tawagin mo ako."
Lalong nangunot 'yung noo ko. "Huh?" Inalis ko 'yung pagkahawak niya sa 'kin at hinarap ko siya nang maayos.
"Ika'y isang Tumatawag, hindi ba?" tanong nya.
"Oo. Summoner ako. Paano mo nalaman?" balik tanong ko sa kanya.
Nagsi-alisan na 'yung mga tao pero marami pa rin sa kanila ang nanonood sa amin.
Tiningnan nitong babae 'yung paligid ko kaya napatingin din ako roon.
"Nakikita ko ang napakaraming mga prinsensya na iyong dala-dala. Sa mga diwata, mga pixias, gents at nimpa. Nakikita ko rin ang prinsensya ng ogrya sa iyo."
Nanlaki 'yung mga mata ko. "Ako? May prisensya ng ogrya? Tanggap ko na 'yung mga diwata tsaka 'yung iba pero ogrya? Hindi naman ako tumatawag ng ogrya."
"Ngunit mayroon kang prinsensya nila. Ibig sabihin ay naging parte mo na rin sila at maaari mo silang tawagin," sabi niya.
Natigilan ako.
Ogrya? Ogre?
Naalala ko 'yung sa Abellon...
Sabi sa 'kin ng pinuno ng mga ogre, ibibigay nila ang katapatan nila sa 'kin kung tutulungan ko silang makalaya na ginawa ko naman.
Ibig sabihin...
Nanlaki na 'yung mga mata ko. "Ibig sabihin, pwede ko rin silang i-summon?!" hindi ko makapaniwalang tanong sa kanya.
Tumango-tango siya.
Napa-isip ako.
So pwede rin akong maghanap pa ng ibang mga diwata o pixia o iba pang creatures na pwede kong i-summon at hindi lang 'yung kung anong laman ng libro ng tatay kong prinsipe?
Ikinaway niya ang kamay niya sa mukha ko kaya napatingin ulit ako sa kanya.
Seryoso lang siyang nakatingin sa 'kin. "Nais kong mapabilang sa iyong mga tatawagin kapag iyong kailangan."
Nangunot na naman 'yung noo ko. "Bakit gusto mo? Dahil ba 'yon sa tinulungan kita?"
Umiling siya. "Ngayon lamang ako nakakita ng isang Tumatawag na tulad mo na napakaraming mga nabubuhay ang nag-alay ng katapatan. Nasasaiyo rin ang apat na elemento na kahit na sinong Tumatawag ay hindi kayang mapag-alay ng katapatan ng mga diwatang iyon. Nais kong alamin kung bakit na sa iyo ang mga nabubuhay na iyon. Ano ang nakita nila sa iyo upang naisin ka nilang tulungan at nagagawa mo pang mahiram ang kanilang mahika. Nais ko ring magkaroon ng saysay ang aking buhay kaya naman mabubuhay ako upang tulungan ang isang malakas na Tumatawag na tulad mo." speech niya.
"Eh teka. Sino ka ba? Ano ka ba? Maiden este diwata? Nimpa?" tanong ko sa kanya.
Yumuko siya ng kaunti sa 'kin. "Ang aking pangalan ay Euphemia. Ako'y diwata ng kariktan at pag-akit."
Napatango-tango ako. "Ahh... Allure Maiden ka pala."
"Marami ang aking naaakit sa aking kagandahan at napasusunod ko sila sa aking nais na gawin nila."
Napataas ang isa kong kilay. "Ni hindi mo nga mapagtanggol 'yung sarili mo kanina—"
"Iyon ay sapagkat nangialam ka. Kayang-kaya kong protektahan ang aking sarili kahit na walang tulong ng iba." plain na sabi niya lang.
Napahiya naman ako ro'n pero 'di ko na lang pinahalata.
"Paano naman kita magiging maiden?" tanong ko sa kanya.
"Sabihin mo lamang na iyong tinatanggap ang aking katapatan at ako'y maaari mo nang tawagin. Pupunta ako kahit na kailan pa at saan ka naroroon."
Napatango-tango ako. "Okay. Tinatanggap kita na maging maiden ko," sabi ko lang pero napatingin ako sa paanan namin nang magkaroon ng bilog na mahikang maliwanag doon.
Napatingin din sa amin ang maraming tao sa nangyayari sa amin at nagsisimula na silang magkumpulan sa amin.
"Ngayon ay isa na ako sa iyong mga tagapaglingkod. Lahat ay aking gagawin upang matulungan ka," sabi niya at doon, nawala na 'yung bilog na mahika sa paanan namin.
Tumingin siya sa 'kin at nginitian ako.
"Ngunit ano ang iyong pangalan, ginoo?" tanong niya.
"Yo— Argyris. Argyris ang pangalan ko pero bakit ka naandito? 'Tsaka bakit hindi naman ako naaakit sa 'yo kung diwata ka ng kariktan?"
"Naririto ako sapagkat dito ako dinala ng aking mga paa. Wala akong permanenteng tinitirahan at sa iyong ikalawang tanong nama'y iyon ay sapagkat mayroon ka nang minamahal na tunay sa iyong puso kaya hindi ka na naaapektuhan ng aking mahikang pang-akit."
Bigla na naman akong nakaramdam ng lungkot sa sinabi niya lang na 'yon pero napatingin ako sa mga taong umuusyoso sa amin.
Tsk. Parang kami na 'yung main attraction dito—
Natigilan ako nang may makita akong isang pamilyar na mukha sa mga taong nagkukumpulan sa amin.
Mukhang kahit kailan ay hinding-hindi ko makakalimutan.
Nanlaki 'yung mga mata ko habang nakatingin sa tao na 'yon na nakatingin din sa 'kin.
"Hemira?..."