Hemira 7 - Desperado
~Hemira~
Lubos akong namangha nang isang tinatawag nilang pamilihan ang aking narating.
Dito ako dinala ng aking mga paa at lubos akong nasisiyahan dahil higit pa ang ganda ng lugar na ito sa aking inaasahan.
Napakaraming tao sa paligid ang masayang nagbibili at bumibili sa isa't-isa.
Marami akong mga bagay na ngayon ko lamang nakita kaya naman lubos kong nasasabi sa aking sarili na dapat ay hindi ko pagsisihan ang ginawa kong pag-alis ng walang paalam sa palasyo.
Nakihalubilo na ako sa mga tao at nakita ko na nagbibigay sila ng mga gintong salapi pilak at tanso upang mapagbilhan sila.
Kinapa ko ang aking damit at laking dismaya ko nang wala akong makapang salapi roon.
Sayang naman at hindi ko naisipang magdala ng salapi upang makabili rin ako ng mga magagandang bagay na naririto ngunit ayos lamang.
Magtitingin-tingin na lamang ako at kapag bumalik muli ako rito ay sisiguraduhin ko na mayroon na akong dalang maraming salapi upang maibili ko rin ng mga bagay mula rito sila Melba at Euvan.
Hindi ko naman maaaring bigyan sila Mades lalo na si ama dahil magagalit sila sa akin kapag nalamang dito ko nabili ang mga bagay na ibibigay ko sa kanila.
Kila Melba naman ay sigurado ako na hindi nila ako isusumbong dahil batid kong nais din ni Melba ng mga bagay na galing dito at si Euvan naman ay hindi nagsasalita.
Lubos akong natuwa sa aking planong iyon.
Masaya akong nagtitingin-tingin at marami rin ang nag-aalok sa akin ng kanilang paninda na magalang ko namang tinatanggihan.
Inalis ko na rin ang aking talukbong upang makapagtingin-tingin ako ng walang sagabal sa aking mukha.
Napakaganda talaga ng lugar na ito!
Mayroon akong nadaanan na isang nagbibili ng mga baluti at kasunod niyon ay nagbibili naman ng mga magagarang damit para sa isang babae.
Napatigil ako sa nagbibili ng baluti upang tumingin.
Tila nakuha niyon ng lubos ang aking interes kaysa sa mga damit na magagara.
Hinawakan ko ang baluti at tila mayroong bumubulong sa akin na bilihin ko iyon.
"Binibini, ngayon lamang ako nagkaroon ng mamimiling babae na katulad mo na tumitingin sa aking paninda. Madalas na ang mga mamimiling binibining ay sa kabilang nagbibili tumitingin dahil sa mga magagarang damit doon," sabi sa akin ng matandang nagbibili ng mga baluting ito.
Nginitian ko siya. "Hindi ko rin po batid sa aking sarili kung bakit nakuha ng mga baluting ito ng lubos ang aking atensyon."
"Baka naman isa kang mandirigma sa dati mong buhay?..." wika niya at ako ay natigilan.
Ako'y isang mandirigma?...
Mayroong tila nagliwanag na bagay malapit sa amin kaya ako'y napatingin doon.
Mayroong mga nagkukumpulang mga tao ang naroroon at tila mayroon silang pinagkakaguluhan kaya naman pumunta rin ako roon.
Baka isa iyong kakaibang bagay na maaaring makapagpamangha muli sa akin.
Paniguradong ikukwento ko iyon kay Melba at Euvan kung iyon nga iyon.
Nang ako'y makalapit ay pinilit kong makita kung ano nga ba iyon.
Nagkaroon ako ng tsansa na makita iyon at doon ay nasilayan ko ang isang lalaking nakasuot ng baluti at isang babae naman ang nasa kaniyang harapan na nakatalikod sa aming direksyon.
Napatitig ako sa makisig na binatang iyon at ganoon din siya kaya nagtama ang aming paningin.
Dugdug...Dugdug...Dugdug...
Napahawak ako sa aking dibdib at tila mayroon siyang sinabi sa pagbuka ng kaniyang bibig ngunit mayroong humila sa aking braso kaya ako'y napaalis sa aking pwesto.
Tiningnan ko kung sino iyon at nanlaki ang aking mga mata.
"E-euvan?..."
~Yohan~
"Hemira?..."
Biglang syang nawala sa pwesto niya na parang may nanghila sa kaniya kaya agad akong napatakbo papunta roon.
"Hemira!" sigaw ko at hinawi ko ang lahat ng taong nakaharang sa 'kin.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko sa kaba at maraming emosyon na nandoon.
Nang makalabas na ako sa kumpulan, marahas akong lumingon sa paligid para hanapin siya pero hindi ko na siya makita.
"HEMIRA!" mas malakas ko pang sigaw na halos manakit na ang lalamunan ko sa paggarasgas ng boses ko.
Sobrang lamig ng kamay ko at naninikip na ang dibdib ko sa mga nararamdaman ko.
Nagtatakbo pa ko para hanapin siya.
Para na 'kong baliw pero wala akong pakialam!
Sigurado akong si Hemira 'yung nakita ko.
Sigurado akong siya 'yon!
"Argyris, ano ang nangyayari sa iyo? Sino ang iyong hinahanap?" tanong sa 'kin ni Euphemia pero pilit ko pa ring hinahanap si Hemira.
Tumakbo ako pabalik sa mga tao at tiningnan ko sila para hanapin sa kanila si Hemira pero wala siya sa kanya.
"Bullsh*t! Nasaan ka na ba, Hemira?!" sigaw ko at sobrang frustration na ang nararamdaman ko.
Inilipad ko 'yung sarili ko pero naalog-alog ako sa ere sa hindi tamang pagkontrol ko sa hangin.
Nagpaikot-ikot ako sa ere at pabula-bulantang ako sa lakas ng hangin sa 'kin.
Pinilit kong maging stable ulit 'yung hangin at 'yung paglutang ko sa hangin at medyo nagagawa ko na 'yon.
Tumingin ako sa paligid at tanging si Hemira lang ang hinahanap ko pero sa dami ng tao, napakahirap niyang hanapin nang mayroon na akong makita na parang siya.
"Hemira!" sigaw ko at lumipad ako papunta sa babaeng 'yon na naglalakad.
Dahil sa hindi maayos 'yung pagkontrol ko sa hangin, pasubsob akong nagland sa lupa at nagpagulong-gulong 'yung katawan ko.
Marami pang napatili dahil sa bigla ko na lang pagland dito pero agad akong tumayo kahit na laki ng sugat ko sa baba.
Nahihilo-hilo pa ko pero tumakbo kaagad ako sa babaeng 'yon at hinawakan siya sa balikat para paharapin sa 'kin.
"Hemira!" tawag ko sa kaniya pero sobrang disappointment ang naramdaman ko nang hindi pala si Hemira 'tong babaeng 'to.
Parang natakot pa siya sa 'kin dahil sa malaki kong sugat sa baba at tumakbo na siya paalis.
Natulala na lang ako sa sobrang kadismayaduhang nararamdaman ko.
"Prinsipe!"
Napalingon ako sa tumawag na 'yon at si Seth 'yon.
Alalang-alala siyang lumapit sa 'kin at napatingin pa sa 'kin 'yung mga tao nang tawagin niya akong prinsipe.
Nanlaki 'yung mga mata niya nang mapatingin sa baba ko. "Prinsipe! Anong nangyari sa iyo?! Bakit mayroon kang sugat sa iyong baba?!"
Nagsimula nang mangilid 'yung mga luha ko. "S-seth... S-si Hemira... N-nakita ko si Hemira..." umiiyak na sabi ko sa kanya.
Lalong nanlaki 'yung mga mata niya. "N-ngunit prinsipe... W-wala na si Hem—"
"Hindi Seth... Nakita ko siya! Sigurado akong siya 'yon! Hahanapin ko siya! Siguradong hindi pa siya nakakalayo!"
Nagsimula na akong tumakbo kung saan ako dadalhin ng paa ko at nagtititingin sa mga tao.
Lahat ng mga babaeng nakatalikod na nakikita ko na kahawig ni Hemira, inihaharap ko sa 'kin.
Mayroong mga nananampal pa sa 'kin pero hindi pa rin ako tumitigil.
"Prinsipe! Paki-usap! Hinahanap ka na ng iyong ina!" sigaw sa 'kin ni Seth na kanina pa sunod ng sunod sa 'kin.
Hindi pa rin ako tumigil.
Nakita ko si Hemira.
Sigurado rin akong nakita niya 'ko.
Nagkatitigan pa kami kaya hinding-hindi ako magkakamali!
May biglang humawak sa balikat ko at iniharap ako sa kanya.
Si Seth 'yon at seryosong-seryoso siya. "Wala na si Hemira, prinsipe. Batid na rin namin nila Piero ang tungkol sa inyong pag-iibigan ngunit ikakasal na kayo ni prinsesa Ceres sa makalawa."
Tinabig ko 'yung kamay niya sa balikat ko. "Hindi pa nga siya patay! Hindi pa siya wala! Nakita ko siya! Buhay na buhay siya!" sigaw ko sa kanya.
"Alam kong mahirap pa rin sa 'yo na tanggapin ang pagkawala niya kaya pwedeng hallucination mo lang 'yon, prinsipe. Dahil sa sobrang depression mo at pagkagusto na makita siya ulit, gumagawa 'yung isip mo ng image ni Hemira na hindi naman totoo," sabi niya at napatulala ako sa kanya.
Posible 'yung sinabi niya pero nakita ko talaga si Hemira.
Nagkatama 'yung tingin naming dalawa.
Napahawak ako sa mukha ko dahil gulong-gulo na 'ko.
Nagpatakan na naman ang mga luha ko at napaluhod na lang ako dahil nawalan na ng lakas 'yung mga tuhod ko.
"Bakit bumabalik ka na naman sa pagiging ganito mo, prinsipe? Nalaman na rin namin kung gaano ka nagdusa sa pagkawala niya ngunit nung sinasabi sa amin 'yon, hindi kami naniwala kasi noong unang pagkikita muli nating apat nila Piero, tila maayos ka naman at nakakangiti sa mga biro ni Piero," sabi niya at umupo sa harapan ko.
"Pero paano kung hindi talaga totoo na namatay si Hemira sa Abellon? Sinabi ko kay Kirion na babalikan kami ni Hemira... Sinabi ko sa sarili ko na babalikan niya kami kaya hanggang ngayon, umaasa pa rin ako." umiiyak na sabi ko sa kanya.
"Hindi ba't ang dalawa sa inyong mga kasamahan na ang nagsabi sa iyo. Miski ang bagong heneral ng Gemuria na si Abun ay nakasaksi rin niyon. Pati na ang hari't reyna at si prinsesa Ceres. Marami ang nakasaksi kaya dapat ay tigilan mo na ang pagpapaniwala sa sarili mo sa isang bagay na alam mo namang hindi mangyayari kahit kailan. Masakit man itong marinig ngunit kailangan mong tanggapin dahil ito ang tama. Tanggapin mo si prinsesa Ceres sa iyong puso upang siya na ang makagamot sa iyong kalungkutan."
Natulala na lang ako at nawala na 'ko sa sarili ko.
Itiningin ko pa rin 'yung mga mata ko at hopeless na hinanap si Hemira. Umaasa na baka sa isang direksyon, makita ko ulit siya pero wala talaga.
Hinawakan ni Seth ang pisngi ko at iniharap ang mukha ko sa kanya.
Puno ng pangungumbinsi 'yung mga mata niya.
"Magiging ayos din ang lahat sa iyo, prinsipe. Tulungan mo ang sarili mong makamove-on kasi hindi mo lang dapat kay Hemira pinapaikot ang mundo mo. Paano naman ang iyong ina na napakahabang taon na naghintay para makasama ka uli? Paano ang prinsesa ng Gemuria na ikakasal na sa iyo ilang araw na lamang? Ang liomean na si Kirion, ang Arthan na si Eugene. Lahat kayo nasasaktan ngunit ginagawa nila ang lahat para maging masaya ulit. Sabi nga 'di ba sa modern world. Life goes on." Pinunasan niya 'yung mga luha ko pero patuloy pa rin ang pagiging basa ng pisngi ko.
Gusto ko nang humandusay na lang dito sa sobrang sakit na nararamdaman ko pero tinulungan niya akong makatayo.
Isinampay niya 'yung braso ko sa batok niya para maalalayan ako sa paglalakad.
Ang sakit tanggapin lahat ng sinabi niya.
Alam kong hindi ko matatanggap 'yon pero hindi ko na talaga alam ang dapat isipin at gawin.
Hanggang sa pag-iyak ko na lang lahat naibubuhos tong hirap at sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko.
~Hemira~
"Euvan... Paumanhin na... Huwag ka nang magalit pa sa akin..." paghingi ko ng paumanhin kay Euvan na nakatalikod sa akin.
Nakaupo ako ngayon sa gilid ng aking higaan at naririto na kami sa loob ng aking silid.
Mabilis niya akong isinama pauwi na tila siya'y nagmamadali.
Dumaan kami sa isang mas malapit na daan patungo rito sa palasyo at mabuti'y walang nakakita sa amin sa aming pagpasok galing labas.
Hindi siya umiimik kaya naman tatayo na sana ako ngunit bigla siyang humarap sa akin kaya napabalik muli ako sa aking pagkakaupo at umupo ako nang maayos.
Naghihintay ako sa kaniyang sasabihin ngunit wala siyang sinasabi.
Tiningnan ko siya at nakatingin lamang sa akin ang kaniyang itim na itim na mga mata.
"Euvan, hindi ka ba talaga nagsasalita? Bakit hindi mo ako pinapagalitan?" tanong ko sa kanya.
Nakatingin pa rin siya sa akin.
Ramdam ko na mayroon siyang nais sabihin ngunit pinipigilan niya lamang ang kaniyang sarili.
Dahil doon ay tumayo ako at yinakap siya.
Naramdaman ko ang pagkagulat sa kaniya dahil natuod ang kaniyang katawan.
Tinapik-tapik ko ang kaniyang likod ng mahina. "Ayos lamang Euvan na ika'y magsalita. Pagalitan mo ako kung iyong nais. Sabihin mo sa akin ang lahat ng nasa iyong isip dahil hindi naman ako magtatampo sa iyo. Huwag mong ipunin ang lahat ng iyan sa iyong sarili. Nais ko nang muling marinig ang pagtawag mo sa aking pangalan gaya noong tinawag mo ako noon nang ako'y magising."
Tila naging komportable na siya sa aking yakap at yumakap siya pabalik sa akin.
Ibinaon niya ang kaniyang mukha sa aking balikat kaya naman ako'y napangiti.
"Ang totoo niyan ay ikaw lamang ang pamilyar sa akin sa lahat sa kanila. Sila Melba, si Mades miski na si ama. Hindi sila pamilyar sa akin at tila ba hindi ko pa sila nakakasama noon ngunit naiiba ka sa kanila. Ikaw lamang ang pinakapinagkakatiwalaan ko at sumunod si Melba." aking sabi.
Humiwalay ako ng yakap sa kaniya at nakahawak pa rin siya sa aking bewang.
Hinawakan ko ang kaniyang pisngi.
Ang kaniyang itim na itim na mga mata ay naging normal gaya noong una ko siyang masilayan sa aking paggising.
Nginitian ko siya ng malawak. "Mas makisig ka Euvan sa aking paningin kapag normal ang iyong mga mata."
"Prinsesa! Iyo bang nakita si—"
Napatingin kami kay Melba sa bigla niyang pagbubukas ng pinto ng aking silid at nang mapatingin siya sa amin ay napatigil siya sa kaniyang sinasabi.
Nakahawing muli sa gitna ang kaniyang buhok.
Nakatulala siya sa amin.
Akin siyang nginitian. "Si Euvan panigurado ang iyong hinahanap. Sige na Euvan at samahan mo na si Melba. Nais ko munang makapag-isa." aking sabi.
Nakita ko naman ang pilit na ngiti sa mga labi nya.
Lumayo na sa akin si Euvan at yumuko saglit saka lumabas ng nitong aking silid.
Tiningnan ko si Melba at tila may nais siyang itanong sa akin.
Nginitian ko siya. "Sige na Melba at magtanong ka sa akin. Ayos lamang naman."
Doon ay napayuko siya at pinaglaro ang kaniyang mga daliri. "P-prinsesa... Ano kase... Itinatangi mo rin ba si Euvan?" nahihiyang tanong niya sa akin.
"Oo," tugon ko at nanlalaki ang mga matang napatingin syang muli sa akin.
"Ngunit—"
"Itinatangi ko siya bilang isang kaibigan. Miski ikaw Melba ay aking itinatangi rin. Mahalaga kayo sa akin." nakangiti kong wika.
Doon ay tila nabunutan siya ng tinik at nagliwanag ang kaniyang mukha sa saya. "Talaga, prinsesa?!"
Tumango-tango ako habang nakangiti pa rin.
"Kung gayon ay susundan ko na si Euvan upang makapag-isa ka nang muli, prinsesa." natutuwa niyang sabi at doon ay lumabas na siya at isinara na niya ang pinto ng aking silid.
Naging tahimik ang aking paligid ngayong nag-iisa na lamang ako rito.
Tiningnan ko ang mayroong kadilimang aking silid na walang masyadong kulay ang mga kagamitan kundi itim lamang o kulay kahoy.
Napabuga ako ng hangin ngunit nang aking maalala ang nangyari sa pamilihan kanina ay naisip ko ang binatang aking nakita roon.
Ang kaniyang tingin sa akin ay tila kilala niya ako.
Ang ibinuka rin ng kaniyang bibig ay tila aking pangalan na Hemira ngunit hindi ako sigurado sapagkat hinila na ako ni Euvan noon.
Kakilala niya ba ako o napagkamalan niya lamang ako na ako'y kaniyang kakilala?
At ang akin ding naramdaman kanina sa aking dibdib.
Ang malakas at mabilis na t***k ng aking puso nang magtama ang aming tingin...
Ano ang ibig sabihin niyon?
~Yohan~
Naandito lang ulit ako sa veranda ng kuwarto ko at nakatingin sa kalangitan.
Bilog na bilog 'yung buwan kaya nakatitig lang ako do'n.
Magaling na 'tong sugat ko sa baba at walang kapeklat peklat na naiwan gawa ng ginamot 'to ng Renki na dinala sakin ni Seth.
Biglang pumasok sa isip ko 'yung nangyari sa pamilihan ng Adon kanina.
'Yung nakita kong babae na si Hemira.
Sabi ni Seth na paniguradong hallucination ko lang 'yon pero bakit naramdaman ko 'yung pagkabog ng dibdib ko na tanging kay Hemira ko lang nararamdaman?
'Tsaka 'yung intense ng titig niya rin sa 'kin, parang nakilala niya rin ako sa titig niya.
Hindi pwede 'to.
Kailangan kong iconfirm lahat ng agam-agam sa isip ko na 'to.
Babalik ako ro'n bukas.
Babalik ako sa pamilihan ng Adon.
Hahanapin ko siya ulit do'n dahil baka magkita ulit kami coincidentally.