Hemira 4 - Iniibig
Ilang araw ang makalipas...
~Yohan~
Tok! Tok! Tok!
Minulat ko ang mga mata ko gawa n'ong pagkatok na iyon. "Open Sesame." tinatamad na sabi ko sa spell ko at bumukas 'yung pinto.
Tamad akong mag-isip ng mga ipapangalan sa spells ko kaya 'yan na lang.
May mga pumasok pero tumalikod ako ng higa ko kasi inaantok pa ako.
"Prinsipe Argyris, naririto na ang iyong inang si prinsesa Aerin," sabi ng isang boses na pamilyar sa 'kin.
Bigla akong napabangon ng higa at tiningnan sila.
Nanlaki 'yung mga mata ko.
"David?! Seth?! Teka. Roxanne in boy version?!" hindi ko makapaniwalang banggit ng pangalan nila.
Si David 'yung nagsalita kanina kaya pamilyar sa 'kin 'yung boses niya.
"Prinsipe, Piero ang pangalan ko saka Roxanne lang si Zetes kapag girl version siya so Zetes ang itawag mo sa kaniya ngayon." natatawang sabi ni David.
Tumayo na ko at halos magkandarapa pa ako para makalapit sa kanila.
Mahaba kasi tong panjamang suot ko.
"Teka. Kamusta na kayo? Wala bang ginawang masama sa inyo si Mades katulad no'ng ginawa niya kay Damara?" tanong ko sa kanila at tiningnan sila isa-isa.
Mga nakaarmor sila at mukha na silang mga katulad n'ong mga tao rito. Mga sinauna.
"Wala siyang ginawang masama sa amin, prinsipe. Ikinulong niya lamang kami. Nang matalo na ninyo si Abellona ay sinugod ng mga mandirigma ng Gemuria ang Emeas upang iligtas kami roon at doon ay nagawa na nilang mahuli si Mades na walang masyadong alagad na kasama dahil patay na sila Candor, Elina at Adras sa pagkatalo n'yo sa mga iyon sa Abellon. Sa kasamaang palad ay nakatakas siya sa pangloloko sa amin na siya'y mahina na ngunit mayroon pa pala siyang lakas upang makapanglaban. Doon ay nakatakas na siya." paliwanag ni Seth na seryosong-seryoso.
"Kung ganon, hindi pa rin tayo safe kasi pwede pa rin tayong balikan ni Mades para gantihan?" tanong ko sa kanila.
Tumango-tango naman sila.
"Ngunit ang magandang balita ay napakawalan na rin si prinsesa Aerin mula sa pagkakakulong niya sa ilalim ng kaharian sa madilim nyang silid. Ang lahat din ng mga tagapagsilbi ni reyna Mades ay pinaslang na rin upang walang makapangtraydor sa atin dahil siguradong gagamitin niya ang mga iyon upang magmatyag sa ating mga galaw. Ang kaniyang anak na si prinsipe Cleon naman ay hindi na nanlaban pa at nagpapiit na lamang kahit kaniyang ginigiit na hindi siya masama." paliwanag naman ni David.
Hindi na ako nakaimik kasi hindi ko alam 'yung sasabihin ko lalo na 'yung tungkol kay prinsesa Aerin.
Siya 'yung totoo kong nanay at ngayon, nandito siya para makita ako.
Bigla akong kinabahan dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kapag nagkita na kami.
"Mahal na prinsipe, nais na nais na kayong makita ni prinsesa Aerin kaya tayo'y magpunta na sa kaniyang silid," sabi ni Rox— Zetes.
Wala sa sariling tumango ako at papalabas na...
"Teka, prinsipe Argyris. Nakapanjama kang pupunta sa iyong ina?" tanong sa 'kin ni David.
Napatingin ako sa sarili ko. "A-Ahh... O-oo nga noh..." Napakamot pa ako sa batok ko.
Mayroong pumasok na isang servant na may dalang damit kasunod pa ang apat na mga lalaking servant.
"Sila ang maglilinis sa iyong katawan at magpapalit ng iyong kasuot—"
"Ano?! Wag na! Kaya ko naman maligo at magpalit ng damit mag-isa!" sigaw ko kaya napatigil si Seth sa sinasabi niya.
"Ngunit tradisyon iyon dito prinsipe," sabi ni David.
"Ayoko. Period."
Ilang saglit ang makalipas...
Naglalakad na kami papuntang kwarto ni prinsesa Aerin.
Katabi ko si Seth at David at si Zetes, nasa kabila ni David.
Nakabusangot 'yung mukha ko.
"Prinsipe, bakit nakasimangot ka pa rin hanggang ngayon? Hindi mo ba talaga gusto na pinaliguan ka at binihisan ng mga lalaking tagapagsilbi?" tanong sa 'kin ni David.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Shut up."
Natawa lang siya.
Tsk. Sabi nang ako na ang magpapaligo sa sarili ko pero mapilit sila.
Dinala nila ako sa parang maliit na swimming pool pero gawa sa kahoy 'yung paligid n'ong mini pool na 'yon.
Maligamgam 'yung tubig n'on at may mga nalutang pang petals ng rose kaya ang bango ng tubig.
Kinudkod n'ong mga lalaking servants 'yung likod ko saka 'yung katawan ko kahit labag sa kalooban ko.
Ganito pala talaga maging prinsipe.
Para akong nasa fairy tale.
Ordinaryo lang pero naging instant prince + charming.
Tiningnan ko 'yung sarili ko.
Pang prinsipe na pangprinsipe 'yung suot ko pero pero iba nga lang 'yung design nito sa mga ipinapalabas sa T.V.
Ang elegante kasi saka silk ang gamit na tela na ang ganda-ganda.
Kung mahaba lang ang buhok ko, mapagkakamalan na akong babae kapag nakatalikod.
"Prinsipe, hindi mo ba gusto ang iyong kasuotan?" tanong sa 'kin ni Seth kaya napatingin ako sa kaniya.
"A-Ahh... Hinde. Okay lang," sabi ko.
Naglakad na kami ng tahimik pero napa-isip ako sa kanilang tatlo.
Sila 'yung mga gumawa ng mga bagay para maitago ako kay reyna Mades no'ng baby pa ako.
Syempre, kasama rin doon si Nathalie o Damara na ibinuwis ang buhay niya para sa akin.
Lahat ginawa nila para sa akin. Para sa pamilya namin at hindi ko pa pala sila napapasalamatan.
Tiningnan ko silang tatlo. "Sa inyong apat ni Nathalie..." pabitin na sabi ko kaya napatingin sila sakin ng sabay sabay.
"Maraming salamat sa inyo. Alam kong kulang 'yung magpasalamat lang ako ng ganto pero kapag nagkaroon ako ng chance na makabawi sa inyo, promise... I'll do everything para makabawi ako kahit papaano." sincere na sabi ko sa kanila.
Para namang nataouch sila ng sobra pwera lang sa seryosong mukha ni Zetes pero alam ko naman na deep inside nya, natouch siya sa sinabi ko.
"Hindi mo na kailangang gawin iyon, prinsipe. Ang pagbabalik mo lamang mula sa Abellon ng buhay ay sapat nang pangbawi sa lahat ng yon." nakangiting sabi sakin ni Seth.
"Ang cheesy." nadidiring sabi ko kunwari.
Natawa naman silang dalawa pwera kay Zetes na tahimik lang. Tss. Masyado syang seryoso sa buhay. Hayae na nga.
"Malapit na tayo sa silid ng iyong ina, prinsipe..," sabi ni David kaya nagsimula na naman akong kabahan.
Nakita ko na 'yung mukha ni prinsesa Aerin sa alaala ni Nathalie dati pero iba pa rin panigurado kapag nagkita kami ng personal.
Hindi ko alam kung ano nga ba talagang gagawin ko kapag nagkita kame.
Ngingitian ko ba siya sabay sabing Hi?
O yayakapin ko siya agad-agad sabay tawag sa kaniya ng mommy?
Teka. Hindi ko pa nga alam kung anong itatawag ko sa kaniya.
Ina ba?
Inay?
Mom?
Siguradong sobrang awkward kapag nagkita na kaming dalawa.
Hindi na ko mapakali at ang lakas lakas rin ng kaba sa dibdib ko.
"Prinsipe! Lagpas ka na! Dito ang silid ni prinsesa Aerin!" sabi ni David sakin kaya napalingon ako.
Medyo malayo na ko sa kanila.
Nakatayo silang tatlo sa tapat ng isang pinto.
Hindi na lang ako nagreact at lumapit kaagad ako sa kanila.
"Huwag kang kabahan, prinsipe. Mabait si prinsesa Aerin at hindi siya magiging awkward sa'yo. Mabilis kang magiging komportable sa kaniya," sabi ni Seth sakin habang nakangiti.
Ngayon na lang ulit siya naging modern magsalita.
Tumango ako sa kaniya.
Kinatok ko na 'yung pinto.
Bubuksan ko na sana 'yon pero pinunasan ko muna 'yung namamawis kong palas sa damit ko.
Binuksan ko na 'yung pinto at pumasok na ko sa loob.
Kusa nang sumara 'yon.
Napatingin ako sa taong nakatayo at nakatingin sa may malaking bintana.
Mahaba 'yung berde nyang buhok na hanggang bewang niya tsaka ang tangkad nya.
Nangunot 'yung noo ko.
Ang natatandaan ko, black 'yung kulay ng buhok ni prinsesa Aerin sa alaala ni Nathalie.
Nagpadye ba siya ng buhok?
Nang humarap siya ay nanlaki ang mga mata ko.
"Egidio?!" hindi ko makapaniwalang tawag sa kaniya.
Siya 'yung may scythe na sumali rin sa paligsahan sa Panos pero natalo siya sa ikalawang round.
Seryoso lang siyang nakatingin sa 'kin.
"T-teka. Ba't ikaw 'yung nandit—"
"Prinsipe, anak ko..."
Napatingin ako sa gilid ko kasi doon ko narinig 'yong boses ng babae na 'yon. Doon ko nakita ang isang babaeng nakahiga sa magandang kama at nakatingin sa 'kin.
"P-prinsesa Aerin?..."
Pilit siyang umupo kaya nilapitan kaagad siya ni Egidio at inalalayan siyang makaupo.
"Ba't nandito ka, Egidio? Magkakilala ba kayong dalawa?" tanong ko sa kanila na sobrang nalilito.
"Hindi mo ba muna ako yayakapin, prinsipe ko?..." nanghihinang tanong sa 'kin ni prinsesa Aerin.
Doon, natigilan ako.
Itinaas niya 'yung dalawang kamay niya para salubungin ako ng yakap.
Hindi ko alam kung ano na naman ang irereact ko pero kusa nang humakbang 'yong mga paa ko palapit sa kaniya.
Umupo ako sa gilid ng kama niya at yinakap ko siya na hindi ko nalalaman.
Niyakap niya ako at hinaplos ang buhok ko. "Patawarin mo ako prinsipe ko dahil ipinadala kita sa ibang mundo... Ginawa ko lamang iyon upang ika'y protektahan. Sobrang pangungulila at pananabik ang aking nararamdaman para sa iyo sa araw-araw na lumipas sa aking buhay."
Humihikbi siya at doon ay napaluha na 'ko.
Napahigpit ang yakap ko sa kaniya dahil sa kakaibang nararamdaman ko sa yakap niya.
Matagal kong hinanap-hanap 'yong ganto kasincere na pakiramdam at napakasarap n'on sa pakiramdam.
"Halos araw-araw ay aking hinihiling na sana ay magbukas ang pinto ng aking madilim na silid at doon ay maaari na akong makalaya... Na maaari na kitang makita at makasamang muli at ngayon ay natupad na iyon. Yakap-yakap na kita ngayon at maaari ko nang makita ang iyong mukha kahit kailan ko naisin..."
Humiwalay siya ng yakap sa 'kin at tiningnan ang mukha ko.
Tiningnan ko rin siya at napakaganda niya.
Parang mas matanda lang siya sa 'kin ng ilang taon at hindi agad masasabi na nanay ko siya sa bata ng itsura niya.
Hinawakan niya ang pisngi ko at puno ng pananabik ang mga mata niya. "Kamukhang-kamukha mo ang iyong amang si Alberon. Ang iyong mga mata, ang iyong ilong at mga labi... Lahat ay namana mo sa kaniya."
Yinakap niya ako.
"Ina..." tawag ko sa kaniya at lalo siyang napa-iyak nang marinig 'yon.
Ang weird pakinggan lalo na't nanggaling ako sa modern world at sinauna na para sa akin 'yong gano'n pero 'yun 'yong lumabas sa bibig ko.
Kahit na ang luma-luma... 'yun 'yong sinasabi ng puso ko na lumabas sa bibig ko.
Ramdam ko 'yong sobrang pananabik at pagmamahal niya sa akin sa yakap lang na 'to.
Tama si Seth.
Akala ko, magiging awkward ang atmosphere namin pero nagkamali ako.
Mas komportable pa 'to kesa sa dating pagyakap ko sa mga magulang ko na umampon sa akin sa modern world.
*—* * *—*
Lumabas na ako ng kwarto ng nanay kong prinsesa kase nakatulog siya sa sobrang kakaiyak sa 'kin.
Sinabi niya sa 'kin na hindi siya nakatulog kagabi habang papunta sila rito sa kakaisip sa 'kin.
Sinara ko na 'yong pinto at pagharap ko, nakita ko si Egidio katabi sila Seth.
Suot pa rin niya 'yong parang mummy niya na damit pero wala na siya ngayong takip sa mukha.
Seryoso akong tumingin sa kaniya. "Ba't ka nandito, Egidio? Anong relasyon mo sa nanay ko?"
Nakatingin din siya sa 'kin. "Ako ang nakatatandang kapatid ni prinsipe Alberon ngunit anak ako ng hari sa isang tagapagsilbi kaya naman hindi ako kinilalang prinsipe sa Emeas."
"`Yung sa paligsahan sa Panos. Sumali ka ba talaga ro'n kase gusto mo o—"
"Ikaw ang dahilan ng pagsali ko roon, prinsipe." deretsong sabi niya agad.
Nangunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"
"Nadaan lamang ako sa lugar na iyon dahil sa aking paglalakbay nang makita kitang magpapalista sa paligsahang iyon. Ikaw na lamang ang nagpapalista at suot mo'y sira-sirang kasuotan kaya nakuha mo ang aking atensyon at lalo na nang makita ko ang iyong mukha. Kamukhang-kamukha mo ang aking kapatid na si Alberon noong kabataan pa niya kaya naman nais sana kitang makausap. Hindi ko rin alam kung bakit nga ba ngunit sigurado na gawa iyon ng lukso ng dugo na aking naramdaman."
Tahimik lang kaming nakikinig nila Seth sa kaniya.
"Sa pagnanais ko na iyon ay sumali rin ako upang magbakasakali na magkaharap tayong dalawa ngunit sa ikatlong paligsahan ka pala sumali. Natalo na ako sa ikalawang paligsahan kaya naman hindi na kita nakaharap sa ikatlo na iyong sinalihan. Nang magising ako ay agad kitang hinanap at ipinagtanong ngunit nakaalis na pala kayo sa Panos noon." paliwanag nya.
Napatango-tango ako. "So tito pala kita."
Nangunot 'yung noo niya. "Tito?"
"Tito. Parang sa tagalog, tiyo. Tiyuhin kita pero teka... Bakit hindi ka man lang gumawa ng paraan para tulungan 'yong nanay ko sa kamay ni Mades?" tanong ko sa kaniya.
Napayuko siya. "Patawad prinsipe ngunit batid ko naman na kahit na nangialam ako ay wala akong laban kay Mades at sa mga kasamahan nya. Katulad ni prinsipe Alberon ay namana ko rin sa aming lahi ang pagiging mahina ng katawan kaya sana ay mapatawad ninyo ako sa pagtalikod ko sa inyo ng mga panahon na iyon." sincere na sabi niya.
Alam ko naman na hindi siya nagdadahilan gawa ng napansin ko talaga nung nakikipaglaban siya sa Panos na mahina 'yong katawan niya sa mga offensive attacks ng mga kalaban.
"Isa pa'y nangako rin ako sa aking sarili na hindi ako sasali sa mga politika at agawan ng pwesto sa kaharian ng Emeas dahil masaya na ako sa piling ng babaeng aking tinatangi ngunit sinabi sa akin ni prinsesa Aerin na kailangang ako na ang umupong bagong hari ng Emeas sapagkat ikaw ay magpapakasal kay prinsesa Ceres at syang magiging hari ng Gemuria," sabi niya at doon ay napaiwas ako ng tingin.
Mukhang napansin naman 'yon nila Seth.
"Mawawalan ng maghahari ang Emeas at paniguradong magkakaroon ng malaking kaguluhan doon. Ayaw ko man sa bagay na iyon ay tinanggap ko na rin sapagkat ayokong magkaroon ng pagtatalo sa kaharian at baka magkaroon pa roon ng digmaan para sa posisyong iyon." dagdag pa niya.
"Hindi ako magpapakasal kay prinsesa Ceres," sabi ko kaya nangunot ang mga noo nila.
"Anong ibig mong sabihin, prinsipe?" tanong niya sa 'kin.
Pati sila Seth, halatang 'yun din ang gustong itanong sa 'kin.
Napahingang malalim na lang ako. "Wala... Babalik na 'ko sa kwarto ko para magpahinga. Bantayan n'yong mabuti ang nanay ko at wag na kayong sumunod sa 'kin, Seth."
Naglakad na 'ko paalis para 'di sila mabigyan ng chance na makapagtanong pa sa 'kin.
Hindi nila alam 'yong sa amin ni Hemira.
Hindi alam 'yon nila Seth kaya gulat na gulat sila nung sinabi ko na hindi ako magpapakasal kay prinsesa Ceres.
Naglalakad lang ako at busyng busy na 'yong mga tao rito.
"Magandang umaga, prinsipe Argyris." bati sa 'kin ng mga servants pero dinaanan ko lang sila.
Wala ako sa mood na makipag-interact sa kanila.
Napadaan ako sa isang malaking terrace rito kaya ro'n muna ako tumambay.
Maliwanag na ang sikat ng araw at kitang-kita ko ang napakalaking lupain ng lugar na 'to.
Hindi ko inakalang makakakita ako ng gantong kagandang view sa buhay ko.
Para kasing ganito 'yong sa mga ancient times kaya imposible nang makakita ng gantong view sa modern world. Puro building na ro'n tsaka bahay.
Napatingin ako sa maliwanag na kalangitan.
Mukha agad ni Hemira ang nakita ko ro'n.
Nagsimula na namang mamasa-masa 'yong mga mata ko pero kaagad kong pinunasan 'yon.
Sinabi ko kay Kirion na hindi na dapat kami maging malungkot kapag naaalala si Hemira kaya dapat panindigan ko 'yon.
Napalingon ako nang may tumapik ng mahina sa balikat ko.
Si prinsesa Ceres 'yon.
Ang gara nung suot niya na palagi naman.
Pang prinsesang pang prinsesa na kulay pink tas ang kintab sa sinag ng araw.
Tumabi siya sa 'kin at tumingin din sa kalangitan.
Nakangiti siya. "Masaya ako para sa inyo ni prinsesa Aerin. Sa haba ng panahon na hindi kayo nagkasama'y sa wakas ay nagtagpo na muli ang inyong mga landas at nakapag-usap."
Nakatingin lang ako sa kaniya.
Tumingin siya sa 'kin. "Alam mo, mahirap ang maging prinsesa ng Primum. Kailangan ay pagtuunang mabuti ng oras at kakayahan ang pag-aaral ng mahika at tamang paggamit niyon. Dahil doon ay hindi ko na nabibigyan ng oras na makasama ang aking amang hari at inang reyna na nagsanhi ng pagkakalayo ng aming mga loob sa isa't-isa. Lubos na nagpapalungkot sa akin iyon dahil sila lamang para sa akin ang kakampi ko sa kahariang ito ngunit dahil sa aking pagiging prinsesa ay parang ako na lamang mag-isa."
Napahinga siya ng malalim. "Nahihiling ko na nga rin paminsan-minsan noon na sana'y hindi na lamang ako naging prinsesa. Na sana'y ordinaryo lamang kaming pamilya na masayang magkakasama sa araw-araw ngunit nagbago ang lahat ng iyon nang isang pangyayari ang nangyari sa akin na syang nakapagpabago sa aking isipan."
Hindi ko inaalis 'yung tingin ko sa kaniya at ganon din siya sa 'kin. "Ninais ko na muling maging prinsesa para sa isang tao. Kung mananatili ako sa aking pagiging prinsesa ay makakasama ko ang taong iyon." Ngumiti siya pagkatapos sabihin 'yon.
"Hindi ba pwedeng 'wag na nating ituloy 'yung kasal?" tanong ko sa kaniya.
Ngayon lang ako nagkaroon ng chance na maitanong sa kaniya 'to.
Nawala ang ngiti niya at napatitig sa 'kin. "Ganoon mo ba kaayaw sa akin? Hanggang ngayon ba ay ako pa rin ang iyong sinisisi sa—"
"Hindi sa gano'n. Sadyang gano'n ko lang talaga kamahal si Hemira na hindi ko kayang magpakasal sa ibang babae kun'di sa kaniya lang." seryoso kong sabi.
Napayuko siya at parang nalulungkot. "Mahirap mamuhay sa nakaraan, Argyris. Bakit hindi mo na lamang harapin ang kasalukuyan?"
"Kung ang pamumuhay lang sa nakaraan ang pwede kong gawin para makasama ulit si Hemira, gagawin ko. Ititigil ko ang oras ng buhay ko para sa kaniya." sincere na sabi ko.
Napatingin ulit siya sa 'kin at napangiti. "Masuwerte si Hemira sapagkat mayroong taong katulad mo na nagmamahal sa kaniya ng tunay."
Umiling ako. "Ako ang maswerte sa kaniya kase minahal niya rin ang tulad ko. Siya 'yung nagpabago sa akin at nagtyaga sa pangit kong ugali noon." Napangiti ako kase naaalala ko 'yong mga kasungitan ko noon kay Hemira pero hindi siya nagagalit sa 'kin.
Minsan lang niya ako pinapagalitan kapag nagkocross na talaga ako ng line but isa 'yon sa mga dahilan kung bakit ko siya minahal.
Tinuro niya sa akin 'yong mga bagay na dapat kong limitahan.
Napabuntong hininga 'tong katabi ko kaya napatingin ako sa kaniya. "Anong problema mo?" tanong ko.
Umiling lang siya habang nakayuko.
Hindi na siya umimik.
"Ikaw? Meron ka na bang lalaking mahal?" tanong ko sa kaniya.
Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa 'kin. "H-ha?... A-ahhh... M-mayroon ngunit hindi niya naman batid. Nahulog ang aking loob sa kaniya nang imulat ko ang aking mga mata at siya ang aking nasilayan." nahihiya niyang sabi.
Nangunot ang noo ko. "Ha? Ano 'yon? Kisame? May gusto ka sa kisame?"
Napatawa siya bigla habang umiiling.
Napatingin tuloy sa amin 'yong mga tagapagsilbi na nadaan.
Parang mga kinikilig na ewan.
Napansin niya rin 'ata 'yon kaya tumikhim siya para ibalik ang pagkademure niya.
"Hindi iyon ang aking ibig sabihin. Ang aking itinatanging lalaki ay isang napakakisig na binata at unang pagkasilay ko pa lamang sa kaniyang mukha ay kumabog na ang aking dibdib para sa kaniya," sabi niya na ang hinhin-hinhin kaya napatango-tango ako.
Ngayon lang kami nakapag-usap ng ganto katino.
"Kawawa naman pala tayo pareho... May mga mahal na tayong iba pero gusto nila tayong ipakasal sa isa't—"
"Hindi ako magiging kaawa-awa Argyris dahil ikaw ang aking tinutukoy." seryoso niyang sabi sa 'kin.
Napatahimik ako.
Hindi ko inaasahan na ako 'yong dinidescribe niya kase never naman siyang nagpakita sa 'kin ng interes. "Ako?" paninigurado ko kase baka mamaya, nabingi lang ako at 'yun 'yong narinig ko.
"Oo, ikaw. Noong ako'y iyong iniligtas sa palasyo ng Abellon at buhat mo ako sa iyong mga bisig... nang imulat ko ang aking mga mata ay ikaw agad ang aking nasilayan sa mahabang panahon na ako'y nahimbing doon. Puno ka ng pag-aalala noon para sa akin na nagpakabog sa aking dibdib."
"Teka—"
"Noong makabalik na tayo rito sa kaharian gamit ang aking mahika, ikaw agad ang aking hinanap at nang sinabi nilang wala ka ng buhay ay hindi ako pumayag. Pinakinggan ko ang iyong puso at tumitibok pa iyon. Doon ko naisip sa aking sarili na gagawin ko ang lahat upang maprotektahan kita kaya naman ginamit ko ang aking mahika upang gamutin ang iyong sugat." Seryosong-seryoso 'yung mga mata niya na hinding-hindi ko masasabi na nagjojoke lang sya.
"Pero alam mo namang si Hemira ang mahal ko."
"Batid ko iyon kaya gagawin ko ang lahat upang maibaling mo na sa akin ang iyong pagmamahal. Hindi ko hihilingin na kalimutan mo na si Hemira dahil miski ako ay ayaw ko siyang makalimutan. Isa syang napakabuting kaibigan sa akin at siya pang nag-ako ng lahat upang mailigtas ako. Ang nais ko lamang ay subukan mong buksan ang iyong puso para sa akin. Sisisguraduhin ko na aalisin ko ang lahat ng sakit na iyong nararamdaman at papalitan ko iyon ng kasiyahan at pagmamahal."
Hinawakan niya ang dibdib ko at pinakikiramdaman ang t***k ng puso ko.
Hinawakan ko 'yong kamay niya kaya napatingin siya sa 'kin at inalis ko 'yon doon. "Pero Ceres... Ayokong paasahin ka sa isang bagay na alam na alam kong hindi ko naman kayang gawin. Si Hemira pa rin ang mahal ko at alam kong si Hemira pa rin 'yon kahit na ilang taon pa ang palipasin sa 'kin."
Binitawan ko 'yong kamay niya pero imbis na madisappoint ay lalo lang siyang naging determinado. "Huwag mong pangunahan ang iyong puso, Argyris. Lahat ng tao ay nagbabago at aking gagawin ang lahat upang baguhin ang iyong puso at mapabaling iyon sa akin. Maghihintay ako kahit gaano pa katagal iyon."
Hinalikan niya ako sa pisngi at ngumiti sa 'kin.
Naglakad na siya paalis kaya napatingin ako sa kaniya.
"Ceres!" tawag ko sa kaniya pero hindi na siya lumingon.
Napabuntong hininga ako nang nakaalis na siya.
Napatingin ulit ako sa kalangitan.
Si Hemira pa rin ang nakikita ko roon.
Hinawakan ko ang dibdib ko. "Sorry Ceres pero sa tingin ko, hindi ko na talaga maaalis si Hemira sa puso ko. Nakatatak na siya rito at permanent ink pa ata ang inilagay niya sa stamp na ginamit niya pantatak sa puso ko."
Doon ay umalis na ako para bumalik sa kwarto ko.