Hemira 17 - Simula
~Yohan~
Bumalik kaagad ako sa kaharian ng pasikreto.
Dumeretso ako ng kuwarto ko at nagpalit agad ng damit na pangprinsipe. Inisip ko munang mabuti ang magiging plano ko para sa 'min ni Hemira habang nakaupo sa gilid ng kama ko.
Kung aalis ako ng palasyo at maglalakbay kaming dalawa sa mga napuntahan niya dati, malalaman ng lahat na wala ako rito.
Pati nanay ko, mag-aalala panigurado.
Ano kayang gagawin ko?
Anong gagawin ko para hindi nila maramdaman ang abscense ko sa lugar na 'to.
Napapikit ako ng mariin sa pag-iisip.
"Kakayahan ko ang pagpapalit anyo at hinding-hindi mo mahahalata na nanggagaya lamang ako dahil hindi mahika ang aking gamit kundi aking mismong kakayahan."
"Kung nais mo ang aking tulong ay puntahan mo lamang ako rito sa pamilihan."
Bigla akong napamulat.
Tama!
Si Marum!
Ayos!
Solve na ang problema ko!
Napatayo pa ako at napasuntok sa hangin sa sobrang tuwa ko.
Pagkalabas ko, sila Seth agad ang nabungaran ko.
"Prinsipe, mabuti naman at lumabas ka na sa iyong silid!" tuwang-tuwang bungad agad sa 'kin ni David.
Dinaanan ko lang sila kasi may pupuntahan ako pero napatigil ako at naglakad pabalik sa kanila.
Tiningnan ko si Seth na tahimik lang na nakatingin sa 'kin. "Saan ako puwedeng makakuha ng mapa ng buong mundo na 'to?" tanong ko sa kanya.
"Bakit ka nahahanap ng mapa, prinsipe?" tanong sa 'kin ni David pero hindi ko siya pinansin at kay Seth lang nakatingin.
"Ang mapa ng buong mundo ay kabilang lamang sa mga kanang kamay ng hari ng bawat kaharian," sagot niya.
Napatango-tango ako. "Si Ginoong Sueret 'yon, 'no?"
Tumango silang tatlo nila Zetes.
"Asan siya?" tanong ko ulit saka tiningnan silang tatlo.
*—* * *—*
Papunta na ako ng silid aklatan o library ng palasyong 'to kasi sabi ng tatlo, nandoon daw si Ginoong Sueret.
Kinukulit pa rin ako ni David kung bakit naghahanap ako ng mapa pero hindi ko siya sinasagot.
Hindi nila puwedeng malaman kung bakit nga ba ako naghahanap n'on.
Bumaba pa ako sa pinaground floor—underground floor ng palasyo.
Pagdating ko ro'n nakabukas 'yung dalawang malaking pinto.
Pumasok ako at sobra akong namangha kasi sobrang-sobrang-sobrang napakalaki ng library na to.
Parang buong floor na 'tong library na 'to pero ang mas nakakagulat, kalat-kalat ang libro sa sahig na parang may naghulog lahat n'on doon.
Hindi ko alam kung tatapakan ko ba 'yung mga librong 'yon pero ginawa ko na.
Para akong naglalakad sa baha ng libro.
"Ginoong Sueret!" tawag ko kay Ginoong Sueret at tumingin ako sa paligid.
Tsk. Hindi ko siya mahahanap sa ganitong paraan sa laki ng lugar na 'to.
Huminga ako ng malalim at kinalma ko ang sarili ko.
"Air Maiden, let me borrow thy power! Air magic release!"
May umikot na na hangin sa paligid ko.
Hinayaan ko lang na kalmado ang sarili ko at inutusan ko na sa isip ko ang hangin na ilipad ako pataas.
Nalipad na nga ako ngayon at nag-ikot-ikot ako sa lugar na 'to.
Nang mayroon akong nakitang isang lalaking may mahabang puting buhok ang nakatayo sa tapat ng isang shelf ay ro'n ako bumaba ng lipad.
Para siyang may hinahanap sa mga libro na natira sa shelf.
Nang makalapag na ako sa lupa... este mga librong tapon-tapon ay ro'n niya lang ako napansin.
"Oh prinsipe Argyris. Ano ang iyong ginagawa rito?" tanong niya sa 'kin.
"Hinahanap po kita kase kailangan ko ang mapa ng buong mundo na nasa inyo raw," sabi ko.
Nangunot ang noo niya. "Bakit kailangan mo iyon?"
"Gusto ko lang po na malaman ang mga lugar sa mundong 'to. Hindi ko rin agad 'yon maisasauli sa inyo gawa ng... gawa ng... Basta po. Kapag gusto ko nang ibalik 'yon sa inyo, pupuntahan ko na lang kayo tapos ibabalik ko na." pagsisinungaling ko.
Sana kagatin niya.
Napatango-tango naman siya. "Sige. Ngunit itinabi ko iyon dito sa lugar na ito. Aayusin ko muna ang lahat upang maalala ko kung saan ko iyon inilagay."
Napatingin ako sa paligid at nangunot ang noo ko. "Aayusin n'yo po muna 'to? Eh kailan n'yo pa po maibibigay 'yon sa 'kin?" May pagkainip na agad 'yung tono ko.
Ngumiti naman siya. "Huwag kang mag-alala. Hindi naman iyon matagal. Lumipad kang muli sa ere at panoorin mo ang aking gagawin."
Kahit hindi ko alam kung ano bang pinaplano niya ay sinunod ko na lang siya.
Lumipad ako.
"Organum." kalmado niyang sabi ng mahika niya at umilaw ang tungkod niya.
Pati lahat ng libro umilaw rin kaya nanlaki 'yung mga mata ko.
Nag-angatan lahat 'yon kasama ko rito sa ere at sa isang iglap, naibalik lahat 'yon nang maayos sa shelves.
"Wah! Astig!" bulalas ko sa sobrang pagkamangha.
Lumipad ako papunta sa kanya. "Anong mahika po 'yon?" tanong ko agad-agad.
"Fluito. Mahika kung saan napapagalaw ko ang mga bagay sa aking nais na direksyon." paliwanag niya.
Napatango-tango ako ng may pagkamangha pa rin. "Ang galing naman po n'on pero ikaw po ba 'yung gumulo rito sa silid aklatan? Bakit nakakalat 'yung mga libro kanina? May hinahanap po ba kayo?"
Naging seryoso siya. "Hindi ako ang gumulo sa lugar na ito. Maaaring may pumasok dito na hindi nalalaman ng marami. Sana'y hindi ang hinahanap ko ang pakay ng taong gumawa niyon dito."
"Ahhh..." Hindi na ako mag-usisa sa sinabi niya at agad siyang tiningnan ng may ngiti. "Puwede ko na po bang makuha 'yung mapa sa inyo?"
Napangiti ulit siya at tumango-tango.
Nagulat ako nang may lumabas na nakascroll na malaking papel sa harapan namin.
Kinuha ko 'yon. "Maraming salamat po. Ibabalik ko na lang po sa inyo 'to kapag naisipan ko na po. Baka po abutin ng maraming araw sa 'kin 'to." pagpapaalala ko sa kanya.
"Sige prinsipe. Ingatan mo iyang mabuti."
"Opo."
Doon, lumabas na ako ng library na 'yon.
Next stop, si Marum.
Dapat pala, naisip ko na siya kanina para hindi na ako babalik ng Adon ngayon.
Kailangan ko rin ng pera.
Saan kaya ako kukuhan n'on?
Matanong nga sila Seth kung saan ako makakakuha ng pera rito.
Binalikan ko sila sa tapat ng kuwarto ko.
Nandoon sila at tahimik lang silang tatlo.
Nilapitan ko na sila.
"A-ahh... A-ano..." Napakamot pa ako ng likod ng tainga ko.
Napatingin sila sa 'king tatlo.
Hindi ko alam ang sasabihin ko.
Siguradong itatanong nila kung para saan ko gagamitin 'yung pera. Bahala na.
Itinigil ko na 'yung pagkamot sa tainga ko."Saan ba ako makakakuha ng pera rito?"
Nakatingin lang sila at hindi ko mabasa kung anong iniisip nila.
"Para saan mo naman gagamitin ang pera, prinsipe?" tanong sa 'kin ni Seth na may pagtataka.
Napakamot na naman ako sa likod ng tainga ko. "Eh... Mayroon kasi akong isang Gent na ano... Na nangangailangan ng pera. Kailangang-kailangan niya ng 120 golds. Eh sinasummon ko naman siya kaya nagprinsinta na ako na bigyan siya. Naawa rin ako kasi parang kailangang-kailangan niya n'on kaya 'yon. Prinsipe naman ako, 'di ba?"
Nakatingin pa rin lang sila sa 'kin.
Hindi ko pa rin maisip kung kinagat na ba nila 'yung imbento kong dahilan.
"Ganoon ba? Sige. Dadalhin ko sa iyo iyon mayamaya lamang, prinsipe." Kalmado lang si Seth habang nakatingin sa 'kin.
Nanlaki 'yung mga mata ko. "Talaga?!"
Tumango naman siya.
Napangiti ako ng malawak.
Ayos!
Problem solved again! Wohoo!
Isang problema na lang ang kailangan kong isolve.
Si Marum na lang tapos n'on, ready na 'ko para bukas ng gabi sa pakikipagkita kay Hemira.
"Prinsipe, parang ika'y lubos na masaya ngayon. May nangyari ba?" tanong sa 'kin ni David kaya napabalik ako sa sarili ko.
Nakalimutan ko na nandito pa nga pala sila.
"A-ahh... Wala." patay malisya kong sabi at pumasok na ako sa loob ng kuwarto ko.
~Kinabukasan ng gabi~
Nandito na ulit ako sa pagkikitaan namin ni Hemira.
May dala akong lagan na pinaglalagyan ko ng mapang nakuha ko kay Ginoong Sueret. May mga pagkain ding laman 'yon na ipinuslit ko mula sa kusina ng palasyo.
Nasa 'kin na rin 'yung pana ko na bigay ng tatay ni Milo sa 'kin dati at nakaarmor ako ngayon.
Kinuha ko 'tong armor na 'to sa kuwarto ng mga armors ng mga warriors.
Pinili ko 'yung pinakamatibay at pinakacool tingnan sa 'kin.
Mabigat 'to na parang naulit na naman 'yung dati na first time kong magsuot ng armor.
Lagpas anim na buwan na kasi akong hindi nagkakaroon ng physical training.
Tsk. Kailangan ko ulit palakasin ang sarili ko.
Tumingin ako sa paligid at parang mayamaya pa darating si Hemira.
Makakaalis kaya siya?
Paano kung hindi niya pa nagagawan ng paraan 'yung magiging abscence niya sa mga kasamahan niya?
Ako kasi, nagawan ko na ng paraan kahapon 'yon.
Pinuntahan ko si Marum sa Adon at do'n sa bahay niya na sinabi niya sa 'kin.
Ibinigay ko sa kaniya 'yung 100 golds na gusto niya.
120 'yung hiningi ko kina Seth gawa ng sa 'kin 'yung 20. Baka kasi kailanganin namin 'to ni Hemira kung saka-sakali.
Pumayag na si Marum. Silaw na silaw nga siya sa 100 golds.
Sinabi ko sa kaniya 'yung mga pangalan ng mga tagapalasyo na madalas na naiinvolve sa 'kin at ang mga ugali ko kapag kasalamuha ko 'yung mga tao na 'yon. Katulad nila Seth, nanay kong prinsesa, si Eugene, si Ceres pati na 'yung iba pa.
May mga rules din akong ibinigay sa kanya.
Una, dapat maging masungit at snob sa mga servants kasi gano'n ako.
Pangalawa, iwasan kung maaari ang mga mahaharlika lalo na si prinsesa Ceres pero kapag may instances talaga na kailangan niyang makipag-usap do'n, gawin niya at huwag na lang masyadong magpahalata. Huwag din masyadong makikipagclose sa prinsesa kasi baka ma-misinterpret n'on 'yon at panibagong conflict na naman ang kailangan kong isolve pagbalik ko.
Pangatlo, bisitahin ang nanay kong prinsesa at huwag na huwag magpapahalata sa kaniya na hindi na ako 'yung kausap niya. Sinabi ko naman sa kaniya kung paano ako umakto kapag nanay kong prinsesa na ang kasama ko. Pati kina Seth, gano'n din.
At ang pinakamahalaga sa lahat, huwag patay gutom sa kung ano mang makikita niya sa palasyo. Pagkain man 'yon o pera. Lagi rin dapat magkulong sa kuwarto at huwag na huwag ding lalabas ng palasyo.
'Yun 'yung mga rules na binigay ko na sana talaga ay sundin niya ng tama.
Kailangan niyang gawin 'yon hanggang sa bumalik ako sa kaharian kasama si Hemira na naalala na kami nila Kirion.
Humangin ng malamig kaya napahawak ako sa pisngi ko na exposed kasi wala naman akong suot na armor para sa ulo ko.
Gusto talagang maalala ni Hemira ang lahat.
Puwes, sisimulan ko siya sa simulang-simula.
~Hemira~
(Nang makabalik siya sa kanilang palasyo pagkatapos ng kanilang pag-uusap ni Argyris)
Tila lutang pa rin ang aking isipan habang naglalakad ako sa pasilyo ng aming palasyo.
Ang mga nangyari kanina, hindi ko iyon maialis sa aking isipan.
Bakit niya ako yinakap?
Bakit hindi ako pumiglas sa kaniyang ginawa?
Bakit pamilyar ang pangalan niyang Yohan sa akin na nagawa ko pang bigkasin ng malakas?
At bakit ako lumuha ng mga oras na iyon?
Napakaraming tanong sa aking isipan.
Noon, kaya ko siya pinuntahan sa kaniyang silid ay sapagkat nais ko lamang naman na malinawan na ang aking isipan sa mga kaunting tanong na gumugulo sa akin ngunit ngayon, tila mas lalo pang dumarami ang mga katanungan na iyon.
Dinudumog na niyon ang aking isipan.
"Magkita ulit tayo ro'n sa pinagkitaan natin. Parehong oras din ng ibinigay ko sa 'yo noon. Magdala ka ng mga kagamitan mo kasi may pupuntahan tayo."
"Sa mga lugar kung saan makakapagpaalala sa 'yo ng lahat ng mga samahan natin. Sa mga lugar kung saan mo kami pinaghirapang makuha. Kapag napuntahan natin ang mga 'yon, imposible na hindi mo pa rin kami maalala."
Kung pupunta nga bang talaga ako sa lugar na iyon, maaalala ko nga bang talaga ang lahat ng kaniyang sinasabing mga alaala namin?
Puno pa rin ng pagdududa ang aking isipan ngunit isinisigaw naman ng aking puso na pumayag ako roon kaya sinabi kong pupunta ako.
Tila may nagtutulak sa akin na hayaan kong mapaalala sa akin ng lalaking iyon ang mga alaalang sinasabi niyang pagmamay-ari ko.
Ngunit ang sabi sa 'kin nila ama ay kaaway namin sila.
Lubos na talaga akong naguguluhan.
"Prinsesa Hemira, bakit ika'y tulala habang naglalakad? May nangyari ba?"
Napabalik ako sa aking sarili sa tanong sa akin na iyon ni Melba at napatigil din ako sa aking paglalakad.
Siya'y nasa aking harapan ngayon at nakikita kong muli ang kaniyang mukha dahil nakahawi ang kaniyang buhok sa gitna.
Bakas ang pagtataka sa kaniyang mukha.
Umiling ako sa kanya. "A-ahh... Wala..."
Maglalakad na sana ako paalis ngunit nang may maisip ako ay bumalik ako sa kanya.
Nakatingin lamang siya sa akin.
"Melba, maaari ba kitang mahingian ng pabor?" aking tanong sa kanya.
Tumango-tango naman siya.
Huminga ako ng malalim. "Nais kong samahan mo ako kay ama at sumang-ayon ka sa lahat ng aking sasabihin sa kanya. Ayos lamang ba?"
Parang nagtaka naman siya sa sinabi ko. "Bakit prinsesa? Ano ba iyon?"
Hinawakan ko ang kamay niya at tumingin ng may pakikiusap sa kanya. "Pakiusap... Mayamaya mo malalaman kung ano ba iyon ngunit ang nais kong malaman ay kung makakaasa ba ako sa iyo?"
Kahit na tila hindi niya alam ang aking nais sabihin ay tumango siya sa akin ng may determinasyon. "Oo naman, prinsesa. Kung mahalaga sa iyo iyan ay mahalaga na rin sa akin. Kakampi mo ako eh." Ngumiti siya ng matamis.
Napangiti rin ako ng malawak at hindi ko napigilang hindi siya yakapin sa tuwa. "Maraming-maraming salamat, Melba. Malaking tulong na kasama kita sa pakikipag-usap kay ama."
Yumakap rin siya sa 'kin at tumalon-talon kami sa tuwa.
*—* * *—*
"Mayroon po akong nais sabihin sa inyo, ama." Nakatingin ako ng deretso sa mga mata ni ama at ni hindi ako kumukurap.
Ayokong mabasa niya kung ano ang aking iniisip ngayon.
Nakaupo sila ni Mades sa upuan sa harap ng lamesang aming laging pinagpupulungan.
Tila nag-uusap sila tungkol sa isang bagay nang ako'y dumating.
Naririto rin si Euvan at nasa aking magkabilang tabi na sila ni Melba.
"Ano iyon, aking prinsesa?" tanong niya sa akin habang nakangiti.
"Nais ko pong magpunta sa isang kabundukan at doon magsanay ng aking mahika kasama sila Melba at Euvan. Hindi na rin po ako kailangang tulungan ni Mades sapagkat mayroon siyang mga libro ng mahika na kaniyang ginawa para sa akin. Maaaring maraming araw ang aking gugugulin sa pagsasanay ko na iyon at ang aking nais ay walang mang-iistorbo sa amin doon. Miski na ikaw, ama." Walang kakurap-kurap na aking wika.
Maayos rin ang aking pagkakasabi niyon at hindi mahahalatang isang kasinungalingan lamang.
Napatingin sa akin si Euvan.
"Tama po iyon, Ginoong Handro. Nais po kasi ni prinsesa Hemira na mapaslang na niya ang prinsesa ng Gemuria bago pa man ganapin ang ikalawang pagsubok nila ng kasal kaya magsasanay na po siya ng matindi," segunda sa akin ni Melba.
Napaisip naman si ama at tila hindi siya papayag sa aking suhestyon.
"Gagawin ko po ang lahat para lumakas, ama. Sisiguraduhin ko po na hindi ko kayo bibiguin at tayo na ang maghahari sa buong mundo gaya ng inyong pangarap." akin pang pangungumbinsi.
Hindi pa rin siya umiimik.
"Ginoong Handro, sa aking tingin ay may punto naman si prinsesa Hemira. Napakalalakas na mahika ang aking mga isinulat sa librong ibinigay ko sa kaniya kaya kung pag-aaralan niya iyon ay paniguradong mauungusan na natin sa lakas ang Yang." pangsang-ayon din sa akin ni Mades.
Napatango-tango na si ama. "Saan bang kabundukan iyon?"
"Sa kabundukan po ng Hatim," sagot ko sa kanya.
Ngumiti na siyang muli. "Sige, pumapayag ako. Mabuti at ikaw mismo ay nais palakasin ang iyong mahika. Lubos akong natutuwa sa ipinamamalas mong kagustuhang lumakas."
Doon ay napangiti na rin ako ng malawak. "Maraming salamat po, ama. Hindi ko po talaga kayo bibiguin."
Nakangiting tumango-tango naman siya.
Alam kong lubos siyang magagalit kapag nalaman niyang kasinungalingan lamang ang lahat ng aking sinabi ngunit nasimulan ko na ito. Kailangan kong tingnan kung ano ba ang nasa dulo ng pinili kong daan na ito.
(Kinabukasan ng gabi, oras na na sila'y dapat magkita na ni Argyris)
Ako'y nasa kabundukan ngayon ng Hatim kasama sila Euvan at Melba.
Kami'y nakapagpaalam na kina ama at Mades kanina pang tanghali kaya naririto na kami ngayon.
Hinarap ko ang dalawang aking kasamahan. "Melba, Euvan... Kayo na ang bahala muna rito. Kapag bumisita si ama at wala ako rito, gumawa kayo ng kahit anong paraan upang hindi niya malaman na wala ako."
Nangunot ang noo ni Melba sa pagtataka. "Bakit prinsesa? Hindi ba't magsasanay ka rito?"
"Hindi iyon ang aking tunay na pakay kaya ako nagpaalam kay ama. Mayroon akong pupuntahan at baka abutin ako ng maraming araw. Hindi dapat malaman ni ama ang gagawin kong iyon kaya isinama ko kayo. Para ako'y pagtakpan." puno ng determinasyong aking sabi.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Euvan.
Nanlalaki ang mga matang napatingin sa kaniya si Melba sapagkat ngayon niya lamang narinig si Euvan na magsalitang muli.
"Basta Euvan. Hindi ko kayo maaaring isama roon. Pakiusap. Gawin ninyo ito para sa akin." Tiningnan ko sila ng may pakikiusap.
"Hindi ako papayag hangga't hindi ako kasama," seryosong sabi ni Euvan at matiim ang pagkakatingin niya sa akin.
Napahinga ako ng malalim. "Aalis lamang ako dahil may nais akong alamin na gumugulo sa aking isipan. Pakiusap... Huwag n'yo nang itanong ang tungkol doon. Magtiwala kayo sa akin. Wala namang mangyayaring masama sa akin. Kung mayroon man ay mahika ko ang aking gagamitin upang iligtas ang aking sarili." Bakas na bakas ang pangungumbinsi sa aking tinig.
Nakatingin lang sila ng matiim sa akin.
"Pumapayag na ako, prinsesa. Basta't kung anuman iyang iyong gagawin ay kaligtasan mo parati ang dapat mong unahin. Gagawin ko rin ang lahat ng aking makakaya upang maitago kay Ginoong Handro ang iyong pag-alis." Nakangiti ng sinsero sa akin si Melba.
Lubos akong natuwa sa kaniyang pagpayag. "Maraming salamat, Melba! Kakampi nga talaga kitang tunay!"
Ngumiti siya ng malawak at kumindat pa sa akin.
Tiningnan namin si Euvan at mukha hindi pa siya pumapayag.
"Euvan... Pakiusap... Ngayon lamang ako hihingi ng pabor sa iyo. Sana naman ay mapagbigyan mo na ako." Puno pa rin ng pakikiusap sa kaniya ang aking tinig.
Nakatingin lamang siya ng deretso sa akin ngunit umiwas na rin ng tingin. "Kung masyado kang matagal sa iyong pagbalik ay susunod ako kahit nasaan ka nagpunta."
Doon ay napangiti na ako ng malawak sapagkat napapayag ko na rin siya sa wakas.
Yinakap ko silang dalawa sa aking sobrang kasiyahan. "Kayo'y mga tunay ko talagang kaibigan. Pangako. Babalik din ako kaagad. Hindi ko kayo ipapahamak kay ama."
*—* * *—*
Nakasakay akong muli sa isang banik upang pumunta sa aming pagkikitaan ni Argyris.
Nakasuot ako ng itim na roba at talukbong at sa ilalim niyon at simple lamang na kasuotan na mayroong ilang bakal na nakakabit pangprotekta sa aking katawan.
Madilim na ang kapaligiran dahil bumaba na ang araw at gabi na ngunit nasisinagan naman ng liwanag ng malaking buwan ang paligid.
Nang marating ko na ang aming pagkikitaan ay hindi kaagad muna ako bumaba sa aking sinasakyan.
Tiningnan ko muna ang lalaking nakabaluti at nakasalampak ng upo sa damuhan habang naririto ako sa ere.
Tila naghihintay siya sa akin.
Tiningnan ko ang paligid at wala namang ibang nabubuhay na maaaring humuli sa akin.
Walang patibong sa paligid.
♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭ ♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭
♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭ ♫ ♬ ♩ ♪ ♫ ♬ ♭
Narinig ko ang malungkot na musikang kaniyang ginagawa sa pagsipol sa dahon na kaniyang ibinilog.
Siya'y aking pinapanood lamang... gaya ng lagi kong ginagawa noon.
Noong una niyang sabihin sa akin na kami'y magkita upang masabi niya sa akin kung sino siya at bakit kilala niya si Euvan, pumunta ako noon.
Nagtatago lamang ako at siya'y pinapanood mula sa malayo. Natatakot kasi ako na baka ako'y kaniyang traydurin at hulihin.
Umabot na lagpas isang linggo ang panonood ko lamang sa kaniya at lagi siyang gumagawa ng malungkot na musika sa kaniyang dahon.
Hindi ko maintindihan kung bakit tyagang-tyaga siya sa paghihintay sa akin kahit na lagpas na ng maraming araw ang kaniyang sinabing aming pagkikita.
Nang makita ko isang gabi na tuluyan na siyang lumuha at tinatawag ang aking pangalan upang dumating na ako ay hindi ko na napigilan ang aking mga paa na lumapit sa kanya.
Nang banggitin niya ang pangalang Yohan ay tila nagpaulit-ulit iyon sa aking isipan.
Tila alam ko ang pangalang iyon ngunit hindi ko maintindihan kung bakit.
Pilit kong inaalala kung bakit ngunit nangibabaw pa rin ang malaking pagdududa sa akin noong gabing iyon dahil sa dumaan sa aking isipan na sinabi sa akin ni ama noon... Na ang mga tagaGemuria ay mapanlinlang at huwag na huwag akong mahuhulog sa kanilang bitag.
Ngayon ay ako pa mismo ang lumapit sa isang tagaGemuria katulad niya.
Tiningnan kong muli siya ng matiim.
Patuloy pa rin siya sa paggawa ng malungkot na musika na nanunuot sa aking puso.
Hindi ko maramdaman sa kaniya na dapat ko siyang pangilagan... imbes ay lalo akong naiinganyo na siya'y kilalanin at alamin ang totoo niyang pagkatao.
Lumipad na ang banik papunta sa kanya.
Lumapag na ako sa lupa at lumipad na paalis ang Banik.
Tiningnan ko siya na nakaupo pa rin sa lupa. "Naririto na ako gaya ng ating usapan."