Hemira II 18

4486 Words
Hemira 18 - Parthenios ~Hemira~ "Naririto na ako gaya ng ating usapan." aking sabi sa kanya. Siya'y tumayo na ngunit tila tinatamad. Nagtaka naman ako sapagkat dati, kapag ako'y kaniyang nakikita ay nanlalaki kaagad ang kaniyang mga mata sa pagkabigla at di pagkapaniwala. "Saan ang lugar na iyong sinasabi na makapagpapaalala sa akin ng lahat?" tanong kong mulit sa kanya. Nakatingin siya sa akin ngunit tila siya'y naiirita. Nangunot ang aking noo dahil wala naman akong ginawa upang siya ay mairita sa 'kin. "Late ka ng 20 minutes. Akala ko tuloy hindi ka na pupunta." aniya. "Late? Twenty ano? Hindi ko naiintindihan ang mga salitang iyon." nalilitong aking wika. "Tsk." pagpalatak niya na tila nagsusungit at hindi sinagot ang aking tanong. Mayroon siyang kinuha sa kaniyang lagan at isa iyong papel na nakarolyo. Seryoso siyang tumingin sa akin. "Ang una mong pinuntahan dati, si Ariadne sa karagatan ng Syierian. Sa ilalim pa 'yon ng karagatan. Nalaman ko mula sa mga research ko na kailangan pala natin ng perlas ng mga keledones bago tayo makapunta ro'n kaya sa kaharian tayo ng mga keledones pupunta. Sa Parthenios." "Ano ang research? Ano na naman ang salitang iyon?" takang-takang aking tanong. Hindi ko talaga batid ang ilan sa kaniyang mga ginagamit na salita. Pati ang paraan niya ng pananalita ay malayong-malayo sa kung paano ako bumigkas ng mga sasabihin. Napahinga siya ng malalim. "Nagdala ka ba riyan ng sandata mo panglaban?" tanong niya na hindi na naman pinansin ang aking tanong. "Wala akong sandata dahil hindi naman ako marunong gumamit niyon." Natigilan siya at napatitig siya sa 'kin. "Sinong nagsabi sa 'yong hindi ka marunong gumamit ng mga sandata?" Seryosong-seryoso ang kaniyang mukha at napuno ng galit ang kaniyang mga mata. Sumeryoso rin ako ng tingin sa kanya. "Wala ka nang pakialam kung sino iyon. Aking sasabihin sa iyo... Tatlong linggo lamang ang aking ibibigay sa iyo upang mapatunayan sa akin ang iyong mga sinabi. Sasama ako sa mga lugar na iyong pagdadalhan sa akin ngunit pagkatapos niyon at hindi ko pa rin naalala ang iyong mga sinasabi ay baka umabot sa aking isipan na ika'y paslangin at dalhin ang iyong patay na katawan sa aming palasyo." Pumalatak lamang siyang muli habang pailing-iling pa. "Brutal ka pa rin hanggang ngayon." Lumapit siya sa akin at ipinakita sa akin ang mapang kaniyang hawak. "May limang kontinente ang mundong 'to. Hilaga ang Boreas, silangan ang Eurus, timog ang Notos, kanluran ang Zephyrus at ang gitnang kontinente, ang Senta. Ang Parthenios na kaharian ng mga keledones, sa silangan 'yon, kontinente ng Eurus pero ang Syierian, dito sa gitnang kontinente ng Senta kung nasaan din ang Gemuria. Ibig sabihin, magiging malayo 'yung mga paglalakbay natin..." "...Gagamit tayo ng mahika para makarating ng mabilis doon. Siguradong aabutin tayo ng dalawang araw sa paglipad papunta ro'n kasi kabilang kontinente pa 'yon. Magpapahinga tayo ng ilang oras at kakain para naman hindi agad tayo mapagod." kaniyang seryosong paliwanag. "Ngunit alam mo ba kung gaano kapanganib ang mga keledones?" aking tanong sa kanya. Napatingin siya sa akin habang nirorolyong muli ang kaniyang mapa. "Hindi ko na inalam kung ga'no kapanganib 'yon kasi ang mahalaga sa 'kin..." Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin kaya napaliyad ako ng kaunti. "Makakuha ng asul na perlas mula sa kanila." Lumayo na siya sa akin at ibinalik ang mapa sa kaniyang lagan. Nakatingin lamang ako sa kanya. "Tara na. Baka abutin pa tayo ng madaling sa pag-uusap dito." naiinip na kaniyang sabi habang kunot ang noo. "Air Maiden! Let me borrow thy power! Air magic release!" kaniyang bigkas ng mahika at ako naman ay naalarma. Ano ang kaniyang pinaplano?! Aatakihin niya ba ako ng kaniyang mahika?! "Oy. Kalma ka lang. Wala akong gagawing masama sa 'yo. Kung gusto talaga kitang patayin, kanina ko pa sana ginawa, Freak." masungit na kaniyang sabi. Nangunot na naman ang aking noo sa isang salita na kaniyang binanggit na hindi ko na naman batid. "Ops ops ops! Huwag ka nang magtanong. Ayoko ng masyado akong nagpapaliwanag. Naaaksaya laway ko, Freak." kaniyang sabi habang nakangisi sa akin. Hindi ko alam kung ako ba ay maiirita sa kaniya o maguguluhan dahil bigla-bigla na lamang siyang umaakto ng ganito na ibang-iba sa kaniyang ipinakita sa akin noong una kaming magkita. Naramdaman ko na mayroong hangin na yumakap sa aking katawan at nabigla ako nang hawakan niya ang aking kamay. Tila ako'y nakuryente sa pagdidikit ng aming mga balat. "Ano ang iyong ginagawa? Bakit hawak mo ang aking kamay?" seryosong aking tanong sa kanya. Nagsimula na kaming umangat sa ere at kami'y nalipad na. ~Yohan~ Tumingin ako sa kaniya at ngumiti. Inalis ko na rin ang pagkairita sa mukha ko. "Hayaan mo lang ako sa paghawak ko sa kamay mo na 'to. Nakakalma kasi ako kapag ganito. Baka kapag hindi ko 'to gawin, alug-alugin tayo ng hangin sa ere. Sabihin mo pa, gusto kitang patayin." Natawa pa 'ko ng maikli. Nakatingin siya ng deretso sa mga mata ko. Tinatrato ko siya ng gano'n kanina gawa nang gusto kong ipaalala sa kaniya kung sino ba 'yung Yohan na nakilala niya no'ng una. Nakilala niya ako na masungit at laging naiirita sa kaniya kaya 'yon ang ipapakita ko sa kanya. Tumingin na siya sa unahan namin. Madilim na kagubatang 'yon. Seryoso lang siya. Naging tahimik na sa 'ming dalawa. Alam kong naiilang na siya sa atmosphere namin pero ako, kalmado lang. Hindi ko kasi talaga inakala na magpupunta kaagad siya. Nang lumapag na siya mula sa sinakyan niyang malaking paniki, sobrang nagtatalon ang puso ko sa tuwa sa loob ng ribs ko pero hindi ko 'yon ipinakita sa kaniya gawa nang kailangan ko pa ngang um-acting na parang dating Yohan. "Argyris, ikaw ang prinsipe ng Emeas, hindi ba?" tanong niya para basagin na 'yung katahimikan sa 'ming dalawa. Tiningnan ko siya. "'Wag mo 'kong tawaging Argyris. Yohan ang pangalan ko sa 'yo noon." masungit na sabi ko sa kanya. Parang natigilan siya habang nakatingin sa 'kin. "Basta Yohan ang itawag mo sa 'kin—" "Bakit kita tatawagin niyon kung Argyris naman ang iyong pangalan?" Seryoso na ulit siya. Magsasalita pa sana ako pero inalis niya na 'yung tingin niya sa 'kin. Gusto ko pa sanang ipagpilitan na Yohan ang itawag niya sa 'kin pero mukhang hindi naman siya makikinig kaya napabuga na lang ako ng hangin sa frustration na nararamdaman ko. Mukhang hindi magiging madali na mapaalala ko sa kaniya ang lahat. Lumipas ang maraming oras na tahimik lang kami pero nahahalata ko na manghang-mangha siya sa mga nadadaanan namin. Lalo na kapag nakakakita siya ng maraming mga bahay tapos mga tao. Ganito pala talaga kapag nawawalan ng alaala. Parang bumabalik sa pagiging bata na pakitaan mo lang ng dahon, tuwang-tuwa na. "Oy Freak. 'Wag mong pigilin 'yang sarili mo sa pagkamangha. Hindi naman kita kakainin kapag ipinakita mo sa 'kin na namamangha ka." masungit na sabi ko ulit sa kaniya pero ang totoo, gustong-gusto ko talagang ngumiti ngayon. Kasama ko na kasi siya ulit at kami lang dalawa. Sobrang sarap sa pakiramdam kahit na hindi niya ako naaalala. Nawala 'yung pagkamangha niya at sumeryoso na naman siya. Tsk. 'Wag ko na nga lang siyang batiin. Mukhang nasisira ko lang 'yung mood niya. Ang tagal na naming nalipad at mataas na ang sikat ng araw. Masakit na sa balat 'yung init kasi katanghalian na. Sa tingin ko, ala una o alas dos na kaya bumaba muna kami ng lipad. Isang bayan 'tong nababaan namin at maraming tao sa paligid. Bumaba kami ng lipad sa walang taong lugar. "Magtanong muna tayo kung anong bayan 'to para malaman natin kung malapit na ba tayong makalabas ng kontinente ng Senta. Tsk. Ang hirap pala sobra kapag wala si Ariadne. Kung nandito 'yung madaldal na librong 'yon, hindi na natin kailangan ng mapa," sabi ko. Hinawakan ko na siya sa braso niya pero tiningnan niya ako ng masama. "Bakit ikaw ay hawak ng hawak sa akin?" Napaikot ang mata ko na parang naiirita. "Baka kasi mawala ka. Mamaya, malingat lang ako, naliligaw ka na." Hinila ko na siya at naglakad na kami. Nakarating kami sa maraming mga tao at nadaanan namin ang mga magkakasunod na mga bahay na gawa sa mga kahoy. May mga puno at may mga taong naglalakad sa paligid. May mga bata ring masayang naglalaro at naghahabulan sa daan. Parang nasa isang probinsya kami ngayon pero iba nga lang 'yung suot ng mga tao kaysa sa suot ng mga tagamodern world. Naramdaman ko na nahihila na ako ni Hemira sa isang direksyon kasi nakahawak pa rin ako sa braso niya. Napatingin ako sa kaniya at nakatingin siya sa mga batang parang naglalaro ng piko. Tiningnan ko 'yung mukha niya at parang amaze na amaze siya. Napangiti tuloy ako. Binagalan ko 'yung paglalakad ko para naman mas maenjoy niya 'yung pagtitingin-tingin sa paligid. May nadaanan kaming Blacksmith na nagpupukpok ng espada. Nang mapatingin siya ro'n, nanlaki 'yung mga mata niya. "Wah! Isang manggagawa ng mga sandata!" parang sobra siyang naging excited at tumakbo papunta ro'n kaya nahila niya ako. Tumigil siya sa harapan n'ong blacksmith na 'yon at manghang-manghang pinapanood 'yung paggagawa n'on ng espada. Inalis niya pa 'yung talukbong niya para makapanood nang maayos at doon, nadisplay ang nakalugay niyang buhok na naka-ipit ang dulo sa ilalim ng suot niya. Hindi ko napigilan ang sarili ko na hawakan 'yon at alisin ang pagkakaipit n'on sa ilalim ng suot niya. Ang haba na ng buhok niya at ang lambot-lambot. Inayos ko 'yon at sinuklayan ko ng daliri ko. Akala ko magagalit siya sa ginawa ko pero ni hindi siya lumingon sa 'kin at concentrate na concentrate sa panonood sa ginagawa ng blacksmith. Kahit pala wala na siyang alaala, nangingibabaw pa rin ang pagkahilig niya sa mga weapons na hinding-hindi talaga nawawala sa kaniya noon. Si Hemira pa rin siya, after all. "Binibini, mukhang manghang-mangha ka sa espadang aking ginagawa. Nais mo bang bumili sa aking mga natapos na? Gawa iyon ng mga magagaling na Ferrarius(Blacksmith) na tulad ko kaya naman hindi mo pagsisisihan ang pagbili niyon." nakangiting alok sa kaniya ng blacksmith. Tiningnan ko si Hemira at parang natuwa naman siya sa ideyang 'yon pero nawala ang ngiti niya nang mapatingin siya sa 'kin. Naging seryoso siya ulit at tumingin na sa blacksmith saka umiling-iling. "Paumanhin po ngunit sa aking tingin ay hindi ko po iyan kakailanganin." Seryoso 'yung boses niya. Naglakad na siya ng mabilis paalis. Hinabol ko siya at nang masabayan ko siya sa paglalakad, tiningnan ko 'yung mukha niya. Seryoso lang siya. "Sigurado ka ba na hindi mo kailangan ng espada?" tanong ko sa kanya. Hindi nagbago 'yung ekspresyon niya. "Bahala ka kung ayaw mo talaga. Sayang... May ginto pa naman ako na puwede kong ipangbili ro'n." Tumigil siya sa paglalakad at masamang tumingin sa 'kin. "Huwag mo na akong kulitin tungkol sa bagay na iyon dahil baka maisip ko na umalis na lamang at huwag nang sumama sa iyo." Kunot na kunot 'yung noo niya. "Tsk." Masungit na palatak ko sa kaniya saka ko sinundot 'yung kunot na noo niya at itinulak 'yon ng mahina. "'Wag kang laging nakakunot ang noo. Baka maging habit mo 'yan. Mahirap nang baguhin 'yan kapag gano'n saka hindi ganyan ang dating Hemira na kilala ko." Hindi naman siya nakasagot sa 'kin. Hinawakan ko na ulit 'yung braso niya. "Tara na. Hindi pa natin natatanong kung ano ba 'tong bayan na 'to." Naglakad na ulit kami. Nagtanong ako sa isang matandang babae na nasalubong namin kung ano bang bayan 'to. Ang sabi niya, bayan daw 'to ng Aristo. Tiningnan ko 'yung mapa at tama 'yung direksyon ng pinupuntahan namin. Pasilangan kami pero medyo malayo pa 'to bago kami makalabas ng kontinente nitong Senta. Ang sign na palabas na kami rito ay ang napakalawak na karagatan ng Syierian at iba pang karagatan. Napapalibutan kasi ng karagatan 'tong Senta at karagatan din ang pinakaunahan na madadaanan namin sa pagpasok sa kontinente ng Eurus. "Yon na 'yung kaharian ng mga Keledones. Ang Parthenios. Sabi n'ong matanda kanina, kilala ang kontinente ng Eurus sa mga bagyo at kidlat. Storm continent daw 'yon at naroroon ang marami sa kaharian ng mga mostro. Ayos lang. Mga Keledones lang naman ang pakay namin doon. Nang mag-hapon na at nakakain na rin kaming dalawa, lumipad na ulit kami gamit ang mahikang hangin ko. ~Tagapagsalaysay~ Sumikat na ang araw sa palasyo ng Gemuria. Kumatok na si Seth sa pinto ni Yohan upang gisingin ito. "Prinsipe, oras na upang linisan ang iyong katawan," wika niya. Kasama niya sila Zetes at Piero at ilang mga lalaking tagapagsilbi na magpapaligo sa prinsipe. Hindi nila inaasahan na bumukas kaagad ang pinto at isang humihikab at nag-uunat na Yohan ang bumungad sa kanila. "Umaga na ba? Bakit tila ang bilis naman? Hindi pa ako masyadong nakatutulog." Nagkamot pa ito sa tiyan nito kaya naitaas ang damit nitong pantulog. Napatitig lamang silang tatlo rito. Napatingin din ito sa kanila at natigilan nang tila mayroong maisip. Bigla itong umayos ng tayo at inalis ang kahit anong ekspresyon sa mukha. "Sige. Ako'y maliligo na." Maglalakad na sana si Marum na nagpapanggap na Yohan paalis ngunit hinawakan ni Seth ang kaniyang braso kaya napatingin siya rito. "Hindi riyan ang daanan, prinsipe." Itinuro nito ang kabilang direksyon ng kung saan siya pupunta. "Dito ang direksyon ng iyong paliguan." Natigilan muli siya dahil sa panibagong mali na kaniyang nagawa. "Ano ka ba naman, prinsipe? Mukhang hindi ka pa talaga gising," sabi ni Piero sa kanya. Naglakad na siya sa direksyon na nilalakaran ng mga ito. Hindi na lamang siya nagsasalita upang wala siyang masabing hindi aakma sa mga sinasabi ni ng tunay na prinsipeng si Yohan. "Prinsipe, bakit ang tahimik mo yata? Himalang hindi ka nagbubunganga sa amin dahil nagsama pa kami ng mga tagapagsilbing magpapaligo na naman sa iyo," pansin sa kaniya ni Piero kaya napatingin siya rito. Nagsimula na naman siyang kabahan ngunit inalis niya iyon kaagad. Marami na siyang mga taong ginaya at dumarating palagi ang ganitong sitwasyong sa kaniya ngunit nalulusutan niya iyon palagi ng malinis. "Tsk." pagpalatak niya. "May magagawa pa ba ako kundi ang sumunod na lamang." Napangiti naman ng malawak si Piero sa kaniyang sinabi. Si Seth ay napangiti rin. "Prinsipe, bakit nagbago na ang iyong pagsasalita? Tila katulad ka na rin namin na malalim kung magsalita." pansin naman sa kaniya ng tahimik na si Zetes. Dito naman siya napatingin ngunit ngumiti kaagad siya. "Simula ngayon, magiging ganito na ang aking pagsasalita at ipagbabawal ko na sa inyo ang paggamit ng mga modernong salita sapagkat wala na tayo sa moderno kundi nasa mundong ito na. Piero na rin ang itatawag ko sa noong tinatawag kong David." Nanlaki naman ang mga mata ni Piero at napuno ng kagalakan ang mga mata nito. "Maraming salamat, prinsipe! Labis na pinasaya mo ako sa bagay na iyon!" Ngumiti naman siya rito. Nagsimulang magdaldal si Piero ng kung anu-ano habang sila'y naglalakad. Napahinga siya ng malalim ng pasikreto. Mabuti na lamang at sinabi na iyon ni Yohan sa kaniya bago pa man siya magpanggap na ito. Maraming mga sinabi ang mga ito sa kaniya at pinilit niya iyong tandaan dahil bibigyan siya nito ng isandaang ginto pang muli kung aabot ito ng lagpas isang buwan sa pagkawala nito sa kaharian. Siguradong yayaman na siya kapag natapos nila ang kanilang pinagkasunduan. Sisiguraduhin din niya na makapag-uuwi siya ng mga bagay na mamamahalin mula sa palasyo kung nasaan siya upang maibenta ang mga iyon at makadagdag pa lalo sa kaniyang marami nang mga salapi. Hindi na siya makapaghintay na mangyari ang lahat ng iyon. Matapos siyang paliguan at bihisan ng mga tagapagsilbi na lubos niyang ikinasaya dahil sa ngayon niya lamang iyon naranasan ay bumalik na siya sa kaniyang silid. Iyon ang sinabi sa kaniya ni Yohan... Na palaging magkulong sa silid dahil iyon ang ginagawa nito. Labis siyang nainis dahil hindi siya ganoong tipo ng tao. Mas nais niyang maglakad ng maglakad sa kung saan-saan kaysa ipirmi ang sarili sa iisa lamang na lugar. Ilang oras ang makalipas ay wala siyang magawa kundi ang humiga sa kama, umupo sa sahig, kausapin ang sarili, tumanaw sa balkunahe at tumulala. Sa huli ay hindi niya na kinaya iyon lamang ang kaniyang gawin buong araw kaya naisipan niyang lumabas. "Saglit lamang naman ako. Titingnan ko lamang ang palasyo kung ano nga ba ang hitsura ng lugar na ito at kapag may nakita akong mamahaling gamit ay kukunin ko iyon at itatago upang aking madala sa aking pag-alis," kausap niya sa kaniyang sarili. Lumapit siya sa pinto at pinakinggan kung naroroon ba sila Seth. Mukhang wala na ang mga ito roon kaya naman binuksan niya ang pinto ng napakarahan at napakaingat. Sumilip siya sa labas at walang tao. Napahinga siya na maluwag dahil doon. Lumabas na siya at naglakad nang maayos upang kung mayroon man siyang makakasalubong na mga tagapagsilbi ay hindi mawiwirduhan ang mga ito sa kanya. Mayroon nga siyang mga nakasalubong na mga tagapagsilbi gaya ng kaniyang inaasahan. "Magandang hapon, prinsipe Argyris." bati ng mga ito sa kanya. Babatiin niya rin sana ang mga ito ngunit natigilan siya. "'Wag mong papansinin ang mga tagapagsilbi. 'Pag binabati nila ako, hindi ako tumitingin ni lumilingon sa kanila kaya 'yon din ang gawin mo." naalala niyang sabi ni Yohan kaya inalis niya na ang tingin niya sa mga ito at naglakad na paalis. May mga bumati pa sa kaniya ngunit hindi niya pinapansin ang mga iyon. Nadaanan niya ang isang bukas na bukas na balkunahe kaya pumunta siya roon at tumingin sa paligid na nasa ibaba. Napakaganda niyon sa mga mata at kitang-kita niya ang mga kalapit na bayan ng palasyo ng Gemuria. Nilanghap niya ang preskong-preskong hangin at napangiti. Hindi niya kailanman inakalang makakapasok siya sa palasyong ito at tatratuhin ng buong ingat ng mga taong naririto. Kahit hindi naman talaga siya si prinsipe Argyris ay nasisiyahan siya ng lubos sa mga bagong mga pangyayari na kaniyang nararanasan. Nagkalad siya paalis doon ngunit napatigil siya nang mayroon siyang makitang mga disenyadong tapayan (vases) na mga nakahalera sa gilid ng pasilyo. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa pagkamangha sa ganda ng mga iyon. Napakagaganda ng mga kulay at halatang mga labis na mamahalin ang mga iyon. Inangat niya ang kaniyang kamay upang hawakan ang isang kulay ginto ngunit nakarinig siya ng mga yabag kaya itinago niya kaagad sa likod niya ang kaniyang kamay. "Sige na at iwan n'yo na ako rito. Nais kong mapag-isa," wika ng isang tinig ng babae kaya napatingin siya roon. Isang may magarang kasuotang babae ang kaniyang nakita at mga naglalakad papaalis na mga tagapagsilbi. Nang tingnan niya ang babaeng iyon na naglakad papuntang balkunahe ay nakilala niyang si prinsesa Ceres iyon dahil nakita niya na ito noon sa isang kaganapan sa Gemuria. Nagawa niya pa itong mahawakan dahil nagpanggap siyang mandirigma ng Gemuria upang makopya niya ang hitsura nito. Nang gayahin niya na ito at tingnan sa salamin ang kaniyang sarili ay nagandahan na talaga siya ng lubos dito ngunit dahil batid niyang sarili niya ang nasa salamin ay wala siyang naramdamang espesyal para rito. Nang maalala niya ang sinabi sa kaniya ni Yohan na ito ang dapat niyang pakaiwasan sa palasyo ay bigla siyang nagulumihan. Yumuko kaagad siya ng kaunti upang itago ang kaniyang mukha at naglakad padaan sa balkunaheng iyon dahil doon ang direksyon ng kaniyang silid. Napakaingat ng kaniyang mga hakbang ngunit hindi niya pinapahalata ang pag-iingat na iyon. Nakadaan na siya at nilingon niya ang prinsesa kung nakatingin ba ito sa kaniya ngunit napatigil siya sa paglalakad nang masilayan niya na ang gilid ng mukha nito. Napatitig siya rito at biglang kumabog ang kaniyang dibdib. Napahawak siya roon dahil ngayon niya lamang naranasan ang gayong bagong pakiramdam. Nakatingin siya sa napakalungkot na mga mata nito na nakatingin sa malayo. Hindi niya na maihakbang muli ang kaniyang mga paa na tila siya'y napako na sa kaniyang kinatatayuan. Inuutusan na siyang umalis ng kaniyang isipan ngunit hindi sumusunod ang kaniyang katawan. Nang mapatingin ito sa kaniya ay lalo na niyang nasilayan ang napakadandang mukha nito na nakita niya na naman noon sa kaniyang sarili. Napahigpit ang hawak niya sa damit sa kaniyang dibdib sa pagbilis lalo ng t***k ng kaniyang puso. "Ano itong nangyayari sa akin? Bakit ganito ang aking nararamdaman? Ginagaya ko naman noon ang kaniyang itsura ngunit bakit iba na ang epekto niya sa akin ngayong tunay na siya na talaga ang aking nasilayan?" tanong niya sa kaniyang isipan. Nanuyot ang kaniyang lalamunan at kahit na lumunok siya ay hindi nabasa iyon. Nakatayo lamang siya roon at wala sa sariling nakatitig sa prinsesa. "Argyris, bakit naririto ka? Mayroon ka bang pinuntahan?" tanong nito sa kaniya at nagkaroon na ng kasiyahan ang napakalungkot na mga mata nito kanina lamang. Napabalik siya sa kaniyang sarili dahil doon. "A-Ahhh... W-w-wala n-naman." Ngumiti siya ng malawak na pilit na pilit at puno ng pagkagulumi ang kaniyang mukha kaya naging wirdong ekspresyon niya iyon. Kinakabahan siya ng lubos at ang ingay-ingay pa ng kaniyang puso kaya mas lalo siyang nagugulumihan. "Kaya ka ba narito ay dahil nais mong magtingin-tingin dito ng paligid dito sa balkunahe ngunit inunahan na naman kita kaya ika'y aalis na lamang?" tanong nito. Ni hindi niya ito matingnan ng deretso sa mga mata. Kinamot niya ang kaniyang ilong. "H-hindi sa ganoon... I-iyon ay sapagkat... a-ano..." Napapadiin ang pagkamot niya sa kaniyang ilong dahil wala siyang maisip na sasabihin. "Hindi mo na kailangan pang gumawa ng dahilan, prinsipe. Naiintindihan ko naman na hindi ka pa rin komportable sa akin. Aalis na lamang ako upang hindi ka na mahirap—" "Huwag!" Bigla niyang sigaw kaya napatigil ito sa pagsasalita. Natigilan siya sa pagsigaw niya na iyon. Ayaw niyang saktan ang damdamin nito kaya ginawa niya iyon. Napangiti na naman siya ng malawak na pilit na pilit. "Ang aking ibig sabihin ay... ay hindi mo na kailangang umalis sapagkat... sapagkat nais kong samahan mo ako riyan." Ito naman ang natigilan at napatulala sa kanya. "Nais mong samahan kita rito? Sigurado ka ba?" Tinuro pa nito ang sarili na hindi makapaniwala. Naglakad na siya palapit dito at tumabi rito. "Hindi masayang tingnan ang napakagandang paligid na ito kung wala kang kasama sa pagtingin sa mga ito." Seryoso lamang siya at tumingin na sa paligid habang nagwawala ang kaniyang puso sa kaniyang dibdib. Namumula pa ang kaniyang ilong sa sobrang pagkamot doon kanina. Napansin niya sa gilid ng kaniyang mga mata na nakatulala lamang ito sa kaniya kaya tumingin na siya rito. Hindi pa rin makapaniwala ang tingin nito sa kanya. "May nangyari ba sa iyo ngayong araw upang maging ganito ka sa akin?" Nangunot ang kaniyang noo. "Bakit? Ano ba ang pakikitungo ko sa iyo noon?" "Napakalamig mo sa akin noon at madalas mo akong itaboy palayo. Batid ko na kapag nais mong magpunta rito sa lugar na ito at kapag ako'y iyong nakikita na naririto na ay bumabalik ka agad sa iyong silid. Nitong mga nakaraang linggo ay kaibigan na ang turing mo sa akin dahil napagkasunduan na natin na maging magkaibigan na lamang tayo ngunit isang araw ay bumalik ka na naman sa dati at ayaw mo akong kausaping muli." Dere-deretso nitong sabi. Nakatitig lamang siya sa napakagandang mukha nito. Ang napakaganda nitong mga mata, matangos na ilong, mapupulang mga labi at hugis pusong mukha... Isang mukha ng napakagandang babae. "Si prinsesa Ceres ang dapat mong pinakaiwasan kasi may gusto siya sa 'kin pero may iba akong babaeng gusto. Nagkasundo kaming dalawa na maging magkaibigan na lang kaya ayokong bigyan mo siya ng dahilan para magkagusto ulit sa 'kin at umasa. Ayokong saktan mo siya kaya 'yon ang pinakamahalaga mong gawin." "Ngunit ikaw ang kaniyang prinsipe na pakakasalan kaya paanong—" "Basta sundin mo na lang ako. Dadagdagan ko ng kahit gaanong kalaking mga ginto na gusto mo 'yung ibibigay ko sa 'yo. Kahit ano ring hilingin mo sa 'kin na bagay, ibibigay ko basta sunurin mo lang 'yon." Kumaway-kaway ang prinsesa sa kaniyang mukha kaya napabalik siya sa kaniyang sarili sa pagtitig dito. "Bakit ika'y nakatulala sa akin? Mayroon ba akong dumi sa aking mukha?" tanong nito sa kaniya at hinawakan ang pisngi nito upang damhin kung mayroon nga bang dumi roon. Napailing-iling kaagad siya. "Patawad prinsesa ngunit kailangan ko nang bumalik sa aking silid." Tumalikod na kaagad siya at maglalakad na sana siya paalis nang magsalita ito... "Ang tawag mo sa akin... Bakit bumalik sa prinsesa iyon? Hindi ba't ang pangalan ko nang Ceres ang tinatawag mo sa akin? May nasabi ba akong nakasakit sa iyong damdamin?" Nabakas na ang kalungkutan sa tinig nito. Nilingon niya itong muli at nakita niya kung gaano kalungkot ang mga mata nito. Gusto niyang sabihin na hindi iyon ang problema. Nais niya itong yakapin upang alisin ang kalungkutan na nararamdaman nito ngunit hindi maaari. Napakuyom siya ng kaniyang kamao at napayuko. "Paumanhin ngunit nakaramdam lamang ako ng pagod sa aking katawan kaya nais ko nang bumalik sa aking silid." Hindi niya na ito hinayaan na makapagsalita at naglakad na kaagad siya paalis. "Hindi ko siya maaaring ngitian. Hindi ko siya maaaring itratong espesyal dahil sasaktan ko lamang siya kapag ginawa ko iyon. Mabuti pang iwasan ko na talaga siya upang hindi na ako mapalapit pa sa kanya." kausap niya sa kaniyang sarili habang pabalik na sa kaniyang silid. Lumipas ang dalawang araw... ~Yohan~ Nalipad pa rin kami ngayon. Malamig na ang hangin dahil gabi na. Buti at nakacloak 'tong si Hemira kaya hindi siya nilalamig. Ako, nilalamig 'yung mukha ko. Alas tres na siguro ng madaling araw ngayon. Tiningnan ko 'yung mapa at kapag nakakakita ako ng arko ng mga bayan na nadadaanan namin, tinitingnan ko 'yon sa mapa. May dala rin naman ako compass na hiniram ko rin sa isang tagapalasyo kaya natatrack ko ang direksyon ng pinupuntahan namin. Hindi sumakto sa kalkulasyon ko na dalawang araw lang ang kailangan namin papuntang Parthenios. Tatlong araw na kasi kaming naglalakbay. Nagpapahinga kasi kami at natutulog. Robot nga, chinacharge... Kami pa kaya ang hindi magpahinga. Malapit na kami sa karagatan ng Parthenios. Napatingin ulit ako kay Hemira na nakatingin sa harapan ng nililiparan namin. Malayo pa rin ang loob niya sa 'kin. Hindi ko kasi siya binibigla sa mga kilos ko kasi baka magresulta lang 'yon ng hindi maganda at layasan niya pa 'ko. Hinahayaan ko na lang na ang oras ng mga pagsasama naming dalawa ang maglapit sa kaniya sa 'kin. Masungit pa rin ang pakikitungo ko sa kaniya at lagi akong tahimik. 'Yun naman ako dati. Tahimik na Yohan at parang laging naalibadbaran sa kanya. Nang makakita kami ng isang kuweba na nasa kalagitnaan ng karagatan ay ro'n ko na inutusan 'yung hangin na ibaba kami. Naging maayos naman ang pagland naming dalawa. Madilim pa rin ang paligid at mabato itong kuweba 'to. Sa wakas, nasa karagatan na kami ng Parthenios... Ang kaharian ng mga Keledones. Masasagawa na namin ang "Oplan, hingi ng perlas sa mga Keledones" para makapunta kami sa palasyo ng Syierian na nasa ilalim ng karagatan kung saan nakatira si Ariadne dati.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD