Hemira 20 - Mga Keledones
~Yohan~
"Imulat mo ang iyong mga mata kahit anong mangyari... Pakiusap!"
"Yohan... Pakisaup... Kayanin mo ito!"
"Yohan!"
Bigla akong napamulat nang may tumulak ng malakas sa dibdib ko at napaubo ako sa tubig na naibuga ko.
Napatagilid ako ng higa sa pag-ubo ko at ramdam na ramdam kong basang-basa ang buong katawan ko. Umuulan din ng napakalakas at ang sakit sa balat ng mga patak n'on.
Habol na habol ko ang hininga ko na parang nanggaling ako sa outer space nang biglang may napahiga sa tabi ko kaya napatingin ako kung sino 'yon.
"Hemira!" sigaw ko at pinilit ko agad umupo.
Nakapikit siya at parang nawalan siya ng malay.
Nagulumihan ako ng sobra sa nangyari sa kanya. Lumakas din ng sobra ang t***k ng puso ko sa sobrang pag-aalala sa kanya.
Niyakap ko siya at isinandal sa dibdib ko.
Basang-basa na kami pareho.
Tinapik-tapik ko ang pisngi niya. "Anong nangayari sa 'yo, Hemira?! Hemira!" Pinilit ko pa rin siyang gisingin pero hindi siya nagmumulat.
Hinawakan ko 'yung gitnang dibdib niya at pinakiramdaman ko 'yung t***k ng puso niya. Ang lakas-lakas n'on kaya nakahinga ako ng maluwag.
Akala ko kung ano nang nangyari sa kanya. Mukhang kailangan niya lang ng pahinga.
Pero nang maisip ko kung bakit ko siya kasama ngayon, nagtaka ako ng sobra kasi kanina, nagtalo kami at iniwan niya ako.
Tapos n'on... tapos... Papalubog na ako sa tubig nang makita ko 'yung mga keledones na nagaaway-away para makuha ako hanggang sa nawalan na ako ng malay.
Nangunot 'yung noo ko kung bakit nandito na siya kasama ko.
Nananaginip lang ba ako kanina sa mga keledones na 'yon?
Pero hindi eh. Hindi naman panaginip 'yon.
Tiningnan ko 'yung paligid at wala na kami sa karagatan ng Parthenios. Nasa isang kagubatan na kami ngayon.
Napatingin ulit ako sa kanya.
Iniligtas niya ba ako at dinala sa lugar na 'to?
Pero bakit niya gagawin 'yon kung hindi naman niya ako naaalala at galit pa siya sa 'kin. Ang turing niya rin sa 'kin ay kalaban kaya bakit?
Hindi kaya bumalik na 'yung alaala niya?!
Nanlaki 'yung mga mata ko sa narealize ko na 'yon. Gano'n lang ako ng ilang segundo kasi hindi pa magprocess sa isip ko 'yon.
Uminit na 'yung gilid ng mga mata ko at kung wala lang ulan, makikita na ang pangingilid ng mga luha ko sa tuwang nararamdaman ko.
Hinawakan ko ang pisngi niya at inalis ang pagkabasa ro'n. "Naalala mo na ba ako Hemira kaya mo ako iniligtas? Naaalala mo na ba na ako si Yohan na minahal mo noon?"
Niyakap ko siya ng mahigpit at napaiyak ako sa kanya.
Sana hindi panaginip ang lahat ng 'to.
Sana naaalala niya na talaga ako dahil miss na miss ko na ang dating siya.
~Hemira~
Lumipad na ako paalis dahil sa naging pagtatalo namin ni Argyris.
Hindi ko na kinayang tanggapin ang lahat ng kaniyang sinasabi tungkol sa aking mga kasamahan.
Kahit na mostro sila Melba ay tunay naman na mabuti sila sa akin kaya masakit na marinig na sila'y sinasabihan na sinungaling.
Nagpupuyos ang aking damdamin kapag akin iyong naiisip.
Nalipad lamang ako papaalis nang aking makita ang maraming keledones na lumalangoy papunta sa isang diresyon.
Tila sila'y nagmamadali sa paglangoy kaya ako'y napalingon sa kanilang pupuntahan.
Sila'y papunta na sa kuwebang aking pinagmulan.
Hindi naging maganda ang aking kutob kaya naman lumipad ako pabalik doon.
Doon, aking nasaksihan ang paglubog ng katawan ni Argyris at ang sabay-sabay na paglubog ng mga keledones upang siya'y makuha.
Biglang kumabog ng malakas ang aking dibdib sa takot.
Walang anu-ano'y lumipad ako papunta roon at lumangoy paibaba sa tubig habang sinusundan ang mga langoy ng mga keledones.
Ang lakas ng t***k ng aking puso. Hindi na mapakali iyon sa aking dibdib.
Nang aking makita na siya'y nahawakan na ng mga iyon ay lubos na nangibabaw sa akin ang pagnanais na siya'y mailigtas.
Hindi ko nais makitang siya'y mawalan ng buhay at hindi ko nanaisin iyon sa hindi ko batid na dahilan.
Hindi ko namalayan na mayroon nang napakalakas na liwanag ang nangmula sa akin na siyang sumilaw sa mga keledones na iyon.
Nagliwanag nang husto ang paligid at miski ako'y nasilaw rin doon.
"Hemira... Gamitin mo na rin ako." Narinig kong tinig sa aking isipan.
Boses iyon ng lalaki ngunit hindi iyon pamilyar sa akin.
Nang mawala na ang liwanag ay nagsilanguyan palayo ang lahat ng mga keledones.
Hindi ko alam kung paano ko nagawa ang liwanag na iyon ngunit hinanap ko na agad si Argyris.
Nanlaki ang aking mga mata nang makitang tangay-tangay na ang kaniyang katawan ng isang keledones na mayroong maitim na asul na buntot.
Lumangoy ako at sila'y aking sinundan.
Napakabilis ng aking paglangoy at nagtataka ako sa aking sarili kung paano nga ba ako natuto nito. Nararamdaman ko na rin na malapit na akong maubusan ng hininga.
Sinundan ko iyon at nang maabutan ko ang keledones ay nahawakan ko ang kaniyang mahabang palikpik sa gilid ng kaniyang buntot. Manipis iyon kaya akin iyong hinila at napilas iyon.
"GAAAAAAHHHHH!" malakas na sigaw niya at nabitawan niya si Argyris.
Mabilis akong lumangoy upang kuhanin si Argyris at nahawakan ko na ang kaniyang braso.
Namimilipit pa rin sa sakit ang keledones na iyon kaya hindi niya magawang atakihin ako.
Niyakap ko ang katawan ni Argyris at wala na siyang malay ngunit aking napansin na mayroong kakaiba sa tubig na nakapaligid sa kanya.
Tila hindi siya nilulunod niyon at iniingatan pa.
Hindi ko na iyon inisip pa at lumangoy na ako paitaas ng mabilis.
Kailangan ko na siyang iahon at ako rin ay nawawalan na ng hininga. Lubha pang mapanganib ang lugar na ito para sa aming dalawa.
Malapit na kaming makaahon nang biglang may humawak sa aking paa.
Napatingin kaagad ako kung sino iyon at iyon ang keledones na napilasan ko ng kaniyang paliklik.
"Hindi ko hahayaan na iyong makuha ang binatang iyan! Akin siya at ako na ang nagmamay-ari sa kanya!" Puno ng galit ang kaniyang mukha at nais na nais niyang bawiin si Argyris sa akin ngunit hindi ko siya hahayaan.
Sinipa ko ang kaniyang mukha gamit ang aking isang paa na hindi niya hawak kaya napabitaw siya sa akin.
Doon, nagawa ko nang iahon ang aking sarili at si Argyris.
Tiningnan ko ang kaniyang mukha at putlang-putla na iyon.
Lubos-lubos akong kinabahan kaya naman naisipan ko na lumipad na kami.
Bibigkas pa lamang ako ng aking mahika nang biglang may tumakip sa aking bibig at inilubog akong muli sa tubig.
Sa aking pagkagulat ay napabitaw ako kay Argyris.
"Mmmmmmm!" pilit kong sigaw ngunit madiin ang pagkakatakip sa aking bibig.
Siguradong isang keledones ang nagtatakip sa aking bibig ngayon dahil sa mahahaba at matutulis nitong mga kuko.
Nanlaki ang aking mga mata nang bigla na lamang may lumangoy sa kung saan ko nabitawan si Argyris at dinagit siya niyon.
"MMMMMMMMMM!" Nais ko nang sundan ang keledones na iyon ngunit hindi pa rin ako binibitawan ng may hawak sa akin.
Napapikit ako ng mariin at hinihiling na sana ay may magawa ako upang iligtas si Argyris. Napuno ako ng isiping iyon at ang bilis-bilis na ng t***k ng puso ko.
YOHAAAAAAAAN!
"Ako nang bahala." Nagsalita na naman sa aking isipan ang hindi pamilyar na tinig.
Bigla akong nakaramdam ng init sa aking katawan. Tila nagpapayapa iyon sa aking damdamin at nanuot sa aking puso.
Kahit na ako rin ay nakapikit ay nakikita ko pa rin na biglang lumiwanag ang paligid.
"GAAAAAAAAAHHHH!" sigawan ng sakit na tinig ng mga babae.
Pati ang nakatakip sa aking bibig na keledones ay sumigaw niyon hanggang sa maalis na ang kamay niya sa akin.
"Kailangan mo ng balanse."
Napamulat ako sa aking narinig na namang iyon. Tila mayroong nakatago sa akin na nakikipag-usap sa akin mula sa aking isipan...
Ngunit nang ako'y mapatingin sa tubig sa paligid ay puro itim na dugo na iyon. Wala na rin ang keledones na nagtatakip sa aking bibig.
Napatingin ako sa isang lalaki na papalubog na naman sa ilalim ng tubig. Nanlaki ang aking mga mata.
Yohan!
Nagmadali ako roon na lumangoy.
Tila nakataya ang aking buhay sa aking ginagawang paglangoy sa bilis niyon.
Nang akin na siyang mahawakan ay niyakap ko siyang muli ng mahigpit upang masigurado na wala nang makakakuha sa kaniya mula sa akin.
Napakabilis na lumangoy ako paitaas hanggang sa siya ay aking nang maiahon.
"Fugio!" Inilipad ko na siya at naghanap ako ng ligtas na lugar at nadaanan namin ang kuwebo kung nasaan naroroon ang kaniyang lagan.
Gumamit ako ng aking mahika upang makuha iyon at isinakbit sa aking likuran ngunit humimig ang napakaraming mga keledones na nasa tubig.
Sila'y nakaabang lahat sa amin doon.
Nawawala na ako sa aking sarili at napatigil din ako sa aking paglipad dahil sa kanilang paghimig ngunit hindi ko hinayaan na tuluyan nila akong maakit.
Kinagat ko ang aking braso ng napakadiin hanggang sa magdugo iyon.
Napakuyom ako ng kamao sa sakit niyon at unti-unti na akong bumabalik sa aking sarili.
Ipinilig ko rin ang aking ulo at iniayos ko ang pagkakayakap ko kay Yohan.
Tiningnan ko ng masama ang mga keledones. "Hinding-hindi ko ibibigay sa inyo ang lalaking ito!" aking sigaw at tumigil naman sila sa paghimig ngunit mayroong umahon mula sa tubig na isang lalaking keledones.
Mayroon siyang koronang gawa sa mga maliliit na kabibeng itim at pula ang kaniyang mga mata na umiilaw.
Nakatingin siya ng matiim sa akin. "Binibini, tunay ngang ang iyong ganda ay pinakatatangi sa ibang mga babae gaya ng sabi sa akin ng aking mga alagad. Dahil doon ay nais kitang mapangasawa. Huwag kang mag-alala sapagkat magiging maganda ang iyong buhay sa aming kaharian at magiging reyna ka pa ng Parthenios. Wala ka nang iisipin pa at hindi ka dadanas ng hirap. Ako mismong hari ng mga keledones ang nangangako sa iyo niyon."
Nagpuyos ang galit sa aking dibdib. "Hindi ko nais na iyong maging reyna o maging bahagi ng mga keledones na inyong tulad!"
"Pangahas! Nais mo bang maputulan ng dila sa pagsasalita ng ganyan sa aming hari?!" sigaw sa akin ng isang keledones na katabi niya.
Tiningnan ko iyon ng matalim at halatang nakadama iyon ng takot sa akin.
"Huwag ninyo akong subukan na tuluyan pang magalit dahil lubos ninyo iyong pagsisisihan!" aking banta sa kanila.
Nagkaroon na ng galit sa mukha ng kanilang hari. "Ika'y dinaan ko na sa matiwasay na pag-uusap ngunit ako'y iyong tinanggihan. Ikaw ang magsisisi sa iyong naging desisyon!"
Nagsimula na naman silang humimig at mayroon pang mga tumalon mula sa tubig upang ako'y kalmutin ng kanilang mga kuko na akin nang iniiwasan.
Mahapdi pa rin ang aking sugat ngunit kulang ang sakit niyon upang hindi nila ako magawang maakit.
Kinagat kong muli ang aking sugat na iyon at natikman ko na ang aking sariling dugo nang mayroong kumalmot sa aking binti at malalim iyon. "GAAAAAAAAHHHH!" aking sigaw sa sakit.
Mayroong kumapit sa sapatos na bakal ni Yohan at pilit siyang kinukuha sa akin.
Napuno na ako ng galit. "Sombrio trabes!" bigkas ko ng aking mahika at sumabog ang katawan ng keledones na iyon.
Natakot ang marami sa aking ginawa miski na ang hari ngunit napalitan iyon ng mas lalong galit na ekspresyon. "Patayin na ang dalawang iyan!" sigaw niya.
Naging agresibo ang mga keledones at ang mga paghimig ng iba pa ay mas lumakas.
Hindi na iyon nakaaakit kundi nakagugulo na sa isipan.
Hindi ko na malaman ang aking gagawin at hindi na ako makapag-isip ng matino hanggang sa mabitawan ko na si Yohan.
"YOHAN!" Mabilis akong lumipad papunta sa kaniya hanggang sa mabuhat ko siya na tila isang prinsesa bago pa siya mahawakan ng mga keledones.
Lumipad ako ng mas mataas pa upang hindi nila kami maabot.
Tiningnan ko siya na aking buhat-buhat at napatitig ako sa kanya.
Sa pagkagulo ng aking isipan dahil sa paghimig na mga keledones ay mayroong lumabas doon na mga malalabong imahe ng mga pangyayari sa pagtitig ko sa kanya.
May naaaninag ako sa aking isipan na babaeng mandirigma ang may buhat sa isang lalaking mayroong wirdong kasuotan.
Buhat niya iyon na tila isang prinsesa at mayroon nakasinag na liwanag sa kanilang dalawa.
Malabo ang mga imaheng pangyayaring iyon kaya hindi ko mabatid kung sino ang mga iyon.
"Huwag kang matakot... Ligtas ka na." rinig kong aking tinig sa isipan ko na tila ba sinabi ko na iyon noon.
"Hinding-hindi namin hahayaan na kayo'y makaalis ng buhay sa lugar na ito!" sigaw ng hari ng mga keledones kaya naman napabalik ako sa aking sarili at muli'y napatingin sa kanila.
Ang tatalim ng kanilang mga tingin sa akin at puno iyon ng galit.
Nagsihimig na naman sila at kasama na nila ang hari sa paghimig.
Napakasakit niyon sa tainga at sa ulo.
Naramdaman ko na ang pagdurugo ng aking tainga ngunit nagtagis ang aking mga bagang nang magdugo na rin ang kay Yohan.
Namumula na ang kaniyang mukha na tila sasabog iyon dahil sa himig na kaniyang naririnig.
Napakuyom ako ng lubos ng aking mga kamao na halos nagdugo na ang aking palad dahil sa pagdiin doon ng aking mga kuko.
Napopoot na ako ng labis. "MAGSITIGIL NA KAYO!" Isang napakalakas na mahika ang aking napakawalan papunta sa kanila at nagsitalsikan sila kasabay ng isang napakalaking alon na aking nagawa sa tubig.
Nagkaroon ng malalakas na kidlat sa langit at umulan din ng napakalakas.
Nagkaroon ng malalaki pang mga alon kasunod ng napakalaking alon na nauna. Mahabang sandali ang lumipad na puno ng kidlat ang kalangitan. Hindi pa rin nagwawakas ang poot sa aking dibdib.
Nawala ang maraming mga keledones ngunit mayroon pang mga umahon mula sa tubig at gimbal na gimbal ang kanilang tingin sa akin.
Pati ang hari ay umahon din at bakas na bakas ang hindi pagkagimbal sa kaniyang mukha.
"Ang sinumang magtangka pa sa aking buhay lalo na sa lalaking ito ay hinding-hindi ko mapatatawad! Dadanak ang lahat ng inyong dugo kung mayroon mang isa sa inyo ang sumubok!" poot na sigaw ko sa kanila.
Walang nakaimik sa kanila at gimbal lamang na nakatingin sa akin.
"Umalis na kayong lahat at huwag na huwag nang magpapakita pa sa aking muli!" Isang malakas na kidlat ang sumunod sa aking malakas na sigaw sa kanila.
Nagsilanguyan na sila palubog sa tubig at doon ay nawala na silang lahat.
Humina ang ulan ngunit patuloy pa rin ang pagkidlat.
Tiningnan ko si Yohan na aking buhat at hindi na maganda ang kulay sa kaniyang balat kaya naman lumipad na ako ng mabilis paalis doon.
Puro karagatan lamang ang aking nadadaanan.
Hindi na ako mapakali ng lubos dahil tila hindi na siya nahinga hanggang sa makakita ako ng isang kagubatan at napakalakas din ng ulan doon.
Lumapag kaagad ako roon sa lupa at inihiga siya.
Inilagay ko sa likod ng aking tainga ang aking nakasasagabal na mahabang buhok at tinanggal ko sa bukasan sa gilid ang pagkakakabit ng kaniyang baluti sa kaniyang dibdib.
Mayroon siyang suot na puting kasuotan sa ilalim.
Itinulak ko ang kaniyang dibdib ng malakas upang siya ay mailigtas.
Maputlang-maputla na ang kaniyang mukha at patuloy pa ang pagbagsak ng malakas na ulan kaya nagkakaroon ng dumi sa kaniyang mukha.
"Imulat mo ang iyong mga mata kahit anong mangyari... Pakiusap!" Mababakas na ang kadesperaduhan sa aking tinig.
Patuloy kong itinutulak ang kaniyang dibdib. "Yohan... Pakisaup... Kayanin mo ito!"
"Yohan!" Sa isang malakas na tulak ko, doon na siya napaluwa ng tubig at napaubo.
Napatulala na lamang ako sa kaniya habang habol na habol ko ang aking hininga at siya naman ay patuloy sa pag-ubo.
Doon ko na naramdaman ang labis na panghihina ng aking katawan hanggang sa manlabo na ang aking paningin at mawalan na ako ng malay.
~Yohan~
"Prinsipe, bakit naririto ka sa lugar na katulad nito? Ang lubos ko pang hindi mapaniwalaan ay ang makita ko itong si Hemira na iyong kasama. Akala ko ba'y siya'y wala na?" tanong sa 'kin ni Baro.
Nasa loob kami ng barrier box niya kaya hindi kami nauulanan. Tinawag ko siya para ro'n.
Nakasandal pa rin sa dibdib ko si Hemira at hindi pa rin kami masyadong tuyo.
"Mahaba kung ipapaliwanag ko pa. Masyadong marami na ang nangyari pero ang mahalaga, buhay si Hemira pero hindi niya nga lang kami naaalala." Hinaplos ko ang mukha ni Hemira na puno ng ingat.
"Ano, prinsipe?! Hindi niya kayo maalala?! Ngunit bakit?!" Halatang sobrang hindi makapaniwala si Baro sa tanong niya.
"Pero sa tingin ko ngayon, mukhang naaalala niya na ulit ako. Sana talaga." Hawak ko pa rin ang pisngi ni Hemira at nakatingin lang sa kanya.
Biglang siyang nagmulat kaya nanlaki ang mga mata ko. "Hemira!" tawag ko agad sa kaniya kaya napatingin siya sa 'kin.
Siguradong bakas na bakas sa mga mata ko ang sobrang pag-aalala sa kanya.
Nakatitig lang siya sa 'kin nang bigla siyang umupo kaya nag-umpog 'yung mga noo namin.
"Aray!" reklamo ko habang nakangiwi at napahawak agad ako sa noo ko. Ang sakit n'on kasi ang lakas talaga ng pagkakaumpog namin sa isa't isa.
Tiningnan ko siya habang nakahawak pa rin sa noo ko at namumula 'yung noo niya pero walang reaksyon 'yung mukha niya.
Hinawakan ko agad 'yung pisngi niya para ilapit sa 'kin 'yung mukha niya at ineksamin ko 'yung noo niyang namumula. "F*ck! Namumula 'tong noo mo! Masakit ba? Hihipan ko na lang para mawala 'yung sak—"
Iniilag niya na 'yung mukha niya sa 'kin kaya napabitaw ako sa kanya.
Nakayuko lang siya.
"Anong problema, Hemira?" tanong ko sa kanya.
Tumingin na siya sa 'kin ng deretso at napatitig ako sa kanya.
'Yung tingin niya, 'yun 'yung tingin niya sa 'kin nang mawalan na siya ng alaala. Parang nakatingin lang siya sa isang stranger sa buhay niya.
"Huwag mo na akong hawakan ng walang permiso ko. Hindi ko nagugustuhan ang iyong ginagawa." Seryosong-seryoso siya.
Napatulala lang ako sa kanya. "H-hindi mo pa rin ba naaalala ang lahat? Hindi mo pa rin ako naaalala?"
Hindi siya natinag. "Ano ba ang dapat kong maalala tungkol sa iyo?"
Napayuko ako sa sobrang disappointment na naramdaman ko. Napakagat pa ko ng ibabang labi ko dahil doon.
Masyado akong nag-assume kanina na baka naaalala niya na ako kaya niya ako iniligtas pero parang nagkamali ako ro'n. Sobrang sakit talaga ng pakiramdam na madisappoint ng sobra.
Tiningnan ko na ulit siya. "Ikaw ang tatanungin ko... Ano ba sa tingin mo ang dapat mong maalala tungkol sa 'kin? Ano nga ba ako sa 'yo noon?" Namamasa-masa na naman ang mga mata ko. Hindi ko mapigilan na sumama 'yung loob ko sa kaniya kahit alam ko na wala naman siyang kasalanan.
Nangunot 'yung noo niya. "Kaya ako'y nagtatanong dahil hindi ko batid ang sagot doon."
Mapait akong napangiti. "Mukhang hindi talaga ako naging mahalaga sa 'yo kaya hindi mo maalala."
Tumayo na ako at napatingin kay Baro.
Nakayuko lang siya at alam kong pinipilit niya na mawala 'yung presense niya para hindi siya makaabala sa 'min ni Hemira.
Napatingin si Hemira sa kaniya at agad na nagpanic. Tumayo na rin siya. "Sino ka?! Bakit ka naririto kasama namin?!" May lumabas na itim na mahika sa kamay ni Hemira na handa niya nang ibato kay Baro.
Hinawakan ko 'yung kamay niya na 'yon para pigilan siya kaya napatingin siya sa 'kin. "Huwag mo siyang saktan. Kaibigan ko siya. Ikaw dapat ang tinatanong ko ng ganyan. Bakit kasama kita ngayon? 'Di ba ang sabi mo, aalis ka na at hindi ka na maniniwala sa mga sasabihin ko?" Seryoso ang tingin ko sa kanya.
Parang nacorner ko siya sa tanong ko na 'yon.
Naging malikot 'yung mga mata niya at halatang naghahanap ng sasabihin. "B-bumalik ako sapagkat... Sapagkat..."
Hinawakan ko ang bewang niya at inihapit siya palapit sa 'kin.
Deretso ko siyang tiningnan at nanlalaki ang mga mata niya dahil sa ginagawa ko. "Bakit hindi mo masabi kung bakit ka bumalik? Baka naman may gusto ka na sa 'kin kaya hindi mo ako hinayaan na mamatay sa kamay ng mga keledones na 'yon?"
Pinilit niyang lumayo pero mas lalo ko lang siyang hinapit palapit sa 'kin. "Ano? Bakit hindi ka makasagot?" May nabuong ngisi sa mga labi ko.
Nagulat ako nang bigla niya akong hinead bang.
"F*cking sh*t!" mura ko sa sakit n'on. Napabitaw rin ako sa kaniya at napahawak sa noo ko na sobrang kumikirot.
"Bakit mo ginawa 'yon?! Ang sakit sh*t!" Gusto kong mamilipit sa sakit ng ginawa niya.
"Kailanman ay hindi ako magkakagusto sa iyo. Ikaw ang prinsipe na pakakasalan ng prinsesa ng Gemuria at isang napakalaking kamalian ang sinasabi mong iibig ako sa iyo."
Bigla akong natigilan sa sinabi niya.
Nasabi niya na rin sa 'kin 'yon dati pero iba nga lang 'yung pagkakasabi niya ngayon.
Naramdaman ko na pumapatak na sa amin ang malakas na ulan. Wala na 'yung barrier na naharang n'on sa 'min.
Napatingin ako kay Baro.
Nakangiti siya sa 'kin. "Prinsipe, nararapat na bigyan ko na kayo ng sarili ninyong oras." Nahigop ko na siya.
Nakaramdam na naman ako ng ginaw.
Dapat, alas nuwebe o mas maaga ng konti 'yung oras dito pero dahil storm places ang bungad ng continent na 'to, hindi sisikat ang araw rito. Puwede siguro kapag pumasok pa kami mismo sa loob ng continent.
Pero nang maalala ko 'yung asul na perlas, naalarma ako at tumingin kaagad kay Hemira.
Ibinalik niya na 'yung talukbong niya sa ulo niya.
"Nakakuha ka ba ng asul na perlas sa mga keledones?" kinakabahang tanong ko sa kanya.
Napatingin siya sa 'kin.
Naghihintay ako na tumango siya o umoo pero umiling siya.
Para akong binagsakan ng malaking batyang bakal sa ulo sa sagot niya.
"Kailangan nating bumalik doon. Hindi pa tayo nakakakuha ng perlas." determinado kong sabi at isinakbit ko nang maayos ang lagan ko na napulot ko sa tabi ko kanina.
"Hindi mo na kailangan dahil kahit magpunta ka roon, wala nang keledones na magbibigay sa iyo ng perlas." seryosong sabi niya kaya natigilan ako.
"Bakit naman gano'n?"
Hindi siya umimik at tumingin lang sa ibang direksyon.
"Ano ba kasi talagang nangyari kanina? Paano mo ako iniligtas saka bakit wala nang mga keledones na magbibigay sa 'kin ng perlas?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya.
Hindi pa rin siya nagsasalita.
"Napakahalaga n'on kaya bakit hindi ka humingi sa kanila?!" napipikon na tanong ko na. Para kasing hindi niya ako naririnig sa hindi niya pagsagot sa mga tanong ko.
Hinarap niya ako. "Mas mahalaga ba iyon kaysa sa iyong buhay?!" sigaw niya sa 'kin.
"Oo! Kung nakakuha sana tayo n'on, makakapunta tayo sa Syierian na makakapagpaalala sa 'yo kay Ariadne kaya napakahalaga n'on!" walang dala-dalawang isip na sagot ko sa kanya.
Napatahimik naman siya.
Napahilamos ako sa mukha ko pero walang effect naman kasi nababasa pa rin 'yon ng ulan. "Pa'no na 'yan? Paano na tayo makakapunta ng Syierian niyan?" Nagugulumihan na ako.
Akala ko, magiging madali ang lahat pero simula pa lang kami, nagulo na kaagad.
Napasabunot pa ko sa buhok ko at napaupo saka yumuko sa sobrang stress ko.
"P-paumanhin... N-nakalimutan ko na kailangan nga pala natin ng asul na perlas. Hindi ko naman iyon sinasadya."
Napatingin ako sa kanya.
Nakayuko siya at kinakagat-kagat 'yung ibabang labi niya na parang batang pinapagalitan.
Napatitig tuloy ako sa kaniya lalo na sa labi niya.
Tumayo ako at hinarap ko siya. Napatingin siya sa 'kin.
Inilapit ko 'yung mukha ko sa kaniya at napaliyad naman siya palayo sa 'kin.
"Kailan ka pa natutong magpacute ng ganyan?" tanong ko sa kaniya habang nakatingin sa mga labi niyang pinkish.
Nabakas ang pagkalito sa mukha niya dahil sa ginamit kong word na cute.
Inilayo ko na 'yung sarili ko. "Sige na nga. Palalagpasin ko na 'yung pagiging makakalimutin mo. Hindi na tayo pupunta sa Syierian kasi hindi naman talaga tayo makakapunta ro'n hangga't walang perlas ng keledones."
"Kung ganoon ay saan na lamang tayo magpupunta?" tanong niya.
Hinilamos ko ulit 'yung mukha ko na mabilis ding nabasa ng ulan. "Sa Faro na tayo dederetso." Ngumiti pa ako sa kaniya.