Hemira II 21

3090 Words
Hemira 21 - Boreas ~Yohan~ "Ang Faro ay sa kontinente ng Zephyrus makikita. Sa kanluran 'yon at tagsibol na kontinente 'yon." Tinuro ko 'yung nakadrawing sa mapa habang nagpapaliwanag. "Eh nasa silangan tayo ngayon. Ibig sabihin, kabilang bahagi pa ng mundo ang dapat nating bisitahin. Hindi tayo dadaan sa kontinente ng Senta kundi tatawid tayo papuntang Hilagang kontinente, ang Boreas na kilalang kontinente ng taglamig." Tiningnan ko si Hemira at nakikinig naman siya nang mabuti. "'Yun ang dadaanan natin para naman makabisita tayo ng ibang lugar habang naglalakbay tayo, ayos lang ba?" Tumango-tango naman siya at mukhang natutuwa siya sa ideya ko. Napangiti ako. Nakasilong kami ngayon sa ilalim ng isang malaking batong nakakurba kaya hindi kami nauulanan. Ibinalik ko na 'yung mapa sa lagan ko at hindi man lang 'yon nababasa. Waterproof. "Kung ang kontinente ng Boreas ay lugar ng taglamig, ibig sabihin niyon ay mayroon doong mga nyebe at mga yelo?" tanong niya sa 'kin. Kulang na lang, mangintab 'yung mga mata niya sa excitement. "Oo naman pero ipapaalala ko sa 'yo... Dadaan lang tayo ro'n kasi hindi naman Boreas ang pakay natin kundi ang kontinente ng Zephyrus. Tatlong linggo lang kasi ang ibinigay mo sa akin. Apat na araw na ang dumaan sa atin kaya baka paslangin mo na ako at dalhin ang katawan ko sa palasyo n'yo." pagpaparinig ko sa kaniya pero hindi nawala 'yung pagiging excited niya. "Ayos lamang kahit dumaan lamang tayo. Ang nais ko lamang naman ay makakita ng lugar na inuulanan ng nyebe gaya ng mga nabasa ko sa aking mga libro." Nakangiti siya habang nagdedaydream. Nakatingin lang ako sa kaniya at inoobserbahan siya. Parang unti-unti na siyang nagiging open sa 'kin para sabihin 'yung mga ganoong bagay. Hindi na siya nakaalert mode. Humarap siya sa 'kin at hinawakan ako sa magkabila kong braso. Bakas na bakas pa rin ang pagkaexcited sa mga mata niya. "Mabuti na lamang at napili mong doon tayo dumaan. Hindi na ako makapaghintay na marating ang lugar na iyon, Yohan!" Nanlaki 'yung mga mata ko sa tinawag niya sa 'kin. "Y-y-yohan?" Hindi ako makapaniwala ng sobra sa tawag niya sa akin na 'yon. Natigilan naman siya at nanlaki rin ang mga mata. Bumitaw siya sa 'kin at napatingin sa ibang direksyon. Iniayos niya 'yung talukbong niya para itago 'yung mukha niya pero hinawakan ko siya sa balikat niya at iniharap ko siya sa 'kin. Nakabuka pa rin ang bibig ko habang hindi pa rin makapaniwalang nakatingin sa kanya. "Yohan na ang tinawag mo sa 'kin, 'di ba?!" paninigurado ko. Tumingin na naman siya sa ibang direksyon at hindi nagsalita. Sa sobrang saya ko, niyakap ko siya at nagtatatalon ako sa tuwa habang yakap ko siya. "Yehey! Yohan na ang tawag niya sa 'kin! Yohan! Yohan! Yohan! Wohooooo!" Pagpaparty-party ko pero itinulak niya na naman ako palayo. "Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na huwag mo akong hahawakan ng walang aking permiso?" masungit na tanong niya sa 'kin. Napasimangot ako. "Ito naman. Kita mong nasisiyahan lang ako kaya kita niyakap." "Bakit lubos ka nang nasisiyahan kaagad sa tawag ko lamang na iyon sa iyo?" Nakakunot na naman 'yung noo niya. Itinuro ko 'yon ng daliri ko at itinulak ng mahina 'yung noo niya. "'Di ba ang sabi ko sa 'yo, iwasan mo na 'yang pagkunot-kunot ng noo mo? Saka kaya lang naman ako natutuwa ng sobra kasi 'yon naman talaga ang tawag mo sa 'kin dati at hindi Argyris." Nginitian ko pa siya. "Ako'y nalilito na ng lubos sa iyong mga inaakto. Noong mga nakaraang araw lamang ay napakasungit mo sa akin at lagi kang tila naaalibadbaran sa akin ngunit paminsan-minsan naman ay ganito ang iyong ipinapakita. Mayroon ka bang dalawang pagkatao?" Bigla akong napatawa sa tanong niya na 'yon. "Oy, wala akong DID (Dissociative identity disorder - Pagkakaroon ng iba't-ibang katauhan sa iisang katawan) , 'no. Ganoon mo kasi ako unang nakilala. Sobrang sungit ko sa 'yo. Parang ikaw ngayon. Kung paano ka magsungit sa 'kin, mas grabe lang ng kaunti ako sa 'yo dati." Hindi na siya nagsalita at napatitig lang sa 'kin. Halatang inoobserbahan niya ako kung nagsasabi ako ng totoo pero tinakpan ko 'yung mga mata niya. "'Wag mo akong tingnan ng ganyan... Baka mahalikan pa kita." Hininaan ko ng sobra 'yung huli kong sinabi. Inalis niya 'yung kamay ko sa mga mata niya. "Anong iyong sinabi?" Ngumiti lang agad ako sa kanya. "Wala. Umalis na kako tayo para makarating na agad tayo ng Boreas kung nasaan si Queen Elsa at Olaf." Bago siya magtanong, nagcast na ako ng spell ng hangin at hinapit ko ang bewang niya palapit sa 'kin saka inilipad ko na siya. ~Sa palasyo ng Gemuria~ ~Tagapagsalaysay~ Ilang araw na ikinulong ni Marum ang kaniyang sarili sa silid ni Yohan dahil sa nais niyang pag-iwas kay prinsesa Ceres. Tanging sa bulkanahe lamang siya ng silid na iyon napipirmi. Ni wala siyang makausap na kahit sino. Nais niya sanang makausap sila Seth dahil buryong-buryo na talaga siya ngunit baka mahuli lamang siya ng mga ito na hindi totoong Yohan kaya hindi niya ginagawa. Nakatingin lamang siya sa labas ng balkunahe na nasa ikatlong palapag at damuhan lamang ang kaniyang nakikita sa ibaba at mga puno. Hindi katulad ng balkunahe kung saan niya unang nakausap si prinsesa Ceres. Malawak na lupain ang makikita roon. Iyon ay dahil nakaharap ang dalawang bulkanahe sa magkaibang direksyon. Kulay kahel na rin ang kalangitan dahil pababa na ang araw. Habang nakatulala roon ay may nakita siyang mga naglalakad na tao sa ibaba kaya napabalik siya sa kaniyang sarili mula sa pagkakatulala at tiningnan ang mga iyon. Kumabog na naman ang kaniyang dibdib ng kaniyang masilayan si prinsesa Ceres kasama ang ilang mga maheya at mga tagapagsilbi nito. Napakaganda na naman ng kasuotan nito at nakatarintas ng may pagkaluwag ang buhok nito na lalong nagpaganda rito. Hindi niya magawang ialis ang tingin dito at kitang-kita niya ang mukha nito dahil nakaharap ito sa kaniyang direksyon. "Prinsesa, handa ka na ba?" tanong ng isang maheyang kasama nito rito. Tumango naman ito na determinadong-determinado. Nagsilayuan sa mga ito ang mga babaeng tagapagsilbi. Hindi niya batid kung ano ang gagawin ng mga ito. Nanlaki ang kaniyang mga mata ng magsimulang umatake ang apat na maheya sa prinsesa. Binato ng mga ito si prinsesa Ceres ng malalakas na mga mahika. Agad naman itong gumawa ng panangga upang sanggain iyon ngunit nabitak ang panangga nito. Nabasag iyon at napaupo ito dahil doon. "Prinsesa!" puno ng pag-aalalang sigaw ng mga tagapagsilbi dahil sa nangyari rito. "Huwag kayong lumapit!" sigaw nito at agad ding tumayo. Muntik niya nang maisigaw ang pangalan nito kanina ngunit buti na lamang at napigilan niya agad ang kaniyang bibig. Pinagpatuloy niya ang kaniyang panunuod sa pag-eensayo nito ng mahika. Nakipaglaban ito ng lubos sa apat na maheya na halatang mga malalakas. Puno ng determinasyon ang mukha nito at may pagkadesperado rin iyon ngunit sa huli ay natalo ito. Nagkaroon ng ilang sira ang mga damit nito at napaupo na lamang sa damuhan sa sobrang pagod. Agad itong dinulutan ng mga alalang-alalang mga tagapagsilbi nito ngunit itinaas nito ang palad nito upang patigilin ang mga ito sa paglapit. "Umalis na muna kayong lahat. Nais kong mapag-isa." seryosong sabi nito. "Ngunit prinsesa..." "Sige na, Muriel. Pakiusap... Iwanan n'yo muna ako." Seryosong seryoso pa rin ito ngunit bakas na bakas ang kalungkutan sa mga mata nito. Walang nagawa ang mga tagapagsilbi kundi ang umalis gaya ng nais nito pati na rin ang apat na maheya. Naiwan itong mag-isa roon at ilang saglit lamang ay narinig niya na ang mga hikbi nito. Humihikbi itong mag-isa habang nakaupo roon at tila pinagbagsakan ito ng langit at lupa kung titingnan. Nais niya itong puntahan upang punasan ang mga luha nito at patahanin ngunit hindi niya maaaring gawin iyon. Hindi niya ito maaaring paasahin sa kaniyang magiging kilos. Inalis niya na ang kaniyang tingin doon at umupo na lamang sa gilid ng kaniyang higaan. Naririnig niya pa rin ang mga impit nitong mga hikbi kaya humiga siya sa higaan at tinakpan ang kaniyang tenga ng unan upang hindi na iyon marinig pa. Napapikit pa siya ng mariin dahil tila hinihiwa ang kaniyang puso sa mga hikbing iyon. Sumagi sa kaniyang isipan ang napakalungkot na mukha nito habang nakatingin ito sa malayo sa bulkanahe kung saan niya ito nakausap noon. Ang malungkot na mga mata nito na batid niyang nanghihingi ng karamay at taong magmamahal dito. Ang mga malulungkot na ngiti nito... Nais lamang nito ng taong dadamay rito sa kalungkutang nararamdaman nito. Sa mga isiping iyon ay inalis niya na ang unan sa kaniyang tenga at napaupo sa higaan. Tumingin siya sa labas ng balkunahe. "Dadamayan ko lamang siya ngayon. Pagkatapos niyon ay hindi na ako makikipaglapit sa kanya." kausap niya sa kaniyang sarili at lumabas na kaagad ng kaniyang silid. Mabuti na lamang at wala sila Seth sa labas ng kaniyang silid dahil paniguradong magtataka ng lubos ang mga ito kung bakit siya humahangos na lumabas ng kaniyang silid. Tumakbo siya pababa ng palasyo at nakasalubong pa siya ng mga tagapagsilbi. Si Remus ay kaniya ring nasalubong at hindi niya pinansin ang pagbati nito sa kanya. Nakita niya ang mga tagapagsilbi ni prinsesa Ceres na nakatayo sa tapat ng isang malaking pinto at bakas na bakas sa mga mukha ng mga ito ang matinding pag-aalala. Tumakbo siya papalapit sa mga ito at nang makalapit siya ay napatingin ang mga ito sa kaniya na kaagad napayuko. Habol na habol niya ang kaniyang hininga. "Nasaan si... prinses... prinsesa Ceres?" Inangat ni Muriel ang tingin nito sa kanya. "Nasa labas po siya ng pintuang ito, prinsip—" Hindi niya na pinatapos ang sasabihin nito at itinulak kaagad ang pinto pabukas. Nabuksan ang isang pinto niyon at doon siya lumabas. Iniikot niya ang kaniyang tingin sa paligid upang hanapin si Ceres at nang makita niya itong nakaupo pa rin sa damuhan na patuloy na umiiyak ay tumakbo kaagad siyang muli palapit dito. "Ceres!" tawag niya rito kaya napatingin ito sa kanya. Nang makalapit na siya rito ay umupo kaagad siya sa harapan nito at niyakap ito habang habol na habol niya ang kaniyang hininga sa pagod. "Huwag ka nang... umiyak... Naririto na... ako." Hinaplos niya ang buhok nito ngunit humiwalay ito ng yakap sa kaniya at hindi na naman makapaniwalang napatingin sa kanya. "B-bakit mo ito ginagawa, Argyris?" Halata ang pagkalito sa mukha nito. Ngumiti siya rito at nakakabalik na sa dati ang kaniyang paghinga. "Batid kong nais mong may dumamay sa iyo sa kalungkutan mo ngayon at bilang isang kaibigan mo ay ginawa ko iyon. Ang aking intensyon ay sa isang kaibigan." Hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon nitong nalilito. Huminga siya ng malalim. "Alam kong mayroon kang pinagdadaanan at wala kang mapagsabihan niyon, tama ba?" Napatango-tango naman ito at namasa-masa na ang mga mata nito. "Batid ko ang hirap ng pakiramdam na iyon... na nais mo lamang naman na mayroong taingang makikinig sa iyong mga sasabihin at mga labing magsasabi sa iyo ng mga dapat mong gawin ngunit walang kang mahanap ngunit huwag kang mag-alala. Ipapahiram ko sa iyo ngayong araw ang aking tainga at kung kailangan mo rin ng aking mga payo ay sasabihin ko kung ano ang pinakanaiisip ko na tama. Gagawin ko iyon bilang isang kaibigan." Ngumiti siya rito upang makumbinsi ito. Doon ay napaiyak na ito ng tuluyan at napatakip ito sa mukha nito ng mga kamay nito. "Ang nais ko'y maging malakas na ako... Nais kong makagawa ng malalakas na mahika na makatatalo sa mga mostro na sasalakay sa kahariang ito. Nais kong protektahan kayong lahat dahil iyon ay aking responsibilidad ngunit mahina ako... Napakahina ko pa rin kahit na naglabing walo na ako." Napahikbi-hikbi pa ito. "Isang beses lamang ako nakagamit ng napakalakas na mahika ngunit hindi na naulit iyon. Ni hindi ko na magawa muli iyon dahil hindi ko batid kung paano. Pakiramdam ko ay nagiging pabigat lamang ako sa kahariang ito. Ayoko ng ganitong pakiramdam... Ayoko..." Niyakap niya itong muli at isinandal ito sa kaniyang dibdib. Tinapik-tapik niya ng mahina ang likod nito. "Hindi totoong pabigat ka lamang sa kahariang ito. Hindi mo ba batid na ikaw ang kayamanan ng mga tagaGemuria at buong mundo kaya paano ka magiging isang pabigat?" Napatingin ito sa kaniya mula sa kaniyang dibdib. "Ngunit kung totoo ang iyong sinabi, bakit pakiramdam ko ay napakalayo ng damdamin sa akin ng lahat? Tila wala akong lugar sa palasyong ito at higit sa lahat, bakit hindi mo ako magawang mahalin?" Napatigil siya sa pagtapik sa likod nito. Humiwalay na ito sa kaniya at tiningnan siya ng deretso sa kaniyang mga mata. "Bakit hindi mo masagot ang aking katanungan? Lubos ba iyong mahirap o ayaw mo lamang sabihin sa akin ang iyong sagot dahil ayaw mo akong saktan." Nangungusap ang mga mata nito sa kanya. Wala siyang nagawa kundi yakapin na lamang itong muli at haplusin ang buhok nito. "Ceres, wala akong maipapangako sa iyo ngayon kundi pagkakaibigan lamang ngunit alam kong darating ang panahon na magiging maayos din ang lahat sa iyo. Darating sa iyo ang lubos na kasiyahan na hindi mo pa nararamdaman noon. Huwag ka lamang mapapagod na hintayin iyon." Napaiyak itong muli sa kaniya at yumakap nang pabalik sa kanya. Nagsisi-iyakan din ang mga babaeng tagapagsilbi nito na nanonood sa kanila mula sa malayo. Hindi nila batid, mayroon pang dalawang pares ng mga mata na nakakakita ng pangyayaring iyon mula rin sa malayo. Lumipas ang isang buong araw... ~Yohan~ Lumapag na kami sa lupa na yelo na. Tiningnan ko 'yung karagatan na nakapaligid dito at yelo na rin 'yon. Nasa harbor pa lang kami nitong kontinente ng Boreas pero ramdam na ramdam na kaagad namin ang napakalamig na panahon dito. Biglang humangin ng napakalamig at nanuot 'yon sa balat ko. Nangatal na rin ang mga ngipin ko sa lamig. Hindi ako nakapaghanda ng jacket o anumang damit na panglamig kasi puro karagatan 'yung nadaanan namin at hindi mga bayan na may mga tindahan ng gano'n. Tiningnan ko si Hemira at halatang nilalamig na rin siya pero hindi kasinglamig ng akin. May talukbong kasi siya at balot na balot ang katawan niya ng tela samantalang ako, bakal ang nakabalot sa 'kin na armor ko. Conductor 'to kaya parang nakasuot ako ng yelo. Napayakap ako sa sarili ko. "T-t-t-tara n-na... M-m-maghanap tayo ng m-mabibilhan ng j-jacket." Nangangatal ang mga ngipin at bibig ko kaya utal-utal ang pagsasalita ko. May lumalabas din na usok sa bibig ko kapag nahinga ako. Naglakad na kami at habang napapalayo kami sa harbor na pinanggalingan namin, lalong tumitindi ang lamig. Yelo lang ang inaapakan namin at may pagkamadulas 'yon. Pakiramdam ko, nastiff neck na ako at hindi ko na mailingon ang ulo ko sa lamig. Ayaw ring tumigil ng mga ngipin ko sa pangangatal. "H-h-hemira... A-a-ayos k-ka l-lang b-ba?" Pinilit kong tingnan si Hemira sa tabi ko pero hindi ko maipaling 'yung ulo ko sa lamig kaya 'yung katawan ko 'yung iniharap ko sa kaniya ng kaunti habang naglalakad kami. Nakatingin siya sa dinadaanan naming yelo at mukhang naaaliw siya ro'n. "Ako dapat ang magtanong sa iyo niyan." sagot niya sa 'kin na parang hindi man lang nangangatal katulad ko. Tumawa ako habang nangangatal pa rin. "H-hanga n-na talaga a-ako sa 'yo ng s-sobra. N-ni hindi ka m-man lang t-tinatablan ng l-l-lamig." Humangin na naman ng malakas at kinilabutan ang buong katawan ko dahil doon. Hindi naman umuulan ng nyebe pero napakalamig na sobra. Pakiramdam ko, nasa Alaska na yata kami. Gumamit kaya ako ng apoy na mahika para mainitan 'yung katawan ko? Pero sabi ni Aella, baka ako lang 'yung tustahin ng apoy na 'yon lalo na at wala pa sa wisyo 'yung may-ari n'on na si Blas. Tsk! Mamamatay na ako sa lamig! Parang pinagsisisihan ko na na dumaan pa kami rito sa kontinenteng 'to. Dapat bumalik na lang kami ng Senta tapos Zephyrus na 'yung kabila n'on. Tiningnan ko ulit siya sa tabi ko. Nakatingin lang talaga siya sa inaapakan namin at nakikita ko sa mga mata niya na masaya siya. Pero kung mapapasaya ko naman siya ng ganito, hindi ko na pala pagsisisihan ang pagpunta rito. Napangiti ako habang pabilis ng pabilis ang pagngatal ng ngipin ko na parang mababasag na 'yon. Kaunting lakad pa namin, may nadaanan na kaming mga tindahan ng mga makakapal na damit at mahahaba 'yung mga 'yon. Mga winter capes! Ayos! Tumakbo kaagad ako papunta ro'n at kinuha ang pinakamakapal sa mga 'yon. Purple 'yon na makapal at may hood na kasama. Nilingon ko si Hemira at papalapit pa lang siya sa 'kin. "Hemira! Dali! Isuot mo na 'to!" Nagmadali naman siya na lumapit sa 'kin. Pagkalapit na pagkalapit pa lang niya, isinuot ko na sa kaniya 'yon kahit na ngatal na ngatal na 'yung mga kamay ko. Iniayos ko 'yung pagkakasuot n'on sa kaniya at bagay na bagay sa kaniya 'yon. Nakatingin siya sa 'kin na parang may gusto siyang sabihin pero humangin na naman ng napakalamig kaya agad na akong kumuha ng sa 'kin sa mga nakadisplay. Pinili ko 'yung makapal din at may hood. Gray 'yung nakuha ko at agad-agad kong isinuot 'yon. Mayroon din silang para sa paa, gloves at ear muffs. Binili ko lahat 'yon gamit ang ginto ko para sa aming dalawa. Buti na lang talaga, nanghingi ako ng sobrang ginto kina Seth. Pinagbilhan din kami ng parang candy para raw hindi kami sipunin sa lamig. Isang araw lang ang epekto n'on. Naisip ko na bumili na ng sobra para kung may instances lang na kailangan namin n'on, may madudukot kami. Bali ang nagastos ko lahat-lahat, limang ginto at may sukli pa na tatlong silvers. Hindi ko talaga alam kung ano ba ang halaga ng ginto at silvers dito kaya hindi ko alam kung niloloko ba nila ako sa presyo o hindi pero hindi ko na inisip 'yon. Ang mahalaga, hindi na ako giniginaw! Nagtatalon ako habang naglalakad na kami kasi na-i-enjoy ko na rin sa wakas ang lugar na 'to. Nakaalis na kami sa pamilihang nadaanan namin. Tiningnan ko ang paligid. Ang gaganda ng mga pine trees na nakatubo kung saan-saan. Lahat yelo talaga. "Ang ganda pala ng lugar na 'to kapag hindi mo na nararamdaman 'yung lamig!" sigaw ko sa sobrang tuwa. "Tama ka! Tila nasa isang panaginip lamang ako sa ganda ng lugar na ito!" tuwang-tuwang sabi rin niya habang nag-i-skate siya sa sahig. Napangiti ako ng malawak sa saya at dinama ko ang malamig na hangin na kaninang halos isumpa ko na ng sobra. Umikot-ikot pa ako habang nakatingala sa kalangitan at nakataas ang dalawa kong mga kamay. "Ang saya-saya!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD