HINDI alam ni Benedict kung anong sumapi sa kaniya sa gabing ‘yon. Habang nasa ilalim ng shower saka lang niya narealize kung gaano kalaking bagay para sa kaniya ang lahat ng mga inamin niya kay Lyn. Hindi niya sinabi ang mga ‘yon kahit sa mga malalapit niyang kaibigan. Although knowing Maki and his own adoptive mother, siguradong alam ng mga ito ang lahat ng tungkol sa kaniya. Pero ngayon ang unang beses na kusa siyang nagsalita tungkol sa nakaraan niya. Lalo na ang tungkol sa insecurities at takot niya. Matagal bago siya lumabas ng banyo. Akala niya tulog na si Lyn pero gising na gising pa ito nang maabutan niya. Nakaupo pasandal sa headboard ng kama. Natigilan siya nang matitigan ang mga mata nito. Parang hinihintay talaga siya. “Hindi ka pa matutulog?”

