“Oh, you’re awake.”
Mabilis akong nag-angat ng tingin sa nagsalita. Umawang ang labi ko nang makita ko si Gregory na nakasandal sa may pintuan, may dala siyang mug sa kanyang kamay. Kumunot ang noo ko dahil nalilito ako. Bumalik ang tingin ko sa anak ko na ngayon ay nakayakap pa rin sa akin.
“A-Ano…”
Hindi ako makapagsalita dahil malamig ang tingin sa akin ni Gregory. Naalala ko kung ano ang nangyari kagabi at siya ba ang nagligtas sa ‘kin?
Umayos ng tayo si Gregory at itinuro ang labas. “Let’s eat, nagluto ako.”
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at nalilitong naglibot ng tingin. Nasaan ako? Hindi ganito ang condo unit ko. Ipinilig ko na lang ang ulo ko at tumayo. Binuhat ko ang anak ko at lumabas na ng kwarto.
Nakita ko si Gregory na nakatalikod sa amin. Hindi ko maiwasan ang mapatingin sa paligid.
“Mommy, he is my Daddy!” masiglang sambit ng anak ko na siyang ikinagulat ko.
Nang ibinaling ko ang tingin ko kay Gregory ay nakatingin na siya sa amin. Hindi ako makapagsalita dahil sa kaba pero sobrang saya ko nang maibalik sa akin ang anak ko…or balik na nga ba?
Nakatingin lang ako kay Gregory habang hinahanda niya ang mga pagkain na kanyang niluluto. Napansin ko na masasarap ito at lutong pinoy ang kanyang niluluto. Nakita ko pa na nagtimpla siya ng gatas at inilapag sa gilid ng isang plato.
“Let’s eat,” si Greg sa mababang boses.
Mahina akong tumango at nagtungo na sa hapagkainan. Bumaba si Grazer galing sa pagkakarga ko at nagulat ako nang lumapit siya kay Gregory.
“Daddy, I want chicken. I hope it’s okay, Daddy,” malambing na sambit ng anak ko bago ako binalingan. “Mommy, I am so happy!”
Napatingin ako sa anak ko saglit at naghila na ng upuan. Ilang araw na ba? Tanggap agad ng anak ko? Ano ba ang ginawa ni Greg para umamo ang anak ko sa kanya?
Umupo ako at nagbaba ng tingin sa pinggan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa lalaki na nasa tapat ko na ngayon ay nasa akin na ang tingin. Ang anak ko ay nasa tabi niya, kumakain na ng fried chicken.
“Eat.”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya at nakita ko na nakatingin siya sa ‘kin, salubong ang kanyang kilay.
“Uhm…”
“What?”
Umiling ako at nagsimula nang kumuha ng pagkain. Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Ang nasa isip ko lang ngayon ay kung paano ko siya kakausapin. Ayokong malayo ulit sa anak ko. Kahit kunin niya na lahat, huwag lang ang anak ko.
“Mommy, Daddy sang a lullaby last night. He knows how to sing, Mommy!” si Grazer habang may ininguya sa bibig. “Daddy, Mommy said you are too far away that’s why I didn’t see you.”
Halos hindi ko maisubo sa bibig ko ang kanin dahil sa sinabi ng anak ko. Nahihiya ako dahil iyon na lang ang tanging paraan upang hindi na niya ako tatanungin tungkol sa Daddy niya.
“Really?” sarkastikong tanong ni Gregory sabay baling sa ‘kin. “I didn’t know about that…”
Nag-iwas na lang ako ng tingin at nag-focus na lang sa pagkain. Magpapalakas muna ako ng loob dahil kakausapin ko siya. Gusto ko siyang tanungin kung bakit niya kinuha ang anak ko sa ‘kin. Wala akong rason na mahanap bukod siguro sa gusto niyang makasama ang anak ko. Pero limang taon na ang nakalipas, hindi ko mahanap kung saang banda siya may interes sa anak ko ngayong malaki na siya.
Nang matapos na kaming kumain ay nagboluntaryo akong maghugas ng pinggan pero inagaw niya lang sa ‘kin ang pinggan kong dala at kumuha ng gloves. Wala akong magawa kundi ang hayaan siya. Lumapit ako sa anak ko at niyakap siya ulit. Hanggang ngayon ay naiiyak pa rin ako lalo na’t nasa isip ko ngayon na baka ito na ang huli.
“Mommy, hindi na ba aalis si Daddy?”
Umawang ang labi ko nang magtagalog ang anak ko. Minsan lang kasi niya ginagamit ang lengguwaheng Filipino dahil mas bihasa ang anak ko sa English. Tinuturuan ko rin siya minsan at hanggang ngayon ay bulol pa rin.
Nagtagal ang tingin ko sa anak ko. Hindi ko maiwasan ang malungkot para sa kanya kasi hindi ko siya mabibigyan ng kompletong pamilya. Siguro maintindihan din ng anak ko ang lahat kapag nasa tamang edad na siya. Sa ngayon, hahayaan ko muna siya sa mga paniwala niya.
***
“G-Greg…”
Natigilan si Greg sa pagbuklat sa isang magazine nang makita akong nakatayo sa harap niya. Kinagat ko ng mariin ang labi ko at napansin na kami lang dalawa ang narito sa sala. May condo unit pala siya rito sa Australia?
“H-Hindi ko alam kung ano ang plano mo…pero sana huwag mo nang ilayo ang anak ko sa ‘kin,” panimula ko.
Nanatili lang siyang nakatingin sa akin, nakikinig sa akin.
“Siguro ginagawa mo lang ito kasi p-pinigilan ko ang kasal ninyo ni Khadijah, at kahit anong sorry ko ay hindi ko maibalik sa dati ang lahat. K-Kung p-puwede—”
“Hindi.”
Natigilan ako nang tumayo siya at humakbang papalapit sa akin. Napayuko tuloy ako upang hindi magtama ang aming paningin.
“I don’t have time for revenge or something like that, Honey.” Napatalon ako sa gulat nang maramdaman ko ang kanyang kamay sa pisngi ko. “I just want to be with my daughter…”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya at nagsimula nang nanubig ang mata ko. “P-Pero, puwede naman natin pag-usapan ito, G-Gregory, h-hindi ko s-siya ipagdadamot. H-Huwag mo lang siya ilayo sa akin.”
Pumikit ako. Iyon na lang ang tanging option para makasama ko pa ang anak ko. Kung gusto niya ay hati kami sa oras ay okay lang, basta huwag lang niya ilayo sa akin ang anak ko.
“Malayo ang Australia sa Pilipinas at tingin ko…m-mas magandang pag-usapan na muna natin ang tungkol sa kanya dito sa Australia…” dagdag ko pa at napalunok.
Nagmulat ako ng mata nang marinig ko ang kanyang mahinang halakhak. Nakita ko na nag-angat siya ng kilay sa akin at ngumisi ng nakakaloko. Bigla tuloy akong kinabahan.
Humilig siya papalapit sa akin at niliitan ako ng mata. “What are you talking about, baby?”
Ngumisi siya sa ‘kin at naglakad patungo sa may malaking kurtina. Napapikit ako nang bigla niya itong hinawi kaya nasikatan ako ng araw. Kumalabog ng mabilis ang t***k ng puso ko nang mapansin ko na iba ang kapaligiran.
Umawang ang labi ko at napatingin kay Gregory. “This is not…Australia…”
“Yes, welcome to the Philippines, Honey…”