Chapter 7

1946 Words
ISANG Linggo ang matulin na lumipas. Ilang araw na rin na nakakalabas ng ospital si Amarah. Nakatanggap din siya ng mensahe mula sa ate Gwen niya na uuwi ito sa Pilipinas para magpatest para sa posibilidad na maging bone marrow donor ni Amarah. Syempre ay magandang balita iyon... malaking posibilidad na magmatch ang dalawa. Kapag nagkataon ay malulutas na ang problema nila. Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto at sinikap na hindi makagawa ng ingay na ikagigising ni Amarah. Kasasara palang niya ng pinto ng salubungin siya ni Jenny na mukhang inaabangan ang paggising niya. Nakabihis ito na ipinagtaka niya. "May problema tayo!" agad na bungad sa kanya ng kaibigan. "Problema? Bakit? Naniningil na ba ng upa ng bahay si Aling Ester?" nakakunot ng noo niyang tanong. "Hindi. Hindi 'yon. Aalis kasi ako. Ang dami kong natanggap na customers complain mula pa kagabi dahil hindi pa nila natatanggap iyong mga items na order nila. Kailangan kong puntahan ngayon iyong supplier ko sa Marikina at baka tinakbuhan na pala ako." Iyon talaga ang malaking risk kapag online seller ka. Kapag nagtiwala ka sa maling supplier. "Ano? Huwag naman sana..." nag-aalala niyang turan para sa kaibigan. "Oo nga eh. Sana lang talaga ay makonsensya siya at huwag naman niya itakbo ang mga pera namin," halata ang pangamba sa hitsura ni Jenny. "Paano pala si Amarah? Sinong magbabantay sa kanya?" "Hala, oo nga. Paano 'yan? Hindi ako pwedeng mag-absent sa trabaho," napapakamot sa batok na turan ni Bella. Noong nasa Cebu sila ay mayroon siyang kinuha na magbabantay kay Amarah sa tuwing nasa trabaho siya. Ngunit ngayong gipit siya sa pera dahil sa medical na pangangailangan ni Amarah, hindi niya kayang magbayad at kumuha ng mag-aalaga dito. "Hindi ko rin pwedeng ipagpaliban ang lakad ko. Malaking halaga ang nawawalang mga items," si Jenny. "Naiintindihan ko. Sige na ako nalang ang bahala kay Amarah. Puntahan mo na ang supplier mo." "Paano si Amarah?" "Isasama ko nalang siya." "Ha? Pwede ba siya sa trabaho mo?" "Hindi. Pero hindi ko naman siya pwedeng iwan dito mag-isa. Tatanggapin ko nalang kung papagalitan ako ng supervisor ko. Bahala na..." "Bakit dika makisuyo muna kay Dwayne?" suhestiyon ni Jenny. "Nasa construction site ang trabaho niyon ngayon. E di lalong hindi pwede si Amarah doon, delikado para kay Amarah at maalikabok pa doon..." "Ay, oo nga pala." "Sige na. Umalis ka na, ako na ang bahala dito. Sana lang hindi ka niloko ng supplier mo." "Kaya nga eh. Kapag nagkataon ubos lahat ng ipon ko pati pa puhunan ko." Nasa mukha ni Jenny ang pangamba sa posibilidad na pagkalugi ng negosyo nito. "Siya sige mauna na ako," paalam nito. "Goodluck. Mag-iingat ka!" habol niya dito. "Salamat." Naglakad na ito palabas ng hindi kalakihan nilang apartment. Si Bella ay binalikan sa loob ng kwarto ang natutulog na si Amarah. Kailangan niya itong gisingin para makakain muna sila bago sila pumunta sa trabaho niya. Sa mabilisang kilos ay nagawang ayusan ni Bella ang sarili at bihisan si Amarah sa kulang-kulang isang oras. Limang minuto bago ang oras ng umpisa niya sa trabaho ay sinasabon na siya ng supervisor niya dahil sa pagsama niya kay Amarah. "Miss Jimenez, for Christ sake! Anong pumasok sa isip mo at nagsama ka ng bata sa trabaho? Anong akala mo, nasa Day-care center ka?" "Pasensya na po, Ma'am Grace. Wala po kasi talaga akong pag-iiwanan sa anak ko." Nakayuko niya paliwanag dito habang tinatakpan ang tainga ni Amarah para hindi marinig ang pag-uusap nila ng supervisor niya. "Paano kung makita ng mga boss natin 'yan? Ikaw ba ang mapapagalitan? Hindi ba't ako? Ang hirap kasi sayo... Kinausap ka lang ng COO natin minsan ay akala mo na kung sino ka na dito. Ano bang akala mo, papatulan ka ng boss natin at umaakto ka nang reyna dito?" Nag-igting ang tainga ni Bella. Kaya ba nitong nakaraang mga araw ay mainit ang dugo sa kanya ng supervisor niyang ipinaglihi yata sa sama ng loob at masyadong bitter sa buhay, dahil sa pagkausap sa kanya ng COO nila sa opisina nito? "Mawalang galang na, Ma'am Grace. Pero ano pong kinalaman sa pagsama ko sa anak ko dito sa trabaho sa naging pag-uusap namin ng COO? Isa pa, hindi po ako katulad ng iba diyan na nangangarap na patulan ng boss natin. Alam ko po kung saan ang lugar ko... Hindi po ako mahilig mangarap ng gising," pagpapasaring niya dito. Alam kasi niya na malaki ang gusto ng supervisor niya sa boss nila dahil sa tuwing darating ang COO ay halos magkanda-dapa-dapa ito sa pagkukumahog na sumalubong at bumati ngunit kahit minsan ay hindi niya pa ito nakitang pinansin manlang ni Lucas Thomas. Tumalim ang tingin nito lalo sa kanya. "Siguraduhin mo lang na hindi makakaabala ang anak mong 'yan sa trabaho kundi ako mismo ang gagawa ng request sa HR na sisantihin ka sa trabaho." Tumango siya. "Asahan niyo po." Tinapunan nito ng tingin si Amarah. "Sige na, pumunta ka na sa pwesto mo at oras na ng trabaho," anito at tinalikuran na siya. Mabilis na kumilos si Bella para maghanda na sa trabaho. Pinapwesto niya si Amarah sa may bandang ilalim ng front desk at binigyan ng coloring book at color pencils. Mabuti nalang at kasya ito doon sa ilalim dahil maliit at payat ito. "Baby, can you draw Mommy a very nice picture I can hang later in our room?" nakangiting kausap niya dito. "Yes, Mommy! I will make it very very beautiful for you," bibo naman na sagot ni Amarah. Natutuwang hinimas niya ang buhok nito. "If you're a good girl today, Mommy will buy your favorite Jollibee chicken joy for lunch." Nanlaki ang mga mata ni Amarah. "Really, Mommy? Okay, I will be a good girl, promise!" nakangiti nitong turan at nagtaas pa ng kanang kamay. Nginitian niya ito tapos ay naupo na sa pwesto niya. "Anong sinabi sayo ng feeling future queen ng Thomas Global?" bahagyang siko sa kanya ni Dana, ang kasamahan niyang receptionist. Natatawa siyang napailing. Pati pala ito ay nahahalata ang pagkakagusto ng supervisor nila kay Lucas Thomas. "Hayaan mo na 'yon. Ang importante ay pinayagan niya akong kasama ang anak ko." "Sabagay." anito. "Pero bakit ba ang init ng dugo niyon sayo?" "Ewan ko nga rin e," sagot niya dito. Mula ng unang araw niya sa trabaho ay lagi nalang napupuna ng supervisor nila ang kahit kaliit liitang pagkakamali niya sa trabaho at kaagad siyang pinapagalitan. At lumala pa ang trato nito sa kanya mula ng ipatawag siya ng COO sa opisina nito. "Insecure 'yan sa beauty mo for sure. Paano ay kahit sanda makmak na chinchanzhu ang ipahid niya sa pagmumukha niya ay wala paring epekto," nakangising turan ni Dana. "Shhh. Marinig ka!" natatawang saway niya dito. "Oo nga pala. Narinig kong ngayon ang balik ni sir Lucas," imporma ni Dana sa kanya. Biglang natahimik si Bella. Mula kasi noong bumalik sila galing Ilocos ay hindi pa ulit sila nagkikita dahil nga pagkatapos niyon ay umalis papuntang Thailand si Lucas para sa isang business trip. "Ganoon ba," kunwari'y baliwalang reaction niya. "Ano ba namang reaction 'yan," said Dana. "Ano namang gusto mong isagot ko?" "Hindi mo ba siya type? Hindi ka ba nagagwapohan sa future CEO natin?" curious na tanong ni Dana. "He's good looking and very charming..." "But?" "But he's out of my league. Mahirap pangarapin ang isang maningning na bituin sa langit. Believe me, masasaktan ka lang. Just a friendly reminder," nakangiti niyang turan kay Dana. Si Dwayne nga na hindi kasing yaman ng mga Thomas ang pamilya, hirap na hirap siyang tanggapin ng pamilya nito. Paano pa kaya ang isang Lucas Thomas. She saw and experienced for a night the kind of world that he has. At masasabi niyang hindi iyon ang mundo na para sa kanya at mundong pangarap niya. "Naman siya ang KJ. Hanggang pangarap na ngalang tayo hindi pa pwede?" engos ni Dana sa kanya. Ilang sandali ay naging abala na sila sa trabaho kaya naputol ang pag-uusap nila. Nagulat pa si Bella ng sikuhin siya ulit ni Dana at inginuso ang bagong dating at gwapong-gwapo nilang boss. Sa hindi malamang dahilang ay parang biglang nanginig ang mga tuhod ni Bella na parang nauupos na kandila ng muling masilayan ang makisig nilang boss. "Good morning, sir!" bati ni Dana. "G-Good morning, sir!" halos mautal pa siya sa pagbati dito ng dumaan ito sa harap nila. Ngunit kabaligtaran ng Lucas na nakasama niya sa Ilocos, na animo tour guide niya habang inililibot siya sa Calle Crisologo at ipinapaliwanag ang bawat putahe noong nagtanghalian sila sa restaurant ng kaibigan nito, ang Lucas na dumaan sa harap niya ay hindi manlang nagsayang ng laway na batiin sila pabalik ng good morning o kahit ang sulyapan manlang. Well, ano ngaba ang inaasahan niya?  What happened in Ilocos, stays in Ilocos. Mabuti narin iyon nang hindi siya nakokonsensya na parang may nagawa siyang pagtataksil sa kasintahan niyang si Dwayne sa tuwing maiisip niya si Lucas. "Bad mood yata si sir?" nakalabi nalang na turan ni Dana na mukhang disappointed sa hindi pagpansin ng boss nila sa kanila. "Siguro," balewala nalang niyang kibit ng balikat. ❤❤❤ DAHIL sa biglang pagbuhos ng mga tao na nangangailangan ng assistance nila, hindi namalayan ni Bella na umalis pala sa pwesto nito si Amarah. "Nakita mo si Amarah?" tanong niya kay Dana noong sa wakas ay tumahimik sa reception area at mapansin niya wala si Amarah sa ilalim ng mesa. "Nandiyan lang 'yon kanina ah," sagot ni Dana at sumilip pa sa ilalim ng mesa. Biglang tinambol ang puso ni Bella sa takot at baka kung saan na napunta si Amarah. "Maiwan muna kita, hahanapin ko lang ang anak ko," paalam niya kay Dana. "Sige, sige... ako na ang bahala dito," sagot ni Dana. Agad na kumilos si Bella para hanapin si Amarah. Nagtanong siya sa security guard kung may napansin itong bata na lumabas ng building. "Wala akong nakikitang bata na lumalabas dito, Miss Bella," sagot ng isang security guard. "Sigurado ka, kuya?" tanong niya na pasilip silip pa sa labas. "Oo, wala talaga. Ayon si Buknoy tanungin mo at baka napansin niya ang anak mo," turo nito sa isang security guard na umiikot sa lobby ng building. "Sige salamat, kuya," kaagad niya nilapitan ang mas batang security guard na si Buknoy. "Buknoy, napansin mo ba ang anak ko?" "Kanina, Miss Bella. Parang nakita ko yon na naglalakad papuntang doon," turo nito sa direction papuntang may elevator. "Lalapitan ko sana kaso may kumausap sa akin na nagtatanong ng direction. Nang lingunin ko ulit ay hindi ko na nakita." Sa nanginginig na mga tuhod ay halos lakad takbo ang gawin ni Bella. Sobra siyang nag-aalala dahil baka kung nasaan na si Amarah. Paano kung na kidnap na pala ito ng may ari ng puting van na nangunguha daw ng mga bata? Nagpaikot-ikot siya sa bawat sulok ng malaking lobby ng building ngunit hindi niya talaga ito makita. Umakyat siya at halos suyurin niya ang bawat palapag ng building, hindi alintana ang pananakit ng paa dahil sa suot na sapatos at tumagaktak nang pawis. Kasalukuyan siyang nasa 3rd floor ng building ng tumunog ang cellphone niya. Dana calling... Kaagad niyang sinagot iyon. "Dana..." "Nasa opisina daw ni sir Lucas ang anak mo. Tumawag iyong secretary niya." "Ano?" nanlalaki ang mga mata niya sa pagkabigla. Paanong nakarating sa 16th floor ang apat na taong gulang niyang anak? "Sige, sige... salamat," at pinutol niya na ang tawag. Nawala ang takot niya para sa kaligtasan ng anak niya ngunit nabalot naman ang puso niya sa kaba dahil sa dami ng pwedeng puntahan ng anak niya ay bakit sa opisina pa ni Lucas Thomas? Baka masisanti siya sa trabaho ng wala sa oras.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD