Year 2020
NAPASULYAP si Amerito sa cellphone niyang nasa ibabaw ng kama at kasalukuyang nag-iingay. Pinunasan niya ng face towel ang basang mukha, bago lumapit sa kinaroroonan ng mobile phone. Kinuha at sinagot ang tawag na buhat sa kaniyang inang si Claudia.
“May problema ba, anak? Bakit ang tagal mo yata bago sumagot?” bungad ng kaniyang inang si Claudia Alta.
“Wala, ‘Ma. Naghihilamos kasi ako nang tumawag ka; I just woke up from a short nap.”
“That’s nice to hear, but we need to talk, hijo. Nawawala ang kapatid mong si Claire at hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin ngayon.”
Si Claudia Alta ang unang asawa ng kaniyang amang si Lucio. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ay naghiwalay ang kaniyang mga magulang, at nagkanya-kaniya ng buhay matapos maaaprubahan ang annulment ng mga ito. Napakasal ang daddy niya kay Merylle Corpuz at ang ina naman niya ay nakipagbalikan sa una nitong asawa na si Rommel Lopez, ang biological father ng kapatid na si Claire, na matanda sa kaniya ng dalawang taon.
“Did you try to contact her boyfriend? For all we know, baka nasa Tagaytay na naman iyan,” aniya sa ina na tila balewala ang sinabi nito.
Hindi miminsang ibinalita ng ina na nawawala ang kapatid, pero sa tuwing hahanapin ay okay naman ito. Kung hindi kasama ng mga kaibigan sa mga galaan ay nasa bahay ito ng kung sino mang kasalukuyan nitong boyfriend. Hindi ito mahilig mag-cellphone, hindi tulad ng ibang babaeng kaedad nito, kaya nahihirapan silang makipag-communicate dito.
“I already called Deejay, pero ngayon ko lang nalaman na two months na pala silang break.”
“What? I talked to her last week and she was so excited telling about her boyfriend. Pupunta raw siya sa province ng lalaking iyon. Wasn’t that Deejay?”
“Oh, no!” his mom said with frustration. “Wala namang province iyang si Deejay. Dito iyan sa Manila nakatira at ang buong pamilya naman niya ay nasa California.”
“So what’s the name of the new boyfriend?”
“That, I do not know!” anang mama niya sabay iyak na naman. Tila takot na takot itong hindi mawari.
“Ma, please calm down. Ilang oras na ba siyang hindi umuuwi? Baka mamaya lang ay tumawag na iyon sa iyo.”
“No, you don’t understand, hijo. I can’t explain everything through this call because your tito might here me. Let’s see each other this evening, okay?”
Matapos sabihin ng ina ang oras at lugar kung saan sila magkikita ay mabilis na nitong ibinaba ang tawag. Bigla naman ang pagsalakay ng kung anong kaba sa dibdib niya habang nasa isip ang kapatid na si Claire.
‘Claire...Claire....what did you do this time?’ bulong niya sa hangin habang pilit na kinakalma ang sarili.
SEVEN-THIRTY in the evening. Kasalukuyang hinihintay ni Amere sa isang beef pares restaurant, ilang kilometro ang layo sa bahay nila, ang inang si Claudia. On the way na raw ito, pero bahagyang mali-late dahil traffic, kaya nag-order na lang muna siya ng beer at isang platitong maning nilaga.
Habang kumakain ay kinuha niya ang cellphone at nag-scan ng ilang e-mail at messages doon. Nakatutok ang mga mata niya sa ginagawa nang may tumawag sa kaniyang pangalan buhat sa likuran. Nang lingunin ay nakita niya ang kaibigang si Red. Kapitbahay niya ito sa village at nakakasama sa gym paminsan-minsan.
“Pare, long time!” aniya rito sabay high five sa kaibigan. Inalok niya itong maupo at inilapit dito ang platito ng kinakaing mani. “Ipag-o-order kita saglit,” dagdag pa niya pero tumanggi ang lalaki.
“Katatapos ko lang, pare. Salamat. May tinagpo lang ako saglit dito pero nakapaghapunan na rin sa bahay,” sagot naman nito. Gayon man ay naupo ito sa tapat niya. “May hinihintay ka?”
“Oo, pare, si ermat, pero mali-late daw. Alam mo naman ang mga nanay. Ang aga pa naman akong pinapunta rito, mukhang makakatatlong platito pa ako ng mani bago iyon dumating,” imporma niya rito.
“At least, may communication naman pala kayo ni Tita. That’s good. Kumusta naman ang daddy mo?”
“Wala...tulad pa rin ng dati,” nakangiti niyang sabi kay Red. Kilala nito ang pamilya niya, at gayun din naman siya sa pamilya nito, dahil ilang taon na rin naman silang magkapitbahay sa Green Meadows.
Nang mapasok ito sa trabaho sa isang private agency at siya, bilang writer at camera man sa Cyber Eagles Network o CEN ay naging madalang na ang paglabas nila, but they make sure to update each other about their lives, once in a while.
“You mean, hindi pa rin madalas umuwi ng bahay? Gala pa rin ba si Tito?”
Tumawa siya sa sinabi ni Red at napailing. “I wonder kung gumagala iyon. Pati nga asawa niya, hindi na rin alam kung nasaan siya. Baka lider ng kulto,” biro niya rito na sanhi upang humagalpak ito ng tawa.
“Bakit naman kulto?”
“May mga alipores lagi eh,” aniya sabay tawa bago muling ibinalik ang tanong dito. “Ikaw, ano naman ang bago sa iyo? Ano’ng project mo ngayon?”
“Huwag na, baka matawa ka lang.”
“Hindi nga?”
“World domination.”
Tama ito sa sinabi dahil hindi nga niya napigilan ang mapatawa sa idea pa lang ng isinagot nito sa kaniya. “Joke ba iyon, pare?”
Tumayo na ito at tinapik siya sa braso. “’Told you! Kumusta na lang kay Tiya Claudia. Una na ‘ko,” anito pero hinablot niya ito sa braso.
“Biro lang, bro! Ang pikon mo talaga! Ano nga?”
“Aliens, pare! Aliens!” sagot ni Red habang nakataas pa ang dalawang kamay na tila ginagaya ang artistang si Brod Pete kapag nagbibitiw ito ng pamoso nitong linyang Alien.
“Interesting project, bro. Balitaan mo ko diyan,” pahabol niya rito pero tinawanan lang siya ng kaibigan. Hindi naman nagtagal ay nakita na niya ang ina na papasok sa restaurant. Ngumiti siya at kumaway rito.