Padarag akong nagising ng umagang iyon dahil sa kumusyon sa labas ng aming bahay. Tumayo ako mula sa pagkakahiga at sinilip ang labas. Madaming tao doon at lahat ay nagkakagulo. Mabilis akong lumabas ng kwarto.
Unang bumungad sa akin ay si mama na hindi mapakali at si papa na pinipilit siyang pakalmahin.
“Ano pong nangyayari mama?”
“Wala Ember. Maghanda ka na sa pagpasok mo at malalate ka na,” tugon ni mama na ngayon ay dinadaluhan ni Esther na nanonood ng Snow White and the Seven Dwarfs.
“Bakit maraming tao sa daan papa?” tanong ko habang nakasilip na sa bintana.
Nakasilip din doon si papa nang magsalita siya.
“Kaklase mo ba ‘yung anak ni Martin na si Danilo? Nakita siyang patay na sa daan kaninang madaling araw.”
Nanlamig na parang yelo ang aking katawan. Bumuhos ang ala-ala sa akin noong nangyari kagabi. Maya-maya pa ay narinig kong may kumatok sa aming pinto.
Napalingon kami doon at walang pag-aalinlangang binuksan iyon ni mama.
Sumungaw doon ang isa sa mga kapitbahay namin. Hindi pa man nakakapasok ay nakatingin na ito sa akin bago nagsalita.
“Estrella, gusto sanang kausapin ng mga tanod si Ember eh. Siya kasi ang nakitang kasama ni Danilo kagabi.”
My parents glanced at me. Natameme ako. Hindi ko alam kung sasabihin ko bang oo nakita ko siya pero nakatakbo ako papalayo sa kaniya at hindi ko na siya nakita o sasabihin kong hindi ko siya nakita para wala nang susunod pang mga tanong.
Umiling ako.
Doon ay nakita kong galit na pinalabas ni mama ang mga kapitbahay. Nang makalabas ay diretso siyang pumunta sa akin at niyugyog ako sa balikat.
“Sabihin mo sa akin ang nangyari kagabi Ember.”
Nakaramdam ako ng takot. Ito rin ang ekspresyon niya noong nalaman ang paggamot ko sa paru-paro ilang taon na ang nakalilipas.
“Kaya ka ba natagalang umuwi kagabi Ember?” segundang tanong ni papa
“Nakita ko po siya kagabi pero tumakbo po ako papalayo sa kaniya kasi mamanyakin na naman niya ako. Maniwala po kayo sakin mama, papa. Wala po akong ginawa sa kaniya.”
Hindi ko na napigilang hindi umiyak noong sandaling iyon. Ang kamay na kaninang yumuyugyog sa aking balikat ay biglang nawala. Parang nagflashback sa akin ang ngisi kagabi ni Danilo na ngayon ay isa nang malamig na bangkay.
Bumaling ako kay mama na nakakunot ang noo ngayon sa akin.
“Kung tumakbo ka at hinabol ka niya, papaanong hindi ka naabutan Ember?”
I hold back my tears. Pinigilan ko ang sarili kong sabihin ang pangyayari kagabi kasama ang isang di kilalang tao. Ayokong mangyari ang nangyari dati na umalis kami ng tirahan dahil lamang sa pag-suway ko sa mga utos nila.
“Tumakbo po ako ng mabilis at hindi niya naabutan,” pagsisinungaling ko.
“Ember..” sabi ni papa at dahan-dahang lumapit sa akin.
“Umamin ka anak. Ano ang nangyari kagabi? May tumulong ba sa iyo para hindi ka naabutan ni Danilo o nakita mo ba siyang pinatay? At bakit hindi ka tumawag samin para nasundo kita kagabi? sunod-sunod na tanong ni papa na hindi ko alam kung paano sasagutin.
Umiling ako at napaupo na sa sobrang pag-iyak. Nakita ko ang kapatid ko na nasa tabi ko na ngayon at nakatingin sa akin. Nang mapalingon ako sa kaniya ay dahan-dahan siyang yumakap sa akin. Mas lalo akong napaiyak. Hindi ko alam ang gagawin ko o sasabihin ko.
Huminga ako ng malalim at nagsimula ng pagkukuwento sa nangyari kagabi. Nasa kalagitnaan palang ako ay pinatigil ako ni papa sa pagsasalita.
“Anong nakita mong mukha niya Ember?” nag-aalalang tanong ni papa sa akin. Napalingon siya kay mama na ngayon ay tumatango at kinuhang bigla ang kapatid ko na nakayakap sa akin.
“Hindi ko na maalala masyado papa pero kulay asul ang mga mata niya.” sabi ko at tinutukoy ang lalaki kagabi.
“May kakaiba ba sa katawan niya? Hinawakan ka ba niya? May sinabi ba siya Ember?”
Agad akong umiling. Nagulat ako nang tumayo si papa at sinuntok ang dingding.
“That man is stalking my daughter again!”
Parang kulog sa lakas ng boses ni papa nang sinabi niya iyon. Hindi ko rin alam kung ako ba ang tinutukoy niyang ‘daughter’ pero hindi naman maaaring ang kapatid ko iyon. At sino ang sumusunod sa akin? Iyon bang lalaki kagabi? Pero hindi ko siya kilala at kagabi ko lang siya nakita.
Kagaya na lamang ng kinatatakutan ko ay nagpasya kaming aalis na kinabukasan. Handa na ang mga gamit namin na mabilis inempake nina mama at papa.
“Kumain muna tayo ng tanghalian. Hindi ka na papasok sa paaralan mo Ember.”
Sumunod ako sa utos ni mama at walang sabing kumain.
Hindi ako sanay sa matahimik na hapagkainan. Tanging ang masayang mga hagikhik lamang ni Esther ang naririnig doon.
Mabilis na lumipas ang maghapon. Pagkatapos naming kumain ng hapunan ay agad akong hinatid ni mama sa kwarto.
“Matulog ka nang maaga anak. Aalis na tayo bukas at hindi ka na masusundan ng lalaking iyon,” bulong na sabi sa’kin ni mama at inayos ang kumot na nakapulupot sa aking katawan.
“Mama, sino po ang tinutukoy mong lalaki? Siya ba yung nakita ko kagabi sa may eskinita?”
“Hindi mo na marapat malaman pa Ember.”
Tumango ako sa kaniya at unti-unti nang natulog.
Sa kalagitnaan ng pagtulog ko ay naalimpungatan ako para umihi sana sa banyo nang makakita ako ng isang pigurang hugis lalaki sa tapat ng aking bintana. Nakatitig ito sa akin gamit ang seryosong mga mata at nakatiim ang mga labi.
Pumikit ako ng ilang sandali at nagbakasakaling nananaginip lamang ako dahil sa mga pangyayari kanina.
Pagmulat ko ay wala na akong nakita. Tanging paggalaw lamang ng kurtina at malamig na simoy ng hangin ang nakita at naramdaman ko.
Tumayo ako at lumapit sa bintana para saraduhan ito nang may narinig akong munting bulong na nanggaling sa hangin.
“You’re not slipping away again.”
Napalingon ako sa aking kanan at hinanap ang pinaggalingan ng boses na iyon pero wala akong nakita. Nagkibit ako ng balikat at pumunta na ng banyo pagkatapos ay natulog na.
Maaga akong nagising kinabukasan para sana maghanda sa aming pag-alis. Paglabas ko ng kwarto ay hindi ko nakita si mama sa kusina na nagluluto o si papa na nag-aayos ng aming gamit sa sala.
Napakatahimik ng paligid. Hindi ko rin nakita si Esther na nanonood ng favorite niyang Disney Cartoon.
Kaya naman ay kumatok ako sa kanilang kwarto. Napansin kong medyo nakabukas iyon kaya naman ay sinilip ko ang loob para sana gisingin sina mama at papa. Wala pang ilang saglit ay nakita ko sila. Nakita ko silang naliligo sa sarili nilang mga dugo.
Napasigaw ako nang makita ko iyon.
“Esther! Esther!” sigaw ko at hinanap agad ang kapatid ko na nasa gilid pala ng kama. Nakatingin siya sa akin at hawak-hawak niya ang binigay kong Snow White stuffed toy.
Binuhat ko siya at nilagay sa loob ng crib.
Wala na akong tigil sa pag-iyak. Nang mapalingon ako kina mama at papa ay hindi ko makayang titigan iyon.
Patakbo akong lumabas ng kwarto at sumuka. Ilang sandali pa ay kumuha ako ng basang bimpo at bumalik ulit ng kwarto.
Humugot ako ng malalim na hinga habang basang-basa na ng luha ang mga mata ko at pinilit kong gisingin sina mama at papa.
“Mama… Papa…. Please gumising na kayo. Hindi ko na po kayo susuwayin. Pleaseee…” pinunasan ko ang katawan nilang basang-basa ng dugo. Halos madual ako nang maamoy ko iyon kaya naman dali-dali ko silang pinunasan hanggang likod.
“Sinong may gawa nito sa inyo? Bakit?”
Naninikip na ang dibdib ko sa pag-iyak. Hindi ko alam saan magsisimula at ano ang gagawin.
Hinawakan ko sila sa leeg para makumpirma kung buhay pa ba sila. Habang ginagawa iyon ay napatigil ako nang makita ang markang parehas na mayroon sila sa bandang leeg. Hindi ko mawari ito kung ano. Hahawakan ko sana iyon nang marinig ko ang malakas na pagtunog ng cellphone na nasa drawer.
Bigla akong napatayo. Hindi ko naisip na tumawag o humingi ng tulong dahil sa lito ako sa pangyayari at hindi ko rin naman alam kung saan at kanino tatawag dahil wala akong alam na kamag-anak o kakilala man lang.
Nilingon ko ang kapatid ko na kasalukuyang naglalaro sa loob ng crib.
Napasinghot ako.
Walang siyang kaalam-alam sa nangyayari.
Lumapit ako sa drawer at kinuha ang cellphone. Nakita kong may isang text doon galing sa hindi kilalang numero. Hindi ito nakaregister at nang mabuksan ko iyon ay wala ni isang naunang message doon.
Napatitig ako sa mensahe.
“Estrela, you might want to come here and stop being so ignorant! Hindi kayo pakakawalan ng lalaking iyon!”
Iyon ang nakalagay dito. Nagtaka ako kung sino ang lalaking tinutukoy niya nang maalala ko bigla ang parehong sinabi sa akin ni mama kagabi.
“Hindi ka na masusundan ng lalaking iyon.”
Napaisip ako kung bakit alam ng nagtext ang tungkol sa ‘lalaki’ at higit sa lahat ay sino ito? May alam ba siya tungkol doon at nagkakausap ba sila ng mga magulang ko? Sino sila at nasaan sila? Wala ni isang taong nabanggit ang mga magulang ko kung may kamag-anak ba kami. Pinagsawalang bahala ko iyon at nilingon ang estado nina mama at papa.
Akala ko ay wala nang mas nakakatakot pa noong nakita ko ang galit ni mama kagabi o ang takot na naramdaman ko noong nakita ko si Danilo na hinahabol ako. Ito pala iyon, ang higit na nakakatakot sa lahat.
Dahan-dahan akong lumapit sa katawan nilang dalawa na wala nang buhay. Pinahid ko ang luha ko at tinitigan ang marka na nasa kanilang leeg.
I love you po, mama and papa. Pinapangako ko pong hindi ko papabayaan ang kapatid ko. Balang araw malalaman ko rin kung anong nangyari sa inyo at sino ang may gawa nito. Balang araw... malalaman ko rin ang lalaking tinutukoy ninyo.