NAG-AAGAW na ang liwanag at dilim nang tumingin sa labas ng umaandar na sasakyan si Catherine. Nakatulog na naman pala siya. Mabuti na lamang at hindi na siya dinalaw muli ng masamang panaginip. Medyo sumasakit na ang ulo niya dahil kanina pa sila nagbabyahe.
Ipinaling niya pakaliwa at pakanan ang kanyang leeg dahil bahagya na siyang nakakaramdam ng pangangalay doon. "Malayo pa ba tayo?" tanong niya. Muli siyang tumingin sa dinaraanan nila at napansin niya na puro talahiban na ang nasa gilid nila. Rough road na rin ang dinaraanan ng van. "Tama pa ba itong dinadaanan natin? Wala na ito sa national highway, ah..."
"Naliligaw na ba tayo?" tanong niya pa nang walang sumagot sa kanya.
Ang daddy na naman niya ang sumagot. "Naliligaw na nga tayo-"
"Nagmamagaling kasi 'yang daddy niyo, eh!" putol ng mommy niya sa sasabihin nito. "Sinabi nang sa kanan dumaan, sa kaliwa lumiko! Sabagay, ano pa bang aasahan ko sa daddy niyo, eh, mahilig naman 'yang mangaliwa!"
"Pwede ba, Lea! Kung aawayin mo na naman ako, 'wag ngayon!" mataas ang boses na sagot ng daddy nila.
"Totoo naman, eh! Mahilig kang mangaliwa! Kaya nagkanda-leche-leche 'tong pamilya natin dahil sa'yo!"
"Tumigil na kayo!!!" Lahat sila ay napatingin kay Lester nang sumigaw ito.
Natahimik silang lahat sa ginawang iyon ng bunso nila dahil ngayon lang ito nag-react sa away ng magulang nila.
"L-lester..." bulalas ni Jhovie.
"Wala na ba kayong oras na pinipili at palagi na lang kayong nag-aaway? Nag-road trip tayo para magkasundo kayo," patuloy pa ni Lester. "Kung hindi rin naman kayo magkakasundo, it's better kung bumalik na lang tayo ng Manila!"
Mas lalo silang hindi nakaimik. Minsan lang magsalita si Lester pero kapag nagsalita pala ito ay tiklop silang lahat, kahit ang mommy at daddy nila.
Tumikhim ang daddy nila at muling nagsalita sa mahinahon nitong boses. "Okey. Sorry kung naligaw tayo pero 'wag kayong mag-alala, kapag nakakita tayo ng mapagtatanungan ay magtatanong tayo... Sinusubukan ko pa rin naman na may daan palabas dito para makabalik tayo sa national highway."
"Sa tingin mo ba makakakita tayo ng tao sa lugar na ito-"
"Mommy!" saway ni Catherine sa ina.
Pero sa totoo lang ay may point naman ang sinabi ng kanyang mommy. Wala siyang nakikitang kabahayan sa dinadaanan nila. Puro matataas na talahiban at mga puno lamang.
"Daddy, siguro mas makakabuti kung bumalik na lang tayo. Mukhang walang daan palabas sa daan na ito. Baka mas maligaw-"
Hindi na naituloy pa ni Catherine ang pagsasalita dahil napsigaw silang lahat nang makarinig sila ng malakas na parang pagsabog. Nagpagewang-gewang sa pag-andar ang van nila at nawalan iyon ng direksiyon. Tumigil lang sa pag-andar ang sasakyan nang bumangga iyon sa isa sa mga puno na nasa gilid ng daan.
Mabuti na lamang at naka-seat belt ang mga magulang niya sa unahan kaya hindi nasaktan ang mga ito.
Kitang-kita ni Catherine ang galit sa mukha ng mommy niya nang hampasin nito sa braso ang daddy nila. "Papatayin mo ba kami, Dennis, ha?!" sigaw pa nito.
"Sumabog yata 'yong gulong!" Naihampas pa ng daddy nila ang dalawa nitong kamay sa manibela.
"So, anong gagawin mo? Kumilos ka, Dennis! 'Wag kang maupo lang diyan!"
"Oo na! Oo na!" at pabalang na bumaba ng van ang kanilang ama.
Hindi malaman ni Catherine pero bigla siyang kinabahan sa sitwasyon nila. Madilim na kasi. Dagdag pa na nasa isang lugar sila na hindi sila pamilyar. Wala pa silang mahingan ng tulong dahil mukhang walang katao-tao sa lugar na iyon maliban sa kanilang lima.
Biglang bumalik sa imahinasyon niya ang napanaginipan niya kanina-iyong nasa isang malaking banga ang mga pugot na ulo ng kanyang pamilya.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at ipinilig ang kanyang ulo upang mawala ang isipin na iyon.
Hay! Bakit ba naisip ko na naman iyon?
"Ate Catherine, okey ka lang?" Bahagya siyang napapitlag nang hawakan siya ni Jhovie sa balikat.
"Ah, eh... Oo naman. Sige, sasamahan ko na lang sa labas si daddy," aniya at pilit na nginitian ang kapatid.
Paglabas niya ng van ay nakita niya na nasa likod ng sasakyan ang kanilang daddy. Nakayuko ito at nakaharap sa pumutok na gulong.
Nilapitan niya ito. "Maaayos mo ba iyan, daddy?" tanong niya.
Umiling ito. "Mukhang hindi, anak. Tingnan mo, wasak na wasak 'yong dalawang gulong dito sa hulihan. Parang may kung anong matulis na bagay na nadaanan iyong gulong kaya nagkaganyan," palatak nito.
"Palitan na lang po natin. I can help."
"Wala tayong dalang spare tires." Ang ibig palang sabihin ay wala silang pag-asa kundi ang humingi ng tulong. Pero saan at kanino sila hihingi? "Sorry, anak, ha. Alam kong ginawa niyo ito para magkabati kami ng mommy niyo. Pasensiya ka na kung nangyari ito."
"'Wag niyo pong sisihin nag sarili niyo. Walang may gusto ng nangyari."
"Salamat, anak!"
"Siguro po, bumalik na lang tayo sa loob, daddy," yaya niya dito.
Akmang babalik na silang dalawa sa loob ng van nang mula sa hindi kalayuan ay may nakita silang isang ilaw. Papalapit iyon sa kinaroroonan nila hanggang sa mapagtanto nila na isang motorsiklo ang pinanggagalingan ng naturang ilaw.
Hanggang sa tumigil ang motorsiklo sa tabi nila at tinanggal ng sakay niyon nag helmet na suot nito. Nanlaki ang mga mata ni Catherine nang makilala niya ang lalaking sakay ng motorsiklo.
"Ethan?" hindi makapaniwalang bulalas niya.
"Hi, Catherine!" nakangiting bati ng lalaki sa kanya nang makababa ito sa sasakyan nito.
"Kilala mo siya, Catherine?" singit naman ng daddy niya.
"Ah... O-opo. Si Ethan po, workmate-"
"Boyfriend niya po ako, sir," nakangiting pagtatama ni Ethan.
Agad na pinalakihan ni Catherine ng mga mata si Ethan na parang sinasabi niya na hindi dapat nito sinabi iyon. Noon pa kasi nila napag-usapan ng nobyo na ilihim muna nila ang kanilang relasyon dahil nangako siya sa kanyang pamilya na hindi muna makikipagrelasyon hangga't hindi siya sumasapit sa edad na twenty-six.
"Totoo ba iyon, Catherine?"
"Ah, daddy... A-ano kasi..." Halos magkandabulol na siya sa pag-aapuhap ng sasabihin sa ama.
"Wala namang problema sa akin kung boyfriend mo man ang lalaking iyan, anak..." At ngumiti pa ito sa kanya.
"P-pero nangako po ako sa inyo noon na hindi muna ako magbo-boyfriend..."
"Ikaw lang naman ang pumipigil sa sarili mo, Catherine. And I guess, hindi mo na napigilan pa ang sarili mo. Nasa tamang edad ka na, anak. So, boyfriend mo nga ba talaga ang lalaking 'yan?"
"O-opo..." Nakayuko at nahihiya niyang sagot.
"Nice to meet you, sir. Ako po si Ethan."
"Same here, Ethan. Ako si Dennis pero 'wag mo na akong tawagin na 'sir'. 'Tito Dennis' na lang."
Labis ang tuwa ni Catherine nang magkamay ang dalawang lalaki na espesiyal sa buhay niya. Mabuti naman at tila tanggap agad ng daddy niya ang kanyang kasintahan.
Sa pagkukwento ni Ethan ay nalaman nila na simula nang umalis sila ng Manila ay nakasunod na ito sa kanila. Naisipan daw kasi nitong sumama sa bonding ng family niya. Alam ni Ethan na magbabakasyon ang pamilya nila dahil nasabi na niya ang tungkol doon bago siya nag-leave sa trabaho.
Katrabaho niya si Ethan at parehas silang twenty-one years old. Halos anim na buwan din siya nitong niligawan bago niya ito sinagot. Mabait naman kasi ito bukod sa gwapo pa.
"Tamang-tama pala, mabuti na lang at sumunod ka sa amin, Ethan. Pwede bang tumawag ka ng tao para matulungan kami? Sumabog kasi iyong dalawang gulong ng van namin..." sabi ni Catherine sa nobyo.
"Kaya pala nakita ko na tumigil kayo. Sige, hintayin niyo lang ako dito at pagbalik ko ay siguradong may kasama na akong makakatulong sa inyo," ani Ethan.
Pagkaalis nito ay saka naman lumabas sina Lester at Jhovie mula sa van.
"Parang may kausap kayo?" ani Lester.
"Ah, boyfriend ng Ate Catherine niyo. Umalis na siya para humingi ng tulong,:" ang daddy na niya ang sumagot para sa kanya.
"What?" gulat na bulalas naman ni Jhovie. "May boyfriend ka na, ate? Kailan pa? Hindi yata namin alam 'yan!"
Ngingiti-ngiti na lang siya habang naghihintay ng sagot ang kapatid.
Kumibit-balikat lang si Lester. "Hindi na ako nagulat kung may boyfriend si ate. Palagi siyang may kausap sa phone at lumalabas kaya dati ko pa alam na may boyfriend siya."
"Daya mo, Lester! Bakit hindi mo sinabi ang mga napapansin mo?" ungot ni Jhovie sabay tingin sa daddy nila. "Oo nga pala, daddy, nag-try kaming kumontak sa mga friends namin sa Manila pero ang problema ay dead spot pala ang lugar na ito - walang signal! Kainis!"
"Hayaan niyo na at humihingi na naman ng tulong si Ethan."
"Wow! Ethan pala ang pangalan ng boyfriend mo, ate. Tunog-pogi, ah."
"Tumigil ka nga diyan, Jhovie!" saway niya sa kapatid. "Si mommy, iniwan niyong mag-isa doon sa van!"
"Tulog si mommy. Napagod yata sa kakatalak kay daddy," walang buhay na sabi ni Lester.
Maya maya ay inaya sila ng daddy nila na maupo sa lupa habang nakapaikot sila. Humingi ito ng tawad sa kanila dahil sa pagtataksil nito noon sa mommy nila. Aminado naman ito na mali ang ginawa nito at pinagsisisihan na nito ang lahat. Nakita naman ni Catherine sa mata ng ama ang sinseridad sa mga sinabi nito lalo na ng sinabi nito na nagbago na ito at ang mommy lang nila ang away maniwala.
"'Wag kang mag-alala, daddy. Naniniwala ako na dahil sa road trip natin na ito ay magkakaayos din kayo ni mommy. Iyon naman talaga ang purpose ng road trip na ito, hindi ba?" nakangiti niyang sabi.
"Salamat, Catherine. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko sa pamilya natin pero heto kayo at inuunawa ako."
"Oh, daddy, baka naman umiyak pa kayo niyan?" tudyo ni Jhovie. "Hindi bagay sa inyo!"
Nagkatawanan sila.
Nang medyo makaramdam na sila ng lamig ay saka nila napagkasunduan na bumalik na sa loob ng van upang doon na hintayin si Ethan. Ngunit ganoon na lang ang pagtataka nila nang makita nila na wala sa loob ng van ang kanilang mommy.
Sabay-sabay silang nagkatinginan na may bahid ng pagtataka at takot ang mukha.
"'Asan ang mommy niyo?" Nababahalang tanong ng daddy nila.
Nalilitong sumagot si Jhovie. "E-ewan ko po. Ininiwan namin siyang tulog dito, 'di ba, Lester?"
"Tama si Jhovie. Nakahiga pa nga siya diyan sa driver's seat nang iwan namin, eh!" Kahit si Lester ay tila natataranta na rin.
"Bakit niyo kasi iniwan si mommy mag-isa!" bulyaw naman ni Catherine sa magkapatid. Pati siya ay nate-tense na sa biglang pagkawala ng kanilang ina.
"Sorry talaga, ate-"
Natigilan sila nang isang kalunos-lunos na sigaw na nagmumula sa kakahuyan ang kanilang narinig. Hindi na sila nag-aksaya ng oras at agad silang tumakbo papunta sa kakahuyan! Hindi sila maaaring magkamali... sa mommy nila nanggaling ang sigaw na iyon!
-----***-----
DAHIL sa sobrang pagod sa biyahe ay humiga na lang si Lea sa may driver's seat. Iniunat niya ng bahagya ang kanyang mga paa upang maging komportable siya. Gusto muna niyang ipahinga ang kanyang utak sa mga nangyayari. Una ay ang nararamdaman niya sa asawang si Dennis. Hindi pa rin siya makapagdesisyon kung papatawarin na ba niya ito o patuloy na mapopoot dito. Pero mas angat ang pagnanais niya na patawarin ito. Ramdam naman niya ang pagiging totoo nito sa mga kilos nito at para na rin sa tatlo nilang anak.
Gusto rin naman niyang maging masaya ang pamilya niya. Walang ilaw ng tahanan na nagnais na laging magulo ang kanyang pamilya.
-----***-----
NAGISING si Lea nang maulinigan niya sa labas ang pag-uusap ng kanyang mag-aama. Nakatulog pala siya nang hindi niya namamalayan.
Bumangon na siya at bahagyang nag-inat ng katawan. Pagbaba niya ng van upang puntahan ang kanyang mag-aama ay nagulat siya nang isang lalaki ang biglang sumulpot sa kanyang harapan! Hindi niya alam kung saan ito nagmula dahil parang napakabilis ng kilos nito.
Saglit na pinagmasdan niya ang lalaki at doon niya nakita ang nakakatakot nitong mukha! Namumula at nanlilisik ang mga mata nito na parang papatayin siya kung makatingin.
Akmang sisigaw si Lea nang makaramdam siya ng panganib ngunit naglabas ng malapad na kahoy ang naturang lalaki at ubod lakas nitong hinampas ang kanyang ulo.
Sumalubong sa kanya ang kadilimang tila walang katapusan!