KADILIMAN. Bahagyang iminulat ni Lea ang kanyang mga mata ngunit kadiliman ang sumalubong sa kanya. Masakit ang kanyang ulo at labis ang pagkahilo na lumulukob sa kanya.
Ipinikit na lang niyang muli ang mga mata. Umaasa siya na sa pagmulat niyang muli ay liwanag at hindi na kadiliman ang kanyang makikita. Marahan niyang binuksan ang kanyang mga mata at bahagya na siyang nakaaninag. Puno, mga bituin at madilim na kalangitan ang kanyang nakikita. Wala nang iba.
Ang huli niyang natatandaan ay may isang hindi niya kilalang lalaki ang hinampas siya ng kahoy sa ulo kaya siya nawalan ng malay-tao.
Pinakiramdaman ni Lea ang kanyang sarili. Nakahiga siya.
Parang may nararamdaman siya sa kanyang bibig. Parang may tumutusok doon. Masakit... Mahapdi!
At nang tuluyan nang magising ang kanyang diwa ay ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang malaman niya kung bakit may nararamdaman siyang ganoon sa kanyang bibig. Isang lalaki ang tinatahi ang kanyang bibig upang magsara iyon gamit ang isang malaki at kalawanging karayom. Ang sinulid na gamit nito ay bahagyang makapal at magaspang!
Dahil sa sobrang takot ay napasigaw siya ng napakalakas. Ngunit isang maling galaw pala ang pagsigaw dahil nang ibuka niya ang kanyang bibig ay siya ring pagkapunit ng kanyang labi! Lumaylay ang laman na nasira at agad na umagos ang dugo mula roon.
"'Wag kang sumigaw... Masasaktan ka lang..." tila siraulong turan ng lalaki sa kanya.
Sunud-sunod na umiling si Lea at muli siyang sumigaw. Hindi na niya ininda ang sakit na kanyang nararamdaman dahil ang nasa isipan niya lang ay ang makatakas at makabalik sa kanyang pamilya.
"Sinabi'ng 'wag sisigaw, eh!" galit na turan ng lalaki.
Kinuha ng hindi niya kilalang lalaki ang kahoy na ipinanghampas nito kanina at malakas nitong binayo ang bibig niya. Mas lalong nawasak ang kanyang labi. Hindi niya mabilang ang ngipin na nalagas sa kanya sa ginawa ng lalaking iyon.
Nanghihina na dumapa si Lea at gumapang ngunit pakiramdam niya ay hindi naman siya umuusad dahil sa labis na panghihina na kanyang nararamdaman.
Ngunit nabuhayan siya ng loob nang makadinig siya ng mga yabag na papalapit sa kinaroroonan niya. At mula sa di-kalayuan ay apat na bulto ng mga tao ang kanyang nakita. Hindi siya maaaring magkamali... asawa at mga anak niya iyon!
Akmang tatayo sana si Lea ngunit bigla siyang hinila ng lalaki sa paa at kasama siya nitong nagtago sa likod ng isang malaking puno. May inilabas itong isang patalim sabay tutok sa kanyang leeg.
"Sige... subukan mong sumigaw at papatayin kita! At hindi lang ikaw ang papatayin ko pati ang mga kasama mo!" banta sa kanya ng lalaki.
Doon niya napagmasdan ng mabuti ang mukha nito sa malapitan. May malaking peklat ito sa kaliwang pisngi. Bungi ang ngipin, malaki ang ilong at ang buhok nito ay hanggang balikat. Kakaiba rin ang amoy nito - malansa at talagang mabaho!
Dahil sa takot na totohanin ng lalaki ang banta nito ay nanatiling tahimik si Lea. Tahimik din siyang lumuluha habang naririnig ang boses ng kanyang pamilya sa malapit.
-----***-----
NANG marinig nina Catherine ang pagsigaw ng kanilang mommy ay agad silang tumakbo papunta sa gubat kung saan narinig nila ang sigaw. Walang pagsidlan ang kaba na nararamdaman niya. Sa uri kasi ng sigaw na iyon ay parang nasasaktan ang kanilang ina.
Muli nilang narinig ang sigaw sa ikalawang pagkakataon.
"Doon!" turo ng Daddy Dennis nila sa kaliwa at sumunod silang magkakapatid dito.
Nang huminto ang kanilang daddy ay huminto rin sila. Yumukod ito at may tila tinitingnan ito sa lupa.
"Daddy, bakit po kayo tumigil?" hinihingal na tanong ni Catherine.
Lalapit sana siya dito ngunit sinigawan siya nito. "Diyan lang kayo, Catherine! 'Wag kayong lalapit!" Halata ang panginginig nito ng boses.
"Ano ba 'yan, dad-"
"Bumalik na kayo sa van. Mag-lock kayo sa loob at huwag lalabas. Hintayin niyo doon si Ethan!"
"Pero, daddy, a-ano ba 'yang nakita niyo sa lupa?" Hindi matahimik si Catherine dahil sa kanyang kuryusidad.
"Ang utos ko ang sundin mo, Catherine!" giit nito.
Hindi na pinakinggan ni Catherine ang ama at dire-diretsong naglakad siya sa kinaroroonan nito. Mula sa sinag ng bilog na buwan ay kitang-kita ni Catherine ang bagay na ayaw ipakita ng kanyang ama sa kanya. Dugo! Isang sariwa at napakaraming dugo!
"Ate, ano ba-" biglang natutop naman ni Jhovie ang bibig nito nang makita ang dugo. Napaatras ito at napayakap kay Lester.
Biglang bumalong ang luha sa mata ni Catherine nang yumuko ang kanilang daddy at tumaas-baba ang balikat nito.
"H-hindi... Hindi kay mommy ang..." Tumigil si Catherine sa pagsasalita at naihalamos ang palad sa mukha. "Daddy, ano bang nagyari kay mommy? Nasaan siya?!"
Doon na tumayo ang ama nila at hinarap sila. Marahil ay wala na itong pakialam kung makita man nila itong umiiyak. "'Di ba, ang sabi ko, bumalik na kayo sa van at hintayin niyo doon si Ethan. Hahanapin ko lang ang mommy niyo," mariing utos nito.
"Sasama ako sa inyo!" ani Lester na bagaman at hindi umiiyak ay kakakitaan din niya ng pagkabahala at takot sa mukha.
"No, Lester! Mas safe kayo sa van!"
"Safe? Bakit, daddy, m-may nangyari bang hindi maganda kay mommy?"
"Hindi ko alam, Lester! Ayokong mag-isip ng negative pero iyong sigaw niya. Tapos itong d-dugo..." Halos manlumo na ang kanilang ama sa pagsasalita nito.
Alam ni Catherine na nagpapakatatag lang ito ng sandaling iyon. At alam din niya na pinipilit ng bawat isa sa kanila na isipin na walang nangyaring masama sa kanilang ina. Ngunit tama ang tinuran ng kanilang ama kanina. Narinig nila ang pagsigaw nito tapos ngayon naman ay nakakita sila ng dugo. Hindi man sila sigurado na sa mommy nga nila ang dugong iyon ngunit pare-pareho na silang nilukob ng isipin na may hindi magandang nangyari sa kanilang ina.
"Daddy, hanapin po natin si mommy, please..." pakiusap ni Jhovie.
Nilapitan ni Catherine ang kanilang ama. "Mas okey siguro kung hindi tayo maghihiwa-hiwalay, daddy."
"Pero mas ligtas kayo sa van, Catherine! Please, makinig kayo sa akin. Bumalik na kayo doon at hahanapin ko lang ang mommy niyo. Sige na!" at walang sabi na tumalikod ito at naglakad palayo.
WALANG nagawa sina Catherine kundi sundin ang kanilang daddy. Nang mawala ito sa kanilang paningin ay agad silang bumalik sa van at tulad ng sinabi nito ay nag-lock sila doon. Magkakasama silang magkakapatid sa may hulihang upuan ng van.
"Ate, sa tingin mo ba... buhay pa si mommy?" Maya maya ay tanong ni Jhovie sa kanya. Matamlay ito at nakatulala lang sa kawalan.
"Ano ba namang klaseng tanong 'yan, Jhovie?!" pagtataas niya ng boses sa kapatid. "Siyempre, oo naman! Kaya nga hahanapin siya ni daddy, 'di ba?"
"Pero paano mo ipapaliwanag 'yong mga dugo?" ani Lester.
"Isa ka pa, Lester! Tigilan niyo nga ang pag-iisip ng kung anu-ano. Ligtas si mommy at ang gusto ko ay maniwala kayo na pagbalik dito ni daddy ay kasama na niya si mommy..." sagot naman niya.
-----***-----
TAKBO-LAKAD ang ginawa ni Dennis habang walang tigil ang paglingon niya sa kalawakan ng gubat o kasukalan na kinaroroonan niya. Hindi rin tumitigil ang mga kung anu-anong bagay na tumatakbo sa utak niya sa kung ano ba talaga ang tunay na nangyari sa kanyang asawa na si Lea.
"Lea! Lea! Lea!" tawag niya sa asawa ngunit ang katahimikan lang ng gabi ang sumasagot sa kanya.
Wala sa hinagap niya na mangyayari ang ganitong senaryo. Nang umalis sila sa kanilang bahay ay positibo ang kanyang pananaw ukol sa road trip na ito ng kanilang pamilya. Magkakaayos sila ng kanyang asawa, kakalimutan nito ang lahat ng kasalanan niya at muli silang mamumuhay ng masaya at tahimik. Ngunit paano na mangyayari iyon kung ngayon ay hindi na nila alam kung nasaan si Lea?
Sandali siyang huminto upang magpahinga. Habol ang hininga nang sumandal siya sa isang malaking puno. Natigilan si Dennis nang mula sa di-kalayuan ay isang kabahayan ang kanyang nakita.
-----***-----
NANG mawala na ang kanyang mga anak at asawa ay saka lang tinanggal ng lalaki ang pagkakatutok ng kutsilyo sa leeg niya. Bahagya pa siyang nagkaroon ng hiwa sa leeg dahil madiin ang pagkakatutok doon ng lalaki.
"Masunurin ka naman pala, eh!" Amoy na amoy niya ang mabahong hininga nito. Malansa at nakakasulasok!
"A-ano bang kailangan mo sa a-akin?" Halos hindi na niya maintindihan ang kanyang sinabi dahil sa wasak na bunganga.
"Malaki! At hindi lang ikaw ang kailangan namin... pati ang pamilya mo!" sabay ngisi.
'Namin? Ibig sabihin ay marami sila?'
Muling napaiyak si Lea. "H-hayop ka... 'Wag m-mong idadamay ang asawa at mga a-anak ko..."
Hindi na siya nito sinagot. May inilabas itong tali at inumpisahan nitong itali ang kanyang kamay at mga paa. Binuhat siya nito at isinampay sa balikat nito. Hindi na niya nagawa pang pumalag dahil ang totoo ay tinakasan na siya ng lakas.
Siguro nga ay ito na ang katapusan niya. Pero, ang hiling lang niya sa Diyos, sana ay huwag matulad sa kanya ang pamilya niya.
-----***-----
NAGULAT sina Catherine nang biglang bumukas ang pinto ng van at dali-daling pumasok doon ang kanilang Daddy Dennis. Pawis na pawis ito at hinihingal pa.
"Daddy, si mommy?" tanong niya agad dito.
"H-hindi ko siya nakita..." malungkot nitong sagot. "Pero may nakita akong kabahayan sa may gubat. Sa tingin ko ay mas ligtas tayo doon kesa dito. Isa pa, maaari tayong makihingi doon ng tulong tungkol sa paghahanap natin sa mommy niyo."
"Pero paano kung dumating dito si Ethan?"
"Mag-iwan ka na lang ng note sa kanya, Catherine. Sige na mga anak, dalhin niyo na ang mga gamit niyo at sumunod kayo sa akin!"
Ganoon na nga ang ginawa ni Catherine. Kumuha siya ng papel at ballpen at nagsulat doon ng note para kay Ethan. Sinabi niya kung ano ang nangyari at kung saan siya nito maaaring mahanap.
Nang makuha na nila lahat ng gamit nila ay tinahak na nilang apat ang kasukalan. Napakadilim ng paligid. Mabuti na lamang at may dala silang flashlights kaya kahit papaano ay nakikita pa rin nila ang kanilang dinadaanan.
Kakabakaba pa rin siya at alam niyang lahat sila ay ganoon.
Maya maya nga'y may itinuro ang kanilang daddy sa kanila. "'Yon ang sinasabi ko sa inyong kabahayan. Tara na!" anito at nanatili silang nakasunod dito.
Isang arko ang sumalubong sa kanila na may nakasulat na: Tuloy kayo sa Sitio Monstrum!
Hindi alam ni Catherine pero mas lalo siyang kinabahan nang mabasa ang pangalan ng lugar na papasukin nila. Hindi lang kaba ngunit kilabot din!
Bigla niyang hinawakan sa braso ang ama upang pigilan ang paglalakad nito. "Sigurado ka bang safe tayo sa lugar na ito, daddy?" tanong niya.
"O-oo naman..." walang kasiguraduhan na sagot nito. "Ganito na lang ang isipin natin... hanggang ngayon ay wala tayong kasiguruduhan kung ano ba'ng nangyari kay Lea-sa mommy niyo. Paano kung may masamang tao na kumuha sa kanya? Wala tayong kalaban-laban kung naroon tayo sa van. Wala tayong mahihingan ng tulong. Mabuti dito, may iba tayong makakasama at makakahingi pa tayo ng tulong."
Tumango-tango si Catherine bilang pagsang-ayon sa tinuran ng kanilang ama. Magtitiwala na nga lang sila dito.
Naglakad-lakad sila at minasdan ang kapaligiran. Puro kubo ang mga kabahayan. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang bahay doon na napakalaki at konkreto. Hindi sementado ang daan. Lupa pa rin at tila naiwanan na ng kabihasnan ang naturang lugar.
Isang kubo ang kanilang kinatok.
"Tao po... Tao po!" tawag ng kanilang daddy. "Kailangan po namin ng tulong-"
"Kay Kapitan Zandro kayo humingi ng tulong! Sa malaking bahay!" isang malalim na boses ng isang babae ang sumagot mula sa loob.
"Salamat po..."
Nagkatinginan silang lahat at nagkaisa sila na ang malaking bahay naman ang kanilang katukin.
Nakakatatlong katok pa lang ang kanilang daddy nang bumukas agad ang pinto at isang matangkad na lalaki ang sumalubong sa kanila.
"Kayo po ba si Kapitan Zandro?" nag-aalangan na tanong dito ng kanilang daddy.
"Ako nga. May maitutulong ba ako sa inyo?" tanong nito sa malagom nitong boses.
"Kailangan po namin ng tulong!"
"Ganoon ba? Sige, tuloy kayo sa aking bahay. Pag-usapan natin iyan sa loob..." sagot ni Kapitan Zandro sa kanila.