"MOMMY!" Napabalikwas ng bangon si Jhovie ng gabing iyon. Tagaktak ang pawis sa kanyang noo at bahagyang nanginginig ang kanyang katawan. Ang kanyang paghinga ay malalim at mahahaba. Luminga-linga siya sa paligid ngunit ang madilim na lumang simbahan lang ang kanyang nakita. "M-mommy..." usal niya na parang hinahanap ang ina. Napaniginipan niya kasi ito. Naglalakad daw siya sa isang hardin na puno ng bulaklak at nakita niya ang kanyang mommy na nakaupo sa damuhan. Nang lalapitan niya ito ay bigla itong tumayo at naglakad palayo. Sinubukan niyang habulin ito ngunit hindi niya ito magawang lapitan. Naglalakad lang ito, tumatakbo siya. Bakit hindi niya pa rin ito maabutan? At tuluyan na nga itong nawala sa kanyang paningin. Wala na siyang nagawa kundi ang tawagin na lang ang pangalan nito.

