PADASKOL NA INILAPAG ni Amang ang isang envelope sa harapan ko. May naka-print doon na pangalan ng university na pinapasukan ko. Ramdam ko ang biglang pamumutla ng mukha ko. Ngayon ko lang ulit nakita na nagsalubong ang dalawang makakapal na kilay ni Amang. Bihira kasi siyang magalit sa akin. Tama si Breeze—masasabi nga talaga na paborito ako ni Amang. Sakitin kasi ako mula pagkabata, kaya mas naging protective siya sa akin kaysa sa ibang mga kapatid ko. Alam kong ang sulat na galing sa university ay tungkol sa sunod-sunod kong pag-absent at sa pagbaba ng mga grado ko. Nitong mga nakalipas na linggo, halos hindi na ako pumapasok dahil naging abala ako sa pagbebenta ng mga epektos. Binuksan ni Amang ang envelope. Pagkabasa niya ng laman nito, agad niya akong tinanong, ang boses niya’y pu

