1
“HINDI dapat maantala ang mga deliveries, Manuel.” Bagaman nasa tinig ni Rafy ang urgency ay hindi iyon kababakasan ng pag-aalala. Sa halip ay kontrol ang mahihimigan doon na nagpapatunay na sanay na siya sa ganoong sitwasyon.
Sa limang taon na pagiging executive assistant ay kilala na siya bilang isa sa pinakamapangyarihang tao sa Montañez Group of Companies. Pumapangalawa siya kay Don Eduardo Montañez. Siya ang “little boss” kapag ganoong wala ang kanyang lolo.
Kahit babae ay iginagalang siya ng mga tauhang nasasakupan at bilib sa kakayahan at katalinuhan niyang taglay. Hindi iilan ang nagsabing ang mga katangiang iyon ay walang dudang namana niya kay Don Ed.
Napatingin siya sa pinto nang bumukas iyon at lumitaw mula roon si Don Ed. Iyon ang karaniwang tawag ng halos lahat sa lolo niya. Nabibilang ito sa sirkulo ng mga pinakamayaman at pinaka-makapangyarihang negosyante sa Pilipinas, ngunit bihira ang publisidad tungkol sa kanilang pamilya.
The Montañez lived their lives in privacy. Kung magkaroon man ng feature article sa kanilang pamilya ay dalawa lamang ang maaaring dahilan. Una ay dahil hindi lamang matanggihan ng kanyang lolo ang publisher o dili naman kaya ay pahapyaw ang pagkakasulat at halatang ingat na ingat sa pagbibigay ng impormasyon sa pangambang magkamali ng mga detalye.
Awtomatikong gumuhit sa mga labi ni Lolo Ed ang isang ngiti nang magtama ang kanilang mga mata. Sa kabila ng edad nito ay mababakas pa rin ang taglay nitong kaguwapuhan noong kabataan nito. Hindi na kasintikas noong araw ang tindig nito but he still project the power he had always possessed.
“Okay, Manuel, just call me from time to time for the update,” bilin niya sa kausap sa kabilang linya at nagpaalam na rito.
“Hija, you seem very busy. May problema ba?” puna kaagad ng lolo niya nang makapasok sa kanyang opisina.
Tumaas ang sulok ng bibig niya. “I can still handle it. Kilala mo naman ako. You don’t have to worry, ‘Lo.” Tumayo siya at sinalubong ito ng yakap. Hinalikan niya ito sa pisngi.
“I know you can. Kaya nga tiwala akong umalis dahil alam kong kayang-kaya mong pamahalaan na mag-isa itong kompanya.”
“So you’re back, Don Ed. How’s your vacation? Napaaga yata ang balik mo? But of course, I don’t complain. Na-miss kita,” masiglang sabi niya rito.
“My vacation was fine. It was refreshing pero nami-miss ko na ang trabaho. I’m ready for some action again,” puno ng sigla ang tinig na wika nito.
Isinukbit niya ang kamay sa braso nito at iginiya ito patungo sa sofa na nasa isang panig ng kanyang opisina.
“Lolo, why don’t you relax. Kung hindi ka pa nagkasakit at hindi pa sinabi sa iyo ng doktor that you have to take a rest ay hindi mo gagawin,” aniya nang makaupo na sila.
“Yes. I guess you’re right, apo. Pero mas lalakas siguro ako kung babalik na ako.”
“Ikaw talaga, Don Ed, kahit kailan mapilit pa rin,” biro niya.
Natawa ito nang malakas.
“Kumusta na nga pala si Abby?” naalala niyang itanong dito. Pinsan niya si Abby at dalawa silang palaki ng lolo.
Tumayo siya upang lumapit sa mesitang kinapapatungan ng coffeemaker. Nagsalin siya ng kape sa tasa at ibinigay rito.
“She’s fine,” sagot nito. Tinanggap nito ang kape at sinulyapan siya nang may pasasalamat. “At kinukumusta ka rin niya. Nami-miss ka na daw niya.”
“I missed her, too.” Muli siyang naupo sa tabi nito.
May ilang buwan na ring hindi sila nagkikita ni Abby mula nang ikasal ito. Matanda siya nang limang taon dito pero naunahan pa siya nitong mag-asawa. Palibhasa ay kung ano ang magustuhan ay nasusunod kahit na pinaalalahanan naman nila ito na baka nabibigla lang sa kagustuhang mag-asawa.
Pareho silang spoiled sa kanilang lolo pero pagdating kay Abby ay masyado itong concerned dahil ipinanganak na may congenital heart disease ang pinsan niya. Madali din itong dapuan ng ibang sakit kaya ganoon na lamang ang pag-iingat nila ng kanyang lolo dito. Hangga’t maaari ay hindi nila ito mabigyan ng sama ng loob.
“You should see her now. Nahiyang siya sa pag-aasawa,” may kasiyahang pagbabalita nito sa kanya.
“Well, I’m happy for her,” sinserong wika niya.
“Why don’t you visit her and have a vacation yourself? Nagiging workaholic ka na,” puna nito.
“Lolo, ikaw ang dapat magbakasyon nang magbakasyon,” natatawang sagot niya. Isinandig pa niya ang kanyang ulo sa balikat nito. Ganoon siya kapag naglalambing dito. Ito na ang itinuturing niyang magulang mula pa pagkabata.
“No, hija.” Tinapik nito ang balikat niya. “Abby wants to see you. Ikaw naman daw ang magbakasyon sa kanila.”
“Saka na lang siguro, `Lo.”
“‘Wag mong masyadong dibdibin ang trabaho,” paalala nito.
Itinaas niya ang ulo at tumingin dito. “Nagtataka ka pa ba? Mana lang ako sa `yo, Don Eduardo Montañez.”
“Iyan nga ang ikinatatakot ko,” natatawang sabi nito. Inilapag nito ang tasa ng kape sa mesita.
“Lolo, sabi ko nga don’t worry, okay? Masaya ako sa ginagawa ko at sa buhay ko ngayon.”
Bumuntong-hininga ito. “I’ll be happy if one day ay ikaw naman ang ihahatid ko sa altar.”
“Gusto mo lang yata akong ipamigay,” biro niya.
“Alam mo kung gaano ko kayo kamahal ni Abby. Makita ko lang na nasa maayos kayo at masaya ay puwede na akong mamatay anytime,” seryosong sagot nito. “Nasa edad ka naman na para mag-asawa kaya handa na rin ang loob ko sa ganoon.”
Na-touch siya sa sinabi nito.
“Darating din siguro ang time na makikita ko rin ang lalaking para sa akin.”
“Ipagdarasal kong mangyari na nga iyan dahil gusto kong ako ang maghatid sa iyo sa altar. Sa edad kong ito, suwerte nang sa bawat umaga ay nagigising pa ako.”
“Lolo, malakas ka pa sa kalabaw. You’ll live long.” Bahagyang tumaas ang tinig niya. Kahit na pabiro ay hindi niya gustong pag-usapan ang tungkol sa kamatayan. It was a morbid topic for her.
“Anyway, why don’t we go out tonight? How about dinner in a fine dining restaurant? Matagal na akong iniimbitahan ng isa kong amigo na bisitahin naman ang hotel niya,” suhestiyon nito.
“Okay,” pabuntong-hiningang sabi niya. “But I think I prefer dimsum tonight.”
Natatawa itong tumango.