LUMAKI at nagkaisip si Rafy na alam niyang malaki ang utang-na-loob na dapat niyang tanawin kay Lolo Ed. Apo lamang siya nito sa pamangkin nitong lalaki. Si Abby ang tunay nitong apo sa nag-iisang anak na babae.
Nasa elementarya pa lamang siya nang mamatay ang mga magulang niya sa isang aksidente. Ito ang pinakamalapit niyang kamag-anak na nagmalasakit sa kanya bagaman meron sana siyang tiya na kapatid naman ng kanyang ina.
“Naku, hindi naman sa tinatanggihan ko iyan at pamangkin ko din nanam si Raphaela. Ang kaso lang ay alam ninyo namang karampot lang sahod ko bilang public school teacher. Kulang pa sa apat na anak ko kung tutuusin. Hindi na ako nakaahon sa loans para lang makaraos kami. Hindi naman stable ang trabaho ng asawa ko,” katwiran nito kay Don Eduardo.
“Sigurado ka bang hindi mo kukupkupin si Raphaela?” tanong ng don dito.
“Higit hong may kakayahan kayo para mabigyan siya ng magandang kinabukasan. Tatanawin ko hong malaking utang na loob kung kukupkupin ninyo siya.” Bumaling ito sa kanya. “Raphaela, balang-araw maiintindihan mo rin kung bakit hindi kita kinuha. Huwag ka sanang magtatampo, anak, ha?”
Bata pa ang isip niya noon. Hindi niya ininda na tinanggihan siya ng kamag-anak. Hanggang ngayon naman ay nagkukumustahan sila ng tiya. Retirado na itong guro at nabubuhay nang simple.
“May isip ka na ngayon, Raphaela. Magtampo ka man sa akin o hindi, nasa iyo na iyon. Pero tingnan mo lang itong kalagayan ko at kalagayan mo ngayon. Tama na naman akong hinayaan kitang mapunta kay Don Eduardo, hindi ba? Mas napabuti ka kesa sa makasama ka lang namin dito na pinagkakasya ang kung ano ang meron.”
Mula’t sapul ay nakatuon ang isip niya sa dalawang kamay na pagtanggap sa kanya si Don Eduardo. Noon ay nasa pangangalaga na rin nito ang nag-iisang apo na si Abby.
Anak sa pagkadalaga ng anak ni Lolo Ed si Abby. Mula nang ipanganak ito ay naatim itong iwan ng sariling ina sa kabila ng sakit na taglay nito. Naiwan na ito sa pangangalaga ng lolo nito dahil nangibang-bansa ang mama nito at doon na nanirahan kasama ang napangasawa at mga anak doon.
Lahat ng karangyaang naranasan ni Abby ay naranasan din niya. Batid niyang pinipilit ni Lolo Ed na maging pantay ang pagtrato sa kanila ni Abby, subalit malakas ang pakiramdam niyang higit pa rin ang pagtinging iniuukol nito sa pinsan niya. Busog sila sa pagmamahal nito. Palagi itong may oras para sa kanila ni Abby.
Naiintindihan naman niya iyon at wala siyang sama ng loob. Bukod sa ito ang tunay na apo ay parang ito na rin ang pumalit sa ina nito.
Parang sa isang tunay na magkapatid ang turingan nilang magpinsan. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng inggitan sa pagitan nila. Kasabay niya itong nagdalaga. Magkasundo sila bagaman mas matanda siya rito.
At nauna pa itong nag-asawa kaysa sa kanya. Anim na buwan pa lamang itong nakakasal. Galing din sa mayamang pamilya ang napangasawa nito, si Timothy, isang haciendero. Siya ang unang nakilala ng lalaki nang isang beses na mag-attend siya ng isang business conference sa Iloilo.
Nang minsang magpunta sa Maynila si Timothy ay dinalaw siya nito sa opisina at inimbitahang kumain. Nakailang labas din sila habang nasa Maynila ito. Bago bumalik sa Iloilo ay inimbita niya itong mag-dinner sa mansiyon upang ipakilala kina Lolo Ed at Abby.
Alam niyang noong una ay na-attract ito sa kanya at hindi naman niya itinatanggi sa sariling attracted din siya kahit paano rito.
Maganda itong magdala ng damit, matangos ang ilong, malamlam ang mga mata na binagayan ng makakapal na kilay. Matangkad at matikas ang tindig. Sa madaling-salita ay guwapo ito.
Pero nang makilala nito si Abby ay nabaling ang pansin nito sa kanyang pinsan. Hindi nito itinago ang pagkagusto sa pinsan niya at gayon din naman si Abby.
Hindi naman siya naapektuhan kahit hindi natuloy ang dapat sana ay higit pang pagkakalapit nila ni Timothy. Unang-una ay hindi naman talaga ito nanligaw sa kanya. Nagparamdam marahil noong una pero may magagawa ba siya kung mas kay Abby nabaling ang atensyon nito?
Sa edad niyang beinte-sais ay minsan lang siyang nagka-boyfriend. Nag-aaral pa siya sa kolehiyo noon. Hindi rin iyon nagtagal dahil mas naka-focus siyang makapagtapos sa pag-aaral.
Aminado siya sa sariling hindi siya kagandahan at hindi rin ligawin. Sa tuwina ay seryoso ang bukas ng mukha niya. Kadalasan ay napagkakamalan pa siyang suplada. Sa kanilang dalawa ni Abby ay siya ang tahimik at masipag mag-aral. Bukod sa maganda ay likas na masayahin naman ang pinsan niya. Friendly din kaya madalas itong kuhaning muse sa mga sports fests noon.
Magkagayunpaman, hindi siya nainggit dito. Nakatuon kasi ang kanyang isip at atensiyon sa pag-aaral dahil alam niyang iyon ang makakasiya kay Lolo Ed. c*m laude siya nang mag-graduate ng college. Hindi pa siya nakuntento at paunti-unti kumuha siya ng units para sa masteral studies. Proud na proud ito sa kanya nang makatapos siya ng masteral degree. Lalo pa at dala niya ang apelyidong Montañez.
Sumubok siyang mag-apply ng trabaho sa iba pero kinausap siya nito para bigyan ng posisyon sa opisina nito. Noong una ay nahihiya siya dahil walang kahirap-hirap siyang napunta sa posisyong iyon dahil sa apo siya ng may-ari. Pero sabi nito, deserving naman niya iyon.
Pero pilit pa rin niyang pinatutunayan, hindi lamang sa kanyang lolo, kundi maging sa ibang tao na deserving nga siya sa naturang posisyon. Ingat na ingat siyang huwag magkamali. Bagaman tunay namang nakaka-pressure ang pamamahala ng negosyo lalo na sa mga pagkakataong wala si Lolo Ed.
Masaya siya kahit sabihin pang loveless. Sapat na sa kanya ang makatangap ng papuri mula sa kanyang lolo. Wala siyang nadaramang regrets kahit na sa edad niyang iyon ay wala siyang nobyo. Katwiran niya sa sarili ay successful naman siya sa career at malaking bagay na iyon para sa kanya. Kung hindi siya tinanggap nito noong naulila siya, hindi niya kayang isipin kung saan na kaya siya pupulutin ngayon.
May mangilan-ngilan ding nanliligaw sa kanya pero hindi niya gaanong sineseryoso ang mga ito. Nakikipag-date siya paminsan-minsan pero hanggang doon lang. Hindi niya pinagbubuhusan ng panahon ang pag-iisip kung bakit wala siyang interes na muling umibig. Kapag dumating ang panahong iyon, saka na lamang niya iisipin ang tungkol sa bagay na iyon.