IPINARADA ni Rafy sa harap ng mansiyon ng mga Montañez ang minamanehong itim na Jaguar. Regalo iyon sa kanya ni Lolo Ed noong nakaraang Pasko. Nakakalula ang regalong iyon pero si Abby mismo ang nagtulak sa kanya na tanggapin iyon. Kinikilala ng mga ito ang ambag niya sa kumpanya. Malaki ang itinaas ng kita nito buhat nang tumulong siya sa pagma-manage niyon.
Inayos niya ang nagusot na palda bago bumaba ng kotse.
Hindi na niya nagawang magpalit ng damit sa kanyang condo unit. Dumiretso kaagad siya sa bahay ng kanyang lolo pagkatapos ng meeting niya sa isa nilang kliyente.
May palagay siyang mahalaga ang pag-uusapan nilang maglolo dahil kahit na nasa kalagitnaan siya ng meeting ay ginambala siya nito. Bagay na hindi naman nito dating ginagawa. Ayon dito ay kailangan nilang mag-usap at tumuloy siya kaagad sa mansiyon.
“May problema ba sa negosyo?” tanong niya kaagad dito nang magkaharap na sila sa study room nito. Kabisado na niya ito kapag may iniintindi ito.
“Wala naman. Everything is fine,” sagot nito, ngunit halatang may iba itong iniisip.
“So, what’s bothering you?” tanong niyang muli rito.
Huminga ito nang malalim bago nagsalita. “Tungkol kay Abby.”
“What happened to her?” may pag-aalalang sabi niya.
“She’s three months pregnant,” pagbabalita nito. At sa kabila ng pag-aalalang nakabadha sa mukha nito ay saglit na lumarawan doon ang kaligayahan at pagmamalaki. “Hindi nila nalaman kaagad dahil irregular ang period niya at wala rin siyang kakaibang nararamdaman sa katawan.”
“Talaga!” aniya sa excited na tinig. Ngunit kaagad din iyong naglaho nang mapatingin siyang muli sa kanyang lolo. Tila lalo pang naging seryoso ang ekspresyon ng mukha nito. “So, what’s the problem? Makakasama ba sa kanya ang pagbubuntis niya?” Napalitan ng pag-aalala ang excitement sa tinig niya nang maalalang may sakit nga pala sa puso ang kanyang pinsan.
“Tumawag kanina si Tim sa opisina at ibinalita niya ang kalagayan ni Abby. And according to him, wala naman daw problema sa kalusugan ng pinsan mo.”
“Ganoon naman pala.” Ngumiti siya. “We should celebrate.”
“Timothy is coming over this weekend,” patuloy ng kanyang lolo. Sumulyap pa ito sa gawi niya. “He needs to talk to us.”
“Kasama ba niya si Abby?” Muli, naroroon na naman ang excitement sa tinig niya. Matagal-tagal na rin silang hindi nagkikitang magpinsan. Ibinuhos na nito ang buong panahon sa pagiging maybahay. Siya naman ay naging abala sa pagtulong kay Lolo Ed sa pamamalakad sa negosyo ng pamilya.
Bumuka ang bibig nito para magsalita pero hindi natuloy ang anumang sasabihin nito dahil pumasok ang katulong, dala ang isang tray.
“Mag-isa lang siya,” patuloy ni Lolo Ed nang makalabas ang katulong. “He’s leaving for the States,” pagbabalita nito.
Napakunot-noo siya. “Leaving for the States? Paano si Abby?”
“Iyan nga ang pag-uusapan natin. He’s worried about Abby dahil hindi niya ito puwedeng isama.”
“Why? Gano’n ba kadelikado ang pagbubuntis ni Abby at hindi ito puwedeng bumiyahe?” tanong niya habang inaabot ang tasa ng kape.
“Na kay Tim ang problema. Hindi niya iyon masabi kay Abby.” Tumayo ito at nagtungo sa bintana.
“Bakit ba siya aalis? At bakit hindi na lang niya isama si Abby?” usisa niya. Kilala niya si Abby na ayaw na nalalayo sa asawa nito. Kahit saang business trip ni Timothy ay palagi itong kasama. Ganoon ito ka-clingy sa asawa nito.
Hindi sumagot si Lolo Ed. Sa halip ay kumuha ito ng tabako sa kahon at sinindihan iyon.
Muli siyang napakunot-noo. “Lolo, masama sa inyo ang manigarilyo,” saway niya rito pero tiningnan lang siya nito at ikinumpas ang kamay. Patuloy ito sa paghitit sa tabako. “What’s bothering you?” may pag-aalalang tanong niya rito. “Come on, Don Ed. Kilala kita. You only smoke kapag may malalim na iniisip o may problema.”
Kabisado niya ang kilos nito. Kapag may problema ito, hindi nito maiwasan ang hindi manabako. Kahit alam nitong ipinagbabawal iyon ng manggagamot.
“Apo nga kita. You know me very well,” anitong bahagyang pang ngumiti.
Tumayo siya at lumapit dito. “According to your doctor, this is not—” kinuha niya ang tabako sa kamay nito at idinuldol sa ashtray, “good for your health. Now tell me, what’s really bothering you?”
Umiling ito at muling naupo sa silya.
Bumuntong-hininga siya. Kapag ganoong pabitin-bitin ang pag-uusap ay nababagot siya kahit na nga ba ang lolo pa niya ang kausap niya. “So, ano ba talaga ang problema? Ang pag-alis lang ba ni Tim?”
nananantiyang tinitigan siya nito, bago marahang tumango.
“Maiintindihan naman siguro ni Abby ang sitwasyon, lalo at kailangan talagang umalis ni Timothy.”
“Kilala mo naman ang pinsan mong `yon. Tiyak na hindi iyon papayag. Isa pa’y hindi sigurado ni Timothy ang balik niya.”
“Ano ba naman kasi ang lalakarin niya sa Amerika? Ganoon ba kaimportante at hindi niya puwedeng isama ang asawa niya?”
“Importanteng-importante ang biyahe niyang ito, hija.” Gumuhit na naman ang lungkot sa mukha nito. “At hindi ko alam kung papayag si Abby na umalis siya.”
Huminga siya nang malalim. Hindi maalis sa kanya na mag-aalala kay Abby dahil sa kalagayan nito.
Natitiyak niyang sasama ang loob nito kapag umalis ang asawa nito nang hindi ito kasama. Ingat na ingat pa naman sila ni Lolo Ed pagdating sa mga bagay na makakasakit dito. Batid niyang iyon ang sobrang ikinababahala ng kanyang lolo.
“So what are we going to do?” tanong niya. “Help Tim convince Abby?”
Huminga ito nang malalim. “Well, that’s the only thing we can do, pero nag-aalala pa rin ako na baka tumutol ang pinsan mo. You know Abby never listens.”
Tama ito. Kapag ganoon ay lumalabas ang pagka-spoiled brat ng kanyang pinsan. Kung ano ang gusto ay iyon ang pinipilit at kadalasan ay sinusunod na lamang nila. Tulad na lang ng maaga nitong pag-aasawa. Kahit hindi pa ito tapos sa kolehiyo ay sumige at walang nagawa ang kanilang lolo para hindi iyon matuloy palibhasa ay hindi rin mapaghiwalay ito at si Timothy.