4

1787 Words
NASA isang importanteng meeting si Rafy nang araw na kausapin ni Timothy si Lolo Ed kaya hindi na niya ito nakausap. Ikinuwento na lamang sa kanya ng kanyang lolo ang napag-usapan ng mga ito. “We have to fly to Iloilo as soon as possible. Cancel all your appointments. Lilipad tayo bukas na bukas.” Ayon dito, kailangan daw nilang magtungo sa Villa Evangelista sa Iloilo. Kailangan daw nilang tulungang magpaliwanag si Timothy tungkol sa pag-alis nito. Hindi raw kasi talaga nito maisasama si Abby. Gusto sana niyang itanong kung ano ang dahilan at hindi nito maisama ang asawa nito pero hindi naman nagbigay ng konkretong kasagutan si Lolo Ed. “Sobrang nag-aalala si Timothy na makasama kay Abby ang mahabang byahe. Alam naman nating lahat ang kondisyon ng pinsan mo mula’t sapul.” At kinabukasan nga, madilim pa lang ay nasa airport na sila at lumipad patungo sa hacienda. Tuwang-tuwa si Abby nang bigla na lamang silang dumating ni Lolo Ed sa villa nang walang pasabi. Nakita pa niya ang pagtataka sa mga mata nito dahil sa biglaan nilang pagdalaw. “Grabe, sobrang suprise visit ito, Lolo.” Nag-uumapaw ang saya ni Abby. “Kaya lang ay nag-aalala din ako. Hindi ka ganito, Lolo. Hindi mo naman gagawin ito dahil lang miss na miss ninyo ako. Look, dalawa pa kayo ni Rafy na dumalaw sa akin. At biglaan. Grabe, kinakabahan ako.” “Nami-miss ka nga namin. Bakit ba hindi ka naniniwala?” sabi naman niya. “I’m really glad to see you both. But please, sabihin ninyo na sa akin ang biglaang pagdating ninyo dito.” “Well, Abby, siguro ay mabutig mag-almusal muna tayo, di ba?” sabad naman ni Tim. “Ang aga nilang nag-flight. I’m sure, gutom na sila.” “Parang hindi naman ako makakakain niyan,” nakasimangot na sabi nito. “Hija, samahan mo man lang kami sa mesa,” sabi naman ni Don Ed. Hindi pa man nila natatapos ang almusal ay nangulit na muli si Abby. Hindi mapakali ang itsura nito. Parang batang ungot nang ungot sa na makuha ang gusto. Si Don Ed ang nagsimulang buksan ang usapan tungkol doon. Nahirapan silang kumbinsihin ito nang ipaalam ang tungkol sa pagtungo sa States ng asawa nito. “Hija, para sa magiging anak ninyo kung bakit hindi ka maaaring sumama sa asawa mo sa Amerika. Buntis ka at baka makasama sa iyo ang malayuang biyahe,” mahinahong sabi ni Lolo Ed. “Dear, please try to understand the situation,” ani Timothy na inakbayan ang asawang umiiyak. Guwapo pa rin ito bagaman tila pumayat ito kaysa noong huli niya itong makita. Sabagay, matagal-tagal na rin iyon. Huli silang nagkita sa kasal nito at ng pinsan niya. “Bakit kasi kailangan mo pang umalis?” umiiyak na tanong ni Abby rito. “Bakit hindi na lang iba ang utusan mong mag-asikaso ng dapat ayusin doon?” Malungkot ang mga matang sumulyap si Timothy sa gawi niya, tila nagpapatulong. Marahil ay hindi na nito alam kung anong pangungumbinsi ang gagawin sa asawa. “Abby, kung maaari ka lang sigurong isama ni Tim sa Amerika, bakit hindi? Kaya lang ay hindi puwede. Delikado sa iyo at sa baby ang malayuang biyahe,” paliwanag niya sa pinsan. “Ang sabi ng doktor ay okay naman kami ng baby ko. Manghihingi ako ng clearance kay Doc. Basta sasama ako sa iyo, Tim,” giit nito. “Abby, dear, mahirap namang makipagsapalaran. Ayoko din namang iwan kayo ng baby natin. Pero hindi sapat para sa peace of mind ko ang medical clearance kung bibigyan ka man. Let’s play safe,” nagpapaunawang sabi ni Timothy. “Kung gusto mo, hija, habang nasa ibang bansa ang asawa mo ay dumito muna si Rafy para masamahan ka,” wika naman ni Lolo Ed. Mabilis siyang napatingin sa kanilang lolo sa sinabi nito. Wala silang pinag-usapan na ganoon. Nag-unahan sa isip niya ang mga appointments niya at ang mga kontratang kailangang maisara sa lalong madaling panahon. “Ngayon ko lang naisip na mas mainam at hindi gaanong malulungkot ang pinsan mo rito kung may kasama siya habang wala si Tim. Hindi pa ako gaanong mag-aalala,” paliwanag nito nang balingan siya. “Pero, Lolo...” tutol niya, ngunit hindi na niya naituloy ang nais sabihin dahil nakatingin sa kanya ang pinsan at ang asawa nito. “Isa pa ay naisip ko na tamang-tama lang para makapagbakasyon ka naman,” dugtong pa nito na mas ang mga mata ang nangungusap. Hindi siya nakasagot. Alam niyang iyon ang nais ni Lolo Ed at nahihiya siyang kontrahin ang desisyon nitong iyon kahit na nga tutol na tutol ang kalooban niya. Hindi siya sanay sa buhay-probinsiya. Sa loob ng ilang taon ay umiikot ang mundo niya sa opisina at trabaho. Bukod pa roon ay hindi rin komportable sa kanya na makitira sa iba. Kahit na ba parang bahay na rin ni Abby ang villa na iyon ay mas pipiliin pa rin niya ang nakasanayang buhay. Nag-e-enjoy din siya sa inaagaw niyang oras para mapag-isa sa condo niya. “Lolo, nakakahiya naman kay Rafy,” wika ni Timothy. Nahalata marahil nito ang pag-aalinlangan niya. “Puwede namang habang wala ako ay sa Maynila muna si Abby. Ang ganoon kaigsing biyahe ay hindi ko ipag-aalala.” “Honey, alam mong ayoko roon. Mas gugustuhin kong dumito sa villa. Huwag ka na lang kasing umalis,” paglalambing ni Abby sa asawa. Tumigil na ito sa pag-iyak. “Nakakahiya kay Rafy kung dahil lang sa akin ay mabuburo siya rito. Alam ko namang busy siya sa office.” “Mas mapapanatag ang kalooban ko kung si Rafy ang nandito,” muling wika ni Lolo Ed. Tumingin ito sa kanya. Muli ay nasa mga mata nito ang pag-uutos na sundin niya ang nais nito. “S-sige,” napilitang sang-ayon niya. “I’ll stay here. Sasamahan ko na si Abby.” Ngumiti si Don Eduardo. Maging si Timothy ay halatang napanatag sa sagot niya. “Honey, payag naman pala si Rafy. Kahit ako ay hindi na gaanong mag-aalala habang nasa malayo ako,” ani Timothy sa asawa. Tumingin sa kanya si Abby, ngunit hindi ito kumibo at ang itsura ay masamang-masama pa rin ang loob. Niyakap na lamang nito ang asawa. “RAFY, pasensiya ka na, ha. Pati ikaw ay naabala namin,” wika ni Timothy nang maiwan sila sa terrace ng malaking bahay. Niyaya ni Lolo Ed si Abby na maglakad-lakad. Like the typical Abby that she knew, umaakto pa rin itong spoiled brat. Pinili niyang unawain na lang din ang pinsan dahil sa unang pagkakataon ay mahihiwalay ito sa asawa simula nang ikasal ang mga ito. “Ayos lang iyon. Wala namang ibang maaaring asahan si Lolo Ed na sumama kay Abby rito kundi ako,” nakangiting sagot niya. “Sana ay makabalik ako... agad.” Hindi nakaila sa kanya ang lungkot sa tinig nito nang sabihin iyon. Natawa siya. “Kailangan talagang bumalik ka kaagad dahil magmamarakulyo ang asawa mo `pag nagtagal ka roon. Iyan nga lang pag-alis mo’y pahirapan pa ang pakikipag-usap sa kanya. Hayun nga’t nagtatampo pa hanggang ngayon. At dahil kilala ko siya, malamang iyan araw-araw na ganyan hangga’t hindi ka nakakabalik. ” Tumitig ito sa kanya. “Salamat, Rafy,” tipid na wika nito bago naglakad patungo sa madilim na bahagi ng terasa. “Ano nga pala ang aayusin mo sa Amerika? Tingin ko ay masyadong importante at hindi mo maipagpaliban hanggang sa makapanganak si Abby,” tanong niya rito. Huminga ito nang malalim. “Sana ay makita kong ipanganak ang baby namin,” sa halip ay sagot nito sa mahinang tinig. Bahagya na lamang niyang naunawaan ang klase ng sagot nito. Napakunot-noo siya. “Don’t tell me na magtatagal ka pala sa Amerika?” “H-hindi ko kasi sigurado ang balik ko,” sagot nito. “Hindi ko alam kung kailan—” Natigil ito sa pagsasalita at napahawak sa gawing tiyan. “Are you okay?” Tumindig siya at lumapit dito. Hindi nakaila sa kanya ang pagguhit ng sakit sa mukha nito. “Y-yes. M-may ulcer kasi ako dati pa,” sagot nito na halatang pinipilit na hindi niya makita ang nadarama nitong sakit. “Masyado kasi akong nababahala sa pag-alis ko. Pati tuloy pagkain sa oras ay nakakaligtaan ko na. Nag-aalala ako kay Abby.” “Narito kami. Huwag kang masyadong mag-alala at hindi naman namin siya pababayaan habang wala ka,” pag-a-assure niya rito. “Honey!” sigaw ni Abby na papalapit sa kanila. Nakangiti ito. Natigilan ito nang makitang nakahawak sa gawing tiyan ang asawa. “Are you okay?” “Of course, I’m okay.” Ngumiti si Timothy at sinalubong ito ng yakap. “Umatake lang sandali ang ulcer ko.” “Ikaw naman kasi, honey, ang hilig mong magpalipas ng gutom. Baka mamaya ay lumala `yang ulcer mo,” may pag-aalalang sabi nito. “Kaya ayokong umalis ka nang hindi ako kasama, eh. Baka mapabayaan mo na naman ang pagkain mo. Kilala kita, eh. Kapag masyado kang busy, iyong pagkain, hindi mo na naaalala. Tinitiis mong magutom kesa bitawan ang ginagawa mo.” “Ang honey ko talaga.” Kinintalan ito ni Timothy ng halik sa sulok ng mga labi. “Ganyan ako kamahal ni Abby kaya nahihirapan din akong umalis,” baling nito sa kanya. “Hus, binola pa ako. Napapayag na nga ako pero tandaan mo ha, ayoko talagang umalis ka. Pumayag ako kasi nakita kong kelangan mo talagang umalis. Ayaw ko ding aalis ka na makita mo akong iyak nang iyak.” Pabirong kinurot ni Abby ang asawa at tumingin sa kanya. “Mabuti na lang at pumayag si Rafy na magbakasyon muna rito. Hindi ako gaanong maiinip.” “Mabuti na lang at talagang pinagbabakasyon ako ni Lolo. Ang galing ninyong mag-asawa. Perfect timing!” biro niya sa pinsan. “Kaya ikaw, honey, pagbalik mo ay pasalubungan mo na ng Amerikano si Rafy. Para magkaasawa na,” ani Abby sa asawa. “Bakit Amerikano pa, eh, di si Mac na lang,” wika ni Timothy na kumindat pa sa kanya. “Naku! Tigilan n’yo nga akong mag-asawa,” natatawang sabi niya matapos humigop ng kape. “Aba, Rafy, guwapo ang kapatid kong iyon,” dugtong ni Timothy. Natawa si Abby sa sinabi nito. “Di parang sinabi mo na ring guwapo ka.” “Totoo naman,” natatawang sagot ni Timothy. “Kaya nga patay na patay ka sa akin, di ba?” “Ito talagang asawa ko, Rafy, simpleng magbuhat ng sariling bangko.” Bumungisngis si Abby. Sa kauna-unahang pagkakataon sa umagang iyon ay nakita niyang tumawa pati mga mata ni Abby. “Maiwan ko muna kayo at pupuntahan ko ang Lolo,” paalam niya para magkasarilinan ang mga ito. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD