5

1065 Words
KAGAYA NANG inaasahan nila, nang umalis si Timothy ay walang tigil sa pag-iyak si Abby. Kaya hindi rin kaagad nakaalis ng Villa Evangelista si Lolo Ed. Nag-aalala ito sa kalagayan ng apo at sinamahan na din ito sa doktor. Bumalik lang ito sa Maynila nang matiyak na nakalapag nang maayos si Timothy sa Amerika. Ganoon pa man ay ilang araw ding nagmukmok si Abby. Bahagya lang itong sumigla nang dalasan ni Timothy ang pagtawag para kumustahin ito. Naiinip naman si Rafy sa villa. Sanay kasi siya sa mabilis na takbo ng buhay sa Maynila. Hindi siya sanay na nakatunganga at halos walang ginagawa sa maghapon. Kaya para malibang ay inasikaso niya ang hardin ng malaking bahay. Kapag tirik na ang araw ay bibitawan niya ang paghahalaman at ang pagko-cross-stitch naman ang pinagkaabalahan niya. Minsan naman ay sinubukan na rin niyang mag-bake. At epektibo naman iyon para hindi na siya gaanong mainip.Natuklasan niyang i-enjoy ang mga bagay na hindi niya nagagawa at nabibigyang-pansin sa Maynila dahil sa hectic niyang schedule sa opisina. “MARAMI lang sigurong inaasikaso ang asawa mo,” wika ni Rafy kay Abby. Nasa sala siya at nagbabasa ng magazine nang lapitan nito. Papalapit pa lang ito sa kanya ay halos nahuhulaan na niya ang pakay nito. Nag-aalala na ito dahil dalawang linggo na ang nakalipas buhat nang huling tumawag si Timothy. Kapag tinatawagan naman nila ito sa bahay na tinutuluyan nito sa Amerika ay panay answering machine lang ang sumasagot sa kanila. Sa unang mahigit isang buwan ni Timothy sa Amerika ay halos araw-araw ito kung tumawag sa villa. Ngunit nitong mga huling linggo ay dumalang na ang pagtawag nito. Siya man ay nag-aalala na ngunit hindi niya iyon ipinahahalata sa kanyang pinsan. Ayaw niyang lalo pa itong mag-isip. Alam niyang bukod sa sakit nito sa puso ay delikado ring nagkakaroon ng stress ang isang nagdadalantao. Minsan ay sinubukan din niyang kontakin si Timothy at baka-sakali na sa kanya ay magsabi ito kung bakit hindi ito madalas na napapatawag. Pero hindi rin niya ito na-contact at nagdesisyon siyang huwag na ding uliting gawin iyon. Baka mamaya ay ma-misinterpret pa ni Abby ang kilos niyang iyon lalo na kung nagkataon na siya ang naka-contact kay Timothy. “Kahit na. Hindi man lang ba niya naisip na naghihintay ako sa tawag niya. Kabilin-bilinan ko sa kanya na tatawag siya palagi, eh,” umiiyak na sabi nito habang patuloy sa pabalik-balik na lakad sa harapan niya. “Baka mamaya nagkasakit na iyon doon.” “Ikaw talaga, kung anu-ano ang iniisip,” tutol niya sa sinabi nito. “Baka makasama sa baby mo iyan. Maupo ka nga at ako ang nahihilo sa ginagawa mo.” “Rafy, ano kaya at kausapin ko ang doktora ko? Baka sakaling bigyan niya kami ng clearance para makapag-biyahe kami ng baby.” Naupo ito sa tabi niya. Napatingin siya rito. Awang ang mga labi. “Naisip ko kasi na baka puwede naman akong sumunod kay Timothy. Limang buwan pa lang naman ang tiyan ko at saka malakas naman ako. Feeling ko, ubra naman kaming mag-byahe.”   “Hintayin mo na lang si Timothy,” sagot niya. “Noong mas maliit ang tiyan mo, hindi ka nga niya isinama, hindi ba? Baka imbes na matuwa, magalit pa iyon kapag ipinilit mo na mag-biyahe.” Hindi kumibo si Abby. Halatang nag-iisip ito.Hindi nawawala sa mukha nito ang pag-aalala sa asawa. “Stop worrying, okay?” nakangiting sabi niya rito. Binitawan niya ang hawak na magazine. “Halika at doon na lang tayo sa kusina. Ituro mo sa akin ang pagluluto ng espesyal na pochero. Alam mo namang ngayon pa lag ako nagiging interesado sa pagluluto,” yaya niya rito para ibaling sa iba ang pansin nito. Kakausapin niya si Lolo Ed. Wala rin itong kaide-ideya na dalawang linggo nang wala silang balita kay Timothy. “WALA ang Lolo?” nagtatakang sabi ni Rafy sa sekretarya nito nang tawagan niya ang kanyang lolo sa opisina. “Ma’am, hindi po ba nasabi sa inyo ni Don Ed na may conference siya sa ibang bansa?” balik-tanong ng sekretarya nito. “Last week pa po siya nakaalis. May tumawag pa nga po sa kanya na kaibigan n’yo raw.” Kumunot ang kanyang noo. Bahagya nang rumehistro sa isip niya ang huling tinuran nito. Nasa ibang bansa ang lolo niya pero hindi man lamang ito nagsabi sa kanila ni Abby na aalis ito. Hindi naman nito dating ginagawa iyon. Kaya pala ilang araw nang wala silang natatanggap na tawag mula rito at kapag kino-contact niya ang cellphone nito ay laging unattended. “Ma’am,” anang sekretarya nang nawalan siya ng kibo. “Yes, it’s okay. Nakalimutan ko lang siguro,” aniya. “May iniwan ba siya sa iyong contact number doon? Ako na ang tatawag.” “I’m sorry, Ma’am Rafy. Si Don Ed po ang palaging tumatawag dito. Hindi po niya kusang iniwan ang number niya kaya hindi ko rin naman po tinanong. Alam ninyo naman po ang ganoon, ano, ma’am?” “Yes, I understand. Salamat, ha? Pag tumawag uli si lolo, pakibanggit mo sa kanyang hinahanap ko siya. Sana tawagan niya rin kami ni Abby.” Imbes na gumaan ang iniisip ay lalo pa siyang naguluhan. Paano niya ngayon makakausap ang kanyang lolo para ipaalam dito na nag-aalala sila ni Abby sa hindi pagtawag ni Timothy? Panay ang iyak ni Abby dahil sa labis na pag-aalala sa asawa at natatakot siyang baka hindi niya ito mapigilan kapag nagdesisyon itong mag-biyahe sa Amerika. “Rafy, si Timothy ba iyang sinusubukan mong tawagan?” Nagulat siya nang malingunan si Abby. Sapo nito ang tiyan at bakas na rin sa mukha ang pagkahapis. “Pasensya na, hindi ko pa nga pala nagagawa iyong inuutos mo.” Malungkot itong ngumiti. “Pasensya na rin. Ikaw pa itong inaaabala ko para tawagan siya samantalanag sa office may sarili kang secretary.” “Okay lang iyon. Naiintindihan kita, Abby.” Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakiusap ito sa kanya na tawagan si Timothy. Kapag tinatangay ito ng antok, siya ang pinapakiusapan nito na tawagan si Timothy. Wala itong gustong aksayahin na oras dahil baka sa pagkakataong iyon daw ay ma-contact na nila ang lalaki. “Sandali, eto na at subukan nating tawagan.” Ini-on niya ang speaker phone. Ilang sandali pa at malungkot silang nagkatinginan nang ang pamilyar na boses nito sa anwering machine ang narinig nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD