“RAPHAELLA, ang hirap mong kontakin,” agad na sabi ng babae sa kabilang linya na hindi niya alam kung sino. Hindi pamilyar sa kanya ang numerong nakarehistro sa kanyang cellphone at hindi rin niya maalala kung narinig na niya ang tinig nito.
“Yes, who’s this?” pormal niyang tanong dito.
“Rafy, bruha ka! Si Pia ito,” pagpapakila nang nasa kabilang linya.
“Pia?” nagtatakang ulit niya.
“Bruha, don’t tell me na nakalimutan mo na ako.” Nagkaroon ng himig-pagtatampo ang tono nito. “Ako si Pia Rosales. Hindi mo pa rin ba natatandaan?”
“Pia Rosales? Pia, ikaw ba `yan?” masayang sabi niya nang maalala na ito.
“Sino pa nga ba kundi ang nag-iisa mong ma-beauty na friend,” maarteng sagot nito.
Natawa siya sa sinabi nito. Kaisa-isang kaibigan niya ito noong nasa high school pa lamang siya. Nagkahiwalay lang sila nang magkolehiyo na sila bagaman kapag weekends ay nakukuha pa rin nilang magkumustahan. Nang magtapos siya ng kolehiyo ay nagtungo ito sa Amerika dahil sa wakas naayos na din ang papeles ng pamilya nito para makapag-migrate doon. Doon na rin ito nagtrabaho bilang nurse.
Matagal na rin silang hindi nagkikita. Kapag nasa sa Amerika siya ay hindi rin gaanong mag-tugma ang schedule nila kaya mabibilang ang ilang pagkakataon na nagkita sila. Magkalayo din naman kasi ang estadong tinitirhan nila kaya ganoon. Bukod pa sa palagi na ay may kakambal na trabaho ang biyahe niya doon.
“Nasaan ka ba? Kailan ka pa dumating?” tanong niya rito dahil ang nakarehistrong numero sa cellphone niya ay nagpapahiwatig na local call iyon. Isa pa iyon sa dahilan kung bakit hindi niya naisip na ito ang nasa kabilang linya.
“Last week pa ako dumating,” pagbabalita nito. “Bago ako umuwi ay tinawagan kita sa mansiyon pero ang sabi ay nasa Iloilo ka raw. Kaya si Lolo Ed na lang ang tinawagan ko sa opisina. Sa kanya ko nakuha ang cellphone number mo. Suwerte ko nga at inabutan ko pa. Nagkataong paalis na pala siya papuntang abroad nang tumawag ako.”
“Kumusta ka na?” agad na sabi niya. Isinantabi niya sa isip na mabuti pa dito ay nabanggit ng kanilang lolo nag tungkol sa pagbiyahe sa ibang bansa.
“Heto at sa wakas ay nakakuha rin ng bakasyon sa ospital. I’m dying to see you bago man lang ako umalis ulit.”
“Narito ako sa Villa Evangelista, kina Abby. Taga-rito ang napangasawa niya.” Naglakad siya patungo sa terrace bitbit ang kanyang cellphone. Hapon na at gusto niyang magpahangin.
“Evangelista? Hmm... sounds familiar.”
“Well-off din ang pamilya ng napangasawa ng pinsan ko. Kaya hindi imposibleng familiar sa `yo ang surname,” sabi naman niya rito.
“Naunahan pa tayo ni Abby, ah! Nasa college na tayo ay halos baby girl pa rin ang tingin natin sa kanya noong high school siya.”
“Oo nga, eh. Siyanga pala, narito ka rin lang sa Pilipinas, why don’t you come here. Maganda rito. Nakaka-relax,” pag-iimbita niya rito.
“I think that’s a good idea pero hindi pa siguro ngayon. Nagyayaya ang Mama na magpunta kami sa Baguio. Baka pagbalik na lang namin,” sabi nito.
“Ganoon ba—”
Naputol ang anumang sasabihin niya rito nang makita ang L-300 van na pumasok sa malaking gate. Wala siyang maisip na maaari nilang maging bisita. Imposibleng si Lolo Ed ang dumating dahil hindi pa ito bumabalik buhat sa conference nito, ayon sa sekretarya nito nang tumawag ulit siya rito.
Sinuwerte lang si Pia nang makausap nito si Lolo Ed dahil nga paalis na ito noon. Ayon na rin sa sekretarya nito, pinakamaaga nang balik ni Lolo Ed ay sa isang linggo pa.
“Hello...” may pagkainip na untag ni Pia sa kanya.
“H-ha?” aniyang bahagya pang napapitlag. Nawala na sa isip niyang may kausap siya sa telepono. “Ano nga ulit iyong sinabi mo?”
“Sabi ko, ang dami-dami kong kuwento sa `yo. Kulang ang ilang araw sa atin,” masayang ulit nito. “Kung bakit naman kasi hindi ka na nagbakasyon ulit sa Amerika.”
“Masyado kasi akong naging busy sa opisina. At since nandito ka na, susulitin natin ang mga panahong `di tayo nagkita. I’m so excited to see you again, Pia,” sabi niya rito habang sinusundan pa rin ng tingin ang dumating na van. Pumarada iyon sa mismong harapan ng bahay. Nasa terasa siya sa ikalawang palapag ng bahay. Buhat doon ay tanaw niya ang sinumang daraan sa harapan ng bahay.
Bumukas ang pinto ng van. Pinanlakihan siya ng mga mata nang mapagsino ang bumaba mula roon.
“Rafy, hey, Rafy, are you still there?” narinig niyang tanong ni Pia mula sa kabilang linya.
“Y-yes,” hati pa rin ang atensiyong tugon niya rito. “I’m still here, Pia. Sorry, ha. Na-distract lang ako kasi may dumating. Kanino ba iyang number na gamit mo? Ise-save ko na.”
“Sa cousin ko pero ako ang gagamit nito while I’m here,” sagot nito.
“Okay, I’ll just call you back. Pasensya na, ha. May importante lang akong aasikasuhin.” Pagkatapos magpaalam dito ay pinindot na niya ang end button at mabilis na bumaba para salubungin ang dumating.
“Timothy!” nakangiting salubong niya sa bayaw. Hindi nila inaasahan ang pagdating nito. Natitiyak niyang matutuwa si Abby kapag nakita nito ang asawa. Luminga siya. Wala sa paligid si Abby. Malamang ay hindi pa nito alam na nakabalik na ang asawa. Mabilis niyang inisip kung saan naglalagi si Abby kapag ganoong oras.
Anyong papaling siya ng hakabng para tawagin si Abby nang makitang nakatitig ang lalaki sa kanya.
“Welcome back!” salubong niya rito. Yumakap pa siya rito. Natutuwa siyang makita itong muli dahil hindi na siya mag-aalala pa kay Abby.
Natigilan siya nang gantihan nito ang pagyakap niya. Mahigpit iyon at tila may kakaibang init—taliwas sa nakasanayan na niyang pagyakap nito sa kanya noon.
Kumalas siya sa pagkakayakap dito sa disimuladong paraan. “I-I’m sure matutuwa si Abby kapag nalaman niyang narito ka na.” Pilit niyang pinagtakpan ng ngiti ang nadaramang pagkailang dito.
Sa tingin niya ay lalo itong gumuwapo. Nagbago rin ang pangangatawan nito. Waring higit itong maskulado at siksik sa laman. Bumagay naman dito ang mga pagbabagong iyon.
“It’s nice to be here,” nakangiting sabi nitong hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanyang mukha.
Nakahinga siya nang maluwag nang ilibot nito sa paligid ang paningin. Naisip niyang na-miss marahil nito ang villa sa tagal ng pagkawala nito.
“Nasa kuwarto ninyo ang asawa mo. Sandali at tatawagin ko na. Tiyak na magugulat iyon. O gusto mo bang ikaw na ang magpakita mismo sa kanya?” Akma na siyang tatalikod nang pigilan siya nito sa kamay.
Nagtatakang bumaba ang tingin niya sa pagkakahawak nito.
“T-thanks for everything,” mababa ang tinig na wika nito.
“Wala iyon. Ang importante ay nakabalik ka na.” Ngumiti pa siya rito. Ngunit nawalan iyon ng tamis nang mapansin niyang nanatili pa ring hawak nito ang kamay niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit biglang naging eratiko ang t***k ng puso niya. Walang malisya ang ginawa niyang pagyakap dito. Bunga iyon ng katuwaan niya sa pagdating nito. Para nang magkapatid ang trato nila ni Timothy sa isa’t isa simula nang ikasal ito sa pinsan niya.
Ano at tila may malaking pagbabagong nangyari sa pagitan nila sa paghaharap na iyon?
“Honey!” sigaw ni Abby na bagaman malaki na ang tiyan ay nagmamadali pa ring naglakad palapit sa kanila. Sinabi na marahil dito ng isa sa mga katulong ang pagdating ng asawa nito. Hinila niya ang kamay niyang hawak pa rin ni Timothy.
Kaagad na yumakap si Abby rito. “Bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka?” lambing nito. Hindi maikakaila ang kaligayahang nakabadha sa mukha nito nang mga oras na iyon. Maligayang-maligaya ito sa pagbabalik ng asawa.
“Gusto kasi kitang sorpresahin,” sagot ni Timothy.
“Oh, honey. You really did surprise me.” Halos ayaw nang bumitiw ni Abby sa asawa. “Miss na miss na kita. Sabi ko nga kay Rafy, kapag hindi ka pa umuwi this month ay susunod na talaga ako sa `yo. Kahit pa hindi ako payagan ng doktor ko, ay naku, magpupumipilit talaga ako. Talagang desperada na ako.”
“Nandito na ako, so don’t worry.”
Nahalata niyang kalabisan na siya roon kaya nagpasya siyang iwan na ang mga ito. Patalikod na siya nang aksidenteng nagtagpo ang mga mata nila ni Timothy. At muli ay hindi niya maintindihan kung bakit tila may iba pang mensaheng nakapaloob doon.
Ipinilig niya nag ulo. She must be imagining things…