Chapter 2
ISABELLA ROSE POV
"Matagal na pong wala si Mr. Raine Monteero. Hindi n'yo po ba nabalitaan? Pitong taon na po simula nang maaksidente siya na labis na ikinalungkot ng kaniyang pamilya. 'Yong kapatid niya po ang namamahala ng mga negosyo niya kasama po itong coffeeshop."
Para akong nawalan ng lakas sa sinabing iyon ng waiter. Si Raine naaksidente? Alam kaya nila na sumabog ang yate kung saan kami nakasakay?
Nakaalis na ang waiter pero tulala pa rin ako. Hindi pa nagagalaw ang in-order ko. Pilit kong pinipigilan ang napipintong pag-iyak. Hindi ako pwedeng umiyak sa harap ng maraming tao.
"Hey, long time no see. Kumusta ka na?" Isang magandang babae ang biglang sumulpot sa aking harapan. Sa tantiya ko magkasing-edad lang kami. Naka-suot ito ng tube dress na may floral design. Nakalugay ang mahaba at makintab nitong buhok ngunit natawag ang pansin ko sa kulay brown nitong mga mata. Parang nakita ko na siya dati pero saan nga ba? Kararating ko lang sa bansa. Napakunot-noo ako habang nakatingin sa kaniya.
"Ikaw si Rose, di ba? It's Cathy," pakilala niya pero di ko talaga siya matandaan. Pati boses niya napakapamilyar.
"I'm sorry, but I don't remember you. Have we met before?" tanong ko habang inaalala kung saan ko siya nakita. She just smiled at me which defines the dimples on her cheeks. Those dimples!
"I'm Cathy," pakilala niya ulit. "Ako 'yong niligtas mo dati sa parking lot ng ospital seven years ago," wika niya.
Napakunot ulit ang noo ko. Ilang segundo rin ang dumaan nang maalala ko ang babaing niligtas ko. Siya nga 'yon. Kaya pala mukhang pamilyar ang hitsura niya.
"Oh God! I'm sorry, di kita nakilala agad. Matagal na kasi iyon," paliwanag ko.
"Pwede maupo?" Tumango lang ako.
"Thank you nga pala ulit sa pagliligtas mo sa akin noon."
"Wala 'yon. Matagal na 'yon." Tipid akong ngumiti at uminom ng kape. May dumating naman na waiter dala ang kaniyang in-order.
"Akala ko taga-rito ka pero mula no'ng magkakilala tayo sa parking lot di na ulit kita nakita."
"Nagtungo kasi ako sa States para mag-aral. Kababalik ko pa lang sa bansa."
"Wow, buti ka pa. Ako heto walang kabalak-balak mag-aral. Sabi nga ni papa isa akong malaking disappointment sa pamilya," wika ni Cathy at isinabit ang ilang takas na buhok sa likod ng tainga niya.
"You should go back to school, Cathy. It's not too late. Bata ka pa naman."
"Matanda na ako. I'm already twenty five. Sa ngayon tumutulong ako sa business ni mama. Ayaw akong pagtrabahuhin ni papa sa kompanya. Nag-aral naman ako ng college. 'Yon nga lang naka-dalawang taon lang ako sa kursong Accounting."
Twenty five na pala siya. Magkasing edad nga lang kami. Pero bata siyang tingnan kaysa sa tunay niyang edad. Marahil wala siyang pinoproblema sa buhay. Puro paglalakwatsa ang alam. Rich kid, e. Sa hitsura pa lang niya at pananalita mapapansin mong kabilang siya sa mga elite families dito sa probinsiya.
"Dalawang taon na lang pala ga-graduate ka na. Mag-aral ka ulit. Malay mo pagkagraduate mo sa 'yo ibigay ang pamamahala ng kompanya ng papa mo." Nagkibit lamang siya ng balikat.
"By the way, Rose pupunta ako sa bar ngayon. Naroon ang mga friends ko. Gusto mo sumama? Ipapakilala kita sa kanila."
"Thank you, Cathy pero di ako pwede. Maybe next time. Di kasi ako nagpaalam sa bahay. Baka hinahanap na nila ako," pagsisinungaling ko. Mahirap sumama sa isang taong hindi mo naman kilala. Minsan mas maganda kung mag-isa ka na lang sa mga lakaran para wala kang ibang iisipin kundi ang sarili mo.
Sa ngayon, kailangan kong mag-focus sa isang bagay. Maigi na nga lang at nasa labas ng bansa ang dalawa kong kaibigan, wala ako masyadong aalalahanin. Huling balita ko nagkahiwalay sina Tooffer at Liza. Nasa Paris naman si Stephen para sa pangarap nitong maging isang sikat na fashion designer.
"Tatandaan ko 'yan. So friends na tayo?" tanong niya at inabot ang kanang kamay niya. Malugod ko naman iyong tinanggap at ngumiti nang tipid.
"Friends."
Kinuha niya ang phone sa purse niya at may binasa. "I have to go, Rose. Nag-text na sila, e."
"Sure, pauwi na rin ako. Have fun, Cathy."
"Thanks."
Sabay na kaming lumabas ng coffeeshop at nagulat na lamang ako nang may lalaking papalapit sa amin at nakatingin kay Cathy. Bigla nitong hinapit sa baywang si Cathy at akmang hahalikan sa labi ngunit mabilis niyang naiiwas ang mukha.
"I told you, Bren, hindi kita gusto. So please layuan mo na ako. Ayoko sa 'yo." Pilit siyang kumakawala sa pagkakayapos nito.
"Lahat ng gusto ko nakukuha ko, Cathy. Akin ka sa ayaw at sa gusto mo."
"Umalis ka na bago pa dumating ang mga bodyguard ko."
"Bodyguard mo? Hayun sila, walang panama sa mga kaibigan ko. Let's go, sasama ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo," galit nitong wika at kinaladkad nito si Cathy papunta sa mga kaibigan niya. Napansin ko ang dalawang lalaking nakadapa. Malamang sila ang bodyguard ni Cathy.
"Ayaw niyang sumama sa 'yo kaya huwag mo ng pilitin pa," malamig kong wika. Saka lamang niya napansin ang presensiya ko. Tumingin ito sa gawi ko at nanliliit ang mga mata.
"Gusto mo ring sumama?" tanong niya sa akin at tinapunan ng pansin ang dalawang kaibigan. "Guys, isama n'yo rin 'to. Laman-tiyan din 'yan," tukoy nito sa akin.
"Bitawan mo ako, Bren! Hayop ka!" sigaw ni Cathy.
Di na ako nakapagpigil pa. Bago pa makalapit sa akin ang dalawa nitong kaibigan, sinuntok ko na si Bren. Tinamaan ito sa likod. Binitawan niya si Cathy at hinarap ako. Galit na galit itong tumingin sa akin.
"Tang ina! Ikaw lang ang gumawa sa akin no'n. Hayop ka, magbabayad ka." Papalapit na ito sa akin kasabay ng dalawa pa.
"Huwag mo kasing pinipilit ang ayaw. Babae 'yan. Anong laban niyan sa inyo?" tugon ko ngunit di nila ako pinansin.
"Hawakan n'yo ang babaing 'yan nang makita niya ang hinahanap niya. Masyadong pakialamera!" utos nito sa dalawa.
Nang makalapit sila sa akin, isang flying kick ang ibinigay ko do'n sa isa at sinuntok ko naman sa kanang panga 'yong isa. Parehas silang bumagsak ngunit mabilis ding nakabangon. Sumugod ulit 'yong isa at nahawakan ang kamay ko ngunit mabilis ko iyong nabawi at dinagukan siya. Nang akmang susugurin ako ng pangalawa mabilis kong hinawakan sa kwelyo 'yong lalaking dinagukan ko at buong lakas kong itinulak papunta sa lalaking sumusugod. Sa lakas ng impact sabay silang natumba sa lupa na labis na ikinagalit no'ng lalaking nagngangalang Bren. Hindi ito makapaniwala na napatumba ko ang mga kaibigan niya nang gano'n lang.
"Bwisit kang babae ka! Ang yabang mo."
Akmang susugod na ito ngunit biglang may narinig kaming pulis na paparating. Dali-dali niyang nilapitan ang dalawang kaibigan na nakahandusay at mabilis na sumakay sa kanilang kotse papalayo sa amin.
"Rose, thank you ulit. Niligtas mo na naman ako."
"Wala 'yon, Cathy. Kailangan mo ng tulong kaya tinulungan kita. Kailangan mo na sigurong magdagdag pa ng bodyguard para sa kaligtasan mo." Tumango siya.
"Saan ka nga pala nakatira? Hatid na kita." Prisinta ko. Gusot-gusot na kasi ang suot nitong damit. Malamang sa hitsura niyang iyon di na siya tutuloy pa sa bar.
"Salamat na lang, Rose. Tinawagan ko ang kuya ko. Susunduin niya ako."
"Okay. Mauna na ako sa 'yo." Tinungo ko ang motorsiklo ko at pinaandar iyon. Sinuot ko muna ang helmet at bumusina ako bago ko iniwan ang lugar na iyon.
Pagpasok ko pa lang sa gate namataan ko na sina mommy at daddy na naghihintay sa akin sa labas ng bahay. Nakaalerto na naman ang mga tauhan ni dad. Nakakainis lang tingnan.
Pinatay ko muna ang makina ng motorsiklo at bumaba habang tinatanggal ang helmet.
"Baby, saan ka nanggaling? Gabi na. Nag-alala ako sa 'yo," salubong sa akin ni mommy.
"Ni-road test ko lang mom si Extreme," tugon ko na nagpangiti kay dad.
"May pangalan na pala siya, anak. Nice name."
"Base 'yon sa hitsura niya, dad. Astig ang motorsiklong ito. Ang tulin." Hinawi ko ang ilang takas na buhok sa mukha ko dahilan para mapansin nila ang dugo sa mga kamay ko.
"What happened to your knuckles, baby?" Nakakunot-noong tanong ni mom.
"Napaaway ka, anak?"
"Ah, ito po ba?" Tiningnan ko ang mga kamay ko. "Wala po ito. May pasaway kanina labas ng coffeeshop, di ako nakapagpigil nasuntok ko."
"Nagpunta ka sa coffeeshop?" tanong ni dad nang makaupo na kami sa sopa.
"Yes, dad," walang emosyon kong sagot at tumingin sa itaas para mapigilan ang pagtulo ng luha. Tahimik nila akong pinagmamasdan sa ganoong posisyon at nang yakapin ako ni mommy, hindi ko na mapigilan ang pag-iyak. "W-wala na talaga siya, mom. Nagtanong ako kanina sa waiter, pitong taon na raw simula nang mawala si Raine at ang kapatid daw ang namamahala ng lahat ng negosyong naiwan niya. Ang sakit, mom. Ang sakit. Umasa akong sa pagbabalik ko makikita ko ulit siya." Walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko. Yumakap na rin sa akin si daddy.
Nang tumigil ako sa pag-iyak, tumayo si daddy para kumuha ng first aid kit.
"Baby, narito kami ng daddy mo. Ano man ang pinagdadaanan mo, lilipas din 'yan," hinaplos ni mommy ang likod ko.
"Sana nga, mom," tugon ko.
"Mom? Are you crying?" sabay kaming napalingon ni mom sa pinanggalingan ng tinig. Si Nell nasa puno na ng hagdan at naglalakad na ito papalapit sa amin.
"Why you're still up, Nell?" tanong ko sa kaniya. Umupo si dad sa tabi ko at iniabot kay mom ang first aid kit.
"Don't change the topic, mom. You're crying because of dad?"
"Nell..."
"And you're knuckles... They're bleeding. Are you in some kind of trouble, mom?" Nakita ko ang pagkunot ng noo niya na tila alalang-alala sa akin.
"Oh, it's nothing, Nell. You should go to sleep."
"But I can't sleep." Napako ang mga mata niya sa dumudugo kong mga kamao.
"Dad won't like this, mom-"
"Nell, please stop talking about your father."
"But mom, I'm looking forward to meet him. I want to meet my dad."
Nagkatinginan kami ni mom. Bakit ganito magsalita si Nell? Napakamatured niya mag-isip. Paano ko ipapakilala sa kaniya ang taong patay na?
"Nell, I told you already that your father died years ago--" Naputol ang iba ko pang sasabihin nang bigla itong magsalita.
"Then I wanna see his tomb." Ano? Papaano ko sasabihin sa kaniya na hindi ko alam kung saan nakalibing ang ama niya? Tanging ang pamilya Monteero lang ang nakakaalam no'n.
"I remember my friend, Bethany, she said when her father died, they'd always visit his tomb and brought flowers for him. I wanna do the same, mom."
Natulala na lang ako. Di ko namalayan na tapos na gamutin ni mom ang mga kamao ko. Ni katiting na sakit wala akong naramdaman pero sa kaibuturan ng aking puso naroon ang sakit na dala-dala ko hanggang ngayon.
Nang makatulog si Nell bumaba ako para kausapin sina mommy at daddy. Naroon sila sa study room.
"Mom, dad, nagkausap na po ba kayo ng mga Monteero?" tanong ko sa kanila.
"Hindi, anak pero nakikita namin sila sa mga pagtitipon na dinadaluhan namin. Minsan kasama pa nila ang mga anak nila."
"Alam po ba nila ang tungkol sa akin?" Nag-aalangan kong tanong.
"Malamang hindi, anak. Kasi kung alam nila matagal na akong kinausap ni Javier."
"Totoo nga siguro ang sinabi ng waiter na wala na talaga si Raine," mahinang bulong ko.
"May palagay akong buhay pa si Raine, anak. Malamang tinatago lang siya ng pamilya niya." Napatingin ako kay dad. Pero imposible namang itinatago siya sa loob ng pitong taon. Kasi kung buhay si Raine, ako ang unang-una niyang hahanapin. Mababaliw 'yon kapag di niya ako nakita at lalong hindi 'yon papayag na itago siya ng pamilya niya. Pero naalala ko na naman ang nakita ko kaninang hapon nang magpunta ako sa bahay namin. Posible kayang buhay pa siya?
"Kung gusto mo, anak puntahan natin ang pamilya niya para makilala nila ang kambal. Alam kong matutuwa si Javier sa mga bata."
"No, dad. Hindi iyon magugustuhan ni Raine."