PROLOUE
PROLOUE
"Kuya bakit?" kinakabahang tanong ko dahil sa nakikita kong walang emosyong tingin sa akin ni Robert. Ilang araw na itong malamig ang pakikitungo sa akin. Hindi siya dating ganito. Mahigit isang taon mula nang maging kami. Pero nitong ilang araw, dama kong may nagbago dito.
Pagbabagong nagdudulot ng takot sa puso ko. At damang-dama ko iyon. Kaya pakiramdam ko hindi na ako maganda sa paningin nito.
Nagsawa na ba siya?
May iba na kaya siya? Imposible dahil alam ko kung sino ang gusto ni Kuya Robert. At imposibleng magustuhan rin siya ni Ate Ayanna dahil mayroon na itong guwapong asawa.
"Mula ngayon tapos na tayo Jackie." Tila malamig na tubig ang bumuhos sa katawan ko dahil sa sinabi nito. Sukat doon, napaatras ako. Saglit akong hindi nakahuma. Halos hindi ako huminga at napatitig ako dito.
Ano raw? Tapos na? Para 'yong bombang pinasabog sa mukha ko. Gano'n lang kadali para sa kanya na sabihin ang ganoon? Gano'n lang na parang walang halaga ang naging relasyon namin.
"Pe-pero bakit? May nagawa ba akong mali?"
"Wala..." mapaklang sagot nito, kasabay ng pag-igting ng panga nito. Tinitigan ako nito na parang isang taong ngayon lang nito nakita. "Sawa na ako sa'yo. Malinaw na." Walang kagatol-gatol nitong saad. Noon tuluyang pumatak ang luha ko. Nanlalambot ang mga tuhod ko kahit nakaupo naman ako. Napahawak ako sa kanto ng mesa.
Tila naging slow motion ang paligid ko sandali. Pero muli ring bumalik sa realidad.
Kumakain kami ngayon sa isang restaurant. Akala ko magde-date ulit kami. Dahil ilang araw itong busy at hindi umuuwi sa bahay. Pero ito pala ang sasabihin nito. Break up.
Break up? Natigilan ako. Parang hindi bagay ang salitang 'yon sa relasyon namin. Hindi ko nga pala tinanong kahit minsan kung anong estado ng relasyon namin.
Dahil naging sapat na ang mga salitang iyon sa akin. Tanda ko pa kung gaano kainit ang mga salitang 'yon.
"Be my bed-warmer Jackie... hayaan mong ako ang una't huling lalaking magmamay-ari sa katawan mo."
Ang mga salita nitong nagpakilig at nagpasaya sa akin sa kabila ng aking kalungkutan sa pagkawala ni Tita Annie. Kaya bakit ganito ngayon? Bakit? Patuloy na naglandas ang mga luha ko.
"Gano'n na lang? Wala ba akong karapatang malaman kung bakit? Masaya naman tayo... tapos, ngayon... bakit? naguguluhang tanong ko dito. Parang agos ng mainit na asido ang luha sa mga mata ko. "Hindi mo puwedeng gawin sa akin 'to?" garalgal na sambit ko.
"Bakit hindi? Ayaw ko na sa'yo. Kaya tinatapos ko na ang lahat." Muling umigting ang panga nito. Madilim ang mga matang nakatitig sa akin. Punong-puno ng galit sa hindi ko malaman na dahilan.
"A-ano ba'ng nagawa ko?" Hindi ko alam kung may tunog ba ang boses ko.
"Wala kang ginawa..." patlang nitong saad. "It's just that..hindi na kita gusto Jackie... sawa na ako sa'yo. You're my bed-warmer and nothing more." Kulang na lang maglupasay ako sa sahig dahil sa panlalambot ng tuhod ko sa mga naririnig ko kay Robert.
Subalit kailangan kong maging matatag. Hindi naman matao sa restaurant, pero nakakahiya kung dito ako mag-iiyak at ipakita sa lahat na inaayawan ako ng taong mahal ko.
Hindi ko alam kung bakit. Kung ano'ng nangyari kay Robert? Hindi siya ganito sa akin...
Hindi siya masamang lalaki tulad ng mga nababasa ko sa mga romance novel na kinakaadikan ko.
He's a total green flag na medyo ma-el nga lang. Ayos lang naman sa akin iyon. Kasi normal na ang gano'n. Lalo na kung mahal mo naman ang taong pag-aalayan mo ng sarili mo. Walang dahilan para magsisi. Dahil mahal mo.
"Ang tanong, mahal ka ba?" tuya ng isipan ko. "You're just his bed-warmer. Matabang bed-warmer, remember."
No, no,no! Umiiling na sigaw ng utak ko.
Kinuyom ko ang aking kamao. At sa kabila ng luhaang mga mata ko, nakipagtitigan ako kay Robert.
Ang totoo, hindi ko alam kung paano, o ano ang dapat kong gawin o sabihin ngayon? Saan ako pupunta kapag pinaalis ako ni Robert sa bahay. Wala na akong ibang pupuntahan. Wala akong kilalang kamag-anak na tatanggap sa akin.
Walang pamilya ang taong tulad ko. Malas nga ang tawag sa akin ng iba. Palamunin at pabigat. Pero dahil kay Tita Annie, nagkaroon ako ng tahanan matapos mamatay si Mama.
"Fine... sa tingin mo, magmamakaawa ako? Matatag kong saad kahit sa loob ko, parang gusto ko nang lumuhod at magmakaawa ngayon. "Akala mo kung sino kang guwapo?" Dama kong nag-iinit ang mukha ko sa sandaling iyon. Hindi ko alam kung ano ang mga pinagsasabi ko. Pero kahit ganito, ayaw kong maging kawawa, lalo na sa harapan ni Robert.
Gumalaw ang lalamunan nito at lumunok. Saglit na nagbago ang ekspresyon nito, subalit dagli ring naging pormal ang tingin ni Robert sa akin.
Bahala na kung saan ako pupunta. Ang gusto ko ay makapagtapos ng pag-aaral, pero mukhang wala nang pag-asa. Tuluyan ko nang ibinaba ang kubyertos na hawak ko pa rin pala. Hindi ko na namalayan dahil tila nawalan ako ng pakiramdam.
Lakas-loob akong tumayo na ikinagulat ni Robert kaya't tinitigan ako nito ng malamig nitong tingin.
"Ano? Hindi ka ba kakain?" May diing tanong nito na halos magdikit ang makapal na kilay nito.
"Sa tingin mo, kaya kong lunukin pa 'yan. Huwag na..." asar na ibinaba ko ang table napkin sa mesa.
"At saan ka naman pupunta kung gano'n?" may inis sa tinig na tanong ni Robert.
"Break na tayo, kaya anong pakialam mo? Gagawin ko ang gusto ko..." kuyom ang kamao kong sagot dito na lalong ikina-isang linya ng kilay nito.
Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng ganitong tapang. Para sa taong walang mapupuntahan at walang ibang aasahan, ang lakas ng loob ko ngayon.
Pero kung hindi ko gagawin, magmumukha na naman akong kawawa. At ayaw ko ang ganoon. Hindi ko hahayaang maging kawawa na naman ako. Hindi na. Ngayon pa ba, kaya ko nang mabuhay sa sarili ko?
"Bigyan mo lang ako ng ilang araw. Aalis ako sa bahay ni Tita Annie."
"For Christ's sake, Jackie, I didn't tell you to leave!" may diin, pero pigil ang tinig na saad ni Robert. "Sa'yo ipinamana ni Tita ang bahay niya. Kaya puwede kang tumira doon. Hi-hindi na ako uuwi sa bahay." mahinang dagdag nito.
Lalo akong nanlumo sa sinabi nito. Tapos na nga siguro. Ang pangit naman ng ending namin. Akala ko happy ending kami ni Robert. Pero hindi pala.
Hindi na ako umimik. Kinuha ko ang sling bag ko.
"Nag-effort pa akong magbihis at mag-ayos; break-up lang pala ang nag-aantay sa akin." Walang ligoy na saad ko. "Akala mo ba walang ibang magmamahal sa akin? Kapag nakahanap ako ng bagong boyfriend... magsisisi ka." Pigil ang luhang saad ko, sabay talikod.
Lihim akong natawa sa sarili ko. Sinong magkakagusto sa babaeng tulad ko? HIndi ako kasing-ganda ni Ate Yana— ang babaeng matagal nang gusto ni Robert . At lalong hindi ako maganda para habulin ng mga lalaking tulad nito.
SA KABILANG BANDA.
TUMIIM ang bagang ni Robert habang pinagmamasdan ang palayong si Jackie. His gaze was glued to her as she walked away. Pero wala siyang ginawa.
Hindi siya kumilos. "It's better this way. Mabuti nang matapos ang lahat sa atin," anang nitong sinaid ang laman ng wine glass. At kaagad na napangiwi nang sumayad ang pait ng lasa ng alak sa kanyang lalamunan.
---
Hello mga madam sissy, please support my story, Paki- Add sa nyong library. Salamat po.