Minari's POV
Nakatulala pa rin ako ngayon kay Minlei. Gusto kong ikuwento sa kanya ang rason kung bakit ko itinago ang kanyang mga magulang, kaso hindi niya rin maiintindihan. Natatakot ako na baka nay mangyari pa sa kanyang masama.
"Ate Minari, buti talaga ay kasama ka namin ngayon. Nasaan ba ang Mom mo?" kuryosong tanong ni Minlei.
Pinipigilan ko ang aking sarili na huwag malungkot. Sagot ko, "Wala na siya e. Wala siyang awang pinatay ng mga masasamang loob. At least ay proud ako kung sino at ano siya. Maganda ang pinaglalaban niya sa buhay at alam kong mahal na mahal niya ako. Mabuti siya, Minlei. Sigurado ako na kung nabubuhay pa siya, ituturing ka rin niyang parang sariling anak."
Napapikit ako nang mariin. Bumabalik na naman ang mga alaala ko noong trahedyang nangyari sa kanyang mga magulang.
"Punung-puno ka ng dugo. May masakit ba sa iyong katawan?" pag-aalalang tanong ni Mrs. Young nang makauwi na ako. Sinalubong nila ako sa may pintuan.
"Ayos lang po ako. Huwag po kayong masyadong maglalalabas-labas. Delikado po kung may makakakita sa inyo," saad ko.
"Anak, hindi ko alam kung paano kami magpapasalamat ng asawa ko sa kabutihan mong ginawa. Maraming salamat ha? Nagawa mo pang isakripisyo ang buhay mo mailigtas lang kami," naiiyak na sabi ni Dad.
Nakatulala lang ako sa kanya. Ngayon ko lang ulit narinig na tinawag niya akong anak. Pinipigilan ko ang aking mga luha. Sa buong buhay ko, hindi niya man lang ako kinuha noong mawala ang aking ina. Hindi niya rin sinabi sa anak nila na may kapatid ito sa ama.
"Alam kong malaki ang pagkukulang ko sa iyo. Pakiramdam mo ay hindi kita itinuring na anak. I'm so sorry kung hindi ko man lang nailigtas ang buhay ng mama mo," malungkot na sabi ni Dad.
Napaluha ako nang maalala kung gaano kahirap ang dinanas ni Mom sa kamay ng mga bampira. Tanging ang nga Lola at Lolo ko lang sa side ni Mom ang nag-alaga sa akin. Ngayon ay pareho na silang wala kaya sa tita at tito ko na lang ako nakatira. Sila ang nagturo sa akin sa pakikipaglaban, bata pa lang ako niyan.
"Wala na sila Lolo at Lola. Tanging sila Tita at Tito na lang ang nag-aalaga po sa akin. Tinuturing ko na rin po silang mga magulang ko. Kung hindi dahil sa kanila, wala ako sa posisyon ko ngayon. Wala rin po silang anak kaya sa akin nila ibinuhos ang pagmamahal bilang isang mga magulang. Pero wala na pong mas sasakit pa sa mawalan ng magulang. Kaya po ako narito, kahit na hindi maganda ang pagkakakilala ko sa inyo, ayoko pong mawala kayo nang hindi pa kayo lubusang nakikilala," disappointed na sabi ko.
Naramdaman ko na ang yakap ni Dad. Kahit na ganoon, Dad pa rin ang tawag ko sa kanya. Sinusustentuhan naman niya ako noon pero hindi siya nagpapakita. Ayaw sa akin ng kanyang mga magulang kaya hindi niya ako magawang dalawin, hanggang sa kinuha na ako nila Tita.
"Pasensya na talaga sa lahat ng mga pagkakamali ko, Minari. Sana ay mapatawad mo pa si Dad." Humigpit ang yakap niya sa akin. Ramdam ko na nagsisisi naman siya.
"Matagal ko na po kayong pinatawad. Kahit gusto ko pong magalit, hindi ko magawa. Ama ko pa rin po kayo at hindi iyon magbabago," saad ko.
"Iha, hangang-hanga ako sa sa katatagan mo. Pasensya na rin kung isa ako sa naging rason ng mga hinanakit mo noon. Sana ay mapatawad mo kami at bigyan ng pagkakataon na mahalin ka bilang anak namin," malambing na sabi ni Mrs. Young.
Nagulat ako sa kanya. All this time ay may mabuti rin naman pala siyang puso. Hindi ko akalain na mabilis niya akong matatanggap sa kanilang pamilya. Natakot akong lumapit kay Dad dahil sa kanya na mukhang masungit.
"Talaga po ba? Tanggap na po ninyo ako?" naluluhang tanong ko.
"Oo naman, Minari! Matagal ka na ring ikinukwento sa akin ng asawa ko. Alam niya ang nagyayari sa iyo. Hindi ka lang namin makuha sa takot na madamay ka sa gulo. Kahit ang anak namin ay hindi exposed. Hindi alam ng iba na may anak kami para makasiguro sa kaligtasan ni Minlei. Alam namin na mas magiging mabuti ang kapakanan mo sa mga tita at tito mo. Hindi lang namin alam na lumalaban din pala sila sa mga bampira," sagot ni Mrs. Young.
"Maraming salamat po, Mrs. Young! Ikinagagalak ko po na maging kaparte ng pamilya ninyo. Sana po ay maintindihan ninyo kung bakit ko kayo kailangan itago," saad ko.
"Naiintindihan namin ang plano mo. At tsaka Mom na rin ang itawag mo sa akin. Kung awkward para sa iyo, pwede rin namang tita. Kinakabahan lang ako para kay Minlei kapag nalaman niya ang balita. Hindi ba pwedeng kunin natin siya rito?" wika ni Tita. Masyado pa akong nahihiya para tawagin siyang Mom.
Naiiyak na naman ako sa tuwa. Kita ko na sincere siya sa kanyang mga sinasabi. Gusto ko rin talagang makasama si Dad para naman ay maramdaman ko ang pag-aalaga niya. Kahit malaki na ako, gusto ko pa rin maranasan ang pagmamahal ng totoo kong ama.
"Gusto ko pong makumpleto tayo kasama si Minlei. Kaso paano po ang pag-aaral niya? Alam po kasi ng iba ninyong kasamahan ang tungkol kay Minlei. Hindi po natin sigurado kung lahat talaga ay kakampi. Kaya lang po namin nalaman na may pagsabog na magaganap ay may nagsabi po sa amin na bampira. Hindi ko alam, pero may mabubuti rin po pala na mga bampira. Iyon po sana ang gusto kong ipaalam sa inyo," saad ko.
"May punto ka. Ayokong madamay ang aking anak sa gulong ito. Mas mabuti pa nga na hindi na muna malaman ni Minlei ang kasalukuyan natin ngayon," saad ni Tita.
"Hindi ko pa alam kung maniniwala ako na may mabuting mga bampira. Pero sana nga, para na rin hindi tayo mahirapan sa pagtugis sa mga low class vampires. Malalaman mo ba kung sino ang bampirang tumutulong sa iyo?" saad ni Dad.
Kung alam ko lang, baka sakaling mayroon na akong kaibigan na bampira. Siya lagi ang nagbibigay ng lead sa akin kaya hindi rin pumapalpak ang mga plano ko.
"May pakiusap lang ako sa iyo, Minari," mahinhin na sabi ni Tita. Napalunok pa siya ng kanyang laway, mukhang kabado pa rin na kausap ako. "Pwede mo bang bantayan si Minlei? Kung hindi man kami makalalabas para sa kaligtasan namin pati na rin niya, sa iyo ko na ipinapaubaya si Minlei. May tiwala ako sa iyo."
Masaya akong marinig na may tiwala siya sa akin. Isa pa, kahit naman na hindi niya sabihin iyan, gagawin ko pa rin. Kapatid ko pa rin si Minlei at mas bata siya sa akin. Alam kong mayroon siyang alam sa pakikipaglaban pero hindi sapat para akuin ang naiwang katungkulan ng kanyang mga magulang.
"Matagal ko na po kayong binabantayan. Gusto ko lang po talaga makita na ligtas kayo at malayo sa sakuna. Ipagpapatuloy ko po ang pagbabantay kay Minlei habang narito po kayo. Huwag po kayong mag-alala, sisiguraduhin ko po na sa bawat galaw niya ay ligtas siya," saad ko na nagbibigay assurance pa sa kanila.
Pinanood namin ngayon sa television ang balita tungkol sa pagsabog. Nagawan ko na rin ito ng paraan. Ipinababalita ko na patay na talaga ang mag-asawang Young para tigilan na sila ng mga bampira.
"Tiyak na ang scientists ninyo ang babalikan nila kapag naisip nila na wala na po talaga kayo," saad ko.
"Hindi nila makikita ang secret laboratory namin. Baka ikaw ay hindi pa rin iyon alam. Doon na nagtatago ang mga tauhan namin na tumutulong sa amin sa paggawa ng mga toxic bomb laban sa mga bampira at gamot para maibalik ang mga taong nagiging low class vampires sa dati," wika ni Dad.
"Hindi ko po akalain na marami po pala talaga kayong plano laban sa mga bampira. Pero sana po ay hinay-hinay lang tayo sa bomba kung sakaling may mabubuti nga pong uri nila," saad ko.
Hindi ko na mabago ang aking isipan na may mabubuti talagang mga bampira. Hindi ko pa nakikilala ang mga tumutulong sa amin. Ano kaya ang totoong pakay nila? Sana ay hindi nila kami traydurin sa huli.
"Hindi na matutuloy ang pagsasagawa nito. Ako lang ang nakaaalam ng mga susunod pang gagawin," malungkot na sabi ni Dad.
Kung pwede ko lang iyon ituloy, gagawin ko. Kaso natatakot ako na maraming madadamay, baka pati ang mga normal na tao.
"Gusto ko man pong ituloy ang nasimulan ninyo, baka lalo lang pong pumalpak dahil hindi ko alam kung paano po iyon nasimulan," saad ko.
"It's okay na hindi na iyan matuloy. Kung may mga mabubuting bampira, hindi naman siguro nila hahayaan na may mga nasasaktan na tao," wika ni Tita.