Minlei's POV
Napapansin ko na laging tulala si Ate Minari pagkatapos kong mawalan ng malay. Ilang araw na ang lumilipas pero ganoon pa rin siya. Nagugulat siya kapag bigla na lang akong sumusulpot sa tabi niya.
"Kailan kayo aalis? Hindi ba pwedeng mag-extend kayo?" tanong ko kay Ate Minari.
"Sila Mom at Dad mo ay mag-stay. Ako naman ay kailangang umalis para asikasuhin ang mga naiwan naming trabaho. Ako muna ang magtatrabaho para naman makasama mo sila," sagot niya sa akin, binigyan pa ako ng isang magandang ngiti.
Dapat ako ang gumagawa ng mga trabaho niya. Nakakahiya tuloy na siya pa ang responsable ngayon imbis na ako. Malaki pa rin ang pasasalamat ko sa kanya dahil hindi niya iniwan sila Mom at Dad.
"Maraming salamat ha? Ikaw pa itong nagtatrabaho para sa atin. Hindi mo alam kung gaano ka thankful ako na mayroon kaming isang katulad mo," malambing na sabi ko. Gusto ko lang siyang maging kalmado at huwag malungkot. "Kung may maitutulong man ako, sabihan mo ako. Pwede naman siguro akong magtrabaho kahit na narito ako."
"Pamilya ko pa rin kayo kaya hindi naman kayo naiiba. Matagal ko na rin kayong nakasama. Sana nga ay maging maayos na ang buhay natin at wala na ring nga bampira na susugod. Masarap magkaroon din ng tahimik na pamumuhay," saad niya.
Yumakap ako sa kanya at naramdaman ko ang pagkagulat niya. Hindi pa rin siya sanay na yumayakap ako sa kanya?
Maya-maya ay yumakap na rin siya sa akin. Kung ano man ang pinagdaraanan ni Ate Minari, sana ay malagpasan niya ito. Pakiramdam ko kasi may unfinished business siya sa akin o kung ano man ang nangyari sa nakaraan na hindi namin naayos.
"Ate Minari, mayroon ba tayong hindi pagkakaintindihan noon? Sabihin mo lang sa akin. Ayoko kasi na nagkakaganiyan ka. Pakiramdam ko ay medyo malayo ka sa akin. Handa akong makinig sa iyo kahit hindi ko maalala. At kung ano man iyon, mapag-uusapan naman natin. Kung may mali ako, makahihingi pa ako ng sorry sa iyo," panimula ko ulit ng bagong topic.
Nang kumalas ako sa yakap ay napansin ko na may butil ng mga luha sa kanyang mga mata. Malungkot siya at ramdam ko iyon bilang isang kapatid niya.
"Ako ang may kasalanan sa iyo, Minlei. Wala kang kasalanan sa akin. Lahat ng mga hinanakit mo sa akin ay naiintindihan ko. Tanggap ko ang galit mo noon sa ginawa ko. Hindi ko alam kung mapapatawad mo pa ako kapag bumalik na ang mga alaala mo," naiiyak na sabi niya.
Napakunot ang noo ko. Ako? Galit sa kanya dati? Bakit parang hindi ko naman kaya magaling nang sobra-sobra? Siguro kung tampo pa ay maiintindihan ko.
"Bakit naman ako magagalit sa iyo? Wala nga akong nararamdaman na kakaibang hinanakit o bitterness sa iyo ngayon. Baka kung ano man iyan, napatawad na kita o naintindihan ko na ang mga sinasabi mo noon," wika ko.
Umiling siya. Mas lalong bumuhos ang kanyang luha kaya nagpa-panic ako. Kinuha ko ang panyo ko sa bulsa at agad na ibinigay iyon sa kanya.
"Isa ako sa dahilan kung bakit ka napunta sa ganitong sitwasyon. Alam kong hindi mo noon matanggap na mayroon kang kapatid sa ama. Hindi iyon sinabi ng mga magulang mo kaya mas lalo kang nagalit sa amin. Isa pa, may nangyaring pagsabog noon. Sa takot ko na may masamang mangyari kila Dad, itinago ko sila. Pinalabas namin na patay na sila para hindi na sila habulin ng mga bampirang target sila. Dalawang taon mong inakala na patay na sila. Iyon ang pagkakamali ko. Nanaig ang galit sa puso mo dahil sa mga bampirang gumagawa ng mga krimen," kuwento ni Ate Minari.
Wala akong maintindihan. Nakikinig na lang ako sa kanyang kwento. Paano kaya ako napunta sa ganitong sitwasyon? Naiintindihan ko ang pagtago niya kila Mom at Dad, pero bakit kailangang ilihim sa akin?
"Bakit hindi sinabi sa akin na buhay sila? Hindi ninyo ako kinuha?" nagtatakang tanong ko.
"Iyon na nga. Gusto kitang kunin kaso masisira ang pag-aaral mo. Magka-college ka na rin kasi. At hindi alam ng mga tao at bampira na may anak ang mga magulang mo. Minabuti namin na itago ka na lang din. Nagpanggap ka rin na hindi sila ang mga magulang mo para makapaghiganti. Hindi namin akalain na ikaw ang magtutuloy ng mga nasimulan ng iyong mga magulang at iyon ang pagkakamali namin. Inaamin ko na malaki ang kasalanan ko sa iyo. Kung kinuha kita, hindi ka sana magkakaganito," sagot niya.
Sinubukan kong kapain ang aking sarili. Wala akong maramdaman na galit o ano. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Alam ko naman na purong pagmamahal at pagmamalasakit lang naman ang kanyang ginagawa para sa pamilya namin.
"Ate, naiintindihan ko ang mga sacrifices mo. Masaya ako na nailigtas mo sila Mom at Dad sa trahedyang nakaabang sa kanila. Kung ano man ang mga plano ko noon, wala na siguro iyon connect sa sinasabi mong kasalanan mo. Lahat ng mga choices at plans ko ay ako mismo ang gumawa at hindi naman iyon dahil sa inyo," pagpapaliwanag ko sa kanya para mawala na ang pagsisi niya sa sarili niya.
"Kapag bumalik ang mga alaala mo, maiintindihan mo na ang mga sinasabi ko sa iyo. Kung sakali man na bumalik ang galit mo sa akin, naiintindihan ko. Handa akong lumayo sa inyo para makahinga ka sa sakit ng nakaraan," naluluhang sabi niya.
"Ate Minari naman!" gulat na sabi ko sa kanya. "Hindi mo kailangang lumayo. Kung ano man ang nakaraan, nakaraan na iyon. Mag-look forward na lang tayo. Malalamlasan din natin ang mga problema natin. Gusto ko na buo ang pamilya natin. Mas malulungkot ako kapag nahiwalay ka pa sa amin. Ikaw na nga itong tumutulong sa pamilya natin, ikaw pa ang mawawala? Ayoko niyan."
Pareho na tuloy kaming umiiyak. Ganito pa kapag nag-o-open na sa isa't isa. Ayoko lang talaga siyang mawala.
Mahal ko si Ate Minari at talagang parang buong kapatid na ang turing ko sa kanya.
"Pasensya na talaga sa mga nagawa kong pagkakamali noon, Minlei. Masakit pa rin sa akin na ganito ang sitwasyon mo ngayon," mahinang sabi niya, sapat lang na marinig ko.
"Pinapatawad na kita kung ano man iyan. Puro ang puso mo kaya alam kong para sa ikabubuti lang namin ang hangad mo. Kung bumalik man ang alaala ko, hindi naman mabubura ang alaala ko sa pag-uusap natin ngayon. Nangangako ako na gagawin ko ang lahat para intindihin ang nakaraan at kahit anong mangyari, hindi tayo mabubuwag," pangako ko sa kanya.