Hemira III 1
Prologo III
* * *
Nakatagong katotohanan, nabuklat na lihim
Pagkatao at nakaraa'y kailangang tanggapin
Ngunit marami sa paligid, masama ang iniisip at tingin.
Kabutihan niya sa puso, kapayapaan lamang ang hinihiling
*
Mga kasamahan, anumang mangyari'y hindi siya iiwan
Bunga ng pagkakaibigang labis niyang pinangalagaan
Ngunit hindi ipinapakita, sikretong puso niyang luhaan
Patatahanin, mga luhang buburahin, para sa kaniya'y sila'y nariyan
*
Sa bagong misyon na nararapat gawin
Kapangyarihang taglay, kailangan muling buuin
Tanging paraa'y ang nagdungis, kailangang harapin
Kitilan ng buhay, kailangang paslangin
*
Mapagtatagumpayan kaya o sila'y mabibigo?
Naghihintay na sa kanila'y mas malaking dagok at gulo
Higit ang mga tatangis, maraming tilamsik ng dugo
Sa huli, lahat ay kailangang gawin nang kabutiha'y hindi gumuho
* * *
Hemira III 1 - Bahagi ng Nakaraan
~Hemira~
"Nana, nasaan po ba ang aking ama't ina? Bakit po hindi natin sila kasama? Iniwan po ba nila ako sa inyo dahil ayaw nila sa akin? Saka po, bakit tayo rito naninirahan sa liblib na kabundukang ito at hindi sa ibaba na maraming mga taong katulad natin at magagandang mga lugar?" sunod-sunod na tanong ko sa aking Nana Thelia. Nakasunod lamang ako sa kaniya habang naglalakad siya at nagdidilig ng mga halaman dito sa aming hardin kung saan pinagkahirapan naming magtanim nitong nakaraang linggo lamang.
Tumigil naman siya sa kaniyang ginagawa at humarap sa akin na may ngiti sa mga labi ngunit nababasa ko naman sa kaniyang mga mata na tila nag-aalala siya para sa akin. Yumukod siya nang kaunti upang mapantayan ang ako kahit papaano. "Apo, dito tayo nakatira sapagkat mas maganda ang lugar na ito kaysa sa ibaba. Makakapamuhay tayo nang tahimik dito at walang manggugulo sa atin. Tungkol naman sa iyong ama't ina. Hindi totoo na iniwan ka nila dahil nais nila."
Nausisa ako sa kaniyang tinuran. "Ano po ba talaga ang dahilan kung bakit hindi natin sila kasama?"
Napahinga siya nang malalim at inilapag muna sa lupa ang hawak niyang pandilig saka hinawakan ako sa aking ulo. "Apo, sa tingin ko ay ito na ang tamang panahon na sabihin ko sa iyo ang mga bagay na kailangan mong malaman. Sampung taon ka na kaya paniguradong nagsisimula nang maglaro sa isipan mo ang mga tanong na iyan ngunit sa tingin ko ay dati mo pa iyan nais itanong ngunit ngayon ka lamang nagkaroon ng lakas ng loob, tama ba?"
Tumango-tango naman ako.
Isang malalim na paghinga muli ang kaniyang napakawalan. "Apo, ang totoo ay hindi ka nila iniwan dahil nais nila. Ako ang may gawa kung bakit..." Tila nahihirapan siyang sabihin ang mga susunod na salita na kailangang lumabas mula sa kaniyang bibig. Napakuyom pa ang kaniyang isang kamao.
"Ikaw po ang may gawa ng ano?" tanong kong muli.
Umiling-iling siya na tila nahihirapan talagang sabihin sa akin ang totoo at inalis na ang kamay sa aking ulo. "Hindi... Kalimutan mo na ang aking sinabing iyon." Umiwas na siya ng tingin sa akin.
Nangunot ang aking noo. "Nana Thelia..." tawag ko sa kaniya na may pangungumbinsi upang isiwalat niya na ang katotohanan sa akin.
Matagal ko nang ninanais na makita o makilala man lamang ang aking mga magulang ngunit ni isang beses ay hindi ko pa sila nakikita miski ang mga anino nila.
Tumingin na muli siya sa aking mga matang puno ng pangungumbinsi. Ilang sandali na nakatingin siya sa akin nang ganoon nang muli na siyang magsalita. "Ang totoo ay wala na sila Hemira."
Unti-unting namilog ang aking mga mata at tila nagpaulit-ulit sa aking pandinig ang sinabi niyang iyon. Tila binagsakan din ako ng napakabigat na bagay na nagpayanig sa aking mundo. "P-po?" Hindi pa rin ako lubusang makapaniwala sa kaniyang sinabi.
Napatingin na lamang siya sa kaniyang paanan. "Wala na ang iyong mga magulang kaya ako na ang nag-aruga sa iyo simula iyong pagkasanggol. Dito na kita dinala upang malaki ka nang maayos hanggang sa ngayon."
Tumulo ang aking mga luha dahil sa aking nalaman. Hindi ko man kilala kung sino ang aking mga magulang o kahit hindi ko pa sila nasisilayan, napakasakit malaman na hinding-hindi ko na sila makikita pa kahit kailan.
"P-paano po sila nawalan ng buhay?" pilit na tanong ko pa rin kahit tila dinudurog na ang aking puso.
Bigla niya akong niyakap at hinaplos ang likod ng aking ulo nang masuyo. "Apo ko... Huwag mo nang alamin pa ang bagay na iyan dahil darating ang mas tamang panahon na malalaman mo rin iyan. Sa ngayon ay pagtyagaan mo muna na ako ang iyong kasama. Ako na iyong Nana Thelia. Huwag kang mag-alala sapagkat gagawin ko ang lahat upang maprotektahan ka. Hindi ko hahayaan mawalan ka ng buhay dahil may naghihintay sa iyong napakalaking kapalaran. Kailangang matupad iyon kahit na anong mangyari kaya isipin mo parati na lagi akong nagbabantay sa iyo kahit mawala man ako. Hinding-hindi kita iiwan kahit na anuman ang iyong danasin sa hinaharap."
Kahit na wala akong naintindihan sa ibig niyang sabihin ay napayakap ako pabalik sa kaniya at napaiyak nang husto. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin na alam kong hinding-hindi ko mahahanap sa ibang tao ngunit napakasakit talaga sa akin na mabatid na wala na pala talaga akong masisilayang ama't ina kahit kailan.
Humiwalay na siya ng yakap sa akin. "Naku, napaiyak ko pa tuloy ang aking apo." napatawa siya nang maikli dahil sa aking mukha na basang-basa ng luha kaya pinunasan niya iyon nang marahan gamit ang kaniyang hinlalaki. "Para hindi ka na umiyak, may ibibigay na lamang ako sa iyo."
Napasinghot-singhot naman ako at pinunasan ang aking pisngi gamit ang likod ng aking kamay. "Ano po iyon?"
Ngumiti lamang siya at umayos na ng tayo saka pumasok sa loob ng aming maliit na bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy. May mga halamang nakapulupot doon na nagmukhang disenyo kaya magandang tingnan ang aming bahay.
Ilang sandali lamang ay lumabas na siya at may hawak siyang telang puti na tila naglalaman ng isang bagay.
Nakatingin lamang ako sa kaniya at hindi pa rin naaalis ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Matagal ko na dapat itong ibinigay sa iyo ngunit ngayon ko lamang naalala. Ito ay pagmamay-ari ng iyong ama at ito lamang ang alaala na naiwan niya sa akin para sa iyo."
Iniabot niya sa akin iyon at kinuha ko iyon nang may pagkasabik dahil nalaman kong mula pala ito sa aking pumanaw na ama.
"Mag-iingat ka dahil baka masugatan ka niyan." babala niya.
Dahan-dahan at maingat ko namang binuklat ang puting telang iyon dahil sa kaniyang babala. Doon ko nakita ang isang punyal na hugis buwan na kinagatan ng bakunawa. (Crescent moon)
Kulay puti ang hawakan niyon na tila gawa sa sungay ng isang mabangis na nabubuhay. Bagong-bago naman ang matalim na bakal niyon na kumikislap sa tama ng sikat ng araw.
Tila kumabog ang aking buong pagkatao nang mahawakan ko iyon.
Natigilan ako nang ilang saglit habang nakatitig doon dahil tila pamilyar na pamilyar ako sa bagay na ito kahit hindi pa naman ako nakakahawak ng ganitong sandata.
"Malaki ang maitutulong niyan sa iyo sa hinaharap kaya huwag mong iwawala iyan apo," sabi ni Nana Thelia kaya ako'y napabalik sa aking sarili.
"O-opo..." sagot ko naman.
Ngumiti siyang muli at hinaplos ang aking buhok. "Ito ang lagi mong tatandaan Hemira. Ang kabutihan sa iyong puso ay huwag na huwag mong iwawaksi kahit anong mangyari. Sandata man iyang ibinigay ko sa iyo ay ang puti mo pa ring puso ang mas epektibong sandata sa lahat ng bagay na iyong mapagdadaanan. Isa pa'y ang tunay na lakas na nakatago sa iyo ay hindi mo buong magagamit kung nais mo lamang matalo ang iyong kalaban. Magagamit mo lamang iyon kapag ang pumupuno sa iyong isipan ay protektahan ang iyong mga minamahal. Huwag mong kalilimutan iyon apo."
Tumango-tango naman ako habang may ngiti na sa aking mga labi dahil sa hawak kong punyal na napakaganda ngunit isang malakas na hangin ang umihip sa akin kaya ako'y napapikit ng mga mata.
Nang mawala na iyon ay nagmulat na ako. Nangunot ang aking noo sa pagtataka nang nasa ibang lugar na ako ngayon. Wala na ako sa aming hardin bagkus ay nasa isang malawak na lupain ako na puno ng magagandang bulaklak at puno ngunit napansin ko na biglang nawala sa hawak kong punyal na kabibigay lamang sa akin ng aking Nana.
Hinanap ko iyon sa aking sarili ngunit ngayon naman ay napatingin ako sa aking mga braso at kamay. Tumingin pa ako sa aking katawan at hinawakan ang aking mukha. Malaki na ako. Hindi na ako isang paslit.
Naramdaman kong mayroong tumabi sa akin kaya napatingin ako sa kaniya.
"Nana Thelia..." tawag ko sa aking Nana na siyang tumabi sa akin.
Nakangiti siya nang mapagmahal at masuyo gaya noon sa akin. "Apo, tingnan mo iyon at kilalanin mo ang mga taong iyon." Itunuro niya ang nasa harapan namin kaya napatingin ako roon.
Nakita ko ang anim na tao at isang nabubuhay ang nakaupo roon sa damuhan hindi gaanong malayo sa amin.
"Heronio, bakit ba lagi mong nais na naririto sa labas ng ginawang palasyo para sa iyo? Hindi mo ba nagustuhan ang loob niyon?" tanong ng isang malaking tinig mula roon.
Mukhang ang nagsalita niyon ay ang isang nabubuhay na isang malaking leon.
"Kairos, hindi talaga sanay sa mga ganoong bagay si Heronio. Mas nais niya ang mga bagay na simple lamang at iyon ang dahilan kaya siya'y aking tinatangi," sabi ng binibini na mayroong magarang kasuotan at katabi ng lalaking nakasuot ng damit na tila sa hari. Mukhang ang lalaking iyon ay ang Heronio na kanilang binabanggit.
"Mukhang ganoon nga ang napansin ko kay haring Heronio, reyna Aglaia. Simple lamang siya at hindi mapagmataas kahit na siya'y isang hari na ngayon, hindi ba Evaro?" Isang lalaking nakapangmandirigma naman na nakatayo sa gilid nila ang nagsalita niyon na may ngiti sa mga labi at tumingin pa ito sa katabi nitong isa ring mandirigma upang makuha ang pagsang-ayon nito subalit tahimik lamang iyon.
Kahit na malayo sila ay napansin ko na sila'y magkamukhang dalawa.
"Tatanungin mo pa iyang si Evaro. Hindi ka naman niyan sasagutin, Eustis..." wika ng isa namang babae na katabi ng malaking leon na si Kairos. Kahit na nakaupo ay nakikita ko ang napakaganda niyang kasuotan na nagtataglay ng apat na kulay. Pula, puti, dilaw at asul.
"Batid ko iyon, Aricia ngunit nais ko lamang subukan kung magsasalita ba siya ngayon." patawa-tawang sabi ng mandirigmang palangiti na si Eustis.
Napangiti rin ang hari at ang reyna.
"Mahal na hari, ayos lamang ba talaga na kami'y kasama ninyo rito sa inyong pamamahinga ni reyna Aglaia? Baka kami'y nakaaabala lamang at isa pa'y hindi nararapat na tumabi sa inyo ang tulad kong isang abang Asas lamang," sabi naman ng isa namang lalaki na nakaupo katabi ng hari.
Napatingin naman ito sa kaniya. "Sofronio, kahit na ako na ang hari ay hindi magbabago ang katotohanang kayo ang mga taong pinahahalagahan ko. Hindi kayo iba sa akin at kung iba man kayo, hindi ko pa rin gagawing magmataas sa inyo dahil nagsimula lamang ako sa pagiging aba." nakangiti at sinserong wika naman ng hari.
"Tama talaga ang naging desisyon namin na isa ka na papuntahin sa pagkuha sa batong regnum dahil napakamapagkumbaba mo at puti ang iyong puso. Kung hindi ka lamang sana talaga sinubukang traydurin ni—"
"Aricia, huwag mo nang banggitin ang pangalang iyon. Kahit na hindi ko kilala ang kasama ni Heronio sa pagkuha ng bato ay nasusuklam ako sa taong iyon dahil sa pagbahid niya sa kalahati ng regnum," sabi ng leong si Kairos.
Inirapan lamang siya ni Aricia dahil sa pagsaway niya rito.
Nagpatuloy sila sa pag-uusap at mukhang masaya sila sa isa't isa habang ako'y nakatingin sa kanila. Napapangiti ako dahil umaabot sa akin ang kasiyahan na nasisilayan ko sa kanilang mga ngiti sa labi at kanilang mga mata.
"Nais mo bang malaman kung sino sila Hemira?" biglang tanong ng aking Nana sa akin.
Naagaw niya naman ang aking atensyon at ako'y napatingin sa kaniya. "Sino po ba sila?"
Hindi pa rin naaalis ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Ang haring si Heronio ang iyong ninuno. Siya ang napagbigyan ng regnum at pinakaunang nagtaglay niyon."
Nanlaki ang aking mga mata sa pagkabigla. "Ano po?! Ninuno ko po ang unang nagtaglay ng malakas na kapangyarihang iyon?!" labis na hindi ko makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
Tumango-tango naman siya. "Ang iba naman na kaniyang kasama ay ang mga ninuno ng lima iyong mga kasamahan. Ang isa nama'y nagbalik sa iyong panahon mula sa lumang panahong ito upang makasama kang muli at matulungan ka sa lahat ng pagsubok na kailangan mong harapin."
Labis pa rin akong nagtataka. "A-ano pong ibig ninyong sabihin?"
Lumawak naman ang kaniyang ngiti.
Hindi ko pa rin lubos na mapaniwalaan na nakikita ko ngayon ang aking ninuno na si haring Heronio kasama ang kaniyang mga kaibigan.
"Apo, patawarin mo sana ako sa pagsisinungaling ko sa iyo." Napatingin muli ako sa aking Nana at napansin ko na lumungkot ang kaniyang mga mata.
"Ano pong pagsisinungaling?"
Mas tumingkad ang lungkot sa kaniyang mga mata. "Nais na nais kong sabihin sa iyo ang katotohanan tungkol sa iyong mga magulang noong araw na itinanong mo iyon sa akin ngunit madadala ka lamang niyon sa panganib kaya nagsinungaling ako."
"Ano po ba ang katotohanan tungkol sa kanila Nana?" Nauusisa na ako sa kaniyang mga sasabihin.
Napahinga siya nang malalim. "Malapit na ang oras na mababatid mo iyon at kung bakit ako nagsinungaling sa iyo kaya sana'y mapatawad mo ako sa lahat-lahat ng nangyari at napagdaanan mo. Hindi ko nais na maranasan mo ang mga kalupitang iyon ngunit kinakailangan sapagkat iyon na ang nakatakda at nagawa mo namang malagpasan," sabi pa niya.
"Nana, ano ba ang iyong mga sinasabi? Wala akong maintindihan miski isa sa mga iyon." Sinubukan kong hawakan ang kaniyang kamay ngunit tumagos lamang ang hawak ko sa kaniya na tila isa lamang siyang hangin.
Napatingin ako sa kaniya na puno ng pagtataka dahil doon.
"Ang anim na kapalaran na konektado na sa iyo noon pa ay natagpuan mo na. Sila ang mga nabubuhay na tumulong na mabuo muli ang iyong tunay na pagkatao at sila rin ang dahilan kaya kinaya mo ang lahat. Alam kong matapang at matatag kang babae kaya batid kong malalagpasan mo rin ang mga darating pa at lahat nang magiging balakid sa iyo. Hindi pa tapos ngunit sa huli ay malaking kagalakan at kapayapaan ang matatamasa ng iyong puso kapalit ng mga paghihirap na iyong kinaya at tiniis. Hindi ka na rin mag-isa sa pagharap sa mga iyon dahil napakaraming mga nabubuhay ang nagmamahal sa iyo at handang tulungan ka sa lahat ng iyong mga suliraning kahaharapin."
Napapansin ko na lumalaki ang agwat ng layo niya sa akin. Tila dahan-dahan siyang tinatangay ng hangin palayo sa akin.
"Nana, ano ba talagang nangyayari?" Sinubukan kong ihakbang ang aking mga paa ngunit animo'y nakapako na ako ngayon sa aking kinatatayuan kaya hindi ko magawang makaalis.
Tiningnan ko siyang muli ngunit patuloy siyang dinadala ng hangin palayo sa akin.
"Nana!" sigaw ko dahil natatakot na ako na iwan niya ako. Ayokong iwan niya akong muli dahil sa kaniyang mga haplos lamang nakakalma at napapahinga ang pagod kong puso.
"Ngayon ay panahon na upang lisanin ko na ang iyong tabi. Kahit na hindi pa kita nais iwan ay kailangan na upang makapagpahinga na rin ako. Isa pa'y nariyan na siya na siyang bagong magbabantay sa iyo. Huwag kang malulungkot dahil kahit ako’y lumisan na nang tuluyan, tatandaan mo lamang parati na mahal na mahal kita… apo ko." Siya'y lumuluha at ganoon na rin ako dahil sa pamamaalam niya sa aking ito.
Unti-unting dumilim ang paligid hanggang sa nilamon na rin siya niyon.
"Nana!" sigaw ko ngunit tila ako lamang ang nakarinig sa hina niyon. Nais kong sumigaw ngunit wala ng tinig na lumalabas sa aking bibig.
Dumilim na nang tuluyan.
Ayoko ng dilim.
Ayoko sa kadiliman... dahil pakiramdam ko, hindi na ako makalalabas sa walang katapusang dilim na ito.
Hindi ko napigilang mapaluha dahil ako na naman mag-isa. Sa huli ay wala na muli akong mga makakasama.
"Hemira! Ipangako mong babalik ka!" narinig ko ang isang tinig kaya napatigil ako sa pagluha at napatingin sa paligid.
Kadiliman pa rin ang sumalubong sa aking paningin.
Ngunit ang tinig na iyon. Batid kong kay Kirion iyon.
Biglang nagkaroon ng liwanag at ang kalungkutang bumabalot sa akin kanina ay unti-unting nabawasan nang masilayan ko iyon. Tila pigura ng isang leon ang nabuo sa liwanag na iyon.
"Hemira, patawarin mo ako dahil hindi kita magawang magamot at makatulong sa iyo. Patawarin mo ako..." boses naman iyon ni Serafina at isang pigura naman ng binibining may mahabang kasuotan ang lumiwanag.
"Hemira... Batid kong hindi mo nais na saktan kami kaya naman tulungan mo ang iyong sarili na matakasan iyan..." Si Eugene naman iyon na nababakas ang pagluha sa tinig.
"Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa iyo kahit buhay ko pa ang maging kapalit." Tumulo ang aking mga luha nang marinig ko ang tinig na iyon ni Euvan.
Sabay na lumabas ang kanilang pigura sa liwanag at paikot ang pwesto nila sa akin.
"Hemira..." Natigilan ako nang makilala ko ang boses na iyon. Kay Aria iyon at lumabas din ang kaniyang pigura sa kabila ni Kirion. "Huwag mo akong iiwanan katulad ni Iromo. Napakahalaga mo sa akin kaya pakiusap... Bumalik ka…"
"Hemira! Labanan mo 'yan! Alam kong makakayanan mo 'yan dahil ikaw ang pinakamalakas na babaeng nakilala ko!" Sa pagkarinig kong iyon sa tinig ni Yohan ay kumabog nang malakas ang aking dibdib.
Hindi lamang liwanag ang naghugis sa kaniya kundi siya mismo ang aking nakita.
Nakangiti siya sa akin at mapagmahal ang kaniyang tingin.
Lumabas na rin ang tunay na mukha nila Aria sa liwanag at doon, unti-unti nang napapalitan ng kasiyahan ang lungkot at pagdurusa sa aking puso. Napangiti na rin ako habang lumuluha bunga ng labis na kagalakan dahil nakikita kong muli silang lahat.
Puro tinig na nila ang pumupuno sa aking isipan at bigla na lamang isang napakalakas na liwanag ang tumapat sa aking mga mata kaya ako'y napapikit.
Ilang sandali ang aking hinintay at nagmulat na akong muli.
Nasilayan ko ang isang kisame na kulay puti ang kulay.
Nakatulala lamang ako roon at hindi pa gumagana ang aking isipan. Napakurap-kurap ako saka bumangon na mula sa aking pagkakahiga. Inilibot ko ang aking paningi at nasa isa akong silid ngayon. May kagaraan ito at kulay lila ang kinahihigaan ko na mayroong napakagandang disenyo.
Ilang segundo muli akong napatulala muna bago ko mapagtanto na nagising ako mula sa isang mahabang panaginip.
Nasaan na ba ako ngayon?
Ipagpapatuloy…