Hemira III 2 - Kanilang Pangako
~Tagapagsalaysay~
"Nahahangal ka na ba Sueret?! Bakit mo isinigaw sa harap ng mga tagaTeban na si Hemira ang tunay na nagmamay-ari sa regnum? Ano ang iyong naging patunay at basehan sa kahangalan mong iyon?! Naroroon pa man din ang prinsesa at ang mahal na hari!" gitil na sigaw ni Remus kay Sueret. Nanlalaki pa ang mga butas ng ilong nito at namumula ang mukha sa labis na galit.
Nasa labas sila ng silid ng hari at kanina pa niya tinatalakan si Sueret dahil sa sinabi nito sa bayan ng Teban tungkol kay Hemira at sa regnum. Hindi nila kasama ang hari dahil inihatid muna nito si Ceres sa silid nito dahil paniguradong labis na nabigla ang prinsesa sa ibinunyag ni Sueret.
Seryoso lamang ang pinuno ng mga maheya. "Kung hindi mo lamang sana ako pinigilan sa Teban ay nasabi ko na ang mga detalye ng katotohanang aking natuklasan Remus. Isa pa'y ang bayang iyon ang nararapat na pinakamakaalam dahil iyon ang pinakanasalakay sa lahat ng bayan dito sa ating kaharian. Marami sa kanila ang nakasaksi sa ilang beses nang pagsalakay sa atin at kung malalaman lamang sana nila ang katotohanan sa kapangyarihang regnum ay hindi na nila ibubunton ang kanilang poot kay Hem—prinsesa Hemira."
Nanlaki naman ang mga mata ni Remus na tila luluwa na iyon sa hindi pagkapaniwala. "A-anong tawag mo kay Hemira? Prinsesa?!" Napatawa ito na tila nang-uuyam. "Tinakasan ka na talaga ng iyong bait sa iyong lubos na pagnanais na sa iyo mapunta ang pabor ng hari!"
Hindi naman nabago ang seryosong ekspresyon ni Sueret. "Batid mo sa ating dalawa kung sino ang pinakanagnanais na mabalingan ng atensyon ng hari."
Mas lalo namang puminta ang pagkapika sa mukha nito.
"Ginoo, mawalang galang na po ngunit maaari ko ba kayong makausap?" tanong ng isang babae kaya napatingin sila roon.
Ang binibining si Pamela iyon na kasama ni Sueret sa pagbalik nito sa palasyo at may hawak itong mansanas na puro kagat na.
"Sino ka naman upang basta-basta na lamang makisingit sa aming usapan?" masungit na tanong ni Remus dito.
Yumuko naman ito nang kaunti sa kaniya sabay kagat sa mansanas na hawak nito. Inangat na rin kaagad nito ang tingin. "Ako po shi Pamela at isha po akong tagapagbili ng pinakalumang mga libro sha kaharian." Ngumunguya pa ito at nagtatalsikan pa ang ilang piraso ng mansanas na nginunguya nito sa kaniya.
Naasiwa naman siya dahil doon at mayroon pang tumalsik sa kaniyang pisngi na maliit na piraso. Nandidiri niya namang pinitik paalis iyon sa kaniyang mukha. "Isa kang binibini ngunit hindi ba naituro sa iyo na huwag kang magsasalita na mayroong laman ang iyong bibig? Mukha ka pa namang galing sa isang mataas na pamilya!" sermon niya rito.
Patuloy lamang ito sa pagkain sa prutas na hawak nito na tila walang narinig.
Binalingan siyang muli ni Sueret. "Sa kaniya ko nakuha ang katapusang pahina ng kwentong ‘Alamat ng Regnum’ at iyon ang naging basehan ko upang sabihin sa bayan ng Teban na si Hemira ang tunay na nagmamay-ari ng kapangyarihang iyon," wika nito at ipinakita pa sa kaniya ang papel na hawak.
Nangunot naman ang kaniyang noo at kukunin na sana iyon mula rito ngunit narinig nila ang isang papalapit na yabag. Napatingin silang tatlo sa pinanggagalingan niyon at nasilayan nila ang paparating na si haring Herman.
Agad naman silang napayuko miski na si Pamela.
"Magusap-usap tayo sa loob," anito na seryosong-seryoso ang tinig.
Pinagbuksan naman ito ni Sueret ng pinto at pumasok na ito sa silid.
Nagsisimula nang pumintig ang puso ni Remus sa kaba at pumasok na rin siya ngunit si Sueret nama'y walang mababakas na kahit anong emosyon sa mukha. Pumasok na rin ito kasunod si Pamela na hindi pa rin tumitigil sa pagkain.
~Tagapagsalaysay~
(Pagpapatuloy sa Alamat ng Regnum sa pagsasalaysay ng totoong pangyayari)
Naglaban na pareho ang matalik na magkaibigan upang mabawi sa isa't isa ang tigkalahati ng batong regnum na kanilang hawak.
Ang isa'y upang protektahan iyon at ang isa nama'y para makamit iyon nang buo at gamitin sa pansariling nais. Nagawang matalo ng mabuti ang masama at tinutukan nito ng sa leeg ang huli.
Ang talim ng tingin ng masama sa kaniya ngunit maawtoridad na inutos niya rito na ibalik sa kaniya ang kalahati ng bato. Hindi naman nito sinunod iyon kaya naman siya na ang humablot sa kamay nito ng kalahati ng batong regnum na binahiran nito ng kasamaan. Handa niya na itong paslangin ngunit hindi niya nagawang maitarak sa katawan nito ang kaniyang espada dahil sa awa at mga alaala ng kanilang pagkakaibigan na isa sa kaniyang kayamanan.
Sa lambot ng kaniyang puso ay pinatakas niya na lamang ito kahit na batid niya na hindi dapat iyon ang kaniyang gawin.
Bago ito umalis ay may huli itong sinabi sa kaniya na tumatak sa kaniyang isipan. "Hinding-hindi ako titigil hangga't hindi napapasaakin ang kapangyarihang iyan Heronio! Sumama ako rito sa pagnanais lamang niyan kaya hindi ako makapapayag na ikaw ang magkakamit ng Regnum! Ako ang maghahari sa mundong ito at kahit abutin pa ako ng napakaraming taon ay hinding-hindi ako titigil sa paghahangad na mabawi iyan mula sa iyo!" Nababakas ang matinding galit sa mga mata nito na nakatingin sa kaniya.
Umalis na ito at kasabay niyon ang pagkabasag ng kaniyang puso. Hindi niya labis na inakala na hahantong sa ganito ang kanilang pagkakaibigan.
Napaluha na lamang siya at napakabigat ng kaniyang damdamin.
Tiningnan niya ang hating batong kaniyang hawak. Lalo siyang napaluha. Habang lumuluha ay sinubukan niyang buuin iyon. Nagtagumpay naman siya ngunit kalahati niyon ay puti at ang kalahati pang isa ay itim na.
Unti-unti iyong lumiwanag sa hawak niya hanggang sa dahan-dahang naging makikintab na abo na pumaikot sa kaniya saka pumasok sa kaniyang dibdib. Doon niya na nakamit ang kapangyarihan ng regnum ngunit bigla na lamang siyang nawalan ng lakas at napahandusay sa lupa. Nang mawawalan na siya ng malay ay pinilit niyang humingi ng tulong at isang nabubuhay ang lumapit sa kaniya.
Isang napakalaking Nemean iyon.
Umupo iyon sa kaniyang harapan at pinagmasdan siya. "Nahimbing lamang ako sa pagtulog ngunit mayroon na kaagad nakapuslit at nakakuha ng batong aking pinangangalagaan. Kung ako'y gising lamang ng mga panahong nasa paanan pa lamang kayo ng kabundukang ito'y roon pa lamang ay hindi na kayo nakaapak. Ngunit ngayong nasa katawan mo na ang kapangyarihang iyan, ikaw na ang aking babantayan lalo na at mayroong hindi magandang nangyari diyan."
Doon ay tuluyan na siyang nawalan ng ulirat.
Nang magising na siya ay nasa tahanan niya na siyang muli at isang magandang binibini ang bumungad sa kaniya na siyang dumulot sa kaniya habang siya’y walang malay. Binibining tinatawag niya sa pangalang Aglaia na kaniyang kasintahan. Lubos ang pagkatuwa nito kaniyang paggising at sa ligtas niyang pagbabalik at ganoon din siya dahil inakala niyang hindi na sila magkikitang muli.
Nang mabalitaan na nang matatalik niyang kaibigan ang kaniyang paggising ay binisita na siya ng mga ito sa kaniyang tahanan.
Ang pinakaunang dumating ay ang Fae ng apat na elemento na si Aricia na nakilala niya dahil dito siya humingi ng tulong kung paano mahahanap ang regnum. Noong una ay hindi pa nito nais ituro iyon sa kaniya dahil sa masungit nitong pag-uugali ngunit hindi siya tumigil sa pakikiusap dito hanggang ito na lamang ang sumuko sa kaniya at sabihin na kung saang lugar matatagpuan ang regnum. Naging matalik pa nga silang magkaibigan dahil doon.
Sumunod naman ay ang Asas na si Sofron. Magkababata sila nito at matalik na kaibigan niya pa rin ito hanggang ngayon.
Dalawang mandirigma naman ang humahangos ding dumating at hindi niya kilala ang mga iyon ngunit napansin niya na kambal ang mga ito.
Binanggit naman sa kaniya ni Aglaia na ang kambal ay nakakuha ng inspirasyon sa kaniya dahil sa kaniyang ginawang sakripisyo para sa kanilang bayan. Nagpahusay pa ang mga ito ng sarili sa pakikipaglaban upang suportahan siya sa pamumuno sa kanilang bayan. Bilang hari.
Sa pagkakarinig ng salitang hari ay labis ang naging kaniyang pagtanggi sa titulong nais ibigay ng mga ito sa kaniya at doon naman dumating ang isang napakalaking leon.
Hindi niya naman lubos na inaasahan na isang mabangis na nabubuhay ang bigla na lamang susulpot sa kaniyang tahanan.
Nagpakilala ito sa pangalang Kairos at tagapagbantay ng batong regnum na napunta sa kaniyang katawan. Dahil sa tinig nito ay nakilala niyang ito ang Nemean na huli niyang nakita bago siya mawalan ng ulirat sa tuktok ng kabundukan.
Binaggit na nito sa kaniya na dahil nasa kaniya na ang regnum, nararapat na tanghalin na siyang hari at tanggapin ang napakalaking responsibilidad sa pagtataglay ng kapangyarihang kaniyang nakamit.
Ipinaliwanag nito na malaki ang makakamtan niyang magagandang bagay dahil sa kapangyarihang iyon ngunit napakalaki rin ng magiging pabigat niyon sa kaniya lalo na at nabahiran ng kasamaan ang kalahati niyon na hindi niya na matatanggihan dahil nasa kaniyang katawan na regnum.
Natapos ang kanilang naging usapan na walang pumasok sa kaniyang isipan dahil sa labis na pagkabigla ngunit simula niyon, itinanghal na nga siyang hari ng bayang iyon.
Lumaon ay nagtulung-tulong ang mga tao na gumawa ng palasyo para sa kaniya.
Nang dahil sa batong iyon, tinawag na ring kaharian ng Gemuria ang napakalawak na lugar na iyon na nangangahulugang "Kabutihan".
Si Kairos naman ang nagbigay ng pangalan sa hating regnum. Ang puting parte ay tinawag nitong Yang at ang nabahiran naman ng kasamaan ay ang Yin. Tahimik lamang siya nitong ginagabayan at dahil sa sinsero niyang kabutihan ay unti-unti nang naging malapit ang loob nito sa kaniya at sa iba pa niyang mga kaibigan.
Lagi silang magkakasama at dahil sa mabangis na itsura ni Kairos ay kinatatakutan ito ng marami sa mga tao sa kaharian. Dahil doon ay hindi nito naiwasang mahiling sa sarili na maging maliit na lamang ang kaniyang katawan.
Lumipas ang napakaraming mga taon at naging napakaunlad na ng Gemuria. Nabiyayaan na rin sila Heronio at ang kaniyang reynang si Aglaia ng isang prinsipe subalit dumating ang isang araw na nilugmok siya ng isang matinding karamdaman.
Karamdaman na sabi ni Kairos ay bunga ng kapangyarihang regnum. Hindi na kaya ng katawan ni Heronio ang kapangyarihang iyon dahil sa may bahid ng kasamaan ang kalahati niyon. Ang Yin.
Naging napakalungkot ng kaharian dahil sa nangyari sa kaniya. Bawat araw na lumilipas ay pahina na nang pahina ang kaniyang pangangatawan at isang araw, ipinatawag niya ang anim na matatalik niyang mga kaibigan dahil nararamdaman niyang malapit na ang kaniyang katapusan. Naroroon din ang kaniyang prinsipe na apat na taong gulang pa lamang.
Batid na rin ng mga ito na iyon ang dahilan kaya niya ipinatawag ang mga ito.
Nagkaroon ng mga pagtangis lalo na ang reyna na labis niyang minamahal at labis na nagmamahal sa kaniya. Pati ang prinsipe ay nakayap sa kaniya at ayaw nang bumitaw.
Kaniyang winika, "Napakalaking pasasalamat ko dahil nakilala ko kayo... Kayo na napakabubuting mga nabubuhay at hindi ako iniwan mula simula hanggang sa ngayon."
Humingi pa siya ng kapatawaran sa mga ito dahil mamamaalam na siya.
Labis naman ang naging pagtangis ng kaniyang mga kaibigan lalo na ng kaniyang pamilya.
Doon ay nahiling din ng Asas na si Sofronio na kung ito’y may kaalaman lamang sa panggagamot ay natulungan sana siya nitong mapagaling. Siya na matalik nitong kaibigan.
Nanghihina na talaga siya at doon ay naitanong niya na kay Kairos na kung maipapasa niya sa kaniyang prinsipe ang kapangyarihang regnum ay ganito rin ba ang sasapitin nito.
Sinagot naman ito ng Nemean na ang pagpapalakas sa katawan ng prinsipe ang kailangang gawin upang matagalan nito ang regnum at kailangan din kaagad nitong magkaroon ng supling. Supling na maituturing na kanilang ikatlong henerasyon. Sa pagtungtong ng apo niyang iyon sa edad na ikadalawangpu ay maipapasa na ng prinsipe rito ang kapangyarihan.
Dinagdag pa nito na kailangang mapaslang ng kung sinuman mula sa kanilang henerasyon na nagtataglay ng regnum ang nagbahid ng kasamaan doon upang tuluyan nang mabura ang pagkaitim na nasa bato na nanggaling sa puso ng taong nagbahid doon. Hangga't nabubuhay ang taong iyon ay hinding-hindi maibabalik sa dati ang regnum.
Naisip niya na ang pagpaslang lamang pala sa kaniyang matalik na kaibigan na nangtraydor sa kaniya ang solusyon upang hindi na maranasan ng mga susunod na magmamana sa regnum ang kaniyang sinapit.
Napapikit na lamang siya nang mariin. Kahit na nalaman niya iyon ay hindi niya pa rin kayang paslangin ang kaniyang dating kaibigang iyon.
Ipinaliwanag din ni Kairos na habang hindi pa napapaslang ang taong iyon ay mayroong kailangang ipanganak sa kaniyang lahi na sasalo ng lahat ng paghihirap at pagdurusa na bunga ng Yin(Shade) upang mapalakas ang pagkatao nito at magkaroon ng espasyo ang Yin pati na ang Yang sa katawan nito.
Nabagabag naman si Heronio at Aglaia na mayroong magdurusa sa kanilang lahi.
Nabanggit din nito na hindi maaaring mamatay ang kahit ano sa kalahati ng batong iyon. Ibig sabihin ay hindi purong kabutihan o purong kasamaan ang dapat na bumalot sa puso ng taong nagtataglay roon. Kailangan ay balanse upang mapanatili niyang aktibo ang Yin at Yang nang magkaroon pa ng pagkakataon na mabuo iyon at maibalik sa normal na ayos. Doon nito matatamasa ang tunay na kapayapaan sa puso nito.
Naluha muli si Heronio dahil nabatid niyang mayroon siyang kadugong sasalo ng isang bagay na hindi niya nagawang matapos. Natatakot na siya sa isipin na maaaring iyon ang anak ng kaniyang prinsipe o ang anak pa niyon o kaya naman ay ang susunod.
Hindi na siya mapalagay at lalo siyang nakaramdam ng pagod na siyang mas nagpahina sa kaniyang katawan.
Bigla namang naglabas ng papel si Aricia at nagwika, "Huwag kang mag-alala, haring Heronio. Ipinapangako ko na kung papanaw man ako at mawalan ng alaala ay mananatili pa rin sa aking puso ang kagustuhan na maging kasangga ng iyong kadugong makararanas ng pagdurusa.” Kinuha nito ang espada sa baywang ni Eustis saka hiniwaan ang palad nito simbolo ng isang pangako. Pinatulo nito ang dugo nito sa papel na iyon.
Kahit na hindi na namin siya maabutan ay hindi pa rin namin hahayaan na may mangyaring masama sa kaniya at ipauubaya namin siya sa aming mga kadugo sa hinaharap."
Lumapit din doon sila Sofron, Eustis at Evaro at nangako na ang kanila ring magiging susunod na henerasyon ay tutulong at poprotektahan kaniyang kadugo na sasalo ng paghihirap upang matulungan itong malagpasan iyon. Hiniwaan din nila ang kanilang mga palad at pinatulo ang kanilang dugo roon sa papel.
Kahit si Aglaia ay ginawa rin iyon.
Si Kairos din ay nagwika, "Ang maipapangako ko sa iyo Heronio ay magbabalik ako. Mawalan man din ako ng alaala tungkol sa inyo, sasamahan at babantayan ko ang iyong kadugo sa lahat ng mga suliranin na dala ng Yin sa kaniya. Magiging kaagapay niya ako kahit anong mangyari at magiging tapat at pirmi akong kaibigan sa kaniya." Kinalmot nito ang sariling braso at isinahod ni Sofronio ang papel sa pumapatak niyang mga dugo.
Ngumiti naman siya sa abot ng kaniyang makakaya at lubos na nagpasalamat sa mga ito. Doon ay napahiling siya na sana’y sa hinaharap, muling maging konektado ang kanilang mga kapalaran. Kahit na nanghihina ay inangat niya ang kaniyang kamay upang ipahiwa kay Aglaia ang kaniyang daliri.
Naiiyak naman nito iyong hiniwaan nang kaunti gamit ang espada ni Eustis at ipinatak sa papel.
Nararamdaman na nilang lahat ang pahina nang pahina na niyang prisensya kaya hindi na napigilan ng mga ito ang pagtangis muli
Ngumunguynguy na ang kanilang prinsipe na kanina pa labis na lumuluha.
Isang ngiti muli ang gumuhit sa kaniyang labi at winika sa huling pagkakataon kung gaano niya kamahal ang mga ito.
Sa oras na iyon, napakawalan niya na ang kaniyang huling hininga.
Ipagpapatuloy…