Hemira III 3

3415 Words
Hemira III 3 - Rebelasyon ~Tagapagsalaysay~ Nang matapos basahin ni Sueret ang laman ng papel na hawak niya ay namayani ang katahimikan sa kanilang apat. Tanging ang matunog na pagnguya lamang ng mansanas ng hindi natinag na si Pamela ang maririnig sa loob ng silid kung nasaan sila. “Kung ganoon ay totoo ang sinabi sa akin ng aking ama na ang buong regnum ang naipapasa sa aming lahi at hindi lamang ang kalahati niyon na Yang?” ngunot ang noong tanong ni Herman kina Sueret. “Ganoon na nga po, kamahalan. Ang katapusan na ng kwento ang nagsaad niyon na ang pagmamay-ari ninyong mga Primum ay ang buong regnum,” ani Sueret na walang mababakas na emosyon sa mukha. Idinuro naman ni Remus ang papel na hawak niya. “Ngunit iyan ba talaga ang huling pahina ng librong iyon? Baka naman hindi tunay iyan at kung saan-saan mo lamang nakuha iyan,” wika nito na may pagdududa. Nagtaas naman ng kamay si Pamela kaya naagaw nito ang atensyon ni Remus pati na ni Herman. “Ako po ang makapagpapatunay na ang pahinang iyan ay bahagi ng librong iyon sapagkat ako ang nagmana ng aming taberna ng mga libro kung saan natagpuan iyan ni Ginoong Sueret.” Napataas ang isang kilay sa kanya ni Remus. “Anong pagpapatunay naman ang iyong sinasabi?” Ibinaba na niya ang kanyang kamay. “Ang mga libro po sa aming taberna ay pagkaluluma na at talaga namang pinagkaingatan ng aming lahi upang umabot sa henerasyong ito. Iyon po ang aming pinagkakakitaan at higit pa ay minamahal namin ang mga librong may historya at nakaraan. Halimbawa na ang pahinang iyan. Napakalaking katotohanan pala ang nasasaad diyan kaya naman lubos kong ipinagmamalaki ang aming lahi na pinanatiling nabubuhay ang pahinang iyan hanggang ngayon na mukhang malaking tulong ang naibigay sa inyo.” “Naniniwala ako sa iyo, binibini,” sabi ni Herman kaya napabaling naman sa kanya ang tingin ng tatlo. “Ngunit ang labis kong ipinagtataka ay bakit na kay Hemira ang kapangyarihan ng regnum ganoong si Ceres naman ang aking anak. Isa pa'y nasaksihan natin kung paano lumabas mula kay Ceres ang dragon ng Yang kaya paanong nagkaganoon?” Napahawak pa siya sa kanyang baba at labis na napaisip. Halata namang hindi nagustuhan ni Remus na napapaisip siya nang ganoon. “Mahal na hari, baka naman po isang alamat lamang talaga ang kwentong iyan at walang katotohanan. Posibleng ang una nating nabuong mga pangyayari na si Hemira ang nakakamit sa kanyang henerasyon ng Yin at si prinsesa Ceres naman sa inyong henerasyon ng Yang ang totoo. Masyado nang malayo sa katotohanan ang lahat kapag inisip nating na kay Hemira talaga ang buong regnum. Hindi na kapani-paniwala iyon.” Labis na pagtutol ang mahihimig sa tinig nito. Tila natigilan naman si Herman at nanlaki ang mga matang napatingin kay Sueret. Nangunot naman ang noo nito dahil sa bigla na lamang niyang pagkakaganoon. “Bakit po, haring Herman?” tanong ni Sueret sa kanya. “Ngayon na naalala ko, noong lumabas kay Ceres ang dragon ng Yang, naroroon si Hemira at nasa iisang pwesto lamang sila. Hindi kaya...” Hindi na nito tinuloy ang sasabihin at nanlalaki pa rin ang mga mata. “Huwag mong sabihin kamahalan na iniisip mo talagang kay Hemira nagmula ang dragong iyon imbis na sa iyong prinsesa.” hindi napigilang komento ni Remus. Biglang mayroong kumatok kaya sabay-sabay silang napabaling ng tingin sa may malaking pintuan. “Mahal na hari, isa po akong tagapagsilbi ng ating kaharian at nalaman ko pong naririto sa inyong silid si Ginoong Sueret. May napakahalagang bagay po akong nais sabihin sa kanya kaya po ako naglakas loob na kumatok sa inyong pintuan.” magalang na wika ng isang lalaki mula sa labas niyon. “Pumasok ka,” ani Herman at doon ay nagbukas ang pinto. Pumasok doon ang isang lalaking tagapagsilbi na hindi pa masyadong maedad at yukong-yukong lumapit sa kanila. Tumikluhod kaagad ito. “Ano ang iyong sasabihin kay Sueret?” tanong ni Herman dito. “Mayroon pong ipinag-utos sa akin ang Ginoo na dapat kong hanapin dito sa palasyo. Iyon ang libro ng Alamat ng Regnum. Ikinalulungkot ko pong sabihin na hindi ko po natagpuan iyon,” anito na may mapagpaumanhing tinig. “Ayos lamang sapagkat natagpuan ko na iyon,” wika naman ni Sueret. “Ikinagagalak ko na nahanap n'yo na iyon Ginoo ngunit mayroon po akong mga bagay na natagpuan na sa aking tingin ay nararapat kong ipagbigay alam sa inyo miski na rin sa kamahalan,” sabi pa nito at inilabas mula sa lagan na nasa gilid ng bewang nito ang tatlong bagay. Isang punyal na hugis pakurba ang hugis, isang sobre na tila naglalaman ng sulat at isang maliit na bilog na walang kulay. Halatang isang lumang alaala na iyon. “Ano naman ang mga iyan upang mangahas kang abalahin ang napakahalagang usapan namin?” masungit na tanong ni Remus dito. “Ipagpaumanhin ninyo ngunit mayroon pong nagtutulak sa akin na ipakita ko sa inyo ang mga bagay na ito,” anito na lalong yumuko. Lumapit dito si Herman at kinuha ang punyal na ipinapakita nito. Nangunot ang noo niya habang pinagmamasdan iyon. “Tila pamilyar sa akin ang punyal na ito ngunit wala naman akong natatandaan na nakita ko na ito noon.” “Kilala ko kung kanino ang punyal na iyan, haring Herman.” Napatingin sila kay Sueret sa winika nito. “Kay Hemira iyan at sa sa aking naaalala ay nakita kong nililinisan niya iyang mabuti noong nasa may gilid siya ng palasyo kung saan matatagpuan ang puno ng Abidos. Mukhang madalas siya roon upang magpahinga. Napadaan lamang ako roon noon para sana'y magmuni-muni at doon ko iyon nasaksihan.” Napataas na naman ang isang kilay ni Remus. “Tsk. Paano naging napakahalaga ng bagay na iyan ganoong sa babaeng iyon lamang naman pala iyan?” Humalukipkip pa ito. Ibinigay ni Herman kay Sueret ang punyal at kinuha naman nito ang sobre. Tiningnan nito iyon at may nakasulat sa likod niyon. [Sa hari at reyna ng Gemuria. Mula sa isang manghuhula, Thelia] Binuksan nito iyon at lahat sila'y naghihintay sa laman niyon. “Ginoo, ayos lamang ba na naririto ako?” mahinang bulong ni Pamela sa katabi nitong si Sueret. Tumango naman ito. Mula sa sobre na iyon ay nakakuha si Herman ng isang papel. Binuklat nito iyon at isang napakahabang papel niyon. [Mahal na haring Herman at reyna Devora, Ako po si Thelia at isa akong manghuhula. Nasasaad sa sulat na ito ang isang napakalaking pangyayari na naglalaman sa ng isang katotohanan na batid kong hindi agad matatanggap ng inyong mga isipan. Sana, sa huli ng sulat na ito'y maintindihan ninyo na kabutihan lamang ng lahat ang aking ninanais. Sisimulan ko ito mula sa aking sarili. Napakatagal kong naging manghuhula at dumating ako sa puntong ayoko nang tingnan ang aking bolang kristal dahil ang tanging mga sinasabi lamang niyon at ipinapakita ay mga trahedya sa hinaharap. Ang aking buong pamilya ay nakita kong mapapaslang ng mga mostro at ganoon nga ang nangyari. Wala akong nagawa upang pigilan iyon at tanging sarili ko lamang ang aking nailigtas kaya naman ipinangako ko na sa aking sarili na hinding-hindi ko na titingnan muli iyon... Ngunit dumating ang isang araw, bigla na lamang nahulog iyon mula sa lamesang pinaglalagyan niyon kaya tiningnan ko ang kristal. Nagtaka ako sapagkat wala namang nakadanggil niyon. Nang mahawakan ko ang bolang kristal upang sana'y ibalik sa kinalalagyan ay nakita ko ang isang pangyayari. Isa na namang trahedya na hinding-hindi ko nanaising makita. Trahedyang magpapaguho sa kabutihan na tinataglay ng mundo. Isang lalaking nakaitim na talukbong at isang babaeng nakapula ang gagawa niyon sa pagpaslang sa isang prinsesa. Prinsesang nagtataglay ng isang napakalakas na kapangyarihan na hindi pa tuluyang nagigising mula sa katawan nito kaya naman wala pa itong kalaban-laban. Sa huli ay napaslang ito at sinakop na ng kasamaan ang ating mundo. Labis na hindi ako makapaniwala sa pangitaing iyon. Hindi lamang ito isang maliit na bagay kundi napakalaki. Ang ating mundo na ang manganganib. Lumipas ang ilang araw na hindi ako pinatulog ng bagay na iyon. Labis kong pinagsisihan na nakita ko pa ang pangitaing iyon. Hiniling ko na sana ay hinayaan ko na lamang sa sahig ang aking bolang kristal upang hindi ko na nabatid ang trahedyang sasapitin ng ating mundo. Sa pagkagulo ng aking isipan ay naisipan kong maglakad-lakad upang pilit na alisin sa aking isip ang aking mga nalaman ngunit hindi ko namalayan na nakarating na ako sa isang masukal na kagubatan sa lalim ng aking iniisip. Doon ko narinig ang malakas na pag-iyak ng isang sanggol. Agad kong hinanap ang pinanggalingan niyon at nakita ko ang isang mangkukulam at limang mababangis na mostro na nagkukumpol. Isang sanggol ang aking nakitang nakalagay sa kahoy na lalagyan na hawak ng mangkukulam na iyon. Takam na takam ito sa walang muwang at narinig ko na nakuha ng mga ito ang sanggol sa nasalakay na tribo ng Agneta sa kontinente ng Zephyrus. Nabanggit din nito na ang walang muwang ay isa pa lamang Ciro. Wala pang mahikang nananalaytay sa katawan nito at isa pa lamang normal na tao. Dahil hindi ko kayang makitang kainin ng mangkukulam ang sanggol na iyon, agad kong ginamitan ng malakas na mahikang aking nalalaman ang mga mostro na iyon. Nagawa ko silang mapaslang dahil hindi sila naging handa sa aking sorpresang atake. Nailigtas ko ang sanggol mula sa kanila at mukhang kasisilang pa lamang nito. Isa rin itong babae at nang mahawakan ko na ay isang pangitain ang lumabas sa aking isipan. Nakita ko ang aking sarili na hawak ang sanggol na ito. Papasok ako sa isang napakalaking palasyo at doon na nagkasunod-sunod ang mga pangyayari. Na ang sanggol na ito ay nakasuot ng isang magarang damit at mabibihag ng isang babaeng nakapula. Naging mabilis ang lahat ng aking mga nakitang pangitain na sa tingin ko ay magiging solusyon upang mapigilan ang trahedyang nagbabadya sa mundo. Hindi ako labis makapaniwala na napakalaki ng aking magiging bahagi sa bagay na iyon ngunit nagkaroon ako ng determinasyon na gawin iyon upang makabawi sa aking pamilya na hindi ko nagawang mailigtas. At isa pa, ang buong mundo na ang nakasalalay sa aking magiging desisyon kaya hindi ako magiging maramot sa aking tulong. Sinimulan ko na iyon gaya ng mga pangitaing nakita ko sa aking isipan. Pumunta ako sa kaharian kung saan magaganap ang napakaraming mga digmaan sa hinaharap. Sa Gemuria at dala ko ang sanggol na aking nailigtas mula sa masukal na kagubatan. Nalaman ko na manganganak na ang reyna niyon na si reyna Devora kaya nagkakagulo ang mga tao sa loob ng palasyo. Nang makita ko ang paparating na magpapaanak sa reyna ay ginamitan ko siya ng aking mahika upang makatulog at dinala ko siya sa isang liblib na lugar na walang makakakita sa kanya. Isinuot ko ang kanyang kasuotan na magpapabatid sa mga makakakita sa akin na ako ang magpapaanak sa reyna at kinuha ang kanyang mga dalang gamit. Pinatungan ko ng tela ang nahihimbing na sanggol na aking dala upang hindi siya makita ng mga kawal na nasa pintuan ng palasyo. Nagmadali akong pumasok at nang titingnan pa sana nila ang aking mga dala ay isang tagapagsilbi ang nagmamadaling nagpapasok na sa akin kaya hindi na natingnan iyon ng kawal. Sa silid agad ako ng reyna nagpunta at manganganak na siya. Mabuti na lamang at mayroon akong alam sa pagpapaanak dahil nagpapaanak din ako ng mga buntis sa aming bayan bukod sa aking panghuhula. Mabilis ko siyang napaanak at isang sanggol na babae ang kanyang isinilang. Hindi iyon umiyak kaya akala ko'y isa iyong pipi. Labis akong nag-alala. Dahil sa nais na iyong makita ni reyna Devora ay nilinisan ko na iyon saka ibinalot sa telang malinis. Ibinigay ko na iyon sa kanya at doon lamang iyon umiyak kaya nakahinga ako nang maluwag. Napakasaya niya sa kanyang isinilang na sanggol at naluluha ako sapagkat gagawin ko ang isang bagay na batid kong babasag sa kanyang puso sa hinaharap. Ilang minuto ko siyang hinayaang makasama ang kanyang prinsesa ngunit dahil alam kong kakatok na ang naghihintay na hari sa labas upang makita rin ang kanyang prinsesa ay ginamitan ko na ng mahika ang reyna. Kinuha ko ang kanyang alaala kung saan ibinigay ko sa kanya ang kanyang sanggol hanggang sa nakasama niya iyon nang ilang minuto. Kinuha ko na rin ang sanggol na aking dala at ipinalit sa kaniyang lalagyan ang pinatulog ko sa aking mahika na prinsesa ng kahariang ito. Nang manumbalik sa sarili ang reyna ay ibinigay ko na sa kanya ang sanggol na aking nailigtas mula sa masukal na kagubatan na tila kapapanganak pa lamang niya roon. Masaya niyang tinanggap iyon ngunit wala na ang kinang sa kanyang ngiti na kaninang nakita ko noong ibinigay ko sa kanya ang kanyang tunay na prinsesa. Nag-usap muli kami kung ano ang ipapangalan niya roon at nang mayroon akong ibinigay na pangalan sa kanya ay tinanggap niya iyon at iyon ang ipinangalan niya sa huwad niyang prinsesa. Iyon ay Ceres. Pumasok na ang hari na labis na nananabik na makita na agad ang kanyang bagong silang na prinsesa. Masayang-masaya silang dalawa ngunit ako nama'y kinakain ng aking konsensya dahil sa kalupitang ginawa ko sa kanila. Umalis ako dala ang tunay na prinsesa ng kahariang iyon at bago ako umalis nang tuluyan ay nilagyan ko ng kopya ng alaala ng pagpapaanak ko kay reyna Devora ang tunay sanang magpapaanak sa kanya. Namanipula ko na iyon at ibinalik sa kanya ang lahat ng kanyang gamit at kasuotan kaya naman walang nakaalam sa ginawa kong iyon noong araw na iyon. Nang makalayo na ako ay labis akong napaluha. Hindi ko nais ilayo sa hari at reyna ang kanilang tunay na anak ngunit kailangan ko iyong gawin... para mapigilan ang trahedyang nagbabadya sa kanilang pamilya at sa mundo. Dinala ko ang prinsesa sa tuktok ng isang bundok kung saan mayroong abandunadong kubo. Batid kong magiging ligtas kami roon ngunit napansin ko na isang bagay na ang nakalagay sa kanyang tabi na nakabalot ng puting tela. Wala naman iyon doon simula pa lamang. Nang buklatin ko iyon ay isa iyong punyal na kurba ang hugis at puti ang kulay ng hawakan. Nang hawakan ko iyon ay nakita ko kung ano ang pinagmulan niyon. Isa iyon espada noon na ginamit upang hatiin ang isang makapangyarihang bato. Pinanday lamang iyon hanggang sa naging ganito na ang hitsura. Naging isang punyal na, na magiging malaki rin ang bahagi sa pagresolba sa lahat ng magiging suliranin sa hinaharap. Pinalaki ko ang prinsesa na si Hemira sa tuktok ng kabundukang iyon at ipinakilala ko ang aking sarili bilang Nana sa kanya. Nagsinungaling ako tungkol sa inyo, na kanyang mga magulang at sinabing pumanaw na kayo, mahal na hari at reyna. Nais kong sabihin sa kanya ang katotohanan tungkol sa inyo ngunit masisira ang lahat ng mga nasimulan ko kapag ginawa ko iyon kaya nagsinungaling na lamang ako. Ngunit isang pangyayari ang gumising sa kalahati ng kanyang kapangyarihan. Ang masamang bahagi pa niyon. Mayroong mga bandidong sumubok na kami'y paslangin upang makuha ang mga kakaunti na lamang naming pagmamay-ari. Isa sa mga bandidong iyon ang nagtangka sa aking buhay at sinaksak ako sa aking sikmura dahil hindi ko nais ibigay sa kanila ang punyal na batid kong para kay Hemira. Dahil nais akong ipaghiganti ni Hemira ay nagising niya ang kalahati ng kanyang kapangyarihan. Iyon ay batid kong tinatawag na Yin. Muntik niya nang mapatay ang mga bandidong iyon kung hindi ko lamang siya napigilan at nagawang malagyan ng pangpigil na mahika ang marka niya sa kanyang balikat kung saan nagmumula ang kapangyarihang iyon. Nakatakas ang mga bandidong iyon ngunit nagising na kay Hemira ang Yin. Ibig sabihin ay magsisimula na ang mga pasakit ng kapangyarihang iyon na kailangan niyang malagpasan ngunit batid ko na anim na kapalaran ang konektado na sa kanya. Nakatakda na magkatagpo-tagpo silang pito sa tamang panahon na nakatakda sa kanila at tutulungan siya ng anim na iyon sa mga pagsubok na kanyang kahaharapin dahil iyon ang nakapangako sa isang papel na may patak ng mga dugo. Magkakahiwalay man ang kanilang mga landas dahil sa isa na namang malaking pagsubok na kanyang kahaharapin ay hindi pa rin magbabago ang kanilang pagiging pirmi sa kanilang pagkakaibigan na pinalalim ng mga pagsubok na iyon. Labis akong naaawa sa kanya dahil sa kanya pang mga dadanasin ngunit hindi na ako mag-aalala dahil napakaraming nagmamahal sa kanya na handa siyang tulungan. Isa siyang taong karapat-dapat sa mga pagmamahal na iyon at kahit ano pang gawing pagpapabagsak sa kanya ay batid kong hindi siya niyon mahihila pababa dahil pinatatag na siya ng panahon. Hindi ko na alam ang mga susunod pang mangyayari at nakasalalay na lamang sa kanya kung ano ang kahahantungan ng lahat. Sana ay maging maayos na ang lahat at sana ay mapatawad n'yo ako sa panlilinlang ko sa inyo. Sana ay mapatawad din ako ni Ceres sa nagawa kong ito sa kanya lalo na kay reyna Devora at Hemira. Kay Hemira na itinuring kong tunay kong apo. Mahal na mahal ko siya at hindi ko pinagsisisihan na ginawa ko ang lahat para sa kanya. Sana ay mapatawad niya talaga ako sa pagsisinungaling ko tungkol sa inyo. Sa iyo, haring Herman... Lubos akong humihingi ng kapatawaran at sana'y maintindihan mo kung bakit ko ito ginawa sa inyong pamilya. Nakita ko sa pangitain sa aking isipan na magtatagpo ang ating landas sa huling hibla ng aking buhay at akong ang magsasabi sa iyo ng tungkol sa magaganap na pagbihag kay Ceres. Si Hemira ang ipinapunta ko sa iyo sa pulang babae dahil iyon ang aking nakita sa pangitain. Iyon ang magsisilbing daan upang maging konektado muli ang pitong landas na nabuo ng isang matatag na pangako. Patawarin n'yo ako dahil ang misyong iyon ay magiging malaki ang pasakit kay Hemira. Ang huli pang nais kong iparating at hilingin ay sana'y matanggap ninyo na si Hemira ang tunay ninyong anak ni reyna Devora. Batid kong hindi sapat ang sulat kong ito upang tuluyan kayong maniwala kaya sana'y matagpuan ninyo ang alaala ni reyna Devora na kinuha ko mula sa kanya kung saan karga niya ang kanyang sanggol na si Hemira. Iniwan ko lamang iyon sa isang lugar dito sa palasyo at doon malilinaw sa inyong isipan na totoo ang lahat ng nakasaad sa aking sulat na ito. Humingi ng labis na kapatawaran, Thelia. Hindi lubos na makapaniwala si Herman sa kanyang nabasa at pumatak pa ang kanyang mga luha sa papel na iyon. Hindi niya batid kung bakit kumawala iyon sa kanyang mga mata ngunit ang bilis-bilis ng t***k ng kanyang puso at tila binuhusan siya ng napakalamig na tubig sa mga nalaman. Si Remus, Sueret miski na ang tagapagsilbi ay pagkabigla rin ang mababakas sa mukha. Kahit si Pamela ay nabitawan ang wala ng laman na mansanas dahil sa naisiwalat na katotohanan. Nais magsalita ng hari ngunit walang lumalabas na mga salita mula sa kanyang nakabukang bibig. “M-mahal na hari... Mukhang ito ang alaala ni reyna Devora na nabanggit diyan sa liham.” pagbasag ng tagapagsilbi sa napakabigat na pakiramdam sa silid na iyon. Napatitig siya nang mahabang sandali roon at nang makabawi na ay nanginginig ang kamay na kinuha ang maliit na bilog na alaala na hawak nito. Pinunasan niya iyon dahil malabo na iyon nang isang pangyayari ang kanilang nakita roon. [“Mahal na reyna, isa pong prinsesa ang inyong isinilang... ngunit hindi po siya umiiyak,” ani Thelia sa alaalang iyon. Kahit hindi makita ang mukha ni Devora dahil sa kaniyang alaala iyon ay halata ang pag-aalala rito dahil kahit hirap na hirap ay pinilit nitong makaupo saka nagmamadaling hiningi ang kasisilang niyang sanggol sa nagpaanak sa kaniya. Ibinigay naman nang maingat ni Thelia sa kaniya ang nakabalot na sa malinis na puting telang walang muwang. Doon na umiyak ang sanggol kaya naman maririnig ang pagkatuwa mula kay Devora. “Mabuti na lamang at umiyak ka na, aking prinsesa. Akala ko'y hindi ka magkakaroon ng kakayahang makapagsalita,” anito saka hinagkan sa noo ang sanggol na puno ng pagmamahal. Unti-unti na rin itong natigil sa pag-iyak. Napangiti si Thelia sa kanilang dalawa ngunit may lungkot sa mga mata nito. “Mayroon na po ba kayong ipapangalan sa kanya?” tanong nito. Napatingin naman siya rito at ngumiti. “Mayroon na. Kapapasok lamang niyon sa aking isipan.” “Ano po iyon?” Bumaling muli siya sa karga niyang sanggol at isang mapagmahal na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. “Hemira. Nabuo ko iyon mula sa pinagsamang pangalan namin ni Herman at ako nama'y Devora.” Ilang sandali lamang na masaya si Devora sa karga niyang sanggol ay ginamitan na siya ng mahika ni Thelia upang makuha ang kaniyang alaala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD