Hemira III 4

2862 Words
Hemira III 4 - Reyna Devora ~Tagapagsalaysay~ Sunod-sunod na luha ang pumatak mula sa mga mata ni Herman matapos makita ang nilalaman ng alaala ni Devora. Nakatulala lamang siya roon at hindi magawang makagalaw dahil tila napako na siya sa kanyang kinatatayuan. Wala ring nakaimik kina Sueret at Remus. Labis na nakabibigla para sa lahat ang kanilang nalaman sapagkat lubos na hindi inaasahan iyon ng kahit na sino. “S-s-si Hemira talaga ang tunay na prinsesa? N-ngunit...” Hindi na itinuloy ni Remus ang sasabihin kahit nais niya pa ring tumutol. “Kaya pala... noong una kaming magkita ng batang iiyo, ang kanyang mga mata... Tila nananalamin ako sa kanyang mga mata dahil kaparehas iyon ng sa akin. Ni hindi ko rin makaya na ipapaslang siya bilang kaparusahan kahit na ipinilit mo sa akin iyon Remus. Iyon pala ay dahil siya ang tunay naming anak ni Devora. Lukso pala iyon ng dugo.” wala sa sariling sabi ng hari. Nabigla sila nang biglang bumukas ang pinto at napatingin silang lahat doon nang sabay-sabay. Napasinghap sila miski na si Herman nang makita ang taong naroroon at nagbukas niyon. May mga kasama itong mga babaeng tagapagsilbi at halatang narinig nito ang lahat ng kanilang usapan kaya hindi na napigilan ang sarili at binuksan na ang pinto. “D-Devora...” bigkas ni Herman ng pangalan ng taong iyon at dahil sa pagkabigla ay nabitawan niya ang hawak niyang alaala nito. Nabasag iyon sa sahig at ang usok niyon ay pumunta rito hanggang sa pumasok iyon sa ulo nito. Unti-unting nanlaki ang mga mata nito na tila mayroong nabatid na isang napakahalagang bagay at ilang sandali lamang ay nag-uunahan na ang mga luha na mangilid sa magkabilang pisngi nito. Nanlalaki ang mga mata nito. “Herman... A-ang ating prinsesa...” tila hindi na ito makahinga sa labis na pagdagsa rito ng mga emosyon. “S-si Hemira... Siya ang...” Doon ay bigla na lamang itong napapikit at tinakasan ng malay saka napahiga sa sahig. “Devora!/Mahal na reyna!” gimbal na sigaw nila pati ng mga tagapagsilbi nito at agad na nilapitan nila ito nang may pagkahangos. Umupo kaagad si Herman sa tabi nito at maingat na isinandal niya ito sa kaniyang dibdib. Nilulukob na siya ng labis na pag-aalala para sa asawa. “Devora! Aking reyna! Gumising ka!” hinaplos niya nang marahan ang pisngi nito ngunit hindi ito nagmumulat. Agad niyang tiningnan sila Remus. “Remus! Magpadala kaagad kayo ng manggagamot sa kanyang silid kung saan ko siya dadalhin!” May pagkagulumi man ay mabilis itong tumango at lumabas kaagad ng silid na iyon upang tumawag ng manggagamot. Binuhat niya na kaagad si Devora at dadalhin niya na ito sa silid nito. Nakasunod naman sa kanya ang mga nag-aalala ring sina Sueret at Pamela. Ang tagapagsilbing lalaki nama'y naiwan na roon at tanging paghiling na lamang na walang masamang mangyari sa reyna ang nagawa nito. *—-***—-* Nang magising si Hemira at umupo mula sa pagkakahiga ay kaagad na napansin iyon ng nagbabantay sa kanyang si Fedor. Nasa may bintana lamang ito kanina at nagmumuni habang hinihintay na magising siya at ngayong nangyari na nga ay nanlaki ang mga mata nito saka napasinghap pa habang nakatingin sa kanya. Napatingin naman siya rito. “Fedor...” tawag niya rito. Doon niya rin natanto na siya'y nasa isang silid ng palasyo ng Gemuria dahil naririto ito. Tila ba nakakita ito ng multo mula sa kanya dahil sa panlalaki ng mga mata nito kaya labis siyang nagtaka ngunit kaagad itong tumakbo papunta sa may pinto at nagmamadaling binuksan iyon. “Mga kasama! Nagising na si Heneral Hemira! Nagising na siya!” pagsisigaw nito mula sa labas na puno ng pananabik. “Talaga?!” “Gising na raw si Heneral Hemira!” narinig niyang mga nasasabik na sabi ng maraming tinig ng lalaki sa labas. Bigla namang dumagsa sa pagpasok ang napakaraming mga mandirigma na puro benda pa ang ilang parte ng mga katawan. Dahil sa dami ng mga ito na sabay-sabay pumasok ay hindi magkasya ang mga ito sa pinto. Nais niyang matawa dahil sa mga ito. Nang magkasya na ay agad na lumapit ang mga nauna sa kanya. Marami pa rin ang mga pumapasok at nagtutulakan na ang iba upang mapunta lamang sa unahan at siya'y makita. Tiningnan niyang mabuti ang mga mukha ng mga ito at nakilala niyang ito ang mga mandirigmang pinamumunuan niya noong siya'y heneral pa. Labis siyang natuwa na makita ang mga itong muli. “Heneral Hemira!” “Heneral! Mabuti at gising ka na!” “Akala nami'y tuluyan ka na talagang mawawala muli sa amin!” sabi ng mga ito sa kanya at nagsimula nang maging emosyonal ang ilan. Mayroon nang mga lumuluha at tila mga batang nasasabik sa kanilang ina ang mga ito. Dahil sa pagiging emosyonal ng iba ay nagsimula na rin ang iba na lumuha na kanina'y pilit lamang na nagpipigil. ~Hemira~ Naaantig nang labis ang puso ko ngayon dahil sa pananabik sa akin ng mga mandirigmang ito. Sila'y dati ko nang mga kasamahan bago pa ako maging heneral. Hindi masyadong malapit ang aking loob sa kanila noon dahil sa pagiging iwas ko sa takot sa mga tao ngunit nararamdaman ko nais nilang mapalapit sa akin subalit hindi lamang nila ako binibigla. Maingat ang pagtrato nila sa akin dahil ako'y isang babae at ramdam ko na bunsong kapatid ang turing nila sa akin na karapat-dapat ingatan na hindi ko naman minasama. Masarap iyon sa pakiramdam para sa isang katulad ko na matagal na hindi nakaramdam ng malasakit. Nang malaman nila na ako'y sasali sa paligsahan ng pagiging heneral noon ay labis silang hindi makapaniwala at nang sabihin sa kanila ni Fedor ang dahilan kung bakit ako sumali ay roon na nagsimulang mapalapit nang tuluyan ang loob ng isa't isa. Naantig sila sa kagustuhan ko na mapakawalan na ang lahat sa mapang-abusong dating heneral na si Gyori. Isang buwan ko lamang sila noon na pinamunuan bago ako umalis ng Gemuria ngunit pamilya na talaga ang aming turingan. Hindi ako nakapagpaalam at batid kong labis na masakit para sa kanila iyon. At ngayong mga nagkita na kaming muli, tuluyan nang bumuhos ang emosyon ng isa't isa sa amin. Ako ma'y nagsisimula na ring maging emosyonal. Tumayo na ako mula sa aking pagkakaupo sa aking higaan at isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. “Maraming salamat sa inyo dahil sa pagbisita n’yo sa akin. Hindi ko inaasahan na makikita ko pa kayong muli.” Mas naging emosyonal sila at ang iba'y humihikbi na ngunit nang mapansin ko ang maraming mga benda sa kanilang katawan pati na ang ilang mga dahon na nakadikit sa kanilang mga balat na paniguradong gamot ng mga renki ay nakaramdam ako ng pagkausig. Unti-unting nawala ang aking ngiti at napansin ko rin na sa dami ng mga mandirigmang pinamunuan ko noon ay kaunti lamang sila ngayon na naririto sa silid na ito ngayon. Nakaramdam ako ng pag-aalala. “Nasaan na ang iba sa inyo? Ligtas ba sila mula sa nangyaring labanan? Marami ba ang labis na sugatan?” sunod-sunod na tanong ko sa kanila. Napatigil sila sa kanilang pagluha nang ilang sandali at walang nakaimik subalit mayamaya'y tila mas lalo silang naging emosyonal. Na tila ba hindi nila kayang sagutin ang aking mga tanong dahil pare-pareho lamang kaming masasaktan sa bagay na iyon. Doon ay akin nang natanto... kahit na hindi nila sagutin ang aking tanong na iyon. Tila nawalan ng lakas ang aking mga tuhod at muling napaupo sa aking hinihigaan kanina. Wari bang binuhusan din ako ng napakalamig na tubig. Ang kanilang mga pagluha, hindi lamang pananabik para sa akin iyon kundi... pagluluksa na rin dahil sa paniguradong pagkawala ng maraming kasamahan nila dahil sa naganap na digmaan. Natulala lamang ako at hindi na nakaimik. Napatingin din ako sa aking mga nanginginig na mga kamay. Malinis iyon at walang bahid ng kadungisan ngunit sa aking paningin ay puno iyon ng dugo... dugo ng mga mandirigma, mga maheya at ilang mabubuting nabubuhay na nadamay at nawalan ng buhay sa digmaan na kabilang ako sa nagsimula at nagplano. Nagsisimula na akong maluha muli dahil sa labis na pakausig na aking nararamdaman. “Heneral Hemira... Huwag kang mag-alala. Kahit marami ang nawala sa amin, napag-usapan na namin bago pa man mangyari ang labanan na kahit mawalan kami ng buhay, masaya kami at walang magiging pagsisisi dahil kapalit niyon ang iyong pagbabalik.” Napatingin ako kay Fedor na tumabi sa akin ng upo at humawak sa aking balikat. Sinsero ang kanyang tingin pati na ang kanyang tinig. “Napakahalaga mo sa bawat isa sa amin kaya huwag na huwag mong sisisihin ang iyong sarili. Kami ang nagdesisyon na sumali sa labanang iyon at handang-handa kami sa kahit anong mangyari. Hindi ba't ikaw na rin ang nagsabi noon sa amin na hindi kami maaaring maging mandirigma kung hindi naman kami handa sa posibilidad na pagkawala ng aming buhay? Tama ka roon at tanggap na tanggap naming lahat iyon kaya walang nilalamang pagsisisi o paninisi ang puso ng bawat isa sa amin.” Dahil sa kanyang mga sinabi ay muling naantig ang aking puso. Hindi ko napigilan na siya'y yakapin dahil labis niyang pinagaan ang mabigat ko nang puso. “Salamat Fedor... Salamat sa inyong lahat. Napakasaya ko na nakilala ko kayong lahat. Maraming salamat talaga.” Tinapik-tapik naman niya ang aking likod nang mahina. “Walang anuman Heneral. Ang pagbabalik mo lamang ay labis nang kabayaran.” Humiwalay na ako sa kanya at siya'y nginitian. Ngumiti rin naman siya nang malawak pati na ang ibang mga mandirigma. “Matagal pa ba kayo kay Hemira? Maaari bang kami naman ang kanyang makausap?” tinig ng isang lalaki iyon at nakilala ko iyon. Si Eugene. Nahawi ang mga mandirigma at dumaan sila nina Serafina at Kirion na isang leon. Tumayo na si Fedor mula sa aking tabi at siya'y tumabi sa kanyang mga kasamahang mga mandirigma. Naunang makalapit sa akin si Eugene at walang sabi-sabing niyakap niya na kaagad ako nang mahigpit. “Maraming salamat at walang nangyaring masama sa iyo, Hemira. Hindi talaga namin kakayanin kung mawawala ka pa sa amin...” mahinang sabi niya at bakas sa sa nanginginig niyang tinig ang pagluha. Ramdam na ramdam ko ang kanyang labis na pagiging emosyonal na kakaibang-kakaiba sa kanya na laging masiyahin. Tinapik-tapik ko ang kanyang likuran upang siya'y kalmahin. “Mabuti rin at walang nangyaring masama sa iyo Eugene sa aking mga kamay noong kalaban ang turing ko sa inyo. Ngayong aking naalala, nasaan na si Yohan? Ligtas ba siya? May nangyari bang masama sa kanya?” Nagsimula muli akong kabahan para naman sa kaligtasan ni Yohan. Humiwalay na siya sa akin at pinunasan niya kaagad ang kanyang mga luha. “Ayos lamang siya. Nasa kanyang silid siya at natutulog pa rin hanggang ngayon.” Nakahinga naman ako nang maluwag. “Mabuti naman kung ganoon.” Narinig ko ang pagsinghot-singhot ni Serafina kaya ako'y tumingin sa kanya. Umiiyak na kaagad siya na mukhang kanina pa talaga lumuluha. Miski si Kirion ay ganoon din. Tumayo na ako at yumakap na rin kaagad sa akin si Serafina. “Hemira...” labis na lumuluha niyang sambit ng aking pangalan at humagulgol na sa akin. Wala na siyang sinabi at sa kanyang paghagulgol ay tila may nangyari upang maging ganoon sila kaemosyonal. Si Kirion ay naging liosalfar sa labis na pagluha. Mabuti na lamang at siya'y nasalo ni Fedor at iniabot sa akin. “Mabuti na lamang talaga at bumalik ka na sa dati. Tinupad mo na ang iyong pangako na babalikan mo talaga kami.” umiiyak na sabi ni Kirion sa akin. Humiwalay na sa akin si Serafina at pinunasan ang kanyang mga mata. “Napakarami kong nais sabihin lalong-lalo na ay nais kong humingi ng kapatawaran sa inyo... sa lahat sa inyo dahil sa aking mga nagawa. Kahit hindi ko kontrol ang aking katawan at isipan noong panahong iyon ay hindi ko pa rin maitatanggi na napakalaki ng aking kasalanan. Hindi ako naging maingat at naging padalos-dalos kaya nangyari ang lahat ng iyon. Bilang kapalit ay handa kong puntahan ang mahal na hari upang kamitin ang kaparusahang nararapat para sa akin,” wika ko. “Hindi ka papatawan ng parusa ng hari Hemira.” wika ng isang tinig at lumapit na rin sa akin ang taong iyon. “Abun.” tawag ko sa kanya. Napatingin din sa kanya sila Eugene. Seryoso ang kanyang mukha. “Kanina lamang ay parurusahan ka na dapat ngunit kung hindi dumating si Ginoong Sueret ay hindi ka sana nailigtas.” Nangunot ang aking noo sa pagtataka dahil sa bagay na iyon. “Tama siya, Hemira. Wala kaming nagawa upang mapigilan iyon noong una at kung hindi dumating ang maheyang iyon ay naituloy ang parusang gagawin sana sa iyo,” sabi naman ni Kirion na nasa akin pa ring palad. “Ano ang ibig ninyong sabihin? Kung parurusahan na pala ako'y bakit hindi nila itinuloy dahil lamang sa pagdating ni Ginoong Sueret?” Labis ang pagtataka ang aking nararamdaman. “Ang sabi ni Ginoong Sueret ay ikaw raw ang tunay na nagmamay-ari ng regnum at doon ay hindi na itinuloy ang pagpaparusa sa iyo sa utos ng hari,” ani Serafina kaya sa kanya naman ako napatingin. “Ano?! Anong ako ang may-ari ng regnum?” Labis akong hindi makapaniwala sa kanilang mga sinasabi ngunit natigilan ako. “Nais mo bang malaman kung sino sila Hemira?” “Sino po ba sila?” “Ang haring si Heronio ang iyong ninuno. Siya ang napagbigyan ng regnum at pinakaunang nagtaglay niyon.” “Ano po?! Ninuno ko po ang unang nagtaglay ng malakas na kapangyarihang iyon?!” Umalingawngaw sa aking isipan ang usapan namin ng aking nana na aking napanaginipan kanina lamang. Unti-unting nanlaki ang aking mga mata at napatulala ako dahil sa isiping iyon ngunit tila mayroong nangyayaring komosyon sa labas ng silid na ito kaya napatingin kaming lahat sa may pintuan. “Kamahalan! Maghunos dili ka! Baka kung ano ang mangyari sa iyo!” narinig naming sabi ng isang babae at tila ba may pinipigilan ito. Biglang pumasok sa may pintuan ang humahangos na isang napakagandang babae na mayroong magarang kasuotan at tila may hinahanap sa silid na ito. Kasunod niya ang ilang mga tagapagsilbi na alalang-alala para sa kanya. Nang makilala namin ang taong iyon ay sabay-sabay silang napatikluhod lahat at napayuko. Ako nama'y napatulala lamang sa kanya at ganoon din siya sa akin. Nababakas sa kanyang mukha na tila siya'y mayroong dinaramdam na kalungkutan ngunit pagkasabik naman ang masasalamin sa kanyang mga mata. “Hemira...” tawag niya sa akin at tila paiyak na ang kanyang tinig. Nanlaki ang aking mga mata at kumabog din ang aking dibdib sa pagbanggit niya lamang ng aking pangalan. Hindi kaagad ako nakagalaw at tila nanigas na ako sa aking pwesto. Tumakbo-takbo si Kirion sa aking palad upang gisingin ako sa pagkawala ko sa aking sarili at doon ay nagising nga ako saka tumikluhod na rin. Napuno ng katahimikan ang buong silid pagkatapos ng pagtawag niya na iyon sa aking pangalan. Napatingin ako kay Kirion at nakabaling din siya sa akin. “Ang tinig ba na iyon ay mula sa reyna ng kahariang ito?” mahinang tanong niya. Tumango ako ng isa upang sagutin ang kanyang tanong. Ano kaya ang mayroon at humahangos na nagpunta rito ang mahal na reyna? May nangyari kayang hindi maganda? Hindi kaya inaatake na naman ang kaharian? Sari-saring mga katanungan na ang pumapasok sa aking isipan nang mapansin ko na nagbigay ng malaking daan ang mga mandirigma at ang ilan ay lumabas na. Sila Eugene nama'y gumilid dahil naglakad papunta sa aking direksyon ang reyna at maingat na kinuha naman ni Serafina si Kirion mula sa akin. Iniyuko ko agad ang aking ulo at ilang saglit lamang ay napansin ko na ang napakagandang pares ng kanyang sapatos sa aking harapan. Ang lakas lakas ng t***k ng aking puso kahit na nagkita na naman kami noon. Tila mayroong kasing kakaiba ngayon na ramdam na ramdam ko. Hindi ko inaasahan na napaupo siya bigla sa aking harapan kaya napatingin kaagad ako sa kanya subalit sinalubong niya kaagad ako ng isang yakap na labis kong hindi inasahan kailanman. Natuod ako sa yakap niyang ito ngunit ang labis ko pang hindi inaasahan ay nagsimula siyang humagulgol at humigpit ang yakap sa akin habang hinahaplos niya ang likod ng aking ulo. “H-hemira... Patawarin mo ako dahil hindi kaagad kita nakilala... A-anak ko... P-patawarin mo ako...” Nanlaki ang aking mga mata dahil sa itinawag niya sa akin at tila tumigil ang paggana ng aking isipan. “A-a-ano po?” nauutal kong tanong at waring kaming dalawa na lamang ang nasa silid na ito sapagkat nakalutang na talaga ang aking isipan dahil sa mga nangyayari. Humiwalay na siya ng yakap sa akin at doon ko na nasilayan ang kanyang napakagandang mukha na basa ng luha. Hilam na hilam sa luha ang kanyang mga mata at labis na pananabik pa rin ang nababakas doon. “Hemira…” Nakatitig lamang ako sa kaniya. “Ako ang iyong ina, Hemira.” Lubos naman ang naging pagkunot ng aking noo. “P-po?” Lumawak ang ngiti niya habang walang tigil pa rin ang kaniyang mga luha. “Kami ni Herman ang iyong mga magulang.” Unti-unting nanlaki ang aking mga mata at sa sinabi niyang iyon, tila isa ako ngayong malaking kampana na malakas na binatingaw ng isang kampanero. At sa lahat ng mga imposibleng maaari kong maranasan, ang sinabi niya na yata ang pinakaimposible sa lahat. Ipagpapatuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD