Hemira III 5

2844 Words
Hemira III 5 - Isang Pamilya ~Tagapagsalaysay~ Labis na hindi makapaniwala si Hemira dahil sa isiniwalat ni Devora sa kanya na ito at si Herman ang kanyang tunay na mga magulang. Kung gaano kabigla-bigla para kina Herman ang tungkol sa bagay na iyon ay triple naman ang pagkabiglang kaniyang naramdaman. Tamang sabihin na mas higit pa. Ni hindi magawang mahinuha ng kanyang isipan ang sinabi ni Devora. Miski na ang mga naroroon na mga mandirigma pati na ang mga lumabas kanina, mga kasamang tagapagsilbi ng reyna, sina Abun at Fedor, sina Eugene, Kirion at Serafina ay labis ding hindi makapaniwala sa narinig na sinabi nito. Napakurap-kurap na si Hemira sa pagkabawi. “N-ngunit ang sabi ng aking Nana Thelia ay... pumanaw na ang aking mga magulang.” nasabi na lamang niya. “Hindi totoo iyon Hemira. Narinig ko mula kina Herman ang lahat, na sinabi niya lamang iyon upang protektahan ka ngunit sana'y maniwala ka na kami talaga ang iyong tunay na mga magulang.” nakikiusap ang tingin nito sa kaniya. “Ikaw ang aming prinsesa na matagal na nailayo sa amin...” umiiyak nitong sabi. “Hindi po ba't si prinsesa Ceres ang inyong prinses—” Biglang mayroong pumasok muli at si Herman iyon na humahangos din. Napatingin siya rito at si Devora nama'y hindi naalis ang tingin sa kanya. Nang makita sila nito ay halatang natanto na nito na nasabi na sa kanya ni Devora ang katotohanan. Niyakap siyang muli ni Devora at muling humagulgol habang siya'y yakap-yakap. “Patawad anak dahil wala kami sa mga oras na dumaranas ka ng paghihirap at pagdurusa. Hindi ko magawang maisip na ika'y nag-iisa lamang na hinarap ang ganoong mga pasakit sa buhay… Pinagmalupitan ka ng ibang mga tao at ginawaan ng masasama ngunit wala man lamang kaming nagawa sa mga bagay na iyon kahit kami pa'y hari at reyna. Kung batid lamang sana talaga namin... Kung alam lamang talaga sana namin ang katotohanan...” humikbi pa ito sa labis na mga emosyon na dinaramdam nito. “Patawad talaga Hemira... Patawad, anak ko...” Humigpit ang yakap nito sa kanya na tila ayaw na siya nitong bitiwan pa. Nakita niya na rin ang pangingilid ng luha ng hari na dumagdag pa sa mga bagong naranasan niya ngayong araw na hindi niya inaasahan. Naglakad ito palapit sa kanila saka napaluhod din at sila'y niyakap na dalawa. Hindi na siya nakaimik pa, bagkus ay unti-unti nang nangilid din ang kanyang mga luha na hindi niya nalalaman. Kahit na hindi pa malinaw sa kanya ang lahat, ramdam na ramdam niya ang pananabik sa kanya ng dalawang taong kayakap niya ngayon at kakaiba ang kanyang nararamdaman. Iba iyon mula sa nararamdaman niya mula sa kanyang mga kaibigan, mula kay Yohan at mula sa mga taong malalapit ang loob sa kanya. Tila ba ang pakiramdam na iyon ay katulad ng nararamdaman niya sa kanyang Nana Thelia. Pangpamilya na napakatagal na panahon ding hindi nabuhay sa kanya simula nang pumanaw ito. Dahil sa kanilang tagpong iyon ay nagsilabasan na ang lahat upang bigyan sila ng oras na tatlo para sa isa't isa. Tuliro rin sina Eugene dahil sa mga nalaman. “Si Hemira ang tunay na prinsesa ng Gemuria?” wala sa sariling tanong ni Kirion. Ganoon din ang nababakas na tanong sa mukha ng iba pa. Subalit dahil nakakumpol silang lahat sa labas ng silid na iyon at ang kanilang atensyon ay ang nangyayari sa loob, hindi nila napansin ang isang taong nakarinig din ng lahat ng bagay mula sa loob malapit lamang sa kanila. Isang taong nabasag naman ang puso dahil sa naisiwalat na katotohanang iyon. Si Ceres iyon at labis din siyang nabigla. Tulala rin siya at hindi na napigilan ang pagtulo ng mga luha mula sa kanyang mga mata. “S-si Hemira ang tunay na prinsesa?...” mahina niyang sabi habang tulala sa kawalan. Ni walang nakapapansin sa kanya kahit na malapit lamang naman siya sa napakaraming mga tao sa labas ng silid na iyon. [K-kaya pala kay Hemira lumabas ang puting dragon ng Yang... ay dahil... s-siya talaga ang... may-ari niyon,] anang kanyang isipan na tanging ang bagay lamang na iyon ang nilalaman ngayon. Doon niya na nabuo ang palaisipang nagsimula nang lumabas din kay Hemira ang Yang na inakala ng lahat pati na ng hari ay nagmula sa kanya. Hindi niya sinabi kahit kanino ang tungkol sa bagay na iyon dahil miski siya'y nalilito noong mga panahong iyon kung bakit ganoon ang nangyari. Tulala siyang naglakad paalis sa lugar na iyon habang patuloy na umuulit sa kanyang isipan ang mga bagay na ito... Na hindi siya ang tunay na prinsesa ng kahariang Gemuria at hindi siya ang anak nina Herman at Devora. Na hindi na rin siya maaari kay Argyris dahil wala nang paraan upang makapagpakasal pa siya rito dahil hindi nga siya ang tunay na prinsesa. Na mawawala na ang lahat sa kanya. Doon ay dumagsa na sa kanyang dibdib ang napakasasakit na mga emosyon at triple iyon dahil sa mga bagay na iyon. Napaupo na lamang siya sa liblib na hagdan na kanyang binababaan. Doon siya napahagulgol nang labis na puno ng sakit at pait. Gusto niyang sumigaw sa pag-iyak ngunit pilit niyang pinipigilan na gawin iyon at tinakpan na lamang ang kanyang bibig habang humahagulgol dahil ayaw niyang may makarinig ng kanyang nagdurusang pag-iyak. Ayaw niyang kaawaan siya ng iba dahil labis-labis na pagkaawa na ang nararamdaman niya para sa kanyang sarili. Nasasaktan nang labis ang kanyang puso at wala man lamang siyang kasama upang pagaanin ang kanyang loob at siya'y damayan. Ngunit ang hindi niya batid, isang pares naman ng kulay abong mata ang nakatingin sa kanya mula sa isang lugar na hindi niya napapansin. Puno ng simpatya at kalungkutan ang nababakas doon para sa kanya. Nais siya nitong lapitan upang ayuin at samahan sa kanyang pag-iisa ngunit batid ng taong iyon na hindi maaari... dahil isang napakalupit pang katotohanan na nakatago ang maaaring mabunyag kapag ginawa iyon ng taong iyon na siguradong dudurog pa lalo sa basag niya ng puso. ~Yohan~ Nagising na ang diwa ko kaya iminulat ko na ang mga mata ko. Pakiramdam ko, ang lalim sobra ng naging tulog ko. Umupo na ako mula sa pagkakahiga at napakusot-kusot ng mga mata saka humihikab na tiningnan ang paligid. Nasa kwarto ko ako ngayon at nakita ko agad si Seth na nakasandal sa pinto habang nakayuko't nakapikit. Sila Zetes at David naman, nandito sa tabi ng kama ko at mga nakaub-ob. Mga halatang nagbabantay sa’kin. “Seth.” tawag ko kay Seth para kunin ang pansin niya at napatingin naman agad siya sa’kin. Pati sila Zetes at David, mga napa-angat agad ng ulo at napatingin sa’kin. “Prinsipe!” tuwang-tuwang tawag sa’kin ni David at niyakap kaagad ako... nang mahigpit na mahigpit. “Acckkk! Tek...a Hin..di ako maka...hinga! Haaaaaah!” pagsinghap ko agad ng hangin nang pabitawin siya mula sa'kin ni Zetes. Habol na habol ko ang hininga ko dahil sa kanya. “Walanghiya ka David! Gusto mo ba 'kong patayin?” Napahawak pa ako sa dibdib ko habang habol pa rin ang hininga. Ngumiwi lang siya ng ngiti. “Sorry na prinsipe. Na-excite lang.” Kinindatan niya pa ako. Lumapit na sa’min si Seth at hinawakan kaagad ako sa noo ko tapos hinawakan niya rin 'yung noo niya na halatang chine-check kung may sakit ba ako. Para namang nakahinga siya nang maluwag nang malaman niyang wala akong lagnat. “Mabuti naman at ayos na ang iyong kalagayan prinsipe. Mabuti rin at nagising ka na,” sabi niya na seryoso. “Oo nga prinsipe. Lagi ko na ngang pinapabalik-balik dito 'yung manggagamot para minu-minuto kang i-check. Nag-aalala kasi talaga ako nang sobra,” sabi naman ni David. Tiningnan ko si Zetes at poker face lang siya pero alam ko naman na natutuwa rin siya pero may napansin ako kay David kaya napatingin ulit ako sa kanya. “Teka David, bakit balik ka sa dati sa pagsasalita? Dati, ang pormal pormal mo na ah.” Ngumiti lang siya. “'Yung tunay na ikaw na kasi 'yung kausap namin kaya alam kong maiintindihan mo 'ko kahit tumula pa ako ng English.” Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. “Saka namiss ko rin naman na maging ganito magsa—” “Teka. 'Wag mong sabihing alam n'yo na...” Hindi ko itinuloy kasi baka mali lang 'yung akala ko, idulas ko pa ang sarili ko sa kanila. Napahingang malalim si Seth kaya napatingin ako sa kanya. “Ano ba sa iyong tingin prinsipe? Maloloko mo kami na ikaw 'yung kasama namin nitong nakaraang ilang linggo? Ang layo-layo ng ugali mo sa isang 'yon at isa pa, sila Zetes ang labis na nakapansin sa bagay na iyon dahil simula pagkabata mo ay sila na ang nakabantay sa iyo nang palihim kaya alam nila ang bawat liko ng iyong bituka.” Ngunot pa rin ang noo ko. “Alam n'yo na pala na hindi ako 'yon, bakit hindi kayo gumawa ng aksyon para pabalikin ako?” Tumikhim naman nang kaunti si Zetes. “Batid namin prinsipe na hindi ka babalik dito kahit anong mangyari dahil si Hemira ang iyong dahilan kung bakit ka umalis nang palihim. Kahit na nag-aalangan kami para sa iyong kaligtasan kasama ang walang alaalang si Hemira ay hinayaan ka na namin dahil hindi ka rin naman magpapapigil. Ganoon din panigurado ang naging desisyon ni prinsesa Aerin.” dagdag pa niya. Nang mabanggit niya ang pangalan ng nanay ko, biglang nagbago ang atmosphere namin. Bumigat ‘yon at napuno ng kalungkutan. Nawala rin ang ngiti ni David habang ako naman, napayuko lang. Wala na ang nanay ko. Wala na si prinsesa Aerin. Kakaunting panahon ko pa lang siya nakakasama pero… Napakuyom ako ng mga kamao ko at naluluha na nang may maalala ako na nagpalaki sa mga mata ko. Napatingin ulit agad ako sa kanila. “Teka! Si Hemira! Anong nangyari sa kanya?! Ayos lang ba siya?!” Napababa kaagad ako ng higaan at lumayo sila para bigyan ako ng daan dahil nagpapanic na ako. “Nasaan si Hemira?! Nagamot din ba siya katulad ko?!” Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko sa takot para kay Hemira. Hinawakan ako ni Seth sa magkabila kong balikat. “Huminahon ka prinsipe. Ayos lamang siya at nasa isang silid siya rito sa palasyo kaya hindi ka dapat magulumihan nang ganyan.” Unti-unti naman akong nakalma dahil narinig ko na ayos lang pala si Hemira at nandito rin sa palasyo. Mabuti na lang at mukhang naagapan din siya katulad ko. Parehas na kaming naghihingalo noon pero naging matibay kami kaya buhay pa rin kami ngayon. “Salamat naman pero pupuntahan ko na siya para masigurado ko na ayos lang talaga siya.” Aalis na sana ako pero may humawak sa braso ko. Si Zetes 'yon at seryosong-seryoso siya. “Sa tingin ko ay kailangan mo muna kaming bigyan ng oras upang makumpirma namin na maaari mo na siyang bisitahin sa kanyang silid prinsipe.” Nangunot ang noo ko. “Anong kukumpirmahin n'yo? May nangyari ba sa kanya?” Nagsisimula na naman akong kabahan kasi parang may nangyari na hindi ko magugustuhan. Bumitaw na siya sa’kin at si David naman ang humarap sa’kin. “Mayroong nangyaring hindi maganda nitong umaga lamang kaya naman hindi pa maaaring magpapasok sa silid ni Hemira puwera lamang sa mga mandirigmang mga nakabantay sa kanya. Papatawan sana siya ng parusa dahil sa nangyaring digmaan ngunit hindi natuloy dahil sa isang bagay.” Nanlaki na ang mga mata ko sa narinig ko na parusa. “Anong parusa?! Bakit siya paparusahan?! Sinong nag-utos n'on?!” Tumataas na ang boses ko. “Paparusahan siya gawa n'ong nangyaring digmaan at pinangungunahan 'yon ni Ginoong Remus. Nais niyang maparusahan si Hemira at kamuntikan na talaga sa bayan ng Teban. Mabuti na lamang at dumating si Ginoong Sueret. Nabalitaan namin na may isiniwalat siyang isang napakahalagang bagay kaya ipinatigil ang pagpaparusang 'yon kay Hemira at ibinalik siya rito sa palasyo. Pinag-uusapan na 'yon ng hari at n'ong dalawang ginoo kanina pa. Ngayon pa lang kami nagpapunta ng mag-oobserba kung ano na nga ba talaga ang nangyayari.” Magtatanong pa sana ako pero biglang may kumatok sa pinto nitong kwarto na parang nagmamadali 'yung taong kumakatok doon. Pinuntahan kaagad 'yon ni Seth at binuksan. Isang mandirigma ang pumasok kaagad dito na hingal na hingal. “G-ginoong Seth! S-si Heneral Hemira!...” habol na habol niya ang hininga niya kaya hindi niya maituloy ang sasabihin. Tinambol na ang dibdib ko sa sobrang kaba. “Anong nangyari kay Hemira?!” “S-sa kanyang silid...” hindi pa rin niya matapos 'yung sasabihin niya kaya hindi ko na siya hinintay na makabawi at tumakbo na ako palabas. Nabangga ko sila pero wala akong pakialam. “Prinsipe!” tawag sa’kin nila Seth pero 'di ko sila pinansin. Pagkalabas na pagkalabas ko, tiningnan ko kung saang direksyon ba ako pupunta. Nang mapatingin ako sa kanan ko, may mga mandirigmang nagtatakbuhan doon papunta sa isang lugar kaya ro'n ako tumakbo. Mukhang si Hemira din ang pakay nila dahil naririnig ko sa mga pinag-uusapan nila ang pangalan niya. “Prinsipe! Sandali lamang!” habol sa’kin nila Seth pero bahala na sila. Siguradong may hindi na naman magandang nangyari kay Hemira. Kaaway na siya rito sa palasyo kaya paniguradong itutuloy nila 'yung pagpaparusa at gagawin ko ang lahat para mapigilan sila sa gagawin nilang 'yon! Nang lumiko 'yung mga mandirigma, lumiko rin ako at ang nabungaran ko ro'n ay ang kumpulan nila. Ang dami nila at nahaharangan na nila 'yung daanan. Nasa tapat sila ng isang pinto. Lumapit kaagad ako sa kanila at nang mapansin ko ang isang lalaking may puting buhok sa may parteng likuran ng kumpulan, nanlaki kaagad ang mga mata ko. “Eugene!” tawag ko sa kanya kaya napatingin siya sa’kin. Parang tulala pa siya at wala sa sarili. Napansin ko ang kasama niyang si Kirion na nasa palad ni Serafina. “Yohan!” Lumapit kaagad siya sa’kin pati na si Serafina. Parang may napansin akong kakaiba sa kanila. Parang mga tuliro silang dalawa. “Si Hemira?! Alam n'yo ba kung nasaan siya? Itutuloy ba 'yung pagpaparusa sa kanya?!” sunod-sunod na tanong ko at para na akong pusang 'di mapaanak na gustong-gustong marinig kung nasaan ba si Hemira. “Naroon siya sa loob...” wala sa sariling sagot ni Serafina at itinuro 'yung pinto na nahaharangan ng mga mandirigma pero bigla silang humawi sa gitna at mga nagsitikluhod. Doon na namin nakita ang pagbubukas ng pintong 'yon. Dahil nasa likuran kami kanina at gumilid ang mga nasa harapan na mga mandirigma, kami ang nabungaran ng mga lumabas sa pintong 'yon pero nangunot ang noo ko nang makitang si haring Herman at kasunod niya naman si reyna Devora na lumabas doon. Halatang mugto pa ang mga mata nila na parang galing sila sa iyakan. Nagtatakang napatingin ulit ako kay Kirion na nasa palad pa rin ni Serafina. “Sigurado ba kayo na nandyan talaga siya sa loob?” “Magpahinga kang mabuti, anak ko. Mayamayang hapon lamang ay magdaraos tayo ng isang salu-salo para sa iyo.” narinig kong sabi ni reyna Devora kaya napatingin ulit ako sa kanila at parang may kausap sila sa loob ni haring Herman. Wala namang umimik. Si prinsesa Ceres naman 'ata 'yung nasa loob at hindi si Hemira. Nang humarap na sila sa’min, parang sobrang saya nila na bakas na bakas sa mga mata nila. Ngumiti si reyna Devora sa’min. “Kayong mga kaibigan ng anak naming si Hemira, inaanyayahan namin kayo ni Herman na makita kayo sa isang pagsasalong ihahanda namin at samahan kami. Mas magiging kumportable si Hemira kapag ganoon at paniguradong magiging masaya rin iyon.” “Po?” sobrang pagtataka kong tanong. Nabibingi lang ba ako at narinig ko na tinawag nila si Hemira na anak nila? Ngumiti lang siya at gano'n din si haring Herman. Pinadaan na sila ng mga mga mandirigma at sumunod na sa kanila ang mga servants nila. Sumunod na rin sa kanila marami sa mga mandirigma. Ang naiwan na lang dito ay dalawang mga mandirigma at mukhang ang isa ay 'yung bagong heneral na pumalit kay Hemira. Humarap ako kina Eugene habang sobra-sobrang nagtataka. “Ano 'yung sinabi n'ong reyna kanina? Si Hemira ba talaga 'yung nabanggit nila na anak nila o nabibingi lang talaga ako?” Ngumiti na lang si Eugene. “Napakasuwerte mo talaga Yohan. Ngayon ay mukhang wala nang makahahadlang pa sa inyong dalawa.” Lalo lang nangunot ang noo ko. “Hah? Anong pinagsasasabi mo?” “Prinsipe!” tawag sa’kin ng boses ni Seth kaya napalingon ako. Kasama niya sila Zetes at pagkarating nila sa harapan ko, hingal na hingal sila. “Bakit ka umalis kaagad prinsipe?! Hindi mo pa nga naririnig 'yung sasabihin n'ong mandirigma kanina!” sermon sa’kin ni David. “Pasuspense ba naman kasi. Akala ko tuloy, kung ano nang nangyari kay Hemira.” angal ko naman. “Totoo ba na si Hemira talaga ang tunay na prinsesa nila haring Herman at reyna Devora?” tanong ni Seth. “Anong tunay na prinsesa? Teka nga. Ano ba kasi talagang nangyayari?” Nalilito na talaga ako. Kapag wala pa ring makapagpaliwanag sa’kin nang maayos, makakasapak na 'ko. “Pumasok ka na lamang sa loob Yohan at itanong kay Hemira kung ano ba talaga ang katotohanan,” suhestyon ni Serafina. Tumango-tango rin si Kirion at si Eugene. Dahil gusto ko na rin talagang malaman at makita si Hemira, pumasok na ako sa loob. Ipagpapatuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD