Hemira III 6 - Paghahanda para sa Salu-salo
~Yohan~
Bumungad sa’kin ang napakagandang disenyo sa loob ng kwartong 'to. Una kong napagtuunan ng pansin ang babaeng nakaarmor pa na sira-sira at yupi-yupi, na nakaupo sa gilid ng magandang kamang kulay pula.
Nakalugay ang mahaba niyang buhok at nakatungo lang siya kaya medyo nahaharangan 'yung mukha niya. May hawak din siyang papel at halatang binabasa niya 'yon.
“Hemira,” tawag ko sa kanya at agad naman siyang napatingin sa’kin pero hindi ko inaasahan na puno ng luha ang mga mata niya at sobrang pangungulila ang mababakas doon.
“Y-yohan...” nagcrack na ang boses niya sa pagtawag ng pangalan ko at halatang mapapahagulgol na.
Agad ko naman siyang nilapitan at siya nama’y tumayo na saka ko siya niyakap.
Umiyak kaagad siya pagkayakap na pagkayakap ko pa lang sa kaniya at hinaplos ko ang likuran niya para pakalmahin siya. “Bakit ka umiiyak?... May nangyari ba?” pang-aalo ko sa kanya.
“Y-yohan... S-sila haring Herman... at reyna Devora. Sila ang... aking mga magulang...” humihikbi niyang sabi at natigilan naman ako sa paghaplos sa likod niya.
Humiwalay na siya sa’kin ng yakap at ipinakita ang papel na hawak niya. Mukhang sulat 'yon.
“Sulat ito ng aking Nana. Kilala ko ang kanyang sulat kaya paniguradong siya talaga ang may gawa ng liham na ito. Isinulat niya rito ang lahat tungkol sa aking pagkatao. Tungkol sa aking kapangyarihan kaya kinailangan niya akong ilayo sa aking mga magulang na sina reyna Devora. Nabanggit din kayo rito nila Kirion,” sabi niya habang patuloy na nangingilid ang mga luha niya.
Gusto ko mang basahin ang sulat na 'yon dahil naku-curious ako sa kung ano bang laman n’on pero hindi ko na lang inuna at niyakap ko na lang ulit siya para pakalmahin. Ngayon ko lang siya nakitang naging ganito kaemosyonal.
“Shhhhh... Tahan na. Kahit hindi ko pa alam ang lahat ng detalye, kung iyon ang totoo, masayang-masaya ako para sa 'yo... dahil nahanap mo na ang mga magulang mo. May matatawag ka nang totoong pamilya.” Inilayo ko siya nang kaunti sa’kin at hinalikan ko ang noo niya.
Inayos ko rin ang buhok niya at inilagay 'yon sa likod ng tenga niya habang nakangiti pero pagtingin ko sa kanya, para siyang nagiguilty.
Pinunasan niya ang basang-basa ng luha na pisngi niya gamit ang likod ng kamay niya. “Ngunit Yohan... Ang iyong ina...” Ang lungkot-lungkot ng mukha niya.
Huminga naman ako nang malalim at naramdaman ko ang pagbabadya ng luha mula sa mga mata ko. Pinilit kong pigilan ‘yon saka ko hinawakan nang masuyo ang magkabila niyang pisngi. “Masakit man sa’kin na hindi ko siya nagawang iligtas mula kay Mades... masaya na rin ako para sa kanya dahil alam kong kasama niya na ang pinakamamahal niyang si prinsipe Alberon kung nasaan man sila ngayon. Magkasama na silang dalawa ng tatay ko at alam kong babantayan nila ako kahit saan man ako magpunta... dahil mahal nila ako.”
Napatingin ako sa mga mata niya na puno ng pakikisimpatya at ako naman ang niyakap niya. Siya naman ang nagkocomfort sa’kin sa pagtatap nang mahina sa likod ko. “Nandito kami Yohan na iyong mga kaibigan. Pupunuin namin kung anumang kakulangan ang iyong mararamdaman.”
Napangiti naman ako. “Salamat… pero ako dapat ang nagkocomfort sa 'yo eh.”
Napahiwalay naman siya sa’kin. “Ang ibig sabihin mo ba ay dumaramay?” panghuhula niya sa sinabi ko.
Ngiting-ngiting tumango naman ako. “Pero hindi pa rin ako makapaniwala na ikaw ang tunay na prinsesa. Sa itsura, oo. Pangdiwata ka na nga eh pero kung ano talaga 'yung nangyari noon, nagpapasalamat na rin ako dahil 'yon ang naging daan para makapagtagpo ang mga landas natin at magkakilala tayo. Tama si Eugene kanina, napakasuwerte ko dahil wala nang hahadlang sa’ting dalawa. Puwede na kitang pakasalan at hindi ka na makakaangal do'n.” Madiin ko naman siyang hinalikan sa noo niya na matunog.
Akala ko, matatawa siya sa’kin pero imbis, pintang-pinta ang pag-aalala sa mukha niya kaya nangunot ang noo ko. “Bakit? May problema ba?”
Hindi siya makatingin sa’kin. “Paumanhin Yohan ngunit hindi ko lamang maiwaksi sa aking isipan ang pag-aalala para kay prinsesa Ceres. Hindi ko nanaisin na magkaroon ng suliranin sa aming pagitan dahil sa bagay na ito. Napakalaki ng magiging epekto sa kanya ng katotohanan kapag nabatid niya na iyon. Ayokong siya'y masaktan. Kahit na sinabi na sa akin nina haring Herman na sila na ang bahalang magsabi sa kanya ay hindi pa rin ako mapalagay.” Napahigpit ang hawak niya sa damit ko.
Napabuntong-hininga ako dahil ang selfless na siya na naman ang nangingibabaw. “Oo, sabihin na nating masasaktan nga siya pero siguradong matatanggap niya rin naman 'yon. Sila haring Herman na naman pala ang nagsabi na sila na ang bahala kaya siguradong magiging maayos din ang lahat. Sila pa rin naman kasi ang tumayong mga magulang ni Ceres kaya hindi nila siya paniguradong itatakwil dahil sa 'yo. Ako, may kasalanan din ako sa kanya at hindi ko alam kung paano na ang gagawin ko sa bagay na 'yon pero bahala na. Alam kong magiging maayos din naman ang lahat, ngayong magkasama na ulit tayo.”
Nangunot naman ang noo niya. “Ano ang kasalanan mo sa kanya?”
Napakurap-kurap naman ako. “W-wala. Akin na lang 'yon. Ako nang bahala ro'n kaya 'wag mo nang idagdag 'yon sa mga iniisip mo. Ang paghandaan mo ay 'yung salu-salo raw na ihahanda nila haring Herman para sa 'yo. Makakasalo mo na rin sila sa wakas na tunay mong mga magulang.” Ang lawak-lawak ng ngiti ko sa pagka-excited.
Parang unti-unti nang nawala ang inaalala niyang mga bagay at ngumiti na. “Salamat Yohan sa lahat-lahat. Salamat dahil walang nangyaring masama sa iyo.” Yumakap na siya pabalik sa akin at isinandal ang ulo niya sa dibdib ko.
“Haaayy... Mahal na mahal kasi kita kaya hindi ko kayang iwan ka. Baka mamaya palitan mo pa ako.”
Napatawa naman siya at gano'n din ako.
~Tagapagsalaysay~
Naglalakad sina Devora at Herman sa pasilyo at kagagaling lamang nila mula sa silid ni Hemira.
Hindi maalis-alis ang ngiti sa magandang mukha ni Devora dahil sa nangyaring tagpo nilang pamilya sa silid ng kanyang tunay na anak.
“Mukhang labis-labis ang iyong kasiyahan, aking reyna.” nakangiting pansin sa kanya ni Herman.
Napatingin naman siya rito. “Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasaya at kagaan ang aking puso ngayon dahil nakilala ko ang tunay nating anak, Herman. Noong magtama ang aming paningin kanina, tila ba nagwala ang aking puso sa pagtibok niyon. Sa labis na pananabik ko sa kanya ay hindi ko napigilan ang aking sarili na yakapin siya at sabihin sa kanya ang totoo. Patawarin mo ako dahil hindi man lamang kita hinintay na sabay nating sabihin sa kanya ang bagay na iyon. Naging maramot ako sa iyo.” Napayuko pa siya at halatang nauusig.
Napatigil naman ito sa paglalakad kaya ganoon din siya at hinawakan nito ang kamay niya saka marahang pinisil iyon. “Ayos lamang iyon. Ang mahalaga ay nasabi na natin sa kanya ang katotohanan. Na siya ang tunay nating anak. Ngunit Devora, handa ka na ba na sabihin kay Ceres ang bagay na ito.”
Napahinga naman siya nang malalim at ramdam niya ang pagbigat ng kaniyang damdamin. “Batid ko naman na kailangan nating sabihin sa kanya ito, Herman. Alam ko ring labis-labis na mabibigla at masasaktan siya kapag nalaman niya ito kaya hindi mapalagay ang aking damdamin. Paano natin ipapaliwanag sa kanya ang lahat? Na hindi siya ang tunay nating anak. Napakahirap banggitin niyon sa kanya.”
Hinaplos naman nito ang kaniyang buhok at pinilit na ngumiti. “Mabuting bata naman si Ceres. Alam kong maiintindihan at matatanggap niya ang lahat ng ito. Isa pa’y hindi naman natin siya pababayaan kahit anong mangyari. Ipinangako natin kay Hemira na kakausapin natin si Ceres tungkol sa kanya kaya hindi dapat natin siya biguin. Hindi rin dapat natin biguin si Ceres sa pagtatago sa kanya ng bagay na ito.”
Bakas pa rin ang pag-aalinlangan sa kaniyang mukha. “Ngunit ngayon na ba talaga natin dapat sabihin sa kanya iyon? Baka mabigla natin siya.”
“Hindi iyan, aking reyna. Kung patatagalin pa natin ay si Hemira naman ang mahihirapan. Kailangan na nating sabihin kay Ceres ang lahat. Wala namang magbabago sa ating pakikitungo sa kanya kahit na nakilala na natin ang ating tunay na anak. Prinsesa pa rin naman natin si Ceres at tayo ang kinagisnan niyang mga magulang kaya kapag maglaon ay matatanggap niya rin iyon.”
“Ganoon ba?...” Hindi pa rin siya napapalagay.
“Devora... Magiging maayos din ang lahat. Magiging masaya tayo kasama ang dalawang anak natin kaya wala ka nang dapat isipin pa.” Pagpapalubag loob nito sa kaniya at gumagana naman na iyon dahil nababawasan na ang bigat sa kaniyang dibdib.
Ngumiti na siya sa wakas. “Tama ka. Magiging maayos din ang lahat dahil dalawang mabubuting dalaga ang ating mga anak.”
Napangiti rin siya at sabay na silang naglakad upang tunguhin ang silid ni Ceres.
*—-***—-*
“Hindi talaga ako labis makapaniwala na ang babaeng iyon ang tunay na prinsesa nina haring Herman at reyna Devora! Napakaimposible!” nanggagalaiting sigaw ni Remus habang nasa loob sila ni Sueret ng malaking silid aklatan.
Sila lamang ang naroroon at kasalukuyang nagbabasa si Sueret ng libro ngunit nang marinig nito ang kanyang sinabi ay ibinaba nito ang libro at tumingin sa kanya ng walang emosyon. “Mag-iingat ka Remus sa iyong mga sinasabi dahil kahit hindi pa itinatanghal si Hemira bilang tunay na prinsesa ng ating kaharian ay siya pa rin ang anak nila haring Herman. Nasa dugo niya ang pagiging maharlika at kabilang siya sa angkan ng Primum na silang namumuno sa atin.”
Nabakas ang matinding pagdududa sa mukha ni Remus. “Siguraduhin mo lamang Sueret na hindi ikaw ang nasa likod nang lahat ng ito. Na hindi ito kasinungalingan at gawa-gawa mo lamang dahil paniguradong napakalupit na kaparusahan ang iyong matatamasa.”
Hindi pa rin nagbago ang kanyang ekspresyon. “Imposibleng gawa-gawa ko lamang ang lahat ng tungkol kay Hemira. Sa kapangyarihan pa lamang na kanyang tinataglay at kanyang pangalan na nabuo mula sa pinagsamang pangalan nila haring Herman at reyna Devora ay isang napakalaki nang patunay. Tigilan mo na ang iyong pagdududa dahil wala rin namang patutunguhan iyan.” Ibinalik niya na ang librong kanyang binabasa at naghanap na lamang ng iba pa.
“Ngunit hindi ako makapapayag na maging ganito ang lahat. Hindi ko matatanggap na mas magiging mababa ako kaysa sa babaeng iyon!” Kuyom na kuyom pa ang mga kamao nito.
Nangunot ang kanyang noo at muli itong hinarap. “Ano ba ang nagawa sa iyo ni Hemira upang maging ganyan kasukdol ang galit mo sa kanya? May nagawa ba siya sa iyo na masama o hindi mo labis na nagustuhan?”
Lalong umasim ang mukha nito dahil sa kanyang tanong. “Dahil batid kong siya ang iyong ginagamit at gagamitin upang makuha pang lalo ang pabor ng hari. Siya ang iyong magiging daan upang ika'y makaangat pa!” akusa nito sa kanya.
Nangunot lalo ang kanyang noo. “Magising ka sa iyong mga sinasabi, Remus. Lagi mo na lamang binabanggit ang bagay na iyan. Ang pwesto kong kanang kamay ng hari ang pinakamataas nang posisyon sa ating mga mula sa Tritus. Kung totoo ang iyong binibintang na nais kong makaangat ay ipinaparatang mo sa akin na nais kong maging hari dahil iyon na ang mas mataas pa roon. Sasabihin ko sa iyo, kailan ma'y hindi sumagi sa aking isipan ang bagay na iyon. Kung sa ating dalawa ay ikaw ang magnanais na makaangat dahil pumapangalawa ka lamang sa akin.”
“Anong iyong sabi?!” tumaas na ang tono ng boses nito sa galit. “Pinararatangan mo ba ako na ako'y naiinggit sa iyo?! Ganyan din ang paratang mo noon sa akin!”
Huminga siya nang malalim. “Hindi ko nais sabihin sa iyo ang bagay na iyon ngunit itigil mo na ang iyong galit kay Hemira dahil sa akin. Huwag mo siyang idamay dahil lamang sa isang mababaw na dahilan. Hindi pa man natin alam kung paano na ang mangyayari sa kanila ni prinsesa Ceres ay galangin at respetuhin na lamang natin silang dalawa dahil iyon ang tama.” Tinapik-tapik nito ang kanyang balikat at saka naglakad na paalis.
Ang nagpupuyos niyang galit ay sumiklab na nang tuluyan na itong makaalis.
Pinaggugulo niya ang mga librong nakapatong sa isang mesang malapit sa kanya at labis na labis ang pagkuyom ng kanyang kamao. “Hinding-hindi ako makapapayag na ang Hemirang iyon ang tanghalin bilang prinsesa ng kaharian. Gagawin ko ang lahat upang mahanapan ng butas ang sinasabi mong ang babaeng iyon ang tunay na prinsesa!” Masamang tingin ang ipinukol niya sa lugar na dinaanan ni Sueret palabas ng silid aklatang iyon.
Kinahapunan...
~Yohan~
Binibihisan na ako ng mga tagapagsilbi dahil nga sa gaganaping salu-salo na sinabi ng reyna kanina para kay Hemira.
Naiirita ako ngayon dahil sinabi ko na kina Seth na ako na ang magbibihis sa sarili ko pero pinagpilitan nila na dapat akong bihisan ng mga lalaking tagapagsilbi dahil iyon naman daw ang dapat. 'Yung si Marum nga raw na nagpanggap na ako, enjoy na enjoy ang ganitong treatment kaya gayahin ko na lang din daw.
Hinayaan ko na lang dahil ano bang magagawa ko? Tatlo sila nila Zetes. Isa lang ako.
Pero ngayong nabanggit ko si Marum, hindi ko na alam kung nasaan na ba ang isang 'yon ngayon. Hindi pa siya nagpapakita sa’kin simula pa kaninang paggising ko. Sabi naman daw nila David, hindi na rin daw nagpakita sa kanila ang gent na 'yon simula n'ong pasikreto akong dalhin ni Hemira dito galing paglalakbay namin.
Bahala siya. May utang pa akong mga ginto sa kanya sa pagpapanggap niya bilang ako habang wala ako rito. Siya rin naman ang mawawalan kapag hindi siya nagpakita sa’kin.
Tapos na akong bihisan at pagtingin ko sa suot ko, pangprinsipeng-pangprinsipe talaga. Silver ang kulay at kumikintab pa ang magandang designs dito. Ginupitan din ang buhok ko na ang haba na kaya clean cut na ulit ako ngayon.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin na life size. Ang gwapo ko talaga! Nakaka-excite tuloy makita ang magiging reaksyon ni Hemira kapag nakita niya na ako. Bwahahahah!
Habang gwapong-gwapo ako sa sarili ko, bumukas ang pinto at sila Seth 'yung pumasok. Mga nakaarmor pa rin sila.
“Bagay na bagay sa iyo prinsipe!” bulalas ni Dav-Piero at tumakbo palapit sa’kin saka ako sinipat-sipat.
Ito nga palang si David, ipinagpipilitang Piero na ang itawag ko sa kanya. Lalayas daw siya kapag David pa rin itawag ko sa kanya. Nasanay na kasi ako pero pinagbigyan ko na lang para manahimik na.
Napatingin ako kay Seth na sinisipat din ako. “Tamang-tama sa iyo iyan prinsipe. Makisig na makisig ang iyong dating.” Napatango-tango pa siya habang malawak ang ngiti.
“Alam ko, 'di pa kayo ipinapanganak,” sabi ko habang inaayos nang kaunti ang buhok ko at tumingin ulit ako sa salamin.
Natawa lang sila. Hindi naman joke 'yon.
Nevermind.
“P’wede ko na bang puntahan si Hemira?” tanong ko nang makuntento na ako sa itsura ko.
“Yiiieeehhh... Gusto mo lang magpa-impress eh.” pang-aasar sa’kin ni Piero.
“Lah. Di ‘pa ba impressed sa’kin si Hemira? Sigurado naman ako, una pa lang niya akong nakita, gwapong-gwapo na sa’kin ‘yun.” Kinindatan ko pa siya. “Ako pa!” Tumingin na ulit ako sa sarili ko salamin. Napansin ko naman ang pag-amba sa’kin ni Piero kaya tiningnan ko siya pero nginitian niya lang ako nang malawak.
Napangiti naman si Seth sa’min na halatang naaaliw. “Sige na prinsipe. Puntahan mo na siya sa kanyang silid. Mukhang tapos na rin naman siyang ayusan. Hindi ka na namin sasamahan dahil kayo lamang naman nila Eugene ang nararapat magpunta sa gaganapan ng salu-salo. Sana ay maging masaya ang inyong pakikipag-usap sa mahal na hari at reyna.”
Napangiti na ako nang malawak. “Sige. Una na 'ko.”
Tumango lang sila habang nakangiti at excited na lumabas na ako ng kuwarto ko. Sinara ko ang pinto at humarap kaagad ako sa direksyon ng kuwarto ni Hemira.
Kinakabahan ako dahil baka hindi niya magustuhan ang itsura ko ngayon pero bahala na. Sila Seth nga, gwapong-gwapo sa’kin.
Naglakad na ako papunta sa kuwarto niya. May nasalubong pa akong mga tagapagsilbi na napapatigil sa paglalakad at napapatingin sa’kin. Madalas, mga babae.
Miski mga kawal at iba pang mga lalaking servants, mga napapatingin din sa’kin pero 'di ko na sila pinapansin.
Hindi ko namalayan, malapit na agad ako sa kuwarto ni Hemira. Lumiko na ako at nakita ko agad sila Eugene, Serafina at si Kirion na isang leon.
Mga nakabihis din sila ng magaganda puwera kay Kirion.
Nang makalapit na ako sa kanila...
“Napakakisig mo naman Yohan sa suot mong iyan.” puri sa’kin ni Serafina habang nakangiti.
“Pangisangdaan ka na sa nagsabi.” biro ko sa kanya kaya napatawa naman siya.
Nakasuot siya ng kulay sky blue night gown na may long sleeves. Kumikintab 'yon at napakaelegante sa kaniya tingnan. Ang kulay gintong buhok niya rin, nakaapple cut na.
“Tss... Mukhang magbabago ang iyong isipan kapag ako'y tumabi sa kanya dahil mas makisig naman ako.” biglang singit ni Eugene kaya nangunot ang noo ko.
Napatingin ako sa kanya at nakagray naman siya na suot na pangformal ng sinaunang panahon. Long sleeve at nakapants naman siya.
“Hulaan ko kung ilan nagsabi niyan sa 'yo. Isa lang, 'no?” tanong ko sa kanya.
Halatang nagtaka naman siya.
“Ikaw lang.” pangbabara ko sa kanya at nalukot naman ang mukha niya.
Hindi naman naiwasan ni Serafina na mapatawa nang mahinhin. Nang tingnan naman siya ni Eugene ay inalis niya na kaagad ang ngiti niya.
“Huwag na kayong magsimula ng isang pagtatalo dahil malapit nang lumabas si Hemira.” saway sa’min ni Kirion kaya 'di na nakabawi sa’kin si Eugene.
Binelatan ko lang siya at napatawang muli sa’min si Serafina.
Hindi namin inaasahan na biglang bumukas ang pinto kaya sabay-sabay kaming napatingin doon.
Mga babaeng tagapagsilbi ang unang nabungaran namin.
“Tapos na po naming ayusan si binibining Hemira,” sabi n'ong isa sa kanila.
Napalunok naman ako at napansin kong ganoon din si Eugene dahil paniguradong excited na rin siyang makita si Hemira.
Sa totoo lang, kinakabahan ako at hindi ko alam kung bakit. Halo-halong curiousity, excitement at anticipation ang nararamdaman ko ngayon.
Gusto kong makita ako ni Hemira sa suot ko ngayon pero mas gusto ko siyang makita kung ano ang ayos niya.
Nagsilabasan na sila at ang dami nila.
Mga nasa sampu sila at nang makalabas na 'yung huling dalawa, saka namin nakita ang isang babae na may suot na napakagandang kulay dilaw na kasuotan. Sumasayad na ‘yon sa lupa sa haba at napakaganda ng design. Katulad din ng sa’kin ay kumikintab iyon sa tama ng sinag ng araw dito sa hallway.
Nakaipit din nang maayos ang mahaba niyang buhok na may kulot sa mga dulo at may mga nagkikintabang hairpin doon.
Nakatingin lang siya sa paanan niya kaya hindi pa namin makita ang mukha niya pero alam kong siya na 'yon.
Napalunok na naman ako pero parang Sahara Desert na ang lalamunan ko sa sobrang panunuyot n'on. Parang mamamatay na rin 'ata ako sa sobrang lakas ng t***k ng puso ko ngayon at nagslowmotion pa nga ang paligid nang iangat niya na ang tingin niya.
Nang makita ko na ang napakagandang mukha niya ay ito na lang ang tumatakbo sa isipan ko.
Siya na talaga. Wala nang iba.
Ipagpapatuloy...