Hemira III 7

2548 Words
Hemira III 7 - Paslit ~Hemira~ Kami'y naglalakad na ngayon nina Yohan papunta sa lugar na gaganapan ng salu-salong inihanda sa akin ng mahal na hari at reyna. Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon dahil sa labis na kakaibang takbo ng pangyayari na nagaganap sa akin. Ang mahal na hari at reyna ang aking tunay na mga magulang? Kailanma'y hindi pumasok sa aking isipan na posible ang ganoong bagay... ngunit naging posible na ngayon. Tiningnan ko ang aking sarili. Nakasuot ako ng isang maganda at mahabang kasuotan na sumasayad na sa lupa kaya naman nahihirapan akong humakbang dahil inaalala ko na baka maapakan ko ito at bigla na lamang akong madapa. Kulay abo ito at kumikintab. Hinawakan ko ang aking mahabang buhok na inipitan din nang maayos kanina ng mga tagapagsilbing nag-ayos sa akin. May disenyo ang pagkakaayos nito at mayroong mga palamuting para sa isang maharlikang binibini. Napahinga ako nang malalim. Hindi ako sanay sa ganitong bagay. Mas nais ko na baluti ang aking suot dahil doon ako mas kumportable ngunit ako'y dadalo sa inihandang salu-salo sa akin ng mahal na hari at reyna kaya nararapat na ganito ang aking kasuotan. "Ehem..." pagtikhim ng aking katabi kaya napatingin ako roon. Si Yohan iyon at nakatingin lamang siya sa aming dinaraanan. Mukhang nararamdaman niya ang masyado kong pag-iisip ng malalim. "Hemira, ayos ka lamang ba? Mukhang napakalalim ng iyong iniisip," ani Kirion na nasa kanyang balikat. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha kahit na siya'y nakapikit. "Oo Kirion... Ayos lamang ako. Hindi pa lamang talaga matanggap ng aking isipan ang mga nangyayari ngayon." Napahinga muli ako nang malalim hindi dahil hindi ko nais ang nangyayari kundi dahil hindi ko pa rin kayang mapaniwalaan ang lahat. May tumapik sa aking likuran nang mahina at pagtingin ko sa kabila kong tabi ay si Eugene iyon. Nakangiti siya at halatang masaya. "Matatanggap mo rin iyan, Hemira. Napakagandang pangyayari niyan sa iyo sapagkat hindi na maaaring ipagpilitan ng ginoong Remus na iyon na ika'y paparusahan ng kamatayan dahil ikaw ang tunay na prinsesa ng Gemuria." "Tama siya, Hemira," sabi naman ni Serafina na nakangiti rin at halatang masaya. "Noong araw na kamuntikan ka na talagang mawalan ng buhay sa kamay ni ginoong Remus ay akala nami'y katapusan mo na talaga ngunit pinigilan iyon ng mahal na hari bago pa man dumating si ginoong Sueret." Nakaramdam ako ng pagkaantig ng puso sa nalaman ko mula sa kanya. "Ibig bang sabihin ay pinigilan ni haring Herman ang pagpaparusa sa akin kahit hindi pa man niya batid ang tungkol sa bagay na ako ang kanyang anak?" Tumango naman siya. "Ganoon na nga. Paniguradong lukso ng dugo ang bagay na nagtulak sa kanya para gawin iyon." Dahil doon ay naalala ko ang nangyari sa aking silid nang kaming tatlo lamang nila haring Herman at reyna Devora ang magkakasama. ~Pagbabalik Tanaw~ Nakaupo na ako ngayon sa gilid ng aking higaan at hindi pa rin bumibitaw sa akin si reyna Devora na aking katabi ngayon. Hawak niya ang aking isang kamay at patuloy pa rin ang kanyang pagluha na tila ba ako'y mawawala sa kanya kapag siya'y bumitaw sa akin. "Hemira, ilang taon ka nang mawalan ng buhay si Thelia?" tanong sa akin ni haring Herman at siya'y nakatayo sa aming harapan kaya ako'y napatingala sa kanya. Ang dating maawtoridad niyang ekspresyon at seryosong mga mata ay ngayo'y nakatingin sa akin nang may pagsuyo. "P-papaano n'yo po nakilala ang aking lola Thelia?" may pagtatakang aking tanong. May kinuha siya sa kanyang bulsa na isang papel na may pagkagusot na. Iniabot niya iyon sa akin at nanginginig ang aking kamay na inilahad ko ang aking palad upang kunin iyon. "Nakasulat diyan sa papel na iyan ang tungkol sa relasyon nating tatlo at mula iyan kay Thelia kaya namin siya nakilala. Kung paano namin nasabi na kami ang iyong mga magulang at kung paano nangyari iyon ay lahat ay ipinaliwanag niya diyan, Hemira," aniya kaya naman napatitig ako sa papel na aking hawak. "Anak... Kailan namayapa si Thelia gaya ng tanong ng iyong ama?" tanong naman sa akin ng reyna. Napabalik naman ako sa aking sarili mula sa sapagkatuliro. "L-labing dalawang taon po ako noon nang bawian siya ng buhay dahil sa pagsasakripisyo niya sa kanyang sarili para sa aking kaligtasan," sagot ko nang may pagkailang. Aking aaminin, hindi ako kumportable na ngayo'y kasama ko ang dalawang pinakamataas na maharlika sa lupa. Kahit na sinasabi nilang ako ang kanilang anak ay hinding-hindi kakayaning maproseso iyon ng aking isipan. "Simula ba niyon ay mag-isa ka nang namuhay?" tanong niya pang muli at namumuo na naman sa kanyang mga mata ang kanyang mga nagbabadyang mga luha. Tumango ako. "Maaari mo bang isalaysay sa amin kung ano ang iyong mga pinagdaanan nang pumanaw ang tumatayo mo noong lola na si Thelia?" tanong muli ni haring Herman. Mukhang nais niya talagang malaman ang lahat kaya naman huminga muna ako nang malalim ngunit dahan-dahan upang hindi ipahalata sa kanila ang nagbabadyang pagbaha sa akin ng mabibigat na emosyon. Sinimulan ko ang aking kuwento sa kanila nang mabihag ako ni Vargo, ang ganid na lalaki na ginawa akong gladyator sa isang estadio sa bayan ng Krikor. Ang tungkol sa pangangako nito ng kalayaan sa akin mula rito kung maipapanalo ko ang isangdaang laban. Ang apat na taon ko roon ng pagiging gladyator at ang pinakamasaklap na nangyari sa akin, ang pagpapabugbog nito sa akin bago ang araw ng aking ikaisangdaang laban. Umabot na ang aking pagsasalaysay noong sinubok na itakas ako ni Abun at ang pagkahuli sa amin ni Vargo. Hindi ko na masyadong idinetalye pa ang lahat sapagkat kitang-kita ko na sa kanilang mukha na sila'y labis-labis na naaapektuhan sa aking mga isinalaysay. "Dahil sa pagliligtas n'yo sa amin noong gabing iyon, mahal na reyna ay nakaligtas kami ni Abun mula sa parusang ipapataw sana sa amin ni Vargo dahil sa pagtatangka naming tumakas." pagtatapos ko sa aking kuwento. Biglang humagulgol ang mahal na reyna at inilapit niya sa kanyang bibig ang aking kamay na kanyang hawak. Naramdaman ko ang pagdampi roon ng kanyang labi. "Hemira... Anak ko... Hindi ko inaakalang dinanas mo ang ganoong kalupit na bagay noong iyong kamusmusan. Ni wala kaming kaalam-alam na sa bawat araw na dumadaan noon... Ang mga tulog naming mahimbing ay kalupitan at kadustahan naman ang iyong sinasapit. Hindi ko magawang maatim na kumakain kami ng masasarap na pagkain noon samantalang ikaw ay mga hampas at pasakit ang natitikman. Patawarin mo kami, anak ko..." Iyak siya nang iyak kaya hindi ko alam ang aking gagawin upang pagaanin ang kanyang loob. Hindi ko na rin napigilan ang aking mga luha dahil nasasaktan ako na nakikita ko siyang nagkakaganito. Napakabuti niyang tao para humingi sa akin ng labis na kapatawaran. Sana pala ay hindi ko na lamang isinalaysay ang lahat upang hindi siya lumuha nang ganito. Hindi ko inaakalang lumuhod sa aking harapan ang hari at kinuha niya sa kanyang bulsa ang kanyang panyo at pinunasan niya ang aking mukha na basa ng luha. Puno iyon ng ingat at pagsuyo. Pati sa reyna ay pinunasan niya rin kahit na siya ay lumuluha rin naman. "Hindi ko kayang makitang lumuluha nang ganito ang aking dalawang napakagagandang mga diwata." Ngumiti siya nang sinsero at sa kanyang mga mata ay tila nananalamin lamang ako. Ngayon ko lamang napag-isip na ang kanyang mga mata ay kaparehas ng sa akin kapag nakangiti siya nang ganoon. "Simula ngayo'y kikilalanin mo na kaming mga magulang. Ang dapat mo na ring itawag sa amin ay ama at ina dahil ikaw ay aming prinsesa. Babawi kami sa iyo. Lahat ng bagay na nararapat para sa iyo noon ay ngayon namin ibibigay lahat sa iyo." kanyang turan at pinunasang muli ang aking pisngi na nabasa muli ng luha gamit ang kanyang hinlalaki. Ngunit isang isipin ang biglang pumasok sa aking isipan. "Subalit mahal na hari... si prinsesa Ceres. Siya ang inyong prinsesa. Siya ang prinsesa ng Gemuria kaya hindi ko kayang maituring na prinsesa ang aking sarili. Isa lamang akong aba." nahihiya kong sabi ngunit ngumiti lamang siya. "Huwag kang mabahala, anak ko. Prinsesa si Ceres at ganoon din ikaw. Huwag mo nang ituring na aba ang iyong sarili sa amin dahil kahit anong mangyari ay kikilalanin ka naming aming prinsesa. Kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya ng lahat kaya huwag mo nang isipin pa iyon." pagpapagaan niya ng aking loob. Ganoon din ang sinasabi ng mga mata ng mahal na reyna kaya tumango na lamang ako kahit na ang totoo ay nababahala pa rin ako. "Eugene!" narinig naming sigaw mula sa labas kaya napatingin kami sa may pintuan. Batid kong tinig iyon ni Yohan at mukhang siya'y humahangos. "Si Hemira?! Alam n'yo ba kung nasaan siya? Itutuloy ba 'yung pagpaparusa sa kanya?!" rinig pa rin namin mula sa labas. Napangiti ang hari ngunit napansin ko na may pagkabahala sa kanyang mukha. Nang mapatingin na siyang muli sa akin ay agad na muli siyang ngumiti at tumayo na. "Sige, Hemira. Kami'y lalabas na upang mabisita ka na ng iyong mga kaibigan," aniya. Tumayo na rin ang mahal na reyna at hinalikan niya muna ang aking noo. Kakaiba iyon sa pakiramdam. Nakagagaan ng loob. "Anak ko, ayoko pa mang lisanin ang silid mong ito ngunit batid ko na nais mo rin ng oras upang makapagisip-isip at hindi ko ipagdadamot sa iyo iyon. Kami'y aalis na muna." Kahit na namumugto ang kanyang mga mata ay napakaganda pa rin niya lalo na at nakangiti na siya ngayon. Tumango na lamang ako dahil hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin. Hinaplos lamang niya muli ang aking buhok at sila'y palabas na."Magpahinga kang mabuti, anak ko... Mayamayang hapon lamang ay magdaraos tayo ng isang salo-salo para sa iyo..." pahabol na sabi sa akin ng reyna. Ngumiti naman ako at tumango kahit na nais ko sanang sabihin na huwag nang gawin para sa akin ang bagay na iyon. Lumabas na sila at naiwan ako rito mag-isa. Doon ko na binasa ang nilalaman ng papel na ibinigay sa akin ng hari na mula sa akin lola at nang matapos kong basahin iyon ay roon na pumasok si Yohan. Biglang mayroong humawak sa aking kamay kaya ako'y nauntag mula sa pagbabalik tanaw ng nangyari kanina. Napatingin ako sa taong iyon at tama ang aking hinala na si Yohan iyon. Kilala ko ang kanyang kamay na saktong-sakto lamang sa akin ding kamay. Na tila ginawa ang mga ito upang maging pares at magkadaop. "Malapit na tayo ro'n sa banquet hall kaya 'wag ka nang tumulala. Baka bumangga ka sa pader," aniya ngunit hindi naman tumitingin sa akin. Nasa harapan lamang ang kanyang atensyon. Napansin ko na simula nang makita niya ako kanina ay hindi na siya muling tumingin sa akin kahit isang beses. Hindi ko inaasahan na makararamdam ako ng pagkadismaya dahil mukhang hindi niya nagustuhan kung ano ang aking itsura at kasuotan ngayon. Tunay nga talagang hindi nababagay sa akin ang ganitong mga kasuotan na kagagara at tanging sa mga baluti lamang ako nararapat. Unti-unting bumigat ang aking kalooban at bumagal ang aking paglalakad. Yumuko rin ako upang hindi na nila makita ang aking mukha. Ngayon lamang ako nahiya nang ganito sa aking sarili. Tila ba lalo kong nararamdaman na hindi talaga nararapat na maging kabilang ako sa mga mahaharlika. Naramdaman ko na may humawak sa aking balikat at iniharap ako sa kanyang direksyon kaya ako'y napatigil sa paglalakad. Doon ay isang malambot na bagay ang dumampi sa aking pisngi. Natulala naman ako at nalanghap ko ang napakabango niyang pabango na nakahahalina sa aking pang-amoy. Si Yohan. Inilapit niya ang kanyang bibig sa aking tenga. "Huwag mong isipin na kaya hindi ako tumitingin sa 'yo eh dahil sa napapangitan ako sa 'yo. Hindi ko lang talaga ginagawa dahil hindi ko kayang kontrolin ang sarili ko kapag napapatitig ako sa 'yo. Lalo na ngayon..." Kumabog naman ang aking dibdib dahil sa kanyang sinabi. Lumayo siya sa akin nang kaunti at tumingin nang deretso sa aking mga mata. Halos matunaw ako sa kanyang titig. Ganoon lamang siya ngunit unti-unti niya nang inilalapit muli sa akin ang kanyang mukha. Halatang balak niya akong hagkan. Lalong bumilis ang t***k ng aking puso at hindi na magkandamayaw ang mga maliliit na nabubuhay na lipad nang lipad sa loob ng aking sikmura. "Kayong dalawa, huwag n'yong kalimutan na naririto pa kami," sabi ni Eugene kaya naman napabalik ako sa aking sarili at halatang ganoon din si Yohan. Nag-init ang aking magkabilang pisngi dahil sa pagkahiya dahil sa nangyari sa pagitan namin ni Yohan. "Tss. Kaya ayokong titigan ka eh." Napatingin sa ibang direksyon si Yohan at napansin ko na namumula ang kanyang tenga. Mayroong umingit na pinto at pinagbuksan na pala kami ng dalawang kawal ng pinto. Mga nakangiti ang mga ito sa amin. Kaunting hakbang na lamang ang layo namin mula sa kanila kaya naman naglakad na kami papunta roon. Ngumiti rin kami sa kanila. "Tara na sa loob Hemira." aya sa akin ni Serafina at inilahad niya ang kanyang kamay. Ngumiti naman ako at tinanggap ko iyon kaya magkahawak ang aming kamay na pumasok sa loob. Nakasunod naman sa amin sina Eugene at Yohan kasama si Kirion na nasa kanyang balikat. Napatingin kami sa paligid at mayroong mga disenyo ang mga pader na gawa sa bulaklak. Napakagara ng paligid at halatang pinaghandaan para sa isang kaganapan. "Ang tagal n'yo naman bago kayo makarating. Kanina pa ako naghihintay rito," sabi ng isang tinig ng batang babae mula sa isang direksyon kaya sabay-sabay kaming napatingin sa pinagmulan niyon. Sa isang mahabang lamesa na mayroong mga upuan ay naroroon ang tatlong tao. Ang dalawa ay ang hari at reyna na masayang nakangiti sa amin habang nakatayo at mukhang naghihintay sa amin. Napakaganda ng kanilang mga kasuotan at mukhang napakasaya talaga nila na tila isang napakagandang balita ang mayroon sila... at ang isang tao naman na mukhang pinanggalingan ng tinig kanina ay nakatalikod sa amin ng upo. Babae iyon at mahaba ang kanyang buhok na nakatarintas. Isang paslit lamang iyon na mukhang nasa edad sampu pa lamang. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at humarap sa amin.  Nangunot ang aming noo habang pinagmamasdan siya. Isang magandang kasuotan ang kanyang suot na makulay. Napatitig ako sa kanyang mukha. Nakataas ang kanyang isang kilay na tila nagtataray at napakapamilyar niyon ngunit nang mapatitig na ako sa kanyang noo ay napatulala ako. Napasinghap naman si Serafina at ganoon din si Eugene at Yohan na mukhang doon din napatingin. Mayroong apat na bilog na nakamarka roon at may iba't-ibang kulay iyon. Puti, pula, asul at dilaw. "Mukhang may isang hindi kaaya-ayang prinsensya akong nararamdaman," ani Kirion na isang bulag kaya sa pakiramdam lamang bumabase. Hindi ko na napigilan ang aking mga luha mula sa pagtakas niyon sa aking mga mata kahit na hindi pa rin ako sigurado kung totoo ba ang aking hinala. "A-aria... Ikaw ba iyan?..." nabasag na ang aking tinig sa pagtatanong niyon sa kanya. Unti-unting lumambot ang kanyang mataray na ekspresyon at ngumiti na. "Oo Hemira... Ako nga ito..." Doon ay tuluyan nang bumaha ang napakaraming emosyon sa aking dibdib. Labis na kasiyahan, pagtataka kung paanong naririto siya ngayon at buhay, pagkapangulila at pagmamahal. Kahit na napakaraming tanong ang dumagsa sa aking isipan ay hindi na ako nakapagpigil at tumakbo agad ako papunta sa kanya habang lumuluha na tila isang bata. "ARIAAAAAA!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD