Hemira III 8 - Salo-salo
~Tagapagsalaysay~
"ARIAAAA!" umiiyak na tawag ni Hemira sa paslit na si Ariadne at saka siya tumakbo papunta rito.
Sinalubong naman siya nito ng yakap at nang makalapit na ay kinailangan niya pang lumuhod upang mayakap ito nang maayos dahil sa baba nito.
Hagulgol agad niya ang nangibabaw sa malawak na silid na iyon habang yakap niya nang mahigpit ang lumuluha na ring si Ariadne.
"A-aria... T-totoo ba ang lahat ng ito?... H-hindi ba ako nananaginip lamang? Naririto ka ba talaga at buhay?" sunod-sunod na tanong niya rito.
Tinapik-tapik naman nito nang mahina ang kanyang likod. "Hindi ka nananaginip, Hemira... Ako talaga ito at buhay na buhay..."
Dahil doon ay lalong napalakas ang kanyang pag-iyak.
Pati ang dalawang maharlika na nakasasaksi sa kanilang makabagbag damdaming tagpo ay napapaluha na rin.
Nang makabawi na sila Yohan sa pagkabigla dahil sa pagkakakita kay Ariadne ay agad na rin silang lumapit sa dalawa.
Hindi sila makapaniwala dahil sa nakikita nilang buhay si Ariadne at isa nang bata ngayon.
Si Yohan nama'y siniyasat pa siyang mabuti kung talaga ngang hindi lamang ito nag-i-ilusyon na siya'y nakikita. "Ariadne... Paanong buhay ka? Eh 'di ba, namatay ka ro'n sa Abellon no'ng iniligtas mo ako mula kay Abellona? Kitang-kita namin na humiwalay ka sa pagiging libro mo at naabo ka na lang sa kalangitan. Paanong nandito ka na ngayon?" Puno ito ng pagtataka.
Tumango-tango naman sila Eugene at Serafina bilang pagsang-ayon sa tanong nito.
Pati si Hemira ay humiwalay sa kanya ng yakap at ang tanong ding iyon ang nasasaad sa mga mata nito na nakatingin sa kanya.
Napahinga siya nang malalim at pinunasan niya ang kanyang mga mata na basa ng luha.. "Ang totoo niyan, ako'y nagulat din nang ipinanganak muli ako ng apat na elemento bilang ako... Bilang si Araidne na inyong nakilala. Mayroon pa rin akong alaala tungkol sa inyo at tungkol sa aking naging buong buhay nang ako'y maging si Ariadne."
Nangunot ang noo ni Yohan. "Ano ba ang dapat na mangyayari sa 'yo kapag ipinanganak ka na ulit? Mabubura na lahat ng nakaraan mo tungkol sa 'min?"
Tumango-tango naman siya. "Tama. Ang nararapat sana'y wala akong nalalaman tungkol sa aking nakaraan at isa na lamang akong Fae na ang tanging batid lamang ay tungkol sa apat na elementong aking pinamumunuan ngunit nanatili sa akin ang aking mga alaala. Ang dapat di'y daan-daan o libong taon pa ang aabutin bago isilang muli ang magiging bagong Fae. Ako rin naman iyon ngunit ibang katauhan na ang mayroon ako kapag ganoon. Siguro, kaya nangyari ito ay dahil sa labis kong kagustuhan na balikan kaagad kayo... Balikan si Hemira dahil ayokong sisihin niya ang kanyang sarili dahil sa aking pagkamatay sa Abellon."
"Ngunit ibig sabihin ba'y hindi ka na isang librong nagsasalita ngayon at isa ka na talagang Fae?" tanong naman ni Eugene.
Tumingin naman siya sa kanyang sarili at nalukot ang kanyang mukha. "Ako'y hindi na nga isang libro ngunit isang paslit naman. Kami talagang mga Fae na ipinapanganak ay nagsisimula sa ganitong anyo. Sa paglipas lamang kami ng panahon umeedad at kapag kasukdulan na ang aming kagandahan at kalakasan ay tumitigil na iyon hangga't walang nangyayari sa amin na aming ikapapanaw."
"Ibig din bang sabihin ay tuluyan ka nang nakawala sa sumpa ng matandang mangkukulam na ginawaan mo ng masama noon?" Si Kirion naman ang nagtanong na nakahalukipkip.
Napataas naman ang kanyang kilay. "Oo. Nakawala na ako dahil ang sabi ng matandang iyon ay kamatayan lamang ang susi upang makawala ako sa kanyang sumpa kaya naman kayang-kaya na kitang tirisin ngayon kahit kailan ko naisin, iyakin."
Nangunot nang labis ang noo ni Kirion. "Anong iyong sabi?!" pikon na sigaw nito.
Napangisi naman siya dahil sa pagtatagumpay niyang mapikon ito. "Bleeeh! Bakit hindi mo pa pinagagamot iyang mga mata mo upang makaiyak ka nang muli, iyakin?" pang-aasar niya rito.
Dahil sa pagkapikon ni Kirion ay tumalon ito pababa mula sa balikat ni Yohan at agad na nag-anyong nemean.
"GAAAAAAAAAAAR!" atungal nito sa kanya na kinagulat nila Yohan.
Hindi naalis ang kanyang ngisi. "Kayang-kaya na kitang kaharapin ngayon!" Agad naman siyang nagsindi sa kanyang kamay ng apoy upang ito'y patulan ngunit tila apo'y lamang iyon ng kandila at nang nahipan ng kaunting hangin na dumaan ay namatay na kaagad.
Natigilan naman siya dahil sa pangyayaring iyon miski na sina Eugene.
"Kayong dalawa, 'wag nga kayong mag-away! Kakakita n'yo pa lang tapos away na agad kayo." saway sa kanila ni Yohan.
Umismid na lamang siya upang hindi masyadong intindihin ng kanyang mga kasamahan ang napakita niyang napakahinang kapangyarihan.
"Kakakita? Siya'y bulag kaya paanong ako'y kanyang makikita?" sarkastiko niyang sabi at humalukipkip pa.
"Ikaw nama'y isang batang patpatin!" malagong na sigaw ni Kirion.
"Paano mo nabatid na ako'y patpatin? Iyo bang nakita?" pagsagot niya pa rin dito nang may pang-aasar.
"GAAAAAAAAARR!" atungal muli nito sa labis nang pagkapikon at kung hindi lamang ito hinila nila Yohan sa buntot nito'y nasugod na siya nito.
"Aria... Huwag mo nang masyadong asarin si Kirion. Siya'y labis ding nagluksa noon dahil sa iyong pagkawala..," sabi ni Hemira sa kanya na may pakikiusap sa tono.
Napataas lamang ang kanyang kilay. "Siguradong siya'y labis na natuwa dahil wala nang mang-tutukso sa kanya." mahina niyang sabi.
"Ehem..." pagtikhim ng isang tao malapit lamang sa kanila kaya naman napatingin sila lahat doon.
Nang maalalang naroroon din nga pala sa malawak na silid na iyon ang hari at reyna ay sabay-sabay silang natauhan lalo na si Hemira na agad na tumikluhod.
Tikluhod na ginagawa niya noong siya'y isang mandirigma pa.
"Patawad, mahal na hari at reyna dahil sa aming naging kabastusan sa inyo. Hindi kaagad kami nagbigay galang at aming inuna ang mga personal na mga bagay." pormal na paghingi niya ng tawad sa mga ito.
Bumalik na si Kirion sa pagiging liosalfar na agad na sinalo ni Yohan upang hindi mabastos ang dalawang maharlika sa pagpapakita niya ng kanyang mabangis na hitsura sa mga ito.
Lumapit ang dalawa kay Hemira at lumuhod din sa harap niya si Devora kaya napatingin siya rito.
Napahinga ito nang malalim. "Anak, hindi mo na kailangang gawin ito. Nakalimutan mo na ba na ikaw ang aming prinsesa kaya naman hindi mo kailangan humingi ng tawad sa amin sa ganyang paraan."
Natigilan naman siya dahil sa sinabi nito.
Ngumiti na ito sa kanya at tinulungan siyang tumayo.
Pinagpagan pa nito ang maganda niyang kasuotan.
Napatingin siya sa hari na nakatingin din sa kanya.
"Mukhang iniisip mo pa rin na ika'y isa lamang mandirigma ngunit hindi na iyon ang iyong katayuan ngayon," ani Herman at hinawakan siya sa kanyang ulo. "Ikaw na ay prinsesa ng Gemuria at aming anak... Huwag mo nang kalimutan iyon." Ngumiti na rin ito.
Kahit nag-aalangan ay tumango siya.
~Hemira~
"Ariadne, bakit parang hindi ka man lang nagulat na si Hemira pala ang tunay na prinsesa ng Gemuria?" tanong ni Yohan kay Aria na maganang kumakain ngayon.
Kami'y kaharap na ng hapag kainan at nasa gitna nila ako pareho.
Napakaraming pagkain ang mapagpipilian na ipinahanda nina haring Herman at reyna Devora para sa amin.
Ngayon lamang ako nakakita at makatitikim ng ganitong mga klaseng putahe na tanging ang mahaharlika lamang sa palasyong ito ang nakakakain.
"Noon pa lamang ay mayroon na akong suspetsa na may kakaiba sa katauhan ni Hemira. Napakabuti niyang tao ngunit nakita ko siya noon na gumamit ng napakalakas na itim na mahika noong nasa karagatan ng Syierian pa kami. Nakalaban niya noon ang isang makara na sinaniban ng isang mostro kaya siguro hindi sinasadyang nagamit niya iyon. Isinawalang bahala ko lamang iyon ngunit habang tumatagal ay lumalakas ang kutob ko na hindi lamang siya isang ordinaryong maheya't mandirigma at tama nga ang aking hinala." Tumingin pa si Aria sa akin at uminom muna siya ng tubig.
Hindi ko batid na mayroon na palang suspetsa sa akin si Aria noon na may kakaiba sa akin.
"Nang makarating na ako rito kanina lamang ay si haring Herman ang aking nakasalubong. Sinabi kong isa ako sa iyong mga kasamahan, Hemira at hinahanap kita. Laking tuwa ko na nakaligtas kayo mula sa Abellon pati na si prinsesa Ceres at doon niya na ibinahagi sa akin ang iba pang nangyari habang ako'y wala. Ang paggamit sa 'yo para sa iyong kapangyarihan ng lalaking may pangalang Handro at ang naganap na digmaan nitong kahapon lamang. Lahat ng iyon ay aking batid na."
Napatango-tango ako ngunit dahil nabanggit niya si prinsesa Ceres ay agad akong napatingin kay haring Herman na aking kaharap ngayon at ganoon din siya.
Nahalata niya kaagad na may nais akong itanong. "Ano ang iyong nais malaman, Hemira?"
Nag-aalangan ako nang labis kaya ako'y umiling na lamang. "W-wala naman po..."
"Kung ang tungkol kay Ceres ang nais mong mabatid ay patawad Hemira dahil hindi pa namin nasasabi sa kanya ang tungkol sa iyo. Nagpunta kami ni Devora kanina sa kanyang silid upang sabihin sana sa kanya iyon ngunit mukhang masama ang kanyang pakiramdam at ang sabi niya'y nais niyang magpahinga kaya naman hindi na namin itinuloy ang aming planong pagkausap sa kanya." paliwanag niya.
Nanlaki naman ang aking mga mata at labis akong nahiya. "A-ayos lamang po... Nais ko lamang pong malaman kung nabatid niya na ba o hindi dahil mas nais kong hindi muna mabanggit sa kanya. Kahit saang anggulo tingnan ay batid kong masasaktan siya dahil sa akin at ayoko po sanang mangyari iyon." Napayuko na lamang ako.
Ayokong bigyan sila ng alalahanin miski na si prinsesa Ceres.
Siguradong nahihirapan na silang dalawa kung paano ba ipaliliwanag sa prinsesa ang tungkol sa akin.
Nakikinita ko na rin ang mga magaganap. Siguradong mayroon akong mga bagay na maaagaw mula kay prinsesa Ceres, hindi ko man gusto o gusto... Hindi ko rin man batid o batid.
Napahigpit ang hawak ko sa aking damit.
Dahil sa akin ay magiging kumplikado ang lahat sa kanila.
Hindi ko naman inaasahan na mayroong hahawak sa aking mga kamay. Si Yohan at Aria iyon. Sabay pa sila kaya napatingin ako sa kanila ngunit patuloy lamang ang kanilang pagkain.
Napangiti ako. Siguradong ginawa nila iyon upang palubagin ang aking loob at nagtagumpay sila dahil unti-unting umalwas ang bigat na nararamdaman ko sa aking dibdib.
"Huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon. May ilalaan tayong panahon para sa usaping iyon, anak ko. Ang maganda, isalaysay n'yo na lamang sa amin ang mga nangyari noong kayo'y naglalakbay papuntang Abellon," ani reyna Devora at bakas na bakas sa kanya ang pagnanais na malaman ang tungkol sa bagay na iyon.
Napatango-tango rin ang hari.
"Ako na ang magsisimula dahil ako ang unang nakasama ni Hemira," sabi naman ni Aria na may pagmamalaki sa tinig.
Napaismid lamang si Kirion na katabi ng aking plato ngayon at nanginginain ng maliit na tipak ng tinapay.
Nagsimula nang magsalaysay si Aria.
Sa lahat ng maaaksyong pangyayari ay talaga namang isinasalaysay niya iyon nang may labis na damdamin kaya naman tiim na tiim sa pakikinig ang hari at reyna. Noong nasa parteng nanganganib na ang aking buhay ay namamasa-masa naman ang kanilang mga mata at tila nagpipigil na mapaiyak.
Nang kay Kirion na ay nagtalo pa sila ni Kirion sa mga bagay-bagay ukol sa mga naganap dahil iniiba ni Aria minsan ang pangyayari upang asarin lamang ito. Siya na rin ang nagkuwento nang nasa moderno na kami para kay Yohan.
Si Eugene naman ang nagbahagi ng mga pangyayari tungkol sa pakikiusap namin na sumama siya sa amin at ibinahagi niya na rin ang kay Euvan.
Dahil doon ay naalala kong muli si Euvan.
Napatingin ako sa isang bakanteng upuan malapit sa amin at aking inisip na naroroon si Euvan at nakatingin lamang sa amin. Tingin na laging mayroon siya ngunit nang sa akin na tumingin ay isang ngiti ang sumilay sa kanyang labi.
Napangiti rin ako ngunit nang humangin ay tila buhangin siya na nadala niyon. Nawala na siya at batid kong hindi na siya kailanman babalik pa.
"Ipinag-utos ko na noon pa man na ipakalat ang katotohanan tungkol sa inyong lahing mga Asas. Na hindi kayo mga mostro at hanggang ngayo'y pinaghahanap pa rin ang hari ng inyong kaharian na nag-akusa sa inyo niyon," sabi ni haring Herman kaya napabalik ako sa aking sarili.
Si Serafina na pala ang nagsasalaysay ng kanyang kuwento.
Yumuko siya nang kaunti at ngumiti. "Maraming salamat po, haring Herman. Sana po talaga'y mahuli na ang haring iyon dahil siya ang nagpaubos sa aming lahi."
Tumango-tango naman ang hari.
Ipinagpatuloy ni Yohan ang pagsasalaysay nang sila'y sumugod na sa Abellon upang kami'y iligtas ni prinsesa Ceres.
Ang hari't reyna nama'y labis pa rin ang tiim sa pakikinig at sumisinghot-singhot na ang reyna dahil naluluha na ito lalo na nang isalaysay ni Yohan kung gaano kami pinaglaruan ni Abellona gamit ang manika nito sa pangungulam.
"Pagkatapos na mamatay ni Ariadne, sobrang hindi na namin alam kung anong gagawin. Binulag na nga ni Abellona si Kirion, sinaksak niya pa ako sa dibdib ko na akala ko, ikinamatay ko na pero buti na lang at hindi. Naagapan lang ako ni prinsesa Ceres dito sa palasyo kaya nabuhay pa rin ako," salaysay ni Yohan at dahil sa sinabi niyang iyon ay naalala ko ang naganap noon sa Abellon.
Ang labis na pagtangis ko dahil sa pagkawala ng kanyang buhay.
Ginamitan ko siya ng aking mahika noon upang gamutin ngunit hindi pa rin siya gumaling noon kaya paanong?... Ngayon ko lamang naisip ang bagay na iyon.
"Labis ko ngang ipinagtataka noon Yohan na nagawa ka pa ring magamot ni prinsesa Ceres gayong wala ka na namang buhay noon sa Abellon." nagtatakang saad ni Serafina.
"Ang sabi ni prinsesa Ceres noon ay may pintig pa ang iyong puso ngunit mahina na. Naagapan ka lamang niya rito gamit ang kanyang mahika," sabi naman ni Eugene.
Nagkatinginan kami ni Serafina dahil doon.
Nanlaki ang kanyang mga mata. "Ibig sabihin, gumana ang mahika mo noon sa kanya, Hemira?"
Nakatitig lamang ako sa kanya at pilit na iniisip ang tungkol sa bagay na iyon.
"Anong mahika?" tanong naman ni Yohan na halatang nalilito dahil sa aming reaksyon.
"Aking natatandaan, saktong pagpatak ng ikalabing dalawa sa orasan noon ay ginamitan ka ni Hemira ng kanyang mahika upang isalba ang iyong buhay. Ang buong akala namin ay hindi umepekto iyon at wala ka na talagang buhay noon ngunit ngayong nabanggit na may pintig pa ang iyong puso nang madala ka rito sa Gemuria ay ibig sabihi'y gumana ang mahika ni Hemira sa iyo." paliwanag ni Serafina na may pagkamangha.
"Kung ganoon ay si Hemira pala ang tunay na nagsalba sa iyong buhay," sabi naman ni Kirion.
Kay Yohan naman ako napatingin at ganoon din siya sa akin.
Tila napuno ng kasiyahan ang kanyang mga mata at unti-unting gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi.
Biglang tumayo ang hari kaya napatingin kaming lahat sa kanya. Ganoon din ang reyna na lumuluha nang talaga.
Agad na lumapit sila sa akin kaya nama'y ako ay napatayo at nabigla ako nang yakapin ako ng hari.
Nanlaki naman ang aking mga mata sa pagkabigla.
Tinapik-tapik niya nang mahina ang aking likuran. "Magaling ang iyong ginawa, Hemira. Labis akong nagagalak sapagkat sa iyong ikadalawang pung taon ay kapangyarihan ng kabutihan ang iyong unang nagamit at hindi ang Yin. Naisalba mo pa ang isang buhay dahil sa ginawa mong iyon. Labis-labis akong natutuwa sa nabatid kong iyon." Kahit hindi ko nakikita ay siguradong isang malawak na ngiti ang mayroon siya.
Humiwalay na siya sa akin at nakangiti pa rin siya na tila labis na natutuwa.
Nakadama naman ako ng labis ding sapagkatuwa at tila isa akong paslit na napuri ng kanyang mga magulang dahil sa aking ngiti ngayon.
Ang reyna naman ang humawak sa aking kamay at labis-labis na kasiyahan din ang mababasa sa kanyang mga mata. "Hemira... Lubos ka talaga naming pinagmamalaki dahil kahit na napakaraming mga bagay na mapait ang dumaan sa iyo, nanatili kang mabuti. Patunay na roon ang pagpapaubaya sa iyo ng kapangyarihang Yang na gamitin mo siya nang ganoong kalakas." Ako'y kanya ring niyakap habang hinahaplos ang aking buhok.
Napapikit ako dahil sa masuyo niyang haplos at hindi pa rin naaalis ang aking ngiti.
Napakasarap sa pakiramdam ng lahat.
Ngunit totoo kaya ang lahat ng nagaganap sa akin ngayon?
Nakapaninibago...
Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang sa oras na ito dahil sa labis na laki ng pagbabago sa takbo ng aking buhay.
Baka naman ako'y nasa isa lamang malalim na pagtulog?
O baka naman ilusyon lamang ang lahat ng ito.
Kung imumulat ko ba ang aking mga mata, makikita ko pa rin ba sila Aria? Sila Yohan?
Yakap pa rin kaya ako ng reyna habang masuyo rin ang ngiti at tingin sa amin ng hari?
Natatakot akong magmulat... dahil baka bigla na lamang mawala ang lahat.
Ngunit nadadama ko pa rin ang haplos sa akin ng reyna.
Doon ko na napatutunayan na totoo ang lahat.
Na hindi dapat ako matakot na buksan ang aking mga mata dahil makikita ko pa rin sila Aria at yakap ako ng reyna.
Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko pa rin silang lahat na bakas na bakas ang kasiyahan sa kanilang mga mukha.
Humiwalay na rin sa akin ang reyna na puno ng pagmamahal ang tingin sa akin at ang hari nama'y nakangiti sa amin.
Hindi ko napigilang maluha sa lubos na kasiyahan ngunit agad kong pinunasan iyon.
Totoo nga ang lahat ng ito.
Kasama ko nga talaga ngayon ang aking mga mahal sa buhay...
~Tagapagsalaysay~
Kinagabihan...
Tapos na ang masayang salo-salo nila Hemira at sila'y nasa kani-kanila nang mga silid ngunit si Serafina, Ariadne at Kirion ay nasa silid ni Hemira dahil nais pa siyang makasama ng mga ito.
Wala roon sina Eugene at Yohan dahil pinagbawalan ng huli si Eugene na pumasok sa silid ni Hemira sa pagiging hindi nito katiwa-tiwala pagdating sa mga babae puwera lamang kay Kirion.
Nasa malambot na higaan ang apat na sila Hemira at nakaupo sila roon. Kumportableng-kumportable ang kanilang mga upo roon at halatang wala pa silang balak na matulog.
Tumingin si Ariadne sa paligid na may pagkamangha. "Napakagara ng iyong silid Hemira. Ang lahat ng kagamitan dito ay siguradong napakamamahalin."
Tumingin din si Hemira sa paligid ngunit hindi siya umimik at humiga lamang siya sa hita nito at pumikit.
"Batid namin na hindi ka sanay sa ganitong lugar Hemira dahil ang mas nais mo ay simpleng lugar lamang," ani Serafina na nakaharap ng upo sa kanila.
Nasa balikat nito si Kirion.
Bigla na lamang napabangon si Hemira nang tila may maalala ito at nanlalaki ang mga mata nitong napatingin kay Serafina.
"Bakit? Mayroong bang problema?" tanong nito na nagtataka sa kanyang ikinilos.
Nanlalaki pa rin ang kanyang mga mata. "Aking naalala! Ang Nyelsa! Hindi ba't sinugod iyon ni Mades nitong nakaraang ilang araw? Ano ang nangyari sa lugar na iyon?" puno ng pag-aalala na tanong niya rito.
Napahinga naman ito nang malalim at napayuko. "Ang totoo niya'y hindi ko batid kung ano na ang nangyari sa bayan naming iyon. Hindi ko pa iyon nabibisita simula nang maganap ang pagsugod doon nila Mades..."
Katahimikan ang umiral sa kanila at tila pinitik naman ang konsensya ni Hemira dahil sa nalaman niyang iyon.
Napakuyom ang kanyang mga kamao at nakatulala siya rito ngunit inangat rin agad ni Serafina ang tingin sa kanya saka ay ngumiti. "Ngunit huwag kang mabahala, Hemira. Malalakas na mga manggagamot ang nakatira sa bayan naming iyon kaya posibleng maayos na ang kanilang mga kalagayan. Ang mga nasira namang mga lugar ay paniguradong bumalik na rin sa ayos sapagkat mabilis tumubo ang mga halaman at puno roon."
Hindi pa rin nalubag ang kanyang loob dahil batid niyang puno na ng pagkabahala ang puso ang babaeng Asas kanyang kaharap nito pang mga nakaraang araw dahil sa bayan nito na sinira ng mga mostro na humahabol sa kanya.
Hindi siya makaimik dahil hindi niya alam kung ano ba ang tamang sabihin.
"Kung ang bayan ng Nyelsa na matatagpuan sa Zephyrus ang inyong pinag-uusapan ay batid ko kung ano nang nangyari sa lugar na iyon," wika ni Ariadne kaya naman napatingin sila rito.
Nabakas naman ang matinding pagnanais na malaman kung ano ang kanyang sasabihin sa mukha ng dalawang dalaga.
Miski si Kirion ay handa ring makinig.
"Ano ang iyong nalalaman sa naganap doon, Aria?" tanong ni Hemira sa kanya.
"Nang ako'y patungo na rito sa Gemuria, labis na nanghina ang aking katawan at bumagsak ako sa isang lugar saka roon na nawalan ng ulirat. Nagising na lamang ako na inaasikaso na ako ng ilang mga matatandang manggagamot. Doon ko na napag-alaman na sa Nyelsa pala ako napadpad. Maayos naman ang lugar na iyon at base sa pakikitungo nila sa akin pati na sa aking obserbasyon ay mukhang wala silang pinag-daanang isang malupit na sitwasyon kaya huwag na kayong mabahala. Kung hindi n'yo pa nga binanggit na sinugod pala iyon ng mga mostro ay hindi ko pa malalaman na mayroon palang naganap na ganoon doon." kanyang pagsasalaysay.
Unti-unti nang nabakas ang kasiyahan sa mukha nila Hemira.
"Talaga, Aria?! Maayos silang lahat doon at walang naganap sa kanila na masama?!" kasiyahan ang mahihimig sa tinig ni Hemira.
Ganoon din ang mababasang tanong sa mga mata ni Serafina.
Tumango-tango naman siya. "Oo naman. Hindi naman ako gagawa ng kuwento. Isa pa'y umalis nga ako roon na sila'y may ngiti sa kani-kanilang mga labi." kanyang pagmamalaki.
"Siguradong sila'y nakangiti dahil masaya sila na aalis ka na." pang-aasar sa kanya ni Kirion.
Pinaningkitan niya lamang ito ng tingin at umaktong nais niya itong tirisin sa balikat ni Serafina.
Hinarap ni Hemira ang Asas na si Serafina. "Patawarin mo ako Serafina sapagkat dahil sa akin ay muntik nang nanganib ang inyong bayan. Kung may nangyaring masama sa kanila ay hindi ko alam kung paano na kita haharapin."
Hinawakan naman nito ang kanyang kamay at ngumiti sa kanya. "Huwag kang humingi ng tawad Hemira dahil wala kang kasalanan. Nangyari ang lahat dahil nakaayon iyon sa ating tadhana. Isa pa'y batid ko naman talaga na ayos lamang sila. Sila ang nagturo sa akin kung paano mabuhay kahit tila huling hininga na lamang ang natitira sa akin. Naging malakas ako dahil malakas sila kaya batid kong hindi nila dadamdamin ang ganoong pangyayari."
Tumango naman siya nang may pagsang-ayon at bigla ay niyakap silang dalawa ni Ariadne.
"Aray! Muntik na akong mahulog!" angal ni Kirion na muntik nang mahulog mula sa balikat ni Serafina.
"Tumahimik ka nga riyan iyakin! Nais ko lamang yakapin ang dalawang ito dahil nasasabik ako sa kanila..." pagtataray niya rito.
Natawa naman sila Hemira at pagka ay yumakap na rin sa kanya.
Napahinga siya nang malalim habang yakap sila Hemira. "Kailanma'y hindi ako umakto nang ganito miski kina Blas dahil hindi ganoon ang aking personalidad ngunit sa inyo... nais kong gawin ito dahil nasasabik ako. Tila napakahaba ng aking hinintay upang makita muli kayo at ipinangako ko sa aking sarili na kapag nagtagpo muli ang ating mga landas, gagawin ko ito."
"Nakabibigla mang tunay, Ariadne na ikaw ang unang yumakap sa amin ngunit labis na kasiyahan naman ang hatid niyon sa aming puso dahil nararamdaman namin kung gaano kami kaimportante sa iyo," wika ni Serafina na kumportable sa yakap nilang dalawa ni Hemira.
Napangiti naman si Hemira. "Miski ako'y hindi makapaniwala na yayakapin mo kami nang ganito Aria ngunit ang pinakamasasabi ko sa iyo... Maraming salamat dahil bumalik ka. Maraming salamat dahil kasama ka namin muli ngayon."
Napangiti naman nang lihim si Kirion ngunit kaagad ding inalis bago pa man mapansin ni Ariadne. "Iyan din ang aking masasabi sa iyo Hemira."
Kumportableng-kumportable sila sa bawat sandali na lumipas.
"Walang ano nga ulit iyon?" tanong ni Hemira sa kanila.
"Anong walang ano?" nalilito namang tanong ni Ariadne na humiwalay sa kanilang dalawa nang kaunti.
Kung nakamulat lamang ng mga mata si Kirion ay umikot na iyon dahil sa hindi niya pagkakaintindi sa sinabi ni Hemira.
Tinaas nito ang maliit nitong kamay na nakakuyom.
Napangiti naman si Serafina dahil batid din nito ang ibig sabihin ni Hemira.
Itinaas niya na rin ang kanyang nakakuyom na kamay.
Doon ay naintindihan na ni Ariadne kaya itinaas na rin nito ang kamay nito kasabay ni Hemira.
"WALANG IWANAN!" sabay-sabay nilang sabi na may ngiti sa kani-kanilang mga labi.
~Sa labas ng kanilang silid~
Pinunasan ni Eugene ang kanyang mata dahil sa kumawalang luha roon.
Nasa labas siya ng silid ni Hemira at nakikinig sa pinag-uusapan ng apat sa loob nang biglang may pumingot sa kanyang tainga.
Bago pa man siya makagawa ng ingay ay may tumakip na sa kanyang bibig.
Napatingin siya kung sino iyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata dahil si Yohan iyon na pinaniningkitan siya ng mga mata.
"Manyak ka talaga..." napakahina nitong sabi sa kanya upang hindi marinig ng mga nasa loob at may pagkagitil iyon.
Marahas naman siyang umiling-iling upang idepensa ang sarili sa bintang nito ngunit kinaladkad na siya nito palayo mula sa silid ng tatlong dilag at liomean gamit ang kanyang tainga.