Hemira III 29

3072 Words
Hemira III 29 - Mahadlika ~Hemira~ Sinimulan na naming lisaning tatlo nila Eugene at Yohan ang patay na kagubatan kung saan nabihag sila Euphemia at kasalukuyan na kaming patungo ng bayan ng Krikor kung saan nabatid namin na dadalhin silang tatlo. Sa pagtingin ni Yohan sa mapa at sa aking natatandaan, matatagpuan malapit na sa dulo ng disyerto ng Rahasa ang bayan ng Krikor. Kapag nabawi na namin sila Aria sa bayang iyon ay kaunting paglalakbay na lamang namin ay nasa bayan na kami ng Sikab kung saan matatagpuan ang balon na naglalaman ng posyon para kay Kirion. Sobrang init na ng paligid nang makatapak na kami sa unahan ng disyerto. Tagaktak ang aming pawis at ni wala kaming makitang kahit ano sa paligid kundi mga tuyong-tuyong buhangin lamang. Malayo pa ang kailangan naming lakbayin patungong bayan ng Krikor at napakaraming daan ang puwedeng gamitin upang makarating doon ngunit pare-pareho lamang naman ang distansya at layo ng mga iyon sa Krikor kaya kahit subukan naming habulin ang kumuha kina Serafina ay hindi naman namin batid kung anong daan ang ginamit ng mga ito. Nabura na rin ang kanilang bakas sa buhangin dahil sa tuyong hangin kaya napakapalad na nabatid naming sa bayang iyon sila dadalhin. Tahimik lamang kami habang naglalakad. "Phew! Ang init grabe! Ganito sigurado kainit sa mga bansang may disyerto sa modern world!" Pagsira ni Yohan sa aming katahimikan at lumagok ng kanyang tubig mula sa sisidlan niyon. "Dahan-dahan ka sa pag-ubos sa iyong inumin Yohan." saway sa kanya ni Eugene. "Mahirap makahanap ng tubig sa ganitong lugar kapag ikaw ay naubusan." kalmadong sabi nito. Natigilan naman siya at nang maisip ay kaagad na sinarahan ang sisidlan ng kanyang tubig. "Oo nga, 'no? Tsk. Kung puwede ko lang tawagin si Nerina. Pauulanin ko sa kontinenteng 'to sa tulong niya." Napatingin naman ako sa kanya. "Hinding-hindi mo maaaring gawin iyon sapagkat ikaw lamang ang nag-iisang Tumatawag na pinag-alayan ng apat na elemento ng kanilang katapatan. Kapag kumalat sa ibang kontinente na naririto ang diwata ng tubig o kahit sino sa iyong mga diwata ay maaaring makakarating sa kaalaman nila Handro na naririto ka. Mababatid na rin nila na ako rin ay naririto at wala sa Gemuria." Mukhang naintindihan naman niya ang aking nais sabihin. "Tama ka." pagsang-ayon niya. "Kaya 'yon din ang naisip kong ipangako kina haring Herman eh... Pinapangako ko talaga na hindi ako tatawag o hihiram ng mahika sa apat na elemento o sa kahit na sino dahil baka ako pa ang maglagay sa panganib sa kaharian ng Gemuria. Meron naman akong pana at magic arrows na magagamit ko sa pakikipaglaban kung saka-sakaling may umatake sa 'tin." Ngumiti siya sa amin. "Isa pang babala ang aking babanggitin." Tumigil ako sa paglalakad kaya sila ri'y napatigil. "Kahit na anong mangyari, hangga't hindi pa natin nababawi sila Serafina, hindi tayo maaaring masangkot sa kahit anong gulo." Seryosong-seryoso ako habang nakatingin sa kanila. Nangunot naman ang noo ni Yohan. "Paano kung kailangan talaga nating masangkot. Halimbawa, may nagtangka na namang kumuha sa 'yo? O kaya sa 'kin?" Umiling-iling ako. "Kung ganoon nga ang mangyari at may magtatangkang kumuha sa akin, hayaan na ninyo dahil sa Krikor din naman nila ako dadalhin. Iyon din naman ang aking ninanais mangyari. Sundan n'yo na lamang ako roon. At sa inyo naman, imposible na may magtangka sa inyo dahil batid nila na hindi nila kayo kaya. Mga binibini lamang din ang kanilang sinusubukang bihagin dahil mas mahihina ang mga ito." "Gano'n?" Nangangamot sa batok na tanong ni Yohan. Nakikinig lamang sa amin si Eugene. "Kahit na ano pang sitwasyon na magdudulot ng gulo ay kailangan nating iwasan dahil magpapabagal lamang sa atin iyon. Kailangan nating unahin ang kapakanan nila Aria. Kailangan na mabawi na kaagad natin sila at pati na ang posyon kay Kirion dahil bilang na lamang ang oras natin sa ating mga misyon iyon sa kontinenteng ito." Nagsimula na muli akong maglakad at sumunod sila sa akin. "Paano naman ang tatlong tao na binanggit ni Mrigmo na kailangan nating gapihin? Paano kung masalubong natin sila?" tanong naman ni Eugene. Nakuyom ko naman ang aking mga kamao. "Huwag kayong mag-alala. Siguradong matutunton natin silang tatlo sa iisang lugar." "Saan naman?/Saan iyon?" sabay nilang tanong. Itinuro ko ang unahan ng aming nilalakaran. "Sa Krikor... dahil doon nagtitipon ang pinakamasasama at mapang-alipustang tao sa kontinenteng ito." Patuloy lamang kami sa aming paglalakbay at sumapit na ang dilim. Sa aking pagkakatanda sa kontinenteng ito, sapagkatapos lamang ng limang araw nagkakaroon ng gabi at kabaligtaran ng panahon sa umaga ay napakalamig ng gabi rito. Mayroon kaming nakitang isang napakalaking taberna at mukhang isang panuluyan iyon. Marami at matataas ang mga palapag niyon. Marami ring tao ang nasa bungad niyon. Mga manlalakbay ang mga ito base sa kanilang mga kasuotan at sa kanilang mga bitbit na gamit. Nakapila sila upang paniguradong makituloy roon. "May hotel din naman pala rito eh. Tara. Magpahinga na muna tayo dahil sobrang lamig!" Napakuskos si Yohan sa kanyang bisig dahil sa lamig. "Mabuti pala at pinadalhan tayo ng hari ng mga gintong ito." Kinuha ni Eugene sa kanyang lagan ang supot ng mga ginto. Tumango ako sa kanila. "Sige at magpahinga muna tayo. Kailangan natin ng lakas para bukas." Naglakad na kami patungo roon at kami'y pumila. Nasa likod ako ni Yohan at nasa unahan naman niya si Eugene sa pila dahil ito ang may hawak ng ginto sa amin. Inayos ko ang suot kong puting roba dahil maluwag na ang pagkakatali niyon sa aking baywang at hindi ko inalis sa aking ulo ang talukbong doon dahil baka may makakilala sa akin. Maaari ring makakuha ng atensyon ang aming suot na baluti na galing Gemuria. Ganoon din naman sila Eugene. Nanatili ang talukbong sa kanilang mga ulo. Mabagal ang pag-usad ng pila kaya ilang oras din kaming naghintay at sa wakas ay kausap na ni Eugene ang taong binabayaran para sa panuluyan. "Mga inutil! Napakasimple lamang ng aking pinagagawa ngunit hindi ninyo napagtagumpayan!" galit na galit na sigaw niya ng isang lalaki mula sa aming likuran kaya napalingon kami roon. Isang ginoo na mayroong mahabang buhok at magarang kasuotan na halatang gawa sa silka ang kapapasok lamang dito sa taberna. Mukhang siya ay isang mahadlika (nobleman). Marami siyang mga alahas na suot at siya'y galit na galit base sa labis na pagkakunot ng kanyang noo. May ugat din na lumalabas na sa gilid ng kanyang noo dahil sa pagtatagis ng kanyang mga ngipin. May nakasunod sa kanyang ilan pang mga lalaki na halatang takot sa kanya at mga nakayuko sa paglalakad. Tumigil siya sa paglalakad nang tila mapuno na siya ng galit saka hinarap ang kanyang mga kasama na napatigil din. Malapit lamang kami sa kanila. "Sabihin ninyo kung sino ang naging dahilan sa inyo ng inyong pagkabigo!" malakas muling sigaw niya. Natahimik ang mga taong nakapila. Pati ang taong tagapagsingil ay nasa kanila ang atensyon. Hindi rin nakaimik ang mga lalaking kasama niya kaya halatang mas lalo siyang nanggitil at marahas na ginulo ang kanyang buhok. "Mga wala talaga kayong mga silbi!" Sinuntok niya nang malakas ang isa sa mga lalaking iyon at tumalsik iyon sa isang upuan malapit sa amin. Nagkasira-sira pa ang kahoy na upuan sa lakas ng pagkakatalsik nito roon. Wala ng malay ang lalaki. Napatingin ako sa mahadlikang iyon. Pinupunasan niya ang kanyang kamao na ginamit niyang pansuntok sa kanyang kasama at nandidiring itinapon ang panyong ipinamunas niya roon papunta sa aming direksyon. Sumampay iyon sa akin balikat kaya napunta sa akin ang kanyang atensyon. Nagtama ang aming mga tingin. "Ikaw! Ano ang iyong tinitingin-tingin?!" napipikon niyang tanong habang nakaduro sa akin. Hindi naman ako umimik at iniayos ang talukbong sa aking ulo upang matakpan ang aking mukha. Pinakaninanais ko rin sa mga oras na ito ay hindi niya na ako idawit sa kanyang gulong ginagawa. "Tinatanong kita! Bakit ang sama ng iyong tingin kanina sa akin?! Hah?!" Papalapit na mga yabag niya ang aking narinig. Naramdaman ko rin na kikilos si Yohan upang panigurado ay harangin siya kaya naman hinawakan ko ito sa kamay nito upang pigilan. Nakatingin na ako nang deretso ngayon sa mahadlikang namumula na sa inis ngayon. "Paumanhin ginoo. Hindi ko sinasadyang matitigan ka nang ganoon." hinging paumanhin ko. Unti-unting lumambot ang kanyang ekspresyon nang marinig ang aking tinig at pilit niyang sinisilip ang aking mukha mula sa suot kong talukbong. "Ika'y isang binibini?" May malisya sa kanyang tinig. Hindi naman ako nakasagot. Bigla niyang inalis sa aking ulo ang talukbong ko roon kaya nasisilayan na nang marami ang aking mukha lalo na siya na kaharap ko lamang. Napatitig siya sa akin at isang ngiti ang agad na gumuhit sa kanyang mga labi. "Kahali-halina..." wala sa sarili niyang sabi at inangat ang kanyang kamay saka hinawakan ako sa aking pisngi nang marahan. "Isa kang brilyante sa mabuhanging lugar na ito." Naramdaman ko ang pagkuyom ng mga kamao ni Yohan ngunit hindi ko binitawan ang kanyang kamay. Uurong sana ako upang maalis ang pagkakahawak niya sa akin ngunit hinawakan niya ako sa aking braso at inilapit sa kanya. Pinagmamasdan niya pa ring mabuti ang aking mukha na tila siya'y nahahalina nang labis. "Paniguradong ika'y isang dayuhan dito sa Notos sapagkat kung dito ka nananahan ay matagal ka nang kabilang sa aking mga tagapag-aliw. Maaari rin na ibilang kita sa aking mga asawa dahil sa taglay mong labis na kagandahan." Nabastos ako sa kanyang sinabi kaya inalis ko ang pagkakahawak niya sa aking braso at ibinalik ang talukbong ko sa aking ulo. Pinilit kong kalmahin ang aking sarili. "Salamat sa iyong pagpuri sa aking kagandahan ginoo ngunit paumanhin dahil kami'y mamamahinga na ng aking mga kasama." nakangiti kong sabi upang maiwasan ang kanyang galit. Inaya ko nang paalis ang nagtitimping sila Yohan. Ibinigay na ng tagapagsingil ang susi ng aming magiging silid at tinanggap iyon ni Eugene. Paakyat na kami ng hagdan patungong aming silid... "Magkano ka binibini?" tanong ng mahadlikang iyon kaya napatigil kaming tatlo sa aming paglalakad. "Nais kitang bilihin at ibilang sa aking mga tagapag-aliw. Malaki naman ang ibabayad ko sa iyo kaya sabihin mo lamang ang iyong presyo, makakamtan mo na agad iyon ngayon mismo," sabi niya habang naglalakad palapit sa amin. Nakita ko ang pagtatagis ng mga ngipin nila Eugene at Yohan. Kaunti na lamang at alam kong sasabog na sila sa galit. "Magtimpi lamang kayo. Hindi tayo maaaring madawit sa kahit anong gulo dahil magpapabagal lamang iyon sa atin." mahina kong sabi sa kanila. Halatang pilit naman nilang kinakalma ang kanilang mga sarili sa paghinga nang malalim. Hinarap ko ang ginoo. "Paumanhin ngunit hindi ako isang bagay na naipagbibili, ginoo. Sana ay hindi mo masamain ang aking sinabi na ito." Sinubukan kong hindi maghimig nang masama upang hindi ko masaktan ang kanyang dadamin ngunit kung hindi lamang nahaharangan ng talukbong ko ang aking mga mata ay makikita niya kung gaano kaseryoso at kalamig ang aking mga tingin na nais kong ipukol sa kanya. Napamaang pa rin siya sa aking naging sagot. Tumalikod na ako upang hindi na pahabain pa ang aming pag-uusap nang biglang may manghablot sa aking braso na siguradong siya... "Pangahas ka!" malakas na sampal ang natamo ko pagkaharap na pagkaharap ko sa kanya. Napapaling pa ang aking ulo at naalis doon ang aking talukbong. "Hemira!" sigaw nila Yohan dahil sa ginawa sa akin. Nalasahan ko ang dugo sa aking labi at nang mapatingin sila Eugene doon ay nabakas sa kanilang mukha ang labis na galit na kanina pa nila tinitimpi. "Walangh'ya ka!/ Lapastangan!" sigaw nilang dalawa sa mahadlika at pasuntok na sila sa taong iyon. Naging mabilis naman ang aking kilos at sinalo ko ang kanilang mga kamao gamit ang aking mga palad. Nanlaki naman ang kanilang mga mata dahil sa pagharang kong ito sa kanilang atake. "Bakit mo kami pinigilan?!" sigaw ni Yohan. "Ang aking babala! Susuwayin n'yo ba iyon?!" galit na tanong ko sa kanila. "Ngunit sinaktan ka niya!" sagot naman ni Eugene. Magsasalita pa sana ako... "Ano naman kung saktan ko ang babaeng ito?!" sigaw ng taong nasa likod ko at bigla na lamang niya akong sinipa sa aking likuran kaya tumalsik ako kina Yohan. Tumama kaming tatlo sa isang lamesa at nagkasira-sira iyon. ~Tagapagsalaysay~ Nangyayari kina Ariadne... Nasa loob lamang ng isang kulungang bakal sila Ariadne, Euphemia at Serafina kasama ang ilan pang mga kababaihan na katulad nila'y mga nabihag din. Sila'y mga walang malay dahil sa mahikang ginamit sa kanila. Ang kulungan nila'y may gulong at hinihila iyon ng apat na lalaki sa buhanginan. Ang mga lalaking iyon ang nangbihag sa kanila. Gabi na ngunit hindi tumitigil ang mga ito upang magpahinga. Sa unahan naman nila'y mayroong lalaki na nakasakay sa kabayo at nauuna sa kanila. Matikas ang katawan nito, mahaba ang balbas pati na ang buhok at nakabaluti. Mayroon din itong malaking espada na nakasakbit sa likod nito. "Bilisan ninyo! May negosasyon pa akong gagawin sa leon gamit ang mga nabihag natin!" sigaw niya sa mga ito. "Opo..." nanghihinang sagot ng mga lalaki. "Hindi ko narinig ang inyong sagot!" sigaw niya sa mga ito at masamang tingin ang ipinukol niya nang lingunin niya ang mga ito. "Masusunod po, ginoong Lobo!" pinilit na isigaw ng mga ito. Doo'y napangisi siya at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay patungo ng Krikor. *—-***—-* Pinilit na bumangon ni Hemira mula sa pagkakadagan niya kina Yohan at Eugene matapos ang ginawang pagsipa sa kanya ng lalaking mahadlika. Napaubo-ubo naman ang mga ito dahil sa tinamong mga pinsala. "Y-yohan... Eugene... Ayos lamang ba kayo?" Tinulungan niya ang mga ito na makabangon at makaupo. "A-ayos lamang kami..." Napaubo-ubo muli si Eugene. Napatingin naman si Yohan sa direksyon ng mahadlika at nabakas ang labis na galit sa kanyang mukha. "F*cksh*t ka! Bakit mo ginawa 'yon kay Hemira?!" sigaw niya rito. Nangunot naman ang noo nito dahil sa hindi pagkakaintindi sa ilan sa kanyang mga sinabi. "Hangal ang babaeng iyan! Ano ang kanyang karapatan upang ako ay tanggihan?! Sa lugar na ito, walang maaaring tumanggi sa akin! Kahit ang babae pang iyan na nagtataglay ng labis na kagandahan ay walang karapatan sa bagay na iyon dito sa lugar na ito!" sigaw nito na nanggagalaiti. "Sumusobra ka nang g*go ka!" sigaw ni Yohan at tatayo na sana. Tatayo na rin ang kuyom na kuyom ang kamaong si Eugene upang atakihin din ang mahadlika ngunit niyakap silang dalawa ni Hemira upang pigilan. "Yohan! Eugene! Pakiusap! Pakinggan n'yo ako!" sigaw ni Hemira dahil sa gagawin nila. "Hemira! Bakit mo ba kami panipigilan?! Hindi naman sila magpapabagal sa 'tin dahil lulumpuhin namin sila! Pagkatapos ng ginawa sa 'yo ng hinayupak na 'yan! Hindi ako makakapayag na hindi niya pagbayaran ang ginawa niya!" sigaw ni Yohan na pilit na kumakawala sa kanyang yakap ngunit hindi siya bumibitaw. "Hindi na namin kayang palagpasin ang kapangahasan ng lalaking iyan!" sigaw rin ni Eugene sa kanya na napopoot. Marahas siyang umiling. "Makinig kayo! Hindi na mahalaga kahit na saktan ako ng kahit sino sa kontinenteng ito! Sanay na ang katawan ko roon ngunit hindi ang kina Aria! Siguradong kapag nahuli tayo ng pagliligtas sa kanila dahil sa pagharang ng mga nabuo nating kaaway mula sa tabernang ito, dadanasin nila ang sakit at kalupitan ni Vargo na kailanma'y hindi ko pinakananais!" sigaw niya sa mga ito. Napatigil naman ang dalawa sa pagkawala sa kanyang yakap kaya siya'y bumitaw na at hinarap ang mga ito nang maayos. Hindi naman inaasahan ng dalawa na makita ang labis na pagmamakaawa sa kanyang mga mata. "Nasaktan na nila ako. Nangyari na at hindi na ninyo mababago iyon kahit na ipaghiganti n'yo pa ako ngunit sila Aria... si Serafina at si Euphemia. Maaari pa nating mapigilan na masaktan sila ng kahit na sino. Kaya kayo'y aking pinipigilang maglikha ng gulo ay dahil sa bagay na iyon..." Hindi naman nakaimik ang dalawa sa kanyang naging dahilan. May lumapit sa kanila at ang lalaking mahadlika iyon. "Ano ang inyong pinag-uusapan?! Nalilimutan n'yo na bang naririto pa ako na nilapastangan ng babaeng ito?!" Sinabunutan siya nito sa kanyang buhok at napakahigpit ng hawak nito roon kaya hindi niya napigilang dumaing. Nagtagis muli ang mga bagang nila Yohan ngunit hinawakan niya ang kamay ng mga ito. "A-ayos lamang ako... Wala ito..." pagpapalubag niya sa nagbabaga ng damdamin ng mga ito sa galit. Hinila ng mahadlika pataas ang buhok niya upang patayuin siya kaya sumunod ang katawan niya sa ginawa nito. Iniharap siya nito sa mga taong nakikiusyoso sa paligid na kanina'y mga nakapila upang makituloy. "Kayong mga naririto! Kilalang-kilala n'yo ako! Ang sinumang tumanggi sa akin sa una kong inaalok ay kalunos-lunos ang sasapitin katulad ng gagawin ko sa babaeng ito at sa dalawa niyang mga kasama!" Malakas siya nitong binitawan kina Yohan at napadapa siya sa mga ito. Napahiga naman ang mga ito dahil sa kanyang bigat. Babangon pa lamang siya ngunit sinimulan na siya nitong pagsisipain sa kanyang likuran. "HEMIRA!" sigaw nila Yohan na hindi magawang makabangon dahil sa kanyang pagkakadagan. Niyakap niya ang mga ito upang siya lamang ang makasalo sa p*******t ng malupit na mahadlika. "A-ayos lamang ako... AUGGHH!" Isang malakas na sipa ang kanyang tinamo at napasuka na siya ng dugo. Nangingiyak na sila Yohan dahil wala silang magawa para sa kanya. "Nagsisimula na namang mang-api ang malupit na matsing..." usapan ng mga tao sa paligid habang nanonood lamang sa kanila. "Sino ka ba upang tanggihan ako nang ganoon?! Hah?! Isa ka lamang namang mahina at walang kuwentang babae!" Wala itong tigil sa kakasipa sa kanya. "Inalok na kita na maging aking asawa upang magkasaysay ang iyong buhay ngunit inayawan mo ang alok kong iyon! Bakit?! Mayroon na bang nagmamay-ari sa iyo?!" Bigla itong napatigil sa pagsipa sa kanya nang tila may matanto. Napuno lalo ng galit ang mga mata nito habang nakatingin kina Yohan at Eugene na kanyang yakap. Malakas na inalis nito ang pagkakayakap niya sa dalawa kaya napatihaya siya ng higa sa sahig katabi si Eugene. Nanlalabo ang kanyang paningin dahil sa kanyang mga pinsalang tinamo. "Hemira..." Labis na nag-aalalang tawag sa kanya ng dalawa at babangon na sana ang mga ito upang siya'y tulungan ngunit magkasunod itong sinipa sa mukha ng mahadlika kaya napahiga muli ang mga ito sa lakas niyon. "B*llsh*t!" mura ni Yohan habang nakahawak sa kanyang mukha at namimilipit sa sakit. Namimilipit din si Eugene sa sakit habang nakahawak din sa mukha nitong nasaktan. "Sabihin ninyo, sino sa inyong dalawa ang naging hadlang sa pagpayag ng babaeng ito na maging isa sa aking mga asawa? SINO?!" galit na galit na sigaw nito habang nanlalaki ang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD