Hemira III 28 - Hamog
~Hemira~
Nakababa na kami ng bulkan na tahanan nila Mrigmo at nasa paanan na kami niyon ngayon.
Tinulungan nila kaming makalabas doon sa pagtuturo sa amin ng pinakamabilis at ligtas na lugar upang makababa kaagad.
Bago rin kami magpaalam sa isa't isa'y binalaan nila kami na parati kaming mag-iingat sa mga lugar na aming daraanan lalo na at mayroon kaming kasamang mga binibining madaling makakuha ng atensyon katulad nila Euphemia at Serafina.
Naaalala ko pa ang aming naging usapan bago lisanin ang kanilang tahanan.
"Gaya ng lagi kong sinasambit, ang kontinenteng ito ng Notos ay napupuno na ng masasamang mga tao kaya naman wala kayong nararapat sapagkatiwalaan kundi ang mga inaapi lamang. Isa pa, pagkababa ninyo ng bulkang ito, hindi namin batid ang mga kapahamakang naghihintay sa inyo sa ibaba kaya ang maibababala ko na lamang ay parati kayong maging alisto at mag-iingat." Seryosong-seryoso si Mrigmo sa kanyang babala.
"Maraming salamat Mrigmo. Palagi naming isasaisip ang babala mong ito at hindi namin iyon isasawalang bahala ngunit mayroon akong nais itanong sa iyo." aking wika.
"Sige at iyong banggitin." Ngumiti siya.
"Mayroon bang isang binibining magara ang kasuotan o kaya nama'y ang kilos at pagsasalita'y parang sa isang maharlika ang napadaan dito? Maaaring isa siya sa mga napapasok ninyo nang walang alinlangan dahil isa siyang napakabuting binibini. Mayroon ba?" tanong ko na ang tinutukoy ay si prinsesa Ceres.
Napaisip naman siya. "Kung isang binibini ang inyong hinahanap ay patawarin n'yo ako sapagkat wala akong natatandaan na may ganoong binibini na nagtangkang pumasok dito sa Notos gamit ang daang ito." humihingi ng paumanhin na kanyang sabi.
"Gamit ang daang ito?" nagtatakang tanong ko.
"Ibig sabihin, mayroon pang ibang daan bukod sa bulkang ito?" tanong din ni Aria.
Tumango-tango naman ang pinuno ng mga Magmar. "Ganoon na nga. Hindi lamang ito ang daan papasok dito sa Notos sapagkat mayroong iba't-ibang daan depende sa kung saan kayong kontinente nanggaling. Kung sa bulkang ito kayo sumubok pumasok, ibig sabihin ay mula kayo sa kontinente ng Senta." paliwanag niya.
Napatingin naman ako kay Yohan sapagkat nasa kanya ang mapa.
Hawak na niya iyon at mukhang tinitingnan niya kung totoo ang sinabi ni Mrigmo.
"Meron nga. Kaso sobrang liliit lang ng mga sulat kaya hindi madaling mapansin," saad niya.
"Sila Vargo ang may gawa ng daan na iyan."
Napatingin muli kami kay Mrigmo.
"Noong una pa lamang ay nakakulong sa napakatataas na pader ang kontinenteng ito upang maiwasan ang pananakop dito ng ibang kontinente ngunit dahil sa kanila ay nangyari na iyon. Pinagawa ni Vargo ang mga daang iyan upang diyan idaan ang mga taong kanilang nabibihag mula sa ibang kontinente at saka ipagbibili o kaya nama'y ginagawang mga tagapagbigay aliw." Nagbabaga na naman ang kanyang katawan dahil sa poot.
"Hanggang ngayon ay patuloy pa rin pala siya sa napakasamang gawain niyang iyon." mahina kong saad ngunit may galit ang aking tinig.
"Kaya naman ang aking babala ay huwag na huwag ninyong kalilimutan."
Tumango ako. "Maraming salamat muli sa inyo Mrigmo. Makaasa kayo na matutupad namin ang aking ipinangako."
Ngumiti na muli siya. "Batid namin kaya naman kami'y magpapasalamat na. Kaligtasan n'yo rin hanggang sa huli ang aming hiling." Yumuko siya sa amin pati na ang ibang mga Magmar.
Doon ay umalis na kami upang bumaba ng bulkan.
Naglalakad na kami ngayon sa isang patay na kagubatan upang tuluyan nang makalayo roon.
Magkakasabay kami sa paglalakad dahil malawak naman ang aming nilalakaran at napansin ko na mahamog sa lugar na ito kahit na napakainit sa paligid.
"Hoooh! Grabe! Kakatuntong pa lang natin dito sa Notos, napakarami na kaagad ang nangyari na hindi magaganda!" sabi ni Yohan habang ang dalawang kamay ay nasa likod ng kanyang ulo.
"Napatunayan na natin na napakapanganib nga ng kontinenteng ito." Kalmado nang muli si Eugene.
Napatango-tango naman sa pagsang-ayon si Serafina.
"Ang tabatsoy na kulot na iyon!" nanggigigil na saad ni Aria na ang tinutukoy ay si ginoong Remus. "Talagang dito niya pa tayo pinapunta sa napakadelikadong lugar na ito para sa posyon ni iyakin! Kapag wala lamang talaga rito ang bagay na iyon, ipatutusta ko siya kay Blas! Kainis!" Inis na inis si Aria at ang bibigat ng kanyang mga yabag.
Gusto ko namang matawa dahil sa kanyang reaksyon.
Patuloy kami sa aming paglalakad at pakapal nang pakapal ang hamog sa paligid.
Nakikita ko pa rin naman ang aking mga kasama.
"Ang hamog sa lugar na 'to ah! Ba't kaya gano'n?" Napapaisip si Yohan dahil sa makapal na hamog dito.
Dahil nag-aalala ako sa aking mga kasama ay tiningnan ko kung naririto pa ba silang lahat ngunit napansin ko na hindi namin kasabay sa paglalakad si Euphemia.
Lumingon kaagad ako upang siya'y hanapin at nakahinga naman ako nang maluwag dahil nahuhuli lamang siya sa paglalakad. Akala ko'y nawala na siya dahil sa hamog.
Nakatingin lamang siya sa lupa habang naglalakad at ang bagal ng kanyang mga hakbang.
Nagtaka naman ako sapagkat simula nang lisanin namin ang bulkan ay napakatahimik na niya at hindi na nakikihalubilo sa amin lalo na kay Yohan.
Kanina pa rin siya nahuhuli ng lakad at halatang sinasadya niyang hindi sumabay sa amin.
Napansin niyang nakalingon ako sa kanya at agad siyang nag-iwas ng tingin kaya nangunot ang aking noo sa pagtataka.
Ano kaya ang kanyang dinadamdam? Mayroon kayang problema?
"Oy! Euphemia! Ba't ang layo mo sa 'min?!" sigaw na tanong ni Yohan sa kanya nang mapansin na rin na nahuhuli siya ng paglalakad.
Hindi naman siya umimik.
"Baka siya'y mawala sa kapal ng hamog dito." Halatang nag-aalala na si Eugene para sa kanya.
Tama siya na maaaring mawala si Euphemia dahil lalo nang kumakapal ang hamog kaya inaaninag na lamang namin ang nahuhuli sa paglalakad na diwata.
"Bahala ka! Baka maligaw ka dahil sa kapal ng hamog dito at may manguha sa 'yo d'yan na halimaw! Gaaarrr!" pananakot sa kanya ni Yohan na tila nanakot ng isang bata.
Mukha namang umepekto iyon sa kanya. "I-ito na!" Tumakbo na siya papunta sa amin.
Tumigil naman kami sa paglalakad upang makasabay na siya sa amin.
Malapit na siya sa amin nang maharangan siya ng isang napakakapal na hamog.
Naghintay kami nang ilang sandali sa kanya ngunit hindi niya siya lumabas sa hamog na iyon.
Nangunot na ang noo ni Yohan. "Nasaan na 'yong pasaway na diwatang 'yon?"
"Patagal naman ang isang iyon!" naiinip na turan ni Aria.
Lumapit na kami upang siya'y hanapin.
"Euphemia!" sigaw ko upang masigurado na naririto pa siya... ngunit walang sumasagot.
Nagkatinginan kaming lahat at doon ay hindi na naging maganda ang aming kutob.
"Euphemia! Nasaan ka na?!" sigaw ni Yohan ngunit wala rin siyang nakuhang sagot.
"Sinabihan na kasing mag-iingat! 'Yung babaeng 'yon talaga!" naiinis na sabi niya.
"Huwag tayong maghihiwa-hiwalay dahil baka may mawala rin sa inyo!" babala ko sa kanila.
Tumango naman sila at magkakasama naming pinuntahan ang puwesto ni Euphemia kanina.
"Euphemia!" tawag din ni Eugene subalit hindi pa rin nasagot si Euphemia.
"MHHH!" Tunog iyon ng tila tinakpan ang bibig ang dalawa sa amin at naramdaman ko ang mabilis na galaw ng dalawang tao.
Agad kaming napalingon nila Yohan at Eugene.
Puro hamog na lamang ang aming nakikita.
"Serafina? Aria?" tawag ko kina Aria dahil tila sa kanila nanggaling ang tunog na iyon.
Inangat ko ang aking kamay upang kapain sila mula sa hamog ngunit wala na akong makapa.
Kinabahan na ako nang labis.
Mukhang hindi namin nagawang masunod ang babala ni Mrigmo.
"Serafina! Ariadne! Anong nangyari sa inyo?!" sigaw ni Yohan at mukhang kinakapa na rin niya sa paligid ang dalawa.
Ni hindi ko na rin sila makita ni Eugene dahil puro puting hamog na ang bumabalot sa paligid.
"Yohan! Eugene! Kumapit kayo sa akin!" sigaw ko sa kanila at sila na ang kinapa sa paligid.
Kinalma ko muna ang aking sarili dahil kung kaba para kina Aria ang aking uunahin ay siguradong pare-pareho kaming manganganib.
Nakasisiguro ako na mayroong mga tao sa paligid na gumagawa nito sa amin ngunit hindi lamang namin nararamdaman ang kanilang presensya sa kagagawan ng hamog na ito.
"Hemira! Paano na sila Ariadne?!" tanong sa akin ni Eugene at nararamdaman ko na mayroon na akong taong nahawakan kaya kumapit ako sa braso niyon.
Mukhang si Yohan ito dahil malayo ang tinig sa akin ni Eugene.
"Kailangan muna nating makalabas na tatlo mula sa hamog na ito at hahanapin natin sila kasama ang mga taong kumuha sa kanila!" sagot ko.
"Sinasabi na nga ba at may kumuha sa kanila!" sigaw ni Yohan at dahil doon ay natigilan ako.
Nanlaki ang aking mga mata dahil malayo rin ang tinig niya sa akin.
Kung gayon ay sino itong hawak ko sa braso?
Biglang tinakpan ng taong ito ang aking bibig sapagkatapos niyang pumunta sa aking likuran ngunit siniko ko naman nang malakas ang kanyang dibdib.
Napaubo-ubo siya dahil doon at lalaki ang taong ito. Mukhang isa siya sa mga taong nanguha kina Aria.
Hinawakan ko ang kanyang braso at binaliko iyon.
"GAAAAAAAAAAAHHH!" sigaw niya sa sakit.
Hindi ko siya binitawan at pilit ko siyang pinadapa sa lupa.
"Anong nangyayari?!" nangangambang tanong ni Yohan. "Ikaw ba 'yung sumigaw Eugene?!" tanong niya rin kay Eugene.
"Hindi ako iyon!" sagot naman ni Eugene.
"Tsk!"
Napatingin ako sa isang direksyon nang marinig ko iyon.
Naaninag ko ang dalawang bulto ng tao sa hamog. Isa ay lalaki dahil sa ikli ng buhok at isa naman ay babae na mahaba at kulot ang buhok.
Hindi si Euphemia o Serafina ang babaeng iyon dahil sa pagkakakilanlan ko sa kanilang buhok lalo na at hindi si Aria dahil matangkad ang babae. Naaninag ko rin na hawak ng lalaking iyon ang isang tali na nakakatali sa leeg ng babaeng kanyang kasama. Tumakbo na palayo ang lalaki hila-hila ang babaeng iyon.
Doon ay unti-unti nang nawala ang hamog.
Luminaw na ang paligid.
Naririto pa rin kami sa isang patay na kagubatan at nakita ko na sila Yohan at Eugene.
Ang layo nila sa akin.
"Hemira!" sigaw nila nang makita na ako. Tumakbo kaagad sila palapit sa akin.
"Ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong ni Eugene.
Tumango naman ako.
Napatingin naman si Yohan sa lalaking hawak ko ang braso ngayon at nakadapa sa lupa.
"Sino 'yan?" tanong niya.
Doon ay mukhang saka lamang napansin ni Eugene ang taong ito.
Tiningnan ko ang lalaki at pilit siyang kumakawala ngunit hindi ko siya binibitawan. "Kasamahan siya ng mga taong kumuha kina Euphemia."
Nanlaki naman ang mga mata ng dalawa.
"Hindi nila ako kasamahan! Napilitan lamang akong gawin ito dahil tinatakot nila akong papaslangin ako kapag hindi ako sumama sa kanila!" pagdepensa ng nahuli kong lalaki.
Itinihaya ko siya ng higa at inapakan ko ang kanyang leeg upang hindi siya makatakas.
Tiningnan ko siya nang malamig. "Saan dinala ng iyong mga kasama ang aking mga kaibigan?"
Nabakas ang takot sa kanyang mukha. "H-hindi ko a-alam ang iyong w-winiwika!" pagtanggi niya.
Mas lalo kong idiniin ang pag-apak ko sa kanyang leeg.
"Khhhhhh!" Hindi na siya makahinga.
"Isang ulit ko na lamang at dudurugin ko na ang leeg mong ito. SAAN NILA DINALA ANG AKING MGA KAIBIGAN?!" sigaw ko sa kanya.
Hindi na talaga siya makahinga kaya naman tinapik-tapik niya ang aking paa upang alisin ko iyon. "S-sasabihin ko na..."
Inangat ko nang kaunti ang aking paa mula sa kanyang leeg.
Napasinghap naman kaagad siya ng hangin.
Nang makabawi na ng hininga... "Sa may b-bayan ng Krikor. D-doon dinadala ang mga nabibihag na mga binibini upang gawing tagapagbigay ng aliw. A-ang paslit naman na inyong kasama kanina ay paniguradong ipagbibili bilang isang alipin."
Natigilan naman ako sa aking narinig at tila tumigil ang pag-inog ng aking mundo.
Tila may isang malaking bato rin ang idinagok sa aking likuran.
Naalala ko, noong bata pa ako at isinubok ni Vargo na ilaban sa estadyo, naramdaman ko ang pinakamasakit na dagok ng kalaban sa akin mula sa aking likuran na nagpasuka sa akin ng napakaraming dugo. Halos ikamatay ko iyon sa mura kong katawan at ngayon... Nararamdaman ko na naman ang labis na sakit ng dagok na iyon... dahil sa nalaman kong ito.
Buong lakas na inalis ng lalaki ang aking paa sa kanyang leeg kaya ako'y napaurong at napaupo sa lupa.
Tumakbo na kaagad siya paalis upang makatakas.
"Hoy!" sigaw ni Yohan at sinundan siya.
Tulala lamang ako at ang lakas-lakas ng kabog ng aking dibdib.
Si Eugene nama'y lumapit kaagad sa akin at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.
Tinulungan niya akong makatayo at pinagpagan ang nadumihan kong kasuotan. "Hemira... Magiging ayos lamang sila Serafina. Lalo na ngayon at alam na natin kung saan sila dadalhin." pagpapalakas niya ng aking loob.
Napatingin ako sa kanya at nanlaki ang kanyang mga mata nang tila may makita mula sa aking mga mata.
"A-ang iyong mga mata Hemira... Mata iyan ng isang dragon." Nanlalaki pa rin ang kanyang mga mata.
Bumalik na si Yohan at lumapit sa amin. "Nakatakas 'yung gago! Ang bilis tumakbo ng hinayupak! Nakakainis!" Hingal na hingal siya ngunit nang mapatingin din sa aking mga mata ay natigilan.
Nakuyom ko ang aking mga kamao at seryosong-seryosong nakatingin sa kanila. "Hindi ko hahayaang danasin nila Aria ang dinanas ko noon sa mga kamay ng napakaganid na Vargo na iyon. Ililigtas natin sila bago pa mangyari iyon."
Napakurap-kurap silang dalawa dahil sa labis na sapagkatulala sa aking mga mata at nang makabawi na ay tumango-tango na.
"Tama ka. Iyon din naman ang ipinangako natin kina Mrigmo." nakangiting sabi ni Eugene.
"Dapat pala, nagpakidnap na rin tayo para deretso na agad tayo doon sa Vargo na 'yon," sabi naman ni Yohan.
Pumikit ako at huminga nang malalim.
Hindi ako maaaring magnais ng paghihiganti kahit anong mangyari dahil mababahiran ang Yang na nasa akin.
Ang nararapat na pumuno sa aking puso ay pagnanais ng kapayapaan at kaligtasan para sa lahat.
Iminulat ko nang muli ang aking mga mata. "Tayo na. Babawiin pa natin sila Aria sa kanya at pati na ang kontinenteng ito ng Notos."