Hemira III 27

2148 Words
Hemira III 27 - Tatlong Pangalan ~Tagapagsalaysay~ Pagkabigla ang naramdaman nila Yohan at ng iba pa nilang mga kasamahan nang marinig ang sinabi ni Mrigmo. "Anong gusto mong ipagawa kay Hemira?!" hindi makapaniwalang tanong ni Yohan. Hindi naalis ang atensyon nito kay Hemira na matiim na nakatingin dito. "Sa bagay na iyon natin mapatutunayan na nais mo talagang pakawalan ang mga tagaNotos sa nang-aapi sa kanila at hindi kayo daragdag sa mga nagpapahirap sa kanila." "Sinungaling!" sigaw ni Ariadne. "Siguradong gusto mo lang palubugin si Hemira r'yan upang siya'y paslangin!" May gitil ang tinig nito. Sinamaan naman siya nito ng titig. "Wala akong pakialam kung naniniwala kayo o hindi! Ang babaeng iyan ang humiling sa akin ng kanyang gagawin upang patunayan ang inyong intensyon at ngayong sinabi ko na ay nasa sa kanya kung susubukan niya ba o hindi." Matiim pa rin ang tingin ni Hemira sa kanya. "Tunay ba talaga ang iyong sinasabi?" tanong nito. "Ibahin ninyo ang aming lahi sa inyo, mga sinungaling na tao." Dumilim ang awra ng pinuno ng mga Magmar. "Huwag mong sabihing gagawin mo talaga ang sinasabi ng isang 'to Hemira?!" sigaw ni Yohan. Hindi ito umimik. "Kung hindi mo na nais magpatunay sa amin ay huwag kang magsisisi dahil sa gagawin namin sa iyong mga kasamahang ito." Seryoso na si Mrigmo. "Mga Magmar, paslangin n'yo na silang lahat upang wala tayong mapapasok muli na mga masasamang tao!" utos nito. Aatake na ang mga Magmar kina Yohan... "Gagawin ko na!" sigaw ni Hemira kaya napatigil ang mga ito. Napabaling muli ang atensyon ni Mrigmo sa kanya. Hindi rin makapaniwala sa naging desisyon niya sila Yohan. "Tama ba ang aking narinig? Gagawin mo na?" paninigurado nito. Tumango siya. "Anong pinagsasasabi mo Hemira?! Mamamatay ka kapag tumalon ka sa nagbabagang tubig na iyan!" pagtutol na labis ni Ariadne. "Tama si Ariadne Hemira! Hindi ko na magagawang lunasan ka kapag ikaw ay tuluyang naabo sa tubig na iyan!" segunda ni Serafina. Hindi naman alam ni Euphemia ang gagawin dahil sa mga nangyayari. Kuyom na kuyom din ni Eugene ang kanyang mga kamao. "Gawin na lamang natin ang sinabi ni Yohan at kalabanin natin ang mga nabubuhay na ito kaysa ilagay mo sa alanganin ang iyong buhay!" pagtutol din nito ngunit nagbingi-bingihan siya sa mga pagtutol ng kanyang mga kaibigan at naglakad palapit sa nagbabagang apoy. "Hemira! Anong ginagawa mo?!" sigaw ni Yohan ngunit hinawakan ito ng mga Magmar upang pigilan na makalapit sa kanya. Sila Eugene din na nais lumapit sa kanya ay kinapitan ng mga Magmar upang pigilan. Dahil sa kanilang mga kasuotan ay hindi sila nasunog sa mga nagbabagang kamay ng mga ito na nakakapit sa kanila. Nasa tapat na si Hemira ng nagbabagang tubig. "Hemira! Makinig ka!" sigaw muli ni Yohan. "Huwag mong paganahin ang pagiging masokista mo! Paano kung mamatay ka talaga sa gagawin mong 'yan?! Paano na si Kirion na ikukuha natin ng gamot dito?! Paano na ang mga magulang mo na naghihintay sa 'tin sa palasyo?! Paano na kami?! Lalong-lalo na, paano na ako! F*cksh*t! Ikakasal pa tayo!" galit na galit ang tinig ni Yohan ngunit labis din ang pagmamakaawa roon. Hinarap niya na ang mga ito kaya napatigil ang mga ito sa pagkawala sa mga Magmar. "Huwag kayong mag-alala. Walang masamang mangyayari sa akin. Sigurado ako roon dahil hindi hahayaan ni Mrigmo na mamatay ako sa nagbabagang apoy na ito." Nangunot naman ang noo ni Mrigmo. "Paano ka naman nakasisiguro sa bagay na iyon?" Tumingin siya nang deretso rito. "Dahil inalok kita ng isang bagay na napakahalaga para sa inyo at hindi ka makapapayag na mabura na lamang ang pagkakataon na iyon na mapakawalan sa paghihirap ang mga tao sa kontinenteng ito." Hinubad na niya ang kanyang puting roba at umeepekto na sa kanya ang init ng lugar. "Pero magma 'yang lulubugan mo! Kahit sino, maaabo d'yan!" sigaw muli ni Yohan. Nahihimig ang labis na pagnanais nito na magbago ang kanyang desisyon. Ngumiti siya rito. "Tunay akong nangangako Yohan at totoo ring malinis ang ating atensyon... kaya hindi mangyayari iyon." Doon ay pahiga siyang nagpatihulog sa nagbabagang tubig. Tunog ng pagbagsak niyang iyon sa magma ang nangibabaw sa lugar at namilog ang mga mata nila Yohan sa pagkabigla. Napasinghap pa sila Euphemia at Ariadne dahil hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan. "HEMIRAAAAAAAAA!" Nakababasag puso ang naging pagsigaw ng mga kaibigan ni Hemira sa pagtawag sa kanyang pangalan dahil sa ginawa niyang pagpatihulog sa magma. Miski sila Mrigmo at ang mga Magmar ay hindi inaakalang gagawin talaga nito ang bagay na iyon. Agad na tumakbo papunta kay Hemira ang kanyang mga kaibigan. Nabitawan na ang mga ito ng mga Magmar dahil miski ang mga ito'y hindi pa nakakabawi sa pagkabigla. Lumuhod si Yohan sa patag na bato at dinungaw si Hemira sa nagbabagang tubig. "Hemira!" sigaw niya. Umaasa na makikita niya at sasagot si Hemira sa kanya. Ganoon din ang ginawa ng iba pa niyang kasama. "Hemira!" tawag din ng mga ito na hindi na malaman ang gagawin. Idadawdaw na sana ni Yohan ang kanyang kamay roon ngunit pinigilan siya ni Euphemia. "Yohan! Masusunog ang iyong kamay!" Niyakap siya nito sa kanyang likuran upang hindi niya maituloy ang nais na pagdadaw ng kamay sa nagbabagang tubig. Pilit naman siyang kumakawala sa yakap nito. "Bitiwan mo ako! Si Hemira! Kailangan natin siyang iligtas!" Nangingiyak na siya at nais na nais abutin ang tubig. Umiiyak na si Ariadne at napaupo na lamang sila Eugene at Serafina sa pagkawala ng lakas ng kanilang mga tuhod dahil hindi pa rin lumulutang si Hemira. Tulala lamang ang mga ito at hindi makapagsalita. "Sa hindi paga-ahon ng babaeng iyon ay malinaw na malinaw na siya'y nagsisinungaling lamang! Gagawa pa siya ng pangako! Pweh! Kasinungalingan!" Suklam na suklam ito. "Ngunit hindi ko inaakalang gagawin niya talagang lumubog sa nagbabagang tubig na iyan. Ang tatlong taong nagsimula nga ng kaguluhan sa aming kontinenteng ito ay hindi nagawang subukan iyan dahil sa takot para sa kanilang buhay kaya pinili nilang paslangin na lamang ang aming lahi upang makapasok. Kapag naaalala ko iyon ay labis talaga akong napopoot!" Kumawala na sa mga mata nila Eugene at Serafina ang mga luha at patuloy rin ang pagtangis ni Ariadne. Miski si Euphemia ay nabasag ang puso dahil sa nakikita niyang pagkamiserable ni Yohan habang pilit itong kumakawala sa kanyang yakap upang sundan si Hemira sa magma. "HEMIRA! Hindi mo kami puwedeng iwan! HINDEEE!" pagtangis ni Yohan. "Ngayon ay itigil na ninyo ang inyong pagluluksa dahil isusunod na rin naman namin kayo sa babaeng iyon." Natigilan sila Ariadne dahil sa sinabi ni Mrigmo sa malagong na tinig nito. Napabaling silang lahat dito. "Anong iyong sinabi?" malamig na tanong ni Ariadne. Hindi naman inaasahan ni Mrigmo na makita ang labis na poot sa kanilang mga mata. Poot na nasalamin niya sa mga mata niya noon nang mapaslang ang kanyang mga kalahi. Nakaramdam siya nang hindi maganda dahil sa napakadilim na awra ng mga ito at batid niya na isang maling salita niya lamang ay handa na ang mga ito upang paslangin silang lahat na mga Magmar... Ngunit isang pag-ahon sa tubig na tunog ang kanilang narinig mula sa magma malapit kina Yohan kaya napatingin sila roon. Namilog ang kanilang mga mata nang makita ang isang kamay na nakaahon. Balot iyon ng nagbabagang tubig ngunit unti-unting humuhulas doon ang magma. Ang may-ari ng kamay na iyon ay halatang nais humingi ng tulong dahil pilit itong may inaabot. "Hemira!" sigaw ni Yohan na unang nakabawi. Nakawala siya kay Euphemia at inabot ang kamay na iniisip niyang kay Hemira. Nang mahawakan ay hinila niya iyon upang maiahon ang may-ari niyon. Nang makabawi na rin sila Eugene ay tinulungan nila siya sa pag-ahon ng taong nagmamay-ari sa kamay. Tulong-tulong sila at napaupo pa sila nang tuluyan nilang mahila ang taong iyon na balot ng magma. Unti-unti na ring humulas sa taong iyon ang magmang nakabalot dito. Tama si Yohan dahil ang nasilayan nila ay ang umuubo-ubong si Hemira. Tila galing lamang ito sa pagkalunod sa isang normal na tubig. "Hemira!" tuwang-tuwa at tila nabunutan ng tinik ang kanyang mga kaibigan nang makitang ayos lamang siya at humihinga. Tinulungan siya ng mga itong makaupo at siya'y niyakap. "P-paanong..." Hindi makapaniwala si Mrigmo sa nasaksihan. May ilan nang mga tao ang nasubukan nilang maitulak sa magma noon upang alamin kung nagsasabi ng totoo ngunit wala sa mga iyon ang nakaahon. Si Hemira nama'y hindi na nila kinailangang itulak dahil ito na mismo ang nagpatihulog sa magma upang patunayan lamang ang sinsero nitong intensyon at ang mas nakamamangha pa ay nakaahon ito ng ligtas. Nangangatal pa ito nang labis imbis na pagkasunog sa paligid ang danasin. Agad na isinuot dito ni Yohan ang roba na hinubad nito bago ito magpatihulog sa magma. "Nakakaasar ka talaga! Kami ang unang mamatay sa pag-aalala dahil sa 'yo! Akala namin, naabo ka na sa magma! Buti at umahon ka kundi gagawin mo na agad akong byudo!" sermon ni Yohan sa paubo-ubo pa ring si Hemira. Ngumiti lamang ito. "S-sabi ko naman sa inyo... Walang masamang mangyayari sa akin... dahil malinis ang intensyon natin at tunay na gagawin natin... ang aking ipinangako. P-patawad dahil paulit-ulit ko kayong pinag-aalala sa akin." Hinging kapatawaran nito at umubo-ubong muli. Gusto pa sana itong sermunan ni Yohan ngunit napahinga na lamang siya nang malalim at niyakap itong muli. "Kahit nakapatagal na nating magkaibigan ay hindi pa rin talaga ako nasasanay sa iyong mga padalos-dalos na desisyon Hemira." Nagpupunas ng basang mga mata si Ariadne at sinermunan siya nito sa tingin. Ngumiti lamang siya nang nakangiwi rito. "Haaaayy... Labis ka talaga sa pagbibigay ng mga arko sa linya ng aking buhay. Akala ko talaga'y..." Hindi na itinuloy ni Eugene ang sasabihin at huminga na lamang nang maluwag. "Inumin mo ito Hemira. Nasunog ang ilang parte ng iyong katawan nang hubarin mo, ang iyong roba kanina." Ibinigay ni Serafina sa kanya ang isang bote ng lunas na kaagad naman niyang ininom. Napansin niyang nakatitig sa kanya si Euphemia. Ang tingin nito'y may paghanga at mayroon ding pagka-inggit. "Tunay ka nga sa iyong pangako." Narinig nilang sabi ni Mrigmo kaya nakuha nito ang kanilang atensyon. Bakas dito na hindi pa rin ito makapaniwala. Naglakad ito palapit sa kanila. Naghanda naman sila Yohan upang protektahan siya mula rito ngunit hinawakan niya ang braso nito. "Ayos lamang. Wala na siyang balak na saktan ako o tayo." Ngumiti siya sa mga ito upang palubagin ang loob ng mga ito. Dahil sa pagpigil niyang iyon ay binigyan na nila Yohan ng daan si Mrigmo upang makalapit sa kanya. Nang makalapit ang pinuno ng mga Magmar ay hindi nila inaasahan na lumuhod at yumuko ito sa kanya. "Paikusap! Tuparin mo ang inyong pangako at pakawalan na ang mga tagaNotos sa tatlong sakim na taong iyon! Hindi ko na kayang panoorin mula sa lugar na ito ang paghihirap at pagpipighati ng mga damdamin ng mga tagaNotos dahil sa kagagawan ng mga taong iyon! Kahit na ano ang iyong hilingin mula sa amin ay aming ibibigay! Kahit na ang aking buhay! Ako rin naman ang may kasalanan kung bakit nakapasok ang mga iyon! Hindi ako naging malakas upang protektahan ang aking mga kasamahan noon mula sa kanilang atake... Pakiusap... Pakawalan mo na ang kontinenteng ito sa kanila... Pakiusap..." Tumatangis na ito sa labis na paghiling sa kanya. Lumuhod at yumuko rin sa kanya ang iba pang mga Magmar at nagsimula na ring tumangis ang mga ito. "Napatunayan na namin kung gaano ka kasinserong tao. Imbis na masunog ka ay nakaramdam ka ng ginaw. Ikaw na lamang ang aming pag-asa. Kayo ng iyong mga kaibigan. Nakikiusap ako sa inyo... Pakawalan na ninyo sa paghihirap ang mga taga Notos!" Paulit-ulit ang pakikiusap nito at nagtutulo sa mga mata nito ang napakaraming nagbabagang tubig. Ang mga iyon ay mga luha nito. Napatingin naman kay Hemira ang kanyang mga kaibigan nang siya'y tumayo. Inalalayan siya ni Yohan. "Sambitin mo ang pangalan ng mga taong iyon." seryosong sabi niya. Napaangat naman ng tingin si Mrigmo ngunit nanatiling nakaluhod. Nagpunas ito ng mga mata. "Ang pangalan ng mga kasuklam-suklam na mga taong iyon ay Cirio..." Kumuyom ang mga kamao nito nang tila may maaalala. "Gyori..." pagsambit nito sa ikawalang pangalan. Nanlaki nang kaunti ang mga mata niya nang mabanggit ang pangalan ng dating heneral ng Gemuria na natalo niya noon. "At ang pinakamalupit at ganid sa kanila..." pagpapatuloy nito habang nakapikit nang mariin sa nararamdamang poot. "Vargo." sabay nilang sambit. Napamulat naman ng mga mata si Mrigmo nang masambit din niya ang ikatlong pangalan. Pati ang kanyang mga kaibigan ay hindi inaasahan na mababanggit niya iyon. Si Yohan ma'y napatingin din sa kanya dahil naalala nito ang ikinuwento niya dati rito tungkol sa taong iyon. "Paano mo nabatid ang pangalang iyon?" nagtatakang tanong ni Mrigmo. Lumamig ang kanyang tingin at nakuyom niya rin ang kanyang mga kamao. "Dahil ang taong iyon ang tinutukoy ko na nagpahirap sa akin sa buong pamamalagi ko sa kontinenteng ito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD