Hemira III 26 - Katunayan ng Pangako
~Yohan~
Umaakyat na kami papuntang tuktok ng pader at pasan-pasan ko si Euphemia.
Magaan lang naman siya pero hindi ganoon katikas at kalakas ang katawan ko para kayanin kong akyatin ang napakataas na pader na 'to.
Tumingala ako sa nauuna sa 'ming si Hemira at nakita kong nakaakyat na siya.
Nakahinga ako nang maluwag pero biglang nanlabo ang paningin ko.
Sobra-sobra na rin ang pagtagaktak ng pawis ko sa sobrang init at pagod.
Nahihilo na ako at hindi ko na magawang igalaw ang katawan ko.
"Yohan, ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong sa 'kin ni Euphemia.
"Yohan, kaya mo pa ba?" tanong din sa 'kin ni Eugene na kapantay ko sa pag-akyat.
Napapilig ako nang parang umiikot na ang paningin ko at ramdam ko ang sobrang panunuyot ng lalamunan ko.
Humihina na rin ang kapit ko sa bato.
"Yohan! Eugene! Nasaan na kayo?!" narinig kong tanong sa 'min ni Hemira mula sa taas.
Doon, naramdaman ko na hindi ko na talaga kaya.
"H-hemira... H-hindi ko na kaya..." Doon ay napabitaw na ako sa kinakapitan ko.
Narinig ko pa ang pagtili ni Euphemia.
Sorry Euphemia pero hindi na talaga kaya ng katawan ko.
Bago ako mawalan ng ulirat, narinig ko rin ang kalansing ng kadena at naramdaman ko na pumulupot 'yon sa katawan ko.
~Hemira~
Tatalon na sana ako pababa upang saklolohan sila Yohan nang isang kadena ang pumulupot sa kamay ko.
"Hemira! Puwersahin mo kami paitaas!" narinig kong sabi ni Eugene mula sa anyo niyang kadena.
Naintindihan ko naman iyon at kaagad na hinila sila pataas dito.
Tinulungan din ako ni Aria.
"Igggghhhh!" Lahat ng lakas na natitira sa akin ay ginamit ko na upang mahila sila paitaas.
Unang nahila namin si Serafina na nakakapit sa kadena.
Nabawasan ang bigat nang tuluyan na siyang makaakyat.
Tinulungan niya kaming hilahin sila Yohan.
Laking pasasalamat namin nang mahila na namin silang dalawa ni Euphemia.
Nakapulupot sa kanilang katawan si Eugene at wala na silang malay na dalawa. Sila Serafina ang dumulot kay Euphemia.
Agad ko namang niyakap si Yohan sa labis na pag-aalala at sapagkatakot para sa kanyang buhay.
~Euphemia~
"Dalawa lamang ang dahilan kung bakit hindi kita magawang mapasailalim sa aking pang-akit na mahika."
Narinig ko ang aking sariling tinig sa napakadilim na lugar kung nasaan ako ngayon.
"Isa ay may mahal ka ng iba at sinsero iyon katulad ni Yohan at Euvan na may sinserong damdamin para kay Hemira..." pagpapatuloy ko.
"Ang ikalawa?" Tinig ng isang binata iyon na pamilyar sa akin.
"Batid mo na ang tunay kong sapagkatao ngunit nagkukunwari ka lamang na wala kang nalalaman tungkol doon."
Kinabahan ako sa magiging sagot ng binatang iyon sa akin.
"Maaari ko bang dagdagan ng ikatlo ang mga dahilang iyon?"
Nangunot ang aking noo ngunit nanatili akong nakinig sa kanyang tinig.
"Paumanhin ngunit... hindi lamang talaga kita tipo." Nagimbal ako sa kanyang naging sagot.
"Ng-ngunit bakit?..." nauutal kong tanong sa hindi pagkapaniwala. Ako na mismo ang nagtanong at hindi ang tinig ko na naririnig ko lamang mula sa paligid.
"Dahil ang isang mapagkunwaring diwatang katulad mo ay walang karapatang mahalin at ibigin nang sinsero." sagot niya na tila isang punyal na tumarak sa aking puso.
"A-anong ibig mong sabihin?..." Pinilit kong alisin ang kaba sa aking tinig ngunit hindi ako nagtagumpay.
Nagulat ako nang biglang magliwanag sa aking harapan at doon nakatayo ang binatang gumimbal sa aking mundo. Puting-puti ang kanyang buhok pati ang kanyang kasuotan.
"Alam mo ang ibig kong sabihin." Ngumiti pa siya na tuluyan nang gumuho sa aking mundo.
Napamulat ako at napabalikwas ng bangon. "Hindi ko alam ang iyong ibig sabihin!" sigaw ko at habol na habol ko ang aking hininga.
"Uy Euphemia. Anong nangyari sa 'yo? Nawalan ka lang ng malay, nabangungot ka na agad." Narinig ko ang tinig ni Yohan sa aking tabi kaya napatingin ako sa kanya.
Katabi niya si Hemira at puro benda ang kanilang mga kamay at paa.
Naririto rin ang batang Fae na nakataas ang kilay sa akin.
Tumingin ako sa paligid at nanlaki ang aking mga mata nang makita ang binatang napanaginipan ko kanina lamang na ngayo'y ginagamot ni Serafina.
Nahilakbot ako sa takot at agad akong yumakap kay Yohan. Sa lakas ng yakap ko sa kanya ay napahiga siya. "Aray!" reklamo niya.
Hindi ko iyon pinansin at kumapit ako sa kanyang kasuotan habang nakadagan sa kanya. "Yohan! Tulungan mo ako! Pakiusap!" natatakot na sabi ko sa kanya.
Hindi naman kaagad siya nakaimik.
"Yohan pakiusap..." Umiiyak na ako sa kanya.
"Sorry Euphemia..." Batid ko na siya'y humihingi ng tawad dahil nabanggit niya ang ibig sabihin ng salitang iyon sa akin dati.
Napatigil ako sa pag-iyak at napatitig sa kanya.
Pinilit niyang umupo at umalis na ako sa pagkakadagan sa kanya.
Hindi siya makatingin nang deretso sa akin. "Alam ko naman na madadamay kita kanina pero hindi ko pa rin pinilit na akyatin 'tong pader na 'to. Imbis, bumitaw kaagad ako. Patawad kung masyado kitang natakot sa ginawa kong 'yon." Sinsero siyang humihingi ng kapatawaran sa akin.
Pinunasan ko ang aking mga mata. "Hindi naman iyon ang..." Napatigil ako at nang maisip ko na baka mabuksan ang bagay na ikinatatakot ko ay napayuko na lamang ako at hindi na itinuloy ang nais na sabihin.
"Mabuti na lamang at naging alisto si Eugene at nagawa kayong mailigtas," sabi ng batang Fae.
Hindi naman ako makapaniwalang napatingin kay Eugene na tapos nang gamutin ni Serafina.
Puro benda rin ang kanyang mga kamay at paa. Napatingin siya sa akin at ngumiti.
Nanlaki naman ang aking mga mata at agad na nag-iwas ng tingin. Ang lakas ng kabog ng aking dibdib sa sapagkatakot sa kanya.
Imposibleng batid niya ang pinakatatago-tago kong sikreto. Imposible.
Ngunit noong gabi nang makita niya ako. Nang masilayan niya ako na nasa pinakatatago kong anyo... Kung talagang natanto niyang ako iyon, maaari niyang sabihin kina Yohan iyon.
Kapag mangyari iyon, siguradong pandidirihan na ako nila Yohan at hindi nanaisin na maging kaibigan nila... gaya ng ibang nakabatid noon sa aking sikreto.
Napahigpit ang hawak ko sa laylayan ng aking magandang damit.
Kung ganoon ang mangyari, isang masamang alaala na naman ang madadagdag sa masasama ko ng karanasan.
~Hemira~
"Kung gayon ay ito pala ang nasa likod ng mataas na pader na ito." Nakatingin lamang ako sa bumubula at nagbabagang tubig na kulay mapulang araw sa ibaba ng pader na ito.
"Bunganga pala ng bulkan ang kalahati ng pader na ito," sabi ni Eugene na nakatingin din doon.
Lahat kami'y nakapahinga na at maaayos na ang kalagayan kaya magsisimula na muli kami sa aming paglalakbay.
"Magma rin ang ibig sabihin ni Neb do'n sa sinasabi niyang nagbabagang tubig na kulay mapulang araw." Napatango-tangong saad ni Yohan.
"Ayon oh! May hagdan pababa!" Itinuro naman ni Serafina ang isang hagdang pababa.
"May patag na lupa rin sa gilid na puwede nating lakaran!" natutuwang bulalas naman ni Aria.
Tama siya. Sa gilid ng bumubulang nagbabagang tubig ay may mabatong lupa roon na maaari naming gamitin upang makatawid sa bungangang ito ng bulkan.
Sinimulan na naming tahakin iyon.
Tanging mga tunog ng mga bulang pumuputok sa likidong iyon ang nagbibigay ingay sa paligid pati na ang aming mga yabag.
Pinunasan ko ang tagaktak ko ng pawis sa aking noo gamit ang likod ng aking kamay.
Tirik na tirik ang araw at napakainit ng temperatura sa lugar na ito na tila nasa loob kami ng malaking lutuan.
"Iinom nga akong tubig! F*cksh*t! Ang init!" Lumagok ng tubig si Yohan mula sa kanyang inuman.
Nang hindi makuntento ay huhubarin niya sana ang kanyang mahabang puting damit ngunit agad ko siyang pinigilan.
"Huwag mong hubarin iyan." seryoso kong sabi sa kanya.
Bakas na bakas sa kanya na labis na siyang naiinitan. "Pero ang init eh! Kulob na kulob ako sa napakahaba kong robe na 'to! Para pa tayong naglalakad sa araw!" reklamo niya at lumagok muli ng tubig sa labis na pagkauhaw.
"Tingnan mo ang mangyayari kung huhubarin natin ang ating robang ito." Hinubad ko sa kalahati ng aking katawan ang robang aking suot at doon ay unti-unti ko nang nararamdaman ang pagkasunog ng aking balat.
"GAAAAAAAHHH!" sigaw ko sa sakit. Umusok na ang kalahati ng aking katawan sa labis na taas ng temperaturang nararamdaman ko kaya naman isinuot kong muli ang aking roba nang maayos.
Napakahapdi ng aking katawan at nanlalaki naman ang mga matang nakatingin sa akin ang aking mga kasamahan. Paniguradong hindi sila makapaniwala sa nangyari sa akin ng hubarin ko ang aking roba.
Agad na lumapit sa akin si Serafina na alalang-alala. "Kailangang magamot ng paso sa iyong katawan Hemira!" Nagmamadali niyang inilabas ang mga dahon na kanyang panlunas at ginamit sa akin ang kanyang mahikang panggamot.
"Ganoon ang mangyayari sa atin kapag hinubad natin ang robang ito dahil mayroong mahikang inilagay sa kasuotan nating ito upang protektahan tayo sa napakainit na panahon sa lugar na ito." paliwanag ko sa kanila.
Nawala na ang hapdi sa kalahati ng aking katawan nang matapos si Serafina sa panggagamot sa akin.
"Bakit hindi mo na lang sinabi! Tingnan mo tuloy ang nangyari sa 'yo!" sermon sa akin ni Yohan. Kunot na kunot ang kanyang noo.
"Ngunit iyon ang naisip kong paraan upang pigilan talaga kayo sa paghubad ng inyong roba kahit gaano na kayo naiinitan." depensa ko ngunit marahas lamang siyang napakamot sa kanyang ulo.
"Tsk! Hindi ko alam kung masokista ka ba talaga o ano."
"Sino kayong mga nanggagambala sa aming mga Magmar at ano ang ginagawa n'yo rito?!" biglang malakas na sigaw ng isang nabubuhay at napakalagong niyon.
Agad kaming naalarma at napatingin sa paligid.
Hinawakan ko agad ang kamay ni Eugene. "GLADIUS!" Naging anyo siyang espada. Nakahanda na akong umatake sa maaaring magtangka sa amin at ganoon din ang aking mga kasamahan.
Narinig namin na mayroong mga umaahon sa nagbabagang likido sa aming likuran kaya naman napalingon kami roon.
Nanlaki ang aming mga mata nang makita ang mga nabubuhay na umahon mula roon.
Nababalot sila ng likidong iyon at umiilaw na pula ang kanilang mga mata.
Mayroon silang kamay at paa. Gawa naman sa nagbabagang bato ang kanilang mga katawan. Sila ang mga Magmar na aming nagambala.
Pinalilibutan na nila kami.
Biglang naharangan ng malaking aninong kahugis nila ang tirik na tirik na araw kaya napabaling muli kami sa aming harapan.
Isang kalahi nila ang nakatayo sa isang mataas at nakausling bato.
Nakaharang siya sa liwanag kaya naman siya'y nakakasilaw tingnan. Paniguradong siya ang pinuno ng mga nabubuhay na ito.
"Sagutin ninyo ang aking tanong!" malakas muli niyang sigaw at dumagundong ang bungangang ito ng bulkan. Siya'y galit na galit.
Lalo ring umiinit ang paligid.
"Kami'y mga manlalakbay at nais lamang naming makadaan sa lugar na ito upang marating ang disyerto ng Rahasa rito sa Notos." sagot ko.
Katahimikan ang nanaig. Hindi rin gumalaw ang mga Magmar na nakapalibot sa amin.
"MGA LAPASTANGAN!" Dumagundong muli ang kanyang tinig.
Napatili na si Euphemia sa takot sa nabubuhay na iyon.
"Nais n'yong tawirin ang bulkang ito?! Kung gayon ay kayo ba ang uulit sa trahedyang ginawa sa amin ng mga pangahas na tao noon na pumatay sa napakarami naming mga kalahi upang lamang makaraan dito?! IYON DIN BA ANG INYONG PINAPLANO?!" Siya'y poot na poot at nagguguhuan na ang mga bato sa paligid sa pagdagundong ng kanyang tinig.
Nagsimula nang kumilos ang mga Magmar na nakapalibot sa amin.
Nakahanda na silang umatake kina Yohan at lalong umilaw ang kanilang mga mata sa poot.
Nang akmang bubuksan ni Yohan ang kinuha niyang pana sa kanyang lagan ay pinigilan ko siya.
Nagtatanong ang kanyang mga mata at susubukan niya muling buksan ang kanyang pana ngunit hindi ako bumitaw roon upang hindi niya mabuksan iyon.
"SANDALI LAMANG!" malakas ko ring sigaw.
Napatigil ang lahat na akmang makikipaglaban na sa isa't isa.
Hinarap kong muli ang pinunong Magmar.
"Ako'y humihingi ng tawad dahil sa panggagambala namin sa inyo ngunit hindi dumaan sa aming isipan na kayo'y paslangin upang makaraan kami. Ang nais namin ay mapayapang makalagpas sa bulkang ito." paliwanag ko sa kanya.
Bumitaw na ako sa hawak kong si Eugene at bumalik na siya sa kanyang anyong tao upang hindi nila isipin na masama ang intensyon namin sa kanila.
"Wala akong pakialam! Kapayapaan man ang nais n'yong makamit habang dumaraan dito'y paniguradong hindi naman iyon ang nais ninyo kapag nakarating na kayo sa loob ng kontinente ng Notos!" sigaw muli ng pinunong iyon.
Nangunot ang aking noo. "Ano ang ibig mong sabihin?"
"Huwag ka nang magmaang-maangan pa! Dadagdag lamang kayo sa mga masasamang taong nagmula sa ibang kontinente na nagpumilit pumasok dito! At batid n'yo ba kung ano ang kanilang ginawa bukod sa pagpaslang sa aming mga kalahi?! Sila ang nagpalaganap ng kasamaan at karahasan sa lugar na ito na dati'y pagkapayapa!" Nagbabaga na ang kanyang katawan kaya nakikita na namin siya.
Mas malaki siya kumpara sa mga Magmar na nakapalibot ngayon sa amin.
"Payapa ag kontinenteng ito noon kahit gaano kahirap para sa mga nananahan dito ang makahanap ng pagkain at tubig ngunit nang makapasok ang ilang mga tao mula sa ibang kontinente ay sila ang nagpasimula ng kaguluhan dito. Dahil sa hindi sanay ang kanilang katawan sa tagtuyot na panahon dito ay inalipusta nila ang mga nananahimik na mga mamamayan ng lugar na ito. Inalipin nila ang mga taong iyon upang ibigay sa kanila ang mga tubig at pagkain na inipon ng mga tagaNotos para sa lahat!" Tumalon siya pababa rito sa amin at nagaapoy ang kanyang katawan simbolo ng labis niyang poot.
Lumapit siya sa akin at nasilayan ko na siya'y lumuluha. Ang kanyang luha ay nagbabaga ring tubig. "Dahil doon ay iyon ang kinamulatan ng mga paslit at lumaon ay lumaki silang nang-aalipusta na rin ng iba para mabuhay. Unti-unti nang napuno ng masasamang tao at kaguluhan ang kontinenteng ito at wala man lamang maglakas ang loob na kalabanin ang mga masasamang iyon!" Tumangis siya nang labis at ang kaninang poot niya'y napalitan ng labis na pighati.
"Pero hindi naman kami kapareho ng mga 'yon! Wala kaming pakay na masama sa kontinente n'yong 'to!" depensa ni Yohan.
"TAHIMIK!" Nanumbalik ang kanyang galit at idinuro si Yohan. "Ang mga salitang iyan! Natatandaan ko na iyan ang mga salitang ginamit sa amin ng mga kasuklamsuklam na tatlong taong nagpasimula ng kaguluhan dito! Ang una'y nagsabi na wala silang pakay na masama rito! Ikalawa'y sila'y dadaan daw lamang! Ang ikatlo naman ay parehong iyon ang ipinangako! Nakapopoot! Labis na nakapopoot sapagkat nang subukin namin kung sila'y nagsasabi ng totoo ay doon na nila pinagpapaslang ang aming mga kalahi! Ni wala akong nagawa upang pigilan sila at iligtas ang aming mga kalahi kaya naman sa aking pangalang Mrigmo ay hindi ko hahayaan na maramdaman kong muli ang pagsisising iyon! HINDING-HINDI NA!" Sinipa niya nang malakas ang aking sikmura at wala akong ginawa upang depensahan ang aking sarili.
Tumilapon ako palayo at nagpagulong-gulong ang aking katawan. Kaunti na lamang ay mahuhulog na ako sa nagbabagang tubig.
"Hemira!" gimbal na sigaw ng aking mga kasamahan.
Susubukan sana nila akong tulungan ngunit hinarangan sila ng mga Magmar na nakapalibot sa kanila.
"Tumabi kayo!" galit na galit na sigaw ni Yohan at gagamitan niya sana ang mga ito ng kanyang mahikang palaso...
"Huwag!" pagpigil kong muli sa kanya kaya napatigil siya at hindi niya naituloy ang pagpaslang sa mga Magmar na nakaharang sa kanila.
"Huwag n'yo silang kalabanin!" utos ko sa kanila. Tumayo na ako habang sapo ang aking sumasakit na sikmura.
Nag-uusok pa ang baluti ko roon sa init at may bakat iyon ng paa ng pinunong Magmar.
Labis ang naging pagkunot ng noo ng ni Yohan at pati ang iba naming mga kasamahan ay nagtaka sa naging utos kong iyon.
"Bakit hindi natin sila kakalabanin Hemira?! Papatayin nila tayo!" sigaw sa akin ni Yohan.
"Makinig na lamang kayo sa akin! Ibalik mo sa loob ng iyong lagan ang iyong pana! Alisin na ninyo sa inyong isipan na sila'y ating aatakihin!" Seryosong-seryoso ako at tumayo na ako nang maayos.
Nakatingin lamang ako nang deretso kay Mrigmo.
"Pero..."
"YOHAN!" malakas na sigaw ko.
Halatang nabigla siya miski na ang aking mga kasamahan sa pagsigaw ko na iyon sa kanya.
Sa una'y nakatitig lamang siya sa akin at nang makitang seryoso talaga ako ay ibinalik niya ang kanyang pana sa kanyang lagan.
"Ano ang iyong binabalak tao?! Sa tingin mo ba ay pararaanin namin kayo dahil lamang hindi kayo lalaban sa amin?!" sigaw ni Mrigmo na may bahid ng pagdududa.
"Paano kung kami ang maglakas ng loob na kalabanin ang tatlong taong iyong binanggit at pakawalan sa kanilang impluwensya ang kontinenteng ito?" seryosong-seryosong tanong ko sa kanya.
Nangunot naman ang kanyang noo. "Ano ang iyong pinagsasasabi? Malalakas ang mga taong iyon kaya nagawa nilang magapi ang aming lahi!"
"Hasang-hasa ako sa paggamit ng espada at ang binatang iyan nama'y isang malakas na tumatawag." Tinuro ko si Yohan. "Ang iba pa naming mga kasamahan ay malalakas din. Hindi ako nagyayabang lamang ng aming kakayahan ngunit maipapangako ko na magagawa naming magapi ang tatlong pangalang ibibigay ninyo sa amin."
Katahimikan ang nanaig.
Halatang hindi pa rin naniniwala sa akin si Mrigmo.
Napahinga ako nang malalim. "Ang katotohana'y rito ako sa kontinente ng Notos lumaki." pagsasabi ko ng totoo.
Mukhang nakuha ko naman ang kanyang interes.
"Hindi man ako rito ipinanganak ngunit pitong taon akong nanirahan sa lugar na ito kaya naman naging parte na ito ng aking buhay. Kung mayroon mang nanggugulo rito ay nais ko ring patigilin na ang mga iyon dahil naging biktima na rin ako ng mga taong iyon sa buong pitong taon akong namalagi rito." pagsasalaysay ko.
Matiim ang naging titig niya sa akin. "Kung ika'y tunay na nagsasabi ng totoo, ilubog mo ang iyong sarili sa nagbabagang tubig."
Hindi ko naman inaasahan ang kanyang sinabi.
"Bakit ko kailangang gawin iyon?" nalilito kong tanong.
"Dahil may mahika ang nagbabagang tubig na iyan. Iyan ang simbolo ng nagngangalit na damdamin ng mga taong inaapi at inaalipusta rito sa Notos. Kapag hindi ka nasunog, katotohanan ang iyong nilahad at ang iyong pangako. Na ikaw ang magliligtas sa mga tagaNotos mula sa mga sakim na taong iyon. Kung ikaw nama'y maaabo, ika'y nagsisinungaling lamang at ang iyong pagkaabo ang magiging parusa mo." Naging mapanghamon ang kanyang tingin.
Hindi naman kaagad ako nakaimik.