Hemira III 20

2605 Words
Hemira III 20 - Asas at Liomean ~Sa Palasyo ng Gemuria~ ~Hemira~ “Pila Magia!” Isang mahika ang aking ibinato kay Ginoong Sueret na nagawa naman niyang maiwasan nang walang kahirap-hirap. Habol ko na ang aking hininga sa pagod at pagkaubos ng lakas dahil sa labis na paggamit ko ng aking mahika. "Ang bagal ng iyong galaw. Paano mo matatalo ang Handrong iyon kung ganito ka kabagal at kahina? Kung espada ang ating gamit sa pakikipaglaban ngayon sa isa't isa ay paniguradong wala akong kaya ngunit mahika ang kailangan mong hasain." Seryoso ang kanyang tinig ngunit batid kong sinabi niya iyon upang mas lalong patindihin ang pagnanais ko na siya'y matalo. Nagtagumpay naman siya sa kanyang nais. Umayos ako ng aking tayo at handa ko na muli siyang atakihin. "Acri Magia!" Isang mahikang patusok ang aking pinakawalan at deretso na iyon sa kanya. Hindi siya natinag sa kanyang tayo kaya inakala kong magagawa ko na siyang tamaan ngunit hindi ko inaasahan na sumalubong doon ang isang espada at nang lumagpas ang mahika ko roon ay hindi iyon nasira. Patuloy ang paglipad niyon papunta sa akin at napakabilis niyon. Siguradong mahika ng ginoo ang nagkokontrol doon. Wala na akong oras upang iwasan iyon kaya ang tanging nagawa ko na lamang ay isalag ang aking brasong may bakal na pangprotekta. Tumusok doon ang espadang iyon. "GAAAAAAAAAAAHHH!" sigaw ko ng sakit at napaluhod pa dahil lumagpas iyon sa bakal na nakasuot doon. Tumagos pa iyon sa aking laman. Pakiramdam ko rin ay nakatusok ang dulo niyon sa aking buto. Buong lakas loob kong hinugot iyon at pinigilan kong mapasigaw muli sa sakit. Sumirit ang aking masaganang dugo. Simula nang magamit ko ang Yang, pakiramdam ko ay humina na ang kakayahan ng aking katawan na tumabla sa sakit. May lumapit sa akin kaya napatingala ako roon. Si ginoong Sueret iyon na seryoso ang tingin sa akin. "Mukhang natanto mo na, na hindi na katulad ng dati ang iyong katawan. Hindi na iyan bakal kundi ordinaryong laman na lamang ng isang tao. Ngayon ay tatanungin kita, may kakayahan ka pa rin bang bawiin ang Yin sa handrong iyon?" Pinilit kong tumayo habang nakahawak sa aking may sugat na braso at nagawa ko iyon. "Tatalunin ko siya... at babawiin ko ang Yin sa kanya upang hindi na siya makapaghasik pa ng kanyang kasamaan." seryoso ko ring sagot. Kumurap lamang ang seryosong mga mata niya. Ni hindi ko mabasa ang kanyang nasa isipan. "Halos isang taon ka nilang tinuruan ng itim na mahika kaya may kasanayan ka na sa mahika kahit papaano ngunit batid mo na hindi kapareho niyon ang puting mahika. Iba ang mga salitang iyong bibigkasin at iba rin ang nararapat mong intensyon sa pagtututo niyon." Tumango-tango naman ako. "Ngayon ay magsimula na tayong muli. Ang pagsasanay kong sa iyo na ito ay hindi magiging madali. Hiniling mo rin sa akin na kahit masaktan at masugatan ka ay ayos lamang. Sumusunod lamang naman ako sa iyong nais, prinsesa." Ngumiti na siya at nakikita ko sa mga mata niya na nais niya talaga akong matuto. Pumilas muna ako sa isang telang disenyo sa aking baluti at ibinalot iyon nang mahigpit sa sugat sa aking braso. "Ituloy na natin, ginoo." Tumango naman siya. Nagpakiramdaman kami at nagsimula na muli akong bumato ng mga mahika sa kanya. Iwas naman siya nang iwas. "Fugio!" Lumipad siya at binato rin ako ng mga bagay na napalutang niya. Mga sibat, espada at mga baluting nakadisenyo sa silid sanayan kung saan kami naririto ngayon. Pinag-iiwasan ko ang mga iyon. "Fugio!" Ako'y lumipad din upang mapantayan siya sa ere. "Hindi ba't nais mong matutong gumawa ng mahikang kayang pumrotekta sa isang lugar?" tanong niya saka nagpaangat muli ng mga pira-pirasong mga bagay mula sa baluti at pinalipad iyon papunta sa akin. Iniwasan ko naman iyon at sinubukang bumatong muli ng mahika sa kanya ngunit sinalag niya iyon gamit ang isang kalasag na kanyang pinalutang. "Ganoon na nga, ginoo. Noong nasa ilalim pa ako ng kontrol ni Handro, pinasira niya sa akin ang malakas na mahikang pumoprotekta sa buong kahariang ito ng Gemuria. Sino ang gumawa ng ganoong kalakas na mahika na iyon?" Ako'y nakaramdam na ng pagkausisa sa bagay na iyon ngunit hindi ko hinayaan na mawala ang aking atensyon sa aming laban. Napangiti naman siya at mukhang wala munang balak muling umatake. "Ang hari noon noong nabubuhay pa ito pati na ang kasalukuyang hari ngayon. Kabilang din ako sa kanila na gumawa ng mahikang iyon." Nanlaki naman ang aking mga mata. "Ang ama ng aking amang hari?!" Hindi ako labis makapaniwala na ganoon na katagal ang mahikang sinira kong iyon. Tumango-tango siya. "Ang mahikang iyon ay nakapagpipigil na magamitan ang kahariang ito ng napakalalakas na mahikang itim. Kaya ipinasira ni Handro sa iyo ang mahikang iyon ay upang magawa mong mabuksan ang malaking portal na dinaanan ng mga mostro na sumalakay sa kahariang ito noon. Kung hindi ninyo iyon sinira at basta na lamang kayo sumugod ay hindi mo iyon magagawang mabuksan." Napakuyom ako ng aking mga kamao at napapikit nang mariin. Iyon pala ang dahilan kung bakit ipinagawa sa akin iyon ni Handro! Labis-labis talaga ang kanyang kasamaan! "Ang kahariang ito na pinagkaingat-ingatan ng henerasyon ninyong Primum, sa iyong tingin ay mapoprotektahan mo ba ito laban sa mga masasamang iyon?" Ako'y napamulat sa tanong niyang iyon. "Hindi mo ba hahayaang muli na masira ang mga bagay na paulit-ulit nang sinira ng mga nabubuhay na iyon para lamang masakop nila tayo?" Natulala ako sa pag-alala sa mga tagaGiles. "Nakakasawa na. Kahit na ayusin nang ayusin ang lugar na ito, ang damdamin naman ng mga taong naninirahan dito ay nananatiling sira at puno ng pangamba. Wala nang katahimikan ang isipan ng bawat isa." "Kung ipaaayos na naman namin ito, mapupuno na naman ng isipin ang bawat isa. Isiping kailan na naman ba ito masisira? Kailan na naman ba ito pagdidiskitahan ng mga masasama? Kaya napagdesisyonan na namin na hayaan na lamang ang bayang ito nang ganito nang sa gayon ay kung may manalakay muli, wala na silang masisira dahil sira na rin naman ang lugar na ito." Tama, hindi ko na nararapat na hayaang masirang muli ng mga masasamang nabubuhay na iyon ang lahat ng bagay na naririto sa lugar na ito, higit na sa lahat ay ang kapayapaan at katahimikan sa kahariang ito. Hangga't nabubuhay ang Handrong iyon, hinding-hindi namin makakamtan ang kapayapaang iyon kaya sinisigurado ko, na gagawin ko ang lahat upang siya'y magapi. Poprotektahan ko ang lahat ng naririto kahit na sa ibang lugar na nakararanas din ng kalupitan sa kanilang kamay... dahil iyon ang aking nais at responsibilidad bilang may hawak ng Yang. Kahit ano ay aking gagawin upang maprotektahan lamang sila. Kahit na ako pa ang maging kapalit upang magawa ko lamang iyon! "Hemira! Kontrolin mo ang iyong sarili! Hemira!" biglang sigaw ni ginoong Sueret at saka ko lamang napansin na sobrang liwanag na ng paligid at doon ay hindi ko na batid kung ano ang sumunod na mga naganap. ~Tagapagsalaysay~ Nakatulala lamang si Euphemia habang nakaupo sa pinakataas na baitang ng hagdan sa unang palapag ng palasyo. "Paumanhin ngunit... hindi lamang talaga kita tipo." Napahigpit ang hawak niya sa kanyang kasuotan. "Bakit hindi niya ako tipo? Bakit?" "Hindi lamang talaga kita tipo." Muling pag-ulit ng tinig ni Eugene na ilang araw nang gumugulo sa kanyang isipan. Napapikit siya nang mariin. "Dahil ba talagang nakilala niyang ako iyong nakita niya noong isang gabi?" Nahilakbot siya sa naisip. "Hindi puwede!" Pilit niyang hininaan ang kanyang tinig kahit na nais na nais niya nang sumigaw. "Paumanhin ngunit... hindi lamang talaga kita tipo." Narinig niyang muli ang sinabing iyon ni Eugene. Doon ay tuluyan na siyang tumili nang malakas sa pagkagulo ng kanyang isipan at napatingin sa kanya ang mga taong nasa unang palapag. ~Hemira~ Mayroong marahang sumusuklay sa aking buhok gamit ang kanyang mga daliri at ang sarap niyon sa pakiramdam. Naramdaman ko na nakahiga ako ngayon sa isang malambot na higaan. Yumakap sa akin nang mahigpit ang sumusuklay na iyon sa aking buhok. "Anak ko..." mahina niyang sabi. Nakahahalina ang pagtawag niyang iyon sa akin ng anak. Iminulat ko na ang aking mga mata. Nabungaran ko ang nakapikit na mukha ng aking ina. May luha sa kanyang mga mata. "Ina..." tawag ko sa kanya. Napamulat naman kaagad siya at deretsong napatingin sa akin. Ilang sandali lamang ay napaupo siya mula sa pagkakahiga. "Anak! Mabuti at ika'y nagmulat na! Labis-labis na pinag-alala mo ako dahil sa nangyari sa iyo..." Naiiyak ang kanyang tinig. Umupo na rin ako at ako'y kanyang tinulungan. Pagtataka ang mababakas sa akin. "Ano po ba ang nangyari?" Tiningnan ko pa ang aking sarili at nakasuot ako ng aking pangtulog. Tiningnan ko rin kung nasaan kami ngayon at kami'y naririto sa kanyang silid. Ang aking naaalala ay nagsasanay lamang kami ni Ginoong Sueret ng mahika at hanggang doon na lamang ang aking naaalala. "Ang sabi ni ginoong Sueret ay hindi mo nakontrol ang iyong mahika kaya ika'y nakagawa ng malakas na pagsabog noong nagsasanay kayo. Mabuti at walang nawalan ng buhay sa inyong dalawa kundi mga sugat lamang." Nanlaki ang aking mga mata. "Ano po?! Nakagawa ako ng malakas na pagsabog?!" Hindi ako labis na makapaniwala. Ni hindi ko nagawang matunaw sa aking mahika ang espada isinalubong doon ni ginoong Sueret ngunit nakagawa ako ng malakas na pagsabog? Tumango naman siya. "Halos nabura mo ang silid kung saan kayo nagsanay na dalawa. Mabuti na lamang at walang nangyari sa inyong masama. Naagapan din kaagad kayong mailigtas ng ilang kawal na malapit noon sa lugar na iyon." Labis pa rin akong hindi makapaniwala. "Hemira! Kontrolin mo ang iyong sarili! Hemira!" rinig kong sigaw ni ginoong Sueret sa aking alaala. Kung gayon ay noong mga oras ko na palang iyon nagamit ang Yang. "Dahil sa pangyayaring iyon ay dapat mo nang dahan-dahanin ang paggamit sa iyong mahika. Batid kong nagsasanay ka upang magamit mo iyon nang maayos ngunit hindi ko naman nais na malagay ka sa kapahamakan dahil doon. Isang linggo ka ring nawalan ng malay. Labis talaga kaming nag-alala ng iyong ama." Namilog muli ang aking mga mata. "Isang linggo po akong nawalan ng malay?!" Tumango siyang muli. "Si ginoong Sueret po? Kamusta na po siya?" "Ayos lamang naman siya. Nagkaroon siya ng malay kahapon lamang." Nakahinga ako nang maluwag. Kung gayon ay hindi pala dapat ako maging padalos-dalos sa aking mahika dahil sa sobrang lakas niyon. "Alalang-alala sa iyo ang iyong mga kaibigan pati na ang iyong ama. Si Yohan ay halos oras-oras kung bumisita rito sa aking silid para sa iyo. Nararapat na papuntahin ko na sila upang mabatid na nila na ika'y may malay na." Hintatakot na napatingin ako sa kanya. "Huwag na po ina. Ako na lamang ang pupunta sa kanila." Nabakas naman ang pagtataka sa kanya. "Bakit takot ka na sila'y magpunta rito?" Dahil siguradong puro sermon na naman ang aking maririnig mula kina Aria at Yohan, nais kong sabihin ngunit ngumiti na lamang ako. "Hindi naman po. Nais ko rin po kasing puntahan si ginoong Sueret sa kanyang silid upang personal siyang kamustahin." Napatango-tango siya. "Hindi ko man gustong ikaw ay lumabas na kaagad ngunit mukhang hindi naman kita mapipigilan. Subalit ipinapaalala ko lamang sa iyo na huwag mo munang masyadong pwersahin ang iyong sarili lalo na sa iyong mahika. Hindi ko iyon nais miski ng iyong ama na gawin mo sa iyong sarili." Nakangiting tumango ako sa kanya. "Sige po, ina." Napangiti na rin siya at hinaplos ang aking buhok habang mapagmahal na tumingin sa akin. ~Tagapagsalaysay~ Kumatok muna sa pinto ng isang silid si Serafina bago niya binuksan iyon. Pumasok siya ngunit madilim ang paligid. "Kirion?..." tawag niya sa nabubuhay na may-ari ng silid na iyon. Walang sumagot kaya naman naglakad siya nang dahan-dahan papunta ng bintana kung saan may nakatabing na kurtina. Nang marating na iyon ay binuksan niya iyon kaya nagkaroon na ng daan ang liwanag papasok ng silid ni Kirion. Nakita niya na ang liomean na nakahiga lamang sa sahig. Napakatatalas ng mga patusok na bakal sa katawan nito. Napansin niya na mukhang nahihimbing ito. Kinuha niya ang isang maliit na bote sa kanyang bulsa na naglalaman ng berdeng likido. Ikalabing dalawa. Iyon na ang ikalabing dalawang gamot na ginawa at susubukan niya upang gamutin na ang mga mata nito ngunit malaki pa rin ang tsansa na hindi iyon gumana katulad ng mga nauna. Nakatitig lamang siya sa boteng iyon at humiling na sana'y magtagumpay na siyang malunasan ang mga mata nito dahil batid niya kung gaano na nito nais muling makakita. Isa pa'y umaasa rin si Hemira na pagtagumpayan niya iyon dahil siya'y isang bihasang manggagamot. Huminga siya nang malalim at umupo malapit sa mukha ni Kirion. Binuksan niya ang boteng kanyang hawak at ibinuhos ang laman niyon sa mga mata nito. Naghintay siya ng ilang sandali at gumalaw ang ulo nito. Nagpilig ito ng ulo nito na tila isang pusa dahil sa pagkabasa ng mukha at natilamsikan pa siya ng gamot na kanyang ibinuhos sa mga mata nito. "Kirion... Ako ito, si Serafina. Ibinuhos ko sa iyong mga mata ang panibagong gamot na aking nagawa. Ngayon ay subukan mong imulat ang iyong mga mata," sabi niya. Nasasabik na siyang makitang magmulat ang mga mata nito. Napansin niya na mukhang sinusubukan nga nitong imulat ang mga mata nito... Subalit hindi ito nagtagumpay. Nanatili itong nakapikit at mukhang hindi pa rin makakakita. Nagsimula nang makaramdam si Serafina ng panlulumo dahil hindi muli siya nagtagumpay. Hindi niya nagawang malunasan ang mga mata nito. "Hindi na naman gumana ang gamot na iyong ginawa." Malamig ang tinig ng liomean. Napayuko si Serafina at nagsimula nang humikbi. "Patawad Kirion... Hindi muli gumana ang lunas na aking ginawa. Sinubukan ko namang gawin ang lahat ng aking makakaya ngunit wala na naman iyong pinatunguhan..." Ang higpit ng hawak niya sa kanyang mahabang kasuotan dahil batid niyang napaasa na naman niya ito... at panglabing dalawang beses niya na iyong nagawa rito. "Sinubukan mo na ang lahat ng iyong makakaya?" Mas malamig ang tinig nito kaya napatigil siya sa pag-iyak at napatingin dito. Bumangon na ito mula sa pagkakahiga at nakikita niya na nababakas na ang galit sa mukha nito. "Kung gayon ay bakit lagi na lamang ganito?! Bakit lagi na lamang hindi nagagamot ng iyong lunas ang aking mga mata?!" malakas na sigaw nito sa halimaw na tinig nito. "K-kirion..." natatakot nang tawag niya rito. Tila hindi na ito ang Kirion na nakilala niya noon. Ang bagsik na ng hitsura nito. "Kung tunay na sinubukan mo ngang gawin ang lunas gamit ang lahat ng iyong makakaya, gagana iyon! Sana'y nakakakita na akong muli ngunit hindi! Hanggang kailan mo ba ako paasahin sa mahina mong mahika?! HANGGANG KAILAN?!" Itinaas nito ang kamay nito na mayroong mahahabang kuko at siya'y kakalmutin na kaya naman isinalag niya ang kanyang braso. "Aaaaaaaaah!" tili niya nang humiwa sa laman niya sa braso ang mga kuko nito. Napahawak siya roon sa sakit na dulot niyon at napapikit nang mariin. Dumanak sa sahig ang masagana niyang dugo. "S-serafina..." Tila natauhan na ang liomean sa pagtawag nitong iyon sa kanya at pagkausig ang bumakas sa mukha nito. Namimilipit pa rin siya sa sakit ng kanyang nakalmot na braso ngunit pinilit niyang ngumiti. "A-ayos lamang ako Kirion... N-naiintindihan ko ang iyong galit... kaya naman sa susunod na gagawa ako ng lunas ay sisiguraduhin ko na talagang gagana iyon." Kinagat niya ang kanyang ibabang labi sa sobrang hapdi ng kanyang mga sugat. "L-lumabas ka na ng aking silid..." Natigilan siya sa sinabi nito. Lumayo na ito sa kanya at nagpunta sa isang madilim na sulok. "LUMABAS KA NA NG AKING SILID AT HUWAG NANG MAGBALIK PA RITO! GAAAAAAAAAAAARRR!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD