Hemira III 19

4524 Words
Hemira III 19 - Binhing mula Zephyrus ~Tagapagsalaysay~ Lumabas na si Eugene ng silid ni Hemira upang sundan at kausapin nang masinsinan ang Fae ng Erresia na si Ariadne. Sa kanyang tingin ay kailangan niya nang kumilos para sa ikaaayos ng problema ng kanyang mga kasamahan. Batid niya rin naman na kailangan lamang ni Ariadne ng magtatanong dito kung ano ba ang dinadamdam nito. Naglakad na siya ngunit nakita niya ang nauuna sa kanya sa paglalakad na si Euphemia. Halatang-halatang nagmamadali ito. Naalala niya ang reaksyon nito kanina nang magtama ang kanilang mga tingin. Pagkabigla tapos ay pagkagulumi at sapagkatakot na ang nabakas sa mukha nito. Kung gaano nagtaka ang mga kasamahan niya kung bakit ito nagkaganoon sa kanya ay mas doble namang pagtataka ang kanyang naramdaman. Wala naman siyang natatandaang masama o kahit na ano na ginawa niya rito upang matakot ito sa kanya. Napansin niya na lumingon ito at nanlaki ang mga mata nito nang siya'y makitang nakasunod dito. Pagkatakot na naman ang nabakas sa magandang mukha nito. Lakad takbo na ang ginawa nito ngunit bigla itong natalisod at nadapa. Nabigla siya sa nangyari rito ngunit nang makabawi na ay agad siyang tumakbo upang daluhan ito. "Aray..." reklamo nito habang nakahawak sa nasugatang tuhod nito. Nang makalapit na ay nakita niya nang malapitan ang sugat nito sa tuhod. Malaki iyon at nagdurugo. Hinawakan niya ito sa balikat. "Ayos ka lamang ba, binibini?" nag-aalalang tanong niya rito. Napatingin naman ito sa kanya at nang makilala na siya ay bigla na lamang itong tumili nang malakas. Napapitlag naman siya sa lakas ng tili nito. Nagulumihan siya. "B-bakit binibini?! Bakit ka tumili?!" Tumingin pa siya sa paligid kung mayroon bang hindi kanais-nais na bagay na malapit sa kanila upang sumigaw ito nang ganoon. Wala naman siyang nakita. Pinilit nitong tumayo at nang magawa ay paika-ikang naglakad paalis. Nagmamadali pa rin ang kilos nito. Kahit na kinakain na siya ng labis na pagtataka sa kinikilos nito ay isinantabi niya iyon at sinundan muli ito. Nang maabutan ay binuhat niya ito na tila isang prinsesa. Napatili muli ito at patuloy na nagtitili. "Bitawan mo ako! Bitawan mo ako!" Nagwawala ito sa pagkakabuhat niya. "Shhhhh!" pagpapatahimik niya rito ngunit hindi siya nagtagumpay. Patuloy itong nagkakakawag sa kanyang buhat. "Sinabi nang bitawan mo ako!" sigaw muli nito at sinabunutan pa siya. "Aray! Sandali lamang! Masakit ang iyong sabunot!" reklamo niya ngunit hindi pa rin ito bumitaw sa kanyang puting-puting buhok. "Kung hindi mo ako ibababa, hindi ko bibitawan ang iyong buhok!" banta nito at nakatakip ang isang kamay nito sa kalahati ng mukha nito. "K-kung anuman ang dahilan kung bakit— aray! Kung bakit ika'y takot sa akin ay isantabi mo muna iyon. D-dadalhin kita sa hardin ng mga renki upang ipagamot ang iyong tuhod." Nakangiwi na siya sa higpit ng sabunot nito sa kanya. Ilang sandali lamang ay lumuwag na ang hawak nito sa kanyang buhok kaya tiningnan niya ito. Nakatitig lamang ito sa kanya at tila binabasa nito ang nasa kanyang isipan. Doon ay natahimik na ito at hindi na umimik hanggang sa makarating na sila sa hardin ng mga renki. ~Hardin ng mga renki~ Manghang-manghang napatingin sa paligid si Euphemia habang buhat pa rin siya ni Eugene. Napakaganda ng hardin na iyon at labis na kakaiba. Puno ng berdeng halaman ang lugar na iyon na kumikintab sa sinag ng araw ngunit ang kaaliw-aliw ay ang mga halaman ay mukhang maliliit na mga puno. Ang pinakamataas na puno roon ay kasingtangkad lamang ni Eugene at sa katawan niyon ay mga nakatubong maliliit pang mga puno. May mga butas din ang mga halaman sa katawan at sa loob niyon naninirahan ang mga renki. Nagsilabasan ang mga nabubuhay na iyon sa kanilang pagdating. Isang babaeng renki ang lumapit sa kanila. "Maaari n'yo bang gamutin ang kanyang tuhod? Nasugatan iyon dahil siya'y nadapa." kausap ni Eugene sa renking iyon. Ngumiti naman ito at tumango-tango saka lumipad ito upang sila'y pasunurin kung saan ito maaaring manggamot. Lumabas ito sa kabilang parte ng hardin at doon ay mayroong mga upuang gawa sa kahoy. Doon isinasagawa ng mga renki ang panggamot sa kahit sino mula sa kaharian. Iniupo niya na si Euphemia sa isang upuan at nakayuko lamang ito. Nakatabing ang buhok sa mukha nito na tila sinasadya nito upang maitago ang mukha sa kanya. Nagsimula na ang renki sa panggamot sa tuhod nito at siya'y nanonood lamang sa mga ito. "B-bakit hindi ka pa umalis?... May kailangan ka ba mula sa akin?" tanong nito. Nagkukutkot ito ng kuko nito. "Wala naman. Nais ko lamang na ihatid kang muli sa palasyo sapagkatapos na magamot ka na," sabi niya habang nakangiti. Napatingala ito sa kanya at doon ay nahawi ang buhok mula sa mukha nito. Nasilayan niya na ang napakagandang mukha nito... ngunit hindi nagbago ang reaksyon niya. Nakangiti pa rin siya. "Ano ba ang problema at ika'y natatakot sa akin?" tanong niya at napalitan na ng kuryosidad ang kanyang ngiti. Nakatingin lamang ito sa kanya at batid niyang sinusubukan pa rin nitong basahin ang kanyang isipan. "Bakit ganyan ang iyong tingin sa akin?" tanong niya sa malalim nitong tingin. "Nalaman ko mula kay Yohan na ika'y isang binatang mahilig sa maririkit na mga binibini." Sa wakas ay nagsalita na itong muli. Natigilan siya ngunit ngumiti nang muli habang napailing-iling. "Ang isang iyon, hindi niya kailangang ipagkalat iyon." Aroganteng hinawi niya pa ang kanyang buhok na nagulo sa pagsabunot nito kanina lamang. Napataas naman ito ng kilay. "Hindi na kailangang ipagkalat iyon ni Yohan dahil buong palasyo ay batid na iyon. Lahat yata ng binibini na mayroon ang palasyo, tagapagsilbi man o ano ay iyong hinahalina sa iyong mabulaklak na mga salita." "Kung gayon ay ano ang problema sa ganoon kong gawain? Iyon ba ang dahilan kung bakit ika'y natatakot sa akin? Natatakot ka na ikaw naman ang aking halinahin?" Ngumiti ito nang mapaglaro. Nakatitig na naman itong muli sa kanya at katahimikan ang nanaig sa kanilang pagitan. "Dalawa lamang ang dahilan kung bakit hindi kita magawang mapasailalim sa aking pang-akit na mahika." Pagbasag nito sa katahimikang iyon. Naghintay lamang siya ng sasabihin nito. "Isa ay may mahal ka ng iba at sinsero iyon katulad ni Yohan at Euvan na may sinserong damdamin para kay Hemira..." "Ang ikalawa?" "Batid mo na ang tunay kong sapagkatao ngunit nagkukunwari ka lamang na wala kang nalalaman tungkol doon." Naging mapanuri ang tingin nito. Inaalam kung magkakaroon siya ng reaksyon sa sinabi nito. "Maaari ko bang dagdagan ng ikatlo ang mga dahilang iyon?" Ngumiti pa siya na tila walang inaalala na kahit ano sa buhay. Hindi ito sumagot. "Paumanhin ngunit... hindi lamang talaga kita tipo." ~Hemira~ Nakaupo ako ngayon sa tabi ng nahihimbing na leong si Kirion. Madilim ang paligid sa silid niyang ito at pinili ko nang huwag buksan ang mga kurtina upang siya'y hindi magising. Nakikita ko pa rin naman siya dahil nasanay na ang aking mata sa dilim dito. Hinaplos ko ang mabalbon niyang likod. Pansin ko at naaninag na namumugto ang pikit niyang mga mata. Paniguradong labis siyang lumuha. Nang maganda na ang aking pakiramdam ay agad na akong nagtungo rito upang suyuin ang kanyang nasaktang damdamin ngunit naabutan ko siyang nahihimbing. Ni hindi man lamang siya nagising sa aking pagpasok at pagtabi sa kanya. Niyakap ko siya at ako ay pumikit. "Patawad Kirion..." mahina kong kausap sa kanya, hindi sapat upang siya ay aking magising. "Lubos akong humihingi ng tawad sa iyo dahil wala akong magawa upang maibalik na ang iyong paningin. Batid ko na labis-labis ka nang nahihirapan mamuhay sa dilim. Siguradong hindi mo na rin naaalala ang aming mga mukha sa tagal na hindi ka na nakakakita. Subalit hindi naman tumitigil si Serafina sa paggawa ng lunas na maaari nang makagamot sa iyo." Hinaplos ko ang kanyang mukha. "Hahanap din ako ng paraan o mga bagay upang malunasan ka na dahil nais ko na ring makita... ang saya, tuwa at iba pang damdamin na mabakas sa iyong mga mata." ~Hemira~ Nakasakay ako ngayon kay Nyebe habang binabaybay namin ang isang madilim na daanan. Sinag ng buwan lamang ang tumatanglaw sa amin at maingat ang paglalakad ni Nyebe dahil lubak-lubak ang aming dinadaanan. Dahil sa mga lubak na iyon ay nahihirapan siyang hilahin ang nakakabit sa kanyang katawan na isang kahoy na sasakyan. Naroroon nakalagay ang ilang sako ng mga binhi na ibinigay sa akin ni Aria. Ako'y patungong bayan ng Giles dahil para sa kanila ang mga binhing ito. Ibinigay ito sa akin ni Aria nang siya ay aking kausapin matapos sabihin sa akin ni Eugene ang dahilan kung bakit nagkakaganoon siya kay Kirion. ~Pagbabalik tanaw~ Katabi ko ngayon si Aria at nakadungaw lamang kami sa balkunahe kung saan kami madalas magpalipas ng oras. Nakatingin lamang ako sa malayo. "Aria, sinabi na sa akin ni Eugene ang iyong sinabi sa kanya." pagsisimula ko ng aming usapan. Nakita ko sa gilid ng aking paningin na siya'y napatingin sa akin. Ilang sandali rin ang kanyang naging pananahimik bago siya nagsalita. "Kung gayo'y alam mo na ang aking dinadamdam?" Ako naman ang nagbaling ng tingin sa kanya. "Mabuti pa ang liomean na iyon dahil pagkabulag lamang ang kanyang tinamo matapos ang lahat ngunit ako'y bumalik sa simula, iyon ang binanggit mo sa kanya. Maaari mo bang ipaliwanag sa akin kung ano ang ibig sabihin mo roon?" Napahinga siya nang malalim at napatingin sa malayo. "Ang iyaking iyon, naiinis ako sa kanya! Masyado niyang dinaramdam ang kanyang pagkabulag gayong hindi naman siya pinahina ng bagay na iyon! Kaya niya pa ring maging nemean at makipaglaban kahit siya'y walang paningin dahil malakas naman ang kanyang pang-amoy ngunit ako..." Napayuko siya at labis ang kalungkutan. "Ako na isang napakalakas na Fae noon ay bumalik sa aking simula. Ni hindi na ako makasindi ng malakas na apoy o kung anuman sa apat na elemento ay hindi ko na magamit nang maayos. Wala na akong silbi. Hindi na ako nararapat na manatili sa iyong tabi dahil hindi rin naman kita kayang protektahan." Isang butil ng luha ang kumawala sa kanyang mata. "Miski kina Blas ay nahihiya na akong magpakita. Paano pa nila ako ituturing na Fae kung ganito na ang aking kalagayan?" Napatitig ako sa kanya at hindi ko batid kung ano ba ang aking dapat sabihin. Ni hindi ko man lamang napansin ang kanyang dinaramdam na ito dahil puro pangsariling suliranin ang umiikot sa aking isipan. Ako nama'y nausig at kusa nang gumalaw ang aking katawan upang siya'y yakapin. Hindi ako umimik at napapikit lamang. Ginawa niya ang lahat para sa akin. Kahit na batid niyang mahihirapan siya kung mananatili ang kanyang mga dating alaala sa kanyang anyong ito, pinili niya pa rin iyon para amin na kanyang mga kasamahan. Paano ko ba masusuklian ang pagiging mabuting kaibigan niyang ito sa amin? "Hindi ako nagsisisi na nasa akin pa rin ang aking mga dating alaala, Hemira... Napakasaya ko dahil nanatili pa rin sa akin ang mga ito dahil ang mga iyon ay kayamanan ko ng maituturing. Huwag kang mag-alala. Hindi lamang naman ako sanay ngayon ngunit masasanay rin ako kalaunan. Hindi ko na dadamdamin ito." Yumakap na siya pabalik sa akin. May naisip akong ideya kaya napamulat ako at napatingin sa kanya. "May naisip na ako kung paano ka muling magiging malakas." Napatingala siya sa akin kaya ako'y humiwalay sa kanya. Lumuhod ako upang kami'y maging magkapantay. "Paniguradong hindi ka habangbuhay na nasa ganyang anyo. Lalakas ka ring muli kung ikaw ay magsasanay. Bakit hindi ka bumalik sa Erresia at makipagsanay sa apat na elemento?" May sapagkatuwa sa aking tinig dahil baka iyon na ang maging solusyon sa kanyang problema. Tila hindi naman niya nagustuhan ang aking sinabi saka umiling. "Ayoko! Nararamdaman ko na hindi pa ito ang oras upang bumalik ako sa aking kahariang iyon... Hindi naman ibig sabihin na ayaw ko nang makasama ang apat na elemento ngunit hindi pa ako handa na magpakita sa kanila sa ganitong kahina kong anyo. At isa pa, Ayaw kong malayo muli sa iyo. Gusto kong kasama ako sa mga nabubuhay na tutulong sa iyo upang magapi ang kasamaan." Napatitig lamang ako sa kanya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya iyon. "Nais mo na bang umalis ako kaya mo gustong bumalik ako sa Erresia?" May pagtatampo sa kanyang tinig. Ako naman ang umiling. "Hindi ko kailanman nanaisin iyon. Ang gusto ko lamang ay makamtan mo ulit ang iyong lakas na tinataglay noon sa tulong nila." Hindi siya umimik at nakatingin lamang sa ibang direksyon habang nakanguso. Napahinga ako nang malalim. Matigas ang kanyang ulo kaya hahayaan ko na lamang siya sa kanyang nais. Hindi pa rin naman ako handa na siya'y bumalik sa Erresia. Matagal namin siyang hindi nakasama at isa pa, kailangan na maresolba na ang alitan nila ni Kirion. Kailangan na nilang magkabating dalawa. Ako'y ngumiti. "Kung gayon ay magsasanay ka na lamang ba mag-isa upang lumakas muli? Maaari naman kayong magsanay ni Yohan nang magkasabay. Iyon din naman ang pinagkakaabalahan niya sa ngayon." Napatingin na siya sa akin. Tumango-tango siya. "Sige at ganoon na lamang ang aking gagawin." Mas lalo akong napangiti. "Isama n'yo na rin si Kirion upang mas mapabilis ang iyong paglakas." Natigilan ako dahil nawala saglit sa aking isipan na sila nga pala'y hindi magkaayos. Bigla siyang sumimangot. "Hmph! Ang liomeang iyon na sumubok na ako'y saktan? Baka sa susunod na magkaharap kami'y tuluyan niya na akong kitilan ng buhay. Hindi ko naman siya hahayaan kahit na hindi pa bumabalik sa akin ang aking lakas." "Aria, batid mong hindi ganoon si Kirion. Parehas nating nasaksihan ang kanyang nakaraan kaya naman kilala nating hindi kayang gawin ni Kirion iyon sa iyo at sa akin. Pati na sa iba pa." Humalukipkip lamang siya at halatang hindi pa rin siya handang makipag-ayos kay Kirion. Napahinga muli ako nang malalim. Sige. Hahayaan ko na muna sila. Hindi maganda na ipilit ko sa kanila na sila'y magkaayos na. Ang oras at mga pangyayari na ang bahala upang tapusin na ang kanilang alitan. Tumayo na ako at muling tumingin sa malayo. Katahimikan ang nanaig sa paligid. May natanaw akong isang bayan. Lupain laman iyon at walang mga pananim. Bigla kong naaalala ang mga tagaGiles habang nakatingin sa bayang iyon. Naisip ko na baka iyon ang Giles. Kamusta na kaya ang mga tagaroon? Nakahahanap pa rin kaya sila ng kanilang mga makakain. "Hemira, ikaw ba'y galit sa akin dahil kay iyakin?" untag sa akin ni Aria na mukhang kanina pa ako tinatawag. Akala niya siguro'y nagalit ako sa kanya dahil sa aking pananahimik. Napatingin ako sa kanya. "Hindi naman... Mayroon lamang akong iniisip." Ngumiti ako upang pagaanin ang kanyang loob. "Ano naman iyon?" Bumaling muli ang aking tingin sa malayo. "Napakasagana ng ating kaharian sa likas yaman ngunit may ilan pa ring bayan na walang mga pananim at mga pagkain dahil nasira ang mga iyon ng mga nanalakay." "Ganoon? Kung gayon ay sa kanila na lamang ang mga binhing ibinigay sa akin ng mga nadaanan kong pixia sa kontinente ng Zephyrus. Pati ang mga manggagamot sa Nyelsa ay nagbigay rin sa akin. Hindi ko nga batid kung bakit pinagkahirapan kong bitbitin ang sako ng mga iyon gayong wala naman akong panggagamitan ng mga iyon," sabi naman niya. Napatingin namang muli kaagad ako sa kanya. "Ano iyon, Aria?" "Ang aking sabi ay may mga binhi akong nagmula sa—" "Naririto ba iyon sa palasyo?" tanong ko agad sa kanya. Halata naman ang pagtataka sa kanya. "Oo. Sa silid na dapat ay para sa akin ko iyon inilagay dahil wala rin naman akong balak matulog doon sapagkat sa iyong silid ko nais mahimbing." Napangiti ako nang malawak sa sobrang katuwaan. "Maaari bang akin na lamang ang mga iyon?" May pagtataka man ngunit tumango siya. "Saan mo naman iyon gagamitin?" Nginitian ko lamang siya. "Sa mabuting paraan." Napangiti muli ako sa pag-alala kung paano ko nakuha ang mga sako ng binhing ito. Paniguradong napakalaki ang magiging tulong nito sa mga tagaGiles. Ang mga binhing mula sa kontinente ng Zephyrus ay mabibilis tumubo at bumunga. Ito na ang kanilang mapagkukuhaan ng makakain simula ngayon. Isang hakbang ni Nyebe ay naramdaman ko na ang kakaibang pagbabago ng temperatura sa paligid. Madilim man ang paligid ngunit batid kong ang lupain na ng Giles ang tinatapakan ni Nyebe ngayon. Kung ganoon ay nagkakaroon din naman pala ng gabi sa lugar na ito. Patuloy ang paglalakad ni Nyebe hanggang sa tuluyan na kaming makarating sa tirahan ng mga tagarito. Bumaba na ako kay Nyebe at iniikot ang aking paningin. Nakasara ang lahat ng mga pinto ng mga tagpi-tagping mga kubo at walang mga nakasinding mga ilaw. Himbing na ang lahat. Napangiti ako dahil maisasagawa ko na ang aking pinaplano. ~Yohan~ Yakap ko ang ilang mga libro at naglakad na palabas ng classroom ko. Classroom na exclusive lang para sa 'kin. Ramdam na ramdam ko ang pagod at sobrang pagkastress kaya hinilot-hilot ko ang sintido ko. Kasabay kong lumabas ang tagapagturo kong si ginoong Sueret at tahimik lang kaming naglakad. Siya ang nagtuturo sa akin ng mga bagay na kailangan kong malaman tungkol sa pagiging hari at pagrurule sa kahariang ito ng Gemuria. Honored naman ako na siya ang nagtuturo sa akin dahil siya rin pala ang nagturo kay haring Herman noon. Sa totoo lang, hindi pa rin nagsisink in sa akin na magiging hari na ako. Sa dami-dami ng tinanggap ng sistema ko sa mundong 'to, 'yon ang hindi pa masyadong pinaniniwalaan ng isip ko. 'Yung mga hari-hari na 'yan, sa mga historical movies ko lang 'yan napapanood dati eh. Pero kahit na hindi pa 'yon nagsisink in sa 'kin, ramdam ko na agad ang bigat ng mga responsibilidad na maipapasa sa akin dahil sa titulong 'yon. Sa mga itinuturo pa lang sa 'kin araw-araw at sa napakaraming mga bagay na kailangan kong sauluhin at intindihin, sumasakit na ang ulo ko. Hindi na lang ang sarili ko ang kailangan kong intindihin kundi ang napakaraming tao sa kahariang 'to pati na sa iba pa. Buti na lang at si Hemira na ang puwede kong maging reyna. Atleast, kahit problemado ako, makita ko lang siya at makasama, mawawala lahat ng sakit ng ulo ko. Paniguradong napakalaki rin ng magiging tulong niya sa 'kin dahil mas hasler siya sa pagresolba ng ganoong kalalaking mga problema. Napangiti ako sa pag-iisip lang n'on. "Mukhang mayroon kang magandang bagay na iniisip, prinsipe." Napatingin ako kay ginoong Sueret. Nakangiti siya sa 'kin. "Wala naman po. Masaya lang ako na si Hemira na ang magiging reyna ko." Napangiti ako na hindi ko napigilan. Tumingin na uli siya sa unahan ng nilalakaran namin. "Kahit noon pa man, kitang-kita na sa iyo kung gaano mo siya itinatangi. Ang labis mong pagmamahal sa kanya ang nagbalik sa kanya sa liwanag. Ganoon din naman siya sa iyo. Tunay na kahanga-hanga ang inyong labis na pagmamahal sa isa't isa." Tama siya. Kahit na sukong-suko na ako noon dahil akala ko, wala na talaga siya. Kahit na sinubukan kong pakasalan na si Ceres, sa huling segundo, si Hemira pa rin ang pinili ko. Ni hindi ko pa rin nagawang magpakasal sa iba dahil siya lang talaga ang babae para sa 'kin. Ni hindi na talaga siya mapapalitan. Nang maalala ko si Ceres... naguilty ako. Isa ako sa mga dahilan para maglayas siya. Sobrang dami kong kasalanang ginawa sa kanya na hindi naman dapat niya naranasan. Lagpas tatlong buwan na siyang nawawala pero wala pa ring balita tungkol sa kanya. Pati si Marum, hindi na bumalik ulit dito sa palasyo. "Sige prinsipe, ako'y bababa na patungo ng aking silid. Aralin mo lamang mabuti ang mga librong iyong dala upang sa iyong pagsusulit bukas ay makuha mo ang tamang mga sagot." Napabalik ako sa sarili ko dahil sa pagpapaalam na 'yon sa 'kin ni ginoong Sueret. "Ah sige po." magalang na sagot ko at napansin ko na ang hagdan na bababaan niya papuntang kuwarto niya. Ang layo na pala ng nalakad namin. Pababa na siya ro'n pero tumigil siya at lumingon sa 'kin. "Kung tama ang lahat ng iyong magiging mga sagot bukas ay ikukuwento ko sa iyo ang mga nakaaaliw na bagay na nangyari kay Hemira noong siya'y isang mandirigma pa lamang dito sa palasyo." Ngumiti pa siya. Bigla namang nangislap ang mga mata ko at 'yung motivation ko, tumaas nang tumaas up to 101%. "Game!" excited kong sabi at tumakbo na ako paalis papunta ng kuwarto ko. Magrereview pa ako! Nakita ko sa malayo na masasalubong ko si Euphemia. Ready na akong magsungit sa kanya dahil siguradong pipigilan niya ako sa pagtakbo ko at kukulitin lang naman nang kukulitin pero nalagpasan ko na siya at lahat-lahat, ni hindi ko narinig na tinawag niya ako. Para ngang hindi niya ako nakita o nakilala. Napansin ko rin bago ko siya malagpasan, nakatulala lang siya sa kawalan at para siyang lutang habang naglalakad. Ano kayang nangyari ro'n? Bahala na nga siya. Magrereview pa ko nitong mga libro ko. Kapag nakaperfect ako sa test ko bukas, gaya ng sabi ni ginoong Sueret, malalaman ko ang naging buhay ni Hemira no'ng mandirigma pa lang siya at bago siya naging heneral ng kahariang 'to. Yahooooo! ~Hemira~ Sumikat na nang napakaliwanag ang araw at katatapos ko lamang sa aking ginagawa. Sumalampak ako ng upo sa lupa sa pagod at pinahid ang pawis sa aking noo gamit ang likod ng aking kamay. Tinanggal ko rin muna sa aking mukha ang nakatabing na kulay asul na tela roon dahil sa init at inilapag lamang iyon sa lupa. Sinuot ko iyon buong magdamag upang makasigurado na kapag may makakita man sa akin ay hindi nila ako makikilala bilang Hemira kundi Hera na ipinakilala ko sa kanila. Tiningnan ko ang napakalaking orasan. Isang minuto na lamang at magiikaanim na ng umaga. Iyon ang oras ng paggising ng mga tao rito. Oras na upang ako'y umalis kaya nagmamadali akong tumayo at pinuntahan na si Nyebe na nakatali lamang sa isang puno. "Tara na Nyebe. Dadaan pa tayo sa ibang direksyon upang magbakasakali na matagpuan natin si prinsesa Ceres. Hahanap din ako ng mga halamang gamot na maaaring maibigay ko kay Serafina upang magamit niyang panlunas kay Kirion," sabi ko sa kanya. Mabilis na tinanggal ko ang kanyang pagkakatali sa puno saka ako'y sumakay na sa kanya. Umungol siya at naglakad na paalis. Nagsimula nang tumunog ang kampana ng orasan. Ilang sandali lamang ay narinig ko na ang pagbubukas ng mga pinto ng mga tagaGiles. Gising na sila. Hindi pa man kami nakalalayo ni Nyebe ay may mga pagsinghap na akong narinig. Kasunod niyon ay masasayang sigawan na puno ng pasasalamat ang sumira sa katahimikan ng bayang iyon. Mas lalo akong napangiti. Sana ay malaki ang maitulong ng ginawa ko para sa inyo. ~Tagapagsalaysay~ Lumabas na si Baltazar sa kanyang tinitirahan at simula na naman ng panibagong nakapapagod na araw nila ng paghahanap ng kanilang makakain. Humikab muna siya at nagkamot ng kanyang magulong buhok gaya ng araw-araw niyang ginagawa. Ni hindi na siya naghilamos dahil sa batis na lamang na kanilang pupuntahan siya maglilinis ng kanyang sarili. Narinig niya rin na nagsibukas na ang pinto ng kanyang mga magiging kasama sa paghahanap. Walang buhay ang mga mata ng mga ito dahil paniguradong sawa na ang mga ito na maghanap ng makakain kung saan man sila mapapadpad. "Ito ba talaga ang iyong paraan ng pagiging isang pinuno? Ang kunsintihin ang galit ng iyong mga pinamumunuan at ihuli ang kanilang mahalagang pangangailangan? Handa ka ba talagang mamatay sa gutom ang mga taong ito upang lamang mabusog sa galit ang kanilang mga damdamin?" Napakuyom siya ng kanyang mga kamao. "Tama ka. Hindi nga madaling maging pinuno, batid ko iyon dahil naranasan ko na iyon... ngunit iisa lamang ang paraan upang mapagtagumpayan mo ang bagay na iyon. "Tahakin mo ang pinakamabuting daan... upang iyon din ang tahakin ng mga taong iyong pinamumunuan... dahil sila'y nakasunod lamang sa iyo." Napapikit siya nang mariin dahil ilang araw nang gumugulo sa kanyang isipan ang sinabi ng babaeng maheya na bumisita sa kanilang lugar. Mali ba talaga ang paraan ko ng aking pamumuno? tanong niya sa kanyang isipan. May narinig siyang mga yabag ng kabayo na papaalis kaya napatingin siya sa direksyon na pinanggagalingan niyon. May naaninag siyang isang kabayong papaalis at may nakasakay roon ngunit bago niya pa maaninag ang taong nakasakay roon ay lumiko na ang mga ito sa isang malaking patay na puno. Nawala ang atensyon niya roon nang marinig niya ang pagsinghap ng mga tao kaya napatingin siya sa mga ito. Nakatingin ang mga ito sa malawak na lupain sa harapan ng kanilang mga tirahanan at tila mga hindi makapaniwala kaya doon din siya napabaling ng tingin. Nanlaki rin ang kanyang mga mata sa nasaksihan. May mga halaman na unti-unting sumisibol sa inararong lupa at mayroon na ring gawang irigasyon(daluyan ng tubig) doon na nakakonekta panigurado sa pinakamalapit na batis sa kanila. Patuloy ang pagsibol ng mga iyon hanggang sa tuluyan nang naging mga halaman. Ang iba'y namulaklak na agad at mas lalo silang natuwa nang ang iba ay agad na namunga. Ni hindi niya maitikom ang kanyang nakangangang bibig dahil sa pangyayaring iyon. Nang makabawi na ang ilan ay nagsigawan na ang mga ito sa tuwa. Lumabas ang mga kababaihan at mga bata mula sa kanilang tirahan at nakita na rin nila ang mga pananim na iyon. Lalong naging maingay dahil sa pagsasaya rin ng mga iyon. Siya nama'y hindi pa rin labis makapaniwala. Nagsipuntahan ang mga tao sa mga namunga ng mga halaman at maingat na pinitas ang mga bunga niyon. Ingat na ingat sila na hindi masira ang mga halaman kahit na ang nais nila ay magsisitalon sa tuwa habang namimitas sa mga iyon. Hindi pa rin nakababawi si Zar ngunit nagawa niya nang makahakbang papunta sa mga pananim na iyon. "S-s-sino ang nagtanim ng mga ito?..." Siya'y nautal na sa paghahalo ng labis na pagkabigla sa kanyang kasiyahan. Hinawakan niya ang isang lilang bulaklak at ilang sandali lamang ay naging prutas na iyon na kulay lila rin. Pinitas niya iyon at manghang-manghang pinagmasdan iyon. "Pinuno, ang binhi ng mga halamang ito'y paniguradong nagmula pa sa kontinente ng Zephyrus. Kilalang-kilala ang kontinenteng iyon dahil sa napakabilis na pamumunga ng kanilang mga halaman at napakasagana nila sa mga iyon," wika ng isang ginang na malapit sa kanya at binigay nito ang napitas na isang prutas sa apo nitong manghang-mangha rin sa mga halaman. Nakatulala lamang siya sa prutas na kanyang hawak. "N-ngunit sino ang gumawa nito para sa atin?..." "Pinunong Zar!" tawag sa kanya ng isang binatilyo kaya napatingin siya roon. Humahangos ang bilugang si Delbin papunta sa kanya at nang siya'y malapitan na ay hapong-hapong pinakita sa kanya ang isang telang asul. "A-ang telang... Ang telang ito... pinuno..." Hapong-hapo ito at napaubo-ubo pa. Kinuha niya ang tela mula rito. Pinagmasdan niya iyon at pamilyar iyon sa kanya. "Tila nakita ko na ito noon." "Si Hera... pinuno... Nakasisigurado akong... kay Hera iyan." Nang mabanggit na si Hera ay nanlaki ang kanyang mga mata dahil natanto niya na ngang sa binibining maheya ngang iyon ang telang kanyang hawak. Napatingin siya sa direksyon na nakitaan niya kanina ng isang papaalis na kabayo. Natulala siya roon. "Hera..." nasambit niya na lamang ang pangalan nito dahil hindi niya inakalang ang kabutihang ipinakita nito sa kanila ay madadagdagan at masasaksihan niya pang muli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD