Hemira III 18 - Bulag
~Hemira~
Nakabalik na kami ng n ng Giles ngayon at kahit papaano ay mayroong naiuwi ang mga tao na mga prutas at ilang mga isda na nahuli sa mga lawa na aming nadaanan.
Si Nyebe naman ay nasisiyahan na sa pagkain ng d**o sa paligid.
Nagsilabasan ang mga paslit mula sa kanilang mga bahay kasama ang kanilang mga ina.
Puro mga paslit at mga kababaihan nga ang mga naiwan dito. Iilan lamang ang mga lalaking kasama nila.
Sinalubong na nila ang mga iyon at nagyakap ang mga magkakapamilya.
Kasiyahan ang nabakas sa mukha ng mga paslit at kababaihan dahil ligtas at may naiuwi ang mga kalalakihan.
Nakatingin lamang ako sa kanila.
Kahit na ganito ang kanilang mga sitwasyon, pagmamahal pa rin ang nag-uumapaw sa bawat isa.
Naramdaman ko na may tumabi sa akin at ang ginoong pinuno iyon.
Nakatingin lamang din siya sa mga tao.
"Paumanhin binibini sa pagiging bastos at pamimilit ko sa iyo kanina na ipasilay sa amin ang iyong mukha. Hindi ko naman batid na... na..." Hindi niya masabi na may pilat ako sa mukha dahil alam niya na baka ako ay masasaktan.
"Hindi na lamang ako magdadahilan at sinserong hihingi ng paumanhin sa iyo." Yumuko siya sa akin.
"Wala naman iyon, ginoo. Hindi ko lamang talaga nais na may makakita nito." Hinawakan ko ang tela na nakatakip sa aking mukha.
Tumingin na siyang muli sa akin at ngumiti.
Salamat talaga kay Delbin at gumawa siya ng isang kapani-paniwalang dahilan upang hindi na usisain ng mga tagaGiles ang aking mukha.
Paumanhin na lamang din dahil ako'y nagsisinungaling sa kanila... sapagkat kailangan.
"Aking naalala, hindi pa nga pala ako nakapagpapakilala sa iyo nang maayos."
Napabalik ako sa aking sarili. "Ahh... Tama ka, ginoo. Hindi ko pa batid ang tamang itatawag sa iyo."
Yumuko siya nang kaunti. "Ako si Baltazar at Zar ang aking palayaw. Gaya ng iyong batid ay ako ang pinuno ng bayang ito. Isa lamang akong ordinaryong tao ngunit mayroon naman akong kaalaman sa pakikipaglaban. Tatlungpung taong gulang na ako. Wala akong sariling pamilya dahil para sa akin, ang mga tagaGiles na ang aking buong pamilya."
Ngumiti ako. "Kung ganoon ay ginoong Zar na lamang ang itatawag ko sa iyo."
"Kung saan ka kumportable." Ngumiti rin siya nang malawak. "Ngayon ay ikaw naman ang magpakilala... hindi lamang sa akin kundi sa buong bayan na ito."
"Ako?" maang kong tanong at napaturo pa ako sa aking sarili.
Imbes na sagutin ang aking tanong ay humarap siya sa mga tao na abala sa isa't isa.
"Mga tagaGiles!" sigaw niya upang kunin ang atensyon ng mga ito.
"Sandali, ginoo..."
"Mayroong nais magpakilala sa inyo! Isa siyang bayaning binibini na nagligtas sa buhay ng isa sa atin! Si Delbin ay muntik ng malaglag sa isang bangin na Vacuo kanina lamang ngunit niligtas ng maheyang ito ang kanyang buhay!"
Napuno ng pagkamangha ang mga tao habang nakatingin sa akin.
"Isang maheya raw!"
"Naku! Mabuti naman at may naligaw na isang maheya rito!"
"Ngunit tingnan n'yo ang kanyang kasuotan. Baluti iyan ng isang mandirigma ng Gemuria."
Binaling niya ang kanyang tingin sa akin. "Ngayon ay ipakilala mo na ang iyong sarili binibini."
Nakangiwi ang aking ngiti dahil hindi ko inaasahan na kailangan kong ipakilala ang aking sarili sa mga tao rito.
Ang balak ko lamang naman talaga ay magtanong kung napadaan ba si prinsesa Ceres dito ngunit mukhang kailangan ko talagang magpakilala... upang hindi na sila magduda sa akin.
"Ahh... Eherm... Ako nga pala si Hem—" Natigilan ako bigla at napaisip. "A-ahh... He... Hera... Ako si Hera at isa akong maheya." sa wakas ay aking naisip. "Hindi ako isang mandirigma ng Gemuria at kinuha ko lamang ang baluting ito upang may masuot sa aking paglalakbay. Batid na nila ginoong Zar ang dahilan kung bakit may takip na tela ang aking mukha."
"Isa ka palang manlalakbay, Hera." nakangiting turan ni ginoong Zar.
Tumango-tango naman ako. "Napadaan ako sa bayang ito upang sana ay magtanong kung napansin n'yo bang napadaan dito ang isang binibining may magarang damit? Kahit na isang binibining kahina-hinala ang kilos at kasuotan. O 'yung hindi kayo pamilyar na tagarito sa Giles. Mayroon ba?"
Napaisip naman ang mga tao at napatingin sa isa't isa.
"Ikaw pa lamang ang kauna-unahang estrangherong binibini ang napadpad dito sapagkatapos ng huling pagsalakay," wika ni Delbin na ngayon ko lamang napansin na nasa akin na palang kabilang tabi.
Hindi siya makatingin nang deretso sa akin.
Nagsisang-ayunan naman ang mga tao.
"Ganoon ba?" dismayado kong tanong.
Tumango-tango siya.
Napahinga ako nang malalim.
Mukhang hindi napadaan dito si prinsesa Ceres.
"Ikinagagalak ka naming makilala, binibining Hera." sabay-sabay na sabi ng mga tagaGiles matapos na mabatid na nila ang aking pangalan.
Ngumiti ako at batid kong pansin nila iyon sa aking mga mata. "Tanggalin na ninyo ang binibini. Hera na lamang."
*—-***—-*
"Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay, Hera. Paumanhin at kami lamang tatlo nila Delbin at kanyang ama ang naghatid sa iyo rito. Wala rin kaming naibigay man lamang sa iyo na kahit ano o pagkain upang ibsan ang iyong gutom mula sa mahabang mga paglalakbay," sabi ni ginoong Zar na mapagpaumanhin.
"Ayos lamang ginoo. Kumain na ako bago pa makarating dito. Kung alam ko lamang ang sitwasyon n'yo rito ay sana'y ipinamahagi ko sa inyo ang iba." Hinawakan ko na ang tali ni Nyebe na wala pa ring tigil sa panginginain ng d**o.
Napangiti naman siya. "Salamat sa pagkonsidera sa amin."
Lumapit sa akin ang ama ni Debin kasama ang kanyang anak at siya'y yumuko. "Walang batid ang aking pasasalamat sa iyo binibini sa pagliligtas mo sa buhay ng aking anak. Hindi ko alam ang aking gagawin kung pati si Delbin ay mawawala sa akin. Maraming maraming salamat..." Lumuluha na siya ngunit agad niyang pinunasan iyon.
"Walang anuman po iyon ginoo. Napakasuwerte ni Delbin na isang mapag-alala at mapagmahal na ama ang mayroon siya." Naalala ko si ama sa kanya kaya ako'y napangiti.
Marahan kong ginulo ang buhok ni Delbin na nakatingin lamang sa kanyang paanan.
Napatingala naman siya sa akin at namumula muli ang kanyang pisngi.
"Sige na at ipagpatuloy mo na ang iyong paglalakbay, Hera. Baka kami'y nakaaabala pa sa iyo," wika ni ginoong Zar at napansin kong tiningnan siya nang masama ni Delbin.
Tumango ako sa kanya.
Nang akmang sasakay na ako kay Nyebe...
"Hera..." tawag sa akin ni Delbin at hinawakan niya ang aking braso.
Napatingin naman ako sa kanya at papaiyak na siya.
Nangungusap ang kanyang mga mata.
Halatang ayaw niya akong paalisin.
Tinanggal naman ng kanyang ama ang pagkakahawak niya sa akin. "Delbin, batid kong nais mo siyang panatilihin sa atin ngunit hindi maaari. Hindi ka maaaring maging sagabal sa paglalakbay ng binibini."
"Ngunit ama..."
"Sige na, Hera. Magiging ayos lamang si Delbin. Batid ko na mahalaga sa iyo ang taong iyong hinahanap," sabing muli ni ginoong Zar.
Tinulungan niya na akong makasakay kay Nyebe.
Lumuluha pa rin si Delbin at ako'y naaawa sa kanya.
"Hera..." tawag pa rin sa akin ni Delbin.
Iginiya na papaalis ni ginoong Zar si Nyebe kaya nakalingong likod lamang ako sa kanila.
"Kailangan mo nang umalis Hera dahil kung magtatagal ka pa, mas mahihirapan lamang si Delbin na magpaalam sa iyo," sabi ng Ginoo.
Napahigpit naman ang hawak ko sa tali ni Nyebe.
Bumitaw na si ginoong Zar kay Nyebe at may kalayuan na ang agwat namin sa kanila.
Sa ikahuling beses ay nilingon ko sila, nahuli ko ang kalungkutan sa mga mata ni ginoong Zar ngunit nang napansin niya ang aking paglingon ay ngumiti siya nang malawak at kumaway sa akin.
"Ito ang araw-araw na naming pamumuhay ngayon. Kami'y nag-iikot sa mga lugar na maaari naming mapagkuhanan ng aming mga makakain."
"Kaya napagdesisyonan na namin na hayaan na lamang ang bayang ito nang ganito nang sa gayon ay kung may manalakay muli, wala na silang masisira dahil sira na rin naman ang lugar na ito."
"Nabulag na ng nagsusumigaw na galit ang mga taong ito laban sa hari at kaya ngayo'y kami ay gumagawa ng paraan na makahanap ng pagkain ay para iyon sa mga paslit."
Isang hakbang ni Nyebe ay naramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin. Nakalabas na kami ng bayan ng Giles.
Naalala kong muli si Delbin at ang iba pang mamamayan ng bayang iyon.
"Kailangang makabangon na ang bayan ng Giles. Hindi ko hahayaan na maging ganoon na lamang sila." seryoso kong sabi sa aking sarili.
"Mag-iisip ako ng paraan upang manumbalik muli ang buhay sa bayang iyon." Napuno ako ng determinasyon.
"Tayo na, Nyebe! Magbabalik tayo sa palasyo! Hiyaaa!" Sinipa ko ang kanyang tagiliran.
"NEHEEEE!"
At doon ay tinahak muli namin ang daan pabalik ng palasyo.
*—-***—-*
Nakabalik na ako ng palasyo at ang una agad sumalubong sa akin ay ang aking mga kaibigan.
"Hemira!" nagtakbuhan sila nang ako ay mamataan.
Naunang makalapit sa akin si Yohan saka ako niyakap nang mahigpit. "Saan ka ba nagpupupunta?!" galit na tanong niya sa akin.
"S-sandali... Yohan... H-hindi ako makahinga..." reklamo ko kaya napabitaw siya sa akin.
Puno ng pag-aalala ang tingin niya sa akin.
May humampas nang mahina sa aking binti. "Pasaway ka talaga Hemira! Akala namin ay kung ano nang nangyari sa iyo!" sermon naman sa akin ni Aria.
Napansin ko naman na tinitingnan mabuti ni Serafina ang aking katawan. Ganoon din si Eugene. Tinitingnan nila panigurado kung mayroon akong mga sugat o galos.
"Naaamoy ko sa iyo ang amoy ng mga dahon. Nanggaling ka sa isang kagubatan, Hemira," sabi naman ng leon na si Kirion.
"Kagubatan? Huwag mong sabihing lumabas ka ng palasyo para subukang hanapin si Ceres!" Nakataas ang kilay ni Yohan at nagbabantang manermon kung iyon nga ang aking sasabihin.
Ngiting ngiwi lamang ang naisagot ko.
"Hemira anak!" tawag sa akin ng tinig ng aking ina kaya napatingin kami sa paparating na aking mga magulang.
Hangos silang dalawa.
Sinalubong ko sila at yakap din ang natamo ko sa kanilang dalawa.
"Saan ka ba nagtungo, anak? Kami'y labis mong pinag-alala," sabi ni ama at bumitaw na sila sa akin ni ina.
"Paumanhin po. Hindi ko lamang talaga natiis at sinubukan kong hanapin si prinsesa Ceres."
Nangunot ang noo ni ama. "Hemira, napag-usapan na natin iyan. Sila Abun na ang bahala sa paghahanap kay Ceres. Kahit na wala pa ring balita ay nangako sa akin ang batang iyon na matatagpuan nila ang iyong kapatid kahit anong mangyari."
Napayuko naman ako sa labis na pagkakonsensya.
Mukhang labis ko talagang napag-alala ang aking mga minamahal sa lugar na ito.
Ngunit nang mapansin ko ang isang matalas na tingin sa akin ay napatingin ako kung sino iyon.
Si Ginoong Remus iyon na mukhang kasama pala ng aking mga magulang kanina pa.
Puno ng pagdududa ang kanyang tingin sa akin habang siya'y nakahalukipkip.
Hindi ko na lamang siya pinansin at sa aking mga magulang at kaibigan ibinaling ang aking atensyon.
*—-***—-*
"Hemira, Hemira, Hemira... Likas na ba talaga sa iyo ang pagiging pasaway? Batid mo naman na marami ang may galit sa iyo sa kahariang ito ngunit umalis ka nang walang pinapaalaman. Akala namin ay mayroon nang nagtangkang masama sa iyo kaya ika'y nawala." Paroo't parito si Aria ng paglalakad habang nakapamaywang sa aking harapan.
Umayos naman ako ng upo sa gilid ng aking higaan na tila ba isang batang pinagagalitan. Ni hindi pa ako nakapagpapalit ng aking baluti dahil nagsimula na kaagad siya ng kanyang sermon sa akin. "Paumanhin. Nagbakasakali lamang naman ako na baka matagpuan ko na ang prinsesa."
Pinaningkitan niya naman ako ng tingin. "Iyong Ceres na naman na iyon! Paano kung dahil na naman sa babaeng iyon ay manganib muli ang iyong buhay?"
"Hindi mangyayari iyon," sabi ni Kirion at saka tumalon sa aking hita mula sa aking balikat. "Mas malakas na si Hemira kumpara noon."
Napatigil naman si Aria sa pagparoo't parito. "Batid ko iyon. Ang nais ko lamang iparating kay Hemira ay itigil niya na ang pagiging mabuti sa Ceres na iyon. Dahil sa babaeng iyon ay binibintangan siya ng napakasasamang mga bagay ng mga tao."
"Hindi mo iyon maiaalis kay Hemira dahil natural na sa kanya iyon." sagot ni Kirion.
Napataas naman ang kilay ni Aria at mukhang naiinis na ito. "Mayroon ba akong sinabi na kanyang alisin iyon? Ang sabi ko lamang ay itigil niya na iyon kay Ceres! Hindi ka lamang bulag, bingi ka rin!"
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi ni Aria.
Batid ko na agad ang susunod na mangyayari.
"GAAAAAAAAAAARRRR!" atungal ng nainsultong si Kirion matapos niyang magpalit anyo bilang Nemean.
Akala ko ay hanggang doon lamang ang gagawin niya ngunit hahagarin niya na si Aria. Halatang hindi naman ito inaasahan ng huli miski na ako subalit naging mabilis ang aking kilos at agad kong iniharang ang aking sarili kay Kirion.
Tumusok sa suot kong baluti ang kanyang mga patusok na bakal.
Napaurong ako sa lakas niya ngunit nilakasan ko ang aking tindig upang hindi ko madaganan si Aria na nasa aking likuran. Dahil doon ay tumagos sa aking likuran isa sa kanyang matulis na bakal.
"Iigghhh..." pigil ko ng aking sigaw ng sakit.
Narinig ko ang pagsinghap ni Aria.
Naglalaban pa rin kami ng lakas ni Kirion at galit ang bumabalot sa kanya. "K-kirion! Ika'y kumalma!" sigaw ko sa kanya.
Natigilan na siya at mukhang natauhan.
Ang bigat ng aking paghinga na rinig na rinig sa tahimik na ngayong silid na ito. "Kirion..." sambit ko ng kanyang pangalan.
Bigla siyang bumalik sa kanyang anyong liosalfar.
Bago pa siya tuluyang mahulog sa sahig ay sinalo ko na agad siya at napaluhod ako sa lalim ng sugat na natamo ko sa aking sikmura.
"H-hemira..." hintatakot ang mababakas sa kanyang tinig. Batid ko na naaamoy niya na ang aking sariwang dugo.
"Aaaaaah! Hemira! Kailangan mong magamot!" aligagang sigaw naman ni Aria na mukhang ngayon ay nakabawi na sa pagkabigla.
"A-ayos lamang ako..." pagpapakalma ko sa kanila ngunit ramdam ko na maraming dugo na agad ang nawala sa akin.
Nahihilo na rin ako.
May biglang nagbukas ng pinto kaya napatingin ako roon. Si Pamela iyon na may nginunguyang tinapay ngunit nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang nangyari sa akin. "Prinshesha!" sigaw niya.
"Tawagin mo si Serafina!" utos sa kanya ni Aria. "Magmadali ka!"
Agad naman siyang tumakbo papaalis.
"Hemira... Hi-hindi ko sinadya..." Paiyak na si Kirion at bakas na bakas ang pagsisisi sa kanyang mukha. "H-hindi ko talaga sinasadya... B-bigla na lamang akong nilamon ng aking galit at... at..."
"A-ayos lamang ako Kirion... Huwag kang mag-alala. A-ayos lamang talaga ako..." pagpapakalma ko sa kanya.
Umiling-iling siya. "Batid kong hindi ka ayos... Malalim na sugat ang natamo mo mula sa akin. Patawarin mo ako... Hindi ko talaga iyon sinasad—"
"Hindi ang iyong paliwanag ang kailangan ni Hemira ngayon! Lumabas ka rin at hanapin si Serafina!" galit na galit na sigaw ni Aria sa kanya.
Natahimik siya at lalong dumami ang luha mula sa kanyang mga mata.
Tumalon siya mula sa aking palad at mabilis na lumabas ng aking silid.
Inalalayan ako ni Aria upang mapapunta sa aking higaan ngunit nanlalabo na ang aking paningin. Ni hindi kami makaalis sa aming puwesto dahil nahihirapan siya sa akin sa aking bigat.
Umiikot na rin ang aking paningin.
May sinasabi si Aria ngunit hindi ko na naiintindihan kung ano iyon.
"Hemira!" sigaw ng taong kararating lamang.
Batid kong si Serafina iyon ngunit siya'y malabo na.
Patakbong lumapit siya sa akin at naramdaman ko ang hawak niya sa aking balikat hanggang sa tuluyan nang naging madilim ang lahat.
*—-***—-*
"Hemira... Tulungan mo ako..." narinig ko ang maliit na tinig ni Kirion.
Gusto kong imulat ang aking mga mata ngunit hindi ko magawa.
Hindi ko rin maigalaw ang aking katawan na tila naparalisa iyon.
"Kirion..." nagawa kong sabihin.
"Hemira..." pagtawag niya pa rin sa akin na tila siya'y labis nang nahihirapan.
Nang makamulat na ako ay bumungad sa akin ang isang babae.
Malabo ang kanyang mukha at madiim ang paligid namin.
Ang tanging malinaw lamang ay ang kulay pula niyang kasuotan at pamilyar iyon sa akin.
"Sino ka?" Inaninag ko ang kanyang mukha at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko na siya.
"A-abellona?" Napasinghap pa ako sa hindi pagkapaniwala.
Ngumisi lamang siya at hindi umimik.
Inangat niya ang kanyang kamay at doo'y nakita ko na hawak niya ang liosalfar na si Kirion.
Namilog muli ang aking mga mata.
"Hemira... Tulong... Pakiusap..." paghingi ng tulong sa akin ni Kirion ngunit hindi ko pa rin maigalaw ang aking katawan.
"Igghhhh!" pilit kong pagkawala sa aking pagkaparalisa.
"Akin na siya." Nakangising sabi ni Abellona at doon ay kinuyom na niya ang kanyang kamay nang mahigpit kung saan hawak niya si Kirion.
Tumilamsik sa aking mukha ang masaganang dugo ng pinakamamahal kong liosalfar.
Nagimbal ang aking mundo nang makita kong lutaytay na siya sa kamay nito at wala ng buhay.
"HINDEEEEEEEE!"
Napamulat ako ng aking mga mata at habol na habol ko ang aking hininga.
Napatingin kaagad ako sa paligid at maliwanag iyon. Nakilala ko agad na ako ay nasa aking silid.
Sinubukan kong umupo mula sa pagkakahiga at mayroon kaagad na umalalay sa akin.
Si Yohan iyon at puno ng pag-aalala ang kanyang tingin sa akin. "Ayos ka na ba? May masakit pa ba sa 'yo?"
Nakatingin lamang ako sa kanya. Hindi pa lubos na gumagana ang aking isipan. Kung gayon ay isang panaginip lamang pala iyon. Isang napakasamang panaginip.
"Uy. Ba't 'di ka nasagot?" pag-untag niya.
Umiling na ako at ngumiti. "Ayos lamang ako."
Nakahinga naman siya nang maluwag. "Akala ko, kung ano na ang nangyari sa 'yo dahil hindi ka nasagot."
"Hemira!"
Napatingin ako kay Aria na tumawag sa akin.
"Mabuti at ika'y nagkamalay na!" tuwang-tuwang sabi niya at ako'y kanyang niyakap.
Ramdam ko na siya'y labis na nag-alala para sa akin.
"Oh oh oh! Dahan-dahan lang!" saway kaagad ni Yohan sa kanya kaya siya'y napabitaw agad at sinimangutan niya ito.
May nagbukas ng pinto at pumasok doon sila Serafina, Eugene at Pamela.
May dala-dalang maliit na palanggana ng tubig si Serafina.
Tuwa agad ang nabakas sa kanilang mga mata nang makitang gising na ako.
"Maayos na ba ang iyong pakiramdam, Hemira?" Lumapit sa akin si Serafina at umupo sa aking tabi. Pinunasan niya kaagad ang aking braso gamit ang tela na inilublob niya sa tubig sa palangganang kanyang dala.
Tumango ako at ngumiti. "Salamat Serafina sa panggagamot sa akin."
Ngumiti rin siya.
"Sabi naman sa inyo, magkakaroon din kaagad ng malay si Hemira." Ngiting-ngiti naman si Eugene at umupo rin sa gilid ng aking higaan.
Bigla namang humalukipkip si Yohan. "Nako! Naging busy lang ako nitong mga nakaraang araw dahil tinuturuan na akong maging hari, kung anu-ano nang nangyayari sa 'yo, Hemira! Hindi na nga namin pinaalam sa hari at reyna 'yung nangyari dahil paniguradong mag-aalala sila nang sobra sa 'yo." sermon na sa akin ni Yohan.
Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi nakarating sa kaalaman nila ama at ina ang nangyari. Mas maganda na iyon dahil ayokong maging masama ang tingin nila kay Kirion.
Kirion?
Nang maalala ko na si Kirion ay hinanap ko siya sa kanila. "Nasaan nga pala si Kirion?"
Sabay-sabay naman silang napatingin sa isang sulok kaya ako'y napatingin din doon.
Tila may mga karayom na tumusok sa aking puso nang makitang naroroon ang leong si Kirion at nagmumukmok.
Nakatalikod siya sa amin at dahil tahimik na kaming lahat ay naririnig namin ang mga pigil na pigil niyang paghikbi.
"Kirion..." tawag ko sa kanya na puno nang pang-aalo.
Tuluyan na siyang napaiyak.
"Ayos lamang naman ako Kirion. Batid ko naman na hindi mo iyon sinasadya kaya ika'y huwag nang umiyak."
Pasinghot-singhot na lumingon siya sa akin.
Puno ng luha ang nakapikit niyang mga mata.
"Halika at ika'y lumapit sa akin." nakangiti kong sabi.
Gusto ko siyang yakapin upang maiparamdam na hindi talaga ako galit sa kanya.
Maglalakad na siya palapit sa amin ngunit hinarang siya bigla ni Aria kaya siya'y napatigil.
Nakadipa ang mga kamay nito na tila ba nais nito kaming protektahan mula sa kanya.
"Hindi ka maaaring lumapit kay Hemira." seryosong sabi ni Aria.
"Aria, ayos lamang naman. Batid kong hindi naman talaga sinasadya ni Kirion iyong nangyari kanina." paliwanag ko kay Aria.
"Kahit na! Hindi siya maaaring lumapit sa iyo! Hiya ang wala sa kanya kapag ginawa niya iyon matapos niyang ilagay sa alanganin ang iyong buhay kanina! Mabuti na lamang talaga at nakarating kaagad si Serafina!" galit ang nababakas sa kanyang tinig.
"Ikaw naman ang nagsimula ng lahat!" sigaw naman ni Kirion sa kanya. "Kung hindi mo ako ininsulto kanina ay hindi ko magagawa iyon!"
"Batid mo naman na hindi ko nais na insultuhin ka kundi ako'y nang-aasar lamang ngunit hinayaan mo na mamayani sa iyo ang galit na nagresulta sa p*******t mo kay Hemira. Sinabi na sa ating lahat ng hari na ngayong husto na ang edad ni Hemira para magamit ang kanyang kapangyarihan ay ang katawan naman niya ang magiging pundasyon niyon. Hindi ba't ipinangako natin sa isa't-isa na hinding-hindi natin hahayaan na mapahamak si Hemira lalo na at hindi na katulad ng dati ang kanyang katawan. Sapagkat ngayo'y kahit isang mapurol na punyal ay kaya nang bumawi sa kanyang buhay, hindi ba?"
Nanlaki ang aking mga mata at napatingin ako sa kanila.
Hindi ko alam na batid na pala nila ang bagay na iyon.
Naiiyak na muli si Kirion ngunit unti-unting nagkaroon ng galit sa kanyang mukha. "Sinabi nang hindi ko iyon sinasadya! Ano ba ang hindi mo maintindihan doon?! GAAAAAARRRR!" Napakalakas ng kanyang atungal na tila pinagsama-samang atungal ng mababangis na mga nabubuhay kaya ako'y napapikit.
Pagkamulat ko ay wala na sa puwesto niya si Kirion.
Umiingit na ang pinto na mukhang kanyang nilabasan.
"Kirion..." Sinubukan kong umalis sa aking higaan upang siya'y sundan ngunit pinigilan ako ni Eugene.
"Bigyan muna natin ng oras si Kirion. Iyon ang kanyang kailangan," sabi niya.
Gustuhin ko man na sundan at aluin na si Kirion ngunit tama siya. Oras at pag-iisa muna ang kailangan ng liomean na iyon.
Natahimik kaming lahat na naririto.
"Ariadne! Ano bang mga pinagsasasabi mo kay Kirion?! Alam naman nating lahat na napikon lang naman talaga siya sa 'yo kaya niya nagawa 'yon!" biglang sigaw ni Yohan kay Ariadne kaya napatingin kami sa kanya.
Pagkainis naman ang nabakas sa mukha ni Aria. "Kahit na! Kung hindi ako pinrotektahan ni Hemira kanina, ako sana'y wala ng buhay ngayon! Wala na sa tamang pag-iisip ang liomeang iyon para subukang manakit ng kanyang kasamahan!"
"Siguradong nagkakagano'n siya gawa ng pagkabulag niya! Subukan mo kayang ilagay ang sitwasyon mo sa kanya! Paano kung ikaw 'yung nabulag tapos gustong-gusto mo nang makakita pero may nang-aasar nang nang-aasar sa 'yo tungkol sa pagkabulag mo, matutuwa ka kaya?" sagot pa rin ni Yohan sa kanya.
"Yohan, Aria, tama na yan..." saway ko sa kanila.
Kuyom na kuyom ni Aria ang kanyang mga kamao at tumili sa labis na pagkainis. "Sige at kampihan mo ang iyaking iyon na nanakit kay Hemira! Wala na akong pakialam!" Nagdadabog na lumabas na rin ng pinto si Aria.
Ginulo ni Yohan ang kanyang buhok sa nararamdaman ding pagkainis. "Haaayg! Nakakainis! Hindi naman kasi tama na binubully niya nang binubully si Kirion!"
Napapikit ako nang mariin at nakuyom ko ang aking mga kamao.
Ngayon lamang kami nagkakaganito.
Nagtatalo man sila noon ngunit kaibigang pagtatalo lamang iyon.
Ngayon ay tila... nagkakasakitan na talaga sila ng mga damdamin.
May humawak sa aking mga kuyom na mga kamao kaya ako'y napamulat.
Si Serafina iyon at ngumiti siya. "Ayos lamang ang lahat Hemira. Palipasin muna natin ang lagablab ng damdamin ng dalawang iyon. Siguradong magkakaayos din naman sila." Kalmado lamang siya at binuksan ang aking kuyom na palad saka pinunasan ang aking kamay nang maingat at marahan.
Tumango-tango naman si Eugene. "Sang-ayon ako roon. Maganda rin naman na nagkakaroon tayo ng mga pagtatalo nang sa ganoon ay mas nagiging malalapit ang damdamin natin sa isa't-isa." Ngumiti siya at kalmadong-kalmado lamang.
"Sana nga," sabi naman ni Yohan. "Ang hirap pa namang pakisamahan ni Ariadne sa ngayon. Ano kayang problema n'ong Fae na 'yon? Meron kaya siya?" Tila napapaisip pa siya. "Hindi eh. Bata pa siya. Ano kaya? Nadaan kaya siya sa rebellious stage? Ewan!"
Tumayo na si Eugene. "Ako na ang bahalang kumausap sa kanya. Siguradong mayroon lamang siyang problema kaya siya nagkakaganoon."
"Mabuti pa nga." sang-ayon ni Yohan sa kanya. "Pagsabihan mo siya na 'wag nang apihin nang apihin si Kirion. Nakakaawa na 'yung liomean na 'yon eh."
Palabas na si Eugene ng pinto nang biglang pumasok si Euphemia at nalagpasan siya nito.
"Yohan! Kamusta ka na! Naririto muli ang napakagandang diwata mong si Euphemia!" May tono ang kanyang pagsasalita. Malawak ang kanyang ngiti at balot na balot siya ng kasiyahan.
Kumapit siya sa braso ni Yohan at inalog-alog ito. "Yohan! Halika at lumabas tayo ng palasyo! Gusto kong maglakbay tayo ng mga lugar katulad ng dati!"
Naiirita namang inalis ni Yohan ang kapit niya rito at itinulak palayo ang mukha niya. "Euphemia, wala ako sa mood na sakyan ang mga kabaliwan mo. Hindi mo ba napapansin na seryoso kaming lahat ngayon?"
Napatingin naman siya sa amin ngunit natigilan siya nang mapabaling kay Eugene na nasa pinto.
Nang humarap na siya sa amin ay tila nawalan ng kulay ang kanyang mukha at namutla ang kanyang mga labi. Takot ang nabakas sa kanyang mga mata.
"Hindi ito ang tamang panahon para mangulit ka sa 'kin—"
"T-tama... H-hindi nga ito ang tamang panahon para roon..." Aligaga at nagmamadali na siyang lumabas ng silid na ito na para sa amin ay kataka-taka.
Napatingin kami kay Eugene dahil mukhang sa kanya natakot ang diwatang iyon.
Nagkibit balikat lamang siya dahil mukhang hindi niya rin batid kung bakit nagkaganoon si Euphemia.
Lumabas na rin siya ng silid na ito.
~Tagapagsalaysay~
Nakatingala lamang sa kalangitan ang liosalfar na si Kirion habang nakaupo sa malaking ugat ng puno malapit sa kanya.
Kahit nakapikit at hindi nakakakita ay sa kanyang isipan nama'y nakikita niya ang napakalawak ng kalangitang kulay asul.
May mga ulap at maaliwalas ang paligid.
Bumakas sa kalangitang iyon ang mukha ng kanyang ina ngunit malabo iyon.
"Ina..." nangungulila niyang sambit at may mga luhang kumawala sa kanyang mga mata.
Dumaan sa kanyang mga alaala ang mga nangyari sa kanila noon ng kanyang ina.
Kung paano ito nawalan ng buhay sa kamay ng dalawang dakalfar na nagpanggap na liosalfar upang gawin siyang halimaw.
Ang pagbalik ni Hemira sa kanyang nakaraan upang lamang tulungan siyang huwag sapitin ang nais ng mga ito sa kanya.
Naalala niya ang mga iyon.
Lalo siyang napaluha. "Ina... Nasaktan ko si Hemira... Nasaktan ko ang kaisa-isang taong nagligtas sa akin mula sa bangin ng kalungkutan at pag-iisa..."
Nakikinita niya sa kanyang isipan kung paano nangyaring nasaktan niya si Hemira kanina. Kung paanong ang mga bakal na matutulis sa kanyang katawan na nagsisimbolo ng kanyang pagiging halimaw ay tumarak sa katawan nito at ang napakaraming dugong kumawala sa katawan nito ay nagkalat sa sahig.
Napahawak siya sa kanyang mukha at tumangis nang labis. "Hindi ko talaga sinasadya iyon... Nawala ako sa aking katinuan. Ang aking madilim na paningin ay lalo pang nandalim. Bigla na lamang napigtal ang pisi ng aking pasensya at kasunod niyon ay galit na lamang ang aking naramdaman."
Umihip ang hangin at naglaglagan ang tuyong mga dahon mula sa puno malapit sa kanya.
Naalala niya ang kanilang mga pinagdaanan sa pagpunta sa Abellon.
Ang bawat mga pangyayari na kanilang mga pinagsamahan ngunit ang kinasisikip ng kanyang damdamin ay malabo sila... malabo ang mukha ng kanyang mga kasamahan lalo na ang kay Hemira.
Ni hindi niya na maalala ang mga mukha ng mga ito sa tagal ng kanyang pagkabulag.
"Nais ko na muling makakita... ngunit ang aking pagkabulag ay hindi pa rin malunasan. Nais ko na muling makita si Hemira pati na ang iba pa ngunit... ngunit hindi ko kaya... sapagkat ako'y isang bulag."
Patuloy siyang tumangis. "Nais ko na muling makakita..."
Nang alisin niya ang kanyang mga kamay na nakatakip sa kanyang mukha ay makikita sa gilid ng pikit niyang mga mata ang nangingitim na mga ugat.
Unti-unting gumuguhit iyon papunta sa kanyang pisngi.
"Nais ko na muling makakita..."