Hemira III 17

3503 Words
Hemira III 17 - Bayan ng Giles ~Hemira~ Malayo na ang aming narating ni Nyebe ngunit wala sa aming dalawa ang nakaaalam kung nasaan na ba kami ngayon. Hinila ko ang kanyang tali upang siya'y patigilin muna sa kanyang pagtakbo. Tumingin ako sa paligid at madilim na halos wala akong makita sa lakas ng ulan. Maputik din ang lupa kaya nahihirapan na si Nyebe na tumakbo. Biglang humangin nang napakalakas at sa lakas niyon ay isang malaking puno sa aming gilid ang bigla na lamang tumumba. Mabuti na lamang at kaagad na nakaiwas si Nyebe roon dahil kung hindi ay baka nadaganan na kami niyon ngunit napatingin ako sa dereksyon ng kinatatayuan ng punong iyon kanina lamang. May liwanag akong nakikita mula roon. Sa aking kuryosidad, "Nyebe, tahakin natin ang direksyong iyon." utos ko sa kanya. Agad naman siyang tumalima. Umayos ako nang pagkakasakay sa kanya dahil baka ako'y mahulog sa dulas ng basa niyang katawan. May pagkamasukal pa naman ang aming nadadaanan. Nang isang malaking hakbang ni Nyebe, bigla na lamang naming naramdaman na wala ng ulan. Masikat ang araw sa lugar na ito. Namangha ako sapagkat napakalakas ng ulan sa aking likuran ngunit maaraw naman dito sa lugar na ito. Tila hinati sa gitna ang dalawang panahon. Kinuha ko ang mapa sa aking lagan. Ano kaya ang lugar na ito? Napatingin ako sa lumang arko na gawa sa kahoy. Bayan ng Giles. Agad kong hinanap iyon sa aking mapa at sa bahaging timog ng Gemuria ko iyon nakita. Malapit na ang lugar na ito sa kontinente ng Tag-init o ang Notos na sa timog ng mundo matatagpuan. Napatinging muli ako sa lugar. Sira-sira ang mga puno at marami ang mga nakatumba. Mayroon akong natatanaw na mga kubo hindi kalayuan. Naroroon siguro ang mga mamamayan ng bayang ito. Akin nang ibinalik ang mapa sa aking lagan. "Tayo'y magpunta roon Nyebe." *—-***—-* Bumaba na ako sa aking puting kabayo nang makarating na kami sa parte ng bayang ito kung saan nananahan ang mga mamamayan dito. Tahimik ang buong lugar. Sira-sira ang marami sa mga bahay at mga puno. Walang mga halamang pananim o kung anumang mapagkakakitaan o mapagkukuhaan ng pagkain. Kakaiba rin ang nararamdaman ko sa bayang ito. Tila patay na ito. Siguradong isa ang bayan na ito sa mga biktima ng pagsalakay namin noon. Hindi ba ito naabot ng tulong ng hari para sa mga nasalakay noon? Kailangan kong malaman kung ano ang nangyari rito. Kinuha ko ang isang asul na tela sa aking lagan at ipinangtakip ko iyon sa aking mukha. Ang natatakpan lamang ay ang aking ilong hanggang sa aking leeg. Kailangan ko ito upang walang makakilala sa akin. TING! TING! TING! Nagulat ako nang tumunog ang isang kampana. Miski si Nyebe ay napapitlag din. Napatingin ako sa pinanggalingan niyon. Isang mataas na tore iyon na mayroong malaking orasan. Nakatapat ang maliit na kamay niyon sa anim at ang malaki naman sa labingdalawa. Ikaanim na ng umaga. Kung nasa ibang bayan siguro ako ay ngayon pa lamang nagbubukang liwayway ngunit dito ay tirik na tirik ang araw. Biglang nagbukasan ang ilan sa mga pinto ng mga kubo kaya napatingin kami roon ni Nyebe. Lumabas doon ang ilan sa mga tao at napansin ko ang kanilang mga mata. Walang mababakas na kahit anong emosyon sa mga iyon. Naglakad sila papunta sa aming direksyon. Pagkakataon ko na upang makapagtanong tungkol sa bayang ito at kung nakita ba nilang dumaan dito si prinsesa Ceres. Sinalubong ko ang isang ginoo upang sanang magtanong ngunit nilampasan niya lamang ako. Pati na rin ang iba... na tila hindi nila ako nakikita. Dere-deretso lamang sila sa paglalakad. Biglang nagbukas ang isang pinto sa isang kubo malapit sa akin. Isang ginoo rin ang lumabas doon. Matikas ang kanyang katawan at sa aking tingin ay sampu hanggang labinglimang taon ang tanda niya sa akin. Sa sapagkatikas niya ay halata na siya'y marunong makipaglaban. Magulo ang kanyang itim na buhok at halatang kagigising niya lamang ngunit hindi siya katulad ng iba. Siya'y nasa kanyang sarili at tila malalim ang kanyang iniisip. Siya naman ang aking nilapitan. "Ginoo, maaari po bang magtanong?" Napatingin siya sa akin. Bumaba pa ang kanyang tingin sa aking kasuotan na isang baluti saka ibinalik muli sa aking mukha na natatakpan. Tumango siya nang walang gana. "Ano po ang nangyari sa bayang ito? Hindi po ba ito naabot ng tulong na ipinakalat ng hari sa buong Gemuria?" Ilang sandali ang kanyang pinalipas at saka siya huminga nang malalim. "Sa iyong baluti ay nakikita kong ika'y isang mandirigma ng Gemuria. Pinapunta ka ba ng hari rito upang ipilit muli sa amin ang rasyon na inyong ipinamimigay sa mga nasalakay? Kung ganoon nga ang iyong misyon ay umalis ka na lamang dahil hindi muli namin iyon tatanggapin. Ako na ang nagsasabi niyon bilang namumuno sa bayang ito." Nangunot ang aking noo sa pagtataka. "Hindi ninyo tinanggap ang tulong na iyon?" "Wala rin namang saysay iyon. Ilang beses na bang nangyari sa kahariang ito ang pagsalakay ng mga mostro? Ilang beses na rin bang ipinaayos ng hari ang bayang ito at ang iba pang mga bayan na naging biktima niyon. Nakakasawa na. At isa pa'y, kahit na ayusin nang ayusin ang lugar na ito, ang damdamin naman ng mga taong naninirahan dito ay nananatiling sira at puno ng pangamba. Wala nang katahimikan ang isipan ng bawat isa. May magagawa ba ang hari para sa bagay na iyon?" Isinuot niya na ang kanyang sapatos at ako'y kanya nang nilagpasan. Kung gayon ay iyon ang kanyang naging dahilan upang tanggihan ang tulong ng hari. Maling-mali para sa aking opinyon. Siya'y aking sinundan. "Kaya ba hinayaan n'yo na lamang ang bayang ito ng Giles na manatiling ganito?" Nadaanan ko si Nyebe at hinawakan ko ang kanyang tali upang isama siya dahil baka siya'y mawala. "Kung ipaaayos na naman namin ito, mapupuno na naman ng isipin ang bawat isa. Isiping kailan na naman ba ito masisira? Kailan na naman ba ito pagdidiskitahan ng mga masasama? Kaya napagdesisyonan na namin na hayaan na lamang ang bayang ito nang ganito nang sa gayon ay kung may manalakay muli, wala na silang masisira dahil sira na rin naman ang lugar na ito." Narinig ko pa ang kanyang paghikab. Napatingin ako sa mga taong kasabay namin maglakad. Lahat sila ay mga ordinaryong tao lamang. Wala ni isang maheya sa kanila. Binilisan ko ang aking paglalakad upang makasabay ko ang ginoo. "Subalit ginoo, bakit ito ang naisip n'yo sa suliraning iyon bilang kanilang pinuno? Marami namang ibang paraan para maisalba ang bayang ito." Napatingin siya sa akin. "Lahat kami ay mga ordinaryong tao lamang. Mayroong ilang mga maheya sa amin ngunit ang marami sa kanila'y ang mahika ay pang-agrikultura lamang na kanilang ginagamit upang ang bayang ito ay mayroong makain sa pang araw-araw subalit ang mga maheyang iyon... Iilan na nga lamang sila ay nawalan pa ng buhay ang iba dahil sa pagsalakay at ang iba naman ay umalis at nagtungo sa ibang kontinente dahil sa takot para sa kanilang buhay. Mayroon pang mga natira ngunit sila'y mga paslit pa lamang at walang kaalam-alam sa mundo." Hindi niya man ipakita sa kanyang mukha ay nahihimigan ang kanyang pagkadismayado. Hindi na ako nagsalita at patuloy lamang akong naglakad kasama nila. Nais kong malaman kung saan sila magtutungo. Hahanap din ako ng pagkakataon upang matanong kung napadaan ba rito ang prinsesa. *—-***—-* "Wala ng isda sa lawang ito! Maghanap pa tayo ng ibang anyong tubig na mapagkukuhaan natin ng pagkain!" sigaw ng Ginoo sa mga tao. Tahimik naman ang mga tao na umalis na lamang sa lugar na iyon. Halata na ang pagod sa kanilang mga katawan ngunit wala ni isang nagrereklamo. Nakita ko ang pagkuyom ng mga kamao ng ginoong pinuno at napansin niyang nakatingin ako sa kanya. "Ito ang araw-araw na naming pamumuhay ngayon. Kami'y nag-iikot sa mga lugar na maaari naming mapagkuhanan ng aming mga makakain. Ang mga kababaihan at mga paslit naman ay naiiwan sa kani-kanilang mga tahanan kasama ang kanilang mga ina at ilang mga lalaki upang may pumrotekta sa kanila." Napahinga siya nang malalim at naglakad na upang sumunod sa kanyang mga kasama. "Ganito na kahirap ang aming pamumuhay simula nang mawala ang mga maheya sa amin." Sumunod na rin kami ni Nyebe sa kanya. "Kung ganoon ginoo ay mas lalong malaki ang inyong dahilan upang tanggapin ang tulong ng hari. Naiintindihan ko ang tungkol sa mga pagkasira ng inyong mga kagamitan ngunit bakit pati ang mga pagkain na kanyang inaalok ay inyong tinanggihan?" Hindi ko talaga maintindihan ang kanyang rason bilang pinuno sa pagtanggi niya sa tulong ni ama. Kung ako iyon ay hindi ako magdadalawang isip lalo na at kapakanan ng aking nasasakupan ang nanganganib. "Dahil wala na akong tiwala sa hari... Wala na kaming tiwala sa kanya. At sa kawalang tiwala naming iyon sa kanya, wala na kaming ganang tanggapin ang kahit na anong galing sa kanya." seryoso niyang sabi. Namilog ang aking mga mata sa kanyang tinuran at hindi ako makapaniwala. "Sa iyo bang tingin, ako lamang ang nagdesisyon na tanggihan iyon? Kung ako lamang iyon ay paniguradong sari-saring reklamo na ang iyong naririnig mula sa mga taong kasama natin ngayon... ngunit sila'y tahimik dahil pinangangatawanan nila ang kanilang mga naging desisyon." "Ngunit—" "Batid kong isang paglapastangan sa hari ang aming ginagawang ito ngunit hindi mo kami masisisi. Habang tumatagal, marami ng tanong ang pumapasok sa aming isipan. Kaya niya pa ba kaming protektahan gayong sa napakaraming pagsalakay na naganap ay wala siyang nagawa upang ilayo kami sa kapahamakan." Bumaba ang tingin niya sa lupa at sinipa nang mahina ang isang bato na aming nadaanan. "At isa pa, mayroong kumakalat na balita na ang tunay na anak nila ng reyna ay nakontrol ng mga mostro noon upang atakihin ang ating kaharian. Nawawala pa si prinsesa Ceres na kagagawan daw ng babaeng iyon. Naparakaming bagay na ang nagkakapatong-patong upang unti-unting mawala ang tiwala namin sa mga maharlikang iyon na namumuno sa atin." Natahimik ako. Buong-buo na talaga ang kanilang desisyon na huwag tumanggap ng tulong sa hari. Ngunit ang mga tao... Tumingin ako sa mga mamamayan na nauuna sa amin ng paglalakad. Bawat hakbang ay labis na nilang kinapapaguran dahil sa gutom. Ang kanilang ring mga paslit na naiwan sa kanilang bayan, siguradong kumakalam na nang lubos ang kanilang mga sikmura. Nakuyom ko ang aking mga kamao at hindi na ako nakapagtiis. Hinarang ko ang daanan ng ginoo. Siya naman ay napatigil at napatingin nang deretso sa aking mga mata. Tiningnan ko siya nang malamig. "Ito ba talaga ang iyong paraan ng pagiging isang pinuno?" malakas na tanong ko sa kanya. Narinig ko ang pagtigil ng hakbang ng mga tao. Sila'y nakikinig. "Ang kunsintihin ang galit ng iyong mga pinamumunuan at ihuli ang kanilang mahalagang pangangailangan? Handa ka ba talagang mamatay sa gutom ang mga taong ito upang lamang mabusog sa galit ang kanilang mga damdamin? Naiintindihan ko na kayo'y galit at wala nang tiwala sa hari ngunit ang pagtanggi ninyo sa rasyon ng pagkain ay maling-mali. " Tumalim ang tingin niya sa akin. "Tinuturuan mo ba ako kung ano ang nararapat kong gawin bilang pinuno?" Huminga ako nang malalim. "Hindi kita tinuturuan ngunit sana'y may matutunan ka sa aking mga sasabihin. Maghihirap nga ang damdamin ng hari sa inyong pagtanggi sa rasyon ngunit sino ba ang pinakanahihirapan ngayon? Kayo? Kayo na tumatanggi roon dahil sa tingin n'yo ay hindi n'yo kailangan iyon? Hindi. Ang inyong mga anak ang pinakanahihirapan! Ang mga paslit! Silang pinakamaykailangan niyon! Batid n'yo na hindi pa sila marunong magdesisyon ng kanila kaya kayong mga mas nakatatanda ang dapat na gumawa niyon. Ngunit ano ang inyong pinili? Ang inyong galit kaysa kapakanan nila! Hindi ba at tila nagiging maramot kayo sa kanila?" Hinawakan niya ako nang mahigpit sa aking braso na tila nais niya na iyong durugin. "Wala kang nalalaman. Nabulag na ng nagsusumigaw na galit ang mga taong ito laban sa hari at kaya ngayo'y kami ay gumagawa ng paraan na makahanap ng pagkain ay para iyon sa mga paslit." Napakatalim ng tingin niya sa akin. Tiningnan ko ang mga tao. Ang kanilang mga mata'y nabigyang muli ng buhay... Nabigyan iyon ng buhay ng galit. Binaling kong muli ang tingin ko sa kanya at ako'y labis na sumeryoso. "Bakit? Natatakot ka ba na kapag ipinilit mo sa kanila ang rasyon na iyon ay sa iyo mapupunta ang matinding galit na para dapat sa hari?" Napamaang siya saglit ngunit tumalim muli ang kanyang tingin. "Sa tingin mo ba ay madali para sa akin ang lahat ng ito?" "Tama ka. Hindi nga madaling maging pinuno, batid ko iyon dahil naranasan ko na iyon... ngunit iisa lamang ang paraan upang mapagtagumpayan mo ang bagay na iyon." Nagtatagis pa rin ang kanyang mga ngipin. "Tahakin mo ang pinakamabuting daan... upang iyon din ang tahakin ng mga taong iyong pinamumunuan... dahil sila'y nakasunod lamang sa iyo." Katahimikan ang namayani sa aming dalawa ngunit unti-unting nawala ang kunot ng kanyang noo at batid kong tumagos sa kanya ang bawat salitang aking binitawan. Lumuwag na ang pagkakahawak niya sa aking braso subalit nabigla ako nang hilahin niya ako palapit sa kanya. Hinapit niya ang aking baywang at titig na titig siya sa aking mga mata. "Ipakilala mo ang iyong sarili. Sino ka bang talaga? Ikaw ba talaga'y isang mandirigma? Iisa lamang ang babaeng mandirigma ng Gemuria noon at iyon ay ang tunay na anak ng hari at reyna. Iyon ba ang dahilan kaya kinakailangan mong takpan ang kalahati ng iyong mukha?" Nang akmang tatanggalin niya ang tela sa aking mukha ay malakas ko siyang tinulak palayo sa akin. Napabitaw siya at siya'y napaupo pa sa lupa. "Aray yaray yaray..." reklamo niya habang nakahawak sa nasaktan niyang balakang. Habol ko ang aking hininga sa labis na kaba at pagkabigla. Kung hindi ko siya naitulak kaagad ay siguradong nakita niya na ang aking mukha. Makikilala nila kung sino ako. At kapag nangyari iyon, isang malaking kaguluhan ang akin nang nakikinita. Ang aking sapagkatao pa lamang ay magsisindi na ng malaking galit sa mga taong naririto. "A-ako'y isang... isang ordinaryong tao lamang din. N-nakuha ko lamang ang kasuotang ito sa isang bangkay ng mandirigma noong pagsalakay." pagsisinungaling ko. May pagdududa na tumingin sa akin ang ginoo pati ang mga tao. "Kung gayon ay tanggalin mo ang tela sa iyong mukha." utos niya at siya'y tumayo na. Katahimikan muli ang namayani. Ang lahat ay naghihintay na gawin ko ang kanyang sinabi ngunit biglang may isang malakas na kaluskos na tila may nahulog ang aming narinig. "AAAAAAHHHH! Tulong! Tulungan n'yo ako!" sigaw ng tinig ng isang binata sa likuran ng kumpulan ng mga tagaGiles. Napalingon nang sabay-sabay ang lahat sa pinanggalingan niyon. "Delbin!" hintatakot na sigaw ng isang matandang ginoo at biglang napaurong ang lahat nang tila mayroon silang makitang hindi maganda. Agad naman akong tumakbo papunta sa kanila at nang makalagpas ako sa mga tao ay isang halamanan ang aking nasilayan. Hinawi iyon ng matandang ginoo na sumigaw kanina at tila mayroon siyang tinitingnan sa ibaba. "Delbin! Anak ko!" "Ama!" Takot na ang nababalot sa lahat ngayon. Lumingon kaagad sa akin ang matandang lalaki at puno ng luha ang kanyang mga mata. "Tulungan n'yo ang anak ko... Pakiusap..." Agad akong lumapit sa kanyang puwesto at binigyan niya ako ng daan. Hinawi ko sa gitna ang halamanan gaya ng kanyang ginawa at nanlaki ang aking mga mata nang makitang isang bangin na pala ang likuran niyon. "Tulungan n'yo ako! Ako'y mahuhulog na!" Napatingin ako sa ibaba at isang binatilyo ang nakakapit sa isang may kakapalan na ugat ang naroroon. Bilugan ang kanyang mukha at namumula na iyon. Siya'y lumuluha na rin. Sinubukan kong abutin ang kanyang braso ngunit hindi ko iyon maabot dahil sa kanyang layo. Pilit ko pa rin siyang inaabot nang muntik na akong mahulog. Mabuti na lamang ay may humawak sa aking baywang. Napalingon ako para tingnan kung sino iyon at ang ginoong pinuno iyon. "Abutin mo siya. Ako ang hahawak sa iyo." determinado niyang sabi. Tumango naman ako at muli kong binalingan ang binatang si Delbin. "T-tulong... Pakiusap..." Siya'y labis nang umiiyak at kaunti na lamang ay siya'y bibitaw na. "Huwag kang lumuha. Manghihina ka kapag ipinagpatuloy mo iyan." babala ko sa kanya at agad naman siyang tumigil. Nangangatal na ang kanyang mga kamay at labi. Kung pipilitin kong siya'y abutin ay imposible nang mangyari iyon dahil sa layo niya. Baka siya'y tuluyan nang mahulog kung ipipilit ko ang paraang iyon. Doon na ako nakapagdesisyon. Tumayo ako at hinarap ang ginoo. Napabitaw naman siya sa akin. "Ano ang iyong ginagawa?! Bakit ka tumigil sa pag-abot sa kanya?!" sigaw niya sa akin. "Dahil may naisip akong ibang paraan." Nangunot lalo ang kanyang noo. Doon ay pahiga akong nagpatihulog sa bangin. "BINIBINI!" narinig kong tawag niya sa akin na puno ng takot. *"Fugio!" sigaw ko at nabalot ng puting mahika ang aking katawan. Kasabay niyon ay ang pagsigaw ni Delbin dahil tuluyan na siyang napabitaw sa ugat na kanyang kinakapitan. Ang bilis ng kanyang pagbulusok dahil siya'y may katabaan at bago ko pa man siya masalo ay nalagpasan niya na ako sa ere. "AAAAAAAAAHHHHH!" sigaw niya. Mabilis na lumipad ako paibaba. "Tulong!" sigaw niya pa. Nang magkapantay na kami ay napatingin siya sa akin. Biglang natanggal sa aking mukha ang telang nakatakip doon at bago pa iyon liparin ng hangin palayo ay nahablot ko na iyon. Napatinging muli ako kay Delbin at nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. "I-isang diwata..." nausal niya at doon ay tuluyan na siyang nawalan ng ulirat. Nagmamadali ko nang ibinalik sa aking mukha ang tela at saka na siya niyakap nang mahigpit. Ipinreno ko na nang matindi ang aking sarili sa ere dahil kaunti na lamang ay mga patusok na mga kahoy na ang aming babagsakan. Laking pasalamat ko at nagawa ko iyon. Habol na habol ko man ang aking hininga sa lakas ng mahikang aking nagamit ay buong lakas kong inilipad muli ang aking sarili pataas kasama ang nailigtas kong si Delbin. *—-***—-* "Delbin! Anak ko! Salamat at ika'y ligtas!" pag-iyak sa kasiyahan ng ama ni Delbin habang yakap-yakap ang bilugang anak. Ang kumpulan ng mga tagaGiles ay nasa kanila. Napaupo na lamang ako bigla dahil tila nawalan ng lakas ang aking tuhod. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako gayong mahikang paglipad lamang naman ang aking ginawa. May lumapit sa akin at pagtingala ko ay ang ginoong pinuno iyon. Nakatingin siya nang seryoso sa akin. Sinubukan ko nang tumayo at hirap na hirap kong nagawa iyon. Inalalayan niya naman ako. "Sino ka bang talaga?" tanong niya sa akin na puno ng kaseryosohan ang tinig. Natigilan ako at napatitig sa kanya. Bakas sa kanya ang labis na pagnanais na malaman ang aking tunay na sapagkatao. "Batid mo ba na ang mga bangin sa lugar na ito ay mga bangin na Vacuo." Nangunot ang aking noo. "Vacuo?" "Mga bangin na may kakayahang pumigil sa paggana ng kahit anong klaseng mga mahika... puwera na lamang kung napakalakas nitong tunay." Kung gayon ay kaya pala labis na lamang ang aking panghihina. Bigla siyang humakbang palapit sa akin. "Ang sabi mo ay isa ka lamang ordinaryong tao ngunit isa kang napakalakas na maheya base sa nangyari kanina." Inangat niya ang kanyang kamay upang subukang muling tanggalin ang takip sa aking mukha kaya ako'y napaurong. "Kung ayaw mong aminin ang iyong sapagkatao, kami na lamang ang titingin kung sino ka bang talaga." Napatingin ako sa aking likuran at ang halamanan kung saan nahulog si Delbin kanina ang naroroon. Hindi ko na magagawang mailigtas ang aking sarili kung mahuhulog ako roon. Hahablutin niya na ang tela sa aking mukha... "Huwag!" sigaw ng isang lalaki kaya siya ay napatigil. Napalingon siya at ako naman ay napatingin kung sino iyon. Si Delbin iyon habang masama ang tingin sa kanya. Nagkaroon na ito ng malay. Nakaalalay rin dito ang ama nito dahil nangangatog pa rin ang mga tuhod nito. "Oh! Delbin! Mabuti at nagkaroon ka na ng malay!" tuwang-tuwang sabi ng ginoong pinuno rito at ito'y kanyang nilapitan. "Wala ka bang natamong mga sugat?" siniyasat niya ang katawan ng binatilyo ngunit tinabig nito ang kanyang kamay. Bumitaw rin ito sa ama nito at paika-ikang lumapit sa akin. Deretso ang tingin nito sa aking mga mata ngunit napansin ko ang pamumula muli ng pisngi ni Delbin at nag-iwas na siya ng tingin. Tumigil siya sa aking harapan at hinarap niya ang mga tagaGiles. "Nakita ko ang kanyang mukha." Bigla akong kinabahan sa kanyang mga sasabihin. Nakilala niya kaya kung sino ako nang makita niya ako kanina? Ngunit sa aking tingin naman ay hindi nagpunta ang mga tagaGiles noong ipinakilala ako sa palasyo dahil sa galit nila sa hari. "Ang kanyang mukha ay may takip na tela sapagkat siguradong hindi niya iyon nais ipakita sa iba sa kadahilanang..." Ang lakas na ng kabog ng aking dibdib sa kaba. Naghahanda na ako sa galit na sisiklab mula sa mga tagaGiles. "Dahil may malaki siyang pilat sa kanyang pisngi... na kahit na sino sa mga binibini ay hindi nais ipakita sa kahit na sino."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD