Hemira III 16

2310 Words
Hemira III 16 - Kaakit-akit ~Hemira~ Lumipas ang maraming araw na wala pa ring balita tungkol kay prinsesa Ceres. Halos wala ng pahinga ang mga kawal at marami sa mga mandirigma sa paghahanap sa kanya sa kung saan-saan. Pati ang bagong hari ng kaharian ng mga Secundo, ang Emeas na si haring Egidio ay tumutulong na rin sa pagpapahanap sa kanya. Habang tumatagal ang pagkawala ni prinsesa Ceres ay unti-unti namang nadadagdagan ang bigat na aking nadarama. At sa loob din ng mga araw na iyon, ramdam na ramdam ko ang malamig at mailap na pagtrato sa akin nang marami sa mga tagapagsilbi lalong-lalo na ang mga dating tagapagsilbi ng prinsesa. Mayroon pang isang pangyayari na nagpalayo lalo sa damdamin sa akin ng ilan sa kanila. Iyon ay nang isang grupo ng babaeng mga tagapagsilbi ang iniatas ni ama na magsilbi para sa akin ngunit sila'y aking tinanggihan hindi dahil may masama akong dinaramdam sa kanila kundi dahil sa aking tingin ay hindi ko kailangan ng magsisilbi sa akin. Kaya kong pangalagaan ang aking sarili dahil lumaki akong mag-isa lamang. Dahil sa pagtanggi kong iyon ay mukhang hindi naging maganda ang dating sa kanila niyon at nang madaanan ko sila sa isang pasilyo papunta sa aking silid, narinig ko ang kanilang sinabi. "Akala mo naman ay kung sino siya kung tayo ay tanggihan! Mas nanaisin ko rin naman na pagsilbihan si prinsesa Ceres kaysa sa kanya na mayroong lihim na masamang sapagkatao! Tayo na nga!" Masakit iyon sa damdamin dahil mali ang kanilang naging interpretasyon sa aking naging pagtanggi ngunit hindi ko na ginawa pang ipaliwanag ang aking sarili sapagkat hindi naman ako isang taong nabubuhay sa papuri ng iba. Isinawalang bahala ko na ang pangyayaring iyon ngunit mayroon pa ring inilaan si ama na isang tao upang magsilbi sa akin. Si Pamela. Ang binibining may-ari ng lumang taberna ng libro kung saan nakuha ni Ginoong Sueret ang huling pahina ng librong Alamat ng Regnum. Mabuti siyang binibini ngunit nagtataka lamang ako kung siya ba ay walang kabusugan dahil wala siyang ginawa kundi ang kumain. Sa katangian niyang iyon ay ako'y kanyang naaaliw at kumportable rin ako sa kanya. Ang aking mga kaibigan naman ay patuloy na nagpapasaya sa akin at batid ko na ginagawa nila ang lahat upang hindi ko na isiping masyado ang mga nagaganap sa paligid. Habang abala pa rin ang marami sa mga mandirigma upang maghanap kay prinsesa Ceres, inatasan ni ama na gawing aking guro si Ginoong Sueret sa paggamit ng mahika. Araw-araw ay tinuturuan niya ako ng tamang paggamit ng puting mahika. Nahihirapan ako sa mga kumplikadong mahikang itinuturo niya sa akin at sa pagkontrol sa aking sariling kapangyarihan ngunit pinipilit kong matutunan ang mga iyon upang magamit ko iyon sa pagpoprotekta sa kahariang ito... dahil nangako ako sa mga tao. Na patutunayan ko sa kanila na karapat-dapat nila akong tanggapin bilang susunod nilang pinuno. "Prinsesa, ika'y tulala na naman. Siguradong napakaraming bagay na naman ang tumatakbo sa iyong isipan," wika ng taong tumabi sa akin ngayon dito sa gilid ng aking higaan matapos niyang patayin ang sindi ng mga ilaw rito sa aking silid. Napatingin ako kay Pamela na ngayon ay kumakain ng isang klase ng prutas. Siya'y naririto upang siguraduhin na ako ay mahihimbing bago matapos ang oras ng kanyang paninilbihan sa akin sa araw na ito. Nakaupo lamang kami at liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa amin mula sa malaking bintana sa aming likuran. Nginitian ko siya nang kaunti. "Iniisip ko lamang... Bakit ang mga taong nasa aking paligid ang siyang mga nakararanas ng hindi magaganda para sa aking kapakanan? Ang aking lola, namatay siya sa pagpoprotekta sa akin at sa aking kapalaran. Si prinsesa Ceres, siya'y nadamay lamang sa masalimuot kong buhay na ito at ngayo'y hindi natin batid kung nasaan na siya. Si Kirion, siya'y nabulag dahil hindi ko siya naprotektahan mula kay Abellona. Pati na sina ama at ina, kahit hindi nila sabihin sa akin ay batid ko na galit na sa kanila ang mga tagaGemuria dahil sa nangyaring pagpapakilala nila sa akin. Kung iisa-isahin ko silang lahat, baka masabi mo na ngang talaga na isa akong malas na tao." Tumigil na siya sa pagkain at nilunok ang kanyang nginunguya. "Kung ganoon ay dapat na pala akong bumitiw sa iyong pagiging tagapagsilbi." Walang ekspresyon niyang sabi. Napatingin lamang ako sa kanya. "Mas mabuti pa nga. Hindi ko na nais pa na madagdagan ang mga taong nasasaktan dahil sa akin." "Biro lamang. Akala ko ay ika'y mapapatawa ko... Ngunit maaari ba akong magpayo sa iyo bilang isang kaibigan?" Ngumiti siya nang may pagtatanong. Tumango naman ako. "Ako'y makikinig." Humarap siya nang maayos sa akin. "Sa aking tingin, dapat mo nang iwaksi ang pagkaawa at paninisi mo sa iyong sarili dahil sa iyong mga sinapit at naganap sa iba para sa iyong kapakanan. Mas mabuti na ika'y humanap ng solusyon upang baligtarin ang iyo at ang lamesa ng kalaban mong mga suliranin. Hindi na mababago ang naganap sa nakaraan ngunit may magagawa ka pa naman sa kasalukuyan at hinaharap." Tumigil siya at kumagat muli sa kanyang pagkain. "Hindi ba at isha kang heneral ng mga mandirigma noon. Dapat ay matibay na ang iyong paniniwala sha iyong sharili na kaya mong mamuno. Na maraming buhay ang nakashalalay sha iyo kaya nag-iiship ka na agad ng paraan kung paano shila mapangangalagaan." Sa kanyang mga sinabi ay biglang bumaha sa akin kung paano ako namumuhay noon. Kung sino ako at paano ba ako mag-isip noon. Hindi ako ganito kahina. Na hinahayaan na lugmukin ng mga problema. Nakasuot lamang ako ng isang magara at silkang damit ngunit ako pa rin naman ang Hemirang mandirigma noon na marunong lumaban sa kahit anong balakid na makikita at namuno sa libo-libong mandirigma ng kahariang ito kahit na kaunting panahon lamang. Napakuyom ako ng aking mga kamao dahil nararamdaman ko na nabubuhay na muli ang aking loob. Ang apoy ng aking katapangan na hindi ko sinasadyang p*****n ng sindi dahil sa paninisi ko sa aking sarili sa mga bagay-bagay. "Nakikita ko na rin sa wakas ang paniningas ng mga mata ng mandirigmang hinahangaan ko noon pa," sabi ni Pamela kaya nakuha niyang muli ang aking atensyon. Nakangiti na siya nang malawak. "Hindi ko nabanggit sa iyo ngunit kilala na kita noon pa. Marami sa mga bumibili ng aming libro noon ay pangalan mo ang usapan dahil sa napakarami mong mga bagay na napagtagumpayan. Isa kang babae ngunit naitanghal kang heneral ng mga mandirigma ng mataas na kahariang ito. Doon pa lamang ay kahanga-hanga ka na at sana ay magpatuloy ka pa rin ng paggawa sa mga bagay na magpapanatili sa aking paghanga sa iyo... prinsesa Hemira." Naramdaman ko ang kanyang pagiging sinsero kaya ako'y napangiti. "Asahan mong hindi kita bibiguin." Mukhang mayroon na namang isang tao ang umaasang hindi ko siya bibiguin. Isang bagong kaibigan na dapat kong pangalagaan at protektahan mula sa mga kamay ng mga masasama. *—-***—-* Naglalakad lamang ako sa isang daanan at mayroong mga tao sa paligid. Hindi pamilyar sa akin kung nasaan ako ngayon nang mapansin ko ang isang babaeng nakaupo lamang sa gilid ng daanang ito. Napatingin ako sa kanya. Nakakalat ang kanyang buhok sa kanyang mukha at napakadumi ng kanyang damit. Wala rin siyang sapin sa paa at nakasahod ang kanyang kamay sa mga tao upang manghingi ng limos. Bakas na bakas sa kanyang mabagal na paghinga ang panghihina ngunit isang grupo ng mga bata ang pinagbabato siya upang sapagkatuwaan. Gusto ko silang pigilan sa kanilang ginagawa ngunit hindi ako makagalaw sa aking puwesto na tila ako'y napako na roon. Labis na akong nagtataka sa nagaganap sa akin ngunit napatinging muli ako sa babaeng iyon nang marinig ko ang kanyang impit na pag-iyak. Pagdurusa ang mahihimig sa kanyang mga hikbi. Pinunasan niya ang kanyang mga luha at hinawi ang kanyang buhok kaya roon ko na nasilayan ang kanyang mukha. Namilog ang aking mga mata sa hindi pagkapaniwala. "P-prinsesa Ceres..." Napatingin siya sa akin nang mabanggit ko ang kanyang pangalan. Nanlaki rin ang kanyang mga mata nang magtama ang aming tingin. "Hem... mira..." Kahit na hinang-hina ay pinilit niyang tumayo at paika-ika siyang lumapit sa akin habang ang kanyang mga mata ay nalalabo ng kagutuman at paghihirap. Sugatan ang kanyang madumi ng mga paa at lubos na nakakaawa ang kalagayan niya ngayon. "P-prinsesa... A-anong nangyari sa iyo?" tanong ko sa kanya ngunit napansin ko na kahit naglalakad siya palapit sa akin ay hindi nababawasan ang layo ng distansya namin sa isa't-isa. "Kasalanan mo ito..." mahinang sabi niya. Unti-unting dumilim ang paligid at pumatak ang malakas na ulan. "Kasalanan mo ito..." pag-ulit niya at matalas na tumingin siya sa akin. Kasingtalas iyon ng kidlat na gumuhit sa kalangitan sa kanyang likuran. "Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa aking ito, Hemira." Nanginginig ang kanyang tinig sa galit at basang-basa na kami pareho. Isang dagundong ng kulog ang umalingawngaw. "HINDING-HINDI KITA MAPAPATAWAD KAHIT KAILAN!" "Haaahhh!" pagsinghap ko ng hangin nang mapabalikwas ako ng gising. Habol na habol ko ang aking hininga at tagaktak ang aking pawis kahit na malamig na hangin naman ang humahampas sa akin. Napatingin ako sa aking paligid at ang madilim kong silid ang aking nasilayan. Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti at isang masamang panaginip lamang pala. Na hindi totoong nasa ganoong kalagayan si prinsesa Ceres ngayon. Habang kinakalma ko ang aking sarili ay nagulat ako nang biglang bumukas ang aking bintana. Malakas na hangin ang may gawa niyon at naririnig ko ang napakalakas na pagpatak ng ulan. Ang ampiyas niyon ay nararamdaman ko kaya naman tumayo ako mula sa aking higaan upang isara ang bintana. Isasara ko na iyon nang gumuhit ang isang kidlat. "Kasalanan mo ito..." "Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa aking ito, Hemira." "HINDING-HINDI KITA MAPAPATAWAD KAHIT KAILAN!" pagsagi sa aking isipan ng sinabi sa akin ni prinsesa Ceres sa aking panaginip. Natigilan lamang ako roon ngunit kasabay ng malakas na dagundong ng kulog ang isang desisyon na aking nabuo. Desisyon na dapat ay noon ko pa isinagawa. "Tayo na Nyebe at hanapin natin si prinsesa Ceres! Hiyaaahhh!" Sinipa ko ang tagiliran ni Nyebe. "NEHEEEEEE!" pag-ungol niya at nagsimula na siyang tumakbo nang mabilis paalis ng kanyang kuwadra kung saan ko siya natagpuan. Napakalakas ng ulan kaya hindi masyadong maririnig ang kanyang pagtakbo. Nakalabas na kami ng palasyo na walang nakapapansin dahil gumawa ako ng portal palabas. Basang-basa na ang baluting aking suot ngayon na kinuha ko lamang sa isang silid ng mga mandirigma at pati na si Nyebe ngunit hindi namin alintana iyon. Ang panaginip ko kanina. Siguradong isa na iyong pangitain na kailangan ko nang gumawa ng hakbang. Hakbang upang hanapin si prinsesa Ceres at pagpayapa sa damdamin ng mga tagaGemuria sa pagbabalik sa kanya ng ligtas. Ngunit kung totoo nga na ganoon na ang kalagayan ni prinsesa Ceres ngayon... Hindi ko alam kung mapatatawad ko ba ang aking sarili dahil ngayon ko lamang naisip na gawin ang bagay na ito. Kaya taos puso akong humihiling na sana ay hindi. Dahil ayokong danasin niya ang dinanas ko noon. Na nag-iisa sa ilalim ng malalakas na patak ng ulan at maingay na dagundong ng kulog. Nanginginig sa panlalamig at pagkagutom ngunit wala man lamang mahingian ng tulong. Walang kasinglungkot iyon. ~Tagapagsalaysay~ Naglalakad lamang si Euphemia sa isang pasilyo ng palasyo dahil siya'y naiinip sa kanyang pag-iisa sa bago niyang silid. Gaya ng sabi sa kanya ni Serafina ay binigyan nga siya ni Hemira ng silid na matutuluyan sa tulong ng hari. Maganda ang kanyang silid at kasing gara iyon ng silid nila Serafina. Patuloy lamang siya sa pagmumuni ngunit napatigil siya sa paglalakad nang marinig niyang unti-unti nang pumapatak ang ulan hanggang sa biglang bumuhos iyon ng lakas. Nanlaki ang kanyang mga mata at tumingin kaagad siya sa paligid kung mayroong tao ngunit wala siyang nakita. Nakabawas iyon ng takot na kanyang nararamdaman. Bakit ngayon pa umulan kung kailan lumabas ako ng aking silid?! guluming sabi niya sa kanyang isipan. Nagmadali na siyang maglakad at iginilid niyang mabuti ang kanyang sarili sa daan upang hindi siya maampiyasan ng ulan. Gilid na gilid siya na tila ba mayroon siyang kinatatakutan. "Euphemia, kaakit-akit kang tunay! Sa iyo na ang aking puso!" "Binibini, nakaaakit ang iyong kagandahan... Ano mang hingiin mo sa akin ay aking ibibigay." "Walang kasing kaakit-akit ang iyong taglay na kagandahan, diwata." Napakuyom ang kanyang mga kamao habang nasagi ang mga iyon sa kanyang isipan. "Kung alam lamang nila... ang aking sikreto. Siguradong hindi ko na muling maririnig na sabihin nila iyon sa akin." mahinang sabi niya sa kanyang sarili ngunit naramdaman niya ang paghampas sa kanya ng malakas na hangin na may kasamang ampiyas ng ulan. Pinigilan niyang mapatili sa pangyayaring iyon. Aligagang tumingin muli siya sa paligid upang masigurado muli na walang nakakakita sa kanya. Wala pa ring tao. Tiningnan niya ang kanyang sarili. Nangungulubot ang mga bahagi ng kanyang katawan na naampiyasan ng ulan. "Hindi maaari ito..." Mas malakas na hangin na may dalang malalaking butil ng ampiyas ng ulan ang humampas muli sa kanya ngunit kahit pinilit niyang iiwas ang kanyang sarili ay nabasa na siya niyon sa buong katawan. Nang mapatingin siya sa kanyang mga kamay ay napaurong siya sa isang nakasarang pinto at naglikha iyon ng tunog. Kulubot na ang kanyang mga kamay. Ang kanyang damit din na magara ay unti-unting naluma. Nanginginig ang kanyang mga kamay na hinawakan ang kanyang mukha. Nang madama niya ang kulubot niyang pisngi ay napasinghap siya habang nanlalaki ang mga mata. Hindi maaari ito! sigaw niya sa kanyang isipan ngunit biglang bumukas ang pinto na kanyang sinasandalan at awtomatikong napalingon naman siya sa nagbukas niyon. Liwanag ng isang gumuhit na kidlat ang nagbigay liwanag sa kanya at sa taong iyon. Nasilayan niya ang isang binata na mayroong puting-puting buhok na katulad niya ay namimilog ang mga mata sa pagkakakita sa isa't-isa. Katapusan ko na. Iyon ang tanging nasabi ng kanyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD