Hemira III 15

2678 Words
Hemira III 15 - Tunay na Kaibigan ~Hemira~ Nasa may tapat na kami ng pintuan ng isang silid ngayon at iyon ang silid ng aking inang reyna. Mukhang dito niya ako nais pahimbingin ngayong gabi. Hinarap niya sila Yohan. "Prinsipe Argyris at kayo na iba pang mga kaibigan ni Hemira, ipagpaumanhin ninyo ang naganap ngayong araw na ito. Ang nais namin ni Herman ay masaksihan n'yo ang masayang pagtatalaga kay Hemira at sa iyo, prinsipe bilang susunod na mga pinuno nitong Gemuria ngunit kabaligtaran niyon ang naganap. Hindi namin inakalang malalaman ng mga tao ang tungkol sa pagkawala ni Ceres." Napahingang malalim ang aking ina. "Iyon pa ang naging dahilan upang lalong sumiklab ang galit at pagtutol ng mga tagaGemuria kay Hemira bilang kanilang prinsesa," ani Kirion na isang leon pa rin ngayon. "Naku! Kung mahanap na talaga ng mga mandirigma ang prinsesa Ceres na iyon! Itatali ko ang kanyang mga paa upang hindi na siya makapaglayas!" gitil na sabi naman ni Aria. "Pagkatapos natin siyang iligtas noon, gagawa lamang siya ng problema na iyong papasanin Hemira! Ako'y labis talagang naiinis!" "Aria, hindi ko siya masisisi sa kanyang nagawang iyon. Napakaraming mabibigat na bagay ang nakapagtulak na gawin niya iyon." depensa ko para kay prinsesa Ceres. Humalukipkip lamang siya nang may pagtataray. "Basta! Ako'y naiinis sa kanya!" "Tama na nga yan." awat sa amin ni Yohan. "Magpahinga na kayo Hemira ni reyna Devora. Siguradong kailangang-kailangan n'yo 'yon lalo na at napakaraming hindi magagandang nangyari ngayong araw na 'to." Binuksan niya ang pinto ng silid sa aming harapan. "Pasok na po kayo, reyna Devora. Kayo na pong bahala na magpagaan sa loob ni Hemira." Napangiti naman reyna. "Salamat, Argyris. Sisiguraduhin ko na mahimbing ang tulog ng aking prinsesa ngayong gabi." Napangiti rin si Yohan at yumuko sa kanya. Pumasok na ang reyna sa loob ng kanyang silid. Bago ako pumasok ay nginitian ko muna sila Aria upang ipakita na wala silang dapat ipag-alala sa akin. Ngumiti rin naman sila ngunit may sumilip mula sa likuran ni Eugene sa akin. Nanlaki nang kaunti ang aking mga mata nang makilala kong si Euphemia iyon at ngumiti siya nang kaunti. Mukhang sinundan niya kami rito sa palasyo. Kakausapin ko sana siya upang alamin kung naging maayos ang kanyang kalagayan ngunit hinawakan ni Yohan ang aking braso kaya ako'y napatingin sa kanya. Nakatitig siya sa aking mga mata ngunit napahinga siya nang malalim. "Kalimutan mo na ang lahat ng masasamang nangyari ngayong araw na 'to." Mayroon siyang kinuha sa kanyang bulsa at isang panyo iyon. Pinunasan niya ang gilid ng aking noo. Siguradong may bahid pa rin ng dugo ko roon kahit na ginamot na ni Serafina ang sugat doon. "Ang dapat mo lang maalala, 'yung masaya. 'Yun 'yung sayaw natin kanina, naiintindihan mo ba?" Ang lapit ng mukha niya sa akin habang titig na titig siya sa aking mga mata. Nang aking maalala ang aming sayaw kanina ay naramdaman kong nag-init ang magkabila kong pisngi sa hiya sa kanya at ako'y napaurong nang kaunti. "O-oo... Sige..." Batid kong napansin niya ang aking pamumula. Napangiti naman siya nang malawak saka marahang ginulo ang aking buhok. "Good. Sige, pasok ka na sa loob. Pahinang mabuti ah." Kinindatan niya pa ako at ngumiti nang nakakaloko. Napangiti rin ako saka tumango sa kanya. Pumasok na ako sa loob ng silid ng aking ina. ~Yohan~ "Yohan!" Isang mahigpit na mahigpit na yakap agad ang sumalubong sa 'kin at halos patayin ako nitong isang 'to sa higpit ng yakap sa 'kin. "T-teka... E-euphemia... 'Di ako maka... makahinga... Haaahh!" Humigop agad ako ng hangin pagkabitaw na pagkabitaw niya sa 'kin. "Paumanhin Yohan! Masyado lamang akong nadala ng aking damdamin at pangungulila sa iyo!" pagsosorry niya sa 'kin habang nagpapanic. Mabuti na lang at nakalayo na kami sa kuwarto nila reyna Devora. Sigurado kasing mabubulabog sila sa ingay nitong si Euphemia. Nang makabawi na ako... "Pangungulila ka d'yan! Parang taon tayong hindi nagkita ah! Pero teka nga. Anong ginagawa mo rito? 'Di ba, nasa kontinente ka ng Zephyrus?" Nagpout lang siya. "Hindi mo ba muna ako ipakikilala sa iyong mga kaibigan?" Napatingin naman ako kina Kirion na kanina pa nanonood sa 'ming dalawa. Nakataas pa ang kilay sa 'kin ni Ariadne na nagtatanong kung sino 'tong si Euphemia. Napangiwi lang ako sa kanila. "Hehe. Guys, si Euphemia nga pala. Isa siyang diwata. Pang-akit ang mahika niya. Kasama namin siya ni Hemira n'ong nagpunta kami sa Nyelsa para ibalik ang alaala ni Hemira. 'Di ba, nakita mo na siya dati, Serafina?" tanong ko kay Serafina. Ngumiti naman siya at tumango. "Siya'y aking natatandaan." "Kung ganoon pala ay sila ang inyong mga dating kasamahan ni Hemira na iyong nabanggit sa akin dati." amazed na sabi ni Euphemia habang tinitingnan sila isa-isa. "Ngayong napakilala na kita, sabihin mo na kung anong ginagawa mo rito sa palasyo," sabi ko sa kanya kaya napatingin ulit siya sa 'kin at napasimangot pero nagpapacute pa rin. "Hindi mo na ba ako nais makita simula nang ako'y pinigtalan mo na ng pisi mula sa pagiging kabilang ko sa iyong mga diwata?" nagpapaawa effect pa siya. "Ginawa ko 'yon kasi marami na kayo masyado. Hindi na kaya ng mahika ko na tawagin kayo nang maayos kapag gano'n." "Ganoon ba?... Ngunit ngayon ay isa na muli akong diwatang walang tirahan. Magpapagala-gala na lamang muli ako sa kung saan-saan at wala man lamang akong mahihingian ng tulong kapag ako'y nasa panganib. Hindi ka ba naaawa sa isang katulad ko?" Nagsimula na naman siyang gumamit ng mahika niyang pangseduce at tumingin pa sa 'kin nang malagkit. Tinulak ko lang nang mahina 'yung mukha niya. "Huwag mong sabihing hihilingin mo sa 'kin na dito ka na lang sa palasyo titira." banta ko sa kanya. Ngumiti lang siya nang painosente. "Hihihi... Maaari ba?" Nginitian ko rin siya. "Hindi." Bumagsak naman ang balikat niya sa disappointment. "Ngunit Yohan!" "Hindi puwede! Maraming mga lalaki rito. Mga mandirigma, kawal at tagapagsilbi. Baka magulo mo sila sa mga trabaho nila dahil sa mahika mo. Isa pa, ikakasal na rin ako kay Hemira kaya hindi mo na ako puwedeng yakapin katulad kanina. Baka kung ano pang isipin ng mga makakakita sa 'tin." Kumapit na siya sa braso ko at inalog-alog pa ako. "Pakiusap Yohan... Magpapakabait ako. Hindi ko sila gagamitan ng aking mahika at pati na ikaw... Pipilitin ko na hindi ka akitin. Please..." Nagbeautiful eyes pa siya. Ginamit niya rin 'yung itinuro ko sa kanyang english word no'ng naglalakbay kami sa Zephyrus. Napahinga ako nang malalim at pagbabawalan ko pa rin siya rito dahil paniguradong hindi naman siya tutupad sa sinasabi niya... "Ayos lamang sa akin na dito ka muna." biglang sabi ni Eugene kaya napatingin kami lahat sa kanya. Ngumiti lang siya. 'Yung usual na ngiti niya pero hindi 'yun 'yung ngiti niya kapag nakikipaglandian siya sa mga babae. Sinaway ko siya gamit lang ang facial expressions ko pero huli na ang lahat dahil halatang natuwa naman si Euphemia sa pagpayag niya. "Kita mo Yohan! Pumayag ang isa sa iyong mga kasamahan! Cool!" galak na galak na sabi niya habang nagtatatalon pa. May biglang dumaan sa gilid namin na dalawang mga babaeng magagara ang damit at nag-uusap lang sila nang mapansin ko na nanginang ang mata ni Eugene nang mapansin din 'yung dalawa. Kumurap lang ako saglit nang biglang mawala sa puwesto niya si Eugene at sa bilis ng galaw niya, para siyang nagteleport do'n sa gitna n'ong dalawang babae. "Magandang gabi mga binibini, kayo ba ay naliligaw? Akin na kayong sasamahan at ihahatid sa tamang daan. Daan patungo sa aking puso." cornyng sabi niya na halos pangilabutan ako at naglakad na silang paalis habang nagtatatalak pa rin siya ng mga kamaisan niya ro'n sa dalawa. Napailing-iling na lang ako dahil sa babaerong 'yon pero napansin ko si Euphemia. Nakatulala lang siya ro'n sa direksyon nila Eugene at parang nagtataka siya. Miski ako nagtataka kung bakit hindi naaakit sa kanya si Eugene. Siguradong may gusto pa rin 'yung mokong na 'yon kay Hemira kaya gano'n. Nabaling naman ako kina Ariadne at Kirion nang maglakad na sila paalis. "Oy! Saan kayo pupunta?" tanong ko sa kanila. Nilingon ako ni Ariadne. "Sa aking silid. Wala na rin namang saysay ang nagaganap sa inyong pagitan." "Ako rin ay babalik na sa aking silid. Hindi ko matagalan ang amoy ng diwatang iyan. Masyadong masakit sa aking ilong iyon dahil mas malakas ang aking pang-amoy kaysa sa inyo," sabi naman ni Kirion. Napakamot naman ako ng ulo nang makaalis na sila. "Tsk. 'Yung dalawang 'yon talaga oh." nasabi ko na lang. "Diwata Euphemia, ayos lamang ba sa iyo na sa aking silid ka na lamang matulog ngayong gabi? Ngayon lamang naman dahil paniguradong bibigyan ka ni Hemira ng mas maayos na silid." narinig kong sabi ni Serafina kay Euphemia kaya napatingin ulit ako sa kanila. Napangiti naman nang malawak ang Allure Maiden na 'to. "Higit pa sa ayos iyon ngunit huwag mo na akong tawaging diwata. Euphemia na lamang. Serafina na lamang din ang itatawag ko sa iyo." Tumango naman si Serafina. Halatang nagkakasundo silang dalawa. "Halika na sa iyong silid upang makita ko na iyon. Pagod din ako sa napakahabang paglalakbay ko papunta rito mula Zephyrus." Excited na inakay paalis ni Euphemia si Serafina at bago pa tuluyang umalis ang diwatang 'yon, binelatan pa ako. Ngayon, ako na lang mag-isa rito... o hindi. "Marum, lumabas ka na d'yan. Alam kong kanina ka pa naghihintay ng pagkakataon na makausap ako," sabi ko at tumingin ako sa isang direksyon. Isang bulto ng tao ang lumabas sa gilid ng isang pader. Nasinagan ng ilaw ng sulo ang mukha niya at si Marum nga 'yon. Seryosong-seryoso ang mukha niya. Naglakad na siya palapit sa 'kin. "Totoo ba na nawawala si Ceres?" Tumigil siya sa harapan ko. Gusto kong bumuga ng hangin dahil mukhang hindi pa matatapos ang stress na pagdadaanan ko ngayong araw. "Totoo pero—" Bigla niya akong kinuwelyuhan nang mahigpit. Puno ng galit ang abong mga mata niya. "Kung ganoon ay totoo rin ba na may kinalaman ang Hemirang iyon sa kanyang pagkawala?!" Nangunot ang noo ko. Sa inis ko, marahas kong inalis ang pagkakahawak niya sa kuwelyo ko. "Isa ka pa! Ano bang pinagsasasabi n'yo?! Bakit ba kay Hemira n'yo binibintang 'yang bagay na 'yan?! Walang kinalaman si Hemira sa pagkawala niya! Naglayas si Ceres dahil paniguradong hindi niya matanggap ang lahat ng mga nalaman niya tungkol sa kanya! 'Yun 'yon!" Halatang nabigla siya sa sinabi ko. "S-siya'y naglayas?..." "Wala na ang mga damit niya sa kuwarto niya kaya siguradong naglayas siya." Kinakalma ko rin ang sarili ko dahil mukhang natauhan na siya. "D-dahil ba iyon sa... sa panlilinlang natin sa kanya?" Namamasa-masa na ang mga mata niya. "Isa 'yon sa dahilan panigurado." Nagulat ako nang bigla siyang tumakbo paalis. "Hoy! Marum! Saan ka pupunta?!" Lumingon siya nang kaunti habang natakbo. "Hahanapin ko siya! Hindi ko mapatatawad ang aking sarili kapag may masamang mangyari sa kanya!" Doon, nawala na siya sa paningin ko. ~Hemira~ "Anak, ika'y aking kukuwentuhan upang ikaw ay makatulog," wika ni Ina habang hinahaplos ang aking buhok. Magkatabi kami ngayon sa kanyang higaan. Hindi ako umimik at nakatingin lamang ako sa kanya dahil magkaharap kami ngayon ng higa. "Naaalala mo ba noong ika'y aking iniligtas sa bayan ng Krikor? Galing ako noon sa aking tirahan ngunit bago ako mapadaan sa bayang iyon, napadaan ako sa isang dalampasigan. Nakita ko ang isang katawan na naroroon lamang. Tila inanod iyon doon. Tumakas ako sa aking mga kawal upang alamin kung tama ang aking hinala. Hindi ko inakalang isang keledones ang katawan na iyon." kanyang pagsasalaysay. Nangunot ang aking noo. "Isang keledones?" Bigla kong naalala si Uriway. Nabanggit na sa akin ni Uriway noon na kakilala niya si Ina noon. "Ganoon na nga. Sugatan ang kanyang katawan at siya'y nag-aagaw buhay na. Nais ko siyang tulungan subalit marahas niyang tinanggihan ang aking tulong. Tandang-tanda ko ang naging usapan namin noon..." "Hindi ko kailangan ng iyong tulong! Mas nanaisin ko pang mamatay kaysa mabuhay na isang masama!" "Ikaw ba ang gumawa niyan sa iyong sarili? Upang kitilin ang iyong sariling buhay?" "Ang itim kong dugong ito ang may kasalanan ng lahat! Na kung bakit ang buong buhay ko ay kadiliman ang aking kinagisnan! Nang sabihin ko sa aking mga kalahi na nais kong kumawala sa kanila ay ganito ang aking sinapit sa kanilang mga kamay. Ni wala akong totoong pamilyang naituring sa kanila o tunay na kaibigan! Ang masaklap kong buhay na ito ay kailangan ko nang tapusin dahil ang pintuan din naman ng kamatayan ang aking papasukin!" "Sasaksakin niya na sana ng matulis na bato ang kanyang dibdib ngunit pinigilan ko siya. Doon ko naintindihan na nais niyang itakwil sa kanyang sarili ang kanyang pagiging masama. Na mabuti ang kanyang puso ngunit wala siyang maisip na paraan upang maalis ang masamang dugo na nananalaytay sa kanyang mga ugat." Humarap siya sa kisame at tila pinanood doon ang mga pangyayaring iyon. "Dahil sa pagpigil kong iyon sa kanya ay hinampas niya na ako ng kanyang buntot kaya ako'y napasigaw. Dahil doon ay natagpuan na ako ng aking mga bantay. Agad nila akong pinalayo sa kanya dahil siya'y mapanganib. Nais ko siyang tulungan ngunit ayaw niya. Doon ko na nabitawan ang mga salitang ito sa kanya..." "Ipinanganak ka sa lahi ng masama ngunit hindi ibig sabihin niyon ay dapat ka na ring magwakas na isang masama. Hindi mo na maiaalis ang iyong itim na dugo ngunit kaunti lamang ang bahid sa iyong puting puso. Bakit hindi mo subukang mamuhay gaya ng iyong nais? Na isang mabuti sa isip, salita at gawa nang ang iyong minimithing pagbabago ay makamtan mo na. Hindi pa huli ang lahat sa iyo, keledones. May magagawa ka pa upang baguhin ang iyong kapalaran... at sa aking tingin ay parte ako niyon. Hindi isang aksidente na napadpad ako rito. Ako'y dinala sa iyo ng tadhana upang tulungan kang makapagbago." Namangha ako nang labis sa sinabing iyon ni Ina. Ang mga salita ngang iyon ay lubos na makapagbibigay ng pag-asa sa isang nabubuhay na uhaw roon. "Doon ay ipinagamot ko siya sa isa sa mga maheyang manggagamot na aking kasama kahit na sila ay labis na tumutol. Naaalala ko pa rin ang aming naging huling usapan bago ko lisanin ang dalampasigang iyon." "Ano ang iyong dahilan upang tulungan ang isang mostro na katulad ko? Wala ka bang ninanais na kapalit?" "Dahil kinakailangan mo ang aking tulong at tama ka. Nais ko nga ng kapalit." "Hindi ko inaakalang magnanais ka ng kapalit gayong mukhang galing ka sa isang masaganang pamilya. Kung gayon ay ano ang iyong nais? Wala akong dalang mga kayamanang galing sa ilalim ng karagatang ito—" "Ang iyong maging kaibigan. Tunay na kaibigan." "Natigilan pa siya nang sabihin ko iyon." "Ngayong kaibigan na kita, ano ang iyong pangalan?" "Uriway at mula ako sa kaharian ng Parthenios. Ano naman ang sa iyo?" "Ako si Devora. Isa akong maharlika sa Gemuria." "Maharlika sa mataas na kahariang iyon?" "Tayo na po mahal na reyna. Baka mag-alala na po ang hari kapag kayo ay nagtagal pa na wala sa palasyo." "Nang malaman ni Uriway na ako ang reyna nitong Gemuria ay roon niya na ibinigay sa akin ang asul na perlas na ibinigay ko naman sa iyo upang kunin si Ariadne sa ilalim ng karagatan ng Syierian." Nakangiti niyang tinapos ang kanyang kuwento habang ako ay manghang-mangha pa rin sa kanya. "Kaya pala iyon ang nais ipasabi ni Uriway sa iyo ina," wika ko. Nangunot ang kanyang noo sa pagtataka. "Kilala mo si Uriway?" "Ganoon na nga po. Tinulungan niya ako sa Syierian. Binigyan niya ako ng asul na perlas nang mawalan ng bisa ang perlas na ibinigay mo sa akin ina. Ngayon ay natanggap na siya ng mga makara roon kahit na iba ang kanyang lahi." Napangiti siyang muli. "Kung gayon ay nasa Syierian na siya namumuhay ngayon... Mukhang nakamtan niya na nga ang kanyang ninanais. Ngunit ano nga pala ang nais niyang sabihin sa akin?" Ngumiti rin ako. "Maraming salamat sa iyong pagliligtas sa akin, Devora. Dadalhin ko habang buhay ang mga salitang iyong sinabi. Nakamarka na iyon sa aking puso... kaibigan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD