Hemira III 22

3420 Words
Hemira III 22 - Amok (Bayan ng Giles) ~Hemira~ Bumaba ako kay Nyebe at manghang pinagmasdan ang paligid. Namumukadkad ang mga bulaklak sa mga halaman at hitik na hitik sa bunga ang mga puno sa paligid. Kasiyahan at may buhay na ang nababakas sa mukha ng mga taong abala sa pag-aani ng mga halaman mula sa mga punong iyon. Pati ang kanilang mga tirahan, makikitang sinusubukan na nila muli iyong ayusin. Napangiti ako. Malaking pasasalamat at nakikita ko ang ganitong kasiyahan sa kanilang mga mukha. Nagbalik lamang naman ako rito upang siguruhin na maayos na ang kanilang kaligayan. Na mayroon na silang mga nakakain at hindi na sila nagpapakahirap na maghanap pa niyon sa kung saan-saan. Umihip ang hangin at napasasayaw niyon ang mahabang telang puti na aking suot sa aking likuran. Pinilas ko lamang ang sa harapan ng aking kasuotan upang hindi ako mahirapan na sumakay kay Nyebe. Naramdaman ko rin na lumuwag ang pagkakatali ng asul na tela na nakatabing sa kalahati ng aking mukha. Hinigpitan ko iyon nang kaunti upang hindi iyon matanggal nang madali dahil sa hangin. Bago ang telang ito dahil ang lumang aking ginagamit ay hindi ko mahanap sa aking lagan. Hindi ko na matandaan kung saan ko ba iyon nailagay. Napabalik ako sa aking sarili nang matanaw ko ang dalawang bata na nakaupo lamang sa lupa hindi kalayuan at kinukudkod nila ng bato ang dulo ng patpat na kanilang hawak. Isa ay babae at isa ay lalaki. Nausisa naman ako sa kanilang ginagawa dahil seryosong-seryoso sila roon. Hindi ko napigilan ang aking paglapit. "Kayril, ang batid ko ay ganito ang paggawa ng espada," sabi ng batang lalaki sa kalaro nitong Kayril ang pangalan. "Ngunit bakit hindi pa rin natin maihugis na espada ito Cyrus." Abalang-abala talaga sila. Kung gayon ay gumagawa pala sila ng kahoy na espada. Nanonood lamang ako sa kanila at nang mapansin nila ako ay napatigil sila sa kanilang pinagkakaabalahan at napatingala sa akin. "Binibining Hera?" sabay na tawag nila sa akin. Nagtaka ako. Paano nila ako nakilala gayong ang mga nakatatanda lamang naman ang nakasalamuha ko noong unang napadpad ako rito? Baka ikinuwento ako sa kanila ng kanilang mga magulang. "Nais n'yo bang gumawa ng espada?" tanong ko sa kanila. Tumango naman sila nang sabay. Napangiti ako at pasalampak na umupo sa tabi nila. "Bakit n'yo nais gumawa niyon?" tanong kong muli. Napuno ng determinasyon ang mukha ng batang si Cyrus. "Nais kong matutong makipaglaban gamit ang espada dahil nais kong protektahan ang bayang ito mula sa mga nais na salakayin itong muli." "Ganoon din ang aking nais!" segunda agad ni Kayril. "Ayoko nang masira pang muli ito dahil nalulungkot ang aking mga magulang. Kapag nangyari iyon ay aalis na naman palagi ang aking ama upang maghanap ng pagkain. Malulungkot din ang aking ina." Hindi ko naman inaasahan na marinig iyon mula sa kanila. Sa aking tingin ay nasa pito o walong taon pa lamang sila. Ipinagpatuloy nila ang kanilang ginagawa. Dahil sa mga nangyari, naapektuhan na ang kanilang mga iniisip. Sa ganitong edad ng normal na bata ay paglalaro pa lamang ang kanilang hinahangad ngunit sila ay hinahanda na ang sarili upang maging tagaprotekta ng kanilang bayan. Kung gayon ay dapat ko silang tulungan at turuan kung paano ang tamang pagsisimula sa bagay na iyon. Hinawakan ko ang kanilang balikat kaya sabay sila muling napatingin sa akin. Kinuha ko ang patpat na hawak ni Kayril. "Ako na ang gagawa dahil baka masaktan ninyo ang inyong sarili." "Marunong po ba kayo?" tanong niya. Nilabas ko ang aking punyal at ako'y ngumiti. "Hindi kayo mabibigo sa akin sa ganitong bagay." Ibinigay na rin sa akin ni Cyrus ang kanyang patpat upang ipagawa rin iyon sa akin. Sinimulan ko nang hugisan ang mga iyon gamit ang aking punyal. Ibinalik ito sa akin ni ginoong Sueret noong kausap namin siya sa isang silid tungkol sa aking mahika. Doon ay sinimulan ko nang gumawa ng kahoy na espada habang sila ay matiim na nanonood. Nang matapos ko nang gawin ang dalawang patpat na iyon ay naging hugis espada iyon ngunit sinigurado ko na hindi matalas ang mga gilid niyon upang hindi sila makapanakit ng iba o ng sarili nila. "Waaahhh... Ang ganda..." manghang sabi ni Kayril sa hawak niyang espadang kahoy. Nangingintab din ang mata ni Cyrus sa sapagkatuwa. "Mabuti naman at nasiyahan kayo sa aking ginawa." nakangiti kong sabi saka ako'y tumayo na. "Salamat po, binibining Hera! Napakabuti n'yo pong talaga gaya ng sabi sa amin ni ginoong Zar!" sabi ni Kayril at tumayo na rin sila. Iwinasiwas ni Cyrus sa ere ang kanyang espada. "Poprotektahan ko ang bayang ito laban sa masasama! Haaaahhh!" Nagtatalon siya na animo'y may kalaban sa hangin. "Hindi na kami papayag na masira itong muli!" segunda naman ni Kayril at itinaas lamang ang kanyang espada. Naaliw naman ako sa kanila. "Nais n'yo ba talagang matutong gumamit ng espada?" tanong ko. Napatigil naman sila at tumingin sa akin nang may pagkainteresado. "Maaari po ba, binibini?" tanong sa akin ni Cyrus. "Oo naman." Napatawa pa ako nang maikli dahil nakaaaliw nang labis ang kanilang reaksyon. "Maaari mo rin ba akong turuan, Hera?" tanong ng isang taong lumapit sa amin kaya ako'y napalingon. "Delbin!" masayang tawag ko sa kanya. Lumawak ang kanyang ngiti at napakamot lamang siya sa kanyang batok. "Kuya Delbin, bakit namumula ang iyong pisngi? May sakit ka ba?" nag-aalalang tanong ni Kayril sa kanya. Napahawak naman siya sa kanyang pisngi at tila nahiya. "Kung gayon, kayong tatlo ang magiging mag-aaral ko sa araw na ito." pagkuha ko sa kanilang atensyon. Sabay-sabay naman silang tumango at nabakas ang kasiyahan sa kanilang mga mukha. Umupo na sa lupa sila Kayril at Cyrus. Tumabi kay Kayril si Delbin at umupo rin ako kaharap nila. Huminga muna ako nang malalim. "Hindi ko kayo tuturuan kung paano magwasiwas ng espada. Ang ituturo ko sa inyo ay kung ano ba ang kailangan ninyo upang humawak ng ganoong klase ng bagay." Matiim naman silang nakikinig. "Tatlo ang kailangan n'yo upang masabi ninyo sa inyong sarili na handa na kayong humawak ng espada. Una ay ang motibasyon. Ano ba ang bagay o dahilan na nagtutulak sa inyo upang magnais gumamit ng bagay na iyon? Nais n'yo lamang ba iyon upang kayo'y makilala at katakutan o mayroon kayong nais protektahan?" "Nais naming protektahan itong aming bayan, binibini!" malakas na sigaw ni Cyrus at puno iyon ng katapangan. Pagtango naman bilang pagsang-ayon ang nakuha niya mula sa dalawa niyang kasama. Tumango-tango ako. "Ikalawa ay ang inyong limitasyon." "Limitasyon?" sabay-sabay na tanong nila. "Tama. Nararapat na batid ninyo ang inyong kakayahan at limitasyon. Sige at kayo'y aking tatanungin isa-isa. Ano ang inyong gagawin kung sakaling may manalakay muli sa bayang ito?" Tumingin ako kay Kayril. "Kakalabanin ko sila!" matapang niyang sagot. Tumingin naman ako kay Cyrus. "Haharapin ko sila at sisiguraduhin kong wala silang masisira miski kahit ano sa lugar na ito!" sigaw niyang muli. Alam ko na iyon ang kanyang magiging sagot. Si Delbin naman ang aking binalingan. Nag-iwas kaagad siya ng kanyang tingin at napakamot lamang sa kanyang batok. "Ahh... Ang aking gagawin ay... Siguro ay itatakas ko agad ang aking ama at pupunta kami sa isang ligtas na lugar katulad ng lagi niyang itinuturo sa akin." "Pagiging duwag naman iyon, kuya Delbin!" sigaw sa kanya ni Cyrus. Mas lalo namang nahiya ang bilugang binatilyo dahil sa itinawag nito sa kanya. "Mga bata, kayo'y makinig sa akin. Ang may pinakatamang sagot ay si Delbin. Nanlaki namang sabay-sabay ang kanilang mga mata sa hindi pagkapaniwala. "Ano po?!" sabay-sabay nilang tanong. "Batid ni Delbin na kahit magtuto siya ng espada ngayo'y hindi siya mananaig sa mga kalaban. Naging matalino siya sa kanyang buhay dahil niligtas niya iyon pati na sa kanyang magulang." Namulang muli ang pisngi ni Delbin sa pagpuri ko sa kanya. "Ngunit hindi pa rin po iyon tama! Paano na ang aming bayan?! Ngayon na nagkakaroon na muli ito ng buhay!" hindi pagsang-ayon ni Kayril. "Ang ating bayan ay masisira ngunit maiaayos pa rin natin ngunit ang ating buhay, kapag nalagot na ay wala nang pag-asa pang maibalik iyong muli," wika ni Delbin sa kanila. "Iyon ang turo sa akin ng aking ama at naiintindihan ko ang ibig niyang sabihin." dagdag pa niya. Natahimik naman ang dalawang bata at halatang napaisip. "Ang masasabi ko lamang, kung may kaguluhang magaganap muli rito, huwag na huwag kayong susugod lalo na kayong dalawa, Cyrus at Kayril. Nararapat na iligtas ninyo ang inyong sarili katulad ni Delbin at tumungo sa ligtas na lugar nang sa ganoon ay patuloy kayong mabuhay at makapagsanay. Kapag hinog na ang inyong mga edad at bihasa nang tunay, maaari na kayong gumamit ng espada sa isang tunay na labanan... ngunit nararapat na nasa inyo ang pinakahuli na aking ituturo." "Pinakahuli?" usisang tanong ni Kayril. Usisang-usisa na rin sila Cyrus. Ngumiti ako. "Hanggang dito na lamang ang aking pagtuturo sa inyo sa araw na ito. Saka na ang iba pa kapag napadaang muli ako rito." Tumayo na ako. Halata ang pagkadismaya sa kanilang tatlo. "Ngunit binibining Hera, sabihin n'yo na sa amin ang pinakahuli." Kumapit sa aking damit si Kayril at humihiling ang kanyang mga mata na sabihin ko na ang nais niyang malaman. "Sa aking tingin ay hindi pa kayo handa para malaman iyon. Huwag kayong mag-alala, sa lilipas na panahon ay kayo rin ang makatutuklas sa bagay na iyon. Hiling ko ay sana'y magbago ang inyong isipan sa pagnanais na gumamit ng espada sa panahong iyon." Nginitian ko sila at hinaplos ko ang ulo ng dismayadong si Kayril. Napatingin naman si Cyrus sa kanyang kahoy na espada. Batid kong marami na ang tanong na pumapasok sa kanyang isipan ngunit hindi ko pa maaaring banggitin sa kanila ang pinakahuli nilang kailangan sa paggamit ng espada. Hindi ko kayang sabihin sa kanila na ang kanilang huling kailangan ay ang kahandaan. Pagkahanda na matilamsikan ng dugo ng kanilang kalaban. Sa madaling salita, kahandaan na pumaslang... na sana'y kapag nalaman nila ay huwag na nilang naisin pang gumamit ng espada. "Hera?" Napabalik ako sa aking sarili nang marinig ko ang pamilyar na tinig na iyon. Napatingin ako sa paligid at nakita ko ang papalapit na si ginoong Zar sa amin. Bakas ang hindi pagkapaniwala sa kanyang mukha. Siguradong hindi niya inaasahan na makita akong muli rito sa kanilang bayan. Ako'y ngumiti na paniguradong mapapansin sa aking mga mata. "Nagkita tayong muli, ginoong Zar." *—-*—-* "Isang malaking karangalan na mabisita kaming muli ng isang napakalakas na maheyang katulad mo rito sa aba naming bayan, Hera." Nakangiti si ginoong Zar at bakas sa kanya na masaya talaga siyang makita akong muli rito sa kanilang bayan. "Isa lamang akong abang manlalakbay. Napadpad ako ritong muli dahil nais kong tingnan kung hanggang ngayon ay naghahanap pa rin kayo ng makakain sa iba't-ibang lugar. Mabuti at nagtanim na kayong muli at inayos na ang inyong mga tahanan." Nagmaaang-maangan ako ukol sa mga pananim. Hindi naalis ang kanyang ngiti. "Hindi kami ang nagtanim ng mga pananim na iyon ngunit kung sino man ang napakabuti at busilak ang loob na gumawa niyon para sa amin ay hindi mapapatid ang pasasalamat namin para sa kanya." Nakatitig lamang ang nakangiti niyang mga mata sa akin ngunit nang tila may maalala. "Oo nga pala Hera, nais mo bang sumalo sa amin? Mamayang ikapito ng gabi ay magkakaroon kami ng salu-salo." Ako'y nag-alinlangan. "Paumanhin ginoo kung ako'y tatanggi sa iyong alok. Naisin ko man na dumito muna ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matagpuan ang aking hinahanap. Napakaimportante talaga sa akin niyon at nadagdagan pa iyon ng isa pang bagay na nangangailangan din ng aking pagmamadali. Sana ay hindi mo masamain ang hindi ko pagpayag na sumama sa inyong salu-salo." magalang kong pagtanggi. Tumango-tango siya. "Ayos lamang Hera. Ang pagbisita mo lamang muli ay labis labis nang pagpapakita mo ng pagmamahal sa bayan naming ito. Kung may oras kang muli ay sana'y rito ka muli dalhin ng iyong mga paa." "Maraming salamat ginoo. Makakaasa kayo sa muli kong pagbisita." "Mas labis akong nagpapasalamat sa iyo... Hera." Ngumiti siya at napakaraming gustong sabihin ng kanyang tingin ngunit pinili na lamang niya ang ngumiti sa akin. ~Tagapagsalaysay~ Nasa tapat lamang ng isang pinto si Serafina. Nakatayo lamang siya roon at mahigpit ang hawak niya sa isang maliit na bote na naglalaman ng berdeng likido. Ikalabing tatlo. Iyon na ang ikalabing tatlong gamot na kanyang ginawa upang malunasan ang mga mata ng liomeang si Kirion at labis niyang hinihiling na iyon na talaga sana ang makapagpagaling dito. Ang huling pagsubok niya na gamutin ito ay hindi naging maganda. Hindi na siya nito nais papasukin sa silid nito at hindi naman niya ito masisisi na nagawa siyang saktan nito. Batid niya na labis-labis niya na itong nasasaktan sa pagpapaasa nang paulit-ulit dito. Hinawakan niya bukasan ng pinto na iyon ngunit hindi niya iyon magawang ipihit. Hindi niya mapigilang makaramdam ng takot. Kapag naaalala niya kung gaano ito kabangis at nagawa siyang saktan ay dumadaloy ang takot sa kanyang katawan. Alam niya kung gaano ito kabuting nabubuhay ngunit napapansin niya na may kakaiba na rito. Ipinilig niya ang kanyang ulo upang alisin ang mga boses na pumipigil sa kanya upang buksan ang pinto. Huminga siya nang napakalalim. "Mabuting nabubuhay si Kirion. Siguradong nadala lamang siya ng kanyang damdamin kaya niya nagawa sa akin iyon noon. Ngayon ay sisiguraduhin ko na malulunasan ko na talaga siya gamit ang ginawa kong ito." kausap niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa maliit na boteng kanyang hawak. Binuksan na niya ang pinto at papalabas ang pagbukas niyon. Umurong siya upang tuluyan niya iyong mabuksan nang bigla na lamang isang malakas na puwersa ang tuluyang nakapagbukas doon. Sumalpok iyon sa kanya kaya siya'y napahiga sa sahig. Malakas na pagbagsak din ng pintong natanggal sa pagkakakabit sa pader ang umalingawngaw. "Aray..." reklamo niya dahil sa nasaktan niyang likuran. Bumangon siya subalit napansin niya ang tumatakbong papalayo na isang nabubuhay. Nang makilala kung sino iyon ay siya'y naalarma. "Kirion!" tawag niya sa tumatakbong nemean. Tila wala ito sa sarili dahil sa bigla-bigla na lamang nitong paglabas sa silid nito. "GAAAAAAAAAAARRRR!" malakas na atungal nito. Napalalaki ng mga patusok na bakal sa katawan nito at kung may mabubunggo itong mga tao sa palasyo ay tiyak na makapapaslang ito. Pinilit niyang tumayo upang habulin ito ngunit pagtuon niya sa sahig ng kanyang palad ay napapitlag siya sa hapdi niyon. Napatingin siya sa kanyang palad at may bubog na nakatusok doon. Halos gumuho ang kanyang mundo nang makitang ang natuunan niya sa sahig ay ang nabasag na boteng naglalaman ng kanyang lunas. Kahit na hinayang na hinayang ay hindi niya na muna inintindi iyon at sinubukang sundan ang wala sa sariling si Kirion. ~Hemira~ Kababalik ko lamang ng palasyo galing Giles at papasok na ako ng unang malaking pinto niyon. Pagkatapos naming mag-usap ni ginoong Zar ay sinabi niya na mas nakabubuting lisanin ko ang lugar na iyon na hindi na nagpapaalam kina Delbin. Batid niya na mahihirapan akong magpaalam sa mga ito kaya iyon ang kanyang ninais na aking gawin. Siya na lamang daw ang kakausap sa mga ito at magpapaalam para sa akin. Bago ako tuluyang makabalik dito ay dumaan muna ako ng ilang mga bayan upang magbakasakali na matagpuan si prinsesa Ceres. Nagtanong-tanong din ako ng mga lunas para kay Kirion at nakabili ako ng ilang mga klase ng dahon. Tutungo kaagad ako kay Serafina upang ibigay sa kanya ang mga ito. Nang tuluyan na akong makapasok ay napansin ko na tila mayroong kaguluhan. Nagtatakbuhan papasok ng ikalawang malaking pinto ang mga mandirigma at kawal. Dahil hindi maganda ang aking kutob ay tumakbo rin ako upang alamin kung ano ang nangyayari sa loob ng palasyo. Hindi kaya sinasalakay ang palasyo? Hindi ko inakalang gagawa kaagad ng pagsalakay si Handro. Habang tumatakbo ako ay namataan ko ang tumatakbo ring papasok na si Abun. Mukhang nakabalik na siya ng palasyo galing sa paghahanap kay prinsesa Ceres. Pagkapasok ko ay isang napakalakas na atungal kaagad ang bumungad sa akin. "Kirion?" sambit ko sa pangalan ni Kirion dahil sa kanyang tinig iyon. Nagmula ang kanyang atungal sa gitna ng kumpulan ng mga mandirigma na nakapaikot. Biglang may lumapit sa akin at si Serafina iyon. Siya'y hangos na hangos. "H-hemira... Si Kirion... Siya'y nag-aamok!" Nanlaki ang aking mga mata. "Ano?!" Hindi ako labis makapaniwala. Tumakbo kaagad ako papunta sa kumpulan at kasunod ko lamang siya. Naramdaman ko na siya'y sumanib sa akin. Doon ko na nagawang makalipad. Nang marating ko na ang gitna ng kumpulan ay nakita ko na ang sinasabi ni Serafinang nag-aamok na si Kirion. Nasa anyo siyang nemean at nangunot ang aking noo dahil nakaguhit sa kanyang katawan ang mga itim na ugat. Nagmumula iyon sa kanyang mga mata. Lumabas na sa akin si Serafina. "Ano ba ang nangyayari sa iyo Kirion?..." mahina niyang tanong. "Hindi ako papayag na saktan ninyo ang mga taong naninirahan dito! Hindi kayo magtatagumpay mga masasama! GAAAAAAAAAARRRR!" Nanghagad ang nemean at nakita kong ang hinahagad niya ay si Yohan at ibang mga maheyang kasama nito. Napaurong naman ang mga ito. Kasama niya rin sila Seth, David, Zetes at naroroon na rin si Abun. "Kirion! Ano bang nangyayari sa 'yo?! Kami 'to! Hindi kami mga kalaban!" sigaw sa kanya ni Yohan. "Tumahimik ka! Kahit na ako'y isang bulag ay hindi ninyo mabibilog ang aking ulo! Kampon ka ni Abellona!" angil niya rito. Nanghahagad na naman siya at hindi naman magawa nila Yohan na siya'y gamitan ng mahika at saktan. "Kirion!" tawag ko sa kanya at siya'y napabaling sa akin. Siya'y lalapitan ko sana ngunit dalawang kamay ang sabay na humawak sa aking braso upang ako ay pigilan. Napatingin ako kung sino ang mga iyon. Si Serafina at Eugene iyon. Kararating lamang ni Eugene at habol niya ang kanyang hininga. "Huwag ka munang lumapit Hemira. Wala sa kanyang sarili si Kirion." babala sa akin ni Serafina. "Ngunit—" "Tama si Serafina. Paniguradong mayroong kakaibang nangyayari kay Kirion kaya siya nagkakaganyan at isang bagay ang nakatitiyak tayo. Kaya niyang saktan ang kahit sino sa atin dahil sa kawalan niya sa kanyang sarili." seryosong sabi naman ni Eugene. "Ano ba ang nangyayari sa kanya? Bakit siya nagkakaganyan?" Nalilito kong tanong. Huli kong bisita sa silid ni Kirion ay maayos naman ang kanyang kalagayan. "Gagamitin ko sana sa kanya ang lunas na aking nagawa ngunit pagkabukas ko ng pinto ng kanyang silid ay bigla na lamang siyang lumabas. Nagtatatakbo na siyang palayo at dito ko na siya naabutang nag-aamok." paliwanag ni Serafina. Hindi ko pa rin maintindihan kung ano ba ang tunay na nangyayari kay Kirion. "Hemira?..." tawag sa akin ni Kirion kaya nakuha niya ang aking atensyon. Nakapaling ang kanyang ulo sa aming direksyon ngunit ang kanyang mga mata, nakamulat na iyon subalit may lumalabas na itim na mahika roon. "Naaaninag na kita. Alam kong ikaw iyan Hemira..." natutuwa niyang sabi. "Ano ang itim na mahikang iyon sa kanyang mga mata?" tanong ko kay Serafina. Tila ang itim na mahikang iyon ang nagiging dahilan ng pagkawala sa sarili ni Kirion. "Hindi ko rin batid Hemira ngunit sigurado naman ako na hindi iyan resulta ng aking mga lunas dahil mabuting mahika ang aking gamit." "Abellona! Bitiwan mo si Hemira! GAAAAAAAAARRR!" malakas na atungal ni Kirion at pasugod na sa amin. Sa aking tingin ay si Serafina ang kanyang aatakihin na inaakala niyang si Abellona. Nagsigawan ang ilang mga tagapagsilbing nakikinood at nagtakbuhan sila paalis. "CLUPEUM!" sigaw ko at naging malaking kalasag si Eugene na iniharang ko sa amin ng niyakap kong si Serafina. Ilang sandali ay walang sumalpok na kahit ano kay Eugene. Ibinibaba ko siya upang tingnan kung anong nangyari kay Kirion. "GAAAAAAAAAARRRR! Pakawalan n'yo ako!" pagkukumahog niya sa loob ng isang lambat na mukhang isinaklob sa kanya ng mga maheyang nalipad sa ere. Isa na roon si Yohan. "Pakawalan n'yo ako! Ililigtas ko si Hemira mula sa iyo Abellona! Hindi ka magtatagumpay na siya'y paslangin!" pagwawala pa rin ni Kirion dahil sa isang delusyon. Pansin ko na paliit nang paliit ang lambat na iyon. Mayroon iyong mahika. Ilang sandali lamang ay natahimik siya sa panghihina sa loob niyon at doon ay nagliwanag siya hudyat ng pagbalik niya sa kanyang pagiging liosalfar. Tuluyan ding lumiit ang lambat. "Kirion!" Agad akong tumakbo papunta sa kanya kasabay si Serafina at ang nagbalik anyong taong si Eugene. Inalis ko sa kanya ang maliit ng lambat at naluha ako sa kanyang kalagayan. Puno ng galos ang kanyang katawan at may kumawalang mga luha mula sa kanyang mga mata. Siya'y idiniit ko sa aking pisngi at ako'y napapikit sa pagkaawa sa kanya. "Kirion..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD