Hemira III 23 - Posyon laban sa Posyon
(Sa silid ni Hemira)
~Hemira~
"Ano ba ang tunay na nangyayari kay Kirion? Bakit bigla-bigla na lang siyang nagwala tapos sigaw pa siya ng sigaw sa pangalan ni Abellona? Sabi niya pa na naaaninag ka na niya Hemira." puno ng pagtatakang sabi ni Yohan.
Nakatayo lamang siya at nakasandal sa pader malapit sa bintana ng aking silid na ito.
"Ang tanging nasaksihan ko lamang talaga ay ang bigla na lamang niyang paglabas sa kanyang silid. Hindi ko batid kung ano ba ang nangyari bago iyon." paliwanag naman ng katabi kong si Serafina.
Nakaupo kami sa gilid ng aking higaan at siya'y nakayuko lamang.
Nakatitig ako sa hawak kong maliit na bote.
Laman niyon ay ang walang malay na liosalfar na si Kirion.
Nilagay siya sa loob upang hindi siya makapag-anyong nemean muli ngunit duda ko na ang ganitong bote lamang ang makapipigil sa kanya upang magawa ang bagay na iyon kaya upang makasigurado ay nilagyan ng mahika ang boteng ito upang siya'y patuloy na pahimbingin nang sa gayon ay hindi siya makapag-amok. Nakahihinga rin siya sa loob dahil sa mahikang iyon.
"Ano nga ba ang tunay na nangyayari sa liomeang iyan?" mataray na tanong naman ni Aria na nasa kabila kong tabi. "Pansin ko na masyado siyang sensitibo nitong mga nakaraan. Hindi kaya siya ay nasisiraan na ng bait?"
Pinandilatan naman siya ni Yohan upang sawayin para sa kalagayan ni Kirion.
Binelatan lamang naman siya nito.
"Nakita n'yo ba ang nangyari sa kanyang mga mata kanina?" tanong ko sa kanila habang nakatitig sa bote na naglalaman kay Kirion.
"Nakita ko iyon. Itim na mahika iyon." seryosong sabi ni Eugene.
"Napakaimposible namang kay Serafina manggaling 'yung itim na mahikang 'yon," sabi naman ni Yohan.
"Batid ko kung ano ang tunay na nangyayari kay Kirion," sabi ng isang tinig ng batang babae kaya napabaling kami ng tingin sa batang nakasilip sa pinto.
Pamilyar siya sa akin.
"Dayna?" sabay na tawag sa kanya ni Eugene at Serafina.
Lumapit siya sa amin at sa akin humarap. Nakatitig siya sa boteng naglalaman kay Kirion na aking hawak.
"Hindi ko inaakalang magkakatotoo pa rin ang nais ni Abellona..." wala sa sarili niyang wika.
Nanlaki ang aking mga mata nang mabanggit niya ang pangalan ni Abellona.
"Sandali nga lamang. Sino ka ba bata at ano ang iyong nalalaman?" ngunot ang noong tanong sa kanya ni Aria.
"Kabilang ako sa huling lahi ng mga asas katulad ni umbo Serafina at iniligtas ako noon ni Kirion mula sa Abellon." sagot naman niya ngunit hindi naaalis ang tingin niya kay Kirion.
Hinawakan ni Serafina ang kanyang munting kamay. "Dayna, sabi mo na batid mo ang nangyayari kay Kirion. Maaari mo bang sabihin sa amin iyon?"
Siya'y tumango. "Bago ako iligtas ni Kirion mula sa kamay ng babaeng gagambang bumihag sa akin, sinubukan kong tumakas at nagawa ko iyon. Pinilit kong makatakas sa lugar na iyon ngunit sa isang silid ako napadpad... at iyon ang silid ni Abellona." Takot na ang nabakas sa kanyang mukha. "Bago ako mabihag muli ay doon ko nasaksihan ang pagsasalin niya sa bote ng posyong ibinuhos niya sa mga mata ni Kirion. Narinig ko mula sa kanya na bubulagin ng likidong iyon ang kung sinumang mabuhusan niyon at ginawa niya para sa iyo iyon... prinsesa Hemira." Tumingin siya nang deretso sa akin.
Tila may dumagok sa akin dahil sa nabatid kong iyon.
Kung gayon ay para sa akin pala talaga ang posyong iyon ngunit napilitan lamang siyang gamitin iyon kay Kirion.
At ang panaginip ko noon... Pangitain pala iyon ukol dito.
"Habang tumatagal at tumitindi ang pagnanais ng nabuhusan niyon na makakitang muli, roon na lalakas at titibay ang tunay na epekto ng posyon." pagpapatuloy niya. "Babalutin na ng kasamaan at karahasan ang isipan ng nabubuhay na iyon. Mawawala ito sa katinuan hanggang sa tuluyan na itong maging masama ang katauhan."
Napasinghap si Serafina at kami naman ay natigagal dahil sa kanyang mga isiniwalat.
Napakaraming tanong na nais kumawala sa aking bibig ngunit hindi makalabas dahil sa aking sapagkatigagal.
"I-ibig sabihin pala ay walang silbi ang lunas na aking mga ginawa? Dahil hindi pagkabulag ang kanyang natamo kundi isang sumpa?" tanong ng tigagal na si Serafina.
Napayuko lamang si Dayna at nakuyom ang mga kamao. "Akala ko ay hindi magaganap iyon kay Kirion dahil ginagawa mo siya ng lunas umbo Serafina ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya gumagaling. At sa kasamaang palad ay unti-unti nang natutupad ang nais ni Abellona na mangyari sa kanya." Naluluha na siya ngunit pinahid niya lamang iyon ng likod ng kanyang kamay subalit sa huli ay tuluyan na siya umiyak.
Hindi ko naman napigilan na siya'y yakapin upang patahanin. "Munting binibini, huwag kang lumuha. Hayaan mo sa amin ang bagay na ito dahil makahahanap din kami ng solusyon para rito. Pagagalingin namin si Kirion kahit na anong hirap pa ang kailangan naming suungin."
"At sisimulan ko na ngayon," sabi ni Yohan kaya napatingin kami sa kanya.
"Shrine Maiden! I humbly summon thee! Aedis release!" pagtawag niya sa diwatang si Aedis.
Nagliwanag siya at nang mawala ang liwanag ng kanyang mahika ay nasa tabi niya na ang diwatang kanyang tinawag.
Yumuko muna ito sa kanya bilang pagbibigay galang. "Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo, prinsipe."
"Aedis, kailangang-kailangan namin ang tulong mo. Tanggalin mo kay Kirion 'yung sumpang ibinigay sa kanya ni Abellona. Ilang beses na siyang sinubukang pagalingin ni Serafina pero hindi naman pala talaga puwede dahil sumpa ang nasa kanya kaya ikaw ang pumasok sa isip ko na makakatulong sa kanya." paliwanag ni Yohan.
Siya'y tumango at humarap na siya sa amin saka lumapit sa akin.
Binigyan naman siya ng daan ni Dayna.
Yumuko rin siya sa akin. "Ikinalulugod kong makita kang muli, prinsesa Hemira."
"Salamat, Aedis." Ngumiti ako at iniangat niya na ang kanyang mukha saka tumingin sa boteng hawak ko.
"Iyan ba ang inyong kaibigang isinumpa ni Abellona?"
Tumango ako. "Bakit gumagana pa rin sa kanya ang sumpa gayong patay na ang mangkukulam na iyon?" tanong ko.
Ibinigay ko sa kanya ang bote at dalawang kamay niyang tinanggap iyon mula sa akin.
Nakatitig lamang siya sa laman niyong si Kirion. "Ang sumpa ng isang malakas na mangkukulam ay may sariling buhay. Kahit na wala ng buhay si Abellona na gumawa niyon ay gumagana pa rin ito. Habang nakakapit ito sa mga mata nitong si Kirion ay hindi ito maiwawaksi hangga't hindi naisasakatuparan ang nais ng gumawa sa sumpang ito." Nang buksan niya ang takip niyon ay kaagad niya rin iyong isinara.
Nanlaki ang kanyang mga mata at tila mawawalan ng balanse sa pagkahilo kaya naman agad akong tumayo upang alalayan siya.
Naalarma rin sila Yohan kaya napalapit sila sa amin ni Eugene.
"Ano ang nangyari sa iyo, Aedis? Ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong ko sa kanya.
Tumango-tango siya. "A-ayos lamang ako... prinsesa. Salamat..." Mabilis ang kanyang paghinga ngunit mukhang kaya niya nang tumayo mag-isa kaya naman siya'y akin nang binitawan.
"Anong problema Aedis? Ba't bigla mo agad isinara 'yung bote?" tanong sa kanya ni Yohan.
"Napakabagsik ng sumpang nakalagay sa kanya prinsipe. Kakaunti lamang ang nalanghap ko nang buksan ko ang boteng ito ngunit matindi na agad ang naging epekto nito sa akin." May takot ang pagtitig niya sa boteng kanyang hawak.
Nangunot ang noo ni Aria. "Ngunit paano na iyan? Ikaw na lamang ang mahihingian namin ng tulong para kay iyakin ngunit hindi mo pa rin pala kami matutulungan. Mukha ka pa namang malakas ngunit nagkamali lamang pala ako sa iyong kakayahan."
"Ariadne! Tumigil ka nga! Huwag kang magsalita nang ganyan kay Aedis!" saway sa kanya ni Yohan.
mataray niyang saad.
"Katotohanan naman ang aking winika!" sagot naman nito sa kanya.
Mukhang magsisimula muli sila ng isang mainit na pagtatalo.
"Kayong dalawa, tama na iyan." Pumagitan na sa kanila si Eugene.
"Mayroon akong dalawang paraan upang mapakawalan na natin sa sumpa ng pulang mangkukulam na iyon ang liosalfar na ito," wika ni Aedis kaya naman napatigil sila Aria at Yohan sa pagtatalo.
Napabalik din kay Aedis ang aking atensyon.
"Ano ang mga iyon, diwata?" Nagkaroon muli ng pag-asa sa mga mata ng batang si Dayna.
"Una ay gagamitin ko ang aking mahika upang linisin ang itim na mahikang nasa kanya ngunit maliit lamang ang tsansa na ako'y magtagumpay na magawa iyon. At kung ako ay mabigo ay maaaring sa akin at sa lahat sa inyo kumalat ang mabagsik na sumpang ito."
Walang nakaimik dahil sa kanyang sinabi.
"Sa ating lahat?" tanong ni Aria.
Tumango-tango siya.
"Ano ang ikalawang paraan?" tanong ko naman.
"Ang ikalawa ay batid kong may iba pa talagang paraan upang mapakawalan si Kirion bukod sa paglilinis ng sumpang nakakapit sa kanya. Mayroong mga impormasyon na siguradong sa mga libro nakatala at malaki ang magiging tulong sa inyo." Ibinalik na sa akin ni Aedis ang bote ni Kirion.
"Tama! Mga libro!" tuwang-tuwang sabi ni Yohan. "May malaki pa namang library dito sa palasyo! Baka may mga spells na pwedeng magpakawala kay Kirion na nakasulat sa mga 'yon! 'Yun na lang ang gawin natin kaysa r'on sa una na hindi naman tayo nakasisigurado."
"Sa mga lumang-lumang libro kayo maghanap dahil paniguradong doon ninyo matatagpuan ang sagot na inyong hinahanap." dagdag pa ni Aedis.
"Salamat Aedis. Napakalaking tulong ng impormasyon na ibinahagi mo sa amin." pagpapasalamat ko sa kanya.
"Patawarin n'yo ako prinsesa kung hanggang doon lamang ang nalaman ninyo mula sa akin. Sa mga mahika ako bihasa at hindi ko inakalang mayroong mangangailangan ng aking tulong para sa mababagsik na posyon. Lubos akong humihingi ng kapatawaran sa aking kahinaan." Yumuko siya nang mapaumanhin.
Tinapik-tapik ni Yohan ang kanyang balikat kaya napaangat na siya ng kanyang mukha.
Nakangiti ito sa kanya. "Hindi ka mahina Aedis. Gaya ng sabi ni Hemira, sobrang laki ng naitulong sa 'min ng impormasyon sinabi mo. Salamat nang sobra. Kamusta na nga pala sila Gining Lydia at 'yong pasaway niyang anak na si Mariyam?"
Napangiti na si Aedis. "Ayos lamang sila. Kasalukuyan silang nakikituloy sa aming templo. Nagsasanay na si Mariyam upang sumunod sa aking yapak at kasundo niya ang kanyang mga kamag-aral."
"Mabuti naman at talagang mayroon ng mahikang tinututo si Mariyam," natutuwa kong sabi.
"Isa siyang masigasig na mag-aaral at paniguradong mas magiging malakas pa siya kaysa sa akin. Masaya rin sila sa isa't isa ng kanyang ina."
"Yohan!"
Nagulat kami nang biglang bumalibag ng bukas ang pinto at pumasok doon ang humahangos na si Euphemia.
Nang makita si Yohan ay kaagad siyang tumakbo papunta rito at ito'y kanyang niyakap. "Mabuti at ligtas ka! Sabi nila'y isa ka sa mga humuli sa nag-aamok na leomeang inyong kaibigan!" nag-aalala niyang sabi.
Napabuga lang nang hangin si Yohan. "Wrong timing na naman ang entrance mo Euphemia."
Napahiwalay ito sa kanya. "Hah?" nagtataka nitong tanong dahil sa ibang salitang kanyang ginamit.
"Ako'y magpapaalam na prinsipe at prinsesa, sa inyo rin na kanilang mga kaibigan. Ako'y babalik na sa aming templo. Sana ay mapagtagumpayan ninyo na mapakawalan si Kirion sa sumpang inilagay sa kanya." pagpapaalam ni Aedis.
Tumango kami sa kanya at nagliwanag na siya saka nahigop na siya ng katawan ni Yohan.
Lumapit na sa akin si Yohan at hinawakan ako sa braso. "Tara at pumunta tayo ng silid aklatan nitong palasyo. Siguradong nandoon ang makakagamot kay Kirion."
Hinila niya na ako ngunit hindi ako nagpahila kaya nagtatakang napatingin siya sa akin.
Nagtatanong ang kanyang mga mata at deretso akong nakatingin sa mga iyon. "May alam akong sa aking tingin ay nagmamay-ari ng librong kakailanganin natin."
*—-***—-*
Binuksan namin ang isang pinto ng isang silid kung saan naituro sa amin ng ilang mandirigma ang kasalukuyang kinaroroonan ni Pamela.
Bumungad sa amin ang isang binibining maganang kumakain sa hapag kainan at kaharap niya ang isang mandirigma na nakatitig lamang sa kanya.
Tumingin ako sa paligid at sila lamang ang nariritong dalawa.
Kanina pa kami nakatayo rito ngunit hindi nila kami napapansin.
"Eherm eherm..." pagkuha ng atensyon ni Yohan sa kanila at napabaling na sa wakas ng tingin sa amin ang mandirigmang si Seth ngunit si Pamela ay hindi matigil ang pagkain.
Bigla siyang napatayo nang kami'y makita.
"P-p-prinsipe! Prinsesa! A-anong pakay n'yo at n-n-napadpad kayo rito?!" Labis ang kanyang pagkautal at siya'y biglang-bigla.
"Bakit pinuno Seth? Hindi ba sila maaari rito katulad namin?" tanong ng lumapit sa kanilang si Piero. Kasama niya si Zetes at nang-uusig ang kanilang tingin sa kanilang pinuno.
Sila'y nakabantay kanina sa pinto at sila ang nakapagkumpirma na naririto si Pamela.
"Aba Seth... May nalalaman ka nang ganyan ha. Hindi mo man lang ako binalitaang may bago na pala sa nanlulumot mong lovelife! Yieeehhh!" panunukso sa kanya ni Yohan na ikinapula naman ng kanyang mga pisngi.
"A-ano ba talaga ang inyong pakay, prinsesa?" Sa akin na siya bumaling ng tingin dahil batid niyang sa akin siya makakakuha ng matinong sagot.
Lumapit na rin ako sa kanila kasunod ang aking mga kasamang sila Serafina at ang iba pa na nakabatid ng maaaring maging paraan para kay Kirion.
"Kailangan kong kausapin si Pamela."
Napatigil ng pagkain si Pamela at napatingin sa akin.
Punong-puno pa ang kanyang bibig. "Bakit prinshesha?"
"Kailangan ko ang iyong tulong."
Bigla naman siyang nasamid at agad-agad naman siyang dinulutan ng tubig ni Seth.
Nang mahiliran na ay tumayo siya at humarap sa akin habang nanlalaki ang mga mata saka napaturo sa kanyang sarili. "Aking tulong?"
Ngumiti lamang ako.
*—-***—-*
"Ang sabi rito'y ang mabisang panlaban sa isang sumpa ay kung ano ang ginamit sa iyo at kung ano ang intensyon ng gumawa niyon na maganap sa iyo." pagbasa ni Aria sa librong kanyang hawak.
Lahat kami ay nasa likuran lamang niya at nakikibasa.
"Tila naiintindihan ko na ang nais iparating ng nagsulat niyan," sabi ni Pamela na kasama namin.
Pati sila Seth, Piero at Zetes ay naririto rin.
Nang sabihin ko kay Pamela na kailangan ko ng lumang-lumang libro ukol sa mga panlaban sa sumpa ay hindi ako nadismaya sa kanya dahil mayroon siya niyon sa mga librong naiuwi nila ni ginoong Sueret noong araw na papatawan na sana ako ng parusang kamatayan dito sa Gemuria.
Pumunta pa kami sa kanyang silid upang hanapin iyon at nang matagpuan ay labis ang pagdiriwang namin.
Ngayon ay naririto kami sa isang pasilyo at nagkukumpulan. Ni hindi na namin nagawang pumasok sa isang silid upang doon basahin ang librong ito.
"Kung ikaw ay isinumpa upang mawalan ng buhay, kailangan na mawalan ka ng buhay upang tigilan ka na ng sumpang inilagay sa iyo." patuloy na pagbabasa ni Aria.
"Parang nakakaloko 'yon ah..." komento ni Yohan.
"Iyon ang nangyari sa iyo Aria," sabi ko kay Aria at tumango siya sa pagsang-ayon.
"Ito! Ito!" natutuwang sabi ni Dayna na katabi niya habang may itinuturo sa libro. "Kung mabagsik na posyon naman ang ginamit sa iyo, kailangan mo ng mismong mabagsik na posyong iyon upang mapawalang bisa ang sumpa." pagbasa naman niya.
Nagkatinginan kaming lahat.
"Posyon?" wala sa sarili naming tanong sa isa't isa.
"Katulad pala ito ng sa kamandag ng hypnalis. Kapag natuklaw ka ng isa ay kailangan mong magpatuklaw muli sa isang iyon upang maisalba mo ang iyong buhay," aniko.
"Ngunit saan naman tayo kukuha ng ganoong posyon?" tanong ni Seth na nangangamot sa ulo.
"Ang mahirap pa ay ang mismong posyon pa na ginamit ni Abellona ang kailangang hanapin," sabi naman ni Piero. "Mukhang mahirap pa naman hanapin iyon."
"Paumanhin Hemira..."
Napatingin kami kay Serafina dahil sa paghingi niya ng paumanhin.
Nakayuko siya at halata ang panlulumo at pagkadismaya niya sa kanyang sarili. "Paumanhin dahil wala akong kakayahan na makagawa ng ganoong posyon para kay Kirion. Dapat n'yo rin akong sisihin sa nangyayari sa kanya dahil ipinilit ko na kaya ko siyang gamutin kahit na batid ko sa aking sarili na hindi talaga umeepekto sa kanya ang mga lunas ko." Naluluha na siya.
"Hindi umbo Fina! Ako talaga ang may kasalanan!" Lumapit sa kanya ang naluluha na ring si Dayna. "Sa pag-aakala kong hindi matutupad ang nais ni Abellona, nanahimik ako at hindi nagsabi sa inyo. Patawad!" Umiyak na nang tuluyan si Dayna at niyakap siya ni Serafina upang ayuin.
"Walang may kasalanan ni isa sa inyo. Si Abellona talaga ang puno't dulo ng lahat ng ito." Nakakuyom ang mga kamao ni Eugene.
May talim ng galit sa kanyang mga mata.
"F*cksh*t kasi 'yung Abellona na 'yon! Namatay na pero nag-iwan pa ng sumpa! Nakakainis!" nanggagalaiti naman na sabi ni Yohan.
"Kailangan natin ng mabagsik na posyon." mahina kong sabi kausap ang aking sarili. "Sino ang maaari kong pagtanungan tungkol sa mga ganoong posyon?"
"Ehe eherm! Ano ang pinagkakaguluhan n'yo riyan? Bakit diyan pa kayo nagkukumpulan at humaharang sa daan?"
Sabay-sabay kaming napatingin sa taong padaan sa pasilyong aming nahaharangan.
Si ginoong Remus iyon. Kunot ang noo at nagsusungit na naman ang mukha. May hawak siyang abaniko at nagpapaypay.
Yumuko sa kanya sila Seth, Piero, Zetes, Pamela at Dayna ngunit hindi nagbigay galang sa kanya sila Serafina, Aria at Eugene. Si Euphemia naman ay nagtago sa likod ni Yohan sa sapagkatakot sa kanya.
"Yohan, tila nakikilala ko ang kanyang tinig." bulong ni Euphemia kay Yohan na aking narinig ngunit hindi naman siya pinansin nito.
"Wala naman ginoo. Aalis na rin naman kami." magalang kong sabi upang hindi siya makapagsimula ng isang maasim na pagtatalo.
Humalukipkip lamang siya. "Mabuti naman, prinsesa." Madiin ang pagtawag niya sa akin niyon na halatang nang-uuyam.
"Tara na nga. May epal na," sabi ni Yohan na halatang naiirita at paalis na sana kami...
"Narinig ko na kailangan n'yo ng mabagsik na posyon para sa liomean na iyan, hindi ba?" tanong ng ginoo kaya muli ay napatingin kami sa kanya.
"Pake mo?" pabalang na sagot ni Yohan.
"Ganoon? Sayang naman." Nagpaypay siya ng kanyang sarili. Inobserbahan ko siya at tila may nalalaman siya tungkol sa aming kailangan base sa kanyang mapagmalaking ngiti.
"May alam ka ba ginoo sa posyong makatutulong kay Kirion?" natutuwang tanong ni Dayna sa kanya.
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ng aroganteng prinsipeng iyan? Ano nga naman ang aking pakialam sa inyong problema? Kung alam ko man kung saan matatagpuan ang posyong inyong kailangan, hindi dapat ako mangialam sa inyo, tama ba prinsipe Argyris?" Ngumisi pa siya.
Nakuyom ni Yohan ang kanyang mga kamao at batid kong nagtitimpi lamang siya.
Humakbang ako palapit sa kanya kaya napatigil siya ng pagpaypay. Tinitigan ko siya nang malamig. "Sabihin mo ang iyong nalalaman." seryosong-seryosong sabi ko at alam kong kinilabutan siya dahil doon.
Nabakas ang sapagkatakot sa kanyang mukha ngunit ibinalik kaagad niya ang pagsusungit doon.
"Ano ang aking sasabihin? Ang winika ko lamang ay kung alam ko man, wala akong sinabi na batid kong talaga ang tungkol sa bagay na iyon." Nagpaypay siyang muli.
Napigtal ang napakahaba kong pasensya at siya'y kinuwelyuhan ko. Inilapit ko ang kanyang mukha sa akin at nakatitig nang deretso ang mga mata ko sa kanya. "Hindi ito ang tamang panahon para maisip mo na sasakyan ko ang iyong mga panglalaro at pang-uuyam."
Nabakas muli ang takot sa kanyang mukha.
"Tama na 'yan Hemira. Hindi dapat natin pinag-aaksayahan ng panahon ang mga taong kulang sa pansin." awat sa akin ni Yohan kaya siya'y akin nang binitawan.
Napaubo-ubo naman siya.
Bago ko siya talikuran ay malamig na tingin muli ang ipinukol ko sa kanya.
"Kung nais n'yo talaga ng mabagsik na posyong iyon, matatagpuan iyon sa kontinente ng Notos at nasa isang balon iyon."
Napatigil muli kami sa pag-alis at napabaling ng tingin sa kanya.
Tumayo na siya nang maayos at inayos ang kuwelyo niyang aking nagusot.
"Bakit naman kami maniniwala sa iyo, tabatsoy na kulot? Nais mo lamang kaming papuntahin sa kontinenteng iyon upang patayin sa init!" sigaw sa kanya ni Aria.
Halatang nainsulto siya sa itinawag nito sa kanya.
"Bahala kayo kung hindi kayo naniniwala. Sa kontinenteng iyon ako isinilang kaya alam ko na may isang lugar doon na pinupuntahan ng mga mangkukulam upang kumuha ng posyon na makapagbibigay ng sumpa. Ikaw Hemira? Hindi ba at doon ka rin naman lumaki? Bilang isang gladyator sa isang estadio roon noong ika'y paslit pa? Batid mo na nagiging pugad na rin ang kontinenteng iyon ng mga masasamang loob." Nanlalaki ang kanyang mga mata upang sabihin na siya'y nagsasabi talaga ng totoo.
"Bakit mo naman sinabi sa amin ang mga ito? Ano ang iyong motibo?" seryoso kong tanong.
Hindi siya isang tao na magbibigay ng ganoong kahalagang impormasyon upang makatulong, lalo't sa akin na kanyang labis na kinasusuklaman.
Ngumisi lamang siya. "Hindi ba at kayo'y mabubuting magkakaibigan? Handa n'yong ibuwis ang inyong buhay para sa isa't-isa? Bakit hindi kayo magsama-samang pumunta sa kontinenteng iyon. Sasabihin ko na rin na ang balong iyon ay sa bayan ng Sikab sa dulo ng disyerto ng Rahasa matatagpuan. Sige na at balutin n'yo na ang inyong mga gamit at kayo'y magpunta na roon."
"Tch. Kaya pala. Gusto mo lang pala kaming papuntahin sa disyertong 'yon dahil may tsansang mamatay kami ro'n at hindi na makabalik dito sa palasyo." Napunto ni Yohan ang tunay na intensyon niya sa amin.
"Kung anuman ang aking motibo, hindi na mahalaga iyon, hindi ba? Dapat nga ay magpasalamat pa kayo dahil nalaman ninyo mula sa akin ang nais ninyong mabatid." Nagpaypay siyang muli. "Tumabi na nga kayo at ako'y dadaan!" sapagkatapos ay kanya kaming hinawi. "Marami pa akong pinagkakaabalahan! Hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap ng walang silbing iyon na si Abun ang prinsesa! Hindi ko alam kung nawawala ba talaga ang prinsesa kaya hindi nila mahanap o may nagtago sa kanya upang hindi siya matagpuan." litanya niya na halatang nagpaparinig sa akin.
Siya'y nakalayo na ngunit nakasunod sa kanya ang matatalim na tingin ng aking mga kasama.
Nang siya'y lumiko na at mawala sa aming paningin ay nagkatinginan kami nila Yohan, Eugene, Serafina at Aria.
Iisa lamang ang nasa isip naming lima.
Hemira III 23.5 - Nais Sumama
~Hemira~
Sumakay na ako sa aking itim na kabayo at umayos ng upo.
Lumakad-lakad ito sa pagkabigla kaya naman hinaplos ko ang gilid ng leeg nito upang pakalmahin.
Nais ko sanang si Nyebe ang aking sakyan ngunit napag-alaman ko na siya'y buntis. Ipinaalam iyon sa akin ng kanyang tagapangalaga.
Laking gulat ko dahil noon pa ma'y inaakala kong lalaki siyang kabayo. Labis din akong natuwa dahil magkakaroon na siya ng mga supling.
Kapag bumalik na kami mula sa aming paglalakbay na ito ay bibisitahin ko siya sa kanyang kuwadra upang tingnan kung siya'y nagsilang na.
"Hemira, hindi ba ako mahuhulog dito?" tanong ni Aria na nakaupo sa aking likuran.
Nilingon ko siya at bakas sa kanya ang takot at pag-aalala sa taas ng sinasakyan namin.
Ako'y napangiti. "Kumapit ka sa akin nang mahigpit nang sa gayon ay hindi ka mahulog sa pagtakbo ng kabayong ito."
Ginawa naman niya ang aking sinabi.
Umungol ang isang kabayo malapit sa akin kaya napatingin ako roon.
Kabayo iyon na sinasakyan ni Eugene. Tinulungang makasakay si Serafina at makaupo nang maayos sa kanyang likuran.
"Tsk! Paano ba sumakay dito?" naiinis na tanong ni Yohan dahil hindi siya makasakay sapagkat lumalayo sa kanya ang kanyang kulay abong kabayo.
Pinalapit ni Eugene sa kanyang puwesto ang kabayong sinasakyan nito at ni Serafina. "Iyo munang paamuhin ang nabubuhay na iyan upang hindi iyan matakot sa iyo."
Kahit halatang natatakot ay ginaya niya ang ginawa ko kanina sa aking kabayo.
Dahan-dahan niyang hinaplos ang leeg nito at nang sa kanyang tingin ay kumalma na ito'y sinubukan niya nang sumakay.
Labis naman ang kanyang kasiyahan nang mapagtagumpayan niya na. "Gano'n lang pala!"
"Marunong ka bang magpatakbo niyan?" tanong ko.
Mapagmalaki naman siyang ngumiti. "Ako pa ba? Tinuruan naman ako ni ginoong Sueret na magpatakbo nito pero ang hindi ko lang talaga natutunan ay kung paano muna sumakay. Lagi kasing may naalalay sa 'kin."
"Yohan! Iangkas mo ako!"
Napatingin kami sa sumigaw na iyon at hindi namin inaasahan na makita si Euphemia.
Pilit niyang hinihila ang puting kasuotan ni Yohan upang paangkasin siya nito.
Lahat kami'y mga nakaputi at may talukbong sa aming mga ulo.
"Tumigil ka nga Euphemia! 'Di ba sinabi ko sa 'yo na hindi ka puwedeng sumama! Delikado ang pupuntahan namin! Baka kung ano pang mangyari sa 'yo ro'n!" Pilit na inaalis ni Yohan ang pagkakapit niya sa pang-ibabang kasuotan nito.
"Batid ko naman kung gaano ako kahalaga sa iyo at nag-aalala ka lamang para sa aking kalagayan ngunit nais ko talagang sumama! Wala naman akong masyadong kilala rito sa palasyo kundi kayo lamang nila Hemira. Sige na at iangkas mo na ako! Please!" Lalo pa siyang kumapit sa binti nito kaya naman naaalibadbaran ang kabayo.
"Euphemia! Isa! Kapag nagwala 'tong kabayo ko, patay ka sa 'kin!" banta ni Yohan.
"Sige na Yohan... Isama mo na ako!" Bumaling siya ng tingin sa akin at nagmamakaawa. "Hemira... Sabihin mo naman kay Yohan na isama ako... Pakiusap..."
Hindi ko naman alam ang aking isasagot.
Nang mabatid ko kung gaano kadelikado ang kontinente ng Notos ay labis ang pagbabala ko sa aking mga kasamahan na parating kaligtasan ng kanilang buhay ang kanilang iintindihin.
Kung isasama namin siya ay maaaring mapahamak siya sa lugar na iyon lalo na at hindi siya marunong makipaglaban.
"Hemira..." pangungulit niya pa rin sa akin.
"Magiging pabigat ka lang sa 'min eh!" malakas na sigaw ni Yohan sa kanya at halatang natigilan siya sa sinabi nito.
Napatinging muli siya rito at nabitaw na. Bakas sa kanyang mga mata na siya'y nasaktan.
Halatang nausig naman si Yohan ngunit iwinaksi niya kaagad iyon upang panindigan ang kanyang pagtanggi sa pagsama ni Euphemia.
Napayuko ang diwata at halatang luluha na ito.
"Sige na at isama na natin siya. Mukhang nais niya talagang sumama kaya pagbigyan na natin siya," sabi ni Eugene kaya napatingin kaming lahat sa kanya miski si Euphemia.
Ngumiti lamang siya sa amin.
Magrereklamo na sana si Yohan ngunit nagsimula nang magdiwang si Euphemia.
"Yehey! Sasama ako!"
Tila nangyari na ito noon.
Sinubukan niyang umangkas kay Yohan ngunit nilayo nito ang kabayo nito sa kanya.
"Kung gustong-gusto mo talagang sumama at hindi ka magpapaawat, doon ka kay Eugene umangkas. Tutal naman, siya ang pumayag na sumama ka," sabi nito at tinuro si Eugene kaya napatingin siya sa binatang Arthan.
Ngumiti ito sa kanya ngunit napaiwas kaagad siya ng tingin.
"Sa 'kin ka na umangkas Serafina. Diyan mo kay Eugene paangkasin ang maligalig na diwatang 'to," wika ni Yohan.
Agad namang tumalima si Serafina at bumaba ng kabayo ni Eugene sa alalay nito at umangkas sa kanya sa kanya namang alalay.
Nakatayo lamang si Euphemia at hindi lumalapit kay Eugene.
"Oy diwata! Ayaw mo na bang sumama?" naiinip na tanong sa kanya ni Aria at mukhang nagising siya ng tanong na iyon.
"Nais kong sumama!" sigaw niya.
"Kung gayon ay ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan?" mataray na tanong muli ni Aria sa kanya.
"Ngunit..." Nakatingin na muli siya kay Eugene at nang ilahad nito ang kamay nito upang alukin na siyang umangkas ay napatitig na lamang siya rito.
"Kapag hindi ka umangkas kay Eugene pagkabilang ko ng tatlo, aalis na kami." banta ni Yohan sa kanya kaya napabalik muli siya sa kanyang sarili.
"Isa! Dalawa!"
"Ito na Yohan! Ako'y aangkas na!" Siya'y nagmadali at kahit sa una'y nagdadalawang isip na tanggapin ang kamay ni Eugene na nakalahad ay hinawakan niya na rin iyon.
Hinila naman siya pataas nito upang maiangkas.
Siya'y napatili pa sa pagkabigla.
"Aangkas din naman pala. Nagpatagal lamang." maasim na parinig sa kanya ni Aria.
Hindi naman niya ito narinig dahil tuliro siya habang nasa likuran ni Eugene.
Nang mukhang ayos na ang lahat at handa na kaming umalis ay tumingin ako sa mataas naming palasyo.
Hindi na kami inihatid ni ginoong Sueret upang walang makabatid ng aming pag-alis.
Tumingin ako sa bintana sa taas ng palasyo kung saan matatagpuan ang silid ng aking ama.
Napangiti ako nang makitang nakasilip sila roon ng aking ina.
Noong heneral pa lamang ako at misyong iligtas si prinsesa Ceres sa Abellon ay si ama lamang ang nakasilip sa akin, natatandaan ko pa. Ni hindi pa namin batid na kami'y magkadugo.
Ngumiti sila at kumaway-kaway sa akin si ina. Naluluha ako ngunit pinigilan ko. Bagkus ay ngumiti rin ako at kumaway sa kanila.
Nang makontento na ako sa pagpapaalam sa kanila ay hinarap ko ang aking mga kasamahan sa panibagong paglalakbay na ito. "Kailangan kong sabihin ito bago tayo magsimulang maglakbay."
Nakikinig naman sila nang matiim.
Tumingin ako isa-isa sa kanila. "Sisiguraduhin natin na matutupad natin ang pangako ko kina ama na babalik tayong ligtas at kumpleto. Kung kayo'y sumasang-ayon ay sa akin na rin kayo nangangako."
Determinado naman silang tumango lahat.
Napangiti ako. "Kung gayon... Tayo na mga kasama!"
Itinalukbong na nila sa kanilang mga ulo ang puti nilang kasuotang talukbong at ganoon din ako.
Doon ay nagsimula na naming lisanin ang palasyong ito ng Gemuria upang maglakbay patungong kontinente ng Notos.